Oh 52

K A B A N A T A  :52

Hindi ko alam kung gaano kahaba ako nakatulog, pero medyo nagsisimula ng magdilim ang paligid kaya mukhang ilang oras na rin pala ang nagdaan na di ko namamalayan. Napunta ang tingin ko kay Montellano na patuloy lang ang pagmamaneho. "Malayo pa ba tayo?"

Napapasilip rin ako sa kotse ni Art na siyang sinusundan namin. "Gutom na ako. Di pa nga pala ako nananghalian." sambit ko dahil ramdam ko na ang paghapdi ng sikmura ko. Ni hindi ko man lang nagalaw 'yong take-out na pagkain namin kanina.

"Ba't di mo sinabi kanina?" Baling agad sa'kin ni Montellano na sumalubong ang kilay.

"Nawala na sa isip ko nang bigla na lang kayo nagyaya na aalis. At di ko rin alam na makakatulog ako." lumingon ako sa likod para tignan ang dala niya. "May kahit anong pagkain ka bang dala diyan? Kahit biscuit na lang o chips…"

"Wala." Malamig na sagot niya na parang walang pakialam. Di ko na rin lang sana siya kikibuin pa nang mamalayan ko na lang na lumiko siya sa kabilang kalye na iba sa direksyon na pinuntahan ng sinusundan naming sasakyan.

"Teka, mali yata ang dinadaanan mo, doon sila lumiko--" di ko na natapos ang sinasabi ko nang biglang tumigil kami sa tapat ng isang maliit lang na cafè. "Bakit tayo tumigil dito?" tanong ko kahit obvious na rin naman  kung bakit.

Bumaba rin siya agad ng sasakyan, at nilingin ako nang mapansin niyang di pa rin ako kumikilos. "Gusto mo bang kumain o ano?"

"Gusto, kaso paano yong sinusundan natin? Baka maligaw tayo--"

"Makakahabol lang tayo at di tayo maliligaw. At isa pa, alam mo bang nasa makabagong panahon na tayo kung saan madali ng makausap ang ibang tao gamit ang cellphone?"

Hindi na ako nag-alinlangan pa ng sinabi niya iyon kayat bumaba na rin lang ako at sumunod sa kanya papasok ng cafè at diretsong nag-order ng pagkain sa counter at umupo sa bakanteng table pagkatapos. Naiwan naman ako sa counter dahil binabudget ko ang sarili kong pera sa presyo ng mga pagkain dahil kakaunti lang naman ang dala ko.

"Ano pa bang ginagawa mo diyan?" tawag sa'kin ni Montellano mula sa di kalayuan. "Isinama na kita sa order kaya umalis ka na diyan at umupo rito."

"Totoo?" Di makapaniwalang sambit ko at napalapit ako sa kanya.

"Bakit, ayaw mo?" sagot niya na ikinaupo ko na rin sa tapat niya.

"Siyempre gusto. Di lang ako makapaniwala dahil tandang-tanda ko pa noong unang nangyari ito noon, sinama mo nga ako sa isang restaurant, pero ikaw lang naman ang kumain."

Natigilan siya na para bang hindi niya gustong naalala at nabanggit ko iyon pero nagkibit-balikat na lang siya. Ilang sandali pa, dumating na rin ang inorder niya na medyo marami-rami na akala mo tatlong tao ang kakain.

"Ba't parang ang dami?"

"Ayaw mo nun, mas marami kang pagpipilian." sagot niya na ikinabalik ko ng lingon sa kanya.

"Nag-aaksaya ka na naman ng pera. Hindi ka ba talaga natututo? Mabubutas na naman 'yang bulsa mo kung ganyang-ganyan ka lagi na akala mo di ka nauubusan ng salapi."

"Hindi ko na pinoproblema ngayon ang pera. Mababayaran na nga kita sa utang ko sayo. Magkano na nga iyon?" Sa isang iglap lumitaw muli ang mayabang na Montellano. Totoo nga ba na di na niya pinoproblema ang pera sa ngayon?

"At paano naman nangyari 'yon? Permanente ka na ba sa bar? O napromote ka ba? Mas malaki na ba ang kita mo?"

Hindi niya pinagtuunan ng pansin ang tanong ko dahil mas pinili niyang sumubo ng pagkain.

"Tinatanong kita, Montellano…" pagpipilit ko dahil sa mas tumaas ang kuryosidad ko. "Baka naman may pinasukan kang illegal na mapagkakakitaan? Dapat di ka kumakapit sa kung ano mang patalim dahil siguradong mapapasama ka lang diyan…"

"Bakit ba ang dami mong tanong at mga hinala? Di'ba pwedeng tumahimik ka nalang at magpasalamat na nilibre kita?"

"Okay. Tatahimik na." sagot ko saka tinuon ko na rin lang atensyon ko sa pagkain. Mukhang kailangan ko na nga talagang tigil-tigilan ang pangingialam sa buhay niya lalo na't di naman niya ako tinuturing na kaibigan sa kabila ng pagmamalasakit ko.

Pinanindigan ko ang pananahimik ko hanggang sa matapos ang kinakain ko. Nagpatuloy ang pananahimik ko hanggang sa makabalik kami sa loob ng kotse. Hindi ako galit at wala ako'ng sama ng loob sa kanya, sinusunod ko lang ang kahilingan niya sa'kin na tumahimik ako dahil tingin ko tama naman siya na sumusobra na ako sa pangingialam sa kanya.

Tumunog ang phone ko sa gitna ng biyahe namin at nabasa kong si Brent iyon.

"Nasaan ka na? Kasama mo raw si Montellano?" bungad na tanong sa'kin ni Brent.

"Oo--"

"Kanina pa kami nandito. Kasama ko na ang barkada, ikaw at yang si Montellano ang di pa dumadating rito. Okay ka lang ba? Wala naman bang masamang nangyari sayo?"

"Wala, Brent. Ayos lang ako. Papunta na kami, naantala lang nang nagutom ako ag kinailangan naming kumain, pero papunta na kami diyan."

"Sigurado ka?--" Naputol ang pakikinig ko sa sinasabi ni Brent nang biglang inagaw na lang sa'kin ni Montellano ang hawak kong phone.

"Sigurado siya." sagot niya sa tanong ni Brent. "She's safe with me, don't worry." At bigla na lang binaba ni Montellano ang tawag na walang pasabi

"Bakit mo binaba ang tawag?" Nagtatakang tanong ko sa kanya na hindi pa rin sa'kin binibigay ang cellphone.

"Mukhang gustong-gusto mo rin talagang naririnig na nagseselos siya noh? Huwag kang mag-assume Mira dahil siguradong nag-aalala lang yon sayo bilang kaibigan. Paniguradong hindi yon nagseselos tulad ng inaakala mo."

Napakunot ang noo ko sa mga lumalabas sa bibig niya. Hindi ba't parang siya ang nagseselos sa kung paano siya mag-react… Pero ayokong isipin yon at lalong ayokong dumulas yon sa bibig ko dahil siguradong ako lang naman ang mali at aakusahan niya ulit ng pagiging assumera.

Nabalot ng katahimikan ang biyahe namin hanggang sa marating namin ang destinasyong lugar. Sa minutong huminto ang sasakyan namin sa tapat ng bahay, bumukas agad ang pintong niyon at ang bulto ni Montellano ang unang niluwa niyon.

Bumaba na rin ako agad at sinalubong si Brent.

"Okay ka lang?" unang tanong niya sa'kin na pinagmasdan pa ako mula ulo hanggang paa para makasiguro. "Ang tagal niyo, akala ko kung napaano ka na.  Sinubukan rin kitang tinawagan ng paulit-ulit pero di ka na sumasagot."

"Ayos lang siya." sagot ni Montellano na inunahan pa ako. Naramdaman ko na rin lang na may kasama pala iyong akbay na naging dahilan para dumapo ang tingin ni Brent sa kamay niya na nakapatong sa balikat ko.

"Binabaan mo ba ako ng tawag kanina sa phone?" Masama ang tingin ni Brent kay Montellano at mukhang nakikinita ko na ang kahihinatnan nito kaya ako na ang kumalas mula kay Montellano at lumapit na ako kay Brent. Hinawakan ko siya sa braso para hilahin papasok.  "Nasaan na sila? Nasa loob ba sila?"

"Bakit sa kanya ka sumabay? Ba't di kina Art?" Paninita sa'kin ni Brent na mukhang di matatahimik ng basta. Hindi kami nakahakbang papasok ng pinto dahil hinila niya ako sa gilid para kausapin ng masinsinan. "Siguradong pinagkaisahan ka naman ng tatlo… Kanina ko pa sila pinapaamin pero wala sa kanila ang nagsalita sa kung ano naman tong kalokohang naiisip nila. Pero obviously gumagawa na naman sila ng paraan para itulak ka kay Montellano. Sana kasi tinawagan mo ako kanina nung nangyayari to."

"Sorry, di ko naisip na gawin yon." sambit ko na lang para di na humaba pa at ayoko ring maging dahilan para mas mapasama yong tatlo. Siguradong di matutuwa si Brent kapag malaman niya ang mga plano nila na para talaga sa kanya ito. Napapayuko na rin lang ako dahil hindi ko na nagugustuhan ang lumalalang sitwasyong ito na hindi naman dapat.

Bigla na lang akong hinila ni Brent at naramdaman ko na lang na niyayakap na niya ako. "Di ko alam kung anong sumapi sa utak ng tatlo para gawin nila 'to, pero 'wag kang mag-alala, di sila mananalo. Kakausapin ko sina Art, Alex at Kyle para tigilan na nila 'to." Kumalas din agad si Brent para tignan ako saka nagsalita. "Pero wala ka naman sigurong gusto kay Montellano di'ba?"

Natigilan ako sandali sa katanungan niyang iyon na para bang di ko alam kung anong isasagot.

"Mira?"

"W-wala." sagot ko sa nabubulol ko pang dila. "Pasok na tayo sa loob…" pag-iiba ko, saka nauna na akong humakbang para pumasok pero bago pa man ako makalayo, hinablot ulit ni Brent ang kamay ko. Mga limang segundo niya akong tinitigan kaya napatanong ako. "Bakit?"

"Wala naman." sagot niya kasabay ng bahagyang iling saka umakbay sa balikat ko. "Sabay na tayong pumasok."

Sa pagpasok namin sa loob, si Natsy ang una kong nakita na sinama rin pala ni Brent. Nakaupo siya sa mahabang upuan habang sina Alex, Art at Kyle ay nag-uusap-usap sa malayong distansiya mula kay Natsy. Kakalabas rin lang ni Kirk mula sa kusina.

Awtomatikong lumapit sa'kin si Alex nang makita niya ako at hinila sa isang gilid saka mahinang nagsalita. "Nasilip namin kayo sa bintana kanina lang. Ano? Selos na selos ba? Niyakap ka niya eh. Umamin na ba na gusto ka rin pala niya?"

"Mamaya na nga yan." sagot ko sa kanya sa pabulong din na paraan na sinamahan ko na ng pandidilat. "Itikom mo na muna yang bibig mo't baka marinig ka nila."

"Kung gano'n, nagselos nga siya? Panalo kami sa misyon namin. Sabi ko na nga ba--"

"Tumigil ka Alex!" mahina pero madiin ang pagkakasambit ko sa kanya. Ako ang pinagpapawisan sa kanya dahil nag-aalala akong marinig siya ni Brent o ni Natsy. "Mamaya na natin 'to pag-usapan."

Sinunod rin ni Alex ang pagpapatahimik ko sa kanya pero di naman niya ako nilubayan ng nangungulit niyang presensiya. Para bang ano mang oras gusto na niya akong hilahin sa malayong lugar para interogahin ng mga detalyeng gusto niyang malaman.

"Kain na tayo ng hapunan, nagluto ako." Pagyayaya ni Brent na bumaling muli sa'kin. "Mainit pa yon dahil eksaktong kakatapos ko lang magluto nang dumating kayo. Tara na…"

"Kumain na kami ni Mira." singit bigla ni Montellano na di ko napansing pumasok na rin pala sa pinto.

"Pwede ka pa naman kumain ulit, Mira." sambit sa'kin ni Brent na hindi man lang binabalingan si Montellano.

Narinig ko na lang na si Montellano ang sumagot sa kanya. "Naubos niya lahat ng masasarap na pagkain na inorder ko para sa kanya. Siguradong busog pa siya at walang ng natitira pang espasyo sa tiyan niya para sa panibagong pagkain."

"Titikim na lang ako ng niluto mo Brent." singit ko para di na humaba pa ang sagutan nilang dalawa na pinalalaki ang napakamaliit na bagay. Nakita ko kung paano ako pagkunutan ng noo ni Montellano sa sinabi ko pero di ko na lang siya pinansin. Ano na naman ba'ng problema niya?

Pinahila ng upuan ni Brent si Natsy at pinaupo sa tabi niya, pero hindi 'yon roon natapos dahil may hinila pa siyang upuan sa kabila niya at sinenyasan ako na maupo roon sa tabi niya sa bandang kaliwa. Wala sa'king kahulugan iyon dahil alam kong normal na rin talaga kay Brent ang maging gentleman, pero di ko maiwasang mapansin ang tinginan nina Alex, Kyle at Art na siyang nagbibigay kahulugan na sila-sila rin lang ang nakakaalam. Ayokong umabot sa puntong maging obvious ang mga reaksyon nila kaya di ko maiwasang sitahin sila ng tingin.

Pagkaupong-pagkaupo ko sa tabi ni Brent, nagulat na rin lang ako nang umupo rin sa tabi ko si Montellano na himalang sumunod sa'min sa dining area. "Akala ko ayaw mong kumain?"

"Masama bang makiupo?" sagot niya sa'kin na biglang sumungit ang boses.

"Tumikim ka na rin, Drew. Mas masarap ang lutong-bahay kaysa sa pagkain sa labas." singit ni Brent sa tabi ko na para bang sinasabi lang niya yon para asarin si Montellano. Di rin ako nakapagpigil na gatungan iyon.

"Oo nga Montellano. Mas masarap 'to." dagdag ko matapos kong tumikim. Gusto ko rin lang siyang asarin kaya muli akong nagsalita. "Sayang lang, sana pala di na lang ako kumain roon, para dito na ako nagpakabusog."

Nang lumingon ako kay Montellano di ko inaasahang sasalubungin niya ako ng masamang tingin. Di pa siya nakontento at lumapit sa'kin para bumulong. "Bayaran mo ang nilibre ko sayo kanina."

"Akala ko ba kasama na yon sa bayad utang mo sa'kin?" balik ko sa kanya na hindi na niya muling sinagot pa. Sunod ko na lang na nalaman, tumayo na siya saka nagpaalam.

"Akyat na lang ako sa kwarto. Busog pa talaga ako para kumain." huling sabi niya bago tuluyang umalis paakyat sa isa sa mga kwarto sa taas.

Parang wala rin lang nangyari sa mesa dahil tuloy lang sa pagkain ang lahat, hanggang sa nagsimulang magsalita si Kyle na masyadobg dedikado sa misyon nila. "Magkwento ka naman Mira sa nangyari sa inyo ni Montellano. Hindi ako naniniwala na natagalan kayo dahil lang sa nagutom kayo at kumain. Alam din naming lahat na hindi santo ang kasama mo."

"Tigilan niyo nga si Mira…" awtomatikong singit ni Brent. "Nasa katinuan pa siya para pumatol at magpauto kay Montellano. Isipin niyo naman 'yong kung anong makakabuti sa kanya at ano yong hindi…"

Natahimik si Kyle at ang iba pero hindi nangangahulugan no'n na gagawin nila ang sinabi ni Brent. Alam ko't nababasa ko sa likod ng mga isip nila na mas lalo lang nilang dadagdagan ang ganitong klaseng stratehiya.

Tuluyan ng naiba ang pinag-uusapan sa mesa ng ibahin iyon ni Montellano. Matapos kumain, nagyaya sila na magcamping sa likod bahay kung saan may maliit na lawa na napakagandang pagtambayan.

Tahimik sa labas na may nakahanda ng bornfire na madaling sindihan. Sa oras na nagkaroon na ng liwanag na tanging nanggagaling sa apoy, mas lalong naging maganda ang pakiramdam ko sa lugar na kakaiba nga naman talaga.

Bakapalibot kami sa bornfire habang may magandang background music na siyang dala ni Art. Pinili kong tumabi kay Natsy, dahil ayoko namang ma-out of place siya. Kanina pa nagrereklamo sa'kin si Alex na kesyo mahirap daw pakisamahan si Natsy pero hindi 'yon naging dahilan para di ko subukan.

"Buti nakasama ka rito. Siguradong mapapadalas na ang pagsama mo sa'min sa ganitong mga lakad, masaya naman di'ba?" malapad ang ngiti ko sa kanya kahit di niya masuklian iyon.

"Napilit lang ako ni Brent, pero okay naman. Mas prefer ko lang talaga sa bahay. Sayang rin nga, sana pala nagdala ako ng libro na mababasa."

Hindi ko alam kung paano magreresponde sa sinabi niya. Para na rin niya kasing sinabi na hindi niya kami gustong kasama ngayon na mas pipiliin niyang magbasa kaysa ang makipag-usap sa'min. Iba talaga siya sa unang Natsy na nakilala ko noon na mukhang cool at masarap kausap.

"Kalimutan mo na muna ang books at pag-aaral. Bakasyon naman eh. Dapat sinasamantala ang ganitong mahabang oras para magsaya."

"Sorry, pero hindi ako gano'n. Hindi ako papetiks tulad niyo na iniisip na boring ang pagbabasa at pag-aaral." sagot niya na minasama ang sinabi ko.

"Hindi naman gano'n ang ibig sabihin ko. Sorry kung naoffend ka man pero hindi talaga yon gano'n--"

"It's okay. Di naman ako galit." putol niya sa'kin na may kasamang ngiti na di ko alam kung totoo o pilit. Tumayo siya habang napapahikab saka nagpaalam sa lahat. "Mukhang kailangan ko ng mauna sa inyo dahil inaantok na ako."

"Ang aga naman yata, sigurado ka?" sambit ni Brent na lumapit kay Natsy.

"Oo. Hatid mo na ako sa loob, please." Muling sabi ni Natsy na ikinalingon sa'kin ni Alex sa naaasar na mukha. Pagkaalis ng dalawa, agad na sumiksik sa'kin si Alex para makipagchismisan.

"Epal din talaga ang Natsy na 'yon eh. Di'ba sabi ko sayo may attitude?!"

"Baka naman kasi, may ginawa kayo sa kanya? Baka tinarayan mo noong una palang o baka di mo kinibo, kaya gano'n na lang kailap sa'tin?" paninita ko sa kanya na mas ikinasama ng ekspresyon ng mukha ni Alex.

"Hindi ko siya tinarayan at lalong di namin siya inano. Ako pa nga itong unang bumati sa kanya kanina nang dumating sila. Nagpakaplastik nga ako sa pakikipagclose sa kanya, pero siya talaga itong may problema. May ugali ang bruha na insensitive sa pagbitaw ng mga salita na akala mo kung sinong magaling." pagdedepensa ni Alex na sinuportahan naman ni Art at Kyle hanggang sa ako na ang sumuko at nag-iba ng usapan, hanggang sa nauwi ang lahat sa laro.

Simpleng jack en poy ang laro, pero ang matatalo ay ang siyang bibigyan ng kaparusahan. Kung sino ang matatalo, kailangang sumulong sa lawa at ilulublob ang katawan ng sampung segundo saka aahon. Sa ilang beses na nangyari ang bato-bato-pick, ako lagi ang talo kaya ilang beses kong natanggap ang kaparusahan. Natapos ang laro na tanging ako, si Kirk at Kyle lang ang basang-sisiw kaya sa bornfire kami nagsumiksik para magpainit.

Nagpatuloy ang kwentuhan namin habang nakaupo palibot sa bornfire. Napuno iyon ng tawanan dahil sa sadyang mga joker at alaskador ang mga kasama ko, pero may biglang momento na kapansin-pansin ang biglaang pagtahimik ng lahat, at iyon ay dahil sa biglaang paglitaw ni Brent sa tabi ko na binalutan ako ng tuwalya. Maging ako ay nabigla kaya wala rin ako masyadong nasabi.

"Ba't bigla yata kayong natahimik?" Nagtatakang tanong ni Brent na walang ideya na ang ginawa lang naman niya ang dahilan sa biglaang pagsilensyo ng lahat.

"Ninanamnam lang namin ang gabi at ang tagumpay ng misyon." sagot ni Art na tinaas pa ang lata ng beer tsaka nakipagcheer sa tabi niyang si Kirk. Tumawa ang lahat maliban kay Brent na hindi naiintindihan ang anuman sa sinabi ni Art pero nakitawa na rin siya kinalaonan.

Maya-maya pa, napansin ko na lang nagsesenyasan na ang apat at paisa-isa na silang umaalis na may kanya-kanyang dahilan sa pagpaalam. Nakuha ko lang ang intensyon ng apat nang mapansin kong mukhang wala na sa kanila ang babalik.

"Nasaan na ang mga iyon? Tayo na lang yata ang natira rito." sambit ni Brent na ngayon rin lang napansin ang pagkapinaw ng apat. Para tuloy akong nakonsensiya dahil wala siyang kaalam-alam sa nangyayari. Suguradong kung alam niya ito, hindi siya papayag na pinagtutulukan siya ng barkada sa'kin.

"Pwede na rin tayong pumasok sa loob para matulog. Baka di na rin tayo balikan ng mga yon." sabi ko dahil ayoko rin namang niloloko ng ganito si Brent. Kung pwede ngang aminin ko na lang sa kanya ang totoo, ginawa ko na, pero baka magalit rin lang siya sa tatlo kaya alam kong kailangan ko ring mag-ingat at huwag magpadalos-dalos.

Tumayo na ako mula sa kinauupuan ko pero nagulat na lang ako nang bigla akong hinila ni  Brent pabalik sa pwesto ko. Biglang parang narinig ko na lang ang pagkabog ng dibdib ko dahil sa maliit na distansya namin ni Brent. Nakahawak pa rin siya sa kamay ko at hindi ko alam kung bibitaw ba ako roon o ano.

"Dito na muna tayo." sabi niya. Nang lumipas ang ilang segundong hawak pa rin niya ang kamay ko, tinangka kong bawiin iyon pero nagulat na lang ako nang di niya hinayaan ang gusto ko. Mas humigpit ang hawak niya sa palad ko, saka ipinasok sa bulsa ng hoodie jacket niya. "Masyadong malamig ang kamay mo kaya huwag mo na munang bawiin sa'kin."

Napapaiwas ako ng tingin kay Brent dahil sa tuwing nagtatagpo ang mga mata namin, kinakabahan ako sa kung paano siya tumitig. Naiinis ako sa inaakto ko o sa kung ano-anong pinag-iisip ko. Ba't ba ginagawan ko ng malisya ang ganitong bagay?

"Natutulog na si Natsy?" pangungumusta ko sa girlfriend niya para mawala ang kung anumang pinag-iisip ko.

"Oo." Maiksing sagot niya saka muling nagsalita. "Tingin mo tama ang ginawa ko, Mira? Tama ba na pumasok ako sa relasyon?"

Bumalik ang kung ano mang kaba sa dibdib ko na kanina ko pa di maintindihan. "Ikaw lang naman ang makakaalam ng sagot sa tanong mo… Bakit? Nagsisisi ka ba sa naging desisyon mo?"

Natigil sandali si Brent na para bang may kung anong realisasyon ang sumagi sa utak niya. "Paano nga kung gano'n…?" lumingon ulit siya sa'kin saka napatitig. "Nalilito pa ako sa ngayon, pero parang… parang--"

"Gabi na, di pa ba kayo matutulog?" singit ng boses ni Montellano na nakatayo dalawang metro mula sa pwesto namin. Pareho kaming napalingon sa kanya na humakbang palapit saka may onabot sa'king bagay. Saka ko lang napansin na cellphone ko iyon. "May kanina pang tawag ng tawag diyan sa phone mo."

"Hinahanap ka ng girlfriend mo sa loob." Baling naman ni Montellano kay Brent. Hindi siya umalis sa kinatatayuan niya na para bang hinihintay kami ni Brent na kumilos papasok. "Magsipasok na tayo sa loob."

Pagkapasok namin sa loob, dumiretso na ako sa kwarto namin nina Natsy at Alex. Ang phone ko ang una kong inenspeksyon para tignan kung sino ang tumawag pero wala naman akong makita sa call log.

Ilang segundo lang matapos kong bitawan ang phone ko para magpalit ng damit nang marinig kong tumunog iyon. Binuksan ko agad ang message at galing lang naman iyon kay Montellano.

*Lumabas ka. Mag-usap tayo.*

*Bakit? Matutulog na ako.* reply ko.

*Lumabas ka kung ayaw mong katokin kita diyan sa kwarto niyo para sunduin ka.*

Napatayo ako nang mabasa ko ang mensaheng iyon na di malayong gawin nga niya. Lumabas ako ng kwarto. Tahimik na ang paligid at wala ng sino mang tao sa sala. Lumabas ako ng pinto at dumiretso sa bornfire kung saan ko naroon ang nakatalikod na si Montellano.

"Bakit ba? Ano ba yang pag-uusapan natin? Importante ba ya--"

"Payag na ako sa gusto mo." sambit niya na di ko maintindihan kung ano ang eksaktong tinutukoy niya.

"Ano? Ang alin ba?"

"Let's date." sagot niya na di ko malaman kung tama ba ang naririnig ko dahil may pagkamahina iyon, hanggang sa inulit niya dahil sa kawalan ko ng reaksyon "I said let's date, bingi ka ba?"

"D-date?" Pag-uulit ko dahil parang pinoproseso pa iyon ng utak ko. Pagkarinig ko sa kanya ng salitang iyon, isa lang ang laman ng nasa utak ko. "Ayoko. Ayokong maging katulad ng mga babaeng dinate mo na pampalipas oras mo lang. May respeto pa ako sa sarili ko Montellano, kaya di ako papayag at lalong--"

"Hindi yong 'date' na akala mo ang tinutukoy ko. Your term Mira, not mine." putol niya sa'kin na ikinatigalgal ko sandali dahil mas lalo lang yata akong nahirapan sa pagproseso ng mga sinabi niya. Sinasabi ba niyang--

"Ibig mong sabihin, date as in normal date? Yong klase ng date na hindi tulad sa nakasanayan mo?" Napalunok na lang ako nang makita ko ang kompirmasyon sa mukha ni Montellano na tumango ng bahagya.

"Oo nga. Mahina ba talaga ang pag-intindi  mo para di makuha 'yon ng tama?" pag-angal niya na ikinangiti ko na lang. Ni hindi ko magawang magalit sa kanya kahit pa sabihing iniinsulto niya ako ng harap-harapan.

Marami akong gustong itanong sa kanya tulad ng bakit biglang nagbago ang iaip niya? Anong nagpabago sa kanya? Gusto niya na ba ako? Exclusively dating na ba ang label namin?

Marami man akong gustong itanong kay Montellano na gusto kong mabigyan ng linaw, pinili ko na lang muna na burahin at ipaglagpas muna ang mga iyon. Ayokong masira ang mood niya dahil sa mga pag-uusisa at kakulitan ko. Minabuti kong ikalma muna ang sarili ko, saka tumahimik hangga't hindi siya nagsasalita.

Pero di ko naman inakalang hindi na rin siya magsasalita. Nagulat na lang ako na yon lang pala yon dahil tinalikuran na niya ako para pumasok sa loob.

"Teka--" Di ko napigilang humabol at pigilan siya sa pag-alis niya. Biglang may sumagi sa utak ko kasabay no'n ay ang pagtatagpo ng mga kilay ko. "Sabihin mo nga Montellano, pinaglalaruan mo ba ako? Sinabi mo lang ba yon para lokohin at pagtawanan ako?"

Masusing pinagmasdan ko ang ekspresyon ng mukha ni Montellano at inaabangan ang paghalakhak ng tawa niya na siyang kukumpirma sa hinala ko. Nakahanda na ang palad ko na handang lumagapak sa pisngi niya, oras na malaman kong tama ako…

"Mukha ba akong nakikipagbiruan sayo, Mira?" balik niya sa'kin na parang siya pa itong nainsulto sa pamamaratang ko sa kanya. Umurong tuloy ang dila ko. Kung gano'n, seryoso nga talaga siya…

"S-sorry. Akala ko lang kasi…"

"Gumising ka ng maaga bukas habang tulog pa sila. Magkita ulit tayo dito." sambit ni Montellano bago ako tuluyan akong tinalikuran para pumasok sa loob.

Naiwan akong napapraning habang tinatapik ang sarili kung totoo bang nangyari ang mga nangyari kaninang-kanina lang. "First date na ba namin bukas?"

------😶------
Natakot yata si Montellano na pwedeng mawala sa kanya, kaya ayon, duma'moves' na. Hahah.
I

love you guys!  😍


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top