Kabanata 17:
Masuging tumatakbo ang sangkanayunan patungo sa nasusunog na molino ng Pamilya Cortez, nabibigla ang ilan at ang ilan naman ay nanghihinayang. Nanlalaking matang pinagmasdan ni Don Mariano kung paano matupok at lamunin ng apoy ang kaniyang pag-aari habang nakahawak sa braso nito ang asawa niyang si Eleanor.
Ang molino ay nasusunog sa itaas na bahagi, ang molinillo nito ay nilalamon na rin ng apoy habang umiikot pa rin. Humahampas sa hangin ang molinillo kaya naman mabilis ring lumago ang apoy dito. Ikinabahala ito ng lahat dahil baka may ibang gusaling madamay sa sunog dahil maraming mga dampa at mga bodega ang nakapalibot dito.
Lumingon siya sa mga tao at napasigaw siya. "Kayo ba ay naghihintay pa ng Noche Buena at Media Noche?! Dalian ninyo at ilabas ang mga pangbomba ng tubig! Dalian ninyo!" Paulit-ulit niyang saad, kaagad itong sinunod ng mga tao at kinuha nga ng mga ito ang mga pangbomba ng tubig, ang malalaki nitong tubo ay inilublob sa katabing irigasyon saka mabilisang itinaas-baba nito ang tangkay ng pangbomba na animo ay kumukuha sila ng tubig sa poso.
Patuloy lamang sa pagbomba ang ilan, kabilang na dito sila Nicolas at Pepito na nagbubuhat ng mga timbang may lamang tubig. Samantalang ang ilan naman naman ay itinututok ang mga tubo kung saan may apoy upang ito ay maapula. Ngunit ang kanilang ginagawang pag-apula sa apoy ay hindi pa rin sapat. Nagdesisyon ang ilan na pasukin ang loob ng molino kahit ito ay nasusunog pa, dala ang mga mga piko at gabyon ay sinubukan nilang buksan ang pintuan nito, ngunit sa kanilang pagbukas ay kaagad na bumulwak ang naghuhumindig na apoy dahilan kung bakit napaatras ang mga nagtatangkang pumasok.
Parang impiyerno ang naging hitsura ng lahat, nilamon ng apoy ang malaking molino, ni isang simpleng kahoy na matino ay walang natira sa itaas nito, ang ibaba naman nito na gawa sa konkreto ay natupok rin at ang iba ay nagiba. Ang mga molinillo ay siya ring natupok at pira-pirasong bumagsak sa lupa.
Ang lahat ng ito ay nakita ni Elena mula sa bintana ng kaniyang silid sa kanilang mansiyon, nanlulumo ito at tumutulo na ang luha sa mga mata. Hindi niya matanto kung ano ang nangyari at bakit nagkasunog, iniisip rin niya kung ano ang kahihinatnan ng kanilang pamilya matapos ito dahil ang lahat ng ani nilang palay ay nakaimbak sa loob ng molino.
Madamay rin sa sunog sa molino ang ilang katabing dampa at ang mga bodega kung saan nakaimbak ang mga inaning palay ng mga magsasaka noong nagdaang buwan ng Oktubre. Sa huli ay hindi nila naapula ang apoy, kaya nauwi rin iyon sa isang malaking panghihinayang.
"Wala na ang aking ani, wala na" Nanlulumong wika ng isang magsasaka, tinugunan naman siya ng iba. "Hindi lamang ikaw ang nawalan ng ani... magkakasama ang ating mga inaning palay, kaya kami rin ay nawalan" Tugon ng mga ito.
Tuluyan nang gumuho ang molinong minsang naging bahagi ng pamumuhay ng sangkatauhan sa baryo ng Himenes, nanlulumo man ay hindi ipinakita ni Don Mariano na gusto na nitong daanin sa pagtangis ang nararamdaman, hindi niya ipinakitang labis ang epekto nito sa kaniya dahil maaapektuhan nito ang tingin sa kaniya ng mga tao. Baka siya ay tawagin ng mga itong Mahinang loob.
Ang ilang mga tumulong sa pag-apula ng apoy ay lubhang nasugatan at ang ilan naman ay hindi naman malala ang natamo. Lumipas ang magdamag, pagkaraan nito ay namataan pa ring umuusok ang ilang parte ng nasunog na gusali. Gumuho na ito at talagang wala na itong pakinabang.
Ang mga tao ay kaniya-kaniyang pulot ng mga uling sa mga nasunog na kahoy. Tulala pa rin sa isang tabi si Don Mariano na kasalukuyang nanlulumo ngunit hindi niya ito ipinakikita sa lahat.
"Dios Mio! Bakit nangyari ang bagay na ito?!" Utas niya sabay tapak sa isang natupok na dos por dos. "Hindi ba maayos ang alaga ng molino? Bakit nangyari ang isang bagay na ganito?" Nanlulumong tanong rin ng kaniyang asawa, tumugon naman ang isa pang ginoo.
"Sa akin pong palagay ay hindi maayos ang pag-ikot ng mga turnilyo, naging dahilan ito sa pag-init niyon na naging dahilan naman kung bakit nasunog ang molino" Wika nito, nagsitinginan sa ginoo ang mga tao, sumunod nitong tiningnan ang nabiglang si Don Mariano.
"Imposible, ipinadala ko si Handario upang lagyan ng langis ang mga turnilyo, nang sa gayon ay hindi ito uminit at magsimula ng isang sunog" Tugon naman ng Don, nabigla si Handario nang marinig niya ang sinabi ng Don Mariano, natandaan niyang hindi nga niya nilagyan ng langis ang mga turnilyo upang hindi ito masunog.
Tumugon ang isang ginoo. "Imposible, paano nga kaya nangyari ang bagay na ito" Saad niya, isang ginoo pa ang nagwika. "Sang-ayon ako, ito nga ay imposible dahil alam kong ang molino ay naaalagaang mabuti. Sa tingin ko nga ay baka sinandya ang pagkasunog ng molino" Saad naman nito.
Tumugon naman ang isang ginang. "Huwag mong sabihin ang bagay na iyan! Napakaimposibleng mayroong magtatangkang sunugin ang molino dahil alam nating lahat na ang Don Mariano ay isang mabait, mapagbigay, at maaasahang tao. Wala pa rin siyang nakaaway simula pa noon!" Saad ng ginang.
Nakita ni Handario sa paligid si Nicolas at si Pepito na kasalukuyang namumulot ng mga uling, naisip niyang ibaling ang kaniyang nagawang kasalanan sa binata.
"Nicolas!" Panimula niyang sigaw, nagsitingin sa kaniya ang mga tao, mas lalo pa niyang ginalingan ang kaniyang pag-arte. "Ang akala mo ba ay makaaalis ka sa iyong ginawa? Na walang maghihinala?" Nanlaki ang mata ng ilan at ang ilang ginang ay napatakip sa mukha ng kanilang mga abaniko.
"Bago pa man maggabing-liwanag ay nakita ko kayo ng iyong kapatid na tumatakbo mula sa molino... iyon ay bago rin magsimula ang sunog sa molino!" Nabigla ang lahat, pati na rin ang binata, sa pagkabigla nito ay nailaglag nito ang mga dala niyang natupok na kahoy.
Sa labis na galit ay lumapit ang Don Mariano sa binata at saka ito nagsisigaw. "Oo! Ikaw na! Sinunog mo nga ang molino!" Sigaw nito, nanlaki ang mga mata ng binata. "Ano po? Hindi ko po maunawaan" Tugon naman ng binata, sa labis na galit ay naisara ng Don Mariano ang kaniyang mga palad.
"Oo! Ito ang iyong paghihiganti marahil ay hindi kita pinahintulutang makita ang aking anak!" Sigaw pa nito, sumunod namang tumugon si Eleanor na hindi sang-ayon sa winika ng asawa. "Isa iyong kabaliwan! Hindi magagawa ni Nicolas ang sunugin ang molino!" Wika nito.
Nanlaki ang mga mata ni Nicolas saka na rin siya napatugon. "Hindi ko po sinunog ang molino! Hindi ko po iyon magagawa!" Nabibigla niyang saad ngunit nagwika muli si Handario "Isang kalapastanganan! Kung gayon ay anong ginagawa mo sa molino kinahapunan?!" Bara niya sa binata kaya naman napilitan itong sabihing nakipag-usap siya kay Elena.
"Kinakausap ko lamang noon si Elena! Iyon lamang!" Tugon niya, saglit pa ay nadama niya ang isang masakit na suntok na galing sa matigas na kamao ni Don Mariano, nang dahil doon ay tumilampon ang binata sa lupa.
"Nicolas!" Si Elena ang sumigaw saka siya lumapit sa nakabulagtang binata na ngayon ay pilit na itinatayo ng kaniyang kapatid na si Pepito.
"Elena?! Bakit ikaw ay lumabas?! Hindi ba ang winika ko ay manatili ka lamang sa loob ng iyong silid?!" Wika naman ng Don ngunit hindi ito sinagot ng anak, subalit ay iba ang itinugon nito. "Ama! Bakit niyo po ito ginawa?! Hindi po siya ang sumunog ng molino! Ang dahilan po noon ay hindi nilagyan ng langis ni Ginoong Handario ang mga turnilyo! Si Ginoong Handario po ang may kasalanan!" Sigaw ng dalaga saka siya humawak sa kamay ni Nicolas.
"Kilala ko ang kaibigan ko ama! At ganoon rin po kayo! Kahit po pilit niyo akong inilayo sa kaniya ay hindi po siya nagalit dahil kaniya po niya kayong inirerespeto! Kayo lamang po ang bulag sa katotohanang isang mabuting tao siya!" Saglit pa ay nakatikim naman ito ng isang malakas na sampal galing sa rapas na nga palad ng ama.
"Alam kong ipinagtatanggol mo lamang siya dahil ikaw rin ay naghahangad na siya ay makita!" Tumugon muli si Elena, ngunit mahina na ito at halos pabulong na lamang. "Bakit ama? Bakit mas pinaniniwalaan ninyo ang ibang tao kaysa sa sarili ninyong anak na nagsasabi ng katotohanan?" Pumikit siya upang mapigilan ang pagtulo ng kaniyang luha ngunit ito ay bumuhos pa rin.
Hindi na ito umimik at tumangis na lamang, si Nicolas naman ay tuluyan nang nakatayo at siya ay nagwika. "Don Mariano, kahit kailan po... hindi ko ginawang paghigantihan ang kahit na sino, kahit kailan po ay hindi ako nagalit... kahit kailan po ay hindi ako gumawa ng masama. Kung iyon man po ang tingin ninyo sa akin, isang Kriminal, Hampas lupa, o isang Arsonista... hindi po ako magsasawang mahalin ang inyong anak biglang isang kaibigan dahil importante po siya sa akin" Tumulo ang isang butil ng luha sa kaniyang kaliwang mata.
Akmang tatakbo na si Nicolas nang bigla siyang yakapin mula sa likod ni Elena, napakabig siya at napahinto. Magkakahiwalay ang daliri sa kaniyang kamay, nanlalaki ang kaniyang mga mata, at napasinghap ang kaniyang bibig, si Elena naman ay tumatangis habang nakalapag ang ulo sa kaliwang balikat ng kaibigan, kasabay nito ay ang pag-ihip ng malamig na hangin patungo sa kanilang direksiyon.
"Elena!" Sambit ng kaniyang ama, malalim na ang paghinga nito at maihahalintulad siya sa isang bombang maaari nang sumabog. "Elena! Bumitaw ka sa lalaking iyan!" Maawtoridad na sigaw ng ama ngunit hindi pa rin siya bumitaw. Hanggang sa si Nicolas na mismo ang nagwika.
"Elena, bumitaw ka na... hindi ko na kaya ang kahihiyang idinudulot nito" Nanlaki ang mga mata ni Elena at napahinga siya ng malalim, unti-unti siyang bumitaw sa pagkakayakap. Hindi pa man siya maiging nakabibitaw ay kaagad nang tumakbo si Nicolas kasama si Pepito patungo sa kanilang dampa.
Sa pagtakbo ni Nicolas patungo sa dampa ay unti-unti ring nadudurog ang kaniyang puso at alam niyang magiging iba na ang tingin sa kaniya ng mga tao sa mga susunod na araw. Alam niya na ang maaaring mangyari at ito ay nagdulot upang siya ay tumangis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top