Oh 9
K A B A N A T A 9:
"Mira... sabihin mo nga... Ikaw ba?" Nakakailang ulit na ang tanong na iyon ni Brent, at sa pagkakataong ito, pasigaw na. Wala pa mang kumpirmasyon pero bakas na sa mukha niya na para ko siyang tinraydor. Bagay na totoo rin naman, dahil sa kahit anong anggulong tignan, pinaikot ko pa rin siya sa kasinungalingan ko.
Hindi ko na alam kung paano ko pa matatagalan ang hindi magandang pagkakatitig sa sa'kin ni Brent na para bang walang kapatawaran ang kasalanang nagawa ko.
Kaya bago pa man siya tuluyan magalit sa'kin, kailangan kong sagipin ang sarili ko sa galit na matatanggap ko mula sa kanya.
"Hindi." Binalot ko ng mapagkumbinsing tono ang boses ko. "Nagkakamali ka Brent." Alam kong hindi pa ganoon kakumbinsido ang pagtatakip ko, kaya wala na akong maisip pang bagay kundi ang... "Si Alex. Siya ang may-ari ng hikaw."
Malinaw na nakita ko ang unti-unting pagbabago sa reaksyon ni Brent na ibang-iba kanina.
"Si Alex?" Aniya na halatang umaliwalas ang mukha sa narinig.
Bakas ang biglaang pagkawala ng suspisyon ng mga mata nito. Nawala nga ang pangamba ko, pero hindi ang kakaibang hapdi na namumuo pa rin sa dibdib ko.
"Oo. Siya nga." Wala na akong ibang maisip pang paraan kundi ang gumawa ng panibagong kasinungalingan. "Pero ayaw niyang malaman mo... Noong nagsinungaling ako sayo na hindi siya yon, si Alex mismo ang humiling sa'kin na pagtakpan ko siya. Kaya please... Brent, huwag mong sabihin sa kanyang alam mo na."
"Pero bakit kailangan pang gawing sikreto 'to ngayong alam ko ng pareho lang kaming nararamdaman?... At isa pa..." bahagyang natigilan si Brent na nag-iba ang titig sa'kin. "Bakit sabi mo sa'kin noong isang araw, may nagugustuhan na siyang iba?"
Naiipit na ako sa sarili kong kasinungalingan. Kung pwede lang sanang maglaho na lang ako sa kinatatayuan ko ngayon, pero wala na rin naman akong ibang magagawa kundi ang pangatawanan ang kwentong nilikha ko.
"Yong tungkol sa nagugustuhan niya, totoo 'yon..."
Mas lalong naguluhan si Brent. "Pero paano mo mapapaliwanag 'yong hinalikan niya ako kung may iba—"
"Dahil dare lang 'yon na paghalik niya sa'yo." Sagot ko agad nakapagpatahimik sa kanya ng ilang sandali. Alam kong sa sinabi ko, pinatay ko na naman ang umuusbong na pag-asa sa mga mata niya. Pero sa halip na disappointment ang makita ko kay Brent, hindi man lang nabawasan ang pag-asang namuo sa kanya kanina.
"Bakit ka nakangiti?" tanong ko sa kanya na para bang may nakaligtaan akong bagay kanina.
Maaliwalas pa rin ang mukha niyang sumagot sa'kin. "Dahil kung ibabase sa halik na natanggap ko noong gabing 'yon, sigurado ako... may nararamdaman siya para sa'kin."
Ako naman ang natigilan. Dahil kung tungkol sa halik na natanggap niya mula sa'kin, ako lang ang makakapagkumpirma sa kanya ngayong may nararamdaman nga ako para sa kanya... at hindi si Alex 'yon.
"Mira..." muling tawag sa'kin ni Brent sa biglang pananahimik ko. Sinalubong niya ng tingin ang mga mata ko saka nagsalita. "Sa tingin ko, may pag-asa pa ako kay Alex."
"Eh, kung kausapin ko siya ngayon ng harapan? At aminin ko na rin 'tong nararamdaman ko sa kanya?" dagdag pa niya.
"HUWAG!" napapasigaw na bitaw ko nang akmang tatalikuran niya ako papasok sa loob. Mabilis kong hinawakan ang braso niya para pigilan siya. "Kung balak mo pa ring kausapinsi Alex, bahala ka... Pero sinasabi ko sa'yo na maling hakbang ang gagawin mo kung saka-sakali."
Hindi kumibo si Brent na parang pinag-isipan ang sinabi ko. Sa aming dalawa alam niyang ako ang mas nakakakilala kay Alex.
"Kung ganun, anong kailangan kong gawin Mira? Tulungan mo ako."
Nakahinga ako ng maluwag sa naging desisyon niya, pero masikip pa rin sa dibdib ngayong alam kong hindi basta basta susuko si Brent kay Alex.
Konsensiya ko nagsasaabing pumayag na lang ako para kahit papaano mabawasan ko ang kasalanan ko sa kanya. Pero hindi ko magawang tumango o sumambit ng pagpayag sa kanya. Hindi ko kaya.
Ang makita pa lang si Brent na nagkakagusto kay Alex ay parang hindi ko na matanggap, paano pa ang maging dahilan para mas mapalapit sila sa isa't isa higit pa sa kaibigan.
"Sorry, Brent." Sagot ko sa kanya. "Sa pagkakaalam ko, may nagugustuhan na si Alex, kaya baka wala ring papuntahan ito."
"Pero..." Magsasalita pa sana si Brent nang biglang nagtawag si Art na papalapit sa'min.
"Ba't ang tagal niyo?" pasigaw na tanong nito dahil nasa mga limang metro pa ang layo niya sa'min. Nasa likuran na rin niya sina Alex at Kyle na mukhang magyayaya ng umuwi.
"Uuwi na ba tayo?" tanong ko na sinagot din naman nila agad ng tango. "Ang aga naman yata." Madalas kasi, inaabot kami ng dilim sa court. Mukhang ito ang unang beses na maaga kaming uuwi sa kani-kaniyang bahay.
"Bukas nga pala, sa party tayo ni Drew. Birthday niya." Pagpapaalala ni Art na muntik ko ng makalimutan.
Popular quarterback player si Drew Montellano sa school namin na malapit ding kaibigan ni Art, kaya nangangahulugan lang na invited din kaming barkada sa party na 'yon.
♥♥♥
Nakauwi na ako ng bahay pero wala pa ring ibang laman ang utak ko kundi ang party bukas ni Drew. Naexcite ako bigla lalo na't naaalala ko kung gaano ako nag-enjoy noong nakaraang taon ding dumalo kami sa birthday ni Drew. Hindi iyon formal party, kundi tipikal na party na sadyang para sa teenagers. May laro, sayawan at ang hindi nawawalang alak. Idagdag pa ang mga cool at popular students sa school.
Nang makapasok ako ng kwarto ko, diretso kong tinungo ang closet ko para tignan agad kung ano ang pwede kong suotin bukas. Tulad ng ibang babae, gusto ko lang naman ang maging maganda para bukas.
Sa kalagitnaan ng pagpili ko ng susuotin, bigla kong naalala si Emee na kakailanganin ko nga pala bukas ng gabi para makapasok ng bahay. Kaya nagmadali akong pumunta sa kwarto niya na hindi kumakatok.
"Emee," tawag ko sa kanya na kasalukuyang nag-aaral.
"Hangga't hindi mo naibabalik sa'kin ang hikaw ko, hindi kita pagbubuksan ng pinto sa kalagitnaan ng gabi." Saad ni Emee na nahuhulaan na ang pakay ko sa kanya.
Nasa kay Brent pa rin ang pares ng hikaw na nakalimutan ko ng bawiin sa kanya kanina.
"Ibabalik ko rin ang pares ng hikaw mo kaya wala kang dapat ipag-alala. Basta't bukas ng gabi kailangan mo akong pagbuksan ng pinto—"
"Hindi bukas o sa susunod na bukas, ate. Ngayon ko kailangan ang hikaw ko. Kaya kung hindi mo 'yon mababalik ngayon, hindi ako magdadalawang isip na sabihin na lahat kay Tita ang paglalakwatsa mo tuwing gabi kasama ang mga barkada mo."
"Subukan mo!" pinanlakihan ko siya ng mata na madalaas gumana noon. Pero mukhang hindi na sa pagkakataong ito na natututo na siyang lumaban.
"Gagawin ko talaga. Kaya umpisahan mo ng hanapin at ibalik sa'kin ang hikaw ko, ate."
Sa loob ng dalawang taon na naging sunud-sunuran ko siya sa tuwing kailangan kong mapagtakpan ang paglalakwatsa ko, ngayon lang nangyaring nakikipagmatigasan siya sa'kin ng ganito.
"Fine." Sambit ko ng pagsuko. Mukhang wala akong ibang magagawa kundi ang puntahan ngayon mismo si Brent para kunin ang hikaw. "Ibabalik ko sa'yo 'yon ngayon mismong araw. Huwag na huwag mo akong isusumbong dahil babalik ako na dala ang hikaw mo."
Wala na akong inaksaya pang oras, umalis na ako ng bahay at pumunta kay Brent. Seryoso si Emee sa sinabi niya kaya bago pa man niya totohanin iyon, alam kong kailangan kong maibalik na sa kanya ang hinihingi niya.
Nakalimutan kong tumawag o magtext man lang kay Brent na pupuntahan ko siya, kaya buti na lang naabutan ko siya sa kanila.
"O, Mira, ba't napadalaw ka?" bungad niya sa'kin nang makita ako. Hindi niya inaasahan ang biglaang pagsulpot ko sa mismong bahay nila. "Nandito ka ba para sabihing tutulungan mo na ako?"
"Hindi." Maagap na sagot ko. "Hindi iyon ang pinunta ko rito. 'Yong hikaw... 'yong hikaw ni Alex."
"Alam ba niya—"
"Hindi. Hindi ko sinabi sa kanya na alam mo na. Ang alam lang niya, nasa sa'yo pa 'yong hikaw. Kaya kailangan kong makuha 'yon sa'yo."
Dumukot si Brent sa bulsa niya at nilabas ang hinahanap ko. "Ito ba?"
"Oo." Sagot ko kasabay ng paglapit sa kanya para kunin 'yon. Pero bago ko pa man makuha, naiwas na ni Brent ang pakay ko. "Brent naman... nag-aalala na si Alex sa hikaw na 'yan. Pinapagalitan na siya ng mommy niya. Kaya please, kailangan ko ng mabalik sa kanya 'yan."
Muling kasinungalingan man ulit ang pinagsasasabi ko, pero wala akong ibang magagawa lalo na't kailangan kong makuha iyon sa lalong madaling panahon.
Hinintay ko ang pagtango ni Brent pero hindi nangyari 'yon. Tinignan lang niya ako na parang napapaisip saka nagsalita. "Paano kung hindi ko ibigay sa'yo 'to?"
"Brent naman, hindi mo ba ako narinig kanina, pinapagalitan na si Alex na mommy niya dahil akala nawawala na 'yang pares ng hikaw."
"Okay, ibibigay ko na sa'yo 'to," sagot niya na hindi inaalis ang tingin sa'kin. "Sa isang kondisyon, tutulungan mo ako kay Alex."
Naloko na.
"Pero Brent!" agad na reklamo ko pero mukhang hindi siya nagbibiro.
"Take it or leave it, Mira."
Napapabuntong-hininga na lang ako. Ba't ba ako pinapahirapan ng mga tao ngayon?
"Okay. Sige na!" napipilitang sambit ko dahil wala rin akong ibang mapagpipilian. Nilahad ko ang palad ko sa kanya, naghihintay ng hinihingi ko. "Akin na ang hikaw..."
"You mean, payag ka ng tulungan ako kay Alex?" paninigurado ni Brent na parang pinagdududahan pa ang pagpayag ko.
"Oo nga. Payag na ako." Natatawa na lang ako dahil sa atras abanteng pagbigay niya sa'kin ng hikaw. "Gusto mo bang tulungan kita o hindi?" pananakot ko sa kanya na naging dahilan para tuluyan na rin niyang ibigay ang bagay na kanina ko pa hinihingi.
"So what's our plan?" biglang tanong ni Brent pagkakuhang-pagkakuha ko ng hikaw sa kanya. "Paano mo sisimulan ang pagkumbinsi kay Alex na mas gwapo ako kumpara doon sa Kurt na 'yon."
Hindi ko napigilang matawa sa sinabing iyon ni Brent na sadyang may pagkabilib din sa sarili. Pero kung sabagay kung ako rin naman ang tatanungin, sasang-ayon din naman ako sa kanya.
"O, bakit? Huwag mong sabihing mas boto ka sa Kurt na 'yon kaysa sa'kin?" tuloy na pagbibiro niya na mukhang hindi palalagpasin ang hinihintay niyang sagot ko.
"Kung natatawa man ako, yun ay dahil sa Kirk ang pangalan niya, hindi Kurt. At isa pa, siyempre, sa'yo ako boto, dahil ikaw ang kaibigan ko at hindi ang Kirk na iyon."
Akbay sa balikat ang naging sagot sa'kin ni Brent na may kasamang pisil sa pisngi ko. "Sinasabi ko na nga ba, hindi ako nagkamali sa paghingi ng tulong sa'yo. Alam kong tutulungan mo ako, ano man ang mangyari."
"At paano ka naman nakasisigurado na magiging kapakipakinabang ako sa'yo? Paano kung si Kirk ang mas paboran ko?" tanong ko sa kanya habang iniisip ang sagot sa sarili ko ring katanungan. Paano nga ba kung 'yon ang gawin ko?
"Alam kong hindi mo gagawin 'yon dahil kita naman kung paano mo pahalagahan ang pagkakaibigan. Yang hikaw pa lang yan, pruweba na kung paano mo tulungan at suportahan si Alex... Kaya alam kong 'yon din ang gagawin mong suporta sa'kin, diba?"
Kung alam lang niya...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top