Kabanata 10:

"Magandang umaga po, Lola Teresita!" Bati ni Nicolas sa matandang babae na ngayon ay naglilinis ng mga kuwadro na kaniyang ipinagbibili, ang mga kuwadro ay malalaki, may iilan rin namang katamtaman lamang at ang iba naman ay maliliit. Ngayon lamang nagkataong nagtungo ni Nicolas sa tindahan ni Lola Teresita upang kumuha sana ng mga lumang papel.

"Oh, Nicolas! Nandito ka na pala! Hindi mo ba kasama ang iyong kaibigan?" Tanong nito, umiling naman si Nicolas saka siya tumugon. "Hindi po, Lola Teresita... siya po ngayon ay nag-aaral na sa kumbento para sa pagmomongha" Tugon ni Nicolas, ngumiti siya ng marahan saka siya ay nagwika pa. "Mano po, Lola" Nagmano nga siya sa matandang babae at ginawa rin naman ito ni Pepito.

"Sayang naman kung magmomongha ang dalagitang iyon, kayong dalawa pa naman ay nababagay" Kaagad na napatingin si Nicolas sa matandang babae na ngayon ay humahagikgik na, huminga siya ng malalim, napangiti na lamang siya. "Lola Teresita naman..." Nahihiya niyang wika, mabuti na nga lamang at walang ibang taong nasa tindahan.

"Ay oo nga pala, Nicolas! Nais ko sanang ikaw na ang maghatid ng mga kuwadro sa mga tahanan ng mga bumili sa akin, wala kasi akong maaasahan rito sa aking tindahan. Maari mo ba, Nicolas? Pabor lamang?" Nakiusap si Lola Teresita, hindi naman tumanggi ang binata dahil tapos naman na siya sa trabaho niyang paghahatid ng gulay.

"Maari po, Lola" Tugon niya. Ipinaliwanag niya muna si Pepito sa tindahan kasama ang matandang babae, ibinaba niya rin ang mga bayong at ipinasok ito sa loob ng tindahan, pinalitan niya ang karga ng kaniyang kariton ng mga kuwadro na kaniyang ihahatid, nang siya ay hahayo na ay namataan niya sil Juan at Pedro na nakasakay sa bangka ng kanilang amang si Jose.

Nasalubong niya ito at nagtagpo ang kanilang mga mata. "Juan, Pedro!" Tawag ni Nicolas sa dalawa na siya naman nilang napansin pareho, ngumiti ang magkapatid at nakiusap sa kanilang amang idaong ang bangka ngunit ito ay hindi pumayag dahil sila ay may trabaho pa, sa huli ay hindi sila nakasama ni Nicolas sa paghahatid.

Naihatid niya sa mga tahanan na nakasaad sa kaniyang dinalang listahan ang mga ipinahatid na kuwadro ni Lola Teresita, ang panghuli niyang hinati ay ang isang kuwadrong rektangulo ang hugis, ang sukat nito ay maihahalintulad sa sukat ng isang ordinaryong durangawan. May balot pang tela ang kuwadro nang ibaba ito ni Nicolas sa tarangkahan ng isang malaking mansiyon kung saan niya ito dapat ihatid.

Napahinga siya ng malalim saka siya tumawag kung mayroon bang tao doon. "Tao po! Mawalang galang na po, may ipinahahatid po kasi ang may-ari ng tindahan ng mga kagamitan sa sining, ang kuwadro pong ito ay nakatakda pong ihatid kay Ginoong Florentino? Nandiyan po ba siya?" Wika ni Nicolas, sandali pa ay lumabas ang dalawang tagasilbi at ang isang binata sa loob ng mansiyon.

"Ah! Naririto na pala ang aking kuwadro, ipasok niyo ito sa aking silid upang ako ay makapag-umpisa na sa aking gagawin para sa kompetisyon" Wika ng binata sa dalawang tagasilbi, kaagad sinunod ng mga ito ang utos at kinuha nila kay Nicolas ang kuwadro. Sandali pa ay naalala ni Nicolas kung sino ang binatang nasa kaniyang harapan, ito ay ang napagtanungan niya ng nakasulat sa paskil paroon sa munisipyo.

"Ah! Ikaw iyong nagtanong sa akin ng nakasaad sa paskil doon sa munisipyo hindi ba?" Tanong ng binata kay Nicolas, tango lamang ang iginanti nito, ngumiti ang binata saka niya hinawakan ang balikat ni Nicolas. "Alam ko ang nararamdaman mo, pasensiya ka na sa aking inasal paroon. Hindi ko talaga gustong makipag-kaibigan sa aking mga kasama dahil sila ay mapagmataas sa mga gaya natin! Marahil anak sila ng mga peninsulares" Nanlaki ang mga mata ni Nicolas, naestatwa siya sa kaniyang kinatatayuan.

"Alam mo kasi... ang aking ama ay isang Kastila at ang aking ina naman ay isang indio lamang din, nagsumikap lamang sila upang kami ay makarating sa aming katayuan ngayon, nagpapanggap lamang akong mapagmataas upang magustuhan ako ng mga peninsulares" Hindi pa rin tumutugon si Nicolas kaya naman nauna na muling nagwika ang binata.

"Florentino, Florentino Reyes ang aking ngalan, ano ang sa iyo?" Tanong pa nito, napalunok si Nicolas saka siya tumugon ng utal. "Nicolas po, Nicolas Carolino ang aking ngalan" Simpleng tugon niya, humawak si Florentino sa palad ni Nicolas at inabot nito ang salaping kapalit ng kuwadrong hinatid. "Alam kong balak mong sumali sa kompetisyon, may talento ka nga daw saad ng iyong kaibigan pa roon sa munisipyo. Diyan sa aking ibinayad ay may labis na sampung piso, sapat na upang bumili ng isang kuwadro, aasahan ko ang iyong paglahok sa paligsahan!"

Ibinayad ni Florentino ang salapi kay Nicolas at kaagad siyang nagtungo sa loob ng kanilang mansiyon. Naiwang tulala si Nicolas sa tarangkahan, kalaunan ay sinulyapan niya ang salapi sa kaniyang palad, magkakahiwalay ito, tag-lilimang piso ang ibinayad ng binatang si Florentino kay Nicolas, ang kabuuang halaga ay limang pung piso, ngunit ang nakuha lamang ni Florentino ay apat na pung piso, ang nalalabing sampu ay para na kay Nicolas.

Ngumiti ang binata at kinuha ang labis, kaniya itong inilagay sa kaniyang bulsa, kasabay nito ang pag-ihip ng malakas na hangin na galing sa silangan. Tumingin muli si Nicolas sa mansiyon saka siya masusing bumulong. "Maraming salamat po, Ginoong Florentino" Wika niya saka siya ngumiti at tuluyan nang tumayo upang bumalik sa tindahan ni Lola Teresita.

"Ako ay humahanga sa iyo Nicolas! Napakasipag mo ngang talaga! Bilang gantimpala sa aking pabor ay bibigyan kita ng libreng kuwadro at iba pang mga kagamitan sa pagpipinta, nabalitaan ko kasi kina Juan at Pedro na nais mong lumahok sa paligsahan sa munisipyo. Marahil may talento ka, Nicolas" Kumuha ng isang rektangulong kuwadro si Lola Teresita sa mga nakaimbak sa gilid ng kaniyang tindahan, mga Capillo, at pati na rin mga klase ng pintura.

Hindi inaasahan ni Nicolas ang nangyari, may pangbayad naman siya sa nais niyang bilhin ngunit ibinigay na ito ng libre ni Lola Teresita, kaya ganoon na lamang siya kasaya nang siya ay makauwi kasama ni Pepito, pati ang kaniyang Lolo Gregorio ay nabigla rin sa nalaman at personal na pinasalamatan si Lola Teresita sa kaniyang tindahan sa bayan.

May mga kagamitan na si Nicolas, unti-unti nang tinutupad ng tadhana ang kaniyang hangarin, ang kaniyang hinaharap ay depende na sa kaniyang maipipintang obra. Ang kailangan na lamang niya ngayon ay walang iba kung hindi ay... Inspirasyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top