NILAMON NG PAG-IBIG
Ang malamig na hangin ay humaplos sa pisngi ni Jules. Ang bawat haplos nito ay kaligayahan ang katumbas sa kanyang puso. Parang musika rin sa pandinig ng binata ang ingay ng mga kuliglig sa paligid. Ang marahan ingay nito ay pinapakalma ang puso niyang kanina pa hindi magkahumayaw sa pagtibok.
Kasalukuyang nasa itaas sila, sa bubong kasama ng nobyang si Julie. Tulad ng nakagawian, nasa bubong sila at may ngiting nakatingin sa kalangitang may mga tila diyamanteng kumikinang rito.
"Sabihin mo sa akin, hindi ka na ba titigil?" May inis sa tono ng nagsalitang si Julie.
Mahinang bumangon mula sa pagkakahiga ang binata. Ginapos ng kanyang mga braso ang tuhod at seryosong nakapako ang tingin sa dalaga.
"Pero. . .Julie, alam mo namang. . ."
Pinutol nito ang pagsasalita ni Jules. "Oo! Alam na alam kong mali. Tigilan mo na kasi iyan."
Dumaan ang katahimikan. Kasabay n'on ay ang pag-ihip ng hangin na gumulo sa hanggang balikat na buhok ng dalaga. Kunot-knoong nakatingin ito sa langit na para bang nakatingin sa isang kaaway. Nawala na ang ngiting kanina ay kitang-kita sa mga mata nito.
"Sayang, magtatapos na ang taon pero pinag-uusapan pa rin natin ang problema. Di ba pwedeng maging masaya na lang tayo, Julie? Isantabi muna natin 'yan."
Nagtagis ng tingin ito sa binata. "Walang kinalaman ang taon sa problema natin. Gusto ko lang. . ." Natigilan si Julie, parang may biglang bumara sa lalamunan nito at may mga luhang nagbabadya sa kanyang mabigat na paghinga.
Mabilis na inabot ni Jules ang pisngi ng dalaga. Parang alam niyang uulan na naman ito ng luha. "Wag na please! Malapit nang pumutok ang mga ilaw mamaya sa kalangitan. Wag na Julie, please."
Isang pagsandal lang ng dalaga sa dibdib ng binata ang itinugon nito. Naglalambing ito at kinukulit ang maliit na bigote ni Jules na naabot nito. At doon sumilay ang ngiti sa labi ni Jules dahil alam niyang tumigil na ang dalaga sa pagkainis sa kanya.
Gamit ang braso, naging jacket ito ng dalaga sa malamig na hangin sa labas. Iginapos ng binata ang mga bisig niya sa dalaga, proteksyon sa lamig at sa pag-aapoy sa pag-ibig nilang dalawa.
Isang simpleng binata lang si Jules. Anak siya ni Estong na nangangalak ng bakal sa mga karatig bayan. Hindi gaanong kagandahan ang pagtrato ng buhay sa kanila kaya naisipan niyang maging konstruksyon worker para pantulong na rin sa kanilang pantustos.
Kapit-bahay lang sila ni Julie at magkababata. Dahil na rin sa kabaitan ni Jules at parating nakikipag-usap sa dalaga sa bakante niyang oras, nahulog ang loob nilang dalawa at magpahanggang sa ngayon ay sila pa rin ang magkasintahan.
"Mga sampong taon mula ngayon, ano na kaya ang buhay natin, no, Jules?"
Humugot ng hangin si Jules, kapagkuwa'y binuga niya ito. Mabigat para sa kanya ang tanong at may kinalaman ito sa desisyon tatahakin niya ngayon.
"Siguro, maayos na ang buhay ko. Matagal na namang maayos ang buhay ko, nang makilala kita, Julie. Maayos sa paraang matutuwa ka sa magiging kahihinatnan ko." Inabot ng binata ang mukha ni Julie at hinalikan ito sa pisngi.
"Anong ibig mong sabihin?" Tulalang nakatingin ang dalaga sa kanya.
Ngumisi si Jules, nanliit ang ang bilugang mata niya. "Ang ibig kong sabihin, may anak na tayo. Tatlo, dalawang lalaki at isang babae."
Lumayo ng kaunti ang dalaga at kunot-knoo itong humarap. "Isa lang ang babae? Ayoko n'on. Gusto ko dalawang babae. Para may katulong ako sa gawaing bahay."
Bago pa nagsalita si Julie, unti-unti nang lumalapit ang bibig ni Jules sa labi nito. Malayang naglakbay ang labi ni Jules sa ere hanggang sa lumapat ito sa bibig ng dalaga. Hindi ito inaasahan ni Julie kaya nagpaubaya na lang ito sa binata.
Tumigil ang oras, huminto ang hangin at nawala ang tunog ng mga kulisap. Tila parang may mundo silang sila lamang ang nakakaalam. Bigla na ang bumilis ang tibok ng kanyang puso. Para itong tunog ito ng mga yabag ng kabayong nakawala sa hawla. Mabilis pero may sipa. Naririnig niya ang pagtawag ng pangalan ni Julie sa bawat tibok nito.
"Mahal kita, Julie. Kahit ilang anak pa ang gusto mo, ibibigay ko sa 'yo, kahit na magandang buhay ay pipilitin kong ibuo para lang sa iyo."
Marahang hinaplos ng kamay ng dalaga ang pisngi ni Jules. Alam nitong 'di gawain ng binata na magsalita ng walang katotohanan.
Humingos ang dalaga at tuluyan nang umagos ang mga luha sa mata. "Kaya nga. . .Paano mo magagawa ang mga iyan, kung hindi ka titigil."
Hindi na nakapagpigil si Jules, inagaw niya ang dalaga at inilapit niya ito sa kanya at niyapos nang napakahigpit.
"Matagal ko nang itinigil iyon. Hindi mo pa inisip ay matagal nang ihininto iyon. Natakot ako, Julie. . ." May panginginig sa mga salitang binitiwan ni Jules. "Natatakot akong mawala ka sa aking piling, mahal ko."
"Hindi. . .Hindi mangyayari iyon." Mas hinigpitan pa ni Julie ang pagkakayakap nito sa binata.
Ang tahimik na lugar ay muling naging maingay. Dinig na dinig nila ang pagbibilang ng mga tao sa plaza, countdown ito sa pagsalubong sa 2019.
". . .three. . .two. . .one. . . Happy New Year!"
Isang usok ang humarurot sa langit at sumabog. Nagbigay ito ng magandang liwanag sa langit. Sunod-sunod na pagsabog ng ilaw ang nangyari. Napaisip bigla si Jules sa nakitang mga liwanag mula sa yerong inuupuan nilang dalawa.
"Ang pag-ibig natin ay parang paputok, Julie. . ."
Mahinang hinampas ni Julie sa Jules sa balikat. "Wag ang paputok. Nawawala kasi iyan."
Mahinang tumawa si Jules. "Paputok dahil kahit na nasa malayo tayo at hindi man magkasama, makikita't makikita natin kapag tayo ay tumingala."
Inabot ni Jules ang kamay ni Julie at ibinigay ang kapirasong papel na nakatupi.
Iniyukom ni Jules and kamay ni Julie. "Mamaya mo na basahin."
"Nahihiwagaan talaga ako sa iyo. . ."
Ngumiti lang ang binata at patuloy nilang tiningnan ang magandang palamuti ng langit. Hawak-kamay nilang pinanood iyon at maya't mayang pagdampi ng halik sa kanilang labi.
Sa 'di kalayuan, narinig nila ang wangwang ng parak. May i-raraid na naman siguro ang mga kapulisan na drug addict sa kanilang lugar. Mabilis na pumintig ang puso ni Julie. Ayaw man nitong isipin pero bigla na lang si Jules ang tumatakbo sa isip nito.
Mahigpit na hinawakan ni Jules ang kamay ng dalaga. Ayaw niyang matakot si Julie.
"Mukhang time is up na mahal. . ." Ngumiti si Jules pero mapakla at ayaw niyang maapektuhan ang dalaga.
Nakita ni Julie ang mga malungkot na mata ni Jules. Saksi ito kung paano nangingilid ang mga luha niya sa mata. Parang kinain ng kaba at takot ang dila ni Julie sa mga pinagsasabi ng binata.
"A-ano ang ibig sabihin nito?" Bumitaw si Julie sa kamay ng binata at malayang tumawid ang mga luha nito sa pisngi.
"Ten years from now, pangako! Tutuparin ko ang pangako ko sa iyo, Julie. Mahal na mahal kita. . ."
Mas lalo pang umagos ang mga luha ni Julie nang sa bintanang dinaanan nila kanina, may mga parak na lumusot.
"Jules Mendoza, iniimbitahan ka namin sa prisinto. Nasa listahan ang pangalan mo sa TokHang. . ."
Sa bilis ng pangyayari, kinuha nila si Jules at naiwan ang dalagang iyak nang iyak. Parang sinugatan ng punyal ang puso nito habang naabot ng tanaw ang nobyong nakaposas at ipinapasok sa sasakyan ng pulis. Wala itong magawa kung di umiyak na lamang.
----
Ilang taon din ang lumipas at mag-isang sinalubong ni Julie ang bagong taon. Ilang taon ang dumaan at walang ngiting nakikita kay Julie. Naalala lang kasi niya ang masakit na karansan sa pag-ibig.
Isang gabi bago ang New Year, lumapit si Dian kay Julie. Humihingal ito na humarap sa dalaga. Kunot-knoo namang tiningnan niya ang kapatid.
"Ate, ate. . .May countdown sa New Year. Punta tayo sa plaza?"
Bumigat ang pakiramdam ni Julie. Para saan ba ang pagsasaya kung ang puso naman ng dalaga ay kinukuyom ng alaala ng kahapon. Napabuntong-hininga na lang ito.
Pero sadyang makulit ang kapatid at hinatak si Julie papalabas. Walang magawa siya kung di ang sumunod.
Nang makalabas si Julie, di niya na maintindihan ang nararamdaman. Nangingilid ang luha sa mga mata niya at mabilis ang tibok ng puso niya na para bang may kung anong masama na mangyayari.
Sa lumang eskinita sila dumaan. Madilim doon at di masyadong nakikita ang mga tao. Nang naglakad sila, nasapo ni Julie ang dibdib ng may isang taong bumangga sa kanya.
Nanghina siya. Bumilis ang paghinga niya nang maamoy ang pamilyar na pabango. Nanginginig siya at parang 'di na niya kaya pang tumayo.
Buong pagtataka niyang tinawag ang pangalan ng nobyo. "J-jules?"
Humigpit ang pagkakayakap nito at doon lang niya nalaman na si Jules nga ang yumakap.
"Heto." Inabot niya ang papel na hawak ng binata. Di man niya mabasa ng maayos dahil sa dilim, nakita lang niya ang kalayaan.
Hinawakan ng binata ang mukha ni Julie at inilapit ito sa kanya. "Nilamon ako ng pag-ibig, Julie. . .Iniwan ko ang lahat para sa iyo. Ako na ang bagong Jules na mahal mo. Mahal kita.
" Niyakap siya nito nang napakahigpit.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top