Oh 61
K A B A N A T A 61:
Nagising ako sa masamang kondisyon. Para akong dinuduyan at nangangasim ang sikmura. Bago pa man bumaligtad ang tiyan ko sa kinahihigaan ko, mabilis akong tumayo at pinasok ang bukas na banyo sa harapan ko at doon sa sink iniluwa ang halos puro likidong galing sa tiyan ko.
Tuluyang nagising ang diwa ko sa minutong matapos ako sa pagsusuka. Saka ko rin lang kasi napuna na hindi ko kilala ang lugar na kinaroroonan ko. Bago sa paningin ko ang lahat kaya di ko malaman kung nasaan ako.
Sa pagsara ko ng faucet ng sink, saka lang nabaling ang atensyon ko sa tunog na nanggagaling sa shower sa bandang kanan ko. Mukhang tulog pa talaga ang diwa ko kanina para di ko marinig na may tao roon na mukhang naliligo base sa patak ng tubig at mumuntiing kaluskos na nanggagaling roon.
Hindi ko alam kung anong sumuot sa sarili ko dahil namalayan ko na lang na lumapit ako roon at walang pag-iisip na binuksan ko ang shower curtain.
Pagkahawing-pagkahawi ko ng cover, madali ko rin iyon hinila pasara dahil sa laking gulat ko na ang naliligong si Montellano pala ang naroon.
"Wala akong nakita, pramis!" Sigaw ko sa pagkagulantang. Alam kong hubo't hubad na katawan niya ang napagbuksan ko pero sigurado naman ako na halos wala akong nakita dahil sa maagap na pagpikit ko. "Di ko sinasadya! Di ko alam na nandiyan ka! Ba't ka ba kasi di ka nagsasara ng--" Natigilan ako nang biglang bumukas ulit ang cover na awtomatikong ikinapikit na naman ng mga mata ko.
"Wala akong pakialam kung may nakita ka o hindi. Para namang maaapektuhan ako ng pamboboso mo."
Napamulat ako sa sinabi niya para magreact pero agad din naman akong napatakip ulit ng mga mata dahil baga man natatakpan na ng puting tuwalya ang pambaba niya, hubad pa rin ang pantaas niya.
"Pwede ba, Montellano, di ka ba nahihiya sa itsura mo?" Panenermon ko sa kanya na hindi man lang talaga apektado. Parang proud pa nga siyang ibalandra ang katawan niya.
"Bakit naman ako mahihiya? Marami-rami na rin ang nakakita nitong katawan ko. At sayo pa ba ako mahihiya? You're my girlfriend, dapat nga masanay ka na lalo na't--"
"Tumigil ka nga!" Sigaw ko pabalik sa kanya dahil nalalagay lang lalo ako sa awkward na sitwasyon. Ni hindi ko na nga kailangan pang marinig para malaman ang kung ano mang kadugtong ng dapat sasabihin niya.
"Teka, nasaan ba tayo?" Pag-iiba ko ng usapan lalo na't gusto ko ring malaman kung paanong napadpad ako rito kasama siya. Ang huling tanda ko nasa party ako ni Cole at--
Bigla akong natigilan nang unti-unti kong natandaan ang mga pangyayari kagabi. Nasapo ko ang ulo ko hindi dahil sa hangover, kundi dahil sa bigat ng isipin ko ngayon.
"Bakit? Naalala mo na ba ang epic night mo kagabi?" Puna sa'kin ni Montellano na nakalimutan kong nasa harapan ko nga pala.
Biglang bumalik ang inis ko sa kanya nang maalala ko kung paano niya ako sapilitang sinama pauwi na hindi nalalaman ng mga kaibigan ko. Bumalik rin tuloy yung pag-aalala ko na baka hanggang ngayon ay pinaghahanap pa nila ako.
"Alam ba ng mga kaibigan ko ang pag-alis ko kagabi kasama mo? Sinabihan at pinaalam mo man lang ba sa kanila?" Pagtatanong ko kay Montellano na tanging may alam dahil nawalan na rin ako ng malay kagabi bago pa man niya ako maisama paalis.
"You don't have to worry. Pinaalam ko sa kanila that you're with me. Boyfriend mo ako kaya wala silang dapat ikaalala."
Napapikit ako at napahawak sa sintido dahil siguradong kasalungat sa sinabi ni Montellano, tiyak nag-alala ang mga kaibigan ko, pero hindi ko na iyon isinatinig pa sa kanya.
"Yong phone ko, nasaan?" Sambit ko na lang sa kanya habang nagsisikap akong kumalma. Siguradong puno na rin yon ng mga tawag at text dahil sa pag-iisip na napahamak na ako kasama ni Montellano.
"Ibibigay ko rin sayo mamaya." aniya na agad kong ikinailing.
"Ngayon muna ibigay. Kailangan ko ang phone ko." di mapakaling sabi ko. "Kailangan ko na ring makauwi."
"Tignan mo na muna ang itsura mo sa harap ng salamin, aalis ka ba ng ganyan?" Balik niya sa'kin na ikinabaling ko nga sa salamin. Magulong-magulo ang buhok ko, at nangangailangan ng hilamos ang mukha ko.
"Maghilamos ka na muna o maligo." Dagdag pa ni Montellano na humakbang palabas ng pinto at bumalik din agad na waa pang isang minuto. "Gamitin mo na muna 'to."
Inabot niya sa'kin ang tuwalya, di pa gamit na toothbrush at damit na mukhang sa kanya. Hindi na ako nakipagtalo pa sa kanya at kinuha na lang ang mga iyon. Nandidiri na rin ako sa sarili kong amoy na nangangailangan na nga ng paligo.
Wala na ring iba pang sinabi si Montellano pagkabigay niya sa'kin ng mga kailangan ko at tuluyan na rin siyang umalis palabas ng banyo.
Simulan ko na rin ang pagligo. Habang pinapakinggan at dinadama ko ang patak ng tubig mula sa shower, bigla't bigla, nadako ang utak ko sa pagbalik tanaw sa mga nangyari kagabi at sa iisang tao na nagpagulo at nagpalabo sa nararamdaman ko. Si Brent.
Nagagawa na naman niya ulit na pakabugin ang dibdib ko at punuin ang utak ko na tulad rin lang noong dati. Ni hindi ko matukoy ngayon kung mas matimbang sa kanya si Montellano, dahil sa totoo lang, di ko na alam. Noong isang araw lang, siguradong-sigurado ako sa nararamdaman ko para kay Montellano, pero sa isang iglap kagabi, biglang nakihati na lang si Brent. Bagaman gusto kong isipin na dala lang iyon ng kalasingan, pero hindi... At ayoko rin namang pagsinungalingan ang sarili ko.
Kaya nga, mali ito. Mali na nandito pa ako ngayon kay Montellano. Mali na ipagpatuloy ko pa ang kung ano mang relasyong matatawag sa'min.
"Kailangan kong kausapin si Montellano bago umalis." sambit ko sa sarili ko kasabay ng pagtango. Mas bibilisan ko na rin ang pagkilos ko para maaksyunan ang plano kong gawin.
Nang matapos na rin ako sa pagligo, nagbihis na rin ako sa loob ng banyo saka lumabas nang matapos. Nagawa ko na ring pagmasdan ang buong kwartong tinutuluyan ni Montellano na di ko nabigyang pansin kanina dahil sa pagbaliktad ng sikmura ko. Maganda, malaki, malinis, at pangmayaman iyon na ibang-iba sa dating apartment niya. Siguro di hamak na mas komportable siya dito lalo na't ganitong klaseng lugar ang kinamulatan at kinasanayan niya.
"Maupo ka na, Mira."
Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses ni Montellano na saka ko lang nakita na kasalukuyan pala siyang nagluluto. Wala pa rin siyang suot pantaas pero sa awa ng diyos, nakashort naman siya sa pambaba. Sinubukan kong huwag na lang pansin at punain ang itsura niya.
Napadako ang tingin ko sa mesa kung saan nakahain na ang kanin at nakahanda na ang pares ng pinggan at kubyertos. Teka, hinnda niya ba talaga iyon?
"Naku, hindi na ako kakain dito, Montellano. Sa bahay na lang--"
"Maupo ka na. Sayang naman ang niluto ko." Sambit niya sa mabait na boses na parang nangongonsensiya. Nagpapaawa ba siya? Si Montellano ba talaga ang kaharap ko ngayon?
Sa di ko malamang dahilan, pinagbigyan ko na lang siya kahit na nakakapagduda. Ang kilala kong Montellano, hindi marunong magpaawa o mang-please ng tao. Mahirap para sa kanya ang maglambing o magpakita ng affection, kaya nakakapagtaka naman yata…
Sa pag-upo ko, natapos na rin siya sa pagluto at nilapag na rin niya iyon sa mesa saka naupo sa tapat ko. Sunod sa di ko inaasahang mangyayari at di ko inaasahang gagawin niya ay pinaglagyan niya ako sa pinggan ko ng niluto niyang pagkain.
"Breakfast Skillet." Sabi niya na tinutukoy ang niluto niya. "Try it."
Di ko alam kung saan madidistract, kung sa malaking pagbabago sa inaakto niya ngayon o sa hubad niyang pantaas. "Wala ka bang balak magsuot ng shirt?" sabi ko sa kanya sa diretsong mukha dahil ayokong makita niya kung gaano ako naaapektuhan nun. "Tambak na naman siguro sa labahan." maagap kong pagdugtong sa sinambit ko.
"May pang laundry na ako." Sagot niya saka tumigil sa akmang pagsubo na para bang may biglang pumasok na ideya sa utak niya. "Pero simula ngayon, pwede naman na ikaw na ulit ang maglaba ng mga damit ko."
Awtomatikong nagsalubong ang kilay ko. "Hindi mo ako labandera, umayos ka nga…"
"Pero girlfriend kita, at ginagawa yon paminsan minsan ng girlfriend sa boyfriend nila." maagap niyang sagot. "You can even live here if you want para maalagaan mo ako--"
"Ano?!" Pagpuputol ko sa kanya. Ako pa talaga ang mag-aalaga sa kanya?!
"At siyempre, para maalagaan din naman kita." Pagpapatuloy niya na parang natural lang na lumabas sa bibig niya kahit na hindi niya linyahan ang mga ganoong salita. "Minsan rin naman tayo noong nagsama sa iisang kwarto. But this time, it would be different… Dahil totoong magiging live-in partner na tayo--"
Muntik na akong mabilaokan sa iniinom kong tubig. Ramdam ko rin ang biglaang pag-init ng buong mukha ko dahil sa mga lumalabas sa bibig niya. Okay lang ba talaga siya?
"Namumula ka." Sambit niya na pinuna pa talaga ang reaksyon ko. "That only means, may epekto pa rin ako sayo."
Hindi niya inalis ang pagkakatitig sa'kin na mas lalo lang yata ikinatindi ng pangmumula ng pisngi ko, at sinabayan pa ngayon ng paninikip ng dibdib ko.
Mukhang hindi nga siya nagkakamali sa bagay na yon dahil ramdam ko lang naman ngayon ang eksaktong bagay na naramdaman ko kagabi kay Brent. Posible nga ba talagang mahulog ako sa dalawang tao ng sabay? Paano ko malalaman kung sino ang mas matimbang?
"Kumain ka na, lumalamig na ang niluto ko." Sabi niya na buti naman siya na mismo ang nag-iba ng usapan. Sinunod ko na rin lang siya nang makahinga-hinga na rin ako ng maluwag.
Kinuha ko ang kobyertos, saka sumubo ng pagkain sa bibig ko. Sa minutong natikman ko ang pagkain, napatingin ako kay Montellano. "Marunong kang magluto?" Wala sa sariling naisatinig ko iyon.
Masarap ang lasa ng niluto niya, bagay na hindi ko lang talaga inaasahan mula sa kanya.
"Oo naman. Lumaki ako na parating mag-isa sa bahay, kaya alam ko kung paano pakainin ang sarili ko." Muli niya akong tinignan ng diretso sa mata. "Ikaw, di ka rin dito magugutom sa'kin. Kaya na kitang buhayin."
Di mawala-wala ang init ng pakiramdam ko dahil sa mga hirit niya. Kailan pa siya natuto ng ganitong linyahan? Wala sa dugo ni Montellano ang pagiging romantiko, kaya paanong nabibitawan niya ang mga ganoong matatamis na salita?
"Montellano, naririnig mo ba ang sarili mo?" tanging nasagot ko sa kanya dahil sa totoo lang di ko na rin alam kung paano pa bubuo ng salitang isasagot sa kanya.
"Bakit, epektibo ba?" Sambit niya para bang bumalik rin siya agad sa normal na Montellano na kilala ko.
Sinasabi ko na nga ba, pinaglalaruan lang niya ako.
"Sinusubukan ko lang ang istilo sayo ni Brent," pagpapatuloy niya sa seryoso pa ring mukha, "At mukhang gumagana nga naman talaga sayo ang ganoong klaseng bagay... sweet, gentleman, caring… No wonder, nahulog ka ulit sa kanya."
Parang biglang bumara ang lalamunan ko na hindi magawang makasagot pabalik sa kanya. Ni hindi ko alam kung paano ikakaila ang mga sinabi niyang iyon dahil aminado ang sarili ko na may punto siya roon.
"I'm sorry…" Sambit ko dahil ito na lang ulit ang alam kong bigkasin na salita. Masamang babae na ba ako? Nasaktan ko ba siya? O baka naman yong pride lang naman niya ang usapin dito…
"Kaya nga," pagpapatuloy ko. "Tulad ng sinabi ko sayo kagabi, mas makakabuti kung tapusin na lang natin 'to dahil ayokong gumulo lang ang sitwasyon--"
"No." Mariing sabi niya sa pinakaseryoso at pinakama-awtoridad na boses. "Katulad ng naging sagot ko rin sayo kagabi, hindi ako payag. Ako ang makikipaghiwalay sayo. At ako magpapasya kung kailan tayo maghihiwalay."
Biglang gumapang ang takot sa loob ko dahil duda ako na magagawa kong makawala sa kanya. Para bang kahit hindi niya ako talian, kayang-kaya niya akong pasunurin sa anumang gustuhin niya.
"Paano kung ayaw ko?" Isinatinig ko ang salitang umuukupa sa utak ko. Paano nga ba kung magpilit ako? Ni wala namang nakakaalam sa relasyon namin kundi kami lang at ang mga kaibigan ko.
"Guguluhin ko ang buhay ni Brent." walang bahid ng biro ang paraan ng pagkakasabi niya. "Pwedeng pabubugbugin ko siya kay Luke lalo na't alam nating dalawa na may atraso siya sa pinsan ko."
"Montellano! Nababaliw ka ba?! Bakit kailangan mong idawit dito si Brent?" Pasigaw na sambit ko sa kanya. Sino ba naman kasi ng hindi magagalit sa mga plano niya? Sa ganitong bagay na lang ba talaga siya magaling, sa pangbablackmail?!
"Bakit hindi? It's working on you." aniya.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Paano kung iblackmail din kita? Paano kung sabihin ko sa lahat ang sekretong pinakaiingatan mong hindi malaman ng lahat?"
Hindi lang naman siya ang merong alas. Ni hindi ko alam na magagamit ko pala ngayon ang mga impormasyong nalalaman ko sa kanya. Siguradong di niya gugustuhing malaman ng lahat na hindi siya totoong Montellano, at hindi na rin siya tagapagmana ng mayamang pamilya.
Nawala ang tapang sa mukha ko nang makita kong ngumiti siya na para bang di man lang tinablahan ng banta ko.
"Then do it. Wala akong pakialam. Anyway, may bago na akong pangalang inaalagaan. Hindi na mahalaga sa'kin ang pagiging Montellano. At tungkol sa estado ng pamumuhay ko, di na ko naghihirap tulad ng dati. Kayang-kaya ko ng tumayo sa sarili kong mga paa na hindi ginagamit ang pangalan ng pamilyang umampon sa'kin."
Hanggang ngayon, wala akong ideya sa kung anong jackpot na natagpuan ni Montellano para magkaroon siya ng condo unit na tinutuluyan ngayon. Idagdag pa na kampante siyang di na siya muling maghihirap pa sa buhay.
"Dito ka na titira sa'kin simula ngayon. Magpapaalam ka na sa tinutuluyan mo--"
"Teka, di naman yata pwede yon. Siguradong magtatanong sina tita at tito kung bakit bigla na lang akong aalis sa kanila."
"Sabihin mo ang totoo, na dito ka na sa'kin titira. Boyfriend mo naman ako, at dise otso ka na rin kaya nasa isip ka na para magdesisyon para sa sarili mo. Ni hindi mo nga sila magulang kaya wala silang karapatang tutulan ka."
"Pero--"
"Magulang ba talaga ni Brent ang inaalala mo, o ang iisipin at mararamdaman mismo ni Brent?" Aniya na hindi na ako pinagbigyan pa ng pagkakataon na sumagot. "Ikaw din, gulo ang aabutin ni Brent kapag nagkataong maling desisyon ang piliin mo, Mira."
Ilang beses ba niya ako ilalagay sa ganitong sitwasyon na wala akong akong mapagpipilian kundi ang sundin ang gusto niya. Nasaan na yong Montellanong nakitaan ko noon na may tinatago ring kabutihan? Nagkamali lang ba talaga ako sa kanya? At sa ganitong paraan ko ba ipapahamak si Brent?
"Ano naman ang makukuha mo sa ganitong bagay? Ako lang naman 'to! Ni hindi nga ako espesyal na tao tulad ng paulit-ulit na sinasabi mo noon, di'ba? Bakit, ganoon na ba ako kaimportante sayo ngayon para di mo makayang mawala ako sayo?"
Tumawa siya na parang bang isang kabaliwan ang tingin niya sa mga pinagsasasabi ko. At aaminin kong nakakaoffend na mapakinggan na pinagtatawanan lang niya ako.
"You really think that I need you so bad, Mira?" Sambit niya sa pagitan ng mga tawa.
"Kung gano'n bakit mo nga ito ginagawa?" Balik ko. Sinigurado kong taas-noo ko siyang tinignan para di niya mahalata kung gaano ako naaapektuhan ng pagtrato niya sa'kin ngayon. "Pupwede mo na akong pakawalan ngayon at nang makapaghanap ka na ng iba…"
"I'll do that don't worry." paninigurado niya na bigla na ngayong sumeryoso. "Pero tulad ng sabi ko, hindi ngayon at hindi dahil sa ginusto mo. Ako ang magpapasya kung kelan. You just need to wait a little more…"
"And please," pahabol niya kasabay ng pagtayo niya na saka ko lang napansin na tapos na pala siyang kumain. "Ihanda mo ang sarili mo sa araw na yon. Baka ikaw itong magmakaawa sa'kin na huwag kang iwan sa araw na 'yon."
"Tapusin mo na yan." Utos niya na tinutukoy ang pagkain ko. Niligpit na niya ang sarili niyang kinainan para idala sa lababo.
Ni hindi ko namalayang halos nakamasid n pala ako sa bawat galaw niya. Nakasunod ang mga mata ko sa kung saan siya pupunta. Sunod ko na lang na nalaman, nakabihis na siya at nakatayo sa harapan ko na nagpapaalam.
"Alis muna ako sandali. May bibilhin lang ako sa labas. Sa pagbalik ko, sasamahan na kita para magpaalam at maghakot ng gamit mo kina Brent. Kaya maghanda k na rin ng speech mo sa kanila."
Napatayo ako para lumapit sa kanya, "Pero--"
"I said what I said, Mira. Kung magmamatigas ka, hindi ako magdadalawang isip ngayon na tawagan si Luke."
Natigilan ako at hindi na makapapalag nang dahil sa sinabi niya. Base kasi sa boses at ekspresyon niya, mukhang balak nga niya talagang totohanin kapag nagkataon. Kailangan ko ring isipin si Brent lalo na't si Luke ang pinag-uusapan rito na walang patawad pagdating sa taong pinag-iinitan niya.
Nang mapansin ni Montellano ang pananahimik ko, naintindihan din niya ang pagsuko at pagpayag ko sa gusto niyang mangyari kaya tinuloy na niya ang pagkuha ng susi sa ibabaw ng mesa saka muling nagpaalam sa'kin.
"I'll be back in 20 minutes." Tanging huling sabi niya kasabay nang pagbunot niya ng sarili kong phone mula sa bulsa niya para ibalik na rin sa'kin.
Sunod ko na lang nalaman, mag-isa na lang ako habang nakatitig sa phone ko na puno nga ng miscalls at messages mula kay Brent at sa barkada. Bigla akong nakaramdam ng lungkot nang mabasa ko isa-isa ang karamihang texts na nanggaling kay Brent. Di pa nga ako nangangalahati sa pagbabasa nang makita ko sa screen na tumatawag si Brent. Wala iyong tunog na mukhang nakasilent na siyang kagagawan ni Montellano.
"Hello, Brent." Sagot ko mula sa kabilang linya.
"Mira, buti naman sumagot ka na rin. Nasaan ka? Saan ka dinala ni Montellano? Okay ka ba? May ginawa ba siyang masama sayo? May nakapagsabi kasi sa nakakita sainyo kagabi na sapilitan daw niyang isinama…" Sa bungad pa lang ng boses ni Brent halatang sobra-sobra ang pag-aalala niya.
"Sorry kung pinag-alala ko kayo pero okay lang ako. Sorry din kung hindi na ako nakapagpaalam kagabi. Kusa akong sumama kay Montellano kaya wala naman talaga kayong dapat ikapag-alala."
"Gano'n ba? Buti naman kung gano'n. Nag-alala lang ako ng sobra lalo na't lasing ka kagabi. Nasaan ka nga pala ngayon? Susunduin kita bgayon mismo--"
"Okay lang ako Brent." Putol ko agad sa kanya sa malamig na boses dabil iyon ang kailangan. Napalunok ako bago maibigkas ang salitang hinihingi ngayon ng pagkakataon. "Walang gagawing masama sa'kin ang boyfriend ko, he can take care of me."
Kapansin-pansin ang biglang pagkatigalgal ni Brent mula sa kabilang linya pero sinamantala ko na lang iyon para muling magsalita. "Hindi na rin nga pala ako magpapasundo. Magkasama kami ni Mon-- ni Drew na pumunta diyan para magpaalam. Nandiyan ba sina tita at tito?"
"M-magpaalam? Anong ibig mong sabihin?" Humina ang boses niya na para bang may napakiramdaman na rin niya ang kung ano mang susunod ko g sasabihin.
"Oo sana. Napagdesisyunan kong dito na lang muna ako kay Drew. Kaya pupunta ako diyan para makapagpaalam at para makuha na rin ang iilang gamit ko--"
"Teka-- Mira, sigurado ka ba? Ba't kailangan mong umalis dito sa bahay namin? Okay ka naman dito di'ba… At bakit biglaan? Desisyon ba 'to ni Montellano? Pinilit ka ba niya?"
"H-hindi. Siyempre hindi." Sinikap kong klaruhin ang boses ko sa kabila ng pamamara ng lalamunan ko. "Desisyon ko 'to, Brent, sana maintindihan mo…"
"Teka, tungkol ba 'to sa nangyari sa pagitan nating dalawa kagabi?"
"Kung ano man ang nangyari kagabi, kalimutan na lang natin iyon, Brent. Huwag na lang sana nating pag-usapan pa ang tungkol roon…" Gustuhin ko mang maging totoo rin sana sa kanya pero hindi pwede. Hanggang sa ganitong klaseng pagrarason lang ang kaya kong ibigay sa kanya.
"Pero Mira--"
"Pakihanda na lang yong gamit ko diyan para ready na kapag kinuha namin. Pakisabihan mo na rin sana sina tita at tito para atleast alam na nila pagdating ko diyan." Maagap ang naging pagbaba ko ng tawag para iwasan na rin ang kung ano pang mga sasabihin ni Brent. Natatakot rin kasi ko na masabi ko sa kanya ang totoo lalo na't napakadali lang sa'kin na magbukas sa kanya ng problema at mga bagay-bagay.
Pagkatapos kong maibaba ang tawag, di ko alam kung ilang minuto akong nakatanga sa kawalan na parang lutang. Hindi ko alam kung may lakas pa ba ako ng loob na makaharap si Brent matapos ang mga sinabi ko sa kanya.
Napalugmok ako sa mesang nasa harapan ko dahil sa panibagong hinaharap ko. Hanggang sa gitna ng pagdidibdib ko, bigla akong nakarinig ng isang ingay sa ilalim ng mesa. Nang silipin ko, gulat na natagpuan ko roon ang pamilyar na pusa na buong akala ko matagal ng nawala.
"Moonie?"
----🐱-----
And our Moonie is back!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top