NH Chapter: 17

Makalipas ang kalahating oras, ay mabilis na narating ni Brae ang gusali kung saan naninirahan si Matt. Wala naman gaanong trapik, kaya't dagling nakarating ang taxi'ng sinasakyan niya roon.

"Manong, ito na po ba 'yung nasa Address?" Pagtatanong ni Brae sa driver habang sinisilip sa bintana ang gusali.

"Opo Maam, ito na po 'yung Grandeur Condominium." Sagot naman nito, saka tuluyang inihinto ang metro ng taxi.

Kinuha naman agad ng dalaga ang kanyang pitaka saka ito binayaran, "Heto po Manong, salamat po." Saad niya rito, bago tuluyang  bumaba ng taxi.

Sinipat ni Brae ang gusali kung saan naninirahan ang kanyang kasintahang si Matt. Meron itong taas na aabot sa tatlumpung palapag at makikita mong mamahalin ang nasabing gusali, dahil sa dating at itsura nitong hindi pangkaraniwan.

Bago tuluyang pumasok sa lobby, ay mabilis inayos ng dalaga ang kanyang sarili saka binitawan ang mga katagang, "Kaya mo 'yan, Brae." Aniya sa hangin bago naglakad sa pintuan na yari sa makapal na salamin.

"Good Morning po Maam, saan po kayo?" Magalang na pagtatanong ng babaeng receptionist, nang tuluyan siyang makalapit dito.

"Uhmm... Kay Mr. Matthew Montenegro po." Wika ni Brae, habang hindi mapakali ang kanyang mga kamay dahil sa tensyon.

Sandali itong may kinalikot sa kanyang makinilya sabay sabing, "Maam, pa-log in na lang po." Magalang na turan nito bago iniumang kay Brae ang isang log sheet na nakapatong sa counter.

Mabilis namang pinunan ni Brae ang mga patlang doon, saka ibinalik sa babaeng receptionist ang papel na kanyang sinulatan. "Okay po Maam, akyat na po kayo sa Unit ni sir Matt." Nakangiting wika pa nito bago itinuon muli ang atensyon sa kanyang makinilya.

"A-ahh... Sige po, salamat." Alanganing saad ni Brae.

Kahit hindi sanay sa ganoong klaseng lugar, ay mabilis siyang tumungo sa harap ng elevator saka pinindot ang ikataas na pindutang naroon. Ilang minuto lang ang itinagal ng kanyang paghihintay, bago tuluyang bumukas ang elevator.

Walang tao sa nasabing lift kaya't maagap na pumasok doon si Brae. Pinindot niya ang 15th Floor, dahil iyon ang nakalagay sa mensahe ni Matt sa kanya noon. Wala pang isang minuto ay nakarating na agad ang dalaga sa ika-labing limang palapag ng nasabing gusali.

Naglakad ang dalaga sa hallway ng 15th floor para hanapin ang unit ni Matt. Mabilis naman niya itong nahagilap at nakita ang numerong 1508 sa labas ng isang puting pintuan. Ilang beses sinubukang kumatok ni Brae sa nasabing pinto, ngunit walang Matt na bumubungad doon.

Mabilis naman niyang inilapit ang kanyang tenga sa pintuan upang pakinggan kung may tao ba sa loob, ngunit nabigo si Brae dahil ni isang tunog, o kaluskos man lang ay wala siyang nabatid. Bagsak ang balikat na nagpalinga-linga ang dalaga sa kanyang paligid, at nang mabaling ang kanyang paningin sa kaliwang bahagi ng pinto, ay maagap na nakita ni Brae ang isang security lock na di-pindot doon.

Naalala niya ang sinabi ni Matt noon, na ang password ng condo unit nito ay ang araw rin nang sagutin niya ang binata. Kaya naman sinubukan ni Brae na pindutin ang mga numerong, 112217. Nang mapindot ng dalaga ang Enter, ay biglang lumipat sa kulay berde ang ilaw na kanina'y nasa kulay pula. Ibig sabihin lang nito ay tama ang numero na kanyang itinipa.

Unti-unting pinihit ni Brae ang seradura at dahan-dahang binuksan ang pintuan. Marahan niya itong itinulak pabukas at bumungad sa kanya ang maaliwalas na unit ni Matt. Nang tuluyang makapasok sa loob, ay sinubukan pang tawaging muli ni Brae ang binata ngunit wala talagang sumasagot sa kanya.

"Matt..." Saad ng dalaga habang tahimik na humahakbang papunta sa living room.

Sinipat ni Brae ang kabuuan ng unit ng binata, malaki ito para sa iisang tao lamang at nakita niya na mayroon itong dalawang kwarto sa kanang bahagi ng dingding. Iginala pa niya ang kanyang paningin sa paligid, simula sa dingding nito na kulay krema, ang kisame na kulay puti at bumagay naman sa kabuuan ng silid. Nakita rin niya ang kusina ng binata, malinis ang buong paligid at masarap sa pang-amoy ang scent nito na amoy fresh lavander.

Kung siya ang tatanungin, ay parang hindi lalaki ang nakatira sa nasabing bahay. Malinis at maayos kasi kung titingnan ang kabuuan nito. Bawat detalye ng mga kagamitan doon ay masasabing pinagplanunan, dahil sa terno't bagay ang pagkakahambing ng mga kasangkapang nakaayos roon. Walang kalat, ni alikabok yata'y walang puwang sa buong kabahayan ng kanyang kasintahan.

Nagsimulang maglakad si Brae para tingnan ang unang kwartong naroroon. Nang buksan niya ito ay bumungad sa kanya ang isang kama na sobrang ayos, at halatang hindi nagagamit. Isinara naman niya agad ang pintuan, bago lumipat sa kabilang silid. Ngunit bago pa man niya bukasan ang pinto, ay kabado siyang huminga ng malalim bago napagpasyahan na pihitin ang seradura.

Marahan niyang itinulak pabukas ang pinto at tanging malamig na klima ng aircon ang sumalubong sa dalaga. Sinilip niya ang loob ng silid, ngunit nakapatay ang ilaw roon. Nang tuluyang makapasok si Brae, ay nakita niya ang isang mumunting kulay dilaw na liwanag sa 'di kalayuan, na sa tingin niya ay isang lampshade.

Tahimik na naglakad si Brae papunta sa kama at napansin niya na may taong nakatalukbong doon. Bigla siyang nakaramdam ng kaba, dahil sa isipin na baka kasama ngayon ng binata si Venus. Narinig pa ng dalaga na bahagyang umungol si Matt na parang may kung anong bagay na ginagawa sa likod ng kumot na nakatabing dito

Kaya naman dala ng kanyang kuryusidad, ay mabilis na hinatak ni Brae ang puting kumot. Ganoon na lang nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa nakita, nakita niya ang binata na ngayon ay himbing na himbing sa kanyang pakakatulog at suot pa rin ni Matt ang uniporme nito nang pumunta sa club kanina.

Nakaramdam ng awa si Brae rito dahil kahit malamig ang klima sa loob ng silid, ay pawisan pa rin ang kanyang kasintahan. Hinaplos pataas ng dalaga ang buhok nito saka hinalikan si Matt sa noo, "Patawarin mo ako, Matt." Malambing niyang sambit bago umalis upang maghanap ng bimpo.

Ilang minuto lang ang lumipas nang bumalik si Brae sa silid. Dala ang isang maliit na planggana na may lamang maligamgam na tubig at bimpo. Maagap niyang tinanggal ang kumot na tumatabing sa katawan ng binata, saka naupo sa kaliwang bahagi ng kama upang masimulan ang kanyang pagpupunas dito.

Sinimulan niyang punasan ang mukha ng binata, at napangiti si Brae nang maaninag ang maamong mukha nito. Kahit na lasing ang binata ay hindi maitatanggi ang angking kagwapuhan ng kanyang nobyo.

Pagkatapos sa mukha ay sinimulan nang punasan ni Brae ang leeg ni Matt. Bahagya pa itong gumalaw kaya napatigil ang dalaga sa kanyang ginagawa. Nang makitang hindi naman ito nagising, ay isa-isa niyang binuksan ang butones ng damit ni Matt. Nanginginig ang mga kamay niya habang ginagawa ang bagay na iyon. Kahit malakas ang aircon sa kwarto ay parang nakakaramdam pa rin ng init sa kanyang buong sistema ang dalaga.

Tuluyan na niyang hinubad ang polong suot nito bago pinunasan ang mabuhok na dibdib ng binata. Habang abala sa pagpupunas, ay napabaling ang paningin ni Brae sa mukha ng kanyang kasintahan. Nagulat siya dahil namumungay ang mga matang nakatingin na pala ito sa kanya. Bigla namang namula ang magkabilang pisngi ng dalaga sa sitwasyong iyon.

At nang akmang tatayo na sana si Brae ay mabilis siyang pigilan ni Matt, "Love... Please stay." Namamaos na usal ng binata saka hinawakan ang kamay ng kanyang nobya.

Natigilan lamang si Brae sa kanyang kinauupuan, hindi niya alam ang kanyang gagawin dahil sa sitwasyong kanyang kinakaharap ngayon. Iniisip niya na lisanin na ang kwarto ng binata, ngunit ang kanyang buong sistema ay parang naging isang estatwa na walang buhay ng mga sandaling iyon.



*****

I know bitin! 😂 Next Chapter po ang Continuation. 😊

*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top