Oh 50
K A B A N A T A :50
"Saan ka ba sumuot? Kanina ka pa namin hinahanap..." salubong sa'kin ni Alex nang makabalik ako sa pwesto namin. Hindi na ako nakasagot dahil napadako ang tingin ko sa di ko inaasahang paglitaw ni Kirk ngayon dito. Napapagitnaan siya ni Kyle at Art.
"Himalang nagawi ka yata rito, kumusta na?" bati ko kay Kirk na ngayon ko rin lang ulit nakita matapos ang debut ni Alex. "At si Vanessa? Kumusa naman kayo?"
"Hiwalay na kami, two weeks ago pa." sagot niya na hindi na rin naman nakakagulat. Si Kirk ang tipo ng lalake na hindi tumatagal sa iisang babae. "Kaya rin ako napagawi dito sa school festival niyo, para mag-enjoy."
"Si Brent nga pala? Wala pa ba?" Biglang tanong ko dahil pansin kong wala pa rin ang anino niya. Sa halip na sagutin nila ako, mapanuksong tingin ang natanggap ko sa kanila na hindi na mawala-wala.
Sumingit na rin si Art na kinuha ang atensyon naming lahat sa sasabihin niya. Namimilog pa ang mga mata niya sa kung ano mang ideyang kakapasok lang sa isip niya. "What if, tulungan mo kami Kirk!" baling niya kay Kirk na mukhang alam ko na rin ang papupuntahan ng sasabihin niya. "May misyon kasi kaming mabuksan ang puso ni Brent kay Mira. At kung kailangan +aming pagselosin si Brent para mangyari 'yon, yon ang gagawin namin. At dahil nandito ka rin naman, ikaw na lang kakasabwatin namin para maisakatuparan iyon. Wala kang ibang gagawin kundi ang magpanggap na nagugustuhan mo si Mira hanggang sa magselos si Brent."
Pumalakpak si Kyle na nagustuhan ang naisip ni Art. Naghigh-five pa sila na masyadong excited habang ako lang yata ang naiiba ang reaksyon. Awtomatikong kinuha ko ang atensyon ni Kirk. "Huwag mo na lang pakinggan 'yang mga yan. Di mo kailangang sumunod sa mga kalokohan nila."
"Pero mukhang interesting nga naman ang plano nila. Isa pa, I'm getting bored, at gusto ko ng challenge tulad niyan." sambit ni Kirk na isa rin palang papatol sa mga ganoong bagay. Mas lalo lang nagdiwang ang tatlo sa narinig nila.
Tumayo si Kirk at tumabi sa'kin saka inakbayan ako. "Ganito ba dapat tayo kasweet mamaya pagdating ni Brent?"
Naghiyawan na naman ang tatlo at halos sabay-sabay pang magsalita para magbigay ng kanya-kanyang suhestiyon sa dapat gagawing pag-arte at pagpapaselos mamaya kay Brent. Hindi naman ako naiilang sa pagkakalapit namin ni Kirk dahil alam ko namang walang malisya sa pagitan namin kaya nakita ko na rin lang ang sarili kong hinahayaan na lang sila sa kung anong gusto nilang mangyari dahil kahit anong gawin kong pagprotesta at pagpapatigil ay wala ring kahihinatnan.
"Ba't di tayo sumayaw?" sambit ulit ni Kirk na ginaganahan rin sa pakikipagsabwatan sa tatlo. Kinuha niya ang kamay ko kahit na hindi ako pumayag sa alok niya. Naramdaman ko na rin lang na pinagtutulakan na ako nang tatlo na sumama kay Kirk.
Sexy music ang kasalukuyang tumutugtog, kaya natawa na lang ako nang makita kong gumigiling giling na si Kirk sa harapan ko na isa ring puno ng kalokohan.
"Tuwang-tuwa ka sa'kin ngayon huh..." sambit nito na patuloy lang sa paulit-ulit niyang dance step na bentang-benta naman sa'kin. "Ingat-ingat din baka mahulog ka niyan sa'kin."
Umiling-iling ako. "Di tayo bagay."
"Well I agree. Malayo ka sa tipo ko." agaran niyang balik na hindi na bago sa'kin. Bigla ko tuloy naalala si Montellano na pinakaunang lalakeng nagsabi sa'kin ng linyang iyon. Magkaibigan nga pala sila ni Kirk kaya di nakapagtatakang may pagkakahawig ang kanilang personalidad, yun nga lang, mas malamig lang talaga si Montellano.
"Nagkita na kayo ni Montellano?" biglang tanong ko. Di ko maiwasang idala kay Montellano ang topic. Alam kong makaibigan sila, pero duda ako na mas marami akong alam na mga bagay pagdating kay Montellano kaysa sa kanya. Ako ang mas nakakaalam ng mga sikreto at pinagdadaanan ngayon ng kababata niya.
"Actually, kanina ko pa siya hinahanap. Hihingi sana ako ng babae." sagot niya na gusto kong tampalin. Siguro siya ang unang-unang nag-impluwensiya kay Montellano ng pambababae.
"Pwede ba Kirk, ang babae hindi 'yan gamit na hinihingi lang. Ba't di ka na lang kasi nakontento kay Vanessa?" di ko mapigilang pangaralan siya.
"Di na ako napapasaya ni Vanessa." sagot niya saka lumapit sa'kin, hinawakan ako sa bewang, saka bumulong "Nandiyan na si Brent kaya acting mode na muna tayo."
Di ko na nagawang tignan kung naroon na nga si Brent dahil hindi ako binigyang ng pagkakataon ni Kirk. "Huwag kang tumingin sa kanya at magpanggap ka na lang na nag-eenjoy kasayaw ko. Nakatingin siya sa'tin..."
"Pero ako na mismo ang nagsasabi sayo na hindi nga yan gagana kay Brent."
"Hindi 'yon ang nakikita ko." sabat niya na pinaninindigan ang role niya. Bumalik ang tingin niya sa'kin saka ngumiti. "Tingin ko tama ang mga kaibigan mo, he likes you, pero di pa niya nga narerealize iyon. Mukhang malalaman palang niya yon ngayon--"
"Kirk..." putol ng isang tao sa tabi namin na may kasamang pagtakip sa balikat ni Kirk. Nang pareho kaming lumingon, nasurpresa na lang ako nang makita kong si Montellano iyon.
"Drew!" sambit ni Kirk na bumitaw sa'kin para makipagkipagfist bump kay Montellano. "Kanina pa kita hinahanap. Tinawagan rin nga kita kanina sa phone mo, busy?"
"Ikaw yata ang busy..." sagot ni Montellano sa malamig na boses habang sa'kin nagawi ang tingin. Ramdam ko ang tensyon sa tingin niya na mukhang ako lang yata ang nakakahalata, at walang ideya roon si Kirk. "Nag-iba na yata ang tipo mo sa babae...?"
Tumingin sa'kin si Kirk saka tumawa't umiling. "No. Masyadong boring lang ang ang araw ko ngayon kaya naisipan kong makisali sa laro nila."
"Laro?" nalalabuang tanong niya na pasimple ang pang-uusisang ginagawa. Di ko tuloy alam kung mababahala ba ako o kikiligin dahil malinaw na may pakialam siya.
"Pinagseselos si Brent sa tulong ko. Para sa ikakukulay ng lovelife ni Mira."
Hindi ko na napigilan ang sumabat para linawin ang pangalan ko. "Di naman talaga ako pumayag. Sina Alex, Kyle at Art lang talaga itong nagpupumilit." Nakatingin lang ako kay Montellano na walang masyadong reaksyon sa sinabi ko hanggang sa bigla na lang na may lumingkis sa braso niya. Parang gustong mandilim ng paningin ko nang makita kong si Leslie iyon.
"Mon, let's go." maarteng sabi ni Leslie na gusto kong sabunutan sa kung paano rin niya ako tignan. Muli siyang nagsalita nang mapadako ang tingin niya kay Kirk saka nagpakyut. "Hi, I'm Leslie. Gusto mo akong isayaw?"
Iba rin talaga ang kapal ng mukha ni Leslie na walang kahiya-hiya sa katawan. At halatang interesado rin sa kanya si Kirk na walang pagdadalawang-isip na lumapit nga sa kanya para isayaw.
"Paano ba yan? Wala na si Kirk..." sambit ni Montellano na humakbang palapit sa'kin saka kinuha ang dalawang kamay ko para ipatong sa balikat niya. "But you can use me as a substitute."
Sigurado ako na narinig ng dalawang tenga ko ang sinabi niya, pero ba't hirap akong paniwalaan? "P-pero maraming nakakakita na lumalapit ka sa'kin ngayon... Di ka ba nababahala sa iisipin ng mga tao sayo?"
"At ano naman ang posibleng iisipin nila sa'kin?" sambit niya habang sumasayaw na kami ng marahan sa fast beat na tugtog. Wala man kami sa tamang tempo, naeenjoy ko naman ang moment na tulad nito na ikinakikilig ng lamang loob ko. Lumulukso ang bawat pulso ko sa katawan ngayong napakalapit namin sa isa't isa at nasa mga mata lang niya ang mga tingin ko.
"Na nagseseryoso ka na sa babaeng tulad ko." sagot ko sa nagkaka-amnesia niyang utak. "Di'ba 'yon ang pinakaayaw mo? Ang masira ang reputasyon mo dahil yon ang pinakaiingat-ingatan mo... na manatili ang bad boy image mo dahil tingin mo yon ang dahilan kung bakit ka popular sa labas at loob ng Circle High."
"Bakit, nagseseryoso ba ako sa'yo?" balik niya sa'kin na di ko naman minasama. Sanay na lang talaga ako sa ganitong klaseng depensa niya. "Bukas na bukas kapag siguradong iba na naman ang babaeng makikita nilang kasama ko. Yun ba ang iisipin nilang nagseseryoso sayo?"
Nag-alangan na ako sa sinabi niya na naging dahilan para maapektuhan na ako. Alam ko naman na hindi pa naman talaga siya seryoso sa'kin pero alam jong papunta na rin yon doon, kaya nga ayokong isipin na tototohanin niya ang sinabi niyang maghahanap siya ng babae bukas na bukas.
"Pwede ba tayo magdate bukas? Anong oras ka pwede?" Kinapalan ko na ang pagmumukha ko na mag-initiate.
Ngumisi siya. "Are you ready for that?"
"Oo naman." excited na sambit ko. "Sabihin mo lang kung anong oras at kung saan--"
"Magkaiba tayo ng konsepto ng date Mira. Hindi magkatulad ang date na nasa isip mo ang nasa isip ko. So, I'll ask you again, are you sure you're ready to date me?"
Natigilan ako bigla at di nakapagsalita. Naramdaman ko na lang na nag-init ang pisngi ko sa sinabi niyang iyon na naintindihan ko naman agad ang pakahulugan. Saka ko rin lang narealized na iba nga pala si Montellano sa matitinong lalake. Nagbago nga ang pagkakakilala ko sa kanya sa noon, pero di ibig sabihin niyon na hindi na siya tulad noong dati. Magpapakagaga ba ako para sa kanya? Gusto ko siya, pero sapat na ba yon para--
Umiling ako saka kumalas ang nakakapit kong kamay sa balikat niya. "T-tingin k-ko kailangan ko ng bumalik sa mga kasama ko." bahagyang nauutal pa ako kasabay ng disappointment sa boses ko. Umatras ako at iniwan siya na walang lingon man lang. Iisa lang ang nasa isip ko habang humahakbang palayo, paano kung hindi naman talaga ako gusto ni Montellano tulad ng akala ko? Paano kung gamitin rin lang niya ako at pagsawaan tulad ng ginagawa niya sa mga babae niya?
"Mira..." tawag ni Brent sa pangalan ko na naging dahilan para matigil ang pinag-iisip ko. Nang makalapit na ako sa kanya, muli siyang nagsalita, "Uwi na tayo..."
Si Art ang unang nagreact sa sinabing iyon ni Brent. "Ang aga naman, huwag muna. Nag-eenjoy pa nga si Mira sa company ni Montellano."
"Oo nga naman, Brent." segunda naman ni Alex at Kyle na hindi rin nagpahuli. Mukhang kanina pa pala nila kami minamatyagan ni Montellano, at sayang-saya naman sila sa nakita nilang pagkakataon para sa misyon nila.
"Naririnig niyo ba ang sarili niyo?" sambit ni Brent na pinagsabihan agad ang tatlo. "Alam niyo naman kung anong klaseng lalake si Montellano pero pinagtutulakan niyo pa rin si Mira sa kanya. He's not good for her."
Tumatak sa utak ko ang sinabing iyon ni Brent dahil iyon pa lang ang pinagdedebatehan ng utak ko kanina. At tama siya, may hindi magandang reputasyon si Montellano pagdating sa babae. Wala siyang sineseryo ni isa at papalit-palit lang araw-araw at pinakamahaba na ang linggo. Kaya paano ako nakakasigurado na tatagal ako sa kanya? Baka kapag nakuha na niya ang gusto niya, bitiwan na rin lang niya ako tulad ng ginagawa niya sa mga nauna niya.
"Ang importante magkalovelife na rin si Mira..." sabat naman ni Kyle na pinangangatawanan rin talaga ang misyon nila para may patunayan kahit na duda ako na may papupuntahan ito. Tingin ko normal lang naman ang reaksyon ni Brent na sadyang concern sa'kin bilang kaibigan.
"At malay natin, si Mira na pala ang unang babaeng seseryosohin ni Montellano. Baka siya na ang makapagpabago sa kanya, di'ba?" singit rin ni Art na kinuha pa ang approval ng dalawa niyang kasabwat.
"Right!" duet ni Alex at Kyle.
Napataas ang dalawang kilay ni Brent na di makapaniwala sa naririnig niya. "Are you for real? Ako lang ba talaga rito ang nagmamalasakit kay Mira?" Nakita ko ang biglang pagkainis ni Brent na bihirang-bihira mangyari lalo na't kilala namin siya na pinakamay mahabang pasensiya saming lima. Kaya nagulat na rin lang ako nang hablutin niya ang kamay ko. "Uuwi na kami ni Mira."
Hindi na niya hinintay pa ang sagot ng tatlo o kahit ang pagpayag ko dahil hinila na niya ako paalis. Habang papalayo na ang paghakbang namin, napapalingon ako kay Kyle, Art at Alex na mas nakakagulat na sayang-saya ang mga mukha sa nangyayari.
"Sorry kung kinailangan kong hilahin ka paalis roon." sambit ni Brent nang marating namin ang parking lot. Pinagbuksan niya muna ako ng pinto bago siya sumakay sa driver's seat na hindi pa iyon pinaaandar. Bakas pa rin sa mukha niya ang pagkainis. "Napikon lang talaga ako sa tatlong yon. Naiintindihan mo naman ako at ang pinupunto ko roon di'ba?"
Tumango ako dahil naiintindihan ko naman talaga siya. Bilang siya ang may pinakamature na pag-iisip sa'ming barkada, tingin ko nagiging rational lang naman siya, pero ang di ko lang inaasahan ay ang mabilis na pag-init ng ulo niya, dahil hindi siya ganoon kung sa mababaw lang naman na dahilan.
"Bakit nga ba ang bilis mong napikon? May nangyari bang masama sayo? O sa inyo ni Natsy?" tanong ko dahil naniniwala ako na tiyak na may dahilan din naman ang ibang mood niya ngayong gabi.
Tumango naman siya na kumimpirma lang sa hinala ko. Gusto ko tuloy matawa sa tatlo na inakalang selos ang dahilan kaya nagalit kanina si Brent.
"Sinagot na ako kanina ni Natsy." sagot ni Brent sa katanungan ko. Walang bakas ng saya ang mukha niya na alam kong may malalim na dahilan kaya naghintay ako sa mas mahabang paliwanag niya. "Nang hinatid ko siya kanina bago siya pumasok sa bahay nila, bugla na lang niyang sinabi na gusto na rin niya ako, at ready na siyang makipagrelasyon sa'kin. Masyado siyang masaya kanina ng sinabi niya yon sa harapan ko, at naduwag na lang akong sabihin ang totoo sa kanya na wala na akong nararamdaman sa kanya. Para akong naipit sa sitwasyon ko kanina. I don't like to break her heart, kaya... kaya walang pagtutol na lumabas sa bibig ko. Di ko alam kung anong gagawin ko."
Di ko alam kung anong mararamdaman ko para kay Brent na halatang disappointed sa sarili niya at gulong-gulo. Kahit din ako, di ko alam kung anong sasabihin o ipapayo sa kanya. "Hindi kaya dapat gamitin mo na lang ang pagkakataong yan para kilalanin pa siya at tignan kung mababalik yong kung paano mo siya nagustuhan noong una. Baka mainlove ka rin lang naman sa kanya ulit lalo na't mas magkakaquality time na kayo sa isa't isa ngayong official na kayo."
Natahimik siya sandali para pag-isipan ang mga sinabi ko, hanggang sa tinignan rin niya ako makalipas ang kalahating minuto. "Maybe your right." Tumango-tango siya saka pinatong ang isang kamay niya sa ulo ko. "Thanks, Mira. Dadalasdalasan ko na siguro ang pagkonsulta ko sayo."
"Walang problema sa'kin basta't sa susunod ako naman ang kokonsulta sayo." balik ko na ikinatigil niya saka nagsalitang muli.
"Siya nga pala, anong sadya sayo ni Montellano kanina? Ba't lumalapit-lapit na naman siya sayo?" Bumabalik ang mapanita niyang boses sa pagbanggit niyang muli sa pangalan ni Montellano.
"Wala naman. Nang-aasar lang tulad ng dati." maikli kong sagot dahil wala rin naman akong balak na sabihin sa kanya ang bawat detalyeng iyon.
"Lumayo ka na lang at dumistansya sa tuwing lumalapit siya. Alam ko namang hindi ka magpapauto sa kanya, pero mas maganda pa rin kung iiwasan mo na lang siya. Balak ko na nga sanang saklolohan ka kanina, kaso pinigilan lang talaga ako ng tatlo. Di ko alam kung ano ang mga nakain niyon para magkaganoon sila. Kaya kakausapin ko pa rin sila para pagsabihan..."
Kung sa bahay, ang mga kapatid niya ang inaalala at kailangan niyang alagaan, dito naman pakiramdam ko dumadagdag pa ako sa alalahanin at responsibilidad niya. "Okay lang naman ako, Brent. Di mo ako kailangang alalahanin." sagot ko.
"Simula yata noong maging parte ka na ng pamilya namin nagiging over-protective na ako sayo. Siguro dahil na rin sa ngayon ko palang nararanasan ang magkaroon ng kapatid na babae. Nakakatawa nga e, dahil parang awtomatiko na lang na nagpapakastriktong kuya ako sayo...yong bang parang magdidilim ang paningin ko kung may sino mang magtangkang lalapit sayo."
Napayakap na lang ako kay Brent at masasabi kong wala na talagang malisya ang malapit na distansya ko sa kanya di tulad ng dati. Totoong nakikita ko na sa kanya ngayon ang pagiging kapatid at kapamilya na nakakapagpagian ng loob ng sobra.
Sa minutong kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya, napuna ko na lang ang kakaibang reaksyon ng mukha niya na di ko mabasa kung ano at para saan. Para bang nabigla na lang siga sa biglaang pagyakap ko at matagal na ang ilang segundo bago siya makabawi.
"Anong nangyari sayo? Ba't parang natutulala ka diyan?" sita ko kay Brent na parang nagising lang ang diwa sa pagtanong ko.
"W-wala naman." sagot niya habang titig na titig sa'kin na muli kong ikinataka pero ipinagsawalang bahala ko na lang iyon dahil tumunog ang phone ko.
Nagulat na lang ako ng makita kong si Montellano ang tumatawag. Ilang beses kong tinatanong ang sarili ko kung dapat ko ba iyon sagutin hanggang sa sumingit si Brent na nasilip kung sino ang tumatawag sa'kin.
"Ano naman ba ang pakay niya sayo? Ba't di ka niya tinitigilan? Gusto mo ako na lang ang sumagot sa tawag na yan nang tigilan ka na niya." Tangkang kukunin ni Brent ang phone ko nang iniwas ko yon sa kanya at nilagay ko na lang sa bag ko.
"Huwag na. Wala naman akong balak sagutin ang tawag." sambit ko matapos kong makapagdesisyon na huwag na lang intindihin ang kung ano mang pakay ni Montellano. Mas mabuti na lang ganito.
Patuloy na nagring ang phone ko na rinig pa rin kahit na sinuksok ko na iyon sa bag. Maya-maya, bigla na lang kinuha ni Brent ang bag ko at dinukot roon ang phone ko. Sunod ko na lang na nakita, binlock niya si Montellano.
"Para siguradong di ka na niya guluhin pa." sambit niya saka muling binigay sa'kin ang bag at phone ko.
--------------------------
Bitinin ko muna kayo huh. Dumudugo na utak ko ngayon eh. Next chapter na ang malaman-laman na palaman. Sorry na. 😘 Vote at support muna tayo sa BTS para sa topsocial artist ng Billboard Music Award. Hahah. Beke nemen.
--------🐦--------
#BBMAsTopSocial BTS
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top