NH Chapter: 29
Mabilis lumipas ang mga araw at umabot na sa ika-anim na buwan ang pagdadalang tao ni Brae. Papunta ngayon sa ospital ang magkasintahan, upang ipasuri ang kasarian ng kanilang munting anghel.
"Good Morning Doc." Bungad na bati ni Matt sa Ob-Gynecologist na nakatoka para suriin ang kanyang kasintahan.
"Yes, good morning Mr. Montenegro. So, let's start?" Nakangiting sambit nito saka binalingan ang dalagang si Brae. "Tara na po sa loob, Mommy." Anyaya ni Dra. Cristobal sabay binuksan ang berdeng kurtina.
"Doc, pwede po ba ako sumama sa loob?" Biglang pagtatanong ng binata rito.
Bahagyang natawa naman si Dra. Cristobal sa turan nito saka nagsalita nang, "Yes po Mr. Montenegro, pero ihahanda ko muna si Mommy and I will let you know kapag okay na po." Magalang namang saad nito kay Matt.
"O-okay, I'm so sorry Doktora. Excited lang po kasi akong makita ang baby namin." Ani Matt saka ngumiti nang alanganin dahil sa kanyang pagkakahiya.
Nginitian lang ni Brae ang kanyang nobyo bago siya dumiretso sa higaan na nakalaan para sa kanyang pagpapa-ultrasound.
"Mommy, higa ka na po sa hospital bed." Saad ni Dra. Cristobal habang isinasara ang berdeng kurtina.
Mabilis namang humiga si Brae sa higaan saka sinipat ang kabuuan nang maliit na espasyo na kanilang kinalalagyan.
"Okay Mommy, first baby niyo po?" Biglang wika ng doktora habang inihahanda ang kanyang gagamitin para sa pelvic ultrasound na gagawin kay Brae.
"O-opo Doktora, kinakabahan nga po ako eh." Alanganing turan ni Brae rito habang magkasaklob ang kanyang mga kamay.
"Ahh okay, so taas po muna natin itong damit mo Mommy ha?" Anito saka inalalayan si Brae na ayusin ang kanyang damit.
Naramdaman na lang ni Brae na may inilagay na malamig na bagay sa ibabaw ng kanyang tiyan kaya mabilis niyang sinilip ito. Para itong isang Gel na kulay transparent, na kung tawagin nila ay Aquasonic Ultrasound Gel, kung saan ginagamit ito upang mas masagap ang heartbeat ng bata. Matapos malagyan ng gel ay may inilagay ang doktor sa kanyang tiyan na aparato, para makita ang munting supling sa kanyang sinapupunan.
Ilang beses pang hinagod ni Dra. Cristobal ang maliit na makinilya sa tiyan ng dalaga bago ito nagsalitang muli, "Mommy, iyan na po si Baby." Masiglang saad nito habang naka-mask ang bibig.
Mabilis namang tiningnan ni Brae ang monitor sa kanyang harapan. Naluha siya nang makita ang itsura ng kanyang anak sa monitor.
"Mr. Montenegro, pwede na po kayong pumasok."
Mabilis pa sa alas-kwatro na pumasok si Matt nang marinig ang hudyat ng Doktora. Halatang-halata ang pagkasabik sa itusra nito, na masilayan ang kanilang munting anghel. Nakangiting lumakad ito papunta sa kabilang bahagi ng kama ni Brae, saka hinalikan ang noo ng kanyang kasintahan.
"Doc, ano pong gender ng baby namin? Babae po ba?" Apuradong saad ni Matt habang nakatingin na rin sa monitor.
"Okay, let's check the gender of your baby. Ready na ba kayo?" Nakangiting saad nito saka inihagod muli ang makinilya sa tiyan ng dalaga. May kinalikot pa ito sandali sa monitor saka nagsalita nang, "Well you're good on guessing Mr. Montenegro, It is a healthy baby girl." Masigla pa nitong turan, saka itinuro sa monitor ang kasarian ng kanilang munting anghel.
"Yes! Yes! I knew it, babae talaga ang anak natin, Love." Masayang sigaw ni Matt sa sobrang kagalakan, at walang sabi-sabing ginawaran nang maraming halik sa labi ang kanyang kasintahan.
Naluluhang tiningnan naman ni Brae ang kanyang anak sa monitor at saka binitawan ang mga katagang, "Precious Madelynn." Nakangiting saad ng dalaga habang patuloy sa pagbagsakan ang kanyang mga luha sa sobrang kasiyahan.
"A precious name indeed. I love you, Mommy." Malambing na usal ni Matt.
"I love you too, Daddy." Nakangiting sambit naman ni Brae rito saka nila muling binalingan ang kanilang munting anghel sa monitor.
Pauwi na ngayon ang magkasintahan sa Grandeur Condominium, habang nasa biyahe ay biglang nagsalita si Matt, "Love, may gusto ka bang puntahan ngayon?" Pagtatanong ng binata habang nakatuon ang atensyon diretso sa kalsada.
"Uhmm... Wala naman Love, ikaw may gusto ka bang puntahan?" Balik tanong lang ni Brae.
"Alright, okay lang ba sa'yo may dadaanan lang tayo sandali?" Muling saad ni Matt bago siya nito nilingon.
"Oo naman Love, kahit saan basta kasama kita." Nakangiting sambit lang ni Brae saka ito kinindatan.
"Love, please don't do that."
"Ha? Ang alin po?" Walang muwang na saad ng dalaga habang nakakunot ang noo.
"The winking part— You're too cute when you're doing that. Gusto tuloy kitang halikan pero hindi naman pwede dahil nagmamaneho ako." Nakanguso nitong bulalas na nakapagpatawa naman sa kanyang kasintahan.
"Mas cute ka kaya Love, lalo na kapag nakanguso 'yang labi mo. Ang sarap halikan. Kainis!" Nanggigigil na turan ni Brae na nagpipigil lang na kurutin ang pisngi ng kanyang nobyo.
"You can kiss me naman Love, I'm all yours and only yours remember?" Sabot pa ng binata saka ngumisi nang nakakaloko.
"Sus! Sabi mo eh—"
Masayang nagkwentuhan ang magkasintahang Matt at Brae habang nasa biyahe. Dumaan muna sila sa isang Flower Shop para bumili ng bulaklak na Pink Sacred Lotus.
Nangunot naman ang noo ni Brae dahil sa biniling iyon ni Matt, kaya naman dala ng kanyang kuryusidad diretsong tinanong na niya agad ang binata, "L-love, para kanino itong mga bulaklak?" Kunot noong tanong nito habang abala sa pagsipat ng bulaklak.
Nginitian lamang siya nito sabay sabing, "For my Mom, ipapakilala na kita sa kanya" Maikli ngunit halata ang pagmamahal ng binata para sa kanyang Ina.
Bigla namang kinabahan si Brae nang mabanggit ng binata ang tungkol sa kanyang Ina, "Diyos ko po, kinakabahan ako." Aniya sa kanyang sarili habang mahigpit na nakakapit sa hawak na bulaklak.
"Hey Love, ayos ka lang?" Biglang tanong lang ni Matt rito dahil halata ang kaba sa mukha ng dalaga.
"Ahh... O-oo n-naman Love, a-ayos lang po ako." Nauutal na wika ni Brae at halata na ang kaba sa timbre ng boses nito.
Nakangiting pinagsaklob naman ni Matt ang kanilang mga kamay sabay sabing, "Don't worry Love, I'm sure magugustuhan ka ni Mom."
Huminga muna nang malalim si Brae saka binitawan ang mga salitang, "Sana nga Love." Kabado ngunit pinipilit na lang niyang pakalmahin ang kanyang sistema, kahit na ang totoo ay pinagpapawisan na ang kasulok-sulukan ng kanyang buong katawan.
Ilang minuto lang at mabilis na pumarada ang sasakyan ni Matt sa lugar na parang isang subdibisyon. Hindi naman napansin ni Brae ang pangalan nang lugar, dahil mas nakatuon ang kanyang atensyon kung paano kakaharapin ang Ina ng binata.
Nasa ganoong isipin si Brae nang biglang magsalita ang kanyang nobyo, "We're here, let's go?" Nakangiti nitong saad saka bumaba ng sasakyan. Pinagbuksan din naman agad ni Matt ng pintuan ang dalaga saka ito inalalayan pababa.
Nangunot ang noo ni Brae nang mapansin ang isang katamtamang laki nang Museleo sa kanyang harapan. Pinagmasdan niya ang kabuuan nito, halatang alaga ang nasabing lugar dahil sa kulay nitong pinaghalong krema at puti na talagang masarap tingnan sa mata. Meron din itong parang maliit na espasyo sa gilid na pwedeng upuan dahil mukha itong mini garden na masarap tambayan.
"Tara Love, pakilala kita kay Mom." Nakangiting wika ni Matt saka inilahad ang kanyang palad at mabilis naman itong tinggap ni Brae saka pinagsaklob ang kanilang mga kamay.
Sabay na pumasok sa loob ang magkasintahan at bumungad sa dalaga ang isang kulay itim na puntod na sobrang kintab, na yari sa Porcelain Tiles. Hinila pa siya ni Matt papalapit sa puntod at nakita niya ang pangalan ng isang babae roon.
Maria Matilde I. Montenegro
Mabilis niyang nilingon si Matt na parang nagtatanong ang mga mata kung ito ba ang kanyang Ina.
Nginitian lamang siya nito saka inakbayan, "Yes Love, meet my Mommy Em." Nakangiti ngunit may bahid nang kalungkutan ang dating ng boses ng binata.
Iniyakap naman din ni Brae ang kanyang kaliwang braso sa bewang ng kanyang kasintahan sabay sabing, "Ikinagagalak ko po kayong makilala, Tita." Nakikisimpatiyang turan naman ni Brae, bilang paggalang sa yumaong Ina ng binata.
"Mom, I finally found the one," Naluluhang usal ni Matt. "Wag mo na akong alalahanin Mom, dahil may makakasama na ako habang buhay at magkakaroon na po kayo ng apo." Anito bago hinalikan ang noo ng dalaga.
Nakikinig lang si Brae sa pakikipag-usap ni Matt sa puntod ng Ina nito. Kasabay nang pagluha ng binata ay gano'n ding naluluha ang kanyang mga mata. Nakita niya kung gaano kamahal ni Matt ang kanyang Ina, kaya naman mas bumilib pa siya rito dahil hindi ito nahihiyang ibulalas ang kanyang emosyon, nararamdaman at pagmamahal niya para sa kanyang Ina.
Matapos nilang ayusin ang puntod at ialay ang paboritong bulaklak ni Mommy Em, ay naupo ang magkasintahan sa mini garden ng Museleo.
"Love, a-anong kinamatay ng Mommy mo?" Biglang tanong ni Brae rito.
Hinawakan naman ni Matt ang kamay ng dalaga at ikinuwento lahat bago nawala ang kanyang Ina, "It all started when Dad's Mistress came into our lives. At first she was hesitant to confront my dad about his secret affair, pero noong nalaman ni Mom na inuubos na ni Dad ang pera niya kakasustento't kakabili ng mga mamahaling gamit para sa babae niya, doon na nagsalita si Mom." Malungkot na pagku-kwento ni Matt habang nakatingin sa malayo.
"Tinanong ni Mommy Em ang Daddy ko kung sino ang pipiliin nito, kung kami na pamilya niya o ang kirida niya. Well sadly, mas matimbang ang kirida niya kesa sa amin," Ani Matt saka tumawa nang mapakla.
"That's the hardest part of Mommy Em's life, napabayaan na nito ang kanyang sarili. Walang ganang kumain and depression strikes her. One day nakita na lang ng kapatid ko na wala nang buhay si Mommy sa kwarto nito because of overdose." Nanng masabi ni Matt ang katagang iyon ay nagbagsakan na ang kanyang mga luha sa sobrang sama ng loob.
"Until now, sinisisi ko pa rin si Dad at ang kirida niya sa cause nang depression ni Mom. Hanggang ngayon ay gusto ko silang gantihan para sa pagkawala ng Mommy ko." At sa puntong 'yon ay humagulgol na nang husto ang binata.
Mabilis namang niyakap ni Brae ang kanyang kasintahan habang hinahaplos ang likod nito, "Shhhhh..." Alo niya rito dahil ayaw namang pangunahan ng dalaga ang mga desisyon ni Matt tungkol sa galit nito sa kanyang Ama.
"Love, nandito lang kami ni Baby para sa'yo." Lambing ni Brae na siyang dahilan para humiwalay sa kanilang pagkakayapos si Matt.
"Thank you Love at pinapangako ko na mamahalin at aalagaan ko kayo ng magiging anak natin."
"Wag ka mag-alala Matt, hindi ka namin iiwan ng magiging anak natin. Bubuo tayo nang maraming masasayang ala-ala at magiging malakas na ako para ipaglaban ang relasyon nating dalawa." Ani Brae sa kanyang sarili bago pinagdikit ang kanilang mga noo ni Matt.
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top