FIDEL
Chapter 1
Fidel
Last Year
Nakakapagod ang bawat araw na lumilipas. Kung nakapagsasalita lang siguro ang bawat parte ng katawan ko ay kanina pa nila ako nabulyawan dahil sa sakit ng katawan na ininiinda.
Patapon kong hinagis ang katawan ko sa malambot na kama, hindi maipagkakaila ang pagod mula sa pagdadrive, napakarami ko ring napuntahan ngayong araw at nakakapagod isipin ang balitang natanggap kong dalawang taon na lang ang natitira sa buhay ko.
Nakipagtitigan ako sa kisame. Malayang naglakbay ang kung ano-anong bagay sa isipan ko.
Natapos ng taong iyon na para bang isang kisapmata lang. Sa mga natirang araw bago sumapit ang bagong taon ay nanatili lamang ako sa loob ng bahay ko. Tsaka lang ako lumabas noong gabi ng huling araw ng taon para dalawin si Mama, at ginugol ang natitirang oras ng taon sa Fidel's katulad ng nakasanayan kong gawin.
Mariin akong napapikit at inabot ang malambot na unan, mabango na iyon malayo sa matapang na amoy kahapon, marahil ay pinalitan na ni Ate Baby ang mga punda at kobre kama ko. Si Ate Baby ang asawa ni Kuya Rico, tinutulungan niya ako paminsan-minsan dito sa bahay. Katiwala ko rin kasi silang mag-asawa sa shop na naiwan sa akin ni Mama.
Mula sa mariing pagpapakipit ay namulat ako dahil sa tunog mula sa cellphone ko, nang basahin ko ang mensaheng natanggap ay napangiti lang ako ng mapakla. Magiging maganda raw ang salubong sa akin ng bagong taon. Hindi ko na iyon pinagtuunan ng pansin, dahil kailangan ko pa raw mag-send ng 10,000 sa bank account na kalakip ng mensahe para maging mabisa ang hula sa akin.
2020 na ay uso pa rin ang scam.
Dumako ang tingin ko sa kisame, mabilis na naglakbay sa isipan ko ang kung ano-anong bagay, magmula noong malaman kong may sakit ako ganito na palagi ang Sistema ko. Mariin muli akong napapikit para palisin ang halo-halong naiisip. Nang kalmado na ang isipan, nagtalo naman ang sarili ko kung maglilinis pa ba ako ng katawan o diretso na lamang matutulog. Sa huli, namayani ang katamaran ko.
Kinabukasan, sarili ko na mismo ang gumising sa akin. Alas-dyis nang maalipungatan ako at makaramdam ng gutom. Tamad na tamad pa akong bumangon, naghilamos, at inayos ang sarili. Matapos noon ay naghanda na ako ng almusal.
Habang abala sa pagkain inisa-isa kong basahin ang mensaheng natanggap sa mga nakalipas na oras, kalahati sa mga iyon ay tungkol lamang sa mga spam at scam messages tungkol sa magiging takbo ng susunod na taon para sa akin. Ang natitirang mensahe ay mula kay Doc Santos, nangungumusta. Walang gana ko siyang nireplayan, kahit na naiinis ako sa kaniya ay may respeto pa rin naman ako sa kaniya, lisensyado siyang doctor at tapat naman sa serbisyo.
Nang pumayag ako sa pag-undergo sa chemotherapy naging madalas na ang pag-uusap namin ni Doc, halos oras-oras din niya sa aking pinapaalala ang pag-inom ko ng gamot. Pinapayuhan na mag-exercise paminsan-minsan at kumain ng tama. Napansin ko naman na kahit papaano ay nagiging maginhawa ang pakiramdam ko. Kung hindi mo lang ako maabutan na nagsusuka o 'di kaya'y kung 'di mo makita ang mangilan-ngilang pasa sa katawan ko, iisipin mong wala akong malubhang sakit.
Lumipas ang oras ay natapos ang araw na iyon ng hindi man lang ako lumalabas ng bahay. Wala rin naman akong pagkakaabalahan sa labas. Wala akong kaibigan na maaaring kong tambayan, wala rin naman akong girlfriend na sasamahan. At maayos naman ang takbo sa shop namin, wala na rin namang gaanong gagawin dati half day lang ang pasok nina Kuya Rico.
Sa sumunod na araw napagdesisyunan kong ilaan ang oras as shop namin, hindi ko na pinapasok sina Kuya Rico dahil siguradong magiging abala sila para sa nalalapit na pagsalubong sa bagong taon.
May mangilan-ngilang bumili sa shop namin, ang iba'y baguhan at ang iba nama'y kilala ko na sa mukha dahil madalas silang bumibili sa amin lalo na't may espesyal na okasyon. Isang flower shop ang iniwang pamana sa akin ni Mama. Magmula ng mawala siya ay ito na ang isa sa mga pinagkaabalahan ko, ito na rin ang nagsustento sa akin sa mga nagdaang taon.
Nanatili ako sa shop hanggang sa matapos ang kalahating araw, matapos noon ay dumaan ako sa isang fast food chain para mag-take out ng tanghalian. Inatake na naman ako ng katamaran na magluto kahit na marami akong grocery sa bahay.
Natapos ang araw na iyon ng walang espesyal na nangyayari sa akin.
Dalawang araw bago ang mismong pagsalubong ng bagong taon, hindi na muli akong nagabala pang lumabas ng bahay. Ginugol ko ang buong araw ko sa harapan ng TV at nanood ng kung ano-anong palabas. Nang nabagot ako sa panonood ay lumipat ako sa pagdo-drawing ng kung ano-ano, hindi rin nagtagal ay naumay rin ako sa ginagawa ko. May nabuo akong tatlong drawing ng mukha ng pusa, isinama ko iyon sa karamihan ng drawing ko, matapos ay dumako na sa kama ko at hinayaang makatulog ang sarili.
Marahan akong naglalakad sa maingay na paligid pabalik sa bahay ko, magmula kahapon ay hindi na magkamayaw ang ingay sa bawat bahay, mas lalo pa iyong lumakas dahil ngayon na ang huling araw ng taon, mamaya lamang ay sasalubungin na naman ang bagong taon.
Nang makarating sa bahay ay ibinaba ko lamang ang nabiling bilog na mga prutas, nakalagay iyon sa isang malaking basket, wala na sana akong balak na bumili pa noon ngunit nang maalala ko ang pananabik ni Mama sa tuwing sasapit ang paghahanda sa bagong taon para sa mga bilugang prutas ay nabuo ang desisyon kong ituloy ang nakasanayang tradition.
Alas-otso ng gabi ng lisanin ko ang bahay ko. Tumulak lulan ng sasakyan para tumungo sa sementeryo, hindi ko hahayaang matapos ang araw na ito ng hindi nadadalaw si Mama.
Maluwag ang daan sa kalsada na hindi ko na ikinagulat, ganito naman palagi kapag gabi ng huling araw ng taon, siguradong nasa kani-kanilang bahay na ang karamihan kaya't wala ng nagsisiksikang sasakyan sa maluwag na kalsada.
Medyo maliwanag ang loob ng sementeryo ngayong gabi, dahil na rin sa maliwanag na buwan at ilaw sa mga bahay na malapit sa lugar na iyon. Muli akong lumupagi sa himlayan ni Mama, may maliit na ngiting kumurba sa aking labi, kasunod noon namalayan ko ang mainit na likidong dumadaloy sa pisngi ko.
Palagi akong ganito. Taon-taon. Walang pinagkaiba sa mga nagdaang taon. Hindi ko maiwasang maluha sa tuwing dadalaw ako kay Mama sa huling araw ng taon. Para bang binubuhos ko sa kaniya ang lahat ng hindi magagandang nangyari sa akin, para akong isang batang nagsusumbong sa kaniyang Nanay.
Naging matagal ang pag-iyak ko, hindi kasi maalis sa isipan ko ang katotohanang may nakamamatay akong sakit, halos isigaw ko ang inis at galit na nararamdaman, pero namayani pa rin ang katahimikan sa paghikbi ko. Mariin kong kinagat ang ibabang labi matapos ay pinalis ang mga luha gamit ang suot na jacket.
Tumingala ako, nilanghap ang malamig at sariwang simoy ng hangin. Nanatili ako sa ganoong sitwasyon hanggang sa mapakalma ko ang sarili ko. Nang sumapit ang alas-nuebe ng gabi ay nagpaalam na ako kay Mama.
Binaybay ko ang daan patungo sa Fidel's, hindi na ako nagulat sa naabutan kong hilera ng sasakyan sa itaas na lugar, ganito palagi tuwing huling araw ng taon, marami ang nagpupunta rito dahil magandang manood ng fireworks display dito.
Naging dahilan na rin iyon para magkaroon ako ng palatandaan sa pwestong tinatambayan ko, may reserve sign iyon dahil bukod sa doon ako palaging tumatambay ay talagang maganda ang pwestong iyon dahil sentro iyon ng lugar.
Sumalubong sa akin ang medyo maingay na paligid nang makalabas ako ng sasakyan ko. Iginala ko ang paningin ko para makita ng kabuuan ang lugar at karamihan ng tao. May mangilan-ngilang naka-upo sa bumper ng sasakyan nila, ang iba nama'y may mga dalang upuan. Halos nasa mahigit trenta katao rin siguro ang kasama ko ngayong gabi, medyo kakaunti kumpara noong isang taon.
Mula sa pagkakatayo sa gilid ng sasakyan ay lumipat na ako sa trunk ng sasakyan ko, patalikod iyong nakaharap sa tanawin kaya naman sa trunk ako nakauupo. Doon mas maayos kong natanaw ang siyudad. Ngayon ko masasabing napakaganda ng kabuang lugar na natatanaw ko. Maliwanag ang siyudad dahil halos lahat yata ng ilaw ang bawat building ay nakabukas, may mangilan-ngilang pang kwitis ang nagsisimula nang lumilipad sa kalangitan na dumadagdag sa ganda ng paligid.
Hinayaan kong maglakbay ang malamig na simoy na hangin sa mukha ko, ibinuka ko ang dalawang braso ko at sinalubong pa ang sariwang hangin habang nakapikit pa ang mga mata, kaagad ko rin iyong pinagsisihan dahil inatake ako ng lamig.
Nang mamulat at muli harapin ang siyudad, natikom ang bibig ko. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan. Naramdaman ko ang mabilis na pagbigat at pag-init ng mga mata ko. May mga luhang nagbabadyang lumabas.
Napalunok ako dahil sa mga naiisip. Hindi ako makapaniwalang may taning na ang buhay ko. Gusto kong isipin na sa paraang iyon ay muli kong makakasama si Mama, pero inaatake ako ng ideyang walang kasiguraduhan kung mangyayari nga iyon.
Mariin akong napapikit nang maramdam kong pinagtaksilan na ako mga luhang kumawala sa mga mata ko. Tinakasan na ako ng lakas. Marahil kung walang ibang tao sa paligid ay pumalahaw na ako ng iyak, ngunit kinailangan kong itago ang bawat paghikbi at iyon ang mas masakit. Hindi ko magawang iiyak ng malakas ang sakit na nararamdaman.
Ayoko pang mamatay. Hindi pa ako handang lisanin ang mundong ito. Oo, hindi lingid sa kaalaman ko na may mga taong nag-iisip ng salungat sa pananaw ko. Ngunit naniniwala akong masarap mabuhay. Marami pa akong mga bagay na gustong gawin, at sa sandaling maiisip kong limitado na lang ang mga araw na mayroon ako para gawin ang mga bagay na iyon ay halos sumabog na ang puso ko sa sakit, galit, at kalawang lakas na nararamdaman.
"Hello..."
Napitlag ako dahil sa narinig na boses.
"Are you okay?"
Natigilan pa ako nang maramdam kong malapit lang iyong pinanggalingan ng boses. Patago kong pinalis ang mga luha ko at hinarap iyong nagsalita. Nasa kanang bahagi ko siya, may nag-aalalang tingin.
"Oh, hi, uh, yeah, I'm okay."
Kinabahan pa ako sa pagsagot ko na akala mo'y may gagawing masama iyong babaeng lumapit kapag may mali akong nasabi.
"Wait, you look familiar," sabi ng babae.
Gumala sa mukha niya ang pag-iisip, marahil inaalala kung saan ako nakita. Maging ako tuloy ay napa-isip kung nakita ko na ba siya o kung nagkita na ba kami. Wala akong nakuhang sagot dahil sa pagkakaalala ko bukod sa mga nakasalamuha ko sa shop namin ay wala na akong ibang nakilalang babae sa mga araw na nagdaan.
"Ah, yes, of course! Ikaw yon!" masiglang sabi niya sa akin dahilan para magtaka na ako.
Baka mamaya inutangan ko siya tapos hindi ko maalala, pero imposible, hindi ko ugali ang mangutang.
Nakahanda na akong magtanong kung paano niya ako nakilala nang bigla siya muling nagsalita.
"Nakita kita rito noong isang taon, wait, kailan ba 'yon?" Napa-isip siyang muli. "Ah, tama, noong malapit na rin ang bagong taon! Walang ibang tao rito kung hindi ikaw at ako, lalapitan pa sana kita noon, pero mukhang malalim ang iniisip mo."
Napaling ang tingin ko sa kaniya kasabay noon ang pagbalik sa ala-ala ko sa gabing sinabi niya. Masyadong matagal ang isang taong nagdaan para maalala ko siya, pero nang may sumagi sa isipan ko'y dumiretso ang tingin ko sa kaniya.
Ilang sandali pa'y para akong batang binigyan ng lollipop nang maalala ko iyong babaeng sumisigaw na nakita ko noong gabing iyon. Siya pala iyon! Nakatutuwa naman na narito siya ulit, mukhang aabangan niya rin ang fireworks display.
"Oh, naalala mo na? Nakita mo ba ako noon? Kasi kung hindi, sayang naman, hindi mo nasilayan ang ganda ko," sunod-sunod na sabi niya matapos ay natawa pa.
Mahina rin akong natawa dahil sa sinabi niya. "Naalala ko na, at oo nakita kita noon, pero paalis na ako nung nakita kita."
"Aba mabuti naman at hindi mo nakita ng matagalan ang pagdadrama ko," sabi niya at muling natawa. "P'wede maki-upo?" tanong niya sabay turo sa ng sasakyan kong kasya pa ang isang tao.
"Ah, sige, sure," nag-aalangan kong sagot.
Nalinga ang tingin ko sa likuran niya, nagbabaka sakali na makita kung saan siya nanggaling at kung nasaan ang mga kasama niya.
"Mag-isa lang ako," narinig kong sabi niya marahil napansin ang pagtingin ko sa likuran niya.
Marahan ang tumango, "Manonood ka rin ng fireworks display?" tanong ko pa.
"Oo sana, pero mukhang matatagalan pa. Hindi ako p'wedeng magpalipas dito ng gabi, hinihintay na akong umuwi sa amin." Natatawang sabi niya matapos ay inabutan ako ng isang burger na ngayon ko lang napansing may dala-dala pala siyang pagkain.
Nahihiya kong tinanggap ang alok niya, hindi dahil sa ayaw kong tanggihan ang grasya o dahil sa gutom ako. Natutunan ko kay Mama na kapag inalok ka ng isang tao ng pagkain, malugod mo itong dapat na tanggapin dahil senyales iyon ng pagbubukas ng isang magandang samahan, pero syempre siguraduhin mong mapagkakatiwalaan ang taong kaharap mo.
"Salamat," mahinahon sambit ko na sinuklian naman niya ng isang ngiti.
Dumako ang tingin namin sa maliwanag na siyudad, magkakasunod na kwitis ang lumipad sa langit, ilang segundo lang lumipas ay naglaho rin ang mga iyon. Sa kabila ng maingay na paligid, namayani ang katahimikan sa pagitan namin ng babaeng katabi ko, ni hindi ko pa pala alam ang pangalan niya at ngayon ay naka-upo kami sa trunk ng sasakyan ko, tanaw-tanaw ang maaliwalas na siyudad habang kumakain ng burger na binigay niya.
"Noong gabing 'yon, nakikipagsapalaran ako sa paparating na quarter life crisis ng buhay ko."
Nabaling ang tingin ko sa babaeng katabi ko ng magsalita siya, seryoso siyang nakatingin sa harapan matapos ay dumako ang tingin sa akin dahilan para magtama ang tingin namin, marahan akong lumihis ng tingin.
"I was turning 25 years old a few days after that year. Masyado akong natakot sa mga kahaharapin ko dahil nabalitaan ko noon na critical daw ang age na iyon, kaya nga tinawag nilang quarter life crisis," nabalik sa kaniya ang tingin ko dahil sa sinabi niyang iyon. "And ngayong 26 na ako, narealize ko tama naman sila, pero hindi ako dapat gano'n natakot, OA lang talaga ako."
May kumurbang ngiti sa labi ko dahil sa pagtawa niya sa huling sinabi.
"Kailan ka mag-27?" Hindi ko alam kung bakit ayon ang naisipan kong sabihin sa lalim ng sinabi niya sa akin.
Natawa siya bago tuluyang sumagot, "The day after new year's day."
Marahan akong napatango dahil sa sinabi niya. Kasunod noon ay pinanood ko siyang ayusin ang sarili niya, naubos na rin niya iyong burger niya habang ako'y hindi pa nakakakalahati sa akin. Ilang sandali pa'y bumaba na siya mula sa trunk ng sasakyan ko.
"I need to go, nariyan na ang sundo ko," sabi niya matapos ay dumako ang tingin sa likurang bahagi ko.
Sumunod naman din ang tingin ko at natanaw ko ang isang pulang Vios na bukas ang headlight, marahil iyon ang sundo niya.
"Oh, siya, Happy New Year, stranger!" nakangiting sambit niya.
"Happy New Year, too," bati ko pabalik. "And advance happy birthday!" dagdag ko pa bago siya tuluyang makalayo at sumigaw pa ng Thank you dahilan para maagaw namin atensyon ng ibang tao.
Pinanood ko lamang ang paglayo ng kotseng sinakyan niya matapos ay bumalik na ang tingin ko sa maliwanag na siyudad. Muli akong hinalikan ng malamig na simoy ng hangin, nalanghap ko pa ang amoy ng burger dahilan para kaagad akong kumagat doon. Payapa kong pinanood ang paligid, at ilang oras lang ang lumipas ay nagliparan na ang makukulay at naglalakihang fireworks.
Napangiti ako at hinayaang mabusog ang mga mata sa sunod-sunod na fireworks display. Hindi nakakasawang panoorin iyon. Umalingawngaw na rin ang sigawan ng mga kasama ko sa itaas, kaliwa't kanan ang batian, gano'n na rin ang ginawa ko sa ibang bumati sa akin.
Hindi mawala ang ngiti sa aking mga labi, at nang muling magdilim ang paligid dahil sa katatapos lang na fireworks display, naglinaw naman ang isang ideya sa aking isipan.
Happy New Year. Hello, 2021. Please be good to me, even if you're my last year.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top