Oh 51

K A B A N A T A  :51

Ilang araw na ang nakalipas simula nang magsimula na naman ang bakasyon na hindi kami naoobligang pumasok ng napakaaga. Pero magian man sa pakiramdam, nanghihinayang naman ako sa nasasayang na araw kaya naiisipan kong maghanap na lang ng mapapasukang trabaho. Kahit sabihing libre at wala akong dapat alalahaning gastos sa pamamahay nina Brent, gusto ko pa rin namang hindi inaasa sa kanila ang lahat.

"Saan niyo gustong kumain?" tanong ni Brent na siyang nagmamaneho ng sasakyan. Kakagaling lang namin sa simbahan kasama si Chris at Erwan.

"Kahit saan na pinakamalapit na makakainan dahil gutom na ako kuya." sagot ni Erwan na siyang katabi ko sa likod, habang si Chris ang nasa front seat.

Napako na rin lang ang atensyon ko sa sunod-sunod na vibration ng phone ko. Mabilis ko yong kinuha at tinignan kung kanino galing ang messages. Numero lang iyon at hindi nakarehistro sa contacts ko kaya parang awtomatiko na lang na may bahagi ng utak ko na nagsasabing, baka si Montellano iyon. Ilang araw na ang nakalilipas simula nang di na ako muli pang nakatanggap ng anumang tawag sa kanya nang iblock ni Brent ang number niya sa phone ko.

Binuksan ko na rin agad ang message ng numero at binasa iyon.

*Goodmorning, Mira.* Napapalunok ako ng mabasa iyon dahil inang taong tumakbo sa utak ko ay si Montellano iyon. Hindi kaya gumamit siya ng ibang number?

*Can we meet and talk?* Basa ko sa pangalawang mensahe na may kasunod pa. *In person…*

Bigla na rin lang nakisiksik sa'kin si Erwan para basahin ang message ko mula sa phone. "Sagutin mo na ng Oo. Kilala ko yan, mabait yan si Alvin. Kung gusto mo samahan pa kita mamaya sa kanya."

Kung kanina bumibilis ang takbo ng pulso ko nang mabasa ko kanina, ngayon ay bumalik lang ulit iyon sa normal. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa akong umasa na si Montellano 'yon. Dapat lang di ako nadidisappoint ngayon.

"Sigurado ka bang sa kanya ang number na 'to?" paninigurado ko pa kay Erwan na kinumpirma din niya agad nang ipakita niya sa'kin mismo ang parehong numero sa contact niya.

"Kabibigay ko lang sa kanya ng number mo kahapon. Gwapo yan, tiyak na magugustuhan mo at agaran ka ring mahuhulog."

"Ano na naman ba yan, Erwan?" singit ni Chris na bumaling din agad kay Brent para magsumbong. "Pagsabihan mo nga 'yan kuya si Erwan. Pinamimigay na lang kung kanino ang number ni ate Mira at umaaktong akala mo kupido, eh siya nga hindi marunong manligaw."

Alam kong madaling mapikon si Erwan sa simpleng salita lang ni Chris pero nagulat pa rin ako nang lapitan niya si Chris para saktan na normal na bagay na talaga sa kanila. Nang nanlaban at bumawi rin si Chris, doon na nagsimula ang walang katapusan nilang wrestling. Kahit anong pag-awat ang gawin ko hindi sila tumigil kaya bigla na lang tinigil ni Brent ang sasakyan at sumuway sa mataas na boses. "Itigil niyo yan kung ayaw niyong pababain ko kayong dalawa rito sa gitna ng kalsada!"

Tumigil din ang dalawa, at maging ako na hindi kasama sa pinagsasabihan ay natahimik rin. Bumaling sa'kin si Brent at kinuha na naman ang phone ko katulad lang ng ginawa niha noong nakaraang gabi at binlock naman ngayon ang kawawang numero.

"Itigil mo yang pamimigay ng number ni Mira sa kung sinong kakilala mo, Erwan, dahil kapag ginawa mo yan ulit, ikaw ang mawawalan ng cellphone."

"Pero pagkakataon na 'yon ni ate Mira na makakilala ng iba. Ayaw mo ba siyang magkagusto sa iba kuya?" sagot ni Erwan na bigla na lang nagdala ng hindi sinasadyang awkward na katahimikan. Para bang naghintay ang lahat sa sagot ni Brent na pinalipas muna ang ilang segundo bago nagawang makasagot.

"S-siyempre Oo, pero hindi sa ganitong paraan na parang wraffle ticket si Mira na pinamimigay lang sa kung sino na lang."

"Pero hindi naman siya pinamimigay lang. Sa huli, si ate Mira pa rin naman ang masusunod--"

"Basta itigil mo na yan Erwan. Nagkakaintindihan ba tayo?!" Hindi inalisan ni Brent ng tingin si Erwan hangga't hindi ito sumasagot ng gusto niyang marinig mula rito kaya hindi na rin nakapagmatigas pa si Erwan at tumango na lang na ikinatapos ng usapan.

Muling pinaandar ni Brent ang kotse saka nabalik muli sa normal ang lahat na parang walang nangyari.

"Susunduin muna pala natin si Natsy, sasama siya sa'ting kumain." pagbubukas niya ng usapan habang nakatutok siya sa pagmamaneho ng sasakyan. "Girlfriend ko nga pala siya, kaya umayos kayong dalawa Chris at Erwan sa harapan niya."

"Sinagot ka na niya? Kailan?" maagap na tanong ni Chris habang si napansin kong sa'kin bumaling si Erwan na para bang concern ang tingin niya sa'kin. Mukhang akala na naman niya apektado ako.

"Ayoko sa kanya…" mahinang sambit ni Erwan na ikinabaling ko ulit sa kanya. Di ako makapaniwala na maririnig ko iyon mula sa kanya. Noong mga nakaraang linggo lang botong-boto kaya di ko maintindihan kung bakit bigla na lang nag-iba ang ihip ng hangin.

Di ko na rin napigilan pa ang magsalita habang nasa kay Erwan ang tingin ko. "Mabait si Natsy, siguradong magugustuhan mo siya kapag mas nakilala mo na siya." Parang ganitong-ganito rin lang ako noong nakaraang gabi sa pagpapaintindi kina Alex, Art at Kyle na hindi rin gusto si Natsy para sa kaibigan namin.

"Basta ayoko sa kanya." pabulong pa rin niyang sabi na hindi aabot sa pandinig ng kuya niya. Nilingunan niya si Brent saka nagsalita sa normal ng boses. "Kuya, gutom na ako. Di na makapaghihintay pa ang tiyan ko."

"Pero sabi ko naman sayo, susunduin lang muna natin si Natsy--"

"Ibaba mo na lang kami sa pinakamalapit na restaurant. Di mo na kami kailangan pang isama sa pagsundo sa kanya. Pwede naman siguro 'yon di'ba? Kaysa naman sa magtiis pa kami ng gutom…" sambit ni Erwan na nakakuha ng idadahilan. Hindi ako bulag para hindi makita na nagpasya na talaga siya na kaayawan si Natsy. Balak ko sanang sumingit para baguhin ang desisyon ni Erwan kaso sumegunda rin si Chris na himalang sumang-ayon sa madalas niyang kaaway, "Oo nga, kuya. Ibaba mo na kaming tatlo. Hintayin na lang namin kayo ng girlfriend mo."

Wala na ring nagawa pa si Brent kundi sundin ang gusto ng dalawang kapatid niya kaya binaba niya kami sa pinakamalapit na makakainan. Bago siya umalis, nagbilin siya na isama na rin silang dalawa ni Natsy sa pag-order ng pagkain kaya nagulat na lang ako nang nasa mesa na kaming tatlo, at hindi sinali ng dalawang magkapatid sa order si Brent at Natsy.

"Teka, ba't sa tatlong tao lang ang inorder niyo? At bakit take-out?" Nawiwindang ako sa dalawang magkapatid na di ko alam kung anong mood ang meron sila ngayon.

"Hayaan mo na sila. Aalis din tayo agad at di na natin sila hihintayin pa." sagot ni Chris na para bang sila lang ni Erwan ang nagkakaintindihan. Di ko alam kung anong laman ng mga isip nila.

"At bakit nga?" tanong ko pero walang sumasagot sa kanila dahil mas abala sila sa pagsagot ng katanungan sa isa't isa.

"Magcocommute ba tayo pauwi?" si Erwan.

"Malamang. Wala kang kotse, at wala ring lisensiya." si Chris.

"May dalang pamasahe ka ba diyan para sa'ting tatlo?" si Erwan.

"Meron naman. Kasya naman siguro 'to." si Chris.

"Eh, kung magpasundo na lang tayo kay Alvin? Libre na tayong pamasahe, tapos magiging magkakilala na rin silang dalawa ni ate Mira--" si Erwan.

"Tumigil ka sa naiisip mong yan kung ayaw mong isumbong kita kay kuya Brent." si Chris.

"Sumbungero ka talaga. Gusto mong isumbong ko rin sa kanya kung anong ginagawa natin mismo ngayon ng pareho na lang tayong mapagalitan?" si Erwan.

"Magcommute na nga lang kasi tayo." sagot muli ni Chris sa halos walang katapusan nilang diskusyon na para bang eala lang ako sa paligid nila.

Di na rin ako nakapagpigil pang sumabat. "Bakit ba kasi kailangan pa nating umalis kung pwede naman nating hintayin ang kuya niyo na siyang sasakyan natin pauwi? At pwede bang pakipaliwanag niyo sa'kin kung ano tong nangyayari sa inyo dahil di ko kayo masakyan na dalawa…"

"Insensitive lang talaga kasi si kuya sa mararamdaman mo, kaya kami na ang gumagawa ng paraan para iiwas ka sa awkward at masakit na sitwasyon." sagot ni Erwan na ikinataas ko ng kilay. Totoo ba 'to? Concern silang dalawa sa'kin kaya nangyayari 'to? Gusto kong matouch, pero parang mas gusto kong matawa dahil wala naman silang dapat ikaalala sa kung ano man sanang magiging sitwasyon.

"Chris at Erwan, hindi niyo kailangang gawin 'to--" Di ko na natapos pa ang sasabihin ko nang biglang hinablot na lang nila ako palabas matapos nilang makuha ang pagkain namin. "Baka magalit lang nito ang kuya niyo… Aalis na lang ba tayo na hindi sila hinihintay--" Ako na mismo ang napagod sa pakikipag-usap sa dalawa dahil wala man lang sa kanila ang sumasagot sa'kin. Pagkasakay namin sa bus, di na ako muling umangal o komontra pa. Di ko magawang magalit sa kanila dahil kabaliktaran niyon ang nararamdaman ko. May kung anong tuwa sa dibdib ko dahil di pa rin talaga ako makapaniwala na pinoprotektahan nila ako ng ganito.

Napapagitnaan ako ng dalawang magkapatid kaya kinulong ko sila ng magkabilang braso ko at niyakap ng mahigpit. "Mukhang mahal na mahal niyo akong dalawa huh?, damang-dama ko ang pag-alagang ginagawa niyo sa'kin."

"Di ito nangangahulugan na tutulungan ka namin para magkatuluyan kayo ni kuya. Nirerespeto namin ang girlfriend niya kahit pa sa sabihing hindi ko siya gusto sa ngayon. Sadyang ayaw lang namin na maipit ka sa ganoong sitwasyon--"

"Naiintindihan ko." putol ko kay Erwan dahil hindi rin naman niya kailangan pang magpaliwanag sa'kin. "Actually, okay na okay ako at wala kayong dapat ikabahala dahil ako na mismong magsasabi sayo na hindi na ako apektado ngayon tulad noong dati. At kapareho niyo rin lang ako na nirerespeto ang relasyon ni Natsy sa kuya niyo." Muli ko silang niyakap ng mahigpit. "Pero naappreciate ko pa rin itong ginawa niyo dahil nangangahulugan lang inaalala niyo ako. Pakiramdam ko mga totoong kapatid ko talaga kayo. Kaya salamat pa rin."

Patuloy ko lang niyakap ang dalawa na halos di ko na inalis ang mga braso ko sa kanila. Hindi man sila kumibo pa o yumakap pabalik, ramdam ko naman ang koneksyon sa'min. Wala mang sabihin ang ni-isa sa kanila, alam kong may nabuong matibay na samahan sa'ming tatlo nang dahil lang sa pangyayaring ito ngayon.

Ilang minuto rin lang nakauwi rin kami sa bahay. Sa labas pa lang ng bahay, pansin ko na ang nakaparadang sasakyan ni Art. Wala akong natatandaang may usapan kaming magkikita o dadalaw siya ngayon kaya pumasok na lang ako para malaman.

Inaasahan kong makikita ko siya na nakatambay sa labas ng pinto, pero hindi. Bukas ang bahay at pwerteng nakaupo sa sofa si Art at Alex na akala mo sarili nila ang bahay. Paano sila nakapasok?

Nasagot rin ang tanong ng utak ko nang makita ko si kuya Alden na kausap si Kyle.

"Ba't ang tagal niyo? Kanina pa kami dito." Bungad agad sa'kin ni Alex.

"Hindi ko alam na darating kayo. Walang nabanggit sa'kin si Brent." sagot ko naman dahil iniisip kong baka si Brent lang ang nasabihan nila tungkol sa biglaang pagsulpot nila ngayon.

"Actually, it's a surprise visit." singit din ni Kyle na saka ko rin lang nakita na nasa likod pala niya si Kirk na kumaway sa'kin.

"Hi, Mira. I'm the 6th member of your group kaya 'wag ka ng magulat sa presensiya ko ngayon. Excited na nga ako sa mauulit na reunion natin."

Napunta ang mata ko sa mga dala nilang bag na parang mga damit ang laman. "Reunion?"

"Magcacamping tayo Mira." sagot sa'kin ni Alex na tinuro sa'kin ang bag sa may hagdan. "Hinanda ko na ang susuotin mo kaya wala ka ng dapat alalahanin. Pinagpaalam ka na rin namin kay tita Sionie, kaya ikaw na lang talaga ang kulang para lumarga na tayo."

"T-teka…" Hindi ako makapaniwala sa biglaang mga desisyon nila na ngayon lang pinapaalam sa'kin. "Paano si Brent? Alam na ba niya ang tungkol rito?"

"Tatawagan ko pa lang siya para ipaalam." si Art. "Nasaan nga pala siya?"

Kung gano'on kami pala talaga ni Brent ang huling nakakaalam sa mga plano nilang ito. "Kasama niya ang girlfriend niya. Siguradong magugulat rin yon sa bigla-biglaang mga plano niyo."

"Kung gano'on wag na natin siyang hintayin pa. Siguradong susunod rin siya sa'tin agad-agad sa minutong malaman niyang umalis na tayo." sambit ni Kyle na binitbit na niya ang sarili niyang bag at ganoon din sina Art, Kyle, at Alex. Napunta na lang ang tingin ko sa nag-iisang bag na katabi ng bag ko.

"Teka, kanino 'to?" tanong ko sa kanila dahil baka maiwan na lang ng hindi nila napapansin.

"Sa 7th member ng barkada." sagot ni Kirk na may kasamang kindat. "Sa kotse ka niya sasabay."

"Seventh? Akala ko ba 6th member ka?" Natatawa na lang ako dahil sa mali-mali niyang bilang, pero ako itong tinawanan niya pabalik.

"Naiintindihan kong sa'kin mo gustong sumabay, Mira, but sorry… may dadaanan pa kasi ako." sagot niya na mas lalo ko lang ikinalabo. Muli siyang nagsalita sa eksaktong pagbukas ng pinto ng banyo. "O, ayan na pala ang 7th member."

Napalingon ako sa tinutukoy ni Kirk, at nagulat na lang ako nang makita kong si Montellano iyon na kagagaling lang ng banyo. Anong ginagawa niya dito? Sasama siya?

Hindi ko alam kung ilang segundo akong napatitig kay Montellano dahil gano'n din siya sa'kin na hindi inaalis ang mga mata sa'kin. Kung hindi pa pumagitna si Alex, mukhang hindi pa iyon matatapos.

"Sa kanya ka na sasabay, Mira." sambit ni Alex na mukhang may kinalaman na naman ang mga nangyayaring ito sa misyon-misyon nila kaya nangyayari 'to.

"Di'ba pwedeng sa inyo na lang ako sumabay?" balik ko sa kanya pero mariing iling ang sinagot sa'kin ni Alex. "Last straw na namin 'to Mira para pagselosin si Brent. Makisama ka na lang dahil pagkatapos nito di ka na namin guguluhin pa."

"Pero--"

"Aalis na tayo." Anunsyo ni Alex na nagbibingi-bingihan sa pag-angal ko. Siya na rin mismo ang nagdala ng bag ko hanggang sa makalabas kami at binigay niya iyon kay Montellano. "Ikaw na ang bahala kay Mira."

Hindi na talaga nila ako binigyan pa ng pagkakataon na umangal dahil nagsi pasok na sila sa isang sasakyan na magkakasama. Kahit pa sumunod ako sa kanila, di na rin naman ako kakasya kahit anong pagpilit ko, kaya wala na rin akong nagawa kundi ang sumunod kay Montellano.

Hindi ako umimik nang makasakay ako sa unahan. Palaisipan sa'kin kung paano nila napapayag na sumama si Montellano, pero dahil kasama naman si Kirk, naisip ko na siguradong pinilit lang naman siya nito.

"Nagbago ka ba ng phone number?" Unang salitang lumabas sa bibig ni Montellano simula ng buhayin niya ang makina ng sasakyan. "Hindi na kita macontact simula noong gabing iyon."

Pakiramdam ko ibang Montellano ang kasama ko ngayon base sa kung paano siya magsalita. Kailan pa naging big deal sa kanya na hindi niya ako macontact.

"H-hindi." Iisang salita na nga lang, nabubulol pa ako.

"Binlock mo ba ako?" balik niya agad na nagbago agad ang tono na para bang napakababaw ko para gawin ang bagay na yon. "Noong nakaraan lang parang atat na atat ka sa'kin, at pagkatapos no'n umaarte ka na para bang di ka na agad interesado. Kung sa tingin mo gagana sa'kin ang estratehiya mong pagpapakipot, ako na mismo ang nagsasabi sa'yo na hindi yan gagana."

Biglang nainis na lang ako sa pinagbababato niyang salita. "Hindi ako nagpapakipot. At lalong hindi ito strategy. Sadyang… sadyang narealize ko na hindi ko kailangang magpakababa sayo. Na hindi ko kailangang ilinya ang sarili ko tulad sa mga nagdaang babae sa kamay mo. At baka tama nga ako na nabibigla lang ako kaya ko nasabi sayong gusto kita. Pero kung totoo man na meron na nga talaga, ayokong lumalim pa iyon. Alam kong itatapon mo lang naman ako kagaya ng mga nauna mo." Simula hanggang sa matapos ang pagsasalita ko, nakatingin lang ako sa daan pero parang ramdam kong nakatitig siya sa'kin pero di ko rin lang sigurado dahil ayokong lingonin siya.

"Okay." tanging komento niya na nasundan makalipas ang isang minuto. "Anyway, di ko naman kawalan yan."

"Sinasabi mo bang kawalan kita?" Napalingon na ako sa kanya, at siya naman itong nakatutok sa daan.

"Oo. You're missing the fun Mira." sagot niya. "Sa tingin mo, bakit ako pinipilahan at binabalik-balikan ng mga babae?"

Hindi ko na kailangan pang hulaan kung anong tinutukoy niya kaya awtomatiko akong sumagot. "Exactly Montellano. Hindi ako tulad nila na yun ang habol. Hindi ako magpapakababa ng ganoon, tapos ano? Iiwan mo lang at ipagpapalit sa iba bukas makalawa…"

"Okay-okay, enough…" Tumango siya ng sunud-sunod na para bang napagod na sa kadidinig sa'kin. "You're doing the right desisyon. Mas may chance ka nga naman kay Brent kumpara sa'kin kaya tama lang yang desisyon mo. Swerte mo lang talaga na tutulungan pa kita para pagselosin siya."

"Wala akong tyansa kay Brent. Hanggang kaibigan lang ang tingin niya sa'kin. At tinanggap ko na yon."

"Kung gano'n bakit ka pa pumapayag sa mga ganitong set-up ng mga kaibigan mo? Kung ayaw mo talaga, tell them to stop."

"Ginawa ko na, pero mapilit lang talaga sila."

"Then try harder." pagdidiin niya na akala mo alam niya ang lahat. "O baka gusto mo naman talaga?"

Sasagot pa sana ako pabalik pero natigilan na ako dahil di ko na rin makita ang point ng pakikipagtalo sa kanya. Siguradong pagpipilitan lang naman niya ang kung anong pinagtutulakan ng bibig niya.

"Tingin ko wala ring resulta 'tong pagpapaselos kay Brent. Alam mo kung bakit? Siguradong wala siyang gusto sa'yo." pagpapatuloy lang ni Montellano na wala ng magandang nasasabi at walang nakapagtataka roon.

Gusto kong sabihin sa kanya na gano'n din naman ang tingin ko pero hindi ko iyon isinaboses dahil mas pinili kong ipunto sa kanya ang ibang bagay. "Kung gano'n nag-aaksaya ka lang pala ng oras dito at sa pakikipagsabwatan kina Art. Bakit ka pa kasi pumayag?"

"N-napilitan lang naman. Di ako tinigilan ni Kirk at ng mga kaibigan mo." sagot niya. "Isa pa, mukhang nakakatuwang masaksihan na nagpapakatanga ka sa taong di ka magugustuhan."

"Okay." tanging sagot ko kasabay ng malalim na buntong hininga dahil napapagod na rin ako sa walang patutunguhang pag-uusap namin. Di ko na siya kinibo pa sa buong biyahe dahil parang naubos na rin ang enerhiya ko. Naramdaman ko na lang na inaabot na ako ng antok. Bukod sa paghihikab, napapapikit na rin lang ako na hindi ko na rin napipigilan pa.

-------KOYA------

Sending love to everyone who's reading this. You are beautiful. Love yourself, sweetie. I purple you. 💜🐨

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top