Kabanata 18:
Sa paglipas ng mga araw ay naging iba na nga ang tingin ng sangkatauhan sa pagkatao ng binatang si Nicolas at ang kapatid nitong si Pepito, wala nang naging bukang bibig ang sambayanan sa binata kung hindi ang nangyari sa molino na pag-aari ng Pamilya Cortez.
Sa bawat gabing nagdaan ay hindi mapigilan ng binata ang tumangis, ang kaniyang kapatid ang kaniyang naging sandigan. Dahil nga pinag-uusapan na siya ng buong sambayanan ay itinigil na rin ng asawa ni Ginang Soledad na bigyan pa ng mailalakong gulay sa palengke ang binata upang magkaroon ng kabuhayan. Labag man ito sa loob ng ginang ay wala siyang magagawa dahil ang kaniyang asawa ang masusunod.
At dahil iniutos rin ito ni Don Mariano, na kahit anong mangyari ay huwag nang bigyan pa ng trabaho ang binata dahil isa itong Kriminal, Hampas-lupa, at Arsonista.
Pinilit ni Nicolas na maghanap ng iba pang trabaho ngunit wala siyang mahanap. Ito ay dahil sa ibinibintang sa kaniya, o kaya naman ay walang bakante sa balak niyang pasukan.
"Lolo Gregorio, kahit ano pong gawin ko ngayon ay wala na pong tumatanggap sa akin, inalis na po ako nila Ginang Soledad sa paglalako ng kanilang gulay merkado... Lolo Gregorio, hindi ko na matanto ang aking gagawin" Tumatangis na saad ng binata sa harap ng puntod ng kaniyang lolo. Kasama nito si Pepito na kaparehas din sa kaniya ang nararamdaman.
Nang dahil nga sa wala nang trabaho si Nicolas ay paunti-unti na ring nauubos ang kaniyang ipon, ngunit hindi pa rin siya sumuko, ilang araw pa ang lumipas ngunit wala talaga siyang mahanapan. Naghanap na rin siya sa kabayanan ngunit wala siyang mahanap na maaaring mapasukan. Ang dalawa niyang maaaring matakbuhan paroon ay ang kaniyang Lola Teresita at si Ginoong Jose ngunit ito nga ay umalis patungo sa lungsod ng Heneral Tinio, at wala namang maipaglilingkod ang ginoo sapagkat ito ay nakakapos na rin.
Pag-uwi nito sa dampa ay itinuloy nito ang kaniyang ipinipintang larawan, ngunit hinadlangan siya ng kaniyang lungkot at siya ay napatangis nang muli. Ngunit...
"Nicolas" Nanlaki ang kaniyang mga mata nang marinig ang isang pamilyar na tinig, tinig ng isang matandang lalaki. "Nicolas" Sambit muli nito dahilan kung bakit siya napalingon sa direksiyon kung saan ito nagmula.
Maliwanag ang buong paligid, may sindi ang kalan at may ilaw ang lampara, sa kalan rin ay may nakasalang na saba na siyang iniluluto ng isang matandang lalaki, si Lolo Gregorio.
"Alalahanin mo, apo... hindi ka nag-iisa" Saad nito saka siya ngumiti. "Naririyan si Pepito upang samahan ka, naririyan rin si Elena, si Juan, at si Pedro... hindi ka nila iiwan" Muling naluha ang binata, gusto nitong yakapin ang kaniyang lolo, ngunit may kung anong pumipigil sa kaniya upang ito ay gawin.
"Ako ay naririyan lamang rin at binabantayan ka, gaya ng aking ipinangako... alam ko na wala kang kasalanan sa pagkasunog ng molino kaya dapat ay wala kang katakutan" Mas lalo pang tumangis ang binata dahilan upang mapuno ng luha ang paligid ng mga mata nito.
"Kaya mo na ang iyong sarili... huwag kang susuko ano man ang mangyari... pahalagahan mo ang iyong talento sa pagguhit... dahil iyan ay regalo ng maykapal" Pagkatapos ng mga tinig na ito ay biglang nagbago ang paligid, wala na ang liwanag sa kalan wala na rin ang nilulutong sabaw... at wala na rin ang kaniyang lolo.
Napabaling siya sa isang tabi at nakita niya ang kaniyang kapatid na si Pepito na mahimbing na natutulog. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha at saka siya ngumiti.
"Salamat po, Lolo Gregorio... kakayanin ko po kahit ano pa pong mangyari, at palagi kong pahahalagahan ang aking talento" Sambit niya saka siya muling humarap sa kaniyang ipinipinta. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa ginagawang larawan.
Sa paglipas pa ng mga oras ay dito nawala ang kalungkutan sa kaniyang puso at utak. Idinaan niya na lamang sa pagpipinta ang kaniyang lungkot, at nang dahil dito ay nakakompleto siya ng isang magandang obra, isanh obrang walang makapapantay dahil labis na binuhusan ng hirap, pagsisikap, at emosyon.
Sakto ang pagbalanse ng mga kulay, ang tekstura ay siyang kahanga-hanga, at ang mensahe ay simple ngunit emosyonal. Ito ay ang ibinibintang larawan ni Lolo Gregorio at ni Pepito na magkasamang nagtatampisaw sa ilalim ng araw. Sa mga damong napapalooban ng magagandang kulay na mga bulaklak. Habang may isang lalaking sa likod ng mga ito ay matatagpuang gumuguhit habang nakangiti. Iyon ay ang kaniyang sarili.
Sumapit ang umaga, nakompleto niya ang kaniyang ipininta at siya ay nagtungo sa munisipyo upang ito ay isumite, masayang-masaya ang binata dahil nagawa niya nang isumite ang kaniyang pinaghirapan. Iniwan niya muna si Pepito sa dampa at sinabihan itong huwag lumabas kahit ano pa man ang mangyari, sinunod naman ito ng kaniyang kapatid at pinabayaan na ang kuyang umalis.
Sa munisipyo ay medyo maraming tao, ang ilan ay nagsusumite ng kanilang mga ipinintang larawan at ang iba naman ay may sinasadya lamang puntahan, kuno magbabayad ng buwis, kakausapin ang alkalde, may kukuhaning papeles sa sekretarya, o kung ano pa man.
Sa mga nagsusumite ng kanilang mga obra, ang mga kuwadro ng mga ito ay malalaki, ang iba ay katamtaman, at ang iba ay maliliit. Walang paki-alam si Nicolas sa laki ng kuwadro ng kaniyang obra dahil alam niyang pinaghirapan niya ito at pinagbuhusan niya ng pagsisikap.
Nang maisumite niya ang kaniyang ipininta at kaagad siyang dumiretso sa Iglesia Parroquia de San Juan Bautista upang siya ay dumalangin, dahil nga hindi nagpapapasok ng walang bayad sa loob ay sa nakaukit na imahen sa gilid ng simbahan siya dumalangin. Ginawa niya ang tanda ng krus, pumikit siya, lumuhod, at pinagdikit ang kaniyang mga palad.
"Inang Maria sa Cota, nagpapasalamat po ako sa panginoong Hesukristo dahil po akin pong nakompleto at naisumite na ang aking obra sa munisipyo. At sa palagi pong paggabay sa akin ng panginoong Diyos at ng aking Lolo Gregorio na kasalukuyan na pong pumanaw at nangakong kaniya po akong gagabayan mula sa langit. Idinadalangin ko po na sana ay magwagi po ang aking obra, upang maiahon ko po sa kahirapan ang aking sarili at ang aking kapatid, at upang mabigyan na rin po ako ng pagkakataong mag-aral na matagal ko na po talagang pinapangarap. Sana po ay matupad ang aking dalangin, sa pangalan ng Panginoong Hesukristo, idinadalangin ko po ito... Amen"
Ginawa muli niya ang tanda ng krus saka siya sumulat at tumayo, aalis na sana siya nang makarinig siya ng isang pamilyar na tinig.
"Nicolas" Si Elena ang nagwika, ito ngayon ay nakasuot ng kasuotang pang-kumbento, kulay puting baro at saya, sapatos, at medyas. "Elena" Tugon naman nito saka ngumiti sa kaibigan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top