Oh 59

K A B A N A T A  : 59

"Ba't hindi ka pumasok sa huling klase natin?" Tanong ni Art kay Brent nang makalapit na rin sa wakas sa kinaroroonan namin. Hindi ko na narinig ang naging sagot niya dahil mas nakatuon ang atensyon ko kay Leslie na nakasulpot pa rin sa tabi ni Brent. Di ko tuloy mapigilang maghinala na panglalandi ang tanging pakay niya dahil 'yon naman lagi ang intensyon niya sa tuwing dumidikit-dikit sa lalake.

"Hi, Mira." matamis na bati niya sa'kin na himalang mala-anghel kung makipagharap sa'kin ngayon na akala mo hindi niya ako inaway noong mga nagdaang araw. Matapos sa'kin, bumaling siya sa iba, "May party sa bahay ngayon ni Cole, punta kayo."

"Hindi na. Di naman kami invited." Agaran kong sagot para tantanan na rin niya kami. Kung pwede nga lang siyang ipagtabuyan, ginawa ko na yon kanina pa.

"Kung gano'n, hindi yan problema dahil akong bahala, imbitado ko kayo." Sagot naman niya na halatang kinukuha ang loob namin. Pero para ano? Dahil kay Brent? Kaya ganito na lang siya ngayon kung magbait-baitan.

"Hindi na--"

"Sure." sapaw sa'kin ni Art na inunahan akong magdesisyon para sa barkada. "We'll be there basta ba imbitado mo kami." Alam niyang mariin ang pag-ayaw ko sa ideyang ito kaya bumaling sa'kin si Art. "Huwag ka ng komontra pa, pumayag at magpasalamat ka na lang."

"Hindi naman sa kumokontra ako--"

"Punta na kayo pleaseee…" Singit ni Leslie na sinadyang ngumuso habang nakatingin kay Brent. Sa tingin ba niya makukumbinsi niya si Brent sa ganyang paandar?

"Okay. We'll be there." Sagot ni Brent na panandaliang ikinatigil ng utak ko dahil buong akala ko di siya mapapapayag ng ganun na lang ni Leslie.  Tinatalaban na ba siya ng pagpapacute ni Leslie?

"Great. Then see you guys later at 9pm." Masayang sambit ni Leslie na saka lang naisipang umalis pabalik sa kung saan siya dapat naroon.

"Pupunta tayo?" Pangungumpirmang tanong ko. Nagpipigil akong magtaas ng boses o kahit ng kilay.

"Narinig mo naman di'ba," sagot ni Art na siyang atat sa party, kaya bumaling ako sa katabi niyang si Alex na nagthumbs up bilang sagot na ayos rin sa kanya ang desisyon na pumunta.

"Ako lang ba ang kontra?" Mahinang sambit ko sa sarili na umabot sa pandinig ni Kyle.

"Bakit nga ba ayaw mo?" tanong ni Kyle na ikinatutok sa'kin ng apat na pares na mga mata na naghihintay sa sagot ko.

Bakit nga ba? Napapatabong na rin ako sa sarili ko. "D-dahil parang wala lang ako sa mood."

"Kung gano'n di ka sasama?" tanong ni Brent.

Di ko magawang magdalawang-isip. "Sasama."

"Yun naman pala e," komento ulit ni Art na umiiling iling pa. Naging hudyat na rin iyon ng huling pag-uusap namin dahil kailangan na rin muna naming umuwi sa kani-kaniyang bahay.

Simula elementary, madalas ko'ng maging kaklase noon si Leslie. Mabait naman ang pagkakakilala ko sa kanya noon na galante at mahilig manlibre ng baon tuwing snack time. Naaalala ko pa nga na natutuwa akong katabi siya sa upuan dahil nakakapaghiram ako lagi ng kompletong krayola sa kanya tuwing art class dahil kulang-kulang at putol-putol ang sa akin. Hindi siya naging madamot sa gamit sa kahit kanino kaya nga marami siyang kaibigan. Hindi siya mapili sa taong kinakaibigan kaya nga  naging malapit rin naman kami sa isa't isa, iyon nga lang, biglang nagbago ang lahat pagdating ng highschool. Hindi ko alam kung epekto iyon ng pagdadalaga dahil napansin ko na lang na kasabay ng pagbabago ng pananamit at kilos niya, ay ang pagbabago rin ng ugali niya. Naging mapili na siya sa kinakaibigan niya at lalong-lalo na sa nilalandi niyang lalaki na sikat sa campus.

"Nandito na tayo Mira, di ka pa ba bababa?" Tanong sa'kin ni Brent na pumukaw sa malalim kong pag-iisip tungkol kay Leslie. Ni hindi ko namalayan na nakauwi na pala kami kung hindi niya pa ako sinabihan.

"Brent," tawag ko sa kanya bago pa man kami tuluyang makababa ng sasakyan. Kanina pa laman ng utak ko si Leslie kaya mas mabuti sigurong itanong ko na sa kanya ang bagay na kanina pa gumugulo sa utak ko. "Bakit nga pala kayo magkasama ni Leslie kanina? Hindi ka raw pumasok sa huling klase mo, kasama mo siya?"

Walang sino man kina Art, Kyle at Alex ang nag-osyoso sa kanya kanina tungkol kay Leslie kaya heto ako ngayon, palaisipan pa rin sa'kin kung anong meron sa kanila.

"Oo, kasama ko siya." Sagot niya na sinadyang tumingin sa'kin ng diretso at hindi na niya iyon inalis na para bang binabantayan ang reaksyon ko. "Bakit, may problema ba roon?"

"Hindi ka naman ba niya nilalandi?" Lumabas na lang ang katanungan iyon sa bibig ko na may kasamang paghihinala, "Hindi naman siguro siya magkakainteres na makipag-usap sayo o makisabay sa paglalakad kung wala siyang kailangan. At base sa pagmamasid ko sa kanya kanina, mukhang gusto ka niyang landiin--" Di ko natapos ang sinasabi ko dahil sa mapanitig na mga mata ni Brent na para bang alam ko kung anong ibig sabihin niyon.

Napaiwas ako ng tingin mula sa kanya kasabay ng ramdam kong pag-iinit ng magkabilang pisngi ko. Parang gusto kong pagsisihan ang mga binitiwan kong salita. Bakit ko ba kasi yon sinabi?

"Don't worry, iiwasan ko siya kung yon ang gusto mo."

Para akong nawindang sa naging sagot niya na para bang nilagyan niya ng kulay ang sinabi ko.

"H-hindi yon ang ibig kong sabihin…" Nauutal kong pagkaklaro. Ni hindi ko magawang bumuo ng matinong pangungusap. "Don't get me wrong, Brent. Ang akin lang naman, hindi ko gusto si Leslie-- Hindi yon sa-- Hindi ko…"

"It's okay. I understand. Lalayuan ko siya." Sambit niya ulit na nakita kong bahagyang ngumiti saka nauna na siyang bumaba ng sasakyan at dire-diretsong pumasok sa loob.

Naiwan akong natutulala para prosesuhin ang nasaksihan kong reaksyon niya. Mali ba siya ng pagkakaintindi? O ako lang talaga itong nag-oover react? Pero para saan yong mga ngiti niya? Mukhang kailangan ko talagang iklaro sa kanya.

Napababa na ako ng sasakyan para pumasok na rin ng bahay. Nang makita kong pumsok si Brent sa kwarto niya, napasunod na rin ako. Ni hindi ko nagawang kumatok at walang paalam na pumasok. Pagbukas na pagbukas ko, napatili ako sabay takip ng mata dahil naabutan ko lang naman siya sa aktong nagpapalit ng damit.

"Sorry, di ko alam." Sambit ko habang mariing nakapikit na hindi gumagalaw sa kinatatayuan ko.

"Bakit?" Tanong niya na mukhang tapos na rin sa pagbihis kaya nagmulat na rin ako ng mata. Nagulat na rin ako na nasa harap ko na siya. Base sa mukha niya, kita kong nasa mood iyon na tulad ng kanina na may bahid ng kung anong tuwa.

Alam kong kailangan kong linawin sa kanya ang bagay na pupwedeng di niya naintindihan kanina kaya di na ako nagpaligoyligoy pa. "Walang ibang ibig sabihin yong pagtatanong ko sayo tungkol kay Leslie. Unang-una, kung apektado man ako sa pagdidikit sayo ni Leslie, iyon ay dahil nag-aalala lang ako bilang kaibigan. Sinasabi ko 'to sayo ngayon dahil ayokong bigyan ka ng maling pakahulugan o… pag-asa--"

"Don't worry, Mira. Binibiro lang kita kanina." Singit niya na may kasamang tawa. Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi niya pero agad ding nawala nang makita kong kasalungat ang nakikita kong ekspresyon ng mga mata niya na para bang may halo iyon ng disappointment na sinisikap niyang itago.

Nang mapansin niya ang pagkakatitig ko sa mukha niya, umiwas siya agad ng tingin at tumalikod para magligpit ng damit niya.

Bigla't bigla, parang pinagsisisihan kong sinundan ko pa siya para  linawin ang lahat. Sana di ko na lang ginawa. Sana hinayaan ko na lang.

"Pumunta ka na sa kwarto mo para magbihis. Kanina ko pa tinitiis ang amoy mo." Sambit niya na tama lang sa ganitong awkward na sitwasyon.

"Oo na, aalis na po." Sagot ko na nagpapakanormal din. Pero bago pa man ako makahakbang palayo, hinablot niya ang braso ko para pigilan ako sa pag-alis. Naramdaman ko ulit ang pamilyar na kabog ng dibdib sa segundong magtama ang mga tingin namin sa isa't isa. Alam kong may kung ano siyang gustong sabihin, na siyang nagdadala ng mumunting kaba sa dibdib ko.

Habang humahaba ang segundong paghihintay ko, parang mas lalo lang ngiging mainit ang temperatura sa paligid namin. Ni hindi ko alam kung tama pa ba ang nararamdaman ko.

"Brent, M-may gusto ka bang sabihin?" Halos pabulong ang pagbitaw ko ng salita. Hindi ko maintindihan kung bakit biglang parang bumalik ang ganitong klaseng epekto niya sa'kin. Bakit parang nahihirapan akong huminga… Bakit parang…

"Sasama ka pa ba mamaya?" Tanong ni Brent na bumitaw na rin sa braso ko. Alam kong pareho naming alam na hindi yon ang dapat sasabihin niya. Di ko tuloy alam kung malalaman ko pa ba ang tungkol roon…

Biglang parang bumalik sa normal na temperatura ang kwarto sa  oras na nawala ang koneksyon ng titig namin. Napalunok ako bago sumagot. "Oo naman. Para namang may magagawa pa ako."

"Pero kung ayaw mo talagang pumunta, sabihin mo lang. Ako na ang bahalang pagtakpan ka." Sambit niya na concern rin lang. Alam niyang napipilitan rin lang ako dahil sa barkada. Kapag hindi kasi ako sumama na walang valid reason, siguradong numero unong magagalit sa'kin si Alex.

Kaninang-kanina lang di ko talaga gustong pumunta, kaya hindi ko malaman kung bakit biglang nagbago na lang desisyon ko ngayon. "Sasama ako, kaya di mo na kailangan pang magsinungaling sa kanila para sa'kin."

"Sigurado ka, dahil kung napipilitan--"

"Okay lang ako." Pagsisigurado ko sa kanya. Matapos kong sabihin yon, muling nagtama ang mga mata namin at dahil naramdaman kong parang mapapso naman ako tulad ng kanina,  ako na ang nangunang umiwas. "Sige, punta na ko sa kwarto ko dahil nakakahiya naman sayo na nagtitiis sa amoy ko."

Halos walang lingon ang ginawa kong paglabas hanggang sa marating ko ang kabilang kwarto. Hindi ako makapag-isip ng tama habang inaalala ang nangyari kanina. Napapahawak ako sa dibdib ko habang napapailing ng ilang beses.

"Wala yon Mira, Wala iyon! Imposibleng may nararamdaman ka pa rin sa kanya dahil inlababo ka na ngayon kay Montellano di'ba?!" Alam kong para na akong tanga sa ginagawa kong pagkausap sa sarili ko, pero pinagpatuloy ko pa rin para pakalmahin ang sarili ko.

"Pero para saan yong paglundag ng dibdib mo kanina?" Singit ng kabilang bahagi ng utak ko na nakakapagpagulo lang lalo. Wala akong maisagot sa sarili ko ngayon, dahil ako mismo ang nawiwindang at naguguluhan. Bakit nga ba?

Dahil, praning ka Mira. Kung magfofocus ka lang kay Montellano, di ka magkakaganyan!

Tama. Kaya huminga ako ng malalim at hinanap ang phone ko dahil siguradong tadtad na yon ng tawag ng taong dapat siyang laman ng utak ko ngayon. Sa pag-unlock ko ng phone, nakakalaglag ng panga na wala man lang akong makitang kahit isang taeag o message man lang na galing kay Montellano. Di man lang ba niya ako naiisip? Wala man lang ba siyang balak kumustahin ako o alamin kung anong ginagawa ko? Ako pa ba dapat ang unang magparamdam sa kanya?

Napahiga na lang ako sa kama. At sa minutong naaalala ko na naman ang mga mata ni Brent, dinampot ko ulit ang phone ko at walang patumpik-tumpik pang tinawagan si Montellano.

Halos ilang ring din ang hinintay ko bago niya yon sinagot.

"Bakit?" May bahid ng pagiging iritable ang tono ng boses niya sa kabilang linya. "Bakit ka napatawag, busy ako."

Napapatanong na lang ako sa sarili ko kung boyfriend ko nga ba talaga si Montellano base sa ganitong bungad niya sa'kin. Huminga na lang ulit ako ng malalim saka huminahon. "Wala naman. Itatanobg ko lang kung pupunta ka sa party ni Cole. Pupunta kasi kaming barkada, si Leslie ang nag-invite sa'min."

"Hindi. Tulad ng sabi ko kanina, busy ako. Pwede bang ibaba ko na tong tawag dahil nasasayang na ang oras ko."

"Okay. Mamaya na--" Di ko na natapos pa ang sasabihi  ko dahil pinatayan na niya ako ng tawag. Parang naiwan ako sa ere sa ginawa niyang yon. Ilang minuto rin akong natulala sa ganoong ayos bago ako tumayo at pumasok sa banyo para maligo na lutang ang utak.

***

"Mira?"

Napalingon ako sa tawag at ilang katok mula sa nakasaradong pinto ng kwarto ko. Kakalabas ko lang sa banyo na halos dalawang oras yata ang tinagal ko roon dahil di ko namalayang nakatulog ako sa bath tub. Hindi pa ako nakapaghanda ng isusuot na damit kaya't heto, natararanta na tuloy ako sa dapat kong isuot sa party.

"Sandali lang, lalabas na din ako." Sigaw ko pabalik kay Brent para marinig niya.

"Dalian mo na lang, papunta na raw sa party sina Art." Sagot niya na mas lalo ko lang ikinabilis. Hindi na ako masyado pang naging mapili sa susuotin dahil hinablot ko na lang ang pinakaunang damit na tumambad sa paningin ko.

Ni hindi na ako nakapagblower ng buhok kaya, basa-basa pa ang ayos ng buhok ko nang makalabas na rin ako ng kwarto. Pulbos at red lipstick rin lang ang nagawa kong ilagay sa mukha dahil wala na rin akong oras pa para sa kompletong ritual na pampaganda.

Pagkababang-pagkababa ko, si Brent agad ang hinanap ko na natagpuan ko sa dining area. "Sorry kung pinaghintay kita, tara na?"

"Pero di ka man lang muna ba kakain?" Sambit niya na mukhang katatapos lang maghapunan. "Mahihintay pa naman kita kaya kumain ka na muna…"

"Huwag na." Tanggi ko dahil masyado ng marami ang nakunsumo kong oras. Nakakahiya na kung paghihintayin ko pa ulit si Brent. "Doon na lang sa party."

"Pero siguradong alak ang unang-unang iaalok sayo roon." Hindi pa siya tumayo sa pwesto niya na para bang hinihintay na maupo ako para kumain.

"Okay lang ako, Brent. Di pa naman ako gutom." Pagmamatigas ko dahil mas lalo lang kaming mahuhuli nito.

"Sigurado ka?"

"Oo nga, tara na." Nang tuloy pa rin ang pamimilit niya, nilapitan ko na siya para hilahin palabas. Sa laylayan ng jacket niya ko nakahawak sa paghila sa kanya kaya napapasunod na rin lang siya. Nakakailang-habang pa lang kami nang biglang nagulat na lang ako sa pag-alis niya ng kamay ko sa jacket niya para hawakan iyon ng maayos na parang wala niyang balak pakawalan.

Napansin niya yatang ikinabigla ko ang paraan ng paghawak niya sa palad ko na parang binibigyan ko ng malisya, kaya bigla siyang nagsalita. "Magugusot at mapupunit ang damit ko." paliwanag niya kahit wala namang lumabas na tanong o puna mula sa bibig ko. Ganoon ba ka-obvious ang reaksyon ng mukha ko?

Naririnig ko na naman tuloy ang pamilyar na kabog ng dibdib ko, pero buti nalang nawala din agad nang bitiwan rin ako ni Brent dahil nasa harap na kami ng kotse. Pinagbuksan niya ako, pero agad rin niya iyon sinara kaya napabaling ako sa kanya.

Nakatutok ang mga mata niya sa damit ko na mukhang ngayon lang niya napuna. "Masyado naman yatang manipis at maiksi ang ang suot mo. Hindi ba pwedeng magpalit ka?"

"Pero okay naman ng suot ko." Sambit ko habang napapatingin ako sa sarili kong suot. High-waist skirt iyon at white crop top. "Isa pa, anong oras na--"

"I can wait. Di naman kita iiwan, kaya magpalit ka na roon."

"Pero--"

"Magpalit ka na dahil di tayo aalis dito na ganyan ang suot mo. Kahit yung skirt mo na lang ang palitan mo. And please, wear pants."

Ramdam ko ang seryoso sa tono ng boses ni Brent kaya wala na rin akong nagawa kundi ang sumunod. Patakbo akong napapanhik pabalik sa kwarto para sundin ang sinabi niya. Ramdam ko ang mumunting lundag ng dibdib ko na malinaw kong masasabing hindi ito dahil sa paghingal sa pagtakbo. May kung anong espesyal sa pakiramdam kapag ganitong nakakatanggap ako ng atensyon at pag-alaga.

Napailing ako. Naalala kong hindi dapat ako nagkakaganito kaya tinigil ko ang pagbibigay kulay sa ganitong bagay. Binilisan ko na lang pagpapalit ng high-waist black denim jeans saka patakbo ulit na bumalik kay Brent.

Sinipat na muna niya ako ng tingin bago ako tuluyang pinagbinuksan ng pinto ng sasakyan. Hindi pa pala siya nakontento dahil nakita ko na lang na hinubad niya ang suot niyang jacket at binigay sa'kin. "Isuot mo na muna yan." Utos niya saka sumakay na rin siya para magmaneho.

Pareho kaming tahimik na dalawa sa gitna ng biyahe. Walang sino man ang nagsita hanggang sa marating namin ang malaking bahay ni Cole. Sa labas palang, masasabing marami bisita sa party dahil sa mga nakaparadang sasakyan sa paligid. Sa lawn palang, matatanaw na rin ang mga tao.

Papasok ng bahay, sinalubong na kami ni Leslie na mukhang sinadyang hintayin talaga kami sa labas. Tumabi siya agad kay Brent na napaghahalataang interesado nga talaga siya kay Brent.

"Ba't ang tagal niyo? Kanina pa nandito ang mga kasama niyo, nasa loob na sila, di ko lang alam kung nasaan na sila banda." Sambit niya na kumaway lang sa guard para makapasok kami. Mahigpit ang security sa bahay ni Cole na ibang-iba sa ibang party na nadaluhan namin, kaya nga hindi lahat nakakapunta. Nagkataon rin lang na malakas ang koneksyon si Leslie sa malalaking tao tulad ni Cole kaya may access siya sa ganitong klaseng pribadong party. Hindi na siguro ako magugulat pa kung malalaman ko man na isa rin sa ex niya si Cole.

Nakasunod rin lang ako sa likod ni Brent na kita kong pinuluputan na agad ang braso niya ni Leslie. Pero wala pa ang limang segundo, napansin ko rin agad ang paghawi ni Brent nang pagkakadikit sa kanya nito.

Tuloy-tuloy kaming pumasok hanggang sa bumaba ng basement bar kung saan naroon ang karamihang bisita dahil nalalapit nga naman sa iba't ibang klaseng inumin. Nakasunod pa rin kami kay Leslie na huminto lang nang nasa tapat na kami ng bar counter. Humingi siya ng dalawang baso ng alak na inalok niya ang una kay Brent, saka sa'kin naman ang pangalawa. Di ko pa man yon nakukuha mula kay Leslie, hinarang na iyon ni Brent.

"Di muna siya iinom. Hindi pa naghapunan si Mira, kaya mas maganda kung kakain na muna sana siya."

"A, ganun ba?" Saad ni Leslie na bahagyang napakunot ang noo saka bumaling sa'kin. "Naroon ang pagkain sa taas, Mira. Kumain ka na lang muna roon tapos bumalik ka na lang rito mamaya. Kumaliwa ka lang sa dinaanan nating salamin kanina, then turn right."

"O, sige." Sagot ko saka bumaling ako kay Brent para magpaalam na muna. "Baka makasalubong ko rin sina Alex sa taas, sabihan ko na lang na pumunta rito."

"Samahan na kita." Pahabol ni Brent na ikinatigil ko sa paghakbang para lingunin siya. Napansin ko na lang na sumimangot na mukha ni Leslie at tumingin sa'kin na may desperasyon.

"Kaya na rin naman siguro ni Mira ang mag-isa, right Mira?" Parang kulang na lang hilahin niya ako sa isang gilid para pagbantaang sumunod na lang ako sa gusto niyang mangyari.

"Oo, kaya ko ng mag-isa, Brent. Dito ka na lang kay Leslie." Sambit ko sa kanya dahil di ko rin naman gusto na lumala pa ang sitwasyon lalo na't kilala ko si Leslie na mahirap kalabanin sa mga ganitong bagay.

Hindi ko na hinintay pa ang opinyon ni Brent dahil tinalikuran ko na siya at iniwan sila.

Bigla't bigla, nakaramdaman na lang ako ng pagkainis sa sarili ko ngayon. Naiinis ako sa desisyon kong pagtanggi sa alok ni Brent at hinayaan siyang manatili roon kasama si Leslie.

Pero bakit? Bakit ko 'to kailangang maramdaman? Bakit ako nagkakaganito?

"Mira,"

Napatigil ako sa pag-iisip nang marinig ko ang boses na tumawag sa'kin. Kahit hindi ako lumingon, kilala kong si Brent iyon.

"Bakit ka sumunod? Iniwan mo roon si Leslie?" Tanong ko sa kanya habang di ko pa rin alam kung ano bang dapat maging reaksyon ko. Kanina lang naiinis ako sa sarili ko nang iwanan ko sila, pero ngayon naman na sinundan niya ako, parang sa kanya ko naman gustong mainis dahil sa ginagawa niya.

"Di'ba nga sabi ko sayo, iiwasan ko na siya…"

"Hindi mo siya kailangang iwasan o layuan. Hindi na ako kontra pa sa kanya. Kalimutan mo na yung nga negatibong bagay na sinabi ko sayo tungkol sa kanya. Kaya't balikan mo na siya roon lalo na't nakakahiya naman sa kanya na siya mismong nag-imbita satin dito."

"Di ka pa kumain?" Binalewala niya ang mga sinasabi ko dahil mas inaalala na naman niya ako. "Ano bang gusto mo? Ako na ang kukuha para sayo…"

"Brent, huwag na. Ako na." Kinuha ko mula sa kanya ang plato. "Bumalik ka na lang roon kay Leslie."

"Samahan na lang muna kita rito--"

"Huwag na nga." Putol ko sa kanya kahit na kasalungat niyon ang gusto kong sabihin sa kanya. Ang totoo, may kung anong tuwa ako na naramdaman nang malaman kong iniwanan niya roon si Leslie para sundan at samahan ako ngayon rito… Pero hindi yon ang lumabas sa bibig ko. "Hindi mo ako kailangang alagaan, asikasuhin o protektahan oras-oras lalo na't hindi mo yon obligasyon. May ibang taong gagawa nun para sa'kin kaya kung pwede lang umakto ka ng tama."

Tuloy-tuloy ang bitaw ko ng salita na makakapagtaboy sa kanya na mas lalo ko lang ikinainis sa sarili ko. Parang gusto iyon bawiin nang makita ko ang sunod-sunod na pagtango ni Brent.

"Okay..." Sambit niya sa mahinang boses. "Sorry, di ko namamalayan na masyado na akong sumobra sa linya."

Pagkasabi niya niyon, nakatitig na lang ako sa likod niya na tinalikuran ako para bumalik sa basement.

Parte ng sarili ko ang nagsasabi na tama lang ang ginawa ko. Pero bakit gano'n? Bakit parang nasasaktan ako? Bakit parang may nararamdaman pa rin ako para sa kanya?

----🧘‍♀️----
Boyfriend material si Brent compared to Montey. Kaya paano niyo ako makukumbinsi na hindi siya bagay for Mira? Huh?

Deym. Montellano is shaking.⤵

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top