NW Chapter: 24

Halos dalawang linggo na ang lumipas ngunit hindi pa rin nabibigyan ng pagkakataon na muling makapag-usap sina Lucas at Raffaella, sapagkat wala ni isa sa kanila ang gustong manguna upang magpakumbaba't humingi ng kapatawaran.

"Oh... Nakabusangot ka na naman d'yan." usal ni Mamu Penny nang mabungaran niya ang dalaga na hindi maipinta ang mukha.

Walang ganang nilingon naman ito ni Raffaella sabay sabing, "Ayos lang po ako, Mamu." anito habang patuloy sa pag-aayos ng kanyang sarili.

Ngayon ay naghahanda si Raffaella para sa kanyang pagpasok sa Aston University. Kung saan napili niya ang isang bokasyonal na sentro ng pag-aaral, na naglalayong makakuha ng kaalaman at kasanayan na kinakailangan ng isang mag-aaral upang makapagtapos ng pag-aaral sa mas maikling panahon lamang.

Napagpasyahan ni Raffaella na ituloy ang kanyang nahintong pag-aaral, sa kursong Hotel Reservation Service o mas kilala sa tawag na HRS. Dahil pangarap niyang makapag-trabaho sa isang Hotel, at iba pang establisyamentong nasasakop ng kursong kanyang napili. Na siya rin namang pangarap noon ng kanyang yumaong Nanay Edna at Tatay Pido para sa kanya.

"Bakit galing sa ilong 'yung sagot mo?" kunot noong tanong ni Mamu Penny. "Teka nga, magkalinawan nga tayo babae ka. Ano ba talagang nangyari sa pagbisita niyo sa Mommy ni Lucas?"

Nakangusong nilingon lang ito ni Raffaella bago nagkibit-balikat lamang. Simula kasi nang maihatid siya ni Lucas noong gabi ng kanilang pagtatalo, ay hindi na muling binalikan pa ng dalaga ang mababaw ngunit napaka-sensitibong problema sa pagitan nila ng binata.

"Hay... Alam mo, Raffaella. Ang problema, dinadaanan lang 'yan— hindi tinatambayan." pangaral pa ni Mamu Penny.

Tumango lamang si Raffaella sa sinabi nito, ngunit mas pinili pa rin niya na sarilinin ang gusot sa pagitan nila ni Lucas.

"Oh siya, siya! Hihintayin ko na lang kung kailan ka handang magkwento..." sagot lang ni Mamu Penny para mas bigyan pa ng espasyo ang pag-iisip ng dalaga.

"Thank you po..." sagot ni Raffaella bago humalik sa pisngi nito. "Alis na po ako, Mamu..." pamamaalam niya bago tuluyang kinuha ang kanyang bag.

Bago pa man tuluyang makalabas ng pintuan ay agad itong tinawag ni Mamu Penny, "Raffy, sandali!" anito kaya't mabilis napabaling sa kanya si Raffaella. "May inaalok na raket si Niana, baka gusto mo raw maki-join sa raket niya. Kulang daw sila ng isang brand ambassadress eh."

"Kailan daw po, Mamu?"

"Mamayang gabi... Pero kung wititit naman sa schedule mo sa school, keribels lang 'nak. May next time pa naman." dire-diretsong turan nito sa dalaga.

"Pakisabi po kay Nian, gorabells ako mamaya..." sagot naman ni Raffaella.

"Oks! Text ko na siya, now na!"

"Sige po Mamu, alis na po ako." pamamaalam niya rito bago tuluyang nilisan ang kanilang tahanan.

"Sige... Ingat ka Raffy!" tugon naman ni Mamu Penny bago itinuon ang atensyon sa kanyang telepono.


*****


"Raffy!" tili ni Niana nang makita nito si Raffaella na kakapasok lang ng dressing room.

"Nian!" nakangiting sambit naman niya rito, saka nagyakapan ang dalawang magkaibigan.

"Beb, namiss kita!" anito saka kumawala sa kanilang pagkakayakap. "Sorry kung hindi ako naka-attend sa fashion show ng L.E. Philippines ahh. Nasa Cebu kasi ako no'n. Alam mo na beb... raket-raket, para sa pangkabuhayan showcase."

Natawa naman si Raffaella sa pagkakwela nito, "Ayos lang beb, mas importante ang raket para sa life..."

"Alam mo 'yan beb. Mahirap talaga kapag bread-winner ka ng pamilya. Hindi pwedeng mamahinga ang mga mamasang wannabe na gaya ko." nakangiwing saad ni Niana habang naglalakad ang magkaibigan patungo sa vanity mirror.

"Mabuti ka nga beb may pamilya na pinag-aalayan ng pagod. Samantalang ako, kung hindi pa ako kinupkop ni Mamu Penny sino na lang ang magiging dahilan ko para gumising sa umaga 'di ba?" makahulugang sambit niya rito.

Biglang namang napahalakhak si Niana sa sinabi ni Raffaella, "Parang commercial tagline lang ng nescafé beb ahh..." ngingisi-ngising usal nito.

Napangisi na lang din si Raffaella nang mapagtanto ang bagay na sinabi niya rito, "Ikaw kasi beb eh, nadadala ako sa kadramahan mo."

"Oh siya! Tara na nang makapag-ayos ng alak sa labas." ani Niana saka isinilid ang kanyang face powder sa kanyang make-up kit.

"New brand?" curious na tanong lang ng dalaga rito.

"Yep... Chaz Monroé beb. Bagong labas na tequila sa market at as usual mamahalin, kaya rito sa Luxurious Bar ginanap ang event."

Nagpatango-tango lamang si Raffaella sa sinabi ni Niana bago sila tuluyang lumabas ng dressing room. Sumalubong sa dalaga ang malakas na tugtugin na siyang nagpakabog sa kanyang dibdib. Mga piling trabahador at mga brand ambasadress pa lamang ang tao sa nasabing bar, kaya't naaamoy pa niya ang lime scent sa kabuuan ng establisyamento.

"Raffy!" sigaw ni Niana kaya't natuon ang kanyang atensyon rito.

Hindi namalayan ni Raffaella na nakalayo na pala ito sa kanyang tabi, kaya't sinundan na rin niya ang kaibigan patungo sa bar counter.

Mabilis lumipas ang oras sa loob ng Luxurious Bar, kaya't ang kaninang maaliwalas na kapaligiran ay agad napuno nang hindi magkandamayaw na dami ng tao. Karamihan sa mga dumalo sa nasabing event, ay piling mga artista, matataas na taong kilala sa lipunan at may sinasabi sa buhay.

Hindi lang sa karangyaan nag-uumapaw ang mga taong naroroon, kundi pakabig din pagdating sa kani-kanilang mga itsura. Sobrang namangha si Raffaella sa kakisigan ng kanyang makakasalamuha sa event na iyon. Para sa kanya'y maituturing na rin ang pagkakataon na iyon, bilang isang prebilehiyo dahil isa siya sa maghahatid ng nasabing inumin para sa kanyang mga iniidolo.

"Gentlemen, here's your drink..." magalang na turan ni Raffaella, sa grupo ng mga kalalakihang nakaupo sa isang VIP Lounge.

Sabay-sabay na napalingon ang mga ito sa kanyang bulto, "Hello there, beautiful!" usal ng ilan habang inilalapag ni Raffaella ang inumin sa isang round table.

Sa halip na sumagot ay nginitian lamang ni Raffaella ang mga ito. Matapos gawin ang kanyang serbisyo ay agad siyang yumukod sa mga ito sabay sabing, "If you need anything, just ring a bell. Gentlemen..."

Ngunit nang akmang tatalikod na ang dalaga ay narinig niya ang isang baritonong boses, "Yes, we need something!" biglang usal ng isang lalaki na may matipunong pangangatawan at mukang foreigner.

"Yes sir?" sagot lang ni Raffaella nang balingan niya ito ng tingin.

Mabilis namang tumayo ang nasabing lalaki at maagap na inakbayan si Raffaella, "Can you join us for a little game, called body shot?" diretsong saad nito at kulang na lang ay mahalikan na ang tenga ng dalaga, dahil sa lapit ng pagkakabulalas nito ng mga salitang iyon.

Mabilis namang kumawala si Raffaella sa pagkaka-akbay nito sabay sabing, "Do you understand tagalog, sir?" cool niyang saad dito.

"Oo naman..." nakangising usal ng lalaki habang pakindat-kindat pa sa kanyang mga kasama.

Sarkastikong nginitian lang ito ni Raffaella, "Good... So, tatagalugin ko na lang para mas dama," panimula niya rito saka kunwaring inakbayan ang makulit na lalaki. "Alam mo sir, cool 'yang laro niyo."

Nagningning naman ang mata ng mga kalalakihan sa sinabi ni Raffaella, na animo'y mga buwaya na anumang oras ay gusto siyang sunggaban at sagpangin.

"Pero mas magiging cool pa ang kapogian niyo, kung bibili kayo ng bagong brand ng aming tequila." pambobola pa ni Raffaella sa mga ito.

"No problem, bigyan mo kami ng dalawang bote ng tequila niyo para masimulan na natin ang totoong party! Woooohhh!" sabay-sabay na hiyawan ng mga ito, at ang iba ay nag-aapir-an pa dahil sa kasabikan.

Mabilis pinukaw ni Raffaella ang atensyon ng waiter at sinenyasan ito gamit ang kanyang mga kamay, para ipahatid ang dalawang bote ng Chaz Monroé.

Matapos mai-serve ang nasabing alak, lemon, at asin, ay nagmamadaling binuksan ng matipunong lalaki ang bote ng tequila bago ito isinalin sa shot glass.

Ngunit nang akmang ipapahid na nito ang lemon sa leeg ni Raffaella ay mabilis umiwas ang dalaga, "Ops, ops!" aniya bago lumayo ng ilang pulgada rito. "Gusto ko sana kayong samahan boys, kaya lang may trabaho pa akong dapat pagtuunan ng pansin eh." nakangisi niyang turan sa mga ito.

"Hahaha!" halakhakan ang ibinatong sagot naman ng mga kasamahan nito sabay sabing, "You just fūcked up, dude!" pang-aasar ng mga ito saka nag-apir-an.

Natatawang napahawak naman sa kanyang batok ang binata, "You got me... Nice... Nice." napapailing na usal nito saka inaro ang kanyang kamay sa dalaga, na parang naghihintay ng isang hi-five mula rito.

Malugod naman itong in-apir-an ni Raffaella sabay sabing, "Duty calls eh..." aniya bago kinidatan ang binata. Mabilis naman niyang binalingan ang mga kalalakihan na nakaupo sa VIP Lounge. "Paano boys, una na ako. Enjoy your night!" pamamaalam niya sa mga ito bago tuluyang nilisan ang pwesto ng mga ito.

Nakangiting sinalubong naman siya ni Niana sabay sabing, "Beb, akala ko na-trouble ka na eh."

Sandaling nilingon ni Raffaella ang kinauupuan ng mga kalalakihang kanyang nakasalamuha kanina bago humarap muli ang kanyang kaibigan, "Buti nga kumagat sa charm ko si Tisoy eh. Akala ko magagalit sa ginawa ko." aniya bago nagpakawala ng isang malakas na halakhak.

Sa dinami-rami ng kanyang napasok na raket, kahit papaano ay nasanay na rin si Raffaella sa kalakaran kung paano haharapin at lulusutan ang sitwasyon gaya nang kanyang kinaharap kanina. Dahil sa kanilang uri ng trabaho at palagiang suot na fitted cockatil dress sa mga event na kanilang pinapasukan, ay hindi talaga maiiwasan ang ganoong klase ng eksena. Lalo pa't may alak na nagbibigay lakas, at nagpapawala nang sinuman sa sarili nilang katinuan.

Mabuti na lang ay may naitatagong swerteng matatawag si Raffaella, bukod sa kanyang maalindog na pangangatawan at mala-anghel na mukha, ay nagpapasalamat ang dalaga dahil sa tuwing nahaharap siya sa ganoong sitwasyon, ay mabilis niya itong natatakasan o nagagawan ng paraan.


*****


Mabilis lumalim ang gabi at karamihan sa mga panauhin ay nalunod na sa bumabaha at tama ng alak. Marami-rami na rin ang naibentang produkto ni Raffaella, kaya't kahit papaano ay kota na siya sa gabing iyon.

Habang naglalakad ang dalaga patungo sa comfort room, ay nahagip ng kanyang mga mata ang isang magandang babae sa hindi kalayuan. Napaka-sopistokada nitong tingnan sa kanyang suot na white body-con dress at mahahalata mong may sinasabi sa buhay, dahil sa makinis at pino nitong kutis. Na kahit nababalot ng dilim at iba't ibang ilaw ang buong paligid, ay mababakas pa rin ang napaka-puti nitong balat.

Halos natulala si Raffaella sa kanyang nasisilayan, para itong isang anghel na literal na bumaba sa lupa dahil sa taglay nitong kagandahan.

Ngunit agad napukaw ang atensyon ni Raffaella sa lalaking biglang sumulpot sa kanyang ulirat. Isang pamilyar na pigura na matagal niyang hindi nakita.

"Lucas..." pabulong niyang sambit sa hangin.

Kasabay ng kanyang pagsambit sa pangalan nito, ay saktong paling ng paningin ng binata sa kanyang kinatatayuan. Halatang nagulat din ito sa kanyang bulto, ngunit hindi nagpahalata at inalalayan na lamang ang mala-anghel na babae patungo sa isang VIP Lounge roon.

Napapailing na nagpatuloy na lamang si Raffaella patungo sa loob ng comfort room, saka nag-freshen up para maghanda sa kanyang pag-uwi.



*****


And cut! 🎬🎬🎬

Bukas na ang kalahati nito, Lovies! Sorna! 😁✌️


*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top