NH Chapter: 8
Mabilis lumipas ang mga araw, at nasanay na ang dalagang si Brae sa kalakaran sa Club. Patuloy pa rin sa pagtataray sa kanya si Venus, ngunit hangga't maaari ay iniiwasan na niya na mag-krus ang kanilang landas.
Kapag nasa kusina nang staff house ang grupo nito, ay agad lumalayo si Brae upang magpahangin sa labas o 'di naman kaya'y nagkukulong na lang ito sa kwarto. Minsan ay ipinagtatanggol siya ni Girlie laban sa grupo nina Venus, kaya kahit papaano'y nakakahinga nang maluwag ang dalaga.
Abala ngayon sa pagtitiklop ng kanyang mga damit si Brae, nang bigla niyang mapansin ang isang kulay asul na panyo. Kinuha niya ito at agad rumehistro ang matamis na ngiti sa kanyang labi, habang inaalala ang taong nagmamay-ari ng panyong iyon.
"Matt pala ang pangalan niya." Nagniningning ang mga matang saad niya, habang patuloy sa pagtitiklop ng mga damit.
Bigla namang napatigil si Brae sa kanyang ginagawa nang maalala ang ginawa sa kanya ng binata. Ipinikit niya ang kanyang mga mata, saka inalala ang imahe ni Matt habang hinahaplos nito ang kanyang pisngi.
Nang iminulat niya ang kanyang mga mata, ay mas lalo siyang napangiti dahil sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanya. Hindi lang isa kundi dalawa, dalawang beses na siya nitong nililigtas sa mga gulong kinakaharap niya.
"Sana makita ko siya ulit, para maibalik ko itong panyo niya." Wika ni Brae saka nagpatuloy sa kanyang ginagawa.
Abala si Brae sa pagtutupi ng kanyang mga damit. Hilig niya ang musika, kaya't mas pinili na lang ng dalagang kumanta habang abala sa kanyang ginagawa.
🎶 You light me up and then I fall for you
You lay me down and then I call for you
Stumbling on reasons that are far and few
I'd let it all come down and then some for you. 🎶
Magaling umawit ang dalagang si Brae, dahil isa siyang miyembro ng Koro/Choir sa kanilang probinsya. Sumasali rin ang dalaga noon sa mga patimpalak na ginaganap sa iba't ibang lugar sa San Lorenzo, kaya't masasabing may talento ito sa pagkanta.
🎶Pretty baby don't you leave me
I have been saving smiles for you
Pretty baby why can't you see
You're the one that I belong to
I'll be the embrace that keeps you warm
For you're the sun that breaks the storm
I'll be alright and I'll sleep sound
As long as you keep comin' around,
oh pretty baby. 🎶
Nasa kalagitnaan ng kanyang pagkanta si Brae, nang biglang makarinig siya ng palakpak galing sa bukana ng pintuan.
Mabilis naman niya itong nilingon at nakita roon si Charity na may malaking ngiti sa labi, "Oh Cha, nandyan ka na pala." Bati niya rito saka muling itinuon ang kanyang atensyon sa pagtutupi habang patuloy sa paghuni.
Lumapit naman sa kanya si Charity saka naupo sa kama bago humarap sa kanya, "Te may talent ka pala sa pagkanta?" Masiglang wika nito saka tinapik ang kanyang balikat.
Natawa naman si Brae sa sinabi nito.
"Tawa ka riyan, hindi ko alam na maganda pala ang boses mo."
"Ah... 'Yon ba? Member kasi ako nang choir sa probinsya namin, saka sumasali-sali ng mga singing contest sa mga bara-barangay, gano'n." Walang kimeng saad nito habang patuloy pa rin sa pagtitiklop.
"Alam mo 'te, pwede kang mag-extra sa Club." Biglang suhestiyon ni Charity.
Kumunot naman ang noo ni Brae dahil sa pagsambit nito sa salitang extra.
Nakuha naman agad ni Charity kung ano ang pinapatungkulan ng ekspresyon ng mukha ni Brae, kaya't mabilis niya itong sinagot, "Loka! Hindi ekstrang kagaya nang ginagawa ng mga entertainer noh. Extra... As in extra sa club bilang singer."
Sandaling napaisip si Brae sa sinabing iyon ni Charity, ngunit alam niya na kaakibat no'n ay haharap siya sa mga customer doon. Kaya naman mabilis niya itong tinanggihan.
"H'wag na Cha, mahirap 'yon."
"Gaga! Akala ko ba gusto mong makaipon ng pera, nang mas mabilis?" Pagtatanong pa ni Charity.
"Oo nga kaya lang..."
Hindi na natapos ni Brae ang kanyang sasabihin nang biglang magsalitang muli ang kanyang kaibigan, "Oh 'yon naman pala eh, h'wag ka mag-alala sasabihin ko mamaya kay Mamang Dyosa na mag-eextra ka." Masiglang sambit nito saka ipinalakpak ang kanyang mga kamay na animo'y sabik na sa mangyayari mamaya.
Nagkibit-balikat na lamang si Brae saka nagpatuloy sa kanyang ginagawa.
Kinagabihan, maagang dumating sina Brae at Charity sa Heaven's Club. Sinabi na rin ng dalagang si Charity ang tungkol sa talento ni Brae at natuwa naman si Mamang Dyosa sa balitang iyon.
"Tamang-tama, mamaya pwede ka nang mag-umpisa sa pagkanta," Nakangiting sambit nito sa dalaga. "Ako na'ng bahalang magsabi kay Manager, hindi kasi siya pupunta rito ngayong gabi."
"Maraming Salamat po Mamang." Nahihiyang sambit ni Brae rito.
"Wala 'yon Maiden, basta galingan mo mamaya ha?" Maarteng saad nito saka hinawakan ang kamay ng dalaga. "Kapag nagustuhan ka ng mga customer, tiyak na bibigyan ka nila ng tip."
"Ay nako Mamang, ako na'ng nagsasabi sa'yo, magaling 'yang manok ko." Nakangising bungad ni Charity sa dalawa.
"Very good." Sagot naman ni Mamang Dyosa.
Nag-umpisa nang magsipasukan ang mga parokyano sa Club at unti-unti na ring napupuno ang mga bakanteng silya sa harap ng entablado. Kabadong pinagmamasdan lang ni Brae ang mga tao habang nakasilip sa backstage. Hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin upang mapahupa ang bilis ng pagkabog ng kanyang dibdib. Sanay naman siyang humarap sa mga tao, ngunit sa pagkakataong ito ay ibang entablado na ang kanyang pagkakantahan. At hindi lang basta entablado, dahil karamihan sa mga manonood sa kanya'y puro kalalakihan.
Nasa ganoong sitwasyin si Brae nang biglang may nagsalita sa kanyang likuran, "Maiden, ready ka na ba?" Bungad sa kanya ni Mamang Dyosa.
"O-opo." Nauutal naman niyang sagot, habang nakatingin pa rin sa mga parokyano sa harap ng entablado.
"Ayos ka lang ba? You look tense..." Biglang saad ni Mamang Dyosa, dahil sa kaba na bumabalot ngayon sa aura ng dalaga.
"O-okay lang po ako Mamang." Sagot naman ni Brae nang tuluyan niyang harapin ito.
"Sige, pupunta na ako sa harap. Ilang minuto na lang magsisimula na ang number mo." Tapik balikat na saad ni Mamang Dyosa saka tinungo ang nakatoka sa sound system, para ipaalam na magsisimula na ang pagtatanghal ni Brae. Ilang minuto lang ang lumipas ay nagsimula nang mamatay ang mga ilaw sa buong paligid.
(Play the Song "Sa aking Pag-iisa" Instrumental)
Narinig na ni Brae ang hudyat ng kanyang pagkanta, kaya't mabilis itong pumunta sa gitna ng entablado. At kahit kinakabahan ay lakas loob siyang tumayo sa harap ng mga parokyano. Bahagya pang namula ang mga pisngi ni Brae, dahil ang isang malaking ilaw na kung tawagin ay spot light na biglang tumutok sa kanya ngayon. Ngunit hindi siya nagpatinag doon, at taas noo na lang niyang hinarap ang pagtatanghal.
🎶Sa aking pag iisa
Di maiwasang maalala ka
tamis ng iyong halik,
paulit-ulit na nagbabalik
at nasasabik pag iniisip ka sa pag iisa.🎶
Ang kaninang maingay na paligid ay unti-unting tumahimik dahil sa mala-anghel na tinig ni Brae. Lahat ng atensyon ng mga taong naroroon ay sa kanya na nakatutok ngayon. Wala ni isa ang gustong mangahas na mag-ingay, ni magsalita dahil sa lamig ng boses ng dalaga.
Ipinikit na lang ng dalaga ang kanyang mga mata para mas lalong madama ang kanyang emosyon sa pagsambit ng mga liriko sa pamamagitan ng pagkanta.
🎶Sa aking pag-iisa,
ang yakap mo ay hanap hanap pa
haplos ng iyong kamay ay pilit ko paring gingagaya
habang hawak ko ang larawan mo at nag-iisa.🎶
Nang iminulat niya ang kanyang mga mata, ay napansin ni Brae na tuluyan nang tumahimik ang mga customer habang nakikinig sa kanyang awitin.
At nang humantong na sa Koro/Chorus ang awitin ni Brae, ay biglang napabaling ang kanyang paningin sa harap ng entablado. Biglang kumabog ang kanyang puso nang masilayang muli ang bulto ng binatang si Matt, na ngayon ay mataman nang nakatingin sa kanya.
🎶Kung magkikita tayong muli,
hindi ko na ikukubli
na nais madama muli ang iyong pagibig,
kahit sandali
ibigin mo ako ngayon at bukas ay iwanan mo ako ng bagong alaala sa aking pag iisa.🎶
Diretsong nakatingin lamang si Brae sa mga mata ng binata, ang kanilang mga paningin ay parang napako na para sa isa't isa. Ang bawat liriko na isinasambit ng dalaga, ay parang gusto niyang iparating ang mga ito kay Matt, na ngayon ay seryosong nakatingin sa kanya habang sumisimsim ng alak.
Habang matamang tinititigan naman ni Matt ang dalaga, ay parang may nag-udyok sa kanya na mas ituon pa ang kanyang atensyon dito. Ang magandang boses ng dalaga, na humahaplos sa kanyang puso't humahalina sa kanyang pandinig. Hindi tuloy mapigilan ni Matt na mas asamin, na makilala nang lubusan ang dalagang nagngangalang Maiden.
Hindi na alintana ni Brae ang mga tao sa kanyang paligid. Kaya't nagpatuloy lamang siya sa pagkanta. Ilang minuto lang ang lumipas nang matapos na ito sa kanyang pagtatanghal. Nagulat na lang ang dalaga, dahil agad siyang nakatanggap ng masigabong palakpakan galing sa mga parokyano roon at humihingi pa nang isang awitin mula sa kanya.
"More! More!" Sigaw ng mga kalalakihan doon.
Napangiti na lang si Brae sa papuring kanyang natanggap mula sa mga ito, kaya't muli niyang hinandugan nang isa pang awitin ang mga parokyano sa club.
Matapos kumanta ang dalaga, mabilis siyang sinalubong ng kanyang kaibigang si Charity sa backstage, "Maiden!" Magiliw na sigaw nito. "Grabe, ang galing mo talagang kumanta." Saad pa nito saka yumakap sa dalaga.
Niyakap din naman ito pabalik ni Brae at nagtawanan pa ang dalawa, dahil sa wakas ay nairaos niya ang kanyang pag-awit sa harap ng mga customer.
Nasa ganoong posisyon ang dalawang dalaga nang biglang may nagsalita sa kanilang likuran, "Maiden, congrats!" Masiglang bungad ni Mamang Dyosa saka bumeso sa kanyang pisngi.
"Thank you po, Mamang." Nakaniti niyang sambit dito.
"Oh eto ang mga tip mo." Wika lang nito, saka iniabot ang isang puting sobre.
Kunot noo naman itong tinanggap ni Brae, at nang tingnan niya ang laman nito ay agad namilog ang kanyang mga mata dahil sa dami ng perang nakasubi roon.
"M-mamang, ang dami naman po yata masyado nito." Hindi makapaniwalang sambit ng dalaga.
"Just keep it, reward 'yan sa'yo dahil nagustuhan ka ng mga customer." Nakangiting saad ni Dyosa saka tinapik ang balikat ng dalaga.
"S-salamat po, malaking tulong po ito para sa pamilya ko."
"Wala 'yon, basta galingan mo pa sa susunod, dahil mas malaki pa riyan ang matatanggap mong tip kapag nagkataon." Wika ni Mamang Dyosa saka tuluyang tinalikuran ang dalawang dalaga.
Nagkatinginan lang sina Brae at Charity, at maya-maya lamang ay nagkatawanan na ang mga ito dahil sa natanggap ni Brae na papuri muli kay Mamang Dyosa. Matapos noon ay tuluyan nang bumalik sa kani-kanilang mga trabaho ang dalawang dalaga, para gampanan ang kanilang nakatokang trabaho.
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top