NH Chapter: 9
Naging regular na ang pagtatanghal ni Brae sa Heaven's Club. Marami kasing parokyano ang nagustuhan ang kanyang pag-awit sa entablado, dahil nakakatanggal daw ito ng pagod at ang iba naman ay nahuhumaling, hindi lang sa boses kundi sa kabuuang pigura ng dalaga.
May mangilan-ngilang customer ang nagpupumilit na i-table si Brae, ngunit agad naman niya itong tinatanggihan dahil hindi siya kumportable sa linya ng ganoong trabaho. Mas gusto kasi ni Brae na pagsilbihan na lang ang mga ito bilang isang waitress/singer para na rin sa kanyang kaligtasan.
Ngayon ay abala si Brae sa pagpupunas ng isang bakanteng lamesa sa Club. Mayroon kasing isang grupo ng customer na bagong dating ng gabing iyon at nangangailangan ang mga ito ng mesa para kanilang magamit. Punuan kasi sa nasabing establisyemento, kaya't paspasan ang trabaho nina Brae at Charity bilang waitress.
"Maiden!"
Sigaw sa kanya ng isang lalaki na nabobosesan niya, walang iba kundi si Niel. At nang lingunin niya ito, ay daglian naman siyang sinenyasan ng binata para papuntahin sa bar counter.
Tinapos na ni Brae ang pagpupunas ng mesa, bago tuluyang pinuntahan ang binata, "Niel, ano ang atin?" Bungad na pagtatanong niya rito saka ipinatong ang kanyang dalawang braso sa bar counter.
Iminustra naman nito ang kanyang kamay na parang sinasabing sandali lang. At nakita ni Brae na may kinuha ito sa Liquor Rack at saka siya nito binalingan, "Maiden, pakidala nito sa Red Room." Saad ni Niel saka ipinatong ang isang mamahaling alak sa bar counter.
"H-ha? Bakit naman ako?" Pagtatanong niya rito, dahil hindi pwedeng pumasok ang mga waitress doon. Tanging mga Bartender at Entertainer lang ang pinapayagang mag-serve roon dahil ito'y isang pribadong kwarto para sa mayayamang customer.
"Ewan ko nga, sinabihan lang din ako ni Mamang na dalahin mo raw ito roon." Kibit-balikat na usal lang ni Niel sa dalaga.
"O-okay." Kahit naguguluhan ay kinuha na lang ito ni Brae. Mabilis niya itong inilagay sa isang tray, kasama ang isang maliit na bucket na may lamang mga yelo at dalawang baso.
Habang naglalakad, ay malayang sinisipat ni Brae ang bote ng alak. Alam niyang mamahalin ito dahil nakita niyang sa liquor rack ito kinuha ni Niel kanina. Nabasa niya ang label nito na, Camus Cognac at nagkibit-balikat na malamang saka nagpatuloy sa kanyang paglalakad.
Ilang mga mesa ang kanyang dinaanan bago nakarating sa VIP Room ng Club. Iba't iba ang mga kulay ng bawat pintuan sa pribadong kwarto. Mayroong kulay asul, dilaw, berde, puti, itim at sa huli ay ang pulang kwarto, na napasukan na niya noon dahil sa paghila sa kanya ni Matt doon.
Muling nanumbalik sa kanyang isipan ang imahe ng binata. Simula kasi noong unang beses siyang kumanta sa entablado, ay iyon na rin ang huling beses niyang nakita ang pigura nito sa Club. Halos dalawang linggo na ang lumipas, ngunit hanggang ngayo'y hindi pa rin niya nasisilayang muli ang binatang si Matt.
"Kailan ko kaya siya makikita ulit?" Mahinang sambit ni Brae sa hangin. Napabuga na lang ng malalim na hininga ang dalaga saka muling naglakad papunta sa pulang pinto.
Nang marating niya ang harap nito ay agad niyang inayos ang kanyang sarili, bago tuluyang kumatok ng tatlong beses sa pintuan. Narinig ni Brae ang tunog ng seradura ng pinto at ilang segundo lamang ang lumipas nang tuluyan itong bumukas.
Parang naestatwa ang dalaga sa kanyang kinatatayuan, dahil ang kaninang taong kanyang iniisip-isip ay kaharap na niya ngayon. Mas lalong kumabog ang kanyang dibdib nang ngitian siya nito ng napakatamis. Parang gusto nang matunaw ni Brae sa kanyang kinatatayuan dahil sa kagwapuhang taglay ng binata.
Hindi man niya aminin, parang biglang sumaya ang kanyang puso nang makita itong muli. Halos sa ilang minuto na pagtayo ni Brae sa harap ni Matt, ay wala man lang lumabas na kahit anong salita sa kanyang labi.
Napabalik na lang sa kanyang ulirat ang dalaga, nang marinig niya ang mahinang boses ng binata, kaya't mabilis niya itong sinagot nang, "Ay! S-sir, s-sorry po." Nahihiya niyang sambit rito.
"It's okay... Pakilagay na lang sa table." Nakangiting usal ni Matt bago niluwagan ang pagkakabukas ng pintuang pula.
Nakayukong pumasok naman dito si Brae at napansin niya na wala namang tao sa loob ng kwarto. Wala namang kasama si Matt, bakit dalawa ang basong ipinadala sa akin ni Niel? Kunot noong sambit ni Brae sa kanyang sarili. Bahagya pang nagulat ang dalaga sa biglaang pagsara ni Matt ng pintuan, kaya't mabilis niya itong nilingon.
Nakita naman ni Matt, na rumehistro sa magandang mukha ni Brae ang pagkakagulat kaya mabilis niya itong sinabihan nang, "Sorry." Wika niya sa dalaga saka naglakad papunta sa itim na couch na nakahanay sa dingding.
Sinundan lang nang tingin ni Brae ang binata paupo sa couch at nakita niya na agad itong nagsalin ng alak sa baso. Hindi naman malaman ng dalaga kung ano pa ang kanyang gagawin, kaya nagsalita na lang ito nang, "S-sir, may ipag-uutos pa po ba kayo?" Nakayuko niyang sambit sa binata habang nilalaro ang kanyang mga kamay.
Hindi naman sumagot ang binata kaya mabilis niyang tiningnan ang mukha nito, na hindi na dapat niya ginawa dahil mataman na palang itong nakatingin sa kanya. Halos pigil ang hiningang nakipagtitigan si Brae sa binata. Wala man lang ni isa sa kanila ang gustong maunang magsalita, tanging mga paningin lamang nila ang nag-uusap.
Ilang minuto rin ang itinagal ng kanilang pagtititigan bago narinig ni Brae na nagsalita ang binata, "Please, have a seat." Malambing na saad ni Matt saka tinapik ang katabi nitong upuan.
Para namang nahipnotismo si Brae sa pagtawag na iyon ni Matt, kaya't mabilis siyang napasunod sa kagustuhan ng binata at walang sabi-sabing lumapit na rito bago naupo sa katabi nitong couch. Hindi makatingin ng diretso si Brae sa mga mata ng binata, para kasi siyang napapaso sa dating ng pagtitig nito, kaya hangga't maaari ay iniiwasan niya na magsalubong muli ang kanilang mga paningin.
"Do you drink?" Usal ni Matt saka inginuso ang bote ng alak sa ibabaw ng lamesa.
"H-hindi po s-sir." Nahihiyang sambit ni Brae, nang sandali niyang balingan ito.
"Just call me, Matt. Masyadong pormal ang Sir."
Nang marinig iyon ni Brae, ay tuluyan na niya itong nilingon at nagtamang muli ang kanilang mga paningin, "N-nakakahiya naman po, s-sir."
Nagpakawala naman nang malakas na halakhak ang binata, "Matt, na lang." Malambing na saad nito saka hinawakan ang malayang kamay ni Brae, na nakapatong sa hita nito.
Para namang napaso si Brae sa biglang paghawak na iyon ni Matt, kaya't mabilis niyang binawi ang kanyang kaliwang kamay, "Mauuna na po ako." Nanginginig niyang saad saka mabilis na tumayo ng couch.
Mabilis na tinungo ni Brae ang pintuan, at nang hawak na niya ang seradura ng pinto ay muling niyang narinig na nagsalita si Matt.
"I miss you." Malambing na usal nito at ramdam ni Brae ang sensiridad sa timbre ng boses ng binata.
Halos pigil ang hininga ni Brae nang marinig ang katagang iyon, napahigpit lalo ang pagkakahawak niya sa seradura ng pinto dahil hindi niya alam kung lilingunin ba niya ito o tuluyan nang lalabas ng kwarto.
Halos naestatwa na si Brae sa kanyang kinatatayuan at ilang segundo lamang ang lumipas, ay nakarinig ang dalaga ng yabag papalapit sa kanya.
"Namiss kita, Maiden." Muling sambit ni Matt, at nang hindi pa rin ito sumagot ay tuluyan niyang kinuha ang kamay ng dalaga na nakahawak sa seradura, saka ito pilit na iniharap sa kanya.
Napapikit si Brae nang biglang haplusin ni Matt ang kanyang kaliwang pisngi. Bawat haplos na dumadausdos sa kanyang balat, ay para itong nag-iiwan ng milyong-milyong boltahe ng kuryente na siyang nagbibigay ng kakaibang pakiramdam sa kanyang sistema.
Hindi naman mapigilan ni Matt na ilapit ang kanyang mukha sa dalaga, at parang may nag-uudyok sa kanya na halikan ito. Ngunit nang akmang ilalapit na niya ang kanyang mukha kay Brae, ay biglang may kumatok nang napakalas sa pintuan na kanilang kinaroroonan.
Mabilis namang napamulagat si Brae, nang marinig ang pagkatok sa pintuan, kaya't buong lakas niyang naitulak ang binata nang walang pag-aalinlangan.
Hindi naman natinag si Matt sa biglang pagtulak ni Brae, at nang lalapitan niya itong muli upang humingi ng pasensiya ay may malakas na kumatok muli sa pintuan sabay sabing, "Matt! Buksan mo 'tong pintuan!" Rinig nilang sigaw ng isang babae sa labas ng pintuan.
Napabuntong hininga na lamang si Matt, bago napapikit nang mariin dahil sa bugso ng kanyang damdamin na ipinairal niya dala ng kanyang pagka-miss sa dalaga. Nang makabawi ay agad nitong binalingan si Brae saka sinabi ang mga katagang, "I'm sorry, Maiden." Hinging pasensya ng binata saka ito ginawaran ng halik sa noo, bago tuluyang binuksan ang pintuan.
Gumilid naman si Brae sa bukana ng pintuan, upang makita kung sino ang kumakatok dito. Ganoon na lang nanlaki ang kanyang mga mata, nang bumungad sa kanila ang dalagang si Venus, na ngayon ay namumungay na ang mga mata dahil sa kalasingan.
"Oh! Hello sweetie," Malanding saad nito bago maagap na hinalikan sa labi ang binata. "Namiss kita, bakit naman ang tagal mong hindi nagpunta rito sa Club?" Lango sa alak na wika nito saka ipinulupot ang mga braso sa leeg ng binata.
Hindi naman nag-abalang sumagot si Matt at mabilis na binalingan si Brae upang makita ang reaksyon ng mukha nito sa kanilang sitwasyon ngayon. Nginitian lamang siya nito nang alanganin, bago nagbaba nang tingin.
"Oh Maiden! Anong ginagawa mo rito?!" Biglang singhal ni Venus, nang mapansin nito ang presensya ni Brae.
"Venus! Stop it!" Maagap na pagsuway naman ni Matt, at dali-daling inialis ang braso nito sa kanyang leeg.
Kumulo naman ang dugo ni Venus sa biglang pagbulyaw na iyon ni Matt, kaya't ibinaling niya ang kanyang atensyon kay Brae, upang dito ibuhos ang kanyang pagkakapahiya.
"Ikaw! Ang landi-landi mo talaga!" Singhal niya rito at nang akmang hahablutin nito ang buhok ng dalaga ay mabilis siyang pinigilan ito ni Matt.
"Venus!" Maawtoridad na sigaw ng binata rito.
Nagtatanong ang mga matang nilingon naman ito ni Venus, bago rumehistro ang galit sa mga mata nito, "Pinagtatanggol mo itong malanding ito?!" Hindi makapaniwalang usal ng dalaga bago binalingan si Brae.
Hindi naman sumagot si Matt, dahil ayaw na niyang patulan si Venus dahil lango ito sa alak at wala rin ito sa wisyo para makipag-usap nang matino.
Nasusuklam na binalingan naman ni Venus ang dalaga sabay sabing, "Hindi pa tayo tapos, Maiden!" Mataray na anas nito at pabalang na hinampas ang pintuan, bago tuluyang lumabas ng kwarto.
Naiwan naman sina Matt at Brae sa loob, wala ni isa sa kanila ang gustong magsalita. Ngunit ilang segundo lang ang lumipas nang basagin ng binata ang katahimikan na pumapagitna sa kanila ng dalaga.
"Maiden, I'm sorr..." Hindi na natapos ni Matt ang kanyang sasabihin nang putulin ito ng dalaga.
"Sir, kung wala na po kayong ipag-uutos, aalis na po ako."
Napabuntong hininga na lamang si Matt saka muling nagsalita, "Sige na, salam..."
Hindi na pinatapos pa ni Brae ang sasabihin ng binata, at mabilis itong kumaripas nang takbo papalabas ng pribadong kwartong kanilang kinabibilangan.
"Maiden!" Tawag pa ni Matt dito, ngunit hindi na siya muling nilingon pa ni Brae.
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top