Next Awardee

Ganito pala pakiramdam ng hindi mo matiis kasi mahal mo.

Dati nakokornihan ako sa mga nagsasabi niyan. Siguro karma ko na 'to.

Noong bago pa lamang ako sa kumpanya ay napahanga na agad ako ng department manager namin. Napaka-metikulosa niya sa trabaho, kahit mataas din ang posisyon niya ay parang tropa lang ang turing niya sa'min. At sa bawat "Great job!", "Well done!", "Keep it up!" at iba pang pamumuri niya ay mas ginaganahan akong magpatuloy magtrabaho nang maayos bilang project manager. Tila ba patagal nang patagal ay mas naghahangad akong makatanggap muli ng puri galing sa kaniya.

Nagsilbi siyang motibasyon ko hanggang sa na-nominate ako para sa Spot Award. Ngunit dito nagsimula ang lahat.

Nakaharap ako sa laptop, oras na naman para sa team meeting namin.

Hindi na 'ko mangungulit. Tatahimik na lang ako.

"Boss Michelle, good morning!" bati ko nang makapasok siya sa Zoom. Dahil sa pandemic ay ito na ang ginagamit namin upang makapag-usap.

Naghintay ako ng ilang minuto ngunit hindi siya tumugon. Hindi na naman niya ako pinansin.

Bwisit ka talaga, Destino. Sinabi nang manahimik na lang kapag hindi kinakausap eh.

Umabot na sa pito ang miyembro ng Zoom meeting bago siya nagsalita. Nagtanong siya muli tungkol sa kalusugan namin, kung ano ang mga pinagkakaabalahan naming mga work-from-home, binanggit din niya ang mga bagong miyembro ng aming team.

"So, anong impression mo sa company and to our team, Neander?" Itong bagong lalaki ang lagi niyang kinakausap ngayon kaya natandaan ko na rin ang pangalan.

Nakawawalang gana.

"Uhm, I'm very glad to be part of your team po. Sa inyo—dito ko po talaga gustong mapasama."

Habang nagsasalita si Neander gamit ang kaniyang mahinang boses ay nanumbalik sa isipan ko ang samahan namin ni Michelle noon.

"Very good 'yan, Destino."

"You could learn from Destino, guys. Thanks for sharing that, ha."

Napakasarap sa pandinig ang pagbanggit niya sa pangalan ko. Iba rin ang naidudulot sa puso ko tuwing napapatawa ko siya.

Palagi niya 'kong kinakausap, hindi ko rin mapigilan isipin na baka paborito niya akong empleyado.

"Nga pala, please respect your section managers. May nabalitaan akong nag-bypass. Consult your section manager first before anyone else, please lang."

Para bang tinakasan ako ng dugo dahil alam ko sa sarili ko na involved ako rito. Nadismaya ko siya. Napahilamos ako ng mukha gamit ang mga palad.

Hindi na ako nagsalita pa dahil ayokong mas magalit pa siya. Gusto kong humingi ng tawad ngunit hindi ko rin magawa.

Napabuntonghininga ako at tahimik na nakinig na lamang. Sumasagot kapag kailangan hanggang sa tuluyang matapos ang meeting.

Padapa akong sumalampak sa kama. Lagpas tanghalian na pero hindi pa ako kumakain, tinatamad na 'kong gumawa ng kahit ano sa nagdaang araw dahil hindi niya ako pinapansin.

Nakakatulog na ako nang may matanggap akong email. Dala na rin ng pagkainip dahil mag-isa lang ako rito sa inuupahan kong unit ay binasa ko na ito. Bahagyang napaawang ang bibig ko.

May namatay na naman.

Marami sa'ming empleyado ang nawalan ng buhay dahil sa pandemic pero bukod do'n, marami ring nagpapakamatay. Unti-unti na ring nalalagas ang members ng team namin dahil ang iba ay nag-re-resign dahil may mas magandang offer, isa sa dahilan kung bakit may mga bago kaming miyembro katulad ni Neander. Mas lalo tuloy akong nawawalan ng gana, ayokong maiwan kasama ang mga bagong miyembro at 'yong nakakainis na section manager namin.

***

"Anong gusto niyong unahin, good news or bad news?" tanong ni Michelle. Dalawang linggo na ang lumipas.

"Good news na lang muna, Ate," sabi ng mga katrabaho ko, ako nama'y naka-off mic lang at nakatulala sa kawalan.

"Congratulations kay Destino dela Cruz for winning the Spot Award." Nabigla ako nang banggitin ni Michelle ang pangalan ko. Gusto kong matuwa pero napakapormal niya. Hindi na talaga gaya ng dati. Napayuko ako.

Binati nila ako at dumako naman kami sa masamang balita. Magtatanggal na raw ng tamad. Sigurado akong si Jes na ito dahil umiyak si Michelle, malapit sila sa isa't isa.

Bakit nga ba hindi nag-e-effort si Jes? Kung hindi niya gusto itong trabaho, para sa ikabubuti niya na rin ang pagtanggal sa kaniya.

Pumasok tuloy sa isip ko na kung hindi ba 'ko aktibo kagaya ni Jes, magugstuhan ako ni Michelle?

Narinig kong binanggit ni Michelle si Neander at masaya na naman silang nag-usap. Ilang saglit ay doon ko napagtagpi-tagpi ang lahat.

Ang mga binibigyang atensyon ni Michelle ay 'yung mga bagong miyembro o hindi aktibo hanggang sa parangalan sila ng Spot Award kagaya ko.

Tanggapin mo na Destino, empleyado ka lang na pinagsawaan na. Hinubad ko ang salamin upang punasan ang pumatak na luha.

Natawa ako ng mapait. Tapos na ako, ang atensyon at amor ni Michelle ay kay Neander naman ngayon. Ang susunod na mananalo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top