NH Chapter: 6
Kinabukasan, nagising ang diwa ni Brae nang makarinig siya nang ingay sa 'di kalayuan. Mumukat-mukat niyang tiningnan ang orasan na nakasabit sa dingding at napabalikwas sa kanyang pagkakahiga nang makitang alas-otso na ng umaga. Sana'y gumising nang maaga si Brae, dahil siya ang nag-aasikaso sa kanyang mga kapatid para maghanda sa pagpasok ng mga ito sa eskwelahan.
Ngunit nang akmang tatayo na siya sa kanyang kama, ay bigla niyang naalala na wala na nga pala siya sa kanilang tahanan. Napabuntong hininga na lamang ang dalaga saka napagpasyahan na mahigang muli sa kama. Kinuha niya ang isang kwadradong picture frame sa gilid ng lamesitang kahoy, at pinagmasdan ang larawan ng kanyang pamilya roon.
Nangilid ang kanyang mga luha nang maalalang muli ang mga ito na naiwan niya sa probinsya ng San Lorenzo. Kuha ito noong mga panahong maayos pa ang kalagayan ng kanyang Ama na si Tatay Renato. Makikita rito ang isang huwarang pamilya, na masasabi mong punong-puno ng pagmamahal para sa isa't isa.
Hinaplos niya ang salamin na nakatabing dito bago binitawan ang mga katangang, "H'wag kayo mag-alala kapag nakaipon na ako rito, uuwi agad ako riyan at magkakasama na ulit tayong lahat." Naluluhang sambit ni Brae habang hinahaplos ang larawan ng kanyang pamilya.
Nasa ganoong pag-iisip ang dalaga nang biglang may kumatok nang pagkalakas-lakas sa pintuan ng kanilang silid. Nakita niya na napabalikwas si Charity sa pagkakahiga nito, bago inis na tumayo para buksan ang pinto. Bumangon na rin si Brae saka tiningnan kung sino ang taong kumatok sa kanilang pintuan, nakita niya na bumungad doon ang isang babaeng matangkad na may mahaba at kulay gintong buhok at pabalang itong pumasok sa loob ng kanilang kwarto.
"Ano ba Venus! Ang aga-aga nambubulabog ka!" Bulyaw ni Charity rito, na hindi man lang nag-abalang magsuot ng pambabang saplot, dahil tanging panty at puting sando lamang ang suot nito.
Sa halip na sumagot ang babaeng nagngangalang Venus, ay iminustra lang nito ang kanyang kamay sa ere na parang pinapatigil sa kanyang pagsasalita ang dalagang si Charity. Nagulat naman si Brae nang bigla s'yang balingan nito at tiningnan nang masama. Sinipat siya nito mula ulo hanggang paa, saka muling binalingan ang kanyang mukha.
Nang matapos nitong sipatin ang kabuuang pigura ni Brae, ay bigla na lang tumaas ang gilid ng labi nito na parang nasusuklam sabay sabing, "So... Ikaw pala 'yung bagong babae ni Mamang." Taas kilay na anas nito, habang diretsong nakatingin sa mga mata ng dalaga.
Kahit nahihiwagaan sa pakikitungo nito ay sumagot na lang si Brae tanda ng kanyang pagpapakumbaba, "O-oo... Ako nga pala si Brae." Alanganin niyang turan dito, bago malugod na inilahad ang kanyang palad upang makipagkilala sa dalaga.
Hindi man lang nag-abala na tanggapin ni Venus ang kamay nito at sa halip ay tinaasan pa niya ito ng kilay sabay sabing, "Probinsyana!" Mataray na bulyaw nito, na parang may pinaghuhugutan ng kanyang galit.
"Hindi kita maintindihan." Nagtatanong ang mga matang tanong ni Brae, dahil sa namumuong tensyon sa pagitan nila ni Venus.
"Ikaw! Isa kang probinsyana..." Sarkastikong anas nito. "Tandaan mo ang pangalang Venus, dahil 'yan lang ang maningning na bituin sa Heaven's Club, at wala ng iba pa." Isang makahulugang saad nito saka tinalikuran ang dalagang si Brae, na hindi naman makuha ang dahilan kung bakit ito nagagalit sa kanya.
"Tinotopak ka na naman Venus!" Nagtatawanang sigaw ng mga babae sa labas ng kwarto.
"Tumahimik kayo riyan!" Inis na bulyaw nito sa mga dalagita saka muling nilingon si Brae. "H'wag kang magkakamaling humarang sa daraanan ko, dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa'yo kapag nagkataon." Pagtataray pa nito, bago pabalang na isinara ang pintuan.
Nang tuluyang makalabas si Venus, ay agad namang nilapitan ni Charity ang dalagang si Brae, "H'wag mong pansinin 'yon si Venus, nababalahibuan lang 'yon sa'yo."
Lalo namang nangunot ang noo ni Brae dahil sa sinabi ng kanyang bagong kaibigan, "Anong ibig mong sabihin?"
"Hay nako 'te, hindi ba obvious? Nati-threat siya sa'yo dahil mas maganda ka sa kanya. Feeling bossing kasi 'yang si Venus pagdating sa Club." Pagpapaliwag wika ni Charity sa kanya.
"Iba naman ang trabaho natin sa kanila 'di ba?"
"Oo, pero reyna ng mga insekyorang palaka 'yan si Venus kaya ganyan 'yang babaeng 'yan. Nakita niya kasi na mas maganda ka sa kanya, kaya naninindak na agad habang maaga." Natatawang wika ni Charity saka tinapik ang balikat ng dalaga.
Hindi naman sumagot pa si Brae at napansin naman agad ito ni Charity kaya't muli niya itong inimikan, "Te 'wag mo nang alalahanin si Venus, malakas lang talaga ang sapak ng babaeng 'yon sa ulo." Saad ni Charity upang pakalmahin ang nag-aalalang dalaga.
Ngumiti lang ng pilit si Brae rito, bago tinanguan ang kanyang kaibigan.
Mabilis lumipas ang mga oras at pumunta na sa Club sina Brae at Charity. Itinuro na lahat ni Charity ang mga dapat at hindi dapat gawin ng dalaga sa loob ng Club, upang hindi na ito masita ng kanilang Manager.
Natutuwa naman ang dalagang si Brae, dahil para s'yang nagkaroon ng instant bestfriend sa katauhan ni Charity, bukod kasi sa pagiging madaldal nito ay mabait at malambing din ang dalaga. Hindi niya tuloy maiwasang isipin kung kamusta na ang kanyang pamilya sa mga oras na iyon.
Napabalik nalang sa kanyang sarili si Brae nang bigla siyang gulatin ni Niel, "Huy! Ang lalim nang iniisip natin ahh." Nakangiting sambit nito habang abala sa pag-aayos ng mga alak sa bar counter.
"W-wala, naalala ko lang 'yung pamilya ko sa probinsya, kamusta na kaya sila?" Malungkot na saad ng dalaga habang nagpupunas ng mga baso.
"Ganyan din ako dati no'ng nawalay ako sa pamilya ko." Biglang sabat ni Charity nang makalapit na ito sa bar counter.
Humugot na lang ng isang malalim na buntong hininga si Brae saka ito ibinuga sa hangin, "Haaaayyy..."
"Ang lalim naman no'n."
Napalingon naman sina Brae, Charity at Niel sa dulong bahagi ng bar counter nang biglang nagsalita roon si Andrew.
"Oh pare, nagsasalita ka na pala ngayon?" Pang-aalaska ni Niel sa binata.
"Gago!" Natatawang sambit lang nito, bago sila dinaanan para pumunta sa kanyang pwesto sa bar counter.
"Mukang good mood tayo ngayon pare ahh, nagkabati na ba kayo ni Venus?" Pambubuska pa ni Niel sa binata.
Nilingon naman ito ni Brae at nakita niyang umiiling lang ang binata sa sinasabi ni Niel. Nakatingin lamang siya rito at ganoon na lang namilog ang kanyang mga mata nang biglang magtama ang kanilang mga paningin. Parang napaso naman si Brae sa dating ng pagtitig nito sa kanya, kaya't siya na ang unang umiwas.
Nabaling na lang ang kanyang atensyon nang magsalita si Charity, "Nako Andrew, kung good mood ka ngayon, bakit bad mood naman si Lukresyang Venus?" Buska nito sa binata habang nagpupunas din ng mga tray.
"Tigilan niyo ko!" Saad ni Andrew saka itinuong muli ang kanyang atensyon sa pag-aayos ng mga alak sa bar counter.
Sabay na nagpakawala nang malutong na halakhak sina Niel at Charity. "Sagutin mo na kasi si Venus, Andrew— nang mabawasan 'yung sapak no'n sa ulo." Dagdag pa ni Charity.
Nakikinig lang si Brae sa usapan ng mga ito, habang abala sa pag-aayos ng mga baso upang ipatas sa lagayan ang mga ito. Napansin niya na isa-isa nang pinapatay ang mga puting ilaw sa loob ng club, at unti-unti itong napalitan ng kulay pulang mga ilaw, tanda na magsisimula na ang araw para sa heaven's club.
Lumipas ang mga oras, at napansin ni Brae na halos mapuno na ang mga bakanteng upuan sa harap ng entablado. Naroon na rin ang mga babaeng entertainer, na abala sa pag-aasikaso ng kani-kanilang mga parokyano.
Naikwento na rin ni Charity sa dalaga na may nagaganap na sulutan ng mga customer doon sa pagitan ng mga babaeng entertainer. Sulutan pagdating sa kanilang kikitain, dahil ang bawat bote ng alak na maiinom ng isang customer dapat ay naka-pangalan sa entertainer ang porsyento kada bote.
"Gano'n pala 'yon noh?" Biglang saad ni Brae, habang abala sila sa pag-aayos ng order ng mga parokyano.
"Oo 'te... Kaya 'yang si Venus, kumita 'yan ng sampung libo isang araw rito. Dahil may mga customer talaga 'yan na palagi s'yang binabalik-balikan, isama mo pa 'yung... Ehem! Extra service nila pagkatapos ng trabaho rito sa Club." Mahabang litanya ni Charity sa kanya.
"Grabe ang laki naman ng sampung libo." Hindi makapaniwalang saad ni Brae, dahil kung tutuusin ay hindi pa siya nakakahawak ng ganoong kalaking halaga ng pera sa tala ng kanyang buhay. Ni sa hinagap ay hindi niya maisip na pu-pwede pa lang kumita ang isang entertainer ng sampung libong piso sa isang gabi lamang.
"Oo 'te, grabe talaga... Kaya nga naging ganid at gahaman 'yang si Venus pagdating sa mga customer, ayaw niya kasing malalamangan."
Napaisip si Brae sa sinabing iyon ni Charity, hindi naman niya gustong sumabak sa nasabing trabaho ng ibang babae roon. Ang tanging nakakapagpaisip sa kanya, ay ang malaking halaga ng pera na pwedeng kitain doon sa loob lamang ng isang buong magdamag.
Mabilis lumipas ang mga oras at agad natapos ang isa na namang araw ng trabaho ni Brae sa club. Habang nakahiga sa kanyang kama, ay hindi maalis sa isipan nito ang tungkol sa nasabing trabaho ni Charity sa kanya.
"Kung kikita ako ng sampung libo sa isang araw, mas mabilis akong makakaipon at makakauwi sa amin." Nakatulalang sambit ni Brae sa kanyang isip.
"Pero ang tanong, kakayanin ko bang hawakan nila ang maseselang bahagi ng aking katawan ng wala pahintulot at labag sa aking kagustuhan? Bastusin at hipu-hipuan ako ng mga lalaking customer doon, kapalit ng malaking halaga ng pera?"
"Tama ba itong iniisip ko? Hindi ba ilalagay ko lang ang aking sarili sa kapahamakan, lalo pa't hindi naman ako sanay sa ganoong uri ng trabaho? Ang mag-suot nga lang ng maigsing palda ay talagang ikinaiilang ko na, iyon pa kayang magsuot ng damit gaya ng mga babaeng entertainer sa club, na halos lumitaw na ang mga kaluluwa sa sobrang igsi't hapit ng kanilang mga kasuotan?"
"Haaaayyy..." Buntong hininga ni Brae. "Hindi ko na alam kung anong gagawain ko." Iritableng sambit nito saka ipinikit ang kanyang mga mata upang makapag-isip-isip. At ilang minuto lamang ang lumipas nang tuluyan nang makatulog ang dalaga sa kanyang kama.
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top