Oh 56

K A B A N A T A  :56

"Kumusta naman ang pakiramdam ng mahaba ang buhok?" tanong sa'kin ni Alex na patungkol sa nangyaring dinner date namin ni Brent kagabi. Kaming dalawa lang sa kwarto habang nagliligpit ng mga gamit pabalik sa sarili naming bag. Ngayon ang alis namin pauwi kaya kanya-kanya ng ligpitan.

"Honestly, Alex… di ko alam." sagot ko na napapatigil para magpakawala ng buntong-hininga. "Parang sa halip na humaba ang buhok, umiiksi 'yon dahil sa namumurwisyo ako sa kaiisip…"

"Okay lang yan. Ang importante, nagiging patas ka... sa kanilang dalawa at sa sarili mo na rin. Mas matitimbang mo ang nararamdaman mo ngayon kung para kanino ba talaga 'yan at hindi 'yong padalos-dalos ka lang." Kahit papaano, may punto naman si Alex, pero minsan, di ko alam kung sinasabi ba niya ito para icomfort ako o para mapaboran ko si Brent.

Nang mauna siyang matapos sa pagligpit ng gamit niya, pumwesto siya sa harap ko. "Hindi sa sinisiraan ko si Montellano sayo, pero nag-aalala lang ako sayo dahil paano kung… iba ang habol niya sayo? Dahil kilala naman natin siya na alam mo na…"

Hindi ko naman minasama ang sinabing iyon ni Alex dahil kahit rin naman ako gano'n ang pagkakakilala ko kay Montellano, pero sa nakita kong sinseridad sa kung paano niya ako tratuhin ngayon, gusto kong maniwala at sumugal roon. "Huwag kang mag-alala dahil kung gano'n nga pa rin talaga siya, di ako magdadalawang-isip na lumayo sa kanya."

Ngumiti siya na para bang napanatag sa sinabi ko. "Buti naman kung gano'n." At hindi pa natapos roon ang concern niya. "Tinawagan ka man lang ba ni Montellano kagabi o ngayong umaga?"

"Hindi eh." sagot ko sa mababang boses. Kagabi pa ako naghihintay ng pagpaparamdam mula kay Montellano at sa pagkainip ko, ako na mismo ang naunang mangumusta sa kanya pero wala… di man lang niya sinagot ang text ko.

"O, kita mo na… Kung talagang gusto ka niya, dapat parati siyang nangungumusta sayo at hindi yong kailan lang niya maisip at gustuhin…" agad-agad apektado si Alex na naging mapagduda agad. "Kaya Mira, huwag na huwag mong ibibigay ang buong tiwala mo kay Montellano, dahil malaman ko lang talaga na pinaglalaruan ka niya at gusto lang niyang makaisa sayo, naku--"

Natigil ang pagbubunganga ni Alex nang bumukas bigla ang pintuan at ang mukha ni Brent ang dumungaw roon.

"O Brent, bakit? Namiss mo na ba agad si Mira?" panunukso agad ni Alex na mas lantaran na ngayon na walang pinipiling oras.

"Sino ba naman ang hindi?" balik ni Brent na buong akala ko di papatulan ang mga pinagsasasabi ni Alex. "Aalis na nga pala tayo, kayong dalawa na lang ang hinihintay." Lumapit siya agad sa'kin nang makita niya akong di pa rin tapos sa pagligpit. Tinulungan na niya ako hanggang sa matapos. Siya na rin ang nagdala ng bag ko.

Hindi na rin naman ako nagulat pa sa ginawa niya dahil normal na sa'kin ang makatanggap ako mula sa kanya ng ganitong pagtulong. Pero ang hindi ko inaasahan ay nung kinuha niya ang palad ko at hinawakan iyon hanggang sa makalabas kami ng bahay. Nakita ko kung paano magtinginan sina Alex, Kyle, Art at Kirk na para bang nagpipigil silang magkomento kaya hanggang pagtikhim lang ang nagagawa nila. Hindi ko naman mabawi ang kamay ko mula kay Brent dahil di ko alam kung tama bang gawin 'yon.

Binitawan din ni Brent ang kamay ko nang maisakay niya ako ng kotse. Nang makapwesto na rin siya sa driver seat, siya mismo ang kumabit ng seatbelt ko. "Naiilang ka pa rin ba?" tanong niya sa'kin na sinasalubong ang tingin ko.  Nang hindi agad ako nakasagot, kinuha niya ulit ang palad ko at hinawakan iyon at hindi na binitiwan pa kahit na magmamaneho siya.

"Brent, magmamaneho ka..." sambit ko sa kanya dahil kaliwang kamay lang niya ang nakahawak niya sa manibela habang binubuhay na niya ang makina ng kotse.

"Hayaan mo lang hanggang sa mawala 'yang pagkailang mo." sagot niya na hindi ko alam kung seryoso ba siya o nagbibiro lang. Hanggang sa hindi nga talaga niya pinakawalan ang kamay ko. "Masanay ka na rin dahil parang dadalas dalasan ko na rin gawin 'to…"

Sinuway ko na agad siya kasabay ng pagbawi ng kamay ko. "Umayos ka nga Brent, maaaksidente tayo nito sa mga pinaggagagawa mo." Dinaan ko na rin siya sa panenermon. "Isa pa, hindi ka pwedeng umakto ng ganyan hanggang sa pag-uwi natin sa bahay. Paano na lang kung malaman ng magulang mo 'to? Ano na lang ang iisipin nila… Nakakahiya lalo na't nakikitira rin lang ako sainyo…"

"Sigurado naman boto rin naman sila sayo--"

"Huwag mo ngang sabihin yan." panunuway ko ulit sa mas mataas na boses.  Natetensyon ako sa mga nilalabas ng bibig niya. "Hindi 'yon gano'n kasimple na kapag sinabi mo sa kanila, maiintindihan na nila agad… at isa pa…" bumaba at humina ang boses ko para siguraduhing sa maayos na tono ko masasabi sa kanya ang kanina ko pa gustong sabihin, "Huwag ka ngang umakto na parang tayo na."

Matapos kong masabi iyon, binantayan ko ang reaksyon ng mukha ni Brent, at nakahinga naman ako ng maluwag nang makita kong di naman niya minasama ang pagpapaalala ko sa kanya.

Lumingon siya sa'kin na ngumiti pa. "Sorry. Dalagang pilipina ka nga pala…" Mula sa normal na ngiti, naging pilyo iyon na may kasamang pang-aasar. "Dalagang pilipina, na marunong din magninja moves makanakaw lang ng halik…"

Nag-init na naman sa isang iglap ang pisngi ko sa pagpapaalala niya ng nakakahiyang ginawa ko noon. Natampal ko siya sa inis. "Pwede bang tigilan mo na ang pag-ungkat niyan. Hindi na nakakatuwa. Kung alam ko lang noon na gagamitin mo ang nangyari noon para pagtawanan ako ngayon, sana pala--"

"Hindi kita pinagtatawanan. Inaasar lang kita para idistract ang sarili ko." sabat niya na ikinakunot ng noo ko.

"Dinidistract? Saan naman?"

Muli siyang bumaling sa'kin. "Sa pagpipigil na halikan ka."

Mas nag-init ang pisngi ko ngayon maging ang tainga ko at di ako nakapagsalita. Masyado akong nagugulat sa naririnig ko at nasundan pa 'yon nang dahan-dahang lumapit ang mukha niya sa mukha ko. Hindi ako makapag-isip ng maayos o kung ano bang dapat gawin kaya natutulala na lang ako habang papalapit ang mga labi niya. Malakas ang kabog ng dibdib ko na hindi ko matukoy kung hahayaan ko ba o hindi…

Hanggang sa biglang umeksena ang tunog ng phone ko na naging dahilan para maudlot ang dapat mangyari. Kinapa ko ang phone ko at sinagot iyon na hindi tinitignan kung sino ang tumatawag.

"Hello?" Sambit ko sa kabilang linya habang ang utak ko ay di pa rin makabawi sa nangyari kanina. Ni hindi ako makatingin sa direksyon ni Brent.

"Pauwi na ba kayo?" Bungad ng boses mula sa kabilang linya. Namilog na lang ang mata ko nang makilala ko ang tinig ni Montellano.

"Oo." limitadong sagot ko dahil di ako mapakali na nasa tabi ko rin lang si Brent. Kung malaman niyang si Montellano ang kausap ko, siguradong magatataka siya at magtatanong kung bakit.

"Kasalukuyang nagbabiyahe na kayo? Sino ang mga kasama mo?"

Di ko masagot ang pag-uusisa niya kaya isang bagay lang ang naiisip kong gawin. "Tatawag na lang ako sayo mamaya."

"Kasama mo si Brent? Kayong dalawa lang?" tanong ulit ni Montellano na parang walang balak na payagan akong ibaba ang tawag.

"Basta mamaya na lang tayo mag-usap." Binabaan ko siya agad ng tawag dahil parang natetensyon ako sa sitwasyon ko. Tatawagan ko na lang siya mamaya para magpaliwanag.

Nang maibaba ko ang sarili kong phone, napansin kong pinarada ni Brent ang sasakyan sa pamilyar na lugar. Nakilala ko agad iyon dahil 'yon yung mismong eksaktong lugar na pinuntahan namin kahapon ni Montellano.

"Ba't tayo tumigil dito?" tanong ko sa kanya na agad-agad bumaba saka pinagbuksan ako ng pinto.

"Sumaglit muna tayo rito. Sayang naman kung dadaanan lang natin 'to…" sagot niya sabay hablot sa palad ko na muling hindi niya pinakalawan ng hawak. Napapasunod na rin lang ako sa kanya hanggang sa marating namin ang tabing dagat. "Magpalipas muna tayo ng ilang oras dito bago umuwi, ano sa tingin mo? Wala naman tayong hinahabol na oras. Isa pa, ang ganda ng dagat. Sayang lang talaga na ngayon lang tayo napadpad rito. Kung alam sana natin na may ganito kagandang lugar na pwedeng puntahan, sana pala pinuntahan na natin 'to kahapon."

Hindi ko masabi sa kanya na galing na rin ako dito kahapon kasama si Montellano. Ni hindi ko rin mabawi-bawi ang kamay ko dahil sa tuwing tinatangka ko, humihigpit lang ang hawak niya.

"Hayaan mo lang akong hawakan ang kamay mo." sambit niya na mas hinila pa ako palapit sa kanya hanggang sa magdikit ang braso namin.

"Pero pinagtitinginan tayo…" reklamo ko sa kanya pero di man lang niya ako pinakinggan. Sunod ko na lang nalaman, nagatawag siya ng bata sa gilid para pakiusapang kunan kami ng picture.

"Ikaw din 'yong ate kahapon dito di'ba?" sambit ng bata matapos niya akong titigan ng matagal. Napatitig din ako sa kanya at natandaan ko na lang na isa siya sa mga batang nakilala namin ni Montellano kahapon.

"Nagkakamali ka boy. Baka kamukha lang niya." singit ni Brent habang di naman ako makaimik.

"Pero siya talaga 'yon. Kasama pa nga niya 'yong boyfriend niya…" sagot din nito agad saka nahinto sandali na napapakamot. "Teka, boyfriend ka rin ba niya?" tanong niya kay Brent, "Dalawa ba kayong boyfriend ni ate?"

Daig ko pa ang inaakusahang nagtataksil sa sitwasyon ko ngayon at wala rin naman akong magawa para magpaliwanag sa bata o kay Brent. Para na rin akong nagsisinungaling sa ginagawa kong pananahimik na 'to.

"Wala siyang ibang boyfriend. Nagkakamali ka lang talaga." sagot ulit ni Brent na natatawa na rin lang sa bata na pinipilit ang pinaniniwalaan nito. Matapos niya kaming kunan ng picture, tinantanan na rin niya ang pangungulit saka umalis.

"Ang kulit ng batang 'yon." naiiling na sabi ni Brent kasabay ng muling bahagyang pagtawa. Bumaling rin siya sa'kin, "Parang gusto ko tuloy makilala 'yong taong pinagpipilitan niyang kamukha mo. Malaki siguro ang pagkakahawig niyo kaya gano'n na lang siya sa pagpilit na ikaw iyon."

Hindi ko magawang sabayan o masuklian ang tawa niya dahil alam ko kung ano ang totoo.

"Ako nga 'yon." sambit ko matapos ang matagal kong pananahimik. Bigla ko na lang naisip na sabihin sa kanya ang dapat niyang malaman. "Nanggaling ako dito kahapon. Kasama ko si Montellano. At…"

Natigilan sandali si Brent at tinignan ako na para bang nakakaramdam siya sa kung anong sunod kong sasabihin. Hinintay niya akong muling magsalita.

"May nararamdaman na ako para sa kanya." pag-amin ko. Mahirap para sa'king gawin ito lalo na't kitang-kita ko ang reaksyon ni Brent na para bang di makapaniwala na naririnig niya ang salitang iyon galing sa'kin. "Gusto kong sabihin sayo 'to kagabi, pero di ko lang talaga magawa. I'm so sorry, Brent."

"Nagbibiro ka lang di'ba?" sambit niya na naninigurado kung seryoso ba ako sa sinabi ko.

Umiling ako bilang sagot hanggang sa nakakabinging katahimikan ang pumagitna sa'min. Buong akala ko hindi na siya magsasalita, pero makalipas ang ilang minuto, hinarap din niya ulit ako.

"Kayo na ba?" tanong niya na hindi hinihiwalay ang mga tingin sa'kin.

"We're dating." sagot ko. "G-gusto namin ang isa't isa…" Di ko masabi ng diretso ang huling mga salita dahil alam ko rin naman na hindi pa ako gano'n kagusto ni Montellano. Kinakapitan ko lang yata ang inamin niyang 'konting' nararamdaman niya para sa'kin.

Napabuntong-hininga si Brent. "Pero bakit si Montellano?… Hindi mo ba naisip na hindi siya seryoso sayo at--"

"Alam ko. Alam ko rin na 'yan ang iisipin niyo dahil yan ang pagkakakilala niyo sa kanya, pero… Gusto ko siya. Nahulog na ako at di ko na mabawi-bawi 'tong nararamdaman ko sa kanya." Kung nahirapan man akong kumbinsihin si Alex na seryoso sa'kin si Montellano, siguradong gano'n din si Brent. Sadyang mahihirapan akong baguhin ang tingin nila sa kanya. "Alam kong isang katangahan na mahulog sa tulad ni Montellano dahil pwedeng masaktan rin lang ako, pero handa ako roon. Alam ko ang pinapasok ko. Ayoko lang na pagsisihan na di ko sinubukan 'to..."

"Wala ka na bang natitirang nararamdaman para sa'kin?" biglang tanong niya sa gitna ng pagpapaliwanag ko.

"Brent…" para akong nalagay sa alanganin. Hirap akong tignan ang mukha niya at salubungin ang mga mata niya, pero alam kong kailangan ko siyang tapatin ngayon. "Gusto kita noon. Gustung-gusto. Pero, nagbago na yon ngayon. Tinanggap ko na sa sarili ko na imposibleng magustuhan mo ako, na hanggang kaibigan lang talaga tayo--"

"Pero nagugustuhan na kita ngayon… Hindi ba pwedeng mabalik 'yong nararamdaman mo sa'kin?…"

Hindi ako makasagot. Paano ko ba naman kasi sasabihin sa kanya ng direkta ang salitang puputol sa kinakapitan niya ng pag-asa. Ayoko siyang masaktan…

"Huli na ba ako?" sambit niya na para bang nabasa rin niya ang di ko masabing sagot sa kanya. Wala man akong sinabi pabalik, parang naintindihan din naman niya agad ang di ko masabi-sabing salita.

Nagawa pa rin naman niyang ngumiti saka tumango, "Naiintindihan ko, Mira. Di ko naman ipipilit kung wala na talaga."

"I'm sorry…" Nakita ko ang paglitaw ng disappointment at panghihinayang sa mukha niya kaya parang di ko maalis ang makonsensiya. Di ko tuloy alam kung tama ba ang ginawa kong desisyon ngayon na sabihin sakanya ang totoo.

"Uwi na tayo?" yaya niya bigla sa masiglang tono. Biglang nawala ang nakikita kong lungkot sa mga mata niya na mukhang sinasadya niyang itago. Nang magsimula na siyang humakbang para maglakad pabalik sa kotse, pumantay ako sa kanya.

"Di ka naman ba galit sa'kin?" kabadong tanong ko. Natatakot akong may magbago sa pakikitungo niya sa'kin dahil sa nangyaring ito.

Tumigil siya sa paglakad para harapin akong muli. "Siyempre, hindi. Paano naman ako magagalit sayo? Wala kang kasalanan. Kung may dapat man akong kagalitan, 'yon yong sarili ko..." tumigil siya sandali para iiwas sandali ang mukha niya na parang may pinipigilan na kung ano. "But I'm fine, Mira. Ayos lang ako. Hindi ako galit sa'yo. Hinding-hindi ako magagalit sayo. Wala ring magbabago sa pakikitungo ko sayo unless sayo na mismo manggaling na dumistansiya ako sayo…"

"Hindi." Mariin ang ginawa kong pag-iling. "Hindi ko hihilingin 'yan dahil ayokong umabot sa puntong maapektuhan at masira nito ang pagkakaibigan natin, Brent..."

Nakita ko sa mukha niya ang pagpapasalamat sa naging sagot ko. "Kung gano'n asahan mong hindi ako lalayo, didistansiya o iiwas sayo, Mira. Nandito lang ako sa tabi mo bilang kaibigan. Pero ako na mismo ang magsasabi sayo na magiging mahigpit ako pagdating kay Montellano."

Natigilan ako sandali dahil sa huling sinabi niya. "Pero hindi mo naman ba ako pagbabawalan sa kanya?"

Matagal bago siya sumagot. "Hindi. Magiging mahigpit lang naman ako at babantayan ko bawat galaw niya. Di mawawala ang pagiging protective kuya ko sayo pagdating sa kanya."

Nakahinga ako ng maluwag sa bagay na narinig ko mula sa kanya. At least malinaw na ang lahat sa'min at nawala na rin ang pag-aalala ko. Napayakap na rin ako sa kanya dahil roon.

Sa pagbalik namin sa kotse, tumutunog kong phone ang naabutan namin dahil may panay ng tawag roon. Nang tignan ko kung sino, hindi ako nagkamali na si Montellano nga ulit iyon.

"Sagutin mo na…" rinig kong sambit ni Brent nang masilip rin niya kung sino ang tumatawag.

Pagkasagot na pagkasagot ko ng tawag malamig na boses ni Brent ang bumungad sa'kin. "Nililigawan ka raw ni Brent?" Hindi na ako magtataka kung nakuha niya ang impormasyong ito mula kay Kirk, dahil siguradong tinawagan niya ito kanina nang babaan ko siya ng tawag. "Nag-eenjoy kang kasama siya? Kaya ba ni hindi mo magawang sagutin ang mga tawag ko?"

"Hindi 'yon gano'n, magpapaliwanag ako--"

"Gusto kong mag-usap tayo ng personal." putol niya sa'kin. "Ipaalam mo sa'kin kapag nakauwi na kayo. Magkita tayo." Binabaan niya rin agad ako ng tawag na hindi man lang ako pinagpasalita. Magkikita kami?

Nang mababa ko ang sarili kong phone, nabaling ang tingin ko kay Brent na napansin kong parang may kung ano nararamdaman habang panay ang hawak sa bandang dibdib niya. Mas nag-alala ako nang bigla na lang niyang tinigil ang sasakyan sa gitna ng daan dahil parang may masakit sa kanya.

"Brent, bakit?" sinisikap kong huminahon habang tinitignan kung ayos lang siya. "Brent, okay ka lang ba?"

Nang hindi siya sumasagot at panay lang ang paghimas niya sa dibdib niya na para bang hirap siyang huminga, natatarantang inalis ko ang seatbelt ko para malapitan siya. "Brent, may masakit ba sayo?"

Sa ilang beses na tanong ko sa kanya di siya sumasagot kaya di ko alam kung malala ba ang kalagayan niya o dapat na ba akong tumawag ng tulong.   "Brent, sumagot ka naman! Yong puso mo ba yan? Hihingi na ba ako ng tulong para dalhin ka sa malapit na ospital?"

Sa gitna ng pagkataranta ko, naramdaman ko na lang ang paghablot sa'kin ni Brent para yakapin ako. Sunod ko na lang nalaman, nakakulong na ako sa braso niya na sobrang higpit na di ko magawang makagalaw. Sinubukan kong kumuwala pero di niya ako pinagbigyan. "Sandali lang, Mira…" mahinang sabi niya.

Dahil sa dikit kami sa isa't isa, ramdam ko ang unti-unting pagbalik sa normal ng paghinga niya kaya hindi na rin ako nagpumiglas pa. Ilang minuto rin lang ang lumipas, lumuwag na ang pagkakayakap niya sa'kin hanggang sa pinakawalan na niya ako.

"Okay ka na? Masakit pa ba ang dibdib mo?" tanong ko agad sa kanya habang di pa rin nawawala ang pag-aalala ko lalo na't naikuwento na minsan sa'min ni Brent na may heart condition siya noong ipinanganak siya. Naagapan naman iyon at lumaki naman siyang maayos tulad ng ibang nomal na bata, kaya di ko maintindihan kung bakit parang biglang nagparamdam ulit sa kanya iyon ngayon. "Kailangan ba nating pumunta sa ospital? Sabihin mo lang para makahingi na ako ng tulong sa iba--"

"Sumakit lang 'yong dibdib ko pero okay na ako." paninigurado sa'kin ni Brent na muling pinaandar ang kotse na para vang walang nangyari sa kanya kanina lang.

"Sigurado ka?" paninigurado ko dahil parang ako itong hindi pa makabawi. "Tawagan kaya natin ang mommy't daddy mo para malaman nila ang nangyari sayo… baka kung ano na yan…"

"Wag na, Mira." pagpipigil niya sa'kin nang akma kong kukunin ang phone ko para tawagan ang magulang niya. "Pauwi na rin naman tayo, personal ko na lang sasabihin sa kanila. At huwag ka na rin ngang masyadong mag-alala dahil siguradong wala lang iyon…"

"Pero sigurado ka ba talagang okay ka ba? Baka pinipilit mo lang ang sarili mong magmaneho…"

"Okay na ako Mira." paninigurado niya sa'kin kaya tinigil ko na rin ang pag-aalala.

Naging maayos ang biyahe namin hanggang sa makauwi rin kami. Hindi pa man ako nakakababa ng sasakyan, muling tumunog na naman ang phone ko. Hindi ko na kailangan pang tignan kung sino para malamang si Montellano ulit iyon.

"Lumabas ka. Nandito ako ngayon naghihintay sa tapat ng bahay." bungad niya sa'kin sa kabilang linya na pinakahindi ko inaasahan. Nasa labas siya? Kanina pa ba siya roon nag-aabang sa pagdating namin?

Napapatingin ako kay Brent dahil alam kong hindi ko na dapat ilihim pa 'to sa kanya. "Nandiyan sa labas si Montellano. Gusto niya daw akong makausap."

Walang ibang lumabas sa bibig niya kundi tango kaya maluwag ang dibdib ko na bumaba ng sasakyan. "Sandali lang ako." pagpapaalam ko kay Brent bago ako tuluyang lumabas ng gate.

Natanaw ko rin agad ang kotse ni Montellano na nakaparada sa mismong tapat ng bahay. Nakalock ang pinto nang sinubukan kong buksan iyon para pumasok at kinailangan ko pang katukin ang bintana nang makailang ulit bago niya ako pagbuksan. Galit ba siya?

-----💪-----

For the win na ba ang Mrent natin?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top