Kabanata 23:
Sa sentro ng bayan ay maraming naggagandahang palamuting pamasko, mayroong mga punong sinabitan ng sari-saring kulay na mga kandila na sinindihan kaya ito nagliliwanag. Ang bawat pamilya ay kaniya-kaniyang bati ng mga katagang Maligayang Pasko sa kanilang mga kamag-anak.
Ambon na lamang ang nararamdaman sa bayan, kaya ang mga taong nanggaling sa loob ng Iglesia Parroquia De San Juan Bautista na dumalo sa misa para sa Noche Buena ay nagsisisindi na ng kani-kanilang mga payong upang ipangsangga sa ulan.
"Maligayang pasko!" Ang bati ng ilang mga bata na kasama ang kanilang nga magulang sa kanilang mga kamag-anak. Masaya itong pinagmamasdan nila Nicolas at Pepito, nagkatinginan ang dalawa.
"Maligayang Pasko, Pepito... patawad at wala akong maireregalo sa iyo, ngayong wala na tayong tirahan, wala pa tayong matutulugan, wala tayong makakain... paano na ang bukas?" Nakangiting saad ng binata sa kapatid, pilit nitong itinatago ang lungkot sa mga nangyayari.
Basang-basa sa ulan ang magkapatid, lamig na lamig sila ngunit walang taong nais silang tulungan. Nilalampasan lamang sila ng mga ito, ang ibang mga nakaaangat at tipong pinandidirihan pa sila. Ang ilan naman ay umiiwas na lamang ng tingin.
Sandali pa ay lumakad ang dalawa papunta sa nakaukit na imahen ng Birheng Maria sa Cota sa likod ng simbahan at habang tumatangis ay hinawakan ito ni Nicolas. Dumalangin siya sa Inang Birhen.
"Birheng Maria sa Cota, bakit po ganito na lamang ang mga nangyari? Bakit po parang hirap na lamang ang aming natatamasa? Bakit po puro na lamang hirap kung gayong ginawa ko naman po ang lahat upang gumaan ang aming buhay?" Tumatangis si Nicolas habang kinakausap ang imahen, malapit na itong humagulgol.
"Inang Maria sa Cota... hindi na po namin kaya! Umaayaw na po kami! Huwag niyo na po kaming pahirapan! Alang-alang lamang po sa aking kapatid... pakiusap po, ayaw ko na pong maghirap siya at ang aking sarili" Pagkatapos niyang magwika at niyakap niya ang kaniyang kapatid, pareho silang tumatangis at lamig na lamig na.
Sandali pa ay napasulyap si Nicolas sa durangawan ng simbahan, bukas ito at maliwanag sa loob nito, dahil sa labis na pagod ay nagpasiya silang lapitan ang liwanag sa durangawan. Iniakyat ni Nicolas ang kapatid at ang kaniyang sarili upang makapasok sa loob.
"Isa na lamang po ang aking hiling ngayon, Birheng Maria sa Cota... iyon ay ang makita ko na ang mga larawan sa loob ng simbahan, alam ko pong ilang oras na lamang ay masasawi na kami nang dahil sa lamig kaya po nais kong pagbigyan niyo po ito..." Sambit ni Nicolas saka tuluyan na ngang pumasok sa loob.
Walang tao sa loob ng simbahan, sarado ang pintuan nito sa harapan, at tanging ang nagbibigay-liwanag lamang sa buong paligid ay ang liwanag ng mga kandilang nakasindi sa bawat haligi nito.
Sa bawat haligi ng simbahan ay may mga poon, at doon ay may mga nakaratay na mga bulaklak at mga kandilang sinindihan. Ang daan papunta sa retablo ay sadyang kaaya-ayang tignan at pagdating sa gitna nito ay may mga retablitos na nakalagay rin sa gilid. Pawang ang retablo lamang sa gitna ang may ilaw at dalawa sa mga poon na nakalagay dito ay nagliliwanag. Ang poon ng Birheng Maria sa Cota, at ang Poon ni San Juan Bautista.
Hinawakan ni Nicolas ang kamay ng kapatid, sabay silang tumngala sa kisame, biglang nagliwanag ang lahat at pawang may mga kumakantang kerubim at kupido ang kanilang nakita. Ang mga larawan sa itaas ay sadyang nagniningning, ang ipinintang larawan ng mga poon, ang larawan ng mga anghel, at iba pa ay naipaliwanag sa kagandahan.
Dito na nabighani at napaupo si Nicolas at Pepito, dahil sa labis na pagod ay napahiga sila sa sahig, tumatangis nang dahil sa tuwa.
"Inang Maria sa Cota, masaya na po ako... at ang kapatid ko rin po ay tinitiyak at nababatid kong masaya na rin" Wika niya habang pinagmamasdan pa rin ang mga larawan sa kisame.
"Pepito, pagmasdan mong mabuti ang mga larawang iyan, ang mga iyan ay ang mga ipinintang larawan ni Don Juan Sans Cruzado... ang mga larawang nais kong makita noon pa man. Baka heto na rin ang huling pagkakataon na makikita natin ito Pepito... baka wala nang susunod... baka wala nang kasunod..." Nauutal niyang wika sa kapatid.
Sandali pa ay inunan niya ang kaniyang balikat at ipinatong dito ang ulo ng kaniyang kapatid na pinagmamasdan pa rin ang mga larawan, inaantok na ito at gusto na nitong magpahinga.
"Pepito, inaantok ka na ba? Sige, matulog ka na... nandito lamang si Kuya Nicolas mo. Marami naman rin tayong kasama rito, naririto ang mga santo, si San Juan Bautista, ang Kristo Hesus, at ang Birheng Maria sa Cota. At si Lolo Gregorio... alam mo namang sinusubaybayan niya tayo sa langit" Wika nito, hinaplos niya ang ulo ng kaniyang kapatid saka niya ito niyakap.
Mahihimbing na ito, nanginginig sa lamig ngunit hindi niya ito alintana. Sandali pang sumilay muli sa mga larawang nakapinta sa kisame ang binata saka siya napasambit.
"Idinadalangin ko po, sa ngalan ng Kristo Hesus, ang panginoon ng langit at kabutihan, na kami ay gabayan sa kung ano man ang mangyari sa akin at sa aking kapatid na nahihimbing na... kung masasawi man po kami ay masaya na po kami, at ako po... masaya na po ako dahil kahit paano ay nasilayan ko ang mga nakapintang larawan sa loob ng Iglesia Parroquia de San Juan Bautista..."
"Masasawi akong hindi man lamang nasisilayan ang pagpatak ng bukang liwayway, at ang mga taong naging mahalagang bahagi ng aking buhay bukod sa aking kapatid. Sila Lola Teresita at Ginoong Jose, sila Juan at Pedro. At ang mahal kong si Elena..." Muli ay sumambit siya, sa pagkakataong iyon ay ngumiti na siya at nakakuha nang dahil sa magkahalong lungkot at tuwa.
"Kahit nasaan man ako, patuloy ko siyang mamahalin, bilang isang kaibigan at bilang isang iniirog. Ni hindi ko man lamang naamin ang aking nararamdaman sa kaniya. Ni hindi man lamang ako nakapagpaalam sa kaniya, at sa iba ko pang mga kakilala at kaibigan. Masasawi akong hindi man lamang nakapagpaalam..."
"Sana ay maipahatid ko ang aking pamamaalam kung ako man ay hindi na makaaabot sa kinabukasan, saksi ang simabahang ito sa lahat ng paghihirap naming magkapatid, saksi ang mga taong aking nabanggit sa aming ikinabuhay rito sa lupa. Kapatawaran ang aking hinihiling sa aming mga kasalanan, sa mga pagkukulang, sa isipan, sa salita, at sa gawa"
"Sa oras na ito... nais ko nang mamahinga, kung ako man ay masasawi, kasama ko si Pepito at maglalakad kami patungo sa kaharian ng Diyos amang makapangyarihan sa lahat. Yayakapin namin si Lolo Gregorio ng buong puso at buong saya, at makikita na namin ang mga magulang naming hindi namin nasilayan mula pa man sa aming unang pagdilat"
"Panginoong Hesus... tanggapin niyo po kami sa inyong kaharian. Amen"
Pagkatapos itong sambitin ni Nicolas ay bumagsak na ang kaniyang mga mata, hindi niya alam ang mga nangyari. Nawalan na siya ng malay sa mga nagaganap.
Mas lalong nagliwanag ang buong simbahan at kalaunan ay namatay ang mga nakasinding kandila rito. Naiwan sa loob ang nahihimbing na magkapatid.
Pagkaraan ng magdamag, ang sangkatauhan sa baryo ng Himenes ay wala nang nabalitaan patungkol sa nangyari sa dalawa, hindi nahanap ang mga ito, walang makitang mga lugar kung saan sila nagtungo.
Sinubukan rin nilang maghanap sa simbahan ngunit wala rin silang nakita, naging palaisipan ang nangyari sa dalawa, at hanggang sa sumapit ang kasalukuyang panahon ay hindi pa rin natagpuan ang mga ito.
Kaya isinaisip na lamang ng sangkatauhan sa baryo ng Himenes na patay na si Nicolas at si Pepito.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top