018 - Mamuhay Nang Iba sa Nakasanayan

Sa umaga, pagkamulat ng mga mata,

Sana masilip sa 'yo ang buhay na pangarap.

Sa bawat paghigop ng kape at pagkain ng almusal,

Nawa'y magbigay ito ng lakas patungo sa mga dinarasal.

Sa tanghali, sa muling paglaman ng tiyan,

Sana mabusog din ng ambisyon ang iyong kaluluwa.

Kasabay ng muling pagbalik sa gawain na kailangan,

Nawa'y makita mo rin ang sarili na kumilos nang ayon sa kagustuhan.

Sa gabi, habang pagal na sa pag-uwi,

Sana hindi lang "bahay" ang babalikan kung hindi "tahanan".

Para sa muling pagharap sa hapag-kainan,

Hindi na pagtakas sa reyalidad ang natitirang oras ng paglilibang.

Sa pagsapit ng hatinggabi,

sana makita mo ang sarili,

Na masaya sa tinakbo ng iyong araw at maluwag ang paghinga,

Para hindi ka na umiwas sa pagsagot ng tanong na, "Kumusta ka na?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top