NH Chapter: 21

BRAE's POV:


Halos magdadalawang buwan na ako rito sa condo ni Matt. Simula rin nang lumipat ako rito, ay hindi na rin naman nanggulo pa sa amin si Venus. Nagkikita kami sa club pero ewan ko, parang may mali eh. Hindi naman sa hinahanap-hanap ko ang pagtataray niya sa akin, pero may iba talaga at hindi ko alam kung ano 'yon.

Ewan ko ba, simula kasi nang tumira ako rito kung ano-ano na ang naiisip ko. Ito yata ang epekto nang walang ginagawa sa bahay, ang masasabi ko lang ay sobrang nakakainip dito.

Kagaya ngayon, mag-isa na naman ako dahil may pasok si Matt sa trabaho.

Hindi naman sa nagrereklamo ako, pero hanggang ngayon ay hindi kasi ako sanay sa ganitong klase ng buhay. Iyong tipong walang ginagawa, nandyan 'yung kakain ka lang tapos tutulog. Manonood ng T.V. tapos kakain na naman at matutulog.

Linis-linis ng konti, pero dahil nga fully air-conditioned ang condo ni Matt, mas lalo tuloy napadali ang paglilinis ko rito. Ni wala nga akong makitang alikabok.

"Makatulog nga muna." Ani ko saka naglakad papunta sa guest room ni Matt. Oo tama kayo ng narinig, sa guest room ako natutulog dahil ayaw naman daw ni Matt na samantalahin ang pagkakataon purkit nakatira ako sa condo niya.

Ang sweet niya noh?

Pagkapasok na pagkapasok ko sa guest room, ay biglang bumaligtad ang sikmura ko sa hindi malamang dahilan. Mabilis akong tumakbo sa banyo para ilabas doon ang bagay na gustong kumawala sa aking sikmura.

Ilang beses pa akong napaduwal, pero wala namang lumabas na kahit ano sa aking lalamunan. Mabilis akong naghilamos ng aking mukha. At nang akmang maglalakad na ako papunta sa kama para mahiga, ay muli na namang bumaligtad ang aking sikmura kaya kumaripas ako ulit nang takbo sa banyo.

Patuloy pa rin ako sa pagduwal... Ang kaninang walang lumalabas, ngayon ay puro tubig lang. Halos sumakit na rin ang aking lalamunan dahil nagagasgas na yata ito kakaduwal ko.

Nasa ganoong sitwasyon ako nang marinig ko ang pagtawag sa akin ni Matt, "Love... Love!" Sigaw nito pero hindi ko na masyadong inintindi ito dahil nanghihina na ang kalamnan ko at medyo sumasakit na rin ang ulo ko, isama mo pa ang pagkahilo.

Narining ko na lang na binuksan ni Matt ang pintuan at mabilis itong lumapit sa akin, "Love! What happened?" Nag-aalalang usal nito habang minamasahe ang aking likuran.

Sasagutin ko na sana siya, ngunit bigla na naman akong nasuka. At sa pagkakataong iyon ay dahil na sa pabango ni Matt. Grabe ang sagwa ng amoy.

"L-love... Lumayo ka muna, pakiusap. Nasusuka ako sa pabango mo." Naghihina kong sambit, at sa isa na namang pagkakataon ay muli na naman akong naduwal. Hindi na natigil.

"Bakit Love, mabaho ba ako?" Kunot noong tanong nito saka inamoy ang kanyang sarili. "Hindi naman ahh, Actually this perfume is one of your favorites. Bakit bigla kang nabahuan?" Nagtatakang tanong nito sa akin, kaya naman naghilamos na ako ng mukha para makahiga sa kama.

Talagang nanghihina na ako.

Halos takpan ko na nang mahigpit ang aking ilong, h'wag ko lang maamoy ang pabango ni Matt. Nang marating ko ang kama, ay pabagsak kong inihiga ang aking katawan roon saka napahawak sa aking ulo dahil sa sobrang pagkahilo.

Rinig ko pa ang biglang rumaragasang tubig sa banyo, kaya naman pasigaw akong nagtanong kay Matt, "Love... Ano pong ginagawa mo?" Buong lakas kong sigaw, ngunit hindi ako nito sinagot. Marahil hindi niya ako naririnig dahil kulob sa loob ng banyo.

Habang namamahinga, ay narinig kong bumukas ang pintuan ng banyo kaya mabilis akong napatingin doon. Nanlaki ang mga mata ko dahil nakita ko si Matt na ngayon ay bagong ligo at nakatapis na lang ng tuwalya sa ibabang bahagi ng kanyang katawan.

"Oh, bakit ka biglang naligo?" Pagtatanong ko sa kanya at pinilit ko na lang na magsalita kahit na masama ang pakiramdam ko.

"Nababahuan ka sa'kin 'di ba? Kaya naligo na ako." Anito habang papalapit sa akin.

Hindi ko alam kung bakit ako biglang natulala sa imahe ni Matt ngayon. Bawat paghakbang nito, ay nagbibigay nang kakaibang kasabikan na hindi ko mawari kung bakit.

Grabe, bakit ang lakas ng dating ngayon ni Matt sa akin? Nakatulala kong sambit sa aking sarili.

Mas naging kaakit-akit pa ito sa kanyang basang buhok, kaya't wala sa sariling napakagat ako nang aking pang-ibabang labi.

"Love..." Biglang tawag niya sa akin at hindi ko namalayan na nakaupo na pala ito sa gilid ng kama habang nagpupunas ng kanyang buhok.

"H-ha?" Nauutal kong saad sa kanya.

Tumawa lang ito saka ako nilapitan at dumukwang upang mahalikan ako sa labi.

Grabe, bakit ang sexy ng amoy ng sabon ko no'ng siya na ang gumamit?

Napabalik na lang ako sa aking sarili nang marinig kong magsalita ulit si Matt, "Love, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang usal nito sa akin habang nakadukwang sa aking ibabaw.

Pinilit ko namang tumayo sa aking pagkakahiga saka ito sinagot nang, "Medyo umayos na ang pakiramdam ko, Love. Teka bakit ang aga mo pala umuwi?" Pagtatanong ko, na parang naging pagtatanong lang ng isang may bahay.

"Susunduin lang sana kita para sabay tayong maglunch, but I think you're not feeling well. So, dito na lang ako para maalagaan kita. Ano bang kinain mo, bakit bigla kang nagsuka?" Kunot noong tanong nito sa akin habang hinaplos ang aking kanang pisngi.

Hinawakan ko naman ang kamay ni Matt pabalik, "Hindi ko rin alam, Love. Hindi pa nga po ako kumakain ng tanghalian. Matutulog sana ako, pero pagpasok ko rito sa kwarto bigla naman akong naduwal."

Hindi naman agad sumagot si Matt sa sinabi ko, seryosong nakatingin lang ito sa akin na parang inaalam ang bawat detalye ng sinasabi ko.

"Uy, Love... Ang seryoso mo naman masyado, may nasabi ba akong mali?"

"Is your period delayed?"

Natigilan ako sa sinabi niya. Naalala ko ang buwanang dalaw ko, kaya't mabilis kong kinuha ang aking telepono sa side table. Tiningnan ko ang monthly period ko. At ganoon na lang namilog ang mga mata ko nang maalalang halos magdadalawang buwan na pala akong hindi dinadatnan.

Bagsak ang balikat na binitawan ko ang aking telepono sa kama, saka bumuntong hininga. "Haaayyy... Paano na 'to, buntis yata ako." Nag-aalala kong sambit sa aking sarili.

Malamlam ang mga matang tiningnan ko lang si Matt saka ako ngumiti sa kanya ng alanganin. Nakita ko na seryoso lang itong nakatingin sa akin, wala kang mababakas na kahit ano sa kanyang mukha.

Nakaramdam tuloy ako ng kaba dahil mukang hindi pa siya handang maging Ama.

Nalungkot ako nang palihim sa isipin na iyon, ngunit hindi ko ito ipinahalata kay Matt dahil baka maiyak lang ako sa maririnig ko mula sa kanya. Kaya naman kahit gusto nang magbagsakan ng aking mga luha, ay mabilis akong ngumiti sa kanya sabay sabing,

"O-opo, Love." Nahihiya kong sambit dito saka ko siya bahagyang nginitian.

Nagulat ako nang bigla akong yakapin ni Matt ng sobrang higpit. Naramdaman ko rin na may tubig na pumatak sa balikat ko. Luha ba ni Matt 'yon o tubig galing sa buhok niya? Naguguluhan kong wika sa aking sarili.

Sandali lang akong niyakap ni Matt at kalaunan ay mabilis na kumawala sa kanyang pagkakayapos. Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi, at nakita ko na umiiyak ito.

Tears of joy ba 'yon dahil magkaka-anak na kami? O Tears of joy dahil nalaman niyang hindi ako buntis? Ahhhh... Ang gulo!

"Love..." Tawag ni Matt habang diretsong nakatingin sa aking mga mata. "Thank you!" Humihikbing usal nito.

"Bakit ka nagti-thank you, Love?" Kunot noong pagtatanong ko dahil hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng pasasalamat at pagluha niya.

"Thank you, for stepping into my life." Anito na lalong nagpagulo sa akin.

"A-anong ibig mong sabihin, Love? Naguguluhan po ako." Muling tanong ko rito habang hawak niya pa rin ang magkabilang pisngi ko.

Mabilis naman akong ginawaran nito ng isang magaan na halik sa labi saka nagsalita, "Love, I'm happy that you're pregnant. But..."

Ano ba naman itong si Matt masyado akong pinapakaba. Ano ba talaga ang gusto niyang palabasin. Dala nang sobrang taas ng aking emosyon, ay hindi ko na namalayan na mabilis na nagbagsakan ang aking mga luha. Rumehistro naman sa gwapong mukha ni Matt ang pagkakagulat dahil sa aking pag-iyak.

"Hey, why are you crying?" Saad nito saka pinunasan ang mga luha na nagkalat sa aking magkabilang pisngi.

"K-kasi naman ikaw, ang d-dami mo pang sinasabi. Diretsuhin mo na kasi ako. S-sabihin mo na sa'kin kung hindi mo tanggap ang bata, kaya ko naman pagtrabahuhan ang magiging kinabukasan niya."

Nang masabi ko ang huling salita na lumabas sa aking bibig, ay mabilis akong hinalikang muli ni Matt at sa pagkakataong iyon ay punong-puno na ito nang pagmamahal. Napapikit ako nang mga sandaling iyon, parang gusto kong maniwalang gusto niya ang balita tungkol sa magiging anak namin.

Pero hindi, hindi ako pwedeng magpadala sa mga halik-halik na 'yan. Kailangan ko nang malaman ang gusto niyang mangyari sa lalong madaling panahon.

Ako na ang unang pumutol sa aming mga halik saka ko ito diniretso, "Matt, diretsuhin mo na nga ako. Kung ayaw mong panagutan ang bata sabihin mo na agad, para makauwi na ako sa probinsya namin!" Iritable kong saad sa kanya, na halos mag-isa na ang linya ng aking mga kilay dahil sa kainisan.

Humalakhak lang ang loko. "Aba! Tawanan daw ba ako?!"

"Listen Love, masaya ako sa balitang buntis ka... Pero—" Pambibitin pa nito.

Mabilis ko siyang hinampas sa dibdib sabay sabing, "Ano ba Matt! H'wag ka ngang mambitin!"

"Okay... Okay, I'll be serious," Panimula nito, "Mas magiging masaya ako kung... Papayag ka na pakasalan ako." Malambing na saad nito habang diretsong nakatingin sa aking mga mata.

Para akong nabingi sa sinabi ni Matt. Hindi ako nakakibo dahil hindi ko alam kung tama ba ang aking narinig. Papakasalan ako ni Matt? Papakasalan ako ng lalaking mahal ko?

"Love... Will you marry me?" Pag-uulit pa nito.

Nakita ko na inilabas niya ang isang maliit na kahon na korteng parisukat galing sa bulsa ng kanyang bag. Kinabahan ako, dahil alam ko ang laman ng itim na kahon na iyon. Mas nanlaki ang mga mata ko nang buksan niya ito at bumungad sa akin ang isang singsing na sobrang nakakasilaw dahil sa kinang nito.

"Love," Saad ni Matt saka lumuhod sa gilid ng kama. "My heart is yours since the first day I saw you. I want to cherish every moments that we're together for the rest of my life. Braelynn Benites, my Love, will you marry me?" Kabadong usal nito sa akin habang nakaluhod.

Sa sobrang katuwaan ko, mabilis akong tumango sa kanya dahil hindi ko na ata makakayang palampasin pa ang pagkakataon na maikasal sa pinakamamahal ko, "Opo Love, papakasalan kita." Masaya kong sambit sa kanya habang patuloy lang sa pag-agos ang aking mga luha.

Kinuha ni Matt ang aking kaliwang kamay saka isinuot doon ang singsing. Mabilis itong tumayo galing sa kanyang pagkakaluhod, bago ako ginawaran ng sunod-sunod na halik sa labi.

"I love you, my future Mrs. Montenegro."

"I love you too, Matt." Naluluha kong saad sa kanya saka kami nagyakap ng sobrang higpit. Nang humiwalay kami ni Matt sa aming pagkakayapos, ay agad ko siyang tinanong.

"Love, bakit may dala kang singsing?"

Ngumiti lang ito sa akin saka niya inihilig ang ulo ko sa kanyang balikat, "Sa lunchdate sana kita aayain magpakasal. But when I found out that you're pregnant, hndi na ako makapaghintay pa. Look at me ako lang ang lalaking ganito, aayain kang magpakasal ng half naked." Natatawang usal nito sa akin dahilan para tingnan ko siya.

"Ibig sabihin, kahit hindi pa ako buntis aayain mo na talaga ako magpakasal sa'yo?"

Nakangiting tumango ito, kaya mabilis ko siyang nahalikan dahil sa sobrang tuwa ko. Masyado na ata akong nawiwili sa paghalik sa kanya.

"Mahal kasi kita, Love. Kaya kahit wala pa tayong baby, aayain pa rin kita." Paglalambing nito bago bahagyang pinisil ang aking ilong. "Love, bihis ka." Biglang turan ni Matt, kaya't tiningala ko siya agad na nagtatanong ang mga mata.

"Samahan mo ako sa Mall." Sambit pa nito saka tumayo sa kama.

"B-bakit naman?"

"Papalitan ko na 'yung pabangong gamit ko. 'Di ba ayaw mo na ng amoy no'n?" Pagtatanong nito sa akin at tumango ako tanda ng pagsang-ayon ko sa kanya. "Gusto ko na ikaw ang pumili ng new perfume para sa akin. Ayoko naman na hindi mo na ako yayakapin dahil lang sa pabango ko." Nakangusong wika pa nito sa akin.

Bahagya naman akong natawa sa itsura niya, "Sige po, magpapalit na lang ako ng damit dahil nakaligo na ako kanina."

"Alright," Saad nito saka ako hinalikan sa noo. "Magbibihis lang ako and then alis na tayo."

"Okay... Thank you, Love." Pasasalamat ko sa kanya at nakita ko na pinabaunan lang ako nito ng isang halik sa hangin.

Tumango na lang ako sa kanya habang tinatanaw ito na papalabas na ng guest room. Pabagsak kong hiniga ang katawan ko sa kama saka tiningnan ang singsing na suot ko.

"Ang ganda." nakangiting kong bulalas. "Magiging Mrs. Montenegro na ako." kinikilig kong sambit sa hangin saka tumayo ng kama para makapagpalit na nang damit.



*****

Kasalan na ituuuu... I'm so kiliiigggg! 😍😍😍

*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top