Oh 58

K A B A N A T A  :58

Kinabukasan, medyo huli na akong nagising kahit na alam kong tapos na ang bakasyon at balik na kami ulit sa klase. Pinagkasya ko na lang ang maikling oras sa pagligo at pagbihis para lang di mahuli sa klase pero heto, natatagalan pa rin ako sa pag-aayos ng sarili ko. Kailangan kong maging maganda lalo na't kay Montellano ako sasabay na siya mismong nagsabing susunduin ako para sabay na kaming pumasok.

Sa kalagitnaan ng pagkakataranta ko sa pag-aayos, bumukas ang pintuan ng kwarto. "Ate Mira, dali na mahuhuli na rin kami sa klase namin…" sambit ni Chris na ikinalaki ko ng mata.

"Ba't niyo pa ako hinihintay? Di'ba sabi ko mauna na kayo dahil matagal pa ako. Hindi na ako sasabay." Ni hindi ko matignan si Chris habang nagsasalita ako dahil mas nakaconcentrate ako sa pagkikilay sa harap ng salamin.

"Pero sabi kasi ni kuya Brent, hihintayin ka daw kahit gaano ka katagal. Kaya dalian mo na diyan, ate..."

Pagkagising na pagkagising ko kaninang umaga, nagbilin na ako kay Chris na mahuhuli ako at hindi na sa kanila sasabay, kaya di ko tuloy mapigilang mainis muli kay Brent. "Mauna na kayo. Di na ako sasabay. Sige na…"

Tumango rin naman si Chris sa sinabi ko at umalis ng kwarto. Nagpatuloy ako sa ginagawa ko hanggang sa matapos rin ako sa pagpapaganda. Wala pa naman akong natatanggap na message mula kay Montellano kaya naisip kong maghintay at mag-abang na lang sa labas ng bahay sa kanya.

Sa pagbaba ko, napakunot na lang ako ng noo nang makita kong naroon pa rin pala ang sasakyan na buong akala ko umalis na kanina pa.

"Bakit nandito ka pa?" Tanong ko kay Brent nang makalapit ako sa sasakyan. Nasilip ko na siya na rin lang talaga ang sakay niyon at wala na sina Chris at Erwan.

"Pinasabay ko na sina Erwan at Chris kay kuya Alden para di sila mahuli. Hinintay na kita dahil siguradong mahihirapan kang makahanap ng sasakyan ngayong rush-hour."

"Bakit mo pa ako hinintay? Sana nauna ka na lang…" Gusto kong mainis sa kanya pero di ko na yon magawa lalo na't sa nalaman ko ngayon na inaalala lang naman niya ako.

"Alam kong galit ka pa sa'kin…" sa pagsalubong niya sa'kin ng tingin, nakita ko ang di mapakaling ekspresyon mula sa mukha niya na para bang magdamag niyang inalala ang nangyari kagabi. "Mira, I'm so sorry. Maniwala ka't sa hindi, wala akong intensyon na bastusin ka. Gusto lang talaga kitang protektahan mula sa kanya at di ko namamalayang sumobra na ako. I'm really sorry."

"Wag kang mag-alala na para bang masisira ang pagkakaibigan natin dahil lang roon. Hindi na ako galit sayo." Hindi ko yata magagawang magtanim ng galit pagdating kay Brent, nagalit nga ako sa kanya kagabi pero mabilis lang iyon lumipas kinabukasan na parang walang nangyari. At siguro dahil na rin iyon sa lalim at tinagal-tagal ng pagkakaibigan namin na hindi basta-basta masisira ng ganoong napakaliit na bagay.

Nakita ko ang unti-unting pag-aliwalas ng mukha niya na para bang nabunutan siya ng tinik sa sinabi ko. Napapangiting bumaling siya sa sasakyan at pinagbuksan ako ng pinto. "Kung gano'n, sumakay ka na lalo na't huling-huli na tayo pareho sa mga klase natin."

Hindi ko magawang humakbang papasok ng sasakyan. "Hindi talaga ako makakasabay sayo, ang totoo niyan, susunduin ako ni Montellano. Sorry, dapat kasi di mo na ako hinintay pa, nadamay ka pa tuloy sa pagiging late…"

"Ayos lang." Ngumiti siya ng maluwang kasabay ng makailang tango pero pakiramdam ko pinapakita lang niya iyon. Alam na alam ko sitwasyon niya dahil ganoon din naman ako sa kanya noon. "O, ayan na pala ang sundo mo…" Sambit niya kasabay ng pagbusina ng kararating lang na sasakyan ni Montellano.

"Sorry ulit." Sabi ko dahil di ko naman maalis ang makonsensiya. Kung sinabi ko sana kasi ng malinaw ang bilin ko kanina kay Chris na susunduin ako ni Montellano, sana di na niya ako hinintay pa.

"Okay lang, di mo kailangang magsorry." Sagot niya saka may pahabol na binigay sa'kin na isang bento box, "Baunin mo na lang to at kainin mo sa kotse dahil di ka pa kumakain ng agahan."

Matapos kong kunin iyon mula sa kanya, di na ako nakapagpasalamat pa dahil sa sunod-sunod na eskandalosang busina na maririnig mula kotse ni Montellano. At ng hindi pa siya nakontento, dumungaw siya sa bintana at kumampay habang bumubusina pa rin. "Ano ba Mira! Tara na!"

Sa pagkataranta ko, papatakbo na akong lumapit sa sasakyan at pumasok roon. "Ano ka ba, baka isipin ng mga kapitbahay na may kung anong emergency na nangyayari dito sa labas."

Pinaharurot muna ni Montellano paalis ang minamanehong sasakyan bago ako sinagot. "Kasi naman ang tagal mo." Maikling sagot niya na mababakasan ng galit ang tono ng boses. Mukhang masama lang naman ang gising niya kaya siya bad mood. Naisip kong hayaan na lang muna siya hanggang sa lumamig siya dahil kung magpipilit akong kausapin siya baka lalo lang uminit ang ulo niya.

Binaling ko na lang ang atensyon ko sa bento box na binigay sa'kin ni Brent at sinilip ang laman niyon. Nakaramdam ako ng gutom sa minutong nalanghap ko ang niluto niya.

"Ano yan?" Tanong ni Montellano na napalingon sa'kin.

"Di pa ako nag-aagahan." Maikling sagot ko habang nakatuon ang atensyon ko sa pagkain dahil nakakatakam iyon. "Gusto mo? Masarap 'to, si Brent ang nagluto--"

"Huwag mo ng kainin yan." Putol niya sa'kin kasabay nang pagtigil ng sasakyan sa isang drive-thru at agad-agad nag-order ng pangdalawahan na breakfast meal.

"Kahit 'wag mo na akong isali. Yong sayo na lang ang iorder mo. Okay na sa'kin 'tong pagkain ko--"

"Itabi mo na yan dahil hindi yan ang kakainin mo."

"Pero sayang nama--"

"Makinig ka na nga lang." Naiinis na sita niya sa'kin kaya natahimik na rin lang ako hanggang sa makuha niya ang order. Hindi na rin ako umalma pa nang ibigay niya sa'kin ang pagkain na nabili niya para sa'kin dahil kung magmamatigas pa ako, siguradong lalo lang lalala ang masamang timpla niya. Sa dinami-rami ng araw, bakit ngayon pa kasi naging hindi maganda ng gising niya? Parang nawala na tuloy ang excitement ko na makasama siya ngayon dahil daig pa niya ang may PMS.

"Ikaw? Di ka ba kakain?" Tanong ko.

"Nakita mo ng nagmamaneho ako…" Masungit na namang sagot niya. Nagsisimula pa lang ang relasyon namin pero mukhang kailangan ko ng mag-ipon ng marami-raming pasensiya para sa kanya.

"Natanong ko lang dahil pwede namang ihinto muna ang sasakyan para makakain ka. Inaalala ko lang naman na baka gutom ka na diyan…" pinananatili ko lang ang pagiging mahinahon dahil ayokong nauwi sa pagtatalo ang umaga naming ito

"Mahuhuli lang tayo sa klase nito kung ihihinto ko ang kotse." Sagot niya na para bang wala akong matinong nasabing suhestiyon, kaya mas pinili ko na lang na manahimik habang sumusubo.

"Pero pwede mo naman akong subuan…" Biglang bitaw niya sa oagitan ng katahimikan kaya di ko sinasadyang mabilaokan ng marinig ko ang mga salitang iyon mula sa kanya. Sa kanya ba talaga galing iyon? Sinabi niya iyon?

"Magpapasubo ka?" Pag-uulit ko dahil di pa rin ako makapaniwala sa narinig ko.

Nakita ko na lang na namula ang tenga niya at nanatiling nakatingin sa daan ang mga mata. "Kalimutan mo na lang ang sinabi ko."

Pinipigilan kong matawa sa reaksyon niya. Halatang pinagsisisihan niya ang nabitawan niyang salita na para bang akala mo ikinasira iyon ng buong imahe niya.

"Okay lang naman sa'kin na subuan ka." Sambit ko sa pinakanormal na tono habang hinahanda ko na ang pagsandok ng pagkain.

"Stop it." Utos niya na bigla na namang bumalik ang pagiging bad mood sa isang iglap pero di ako tumigil tulad ng sabi niya.

Nilapit ko pa rin sa kanya ang pagkain. Hindi ako tumigil hangga't hindi siya napapapayag. "Huwag ka ng mahiya, normal lang naman na ginagawa ito ng magjowa."

Sa kakalapit ko ng pagpapakain sa kanya at sa kakaiwas niya, di ko sinasadyang mahulog ang hawak ko na sumakto sa puting damit niya.

"Ano ba! Kita mo na ang nangyari?!" Pikon at iritableng sambit niya na saka ko lang ikinatigil. Halatang hindi siya natutuwa na parang kulang na lang palabasin niya ako ng kotse.

"Sorry…" Tanging sabi ko. Hindi na ako muling nagsalita pa sa sumunod na sandali dahil baka magalit ko lang siya kapag nag-ingay pa ako. Hindi na rin naman ako nasaktan o nadisappoint sa nangyaring ito ngayon, at dahil na rin siguro sa tanggap ko na ang pag-uugali ni Montellano.

Namalayan ko na lang na tinigil niya ang minamanehong sasakyan sa isang tabi. Buong akala ko pabababain niya ako ng kotse niya, pero mas ikinagulat ko nang bigla na lang siyang naghubad ng pantaas na walang pasabi. Nanlaki ang mga mata ko habang napapalunok ng makailang ulit dahil kitang-kita ng dalawang mata ko ang matikas niyang katawan. Mabilis rin naman siyang nakapagbihis ng dala niyang extra shirt, pero parang naiwan ang utak ko sa imaheng nakita ko kanina.

"Isara mo nga yang bibig mo, kanina pa nakanganga." Sita ni Montellano na ikinagising ng diwa ko. Agad ko ring itinikom ang bibig ko na hindi ko nga namalayang nakanganga pala sa nangyaring paghubad niya. Ako naman tuloy ngayon ang namumula sa kahihiyan. Parang gusto kong itago ang mukha ko sa kanya pero wala akong magawa kundi ang magpanggap na parang walang nangyari.

"Isasabay mo pa ba ako pauwi mamaya?" Tanong ko para lang makapagbukas ng ibang usapan. Ni hindi na rin ako makatingin sa kanya ng diretso kaya sa daan na lang nakatutok ang mga mata ko.

"Hindi. May lakad ako mamaya." Sagot niya.

"Saan? May kasama ka?" Hindi na ako nahihiyang umaktong girlfriend lalo na't malinaw na rin naman sa'min na may relasyon nga kami. Nasa sa kanya na lang kung sasagutin niya ang mga pag-uusisa ko.

"Basta." napakalimitadong sagot niya na di ko na rin pinuwersa pang alamin. Kailangan kong unawain lagi ang personalidad niya na sadyang hindi gano'n kabukas sa lahat ng bagay. Hangga't maaari, ayokong maging clingy at demanding sa kanya tulad ng mga naging babae niya dahil tiyak na iyon ang dahilan kung bakit di siya tumatagal sa bawat isa sa kanila. Naniniwala naman ako na darating din ang araw na matututunan niya akong pagkatiwalaan ng kahit na ano.

"Okay. Basta't mag-ingat ka na lang palagi." Pagiging sweet at maintindihing girlfriend ang papel na dapat kong gampanan sa kanya. Hangga't alam ko kung paano siya pakikisamahan at pakikitunguhan, sa tingin ko, tatagal kami.

Ilang sandali rin lang, narating din namin ang Circle High. Sa halip na sa main gate, sa likod kami dumaan kung saan minsan na niya akong ibinaba noon. Tulad ng dati, walang katao-tao roon kaya walang makakakita na magkasama kaming pumasok.

"Maglakad ka na. Alam mo namang walang pwedeng makakita sa'tin at lalong walang pwedeng makaalam sa relasyon natin." Sambit niya na agad ko rin namang nakuha na walang pagrereklamo. Matapos kong tumango, bumaba na rin ako ng sasakyan niya at nagsimulng maglakad. Mahaba-haba ang lalakarin ko, pero wala ng kaso sa'kin yon ngayon kumpara noon na halos sumpain ko si Montellano sa ginagawa niyang pgpapahirap sa'kin. Masaya ang puso ko ngayon, at iyon naman ang mahalaga.

***

"Naglakad ka? Pinaglakad ka niya ng ganoon kalayo? Eh di sana pala di ka na lang nagpasundo sa kanya! Mabuti pang kay Brent ka na lang sumabay para di ka na napagod! Naku! Naku talaga Mira, sinasabi ko sayo, hindi ka niyan mahal. Doon ka na lang kay Brent, mahal na mahal ka niyon." Mahaba-habang litanya ang inabot ko kay Alex matapos ko sa kanyang ikwento ang mga pangyayari. Para tuloy akong nagsisisi na sinabi ko pa sa kanya na wala man lang filter o sugar coat ang buong kwento dahil napapasama lang sa paningin niya si Montellano.

"Sikreto nga kasi ang relasyon namin, naiintindihan mo ba? Walang dapat ibang makaalam kaya natural lang na sa tagong lugar niya ako ibababa. Isa pa, alam ko ang pinasok ko simula pa lang. Pumayag ako sa ganito kaya wala akong dapat ikareklamo. Ginusto ko 'to."

"Pero hanggang kelan? Hanggang kelan yang tago niyong relasyon? Baka di mo alam may iba pala yan--"

"Tulad ng sabi ko, alam ko ang pinasok ko. Hindi niya ako pinilit o kung ano pa man. Kilala ko ang maitim niyang budhi, bastos na pag-uugali at background niya sa babae, kaya kung lolokohin man niya ako, handa na ako roon Alex. Alam kong pwedeng anumang oras, bitiwan niya na lang ako ng basta, pero kung gagawin man niya yon sa'kin, natitiyak ko sayo na buo niya akong bibitawan walang labis at walang kulang, walang bawas niya. Oo gusto ko siya, pero di naman ako magpapakatanga at gagaya sa mga nauna niya."

"Nasasabi mo lang yan ngayon dahil gusto mo pa lang siya, pero sa oras na minahal mo na ang lalakeng yan, ewan ko na lang Mira kung maisipan mo pang magtira para sa sarili mo. Baka ialay mo ng buong-buo ang sarili't katawan mo sa kanya."

Tinaas ko ang kamay ko na parang nanunumpa para lang patu ayan sa kanya na di ko bubuwagin ang mga salitang binitiwan ko. "Kung mangangako ba ako sayo ngayon na hindi mangyayari ang inaalala mo, mangangako ka rin na titigil ka na diyan sa kapupuna at pagkakatiwalaan na lang ako?"

Tinaasan ko siya ng kilay nang matagal na hindi niya ako sinasagot. Nang sinundan ko pa ng mapagbantang tingin, napilitan na rin siyang tumango. "Oo na, Mira!" Sumusukong sambit niya. "Nangangako ako na di ko na pakikialaman ang relasyon mo sa kanya. Alam ko rin naman na sa makalawa, iiwan ka rin niyan."

Nasabunutan ko siya ng pabiro dahil sa huling sinabi niya at ikinahalakhak naming dalawa. Sa ganoong ayos kami naabutan nina Kyle at Art na kararating rin lang.

"Mukhang ang saya niyong dalawa. Ano bang pinagtsi-tsismisan niyong dalawa at parang lalake yan? Sino ba yan?" Bungad ni Art na umarte agad sa tabi ni Alex. "Huwag mong sabihing pinagpapalit mo na ako sa ibang lalake?"

"Hindi mangyayari yon. Lalake ni Mira ang pinag-uusapn namin--"

Nahampas ko sa tagiliran si Alex sa pagiging madaldal niya. Nakalimutan na ba niyang sikreto lang yon?

"Kung gano'n pinag-uusapan niyo si Montellano…" Sambit ulit ni Art na siguradong-sigurado sa binitawan niyang pangalan na nangangahulugan lang na alam na rin nilang dalawa ni Kyle ang tungkol sa'min ni Montellano.

Mukhang  napansin nila ang sandaling pagkatigil namin ni Alex kaya sila na mismo ang nagbukas. "Nakuwento samin ni Brent. At siya na mismo ng nagsabi sa'min na respetuhin na lang ang desisyon mo. Kaya kahit na gustong-gusto ka naming paulanan ng pagtutol sa maling taong pinili mo, di na namin yon gagawin dahil kami naman ang mananagot kay Brent."

"Sinabi niya yon?" Lumambot na nman ang puso ko sa pagpaprotektang ginagawa sa'kin ni Brent. Sumasagi tuloy sa isip ko na baka di ko alam nasasaktan ko na siya ng di sinasadya…

"Oo. Nakakapanghinayang lang talaga kasi na di kayo nagtagpo sa gitna. Bakit kailangang mahulog ka sa iba ngayong nagugustuhan ka na niya--" siya na mismo ang huminto na siyang pinagbabawal sa kanila ni Brent na konsensiyahin ako o kung ano pa man. "Anyway, kasalanan rin naman niya iyon na nagbulag-bulagan siya sayo."

"Nasaan nga pala siya?" Tanong ko dahil di nila kasamang dumating si Brent.

"Di namin alam. Hindi na siya pumasok sa huling klase namin." Biglang sumeryoso ang mukha ni Kyle. "Hindi kaya, masyadong nasawi 'yon sayo kaya umiiwas muna sayo?"

Natampal ko sa balikat si Kyle dahil sa mga pinagsasasabi niya. Saka rin lang lumabas ang pigil niyang tawa dahil sa pagbibirong ginagawa niya sa'kin. Pare-pareho naming alam na hindi ganoon kababaw si Brent para iwasan ako o lumiban sa klase dahil lang sa ganoon na dahilan.

"Ayun na pala sila…" Singit ni Alex na tinuro ang taong laman ng pag-uusap namin mula sa di kalayuan. Awtomatikong nagawi ang pansin ko sa kasama ni Brent. Nakailang kurap pa ako ng mata para siguraduhing hindi ako nagkakamali ng pagkakakilala.

"Si Leslie ba ang kasama niya?" Napapatanong ako sa kanila kahit na kumpirmado ko na sa sarili ko na tama nga ako. "Bakit sila magkasama?" Isang malaking tanong iyon para sa'kin dahil alam namin na hindi naman sila malapit sa isa't isa o magkaklase sa kahit na anong subject.

Malayo-layo pa ang distansya ng dalawa sa'min kaya malaya pa kaming pagtsismisan sila na hindi nila naririnig.

"Baka nagdate?" Bitaw na biro ni Art na di nakakatuwa. "Baka naisip ni Brent na panahon na para kalimutan ka na niya Mira kaya naghanap na siya ng ibang panakip-butas…"

Malayo sa realidad ang mga haka-haka o pagbibirong binibitawan ni Art na masyadong exagerated din kung minsan. Kaya di ko alam kung magpatawa pa ba ang intensyon niya o ang inisin ako.

"Kung makikipagdate lang naman si Brent, alam natin na hindi si Leslie yon. Kasalungat kaya siya sa tipo ni Brent sa isang babae."

"Matino pa ang pag-iisip ni Brent para patulan si Leslie." Gatong ko na sumusuporta sa pahayag ni Alex.

Bigla na lang naging mapag-obserba ang mga mata ko sa bawat kilos ni Leslie na kausap pa rin si Brent. Wala akong ideya sa pinag-uusapan nila pero hindi maikakaila sa bawat ekspresyon ng mukha ni Leslie ang pabebe at pagpapacute niyang kilos sa harap ng kaibigan namin.

"Type ba niya si Brent? Ba't parang nagpapakita siya ng motibo?" Napapatanong ko ulit na sabi para alamin din ang opinyon ng mga kasama ko. Si Leslie kasi ang babaeng di rin papatol kay Brent na ibanag-iba sa mga naging karelasyon niyang lalake.

"Nagseselos ka ba Mira? Narealize mo bang mahal mo pa siya at di mo siya hahayaang mapunta kay Leslie?" Singit naman ulit ni Art na wala na talagang matinong nasabi.

"Tumigil ka nga. Concern lang ako kay Brent na baka maya-maya mabiktima ni Leslie. Alam naman nating lahat na toxic ang babaeng yan."

"Ganyang-ganyan din ang tingin namin kay Montellano, Mira, kaya siguro naman naiintindihan mo na rin kami sa mga opinyon namin sa relasyon mo sa kanya." Banat ni Alex na biglang pinasa sa'kin ang isyu. Pinuri pa siya ng dalawa na akala mo ikinakulay ng buhay nila iyon.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top