Oh 8


K A B A N A T A   8:

"Kung ganoon, tuloy na tuloy na tayo sa sabado, ala una ng hapon..." anunsyo ni Art matapos ang mahabang diskusyonan naming magbabarkada sa araw at oras ng alis namin.

Ngayon ang huling araw ng klase namin na hudyat ng pinakahihintay naming bakasyon. Nakaplano at napag-usapan na ang lahat na detalyeng kailangan sa mangyayaring bakasyon naming magbabarkada. Sa Baguio ang destinasiyon namin na libre ang tutuluyan dahil doon kami sa mismong bahay-bakasyunan nina Alexa.

"Mukhang magiging masaya 'to!" malakas na sabi ko sa maluwang na mga ngiti.

Abot langit ang tuwa ko dahil hindi nangyari ang kinatatakutan kong hindi pagpayag sa'kin ni mama. May pagka-isrikta kasi siya, at hindi rin ako madalas payagan sa mga ganitong klaseng malalayong lakad. Pero buti na lang, nakumbinsi ni Art at Alexa ang mama ko na di rin biro na inabot ng halos limang oras mapapayag lang ito.

"Tayo-tayo lang ba o may isasama kayong sabit?" tanong ko sa kanila na halos sabay-sabay umiling.

"Nagkakalabuan kami ngayon ni Annie." Sagot ni Kyle na tinutukoy ang girlfriend niya.

Walang sino man sa'min ang nagtanong pa kay Kyle ng dahilan o kung paano sila nagkalabuan ni Annie. Sadyang sanay na kasi kami sa on and off na relasyon nilang dalawa.

"Bakante ako ngayon kaya wala rin naman akong maisasama." Sagot rin ni Art na kahihiwalay din lang kay Camille. "Pero siyempre, mabuti na rin naman dahil, doon ko balak hanapin sa pupuntahan natin ang magiging bagong babae ko."

Iling ang tanging binigay na reaksyon namin ni Alexa kay Art na walang pagbabago. Magsasalita sana ito para sitahain kaming dalawa nang sumingit si Brent na nilabas muli ang bola.

"Balik na tayo sa laro..." yaya ni Brent kay Art at ganoon na rin kay Kyle. "Ang sino mang matalo, sa kanyang kotse ang gagamiting service sa sabado."

"Sure. Magandang ideya 'yan." Segunda naman ni Kyle. Kanina lang kasi, walang nagpapaubaya sa kanila na magdala ng kotse.

Pumayag din si Art sa ideya ni Brent kaya pare-pareho silang pumwesto sa court para maglaro kasama rin si Alexa. Ako lang ang tanging naiwan sa bench. Hindi na ako nag-abala pang sumali dahil bukod sa hindi ako marunong magbasketball, wala rin naman akong kotse di tulad ng apat.

Si Alex at Art ang magkakampi habang kalaban naman nila si Kyle at Brent. Sa huli ang may pinakakulelat na puntos sa talunang team ang siyang mapipilitang maging service ang sasakyan.

Sa umpisa ng laro, nangunguna si Alex at Art. Kahit sabihing babae si Alex, hindi maikakaila ang galing nito sa laro. Kaya nga hindi siya minamaliit ng tatlo pagdating sa kahit anong sports dahil sadyang nasa katawan na nito ang pagiging sporty at athletic.

Sa kalagitnaan ng laro, biglang pilit na humahabol ang team ni Brent at Kyle. Sa tuwing pumapantay na ang score nila sa kalaban, mabilis na nakakabawi si Alex at Art na maganda ang tandem kumpara sa kanila.

Sa huli, tinapos ni Art ang laro na may isang pahabol na three point shots bago pa man maubos ng tuluyan ang oras. Walang duda, ang team ni Art at Alex ang panalo. "Paano ba 'yan? Kami ang nanalo, at kayo ang natalo."

Napapakamot na lang ng ulo si Brent na siyang malinaw na pinakanatalo sa laro dahil di hamak na malaking agwat na puntos ang nagawa ni Kyle kumpara sa kanya. "Ano nga bang magagawa ko?"

Isa sa dahilan kung bakit hindi magandang ideya para kay Brent ang magdala ng kotse ay dahil sa nakakatandang kapatid niya talaga ang nagmamay-ari nito. Paminsan-minsan lang naman niya itong nahihiram at siguradong hindi siya papayagan kung Baguio ang destinasyon ng pupuntahan lalo na't two weeks din iyon. Pero dahil alam niyang hindi siya papayagan, wala siyang magagawa kundi ang hindi magpaalam. Goodluck na lang sa kanya sa oras na makabalik sila galing Baguio. Siguradong hindi lang sermon ang aabutin niya.

"Nauuhaw na ako..." reklamo ni Alexa na pawis na pawis at halatang pagod gawa ng laro. "Nasaan na 'yong dalang bottled water natin tsaka pagkain, Mira?"

"Naiwan ko sa kotse ni Brent." Sagot ko naman saka agad tumayo. "Teka lang, ako na ang kukuha."

Matapos mahiram ang susi kay Brent, lakad-takbo ang ginawa ko papunta sa kung saan nakaparada ang sasakyan nito. Ang totoo, sinadya kong iwanan ang dala naming tubig at pagkain sa kotse para sa pagkakataong mahalughog ko ang gamit ni Brent. Kailangan kong mahanap ang pares ng hikaw, at malakas ang kutob kong nasa bag lang niya iyon.

Pagkapasok na pagkapasok ko ng kotse, kinuha ko agad ang itim na bag niya. Wala na akong sinayang na oras at nag-umpisa na kong maghanap.

Kinapa ko ang bawat bulsa ng bag para siguraduhing wala akong makakaligtaan. Makalipas ang ilang minuto, sa wakas ay nakapa ko na rin ang hinahanap ko. Lumuwang ang ngiti ko nang makumpirma ng mga mata kong iyon nga ang pares ng hikaw ni Emee.

Mabilis kong binalik ang mga gamit ni Brent pabalik sa bag. Pero kung kailan matagumpay ko ng nasara ang bag at akmang babalik na sa loob, bigla na lang nabura ang ngiti sa mukha ko. Napansin ko na lang kasi ang presensiya ng isang tao sa likod ko.

"Mira? Ano 'yan?"

Parang awtomatikong nanigas ang buong katawan ko sa mapagdudang boses na iyon. Kahit hindi ako humarap, siguradong-sigurado akong si Brent ang nagmamay-ari ng boses na iyon.

Shit! Bakit siya pa?

Wala akong nagawa kundi ang humarap sa kanya at salubungin ang mga tingin niya. Nasa labas nga ito ng kotse, pero malinaw na nakita niya ang paghalungkat ko. Tinted sana ang salaming bintana ng sasakyan, pero sadyang nakabukas ang pinto nito na pinagsisisihan kong hindi ko man lang sinara kaninang pumasok ako.

Bago pa man siya makapagsalita at gumawa ng pasakalye, inunahan na ako ni Brent. "Ano 'yang kinuha mo sa bag ko?"

Hindi ko alam kung nakailang lunok ang ginawa ko. Sadyang hindi ko maiwasang mataranta. "A-ang alin?"

Hindi gumana ang pagmamaang-maangan ko dahil nasa mga mata ni Brent ang pagdududa sa'kin. Humakbang siya palapit at mabilis na hinablot ang braso kong nakatago pa sa likuran ko.

Halos pagpawisan ako nang sunod na sapilitan niyang binuksan ang nakakiyom kong mga daliri. Doon tumambad sa palad ko ang pares ng hikaw.

"Anong ibig sabihin nito?" puno ng katanungan ang mga mata ni Brent habang sinasalubong ako ng tingin. "Bakit na sa'yo 'to ngayon? Bakit mo kinuha?"

Halos parang kakapusin ako ng hininga habang walang maisagot sa kanya. Hindi gumagana ang utak ko sa kung ano bang dapat o pwedeng maidahilan.

"Mira, sabihin mo nga... sa'yo ba 'to?"

Ang tanong na iyon ang dumagdag pang dahilan para manlambot ang tuhod ko habang malakas ang kabog na naririnig ko sa sariling kong dibdib.

Sa kabado at tikom ko pa ring bibig, halatang mas kumunot ang noo ni Brent na umiiling-iling. "Huwag mong sabihing... ikaw rin 'yon?"

Hindi ko na alam kung paano ko pa matatagalan ang hindi magandang pagkakatitig sa'kin ni Brent na parang isang mabigat na kasalanan ang nagawa ko.

Ito ang pinakaaayawan kong mangyari. Ang makita ang ganitong reaksyon ni Brent na parang isusuka ang kung ano mang nararamdaman ko para sa kanya. Kasalanan ba para sa kanya ang magkagusto ako sa isang tulad niya?

"Mira! Tinatanong kita kung ikaw ba 'yong taong humalik sa'kin noong gabing iyon?!"

Parang gusto na lang na malusaw...



-------------------------------------------------------------------

▌▌pople:

Masakit na makita mong hindi natutuwa yung taong gusto mo nang malaman niyang may gusto ka sa kanya. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top