NH Chapter: 10
Matapos ang naging insidente sa pagitan ng dalawang dalaga, ay mas naging maingat na si Brae na iwasan si Venus para hindi mag-krus ang kanilang mga landas. Nasabi na rin niya kay Charity ang tungkol sa nangyari sa kanila ng binatang si Matt, kaya mabilis s'yang pinayuhan ng kanyang kaibigan.
"Naku Maiden, iwasan mo na si Sir Matt. Ganyang sitwasyon din ang kinaharap ng dating waitress sa Club na si Anna, kaya ito biglang umalis."
"Umiiwas naman ako, hindi ko nga alam kung bakit ako pinapunta ni Mamang sa VIP Room, eh bawal naman tayo roon 'di ba?" Kunot noong sambit ni Brae sa kanyang kaibigan.
"Hmmm... Baka ni-request ka ni Sir Matt? Pero Maiden, malaking gulo pa rin 'yan kapag nagkataon. Ayokong magaya ka kay Anna, hindi ko maatim ang mga ginawa nila sa dati kong kaibigan na 'yon." Malungkot na saad ni Charity habang nakahiga sa kama ni Brae.
"Haaayyyy... Gusto ko lang naman na mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko. Hindi ko naman gusto ng gulo." Hinaing ng dalaga, dahil sa mas gumugulo niyang sitwasyon.
"Oh pa'no, tara na para makaligo na tayo. Mamaya nand'yan na ang mga kampon ni Mahaderang Venus." Wika ni Charity saka tumayo ng kama para kunin ang kanyang tuwalya.
Nang akmang maglalakad na ito papalabas ng pintuan, ay biglang nakaramdam nang pagkahilo si Charity na agad namang napansin ni Brae.
"Cha, ayos ka lang?" Nag-aalalang sambit ni Brae sa kanyang kaibigan.
"Ahh... Oo 'te, medyo nahilo lang ako," Sambit nito saka iniling ang ulo. "Teng, una na ako maligo sa'yo ahh."
Napansin naman ni Brae ang pamumutla ng mukha nito, pero sinagot na lang niya ang dalaga nang, "Sige, susunod na ako." Aniya at humugot na lang ng malalim na hininga.
Kinagabihan, ay mag-isang tumungo si Brae sa club dahil biglang sumama ang pakiramdam ng kanyang kaibigang si Charity. Pinakiusapan siya nito na sabihin kay Mamang Dyosa ang na masama ang timpla nito, para kahit papaano'y hindi na mag-alala ang mga ito.
"Gano'n ba? Paano 'yan, marami pa namang customer ngayon." Wika ni Mamang Dyosa saka nilingon ang mga parokyano sa gitna ng establisyamento.
"Ako na po'ng bahala, Mamang." Mabilis namang sagot ni Brae rito.
"Are you sure?" Nag-aalalang wika naman ni Dyosa bago siya nito binalingan.
"Opo, magpapatulong na lang po muna ako kay Niel."
"Okay, h'wag ka na lang muna kumanta ngayon para matutukan natin ang mga orders." Anito, habang inaayos ang mga order roon.
"Sige po Mamang, magsisimula na po ako." Saad naman ni Brae at tinanguan na lamang siya ni Dyosa bago ito pumunta sa kusina.
Hindi magkandamayaw ang dami ng mga taong nagpuntahan sa Heaven's Club. Aligaga na rin sina Brae at Niel sa pagkuha't paghahatid ng mga order ng mga parokyano roon.
Habang bitbit ni Brae ang mga bote ng beer na walang laman, ay may pabalang na bumangga sa kanyang braso dahilan upang matabig ito't tumilapon sa sahig.
"Shocks! Ang clumsy mo talaga, Maiden." Sarkastikong usal ni Venus habang nakahalukipkip ang mga braso.
Mabilis naman itong binalingan ni Brae sabay sabing, "Ano ba'ng problema mo, Venus!" Bahagyang tumaas na ang timbre ng boses ni Brae dahil sa nauubos niyanb pasensya sa pag-aapi nito sa kanya.
"Aba aba! Lumalaban ka na ha!" Inis bulyaw nito saka hinila ang ilang hibla ng buhok ni Brae.
"Ano ba! Bitawan mo ang buhok ko!" Aniya rito saka hinawi ang kamay ng dalaga. Mahihimigan mo ang inis sa boses ni Brae, dahil sa ginawang paghila ni Venus sa kanyang buhok.
"Aba, matigas ka na talaga ngayon ahh!" Pikon na usal nito at nang akmang sasabunutan nito si Brae ay biglang may maawtoridad na boses na sumaway sa gagawin ni Venus.
"Venus!" Baritonong boses ang pumagitna sa dalawa, na agad nilingon ng dalawang dalagita.
"M-manager." Nauutal na saad ni Venus saka nagbaba ng tingin.
Agad din namang yumukod si Brae, para magbigay galang sa may-ari ng kanilang pinagta-trabahuhan.
"What's happening here?" Istriktong usal nito habang palipat-lipat na tinitingnan ang dalawang dalaga.
"W-wala po Manager, nag-uusap lang po kami ni Maiden." Saad ni Venus, na animo'y naging isang mabait na tupa dahil sa itsura nito ngayon na kung titingnan ay walang bahid nang kamalditahan.
Binalingan naman nito si Brae saka tinanong ang dalaga, "Totoo ba 'yon, Maiden?" Seryosong usal nito, dahil sa nababakas na alangan sa mukha ng dalawang dalaga.
"O-opo Manager." Sagot naman ni Brae rito.
Agad napabaling ang tatlo, nang magsalita ang paparating na si Dyosa, "Sir Anselmo, mabuti naman po't nakarating na kayo." Maarteng bungad nito sa matanda.
Tanging tango lang ang isinagot nito kay Dyosa bago binalingang muli ang dalawang dalagita, "Go back to work. Marami tayong customer ngayon." Iyon lamang ang tanging naisambit nito bago tuluyang tinalikuran sina Brae at Venus.
"A-anong nangyari roon?" Kunot noong saad naman ni Dyosa bago ito sinundan papasok sa opisina ni Sir Anselmo.
Nang makaalis si Dyosa, ay muling kinausap ni Venus ang dalagang si Brae, "Sa ngayon nakaligtas ka, pero sisiguraduhin ko na sa susunod ay lagas na 'yang mga buhok mo." Pagbabantang sambit nito saka naglakad patungo sa dressing room.
Naiwan namang tulala ang dalagang si Brae, bago lumuhod upang pulutin ang mga basag na bugbog na nagkalat sa sahig. Habang abala sa kanyang pagpupulot, biglang may tumulong kay Brae na linisin ang mga ito.
"A-andrew..." Hindi makapaniwalang saad niya rito dahilan para lingunin siya ng binata.
"Tulungan na kita." Walang emosyong usal nito habang nakatuon ang atensyon sa mga bubog.
Hindi pa rin makabawi si Brae sa ginawang pagtulong sa kanya ni Andrew, kaya't nang akmang pupulutin na niya ang huling piraso ng bubog na tumilapon sa gilid ng bar counter. Ay hindi niya inasahang dumaplis ito sa kanyang kamay dahilan para mapadaing ang dalaga.
"Aray!" Daing ni Brae saka tiningnan ang kanyang kamay na nagdurugo na ngayon.
Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Brae, hindi dahil sa sugat na kanyang natamo kundi sa biglaang paghablot ni Andrew sa kanyang kamay at agad itong inilagay sa kanyang bibig upang sipsipin ang kanyang dugo.
Nag-init ang magkabilang pisngi ni Brae sa ginawang iyon ni Andrew, ramdam niya ang labi nito na nakadampi sa kanyang kamay habang patuloy sa paghuthot ng kanyang dugo. Mas lalong namula ang mga pisngi ni Brae, nang bigla s'yang tingnan ni Andrew habang nakalapat ang mga labi nito sa kamay niyang bahagyang nasugatan.
Nakita pa ni Brae na gumuhit ang pagkakagulat sa ekspresyon sa mukha ng binata, kaya't mabilis nitong inilayo ang kanyang kamay sa labi nito bago nagsalita, "Sa susunod, mag-iingat ka." Nakatulala pa rin ang dalaga sa harap ni Andrew kaya muli itong nagsalita, "Sige na, ako na'ng bahala rito." Usal nito saka nagpatuloy sa pagpulot ng mga basag na bubog.
Tumayo naman agad si Brae, bago ito nagpasalamat sa binata, "S-salamat Andrew." Nahihiya n'yang sambit dito.
"Kumuha ka ng bandage roon sa emergency kit." Walang emosyong saad nito, na hindi man lang nag-abalang tingalain pa ang dalaga.
"S-sige... Salamat ulit." Sagot lang ni Brae rito bago tuluyang naglakad papalayo sa kinaroroonan ng binata.
Mabilis naglakad si Brae papunta sa dressing room para gamutin ang kanyang sugat. Nagtungo ito sa banyo dahil naroon ang emergency kit na kanyang kailangan. Pagpasok doon, ay agad n'yang isinara ang pintuan para magkaroon ng pribadong oras para sa kanyang sarili.
Humarap si Brae sa harap ng salamin para tingnan ang kanyang itsura. Hinawi niya ang iilang hibla ng buhok na tumatabing sa kanyang mukha at napansin niya ang kanyang mga pisngi, na bahagya nang namumula dahil sa hindi mawaring nararamdaman.
Tiningnan niya ang kanyang kamay na may sugat, napatingin siyang muli sa salamin nang maalala ang labi ni Andrew na dumampi sa kanyang kamay. Napaisip siya panandalian kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon nito nang masugat ang kanyang kamay.
Mabilis naman niyang iniling ang kanyang ulo para waksihan ang mga bagay na tumatakbo sa kanyang isipan, "Brae, ano ba!" Inis na saad niya sa sarili habang kinakausap ang kanyang repleksyon sa salamin. Napailing na lang ang dalaga sa kanyang mga naiisip saka napag-desisyonan na linisin ang kanyang sugat.
Pagkauwi ni Brae sa Staff House, ay mabilis nitong nilinis ang kanyang buong katawan para maghanda sa kanyang pagtulog.
Nakita niyang gising pa si Charity kaya mabilis niya itong kinamusta, "Cha, ayos na ba pakiramdam mo?" Saad niya rito saka hinawakan ang noo ng dalaga upang alamin kung may lagnat pa ito.
"Oo 'te ayos na ako, nakainom na ako ng gamot kanina."
"Mabuti naman kung gano'n."
Nagkwentuhan ang dalawa tungkol sa mga nangyari kay Brae sa club. Nabahala naman lalo si Charity nang maikwento nito ang tungkol kay Andrew.
"Naku 'te, sigurado akong gulo 'yan." Nag-aalalang sambit ni Charity saka naupo sa kanyang kama, upang makausap si Brae nang masinsinan.
"Mabuti nga wala si Venus doon, kung hindi... Pag-iinitan na naman ako no'n." Buntong hininga ni Brae habang abala sa pagsusuklay ng kanyang buhok.
"Maiden, nag-aalala ako para sa'yo." Malungkot na wika naman ni Charity habang hawak ang kamay ng dalaga.
"Wala akong magagawa Cha, hindi ko naman ginusto ang mga nangyari. Malay ko ba na grabe na pala ang galit sa akin ni Venus." Aniya rito saka hinawakan pabalik ang kamay nito.
"Basta mag-iingat ka, nandito lang ako para resbakan 'yang mahaderang si Venus." Sambit ni Charity saka humalakhak ng todo.
Halos inabot ng isang oras ang pagku-kwentuhan nina Brae at Charity, bago nagpasya ang mga ito na matulog na. Habang nakahiga, hindi maalis sa isip ni Brae ang alalahanin ang tungkol sa kanyang kaligtasan, sa sirkulong kinabibilangan ni Venus.
Kasabay pa nito ay ang pag-aalala niya sa kanyang pamilya, kung kamusta na ba ang mga ito dahil ilang arae na rin niya ito hindi nakakausap sa telepono.
"Tatawagan ko bukas sina Nanay." Sambit ni Brae sa kanyang sarili bago tuluyang nakatulog sa gitna ng kanyang pag-iisip.
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top