Oh 47

K A B A N A T A  :47

Sobra-sobra ang katamarang nararamdaman ko kinabukasan ng lunes nang halos di ako magmulat ng mga mata. Mabigat ang katawan ko na parang ang tanging gusto ko lang naman ay ang mahiga pa ng matagal at matulog na lang buong maghapon dahil sa buwanang dalaw. Kung hindi pa siguro ako kinatok ni Chris sa kwarto, hindi pa ako babangon. Napilitan din akong kumilos at magmadali lalo na't alam kong madadamay sila sa pagka-late sa klase dahil magkakasabay kaming papasok gamit ang isang sasakyan.

Lakad-takbo ang ginawa ko hanggang sa marating ko ang kotse. Pagbukas ko pa lang ng pinto sa unahan, si Brent lang ang nabungaran ko sa driver seat habang si Chris at Erwan ay nasa likod.

"Sorry…" sambit ko nang tuluyan na akong makapasok.

"It's okay ate Mira." sagot ni Chris. "Sabi ni mommy kailangan na naming masanay ngayong may kasama na kaming babae. Normal na raw talaga sa inyo ang pagiging mabagal dahil sa ginagawa niyong ritwal na pagpapaganda."

"Huwag mo lang araw-arawin." pabirong komento ni Brent. Bubuhayin na sana niya ang makina ng kotse nang maantala iyon ng sunod-sunod kong pagbahing. "Okay ka lang?" tanong niya sa'kin.

"Oo. Medyo masakit lang ang puson ko. Buwanang dalaw." sagot ko na agad ikinabaling sa'kin ni Brent.

"Gusto mo ipatingin mo na muna kay mommy? O baka kailangan mo ng gamot?"

Umiling ako saka sumagot. "Di na kailangan. Normal naman 'to at hindi naman malala."

Binalewala ni Brent ang sinabi ko dahil nakita ko na lang na kumikilos pababa ng sasakyan. "Kukuhanan kita ng gamot kay mommy." pagkasabi niya, tuluyan na siyang umalis para bumalik sa loob ng bahay. Gusto ko sanang tawagin siya para pigilan pero di ko na rin nagawa. Narinig ko na lang na may tumikhim sa likod, si Erwan iyon na di nakatiis na magkomento.

Hindi ko naman minamasama ang side comment na iyon ni Erwan, pero si Chris naman ang sumingit para sitahin ang kapatid. "Ano na naman ba 'yang sinasabi mo. Di'ba pwedeng itikom mo na lang yang mga opinyon mo."

"Sinasabi ko lang naman 'yon para mapaalalahanan si ate Mira na huwag kiligin o umasa sa simpleng pagmamalasakit ni kuya. Baka mamisinterpret lang naman niya…"

Para matigil na ang dalawa sa pagtatalo, sumingit na rin ako. "Di mo kailangang mag-alala Erwan. Di ako nag-iisip ng kung ano-ano." Magsasalita pa sana ako kaso natigil na rin ako nang bumukas na ulit ang pinto ng sasakyan sa pagbalik ni Brent. Dala niya ang gamot at tumbler ng tubig. Nang masigurado niyang nakainom na ako, saka lang niya pinaandar ang kotse. Naging tahimik ang biyahe namin hanggang sa unang bumaba si Erwan at Chris na mas malapit ang school kaysa sa'min. Ilang minuto rin lang, narating rin namin ni Brent ang Circle High na sa bungad pa lang may makukulay ng palamuti dahil sa festival week.

"Kumusta na nga pala 'yong pagtanggi mo sa role? May pumayag na bang makipagpalit sayo?" tanong ko nang makababa na kami ng sasakyan. Maayos na sa'min ni Brent ang lahat kaya komportable na rin akong buksan ang usaping ito. Mas maganda pa rin kung kaswal lang ang lahat sa pagitan namin na parang walang naging issue. "Balak ko na rin nga pala makipagpalit tulad mo." ngayon ko rin lang nabanggit sa kanya ang tungkol sa desisyon kong 'to. "Pero gusto ko rin lang iklaro na hindi ikaw ang dahilan ng pag-atras ko. Kahit sino namang makapareha ko, okay naman sa'kin." Paninigurado ko sa kanya dahil gusto ring mag-ingat na malagyan ng ibang pakahulugan ang mga bagay na may kinalaman sa'ming dalawa. Nang gabing magkausap at magkaayos kami, pareho kaming nagkasundong gumuhit ng linya ng hanggang pagkakaibigan namin, kaya pinapangatawanan ko rin lang iyon lalo na't alam ko ang masakit at mahirap tuwing nalalamatan ang samahan naming dalawa.

"Ano nga bang dahilan mo?" tanong ni Brent.

"Tingin ng lahat, mas bagay kay Tiffany ang role, at siguro nga mas magagampanan niya 'yon ng maayos kaysa sa'kin." May kung anong panghihinayang sa tono ng boses ko at napansin din 'yon ni Brent.

"Huwag mong bitawan ang role. Alam kong kayang-kaya mo ng magampanan yon ng maayos. Kaya 'wag kang padalos-dalos sa pagdedesisyon. Pag-isipan mo ng mabuti…"

Napatango ako dahil tama siya, dapat huwag ko 'yon bitawan na lang dahil lang sa mga naririnig ko sa ibang tao.

"Kahit hindi mo sabihin, alam kong gusto mo ang role na napunta sayo. Kaya sa halip na bitawan mo, ba't di mo na lang patunayan sa kanila na magagampanan mo 'yon ng maayos."

Ngumiti si Brent at ginulo ang buhok ko na matagal-tagal na rin niyang di ginagawa sa'kin. Parang tuloy namiss ko rin 'yon.

Dumiretso na kami ni Brent sa ground kung saan naroon ang lahat na mga estudyante para sa magaganap na opening ng festival. Hinanap din namin ang kagrupo namin at natagpuan din naman agad namin. Dadalawa na lang ang bakanteng upuan at magkahiwalay pa iyon kaya wala rin kaming nagawa ni Brent kundi ang maghiwalay muna. Sa unahan siya sa tabi ni President RM, habang sa likod at kabilang dulo naman ako malapit sa grupo nina Tiffany. Wala pang mag-iisang minuto nang makaupo ako, nakipagpalit ng pwesto si Tiffany para lang tabihan ako. Sinabi rin niya agad kung anong pakay niya. "Natanggap ko 'yong text message mo sa'kin kagabi na gusto mo akong makausap. Ibibigay mo na ba sa'kin ang role?"

"Yun sana ang balak ko, pero napag-isip-isip ko na pangangatawanan ko na ang role, kaya hindi ko na iyon ibigay pa sa'yo." Dahil sa naging pag-uusap namin kanina ni Brent, tuluyan ng nagbago ang isip ko. Wala na akong balak na ibigay pa sa kanya o sa kanino man ang role.

Awtomatikong nag-iba ang ekspresyon ng mukha ni Tiffany na kapansin-pansing biglang umamo. "Sigurado ka na ba diyan? Baka pwede pa namang magbago ang isip mo…" May halong pagbabait-baitan sa tono ng boses niya na alam ko namang peke lang iyon. Kinuha pa niya ang kamay ko na akala mo matagal na kaming magkaibigan. "Sige na please… ibigay mo na lang sa'kin. Isa pa, siguradong di mo rin naman gugustuhin ang magiging kapareha mo ngayong umatras na si Brent. Di'ba kaaway mo si Montellano?"

"Si Montellano? Paanong nasali rito si Montellano?" tanong ko sa biglaang pagkakaungkat ng pangalan ni Montellano.

"Hindi mo pa ba alam? Nagvolunteer siya na makipagpalit sa role kaya di mo rin naman siguro gugustuhin na siya ang makapareha mo di'ba dahil may alitan kayo…"

Natahimik ako sandali, pero hindi dahil sa pinag-iisipan ko ang sagot sa tanong ni Tiffany, kundi dahil sa di ako makapaniwala sa nalaman kong pagboboluntaryo ni Montellano sa main role. Bakit niya naisipang gawin 'yon? Gusto niya ba akong makapareha?

"Mira…" tawag ulit sa'kin ni Tiffany na nakalimutan ko ng nasa tabi ko pa nga pala siya. Nagkikislapan ang mata niya na para bang positibo siyang ipagpapaubaya ko na rin sa kanya ang role matapos ang mga nabanggit niya. "Ano, ibibigay mo na ba sa'kin?"

"I'm sorry, Tiffany pero hindi talaga." Walang nabago sa desisyon ko at naging dahilan lang 'yon para lumabas ang tunay na reaksyon ni Tiffany na inismiran ako. Masama ang loob niya na umalis sa tabi ko at pumunta sa kaninang katabi niya. Nagbulungbulungan sila na sobrang disappointed na hindi napagbigyan ang gusto nila.

May nagsasalita sa unahan tungkol sa festival pero wala roon ang atensyon ko. Sa halip kasing makinig, hinanap ng mga mata ko si Montellano sa paligid at nakita ko rin siya sa unahan. Parang gusto ko siyang puntahan at kausapin at tanungin hanggang sa naalala ko ang sinabi niya sa'kin noong huli kaming mag-usap na iwasan na lang namin ang isa't isa. Pero paano namin gagawin 'yon ngayong magiging magkapareha na kami sa show?

Nang matapos ang opening ng festival at magsitayuan ang mga estudyante, nakasunod lang ang tingin ko kay Montellano dahil iniisip ko pa rin kung pupuntahan ko siya para kausapin. Hanggang sa nakita ko na lang na nilapitan siya ni Brent at may kung anong pinag-usapan na di ko rin naman marinig o maintindihan. Kikilos na sana ako para lumapit pero biglang tinawag ako ni Amy at nagbigay ng mga ticket na ipagbibili namin. May mga kung ano pa siyang sinabi tungkol sa rehearsal pero di ko rin masyadong pinakinggan. Nang tapos na siya binalikan ko ng tingin si Montellano at Brent pero wala na sila sa kinatatayuan nila kanina. Hahanapin ko sana sila pero muli akong tinawag ni Amy para sa pagbebenta namin ng ticket sa sarili  naming booth. Sumama na rin ako sa kanila kahit na hindi nila ako masyadong kinakausap. Parang hangin lang ako buong oras na kasama ko sila pero di ko na rin naman iyon masyado pang dinibdib. Nagpokus na lang ako sa pagbebenta habang sila ay panay na lang ang kwentuhan ng kung ano-ano. Makalipas ang ilang oras, kinailangan na rin naming pumunta sa theater para magpraktis, kaya lang di man lang nila ako tinulangan sa pagligpit at pagsara ng booth kaya ako ang kumilos mag-isa para gawin iyon. Iniwan rin nila ako na hindi man lang nag-abalang hintayin ako.

Lakad-takbo ang ginawa ko papunta sa theater kaya hinihingal at pinagpapawisan ako nang marating ko iyon. Pagbukas ko pa lang nang pinto natigilan na ako dahil mukhang kanina pa nagsimula ang praktis at bukod roon napatutok na lang ang tingin ko kay Tiffany na gumaganap na Aurora habang kaeksena niya si Montellano sa sentro ng enteblado.

Maraming tumatakbo sa utak ko na mga tanong tulad ng, napalitan na ba ako ni Tiffany? Siya na ba ang gaganap? At si Montellano na ba ang bagong prince Philip?

Sa kalagitnaan ng pagkatulala ko sa nakikita ko sa entablado bigla akong kinalabit ni Brent na di ko agad napansing nasa unahan ko na pala. Mukhang nabasa rin niya sa mukha ko pagkalito kaya agad rin siyang nagsalita para linawin sa'kin ang nangyayari.

"Si Tiffany na ang gaganap na Aurora." sambit sa'kin ni Brent na kumumpirma lang sa iniisip ko.

"Pero bakit? Bakit biglaan na lang na hindi ko man lang nalalaman? Di'ba dapat lang na tanungin na muna nila ako kung payag ba ako? Nahuli lang ako ng konti, tapos ganito na?" May hinanakit sa boses ko dahil masakit isipin na parang napagkakaisahan ako. "Ganito na lang ba sila kaatat na palitan ako?"

"Hindi yon gano'n, Mira…" madiing sabi ni Brent na bumaba ng konti para magkatapat ang  mga mata namin. "Ako ang nagsabi sa kanila na umatras ka na sa role kaya awtomatikong napunta na iyon kay Tiffany."

"Ano?" Kunot-noong sambit ko dahil dahil siya mismo ang nagsabi sa'kin kanina na pag-isipan ko ang magiging desisyon ko.

"Tingin ko mas mabuti na rin yon, para di ka na pag-initan pa ng mga pabor kay Tiffany. Makakatambal mo pa si Montellano kapag nagkataon… Pasasakitin lang niya ang ulo mo." paliwanag ni Brent na ginulo-gulo ang buhok ko saka ngumiti, nang napansin niyang wala akong masyadong reaksyon, sinipat niya ang mukha ko. "Hindi ka naman ganoon kainteresado sa role di'ba?"

Interesado ako sa role at disappointed ako ng konti na pinangunahan ni Brent ang pagdedesisyon ko, pero mas pinili kong hindi na lang 'yon ipakita sa kanya dahil wala na rin naman akong magagawa para mabawi ang  nangyari na. Siguro kailangan ko na lang talagang tanggapin na hindi para sa'kin ang role.

Mula kay Brent, nabalik ang tingin ko sa stage at eksakto rin lang na nagtama ang mga mata namin ni Montellano na mukhang kanina pang nakatingin sa direksyon namin. Umiwas lang siya ng tingin nang muli siyang kinailangan siya sa eksena. Naisip ko na lang na siguradong mas masaya siyang si Tiffany ang katambal niya sa mga eksena at hindi ako.

Dahil hindi gano'n kalaki ang role na ginagampanan ko sa play at sa iilang eksena lang naman ako kasama, maraming oras na nakatanga lang ako at walang ginagawa. Kaya habang nanunuod, di ko maiwasang mapatingin at mainggit kay Tiffany na maayos namang nagagampanan ang role na dapat sa'kin.

"Anong gusto mong kainin?" tanong ni Brent sa'kin nang binigyan ang lahat ng ten minutes break. "Bibilhan na lang kita para di mo na rin kailangan pang maglakad."

"Kahit ano na lang…" Alam ni Brent na medyo masakit ang puson ko ngayon dahil sa buwanang dalaw ko. Kaya nagpapasalamat naman ako dahil inaalala rin niya ako ng ganito.

Nang makaalis na si Brent, mag-isa na lng ako sa isang tabi dahil halos lahat may kanya-kanyang grupo, at idagdag pa na parang di ako gusto ng iba naming mga kasama dahil nga sa nangyaring eksena sa pagitan namin ni Tiffany noong nakaraan.

May kumalabit sa'kin mula sa likuran at ang mtaray na mukha ni Jackie ang nalingunan ko. Bitbit niya ang tatlong magkakapatong na kahon at nilagapak 'yon sa mesa sa harap ko saka nag-utos. "Idala mo 'to sa storage room, Mira."

Ilang beses akong napakurap matapos niyang sabihin 'yon dahil unang-una, ayoko ng tono ng boses niya na para bang boss ko siya, pangalawa, bakit ako pa talaga ang nautusan niya, may mga lalake naman kaming kagrupo para mag-alsa no'n na mukhang may kabigatan pa.

"Ikaw nautusan ko dahil wala ka namang role na gagampanan sa mga susunod na eksena. Magreresume na ulit ang practice, at ikaw lang talaga itong free para dalhin 'tong mga kahon sa storage. Okay naman siguro sa'yo, di'ba? Mahiya ka naman kung hindi ka tutulong…"

Ramdam kong may ilang mga matang tumingin sa'kin na para bang sang-ayon sa sinabi ni Amy at nagulat na lang ako nang may sumegunda pa roon si Montellano. "Tama lang naman si Amy. Wala kang karapatang tumanggi dahil wala ka naman masyadong exposure sa show, kaya mas makakatulong ka sa mga ganyang bagay."

Mas masakit pakinggan ang nanggaling salita mula kay Montellano kahit sabihin pang madalas akong makatanggap ng hindi magandang komento noon sa kanya. Sa nakikita kong sitwasyon ko ngayon, parang walang sino man ang tutulong o kakampi sa'kin dahil lahat sila ay mas gustong pagtawanan na lang ako.

Alam kong sa puntong ito, dapat sumunod na lang ako at 'wag na lang magreklamo, kaya tumayo na lang ako na hindi nagsasalita ng kung ano, at binitbit ang tatlong magkakapatong na kahon. Sa minutong naglakad ako, hindi lang ang bigat ng kahon ang gusto kong ireklamo kundi ang nakikisabayang pagsakit ng puson ko, pero pinilit kong huwag magsalita o magpakita na hindi nahihirapan.

Habang buhat-buhat ang mga kahon at naglalakad palayo, biglang narinig ko na lang na nagtawanan pero di ko na lang sila pinansin. Tuloy-tuloy akong dumiretso hanggang sa naibaba ko lang ang mga kahaon nang matiyak kong hindi na nila ako nakikita. May makitid at mahaba pa akong hagdan na aakyatin bago marating ang storage room, kaya nagdesisyon akong isa-isahin na lang ang mga kahon. Nang binuhat ko na ang isa, dahan-dahan ang pag-akyat na ginagawa ko sa hagdan dahil mas lalo ko lang ulit nararamdaman ang pananakit ng puson ko. Sa bawat isang akyat, napapatigil ako.

"Nagsisisi ka na ba na nakipagpalit ka ng role?" sambit sa'kin ng isang boses sa likod ko, si Montellano. Nakapamulsa siya habang pinagmamasdan akong hirap sa pagbuhat ng iisang kahon. "Kung hindi ka nakipagpalit, hindi ka sana ngayon nagmumukhang katawa-tawa na parang utusan."

Hindi ko alam kung anong ibig sabihin niya sa karirinig ko lang sa kanya. Pinapangaralan ba niya ako? Sinasabi ba niyang hindi dapat ako umatras sa original role ko? At bakit niya ako ngayon dito sinundan? Para lang ba inisin?

"Wala akong dapat pagsisihan dahil kung hindi ko binitawan ang role, siguradong kinaiinisan niyo lang ako lalo ngayon na mas boto kay Tiffany. Sigurado ring ikaw ang unang taong nagpapasalamat na si Tiffany ang katambal mo sa play at hindi ako…di'ba?"

Walang binalik na sagot si Montellano na himalang natatahimik. Wala sa sinabi ko ang atensyon niya dahil napansin kong distracted siya sa kung saan habang nakatutok yata ang mata niya sa hawak ko kahon. Sunod ko na lang na nalaman, humakbang na siya palapit at hinablot ang kahon mula sa'kin at dinala 'yon ditetso sa storage room kasama ang dalawa pang kahon.

Nanatili akong nakatayo sa kinatatayuan ko at hindi man lang gumalaw hanggang sa makabalik si Montellano sa harapan ko. Naguguluhan ako kung bakit niya kailangang gawin iyon. At hindi pa roon natapos ang pagtataka ko sa ikinikilos ni Montellano, dahil napansin ko na rin lang na hinuhubad na niya ang suot niyang varsity jacket. Ramdam ko ang pinakamabilis na pagkabog ng dibdib ko sa minutong nagkalapit ang mga mukha namin. Nasa gitna ako ng pag-iisip kung anong balak niyang gawin at kung itutulak ko na ba siya palayo, pero bago pa man ako makapagdesisyon ng hakbang gagawin ko, napansin ko na lang na tinali ni Montellano ang jacket 0niya sa bewang ko na hindi ko pa rin makuha-kuha kung para saan iyon.

"May bloodstain ang palda mo. At kanina pa yan diyan kaya pinagtatawanan ka kanina ng mga kagrupo natin." sambit niya na ikinagulantang ko. Mabilis kong tinignan ang likuran ko, at kumimpirma lang iyon sa sinasabi ni Montellano. Awtomatikong uminit ang magkabilang pisngi ko na hindi ko na alam kung dahil ba iyon sa pagkapahiya o dahil sa namumuhay na kilig. Teka, ako? Kinikilig kay Montellano?

Hindi ko alam kung nababasa ba ni Montellano ang tumatakbo sa isip ko, dahil parang awtomatiko rin niya akong pinaalalahanan.

"Huwag mong isipin na may malalim na kahulugan ang ginawa kong pagtulong sayo ngayon. Sabihin na lang natin na pasasalamat ko na lang 'to sa pagbitaw mo sa role. At, tama ka, mas gusto kong si Tiffany ang katambal ko at hindi ikaw." pagkatapos ng sinabi niyang iyon, umalis na din si Montellano at naiwan akong naguguluhan sa pabago-bagong trato niya sa'kin na di ko na alam kung alin ang totoo. Basta't ang alam ko lang, di ako apektado sa huling sinabi niya dahil parang di ko rin kasi magawang paniwalaan iyon.

Napapahaplos ako sa magkabilang pisngi ko na hanggang ngayon ay parang  ramdam ko pa rin ang pamumula. Anong bang nangyayari sayo Mira?

---------🌙️---------
Sorry for the super duper late update. Dudugtungan ko din ang tsapter na 'to this coming week.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top