Oh 46
K A B A N A T A :46
Alas siyete na ng gabi nang makaalis kaming magkakaibigan sa bahay ni Art. Magkakahiwalay na kami pauwi, kaya kami na rin lang ni Brent sa kotse niya lalo na't iisang bahay na rin lang ang inuuwian namin ngayon. Habang nagmamaneho siya, di ko magawang mapakali dahil sa kakaisip ko sa kung anong iniisip niya sa'kin ngayong alam na pala niya ang tungkol pagnanakaw halik ko sa kanya. Galit kaya siya at pinagtitiisan lang niyang pakisamahan ako? Kaya ba wala siyang imik tuwing kaming dalawa na lang tulad ngayon?
Kanina ko pa kagat ang labi ko dahil habang tumatagal ang katahimikan sa pagitan namin ni Brent, lalo lang ako nangangambang magpatuloy 'to.
"Nasilip ko na nga pala 'yong laman ng script natin, medyo mahaba-haba rin pala ang lines na kailangan nating imemorize." Nagsimula akong magsalita para mabasag ang kung ano mang bumabalot na lamig sa paligid namin. Kahit gusto kong takpan at itago ang pagmumukha ko kay Brent dahil sa kahihiyan, kailangan ko paring magpakanormal at magpanggap na parang okay ang lahat.
Buong akala ko di na iimik si Brent dahil isang minuto rin ang pinalipas niya bago siya nagsalita. "May lista ka ba ng mga kamiyembro natin sa grupo?"
"Oo." nakangiting sagot ko kasabay ng paggian ng kaninang mabigat sa dibdib ko gawa ng pagkausap na rin sa'kin ni Brent. Mabilis kong inabot ang bag ko para kunin roon ang papel. "Gusto mong basahin ko sa'yo ngayon?"
Babasahin ko sana isa-isa ang mga nakasulat na pangalan pero naudlot 'yon nang magsalitang muli si Brent.
"Balak kong makipagpalit ng role sa kung sinong papayag sa kanila." sambit niya na nakatingin pa rin sa daan at di man lang sumulyap sa'kin. Biglang bumalik ang kaninang kung anong bigat na nasa dibdib ko. Hindi man niya direktang sinasabi o tahasang pinapakita, ramdam ko na may problema kami... Alam kong tungkol 'to sa narinig at nalaman niya.
"I'm not good at acting, lalo na sa pagmemorize ng mahabang lines." dagdag niyang rason nang di na rin ako umimik. Hindi na niya kailangan pang takpan ang totoong dahilan niya dahil maiintindihan ko naman kung sakaling aminin niyang ako ang rason.
Wala na namang nagsalita alin man sa'min sa lumipas pang sandali hanggang sa marating namin ang bahay. Lalo lang sumikip ang dibdib ko dahil sa nangyayari. Nag-aalala ako na baka magpatuloy o lumala lang tong sitwasyon namin. Hindi ko naman masisisi kung ganito sa'kin ngayon si Brent, pero alam ko na may kailangan akong gawin para kahit papaano maayos 'to.
"Brent," tawag ko sa kanya nang pareho na kaming makababa ng kotse. Tiniyempo ko na hindi pa kami tuluyang nakakapasok ng bahay. Di na ako nagpaligoy-ligoy pa. "Napansin kong hindi ka na komportableng kasama ako ngayong araw...dahil ba 'yon sa narinig mo kanina sa cafeteria na... na ako 'yong taong n-nagnakaw ng halik sa'yo sa countdown?"
Natigilan si Brent at napatingin sa'kin. Hindi siya agad nakapagsalita na para bang pinoproseso pa lang ang biglaang komprontasyon ko.
"I'm sorry..." sambit ko habang nakayuko. Hindi ko magawang salubungin ang mata niya. "Nahihiya ako sa'yo ngayon dahil sa kababawang nagawa ko. Hindi ko na mababago ang nangyari, kaya hanggang paghingi na lang ng sorry ang nagagawa ko ngayon. Ayokong isipin mo na pinaglaruan kita o pinaikot o kung ano pa man, dahil hindi 'yon ang intensyon ko--"
"Ano nga ba ang intensyon mo, Mira? Ba't mo ginawa 'yon?" putol sa'kin ni Brent na ikinaangat ko ng paningin sa kanya. Tutok ang mga mata niya sa'kin na para bang binabantayan ang bawat reaksyon ko. "Bakit kailangang papaniwalain mo ako na si Alex 'yon? Hindi ba pagpapaikot ang ginawa mo?"
Nilunok ko na lahat ng hiya dahil kailangan kong magpakatotoo sa kanya. "Kung bakit man kita hinalikan ng gabing 'yon, yon ay dahil sa higit pa bilang kaibigan ang tingin ko sa'yo." nasabi ko 'yon ng diretso na hindi nauutal kaya tuluyan ko ng nilakasan ang loob ko para magpatuloy, "Ang totoo, wala akong balak umamin ng nararamdaman ko sayo. Tanging gusto ko lang naman ng gabing 'yon ay ang halikan ka lang at pagkatapos no'n kalimutan na ang nararandaman ko sa'yo... Kaso muntikan mo na akong mabuko dahil sa hikaw, kaya sa takot ko na magalit ka sa'kin at sa nararamdaman ko sayo, dinamay ko ang pangalan ni Alex."
"Naging totoo ba 'yong pagiging tulay mo sa'min ni Alex noon?" Hindi ko pa man nasasagot ang tanong na iyon ni Brent, nakikita ko na sa mga mata niya ang pagdududa sa magiging sagot ko.
"Oo. Aaminin ko na may pagkakataong nagseselos, naiinggit at nasasaktan ako dahil sa katotohanang si Alex ang gusto mo, pero maniwala ka't sa hindi, pinagsikapan ko rin naman na paglapitin at suportahan kayo. Pinilit kong taggapin sa sarili ko na hanggang kaibigan lang talaga ang tingin mo sa'kin..."
Naging makasarili man ako no'ng una pero masasabi ko naman na nabago ko iyon kinalaunan. Natuto akong isuko ang kung ano mang nararamdaman ko at magpakatapat na kaibigan na lang sa kanya na handang sunuporta sa kung sino mang babaeng nagugustuhan niya.
"To tell you honestly Mira, mahirap sa'kin ngayon ang pagkatiwalaan ka. Kahit anong pag-iisip ko, panloloko pa rin ang nakikita kong ginawa mo. Para akong mukhang tangang pinaglaruan mo ng gano'n. Buong akala ko it was Alex, pinaniwala mo akong si Alex 'yon..."
"Pero hindi naman 'yon mahalaga di'ba? Dahil wala ka na rin namang nararamdaman para sa kanya--"
"This is not about Alex. Hindi 'yon ang pinupunto ko dito..." putol niya sa'kin. "Kung nagagalit man ako ngayon, 'yon ay dahil sa nagsinungaling ka sa'kin. You lied straight to my face... ng ilang beses, Mira... maraming beses! Hindi ito ang unang beses na nasira ang tiwala ko sa'yo..."
Napaiwas ako ng tingin sa kanya dahil hindi ko matagalan ang makipagtitigan sa kanya lalo na't tama ang mga sinabi niya. Hindi ko maitatanggi ang maraming beses na pagsisinungaling ko sa kanya. Nagkapatong-patong iyon sa pag-iingat ko na hindi niya matuklasan ang totoo dahil natatakot din akong masira ang pagkakaibigan namin kapag magkabukuhan na.
"I'm sorry..." mahinang sambit ko sa kanya. "Ayokong masira ang pagkakaibigan natin, Brent nang dahil sa maling nagawa ko noon. Maiintindihan ko kung nagagalit ka man sa'kin ngayon, pero sana maayos natin 'to..."
"Not now, Mira..." sagot niya at nakita ko na lang na tinalikuran na niya ako para pumasok sa loob. Naluluha ako pero pinigilan kong huwag umiyak. Hindi ko masisisi si Brent kung ganito man ang reaksyon niya dahil nagkamali naman talaga ako. Siguro kailangan ko lang palipasin ang gabing 'to dahil siguradong huhupa din naman ang hinanakit niya sa'kin.
Sumunod na rin ako papasok sa loob.
***
Kinabukasan medyo late na rin ako ng gising, at 'yon ay dahil sa napuyat ako kaiisip nang mga nangyari kahapon. Kung di pa ako kinatok ni Chris sa kwarto ko, di pa siguro ako magigising. Sumunod na rin ako sa baba kay Chris para mag-agahan. Bigla akong nahiya nang makita kong nakahanda na ang mga pagkain sa mesa habang hinihintay na lang ako ni Chris at Erwan.
"Ang tagal mo naman, gutom na ako ate Mira. 'Wag daw kami mag-agahan hangga't wala ka..." reklamo agad ni Erwan na prangka rin talaga kung magsalita. Lalo tuloy akong nahiya dahil alam kung dapat tumulong ako sa kanila at hindi ang magpakaprinsesa.
"Pasensiya na, di ko alam na hinihintay niyo pala ako." Mula sa kanila lumingat ako ng tingin at nakita ko si Brent na abalang nagvavacuum sa living area. Tatayo sana ako para tawagin siya pero pinigilan na ako ni Chris.
"Hayaan mo na si kuya Brent, busy siya sa paglilinis. Kakain din siya mamaya kapag nagutom. Si kuya Alden, maagang umalis, may pinuntahan. Si mommy at daddy, tanghali pa 'yon gigising panigurado para bumawi ng tulog."
Bumalik na lang ako sa pagkakaupo ko para kumain. Sigurado akong luto ni Brent ang nakahain sa mesa kaya naman di ko talaga maiwasang humanga sa pagiging responsable niya sa mga ganitong bagay. Mukhang naka-set na talaga sa kanya ang gumising ng maaga weekdays man o weekend dahil siya talaga ang halos gumagawa ng lahat.
"Kumusta naman kayo ni kuya?" Biglang tanong ni Erwan na hindi inaalis ang tingin sa'kin. "May gusto ka sa kanya di'ba?"
Muntik akong mabilaukan sa tanong niya, buti na lang naagapan ko ng tubig. "Bakit mo naman biglang natanong yan?" May sinabi ba sa kanya si Brent?
"Aksidenteng narinig ko ang pag-uusap niyo ni kuya kagabi." paliwanag niya na sumagot sa tanong ng utak ko. Direkta talaga siya kung magsalita na mukhang dapat ko ng ikasanay. "Inamin mo kay kuya na may feelings ka sa kanya at ikaw 'yong nagnakaw ng halik sa kanya noong countdown."
Kung hiyang-hiya man ako kay Brent kagabi dahil sa issue na 'to, parang extension din lang ang nangyayari ngayon. Kung pwede lang takpan ang bibig ni Erwan, pero kahit na gawin ko 'yon mukhang may alam na rin si Chris base sa reaksyon niya na hindi na rin nagulat. Siguradong kung ano man ang narinig ni Erwan, kinuwento na rin niya yon sa kapatid.
"W-wala iyon..." tangi kong nasambit dahil wala akong ibang masabi. Di ako makapaniwala na 'yon pa talaga ang pinag-uusapan namin ngayon.
"Kung ako si kuya, magagalit din naman siguro ako sa ginawa mo. Para mo na rin kaya siyang pinaikot. Nagsinungaling ka at nagpanggap pa rin kahit sa anong anggulong tignan. Siguro ginawa mo 'yon dahil sa may intensyon ka talagang mas mapalapit ka pa kay kuya at mapahulog mo siya sayo. Tama ba ako o mali?"
Isang bata lang sa paningin ko si Erwan pero hindi sa mga oras na 'to na para bang tumanda siya ng ilang taon sa'kin base sa kung paano siya magsalita na para bang mas may alam pagdating sa mga nararamdaman. Kahit hindi ko siya sagutin, alam ng utak ko na tama ang kasagutan ko sa tanong niyang iyon.
"Paano kung gano'n pa rin ang intensyon mo ngayong nandito ka na nakatira sa bahay..." dagdag pa ni Erwan na tuloy-tuloy lang, "Paano kung nagbabalak kang paglabuin ang tiyansa ni kuya at ng nililigawan niyang babae ngayon?"
"Hindi 'yon gano'n." sagot ko sa madepensang boses dahil wala naman talaga sa pag-iisip ko ang mga sinasabi niya. Pero dahil sa inungkat iyon ni Erwan, baisip ko na pwedeng baka gano'n din nga ang iniisip sa'kin ni Brent.
"Tigilan mo na nga 'yan Erwan," putol ni Chris na pinagpapasalamat kong sumingit. "Labas tayo sa issue nila kaya 'wag ka na lang makialam. Siguradong magkakaayos din sila agad."
Mula sa'kin, bumaling ng tingin si Erwan kay Chris. "Pero hindi ba mas magiging malabo ang lahat ngayon nandito sa bahay nakatira si ate Mira... Kung ako si kuya, siguradong magiging hindi ako komportable sa ganitong sitwasyon lalo na't walang panahon para dumistansya kung ganitong nasa iisang bubong lang sila nakatira--"
"Tumigil ka na nga lang." napapataas na ang boses ni Chris sa pagsusuway kay Erwan. "Pinapalaki mo lang ang sitwasyon sa mga opinyon mo. Hindi ka si kuya para magsalita para sa kanya."
"Pero 'yon ang sa tingin kong naiisip ni ku--" Di na natapos ni Erwan ang sasabihin nang subuan na suya ni Chris ng pagkain sa bibig.
"Kumain na lang tayo ate Mira. At huwag mo na lang intindihin ang pinagsasasabi ni Erwan."
Kumain nga ako pero parang di rin ako nabusog dahil nagulo na rin ang pag-iisip ko sa mga sinabi ni Erwan. Hindi nalalayo sa katotohanan ang mga opinyon niya kaya parang nakumbinsi na rin ako na baka tulad niya, gano'n din ang iniisip ni Brent. Baka hindi na siya ngayon komportable na magkasama kaming tumitira sa iisang bahay. Dinala ko ang isiping ito buong maghapon at wala akong ibang maisip na solusyon kundi ang kausapin ulit si Brent, kaso sa tuwing nagtatangka akong lapitan siya, lagi siyang busy at may ginagawa.
Bandang hapon, binaling ko na lang sa pagmemorize ng script ang buong oras ko, kaso kahit ilang beses kong sinubukang magconcentrate, walang nangyayari. Masyadong magulo ang utak ko ngayon dahil sa mga nangyari kaya kahit gustuhin kong magpraktis, di ko rin magawa. Pinilit ko ang sarili ko na magpatuloy lang pero habang tumatagal nauuwi lang 'yon sa frustration. Biglaan rin lang nawala ang pagiging positibo ko at napalitan iyon ng pangamba na baka hindi talaga para sa'kin ang role, na baka mas magagampanan nga iyon ng maayos ni Tiffany...
Hindi ko namamalayang namumuo na ang luha sa mga mata ko. Malaking parte sa loob ko, ayokong pakawalan ang role dahil sa may mas malalim na dahilan. Noong gradeschool, isang beses ko noong naranasan ang magperform sa stage, at sa unang beses na yon, pinanood ako ni mama at nakita kong napasaya ko siya habang pinalakpakan niya ako. Sobra-sobrang saya ko nang mga panahong iyon na gugustuhin kong maulit muli at maramdaman kung paano ipagmalaki.
Pero ano pa nga ba ang saysay ng pagpipilit ko sa role kung wala na rin naman siya para manood... Tuluyan na akong naiyak. Masakit pa ring isipin na hindi ko siya magulang... kahit papaano, may malaking bahagi na siya sa buhay ko dahil siya ang nakagisnan kong ina simula pa lang na magkaisip ako.
Siguro nga, dapat ko ng isuko ang role ko. Baka tama si Montellano na hindi ako karapat-dapat... Na baka mas makakabuti sa lahat kung ibibigay ko na lang kay Tiffany...
Nang makapagpasya na ako, tuluyan ko ng sinara ang script at tinabi sa isang gilid. Hindi ko na kailangan pang magpakaeffort sa pagmemorya kung makikipagpalit ako kay Tiffany dahil iilang linya lang naman ang sa kanya. Ang kailangan ko na lang gawin ay ang ipaalam sa kanya. May mga contact number naman sa lista kaya di na ako nag-aksaya pa ng panahon na tawagan siya, 'yun nga lang busy ang linya niya kahit makailang ulit na akong tumatawag. Sumuko rin ako makalipas ang ilang minuto at minabuti ko na lang na tawagan siya mamaya.
Lumabas na rin ako ng kwarto at si Brent ang una kong nakasalubong. Di na ako nagpadalawang isip pa na kausapin siya tungkol sa plano kong pakikipagpalit ng role. At bukod roon, gusto ko rin ng makakausap. Bumibigat na rin kasi ang dala-dala ko sa loob na gusto kong mailabas sa kaibigang tulad niya. "Brent, pwede ba kitang makausap--"
"Mamaya na lang siguro." putol niya agad sa'kin na pareho lang sa excuse niya sa'kin kaninang umaga nang magtangka akong kausapin siya. Saka ko rin lang napansin na may hawak siyang susi ng kotse na para bang aalis ng bahay.
"Aalis ka?" tanong ko.
"May pupuntahan ako. Inutusan ako ni mommy." sagot naman niya na balak nang humakbang paalis pero muli akong nagsalita.
"Pwede ba akong sumama?" Wala akong ibang gusto kundi ang maging maayos kami ni Brent tulad ng dati. Ayokong tuluyang magkaroon ng pader sa pagitan namin.
"Huwag na. Dito ka na lang." sambit niya na hindi na ako hinayaan pang magpumilit dahil nagmamadali na siyang umalis. Sunod ko na lang nalaman, napaharurot na niya ang sasakyan paalis ng bahay. Kahit na sa natural na paraan ang ginawang pagtanggi sa'kin ni Brent at di naman niya tahasang pinapakita na umiiwas at lumalayo siya sa'kin, gano'n pa rin ang nararamdaman ko.
Pakiramdam ko nagiging pabigat na ako ngayon kay Brent. Di ko maiwasang isipin at tanungin ang sarili ko kung nagsisisi ba siya sa pagpapatuloy sa'kin.
"Mira? Iha, anong ginagawa mo diyan?" tanong ng isang tinig mula sa likuran ko. Si tita Sionie 'yon nang lumingon ako. Mukhang napansin niya ang pag-iisa't pagmumuni-muni ko habang nakaupo sa pinaka-unang baitang ng hagdan. "Ba't nandito ka pa? Nasaan si Brent? "
"Wala na po, kakaalis lang. Bakit po?"
"Sinabihan ko kasi si Brent na isama ka na lang niya dahil kawawa ka naman dito mag-isa, aalis kasi ako ngayon dahil may pupuntahan akong event. Wala naman dito Erwan at Chris dahil sumama sa daddy nila na bumisita sa lola nila, bukas pa ang uwi no'n. Si Alden naman, di ko alam kung saang party naman 'yon nasuot."
"Okay lang naman po akong mag-isa rito." sagot ko agad para sa ikapapanatag ni tita. Inaalala niya pa talaga ang kalagayan ko na maiiwang mag-isa ngayon sa bahay.
"Sigurado ka? Di ka naman ba mabobored dito? O baka matatakutin ka kapag mag-isa?"
"Naku, hindi naman po tita. Actually, sanay naman po ako laging mag-isa. At di rin po ako matatakutin, huwag lang magbrown-out na sasabayan ng kulog at kidlat dahil matatakot talaga po ako, pero mukhang malabo naman pong mangyari 'yon ngayon dahil maganda naman ang panahon."
"Sige, ikaw na lang ang bahala dito sa bahay. Tatawagan ko na rin lang si Brent na umuwi agad dito sa bahay ."
"Sige po. Huwag niyo na po akong alalahanin at baka mahuli pa po kayo sa lakad niyo." Matapos kong sabihin 'yon, umalis na rin agad si tita. Naiwan akong mag-isa sa bahay at wala akong ibang magawa kundi ang mag-isip ng mag-isip. Napupuno ang utak ko ng mga katanungan na di ko masagot... tulad ng, nasaan ang tunay kong ina? Mas naging masaya kaya ako ngayon kung sakali man na sa kanya ako lumaki? May tiyansa ba na makita at makilala ko pa siya? Dapat ko ba siyang hanapin?
Ang huling katanungang dumapo sa isip ko, ang siyang nagpaulit-ulit na parang ayaw akong tantanan, kaya di kinalaunan, bigla akong nagdesisyong kumilos para sundin ang nangingibabaw na sagot sa loob ko. Tumayo ako mula sa kinauupuan ko, kumuha ng pera, saka umalis ng bahay. Magcommute ako at walang atras na pumunta sa lugar na magbibigay susi sa lahat, kay mama.
Alas sais na ng gabi nang marating ko ang bahay na noong nakaraang linggo ko lang inuuwian. Habang nakatayo ako sa harap ng pinto, di ko alam kung kakatok ba ako o dire-diretdo na lang papasok tulad ng dati. Di na ako parte ng pamilya kaya mukhang di na rin ako dapat umakto pa na pag-aari ko ang bahay. Kumatok ako. Sa ilang katok ko, bumukas na din iyon. Eksaktong si mama ang bumungad sa'kin na medyo gulat ang reaksyon sa biglaang pagdating ko.
"Mira..." sambit niya na mukhang inaakala niyang nandito ako para umuwi.
"Hindi ako nandito para bumalik." Inunahan ko na ang kung ano mang iniisip niya. Mukhang di rin kasi siya matutuwa kung malalaman niyang babalik ako sa puder niya. "May mga katanungan lang ako na ikaw lang ang makakasagot..."
Agad rin naman naintindihan ni mama ang ibig kong sabihin. "Kung impormasyon tungkol sa totoo mong nanay ang hinihingi mo, wala akong maibibigay sa'yo, Mira."
Sa kabila ng matigas na tinig ni mama, nagbabakasakali pa rin ako na may makukuha ako sa kanya. "Kahit man lang ba pangalan niya?" Alam kong hindi maganda sa pandinig para kay mama na sa kanya pa talaga ako magtanong ako ng may kinalaman sa babaeng dahilan ng pagtataksil ng asawa niya, pero wala akong ibang mapagpipilian. Siya lang ang susi ko dahil matagal ng patay si papa. Ulila na rin siya kaya kahit kamag-anak man lang niya, wala akong mapagtanungan. "O baka alam mo kung saan siya nakatira?"
"Sa tingin mo kukopkupin kita kung pwede ko naman ipasa ang responsibilidad na yon sa totoo mong nanay? Kung alam ko kung paano matutunton ang nanay mo, binigay na kita sa kanya, matagal na, pero hindi eh! Mira, iniwan ka na lang niya sa pinto ng bahay matapos niyang sabihing anak yon nila ng asawa ko. Walang kwenta ang nanay mo at walang pagmamalasakit sayo. Kung may natitira sana siyang pagmamahal sayo, binalikan ka sana niya, pero hindi Mira. Iniwan ka na lang niya na parang hindi isang ina."
Masakit pakinggan ang bawat salitang naririnig ko mula kay mama. Masakit malaman na sa simula't simula pa lang, wala ng nagmamahal at tumatanggap sa'kin. Di ko maisip kung ilang beses akong nireject ng mga tao kahit noong sanggol pa ako. Tiyak na nahirapan si mama na akuin ako at siguradong labag sa kalooban niyang palakihin ako. Simula ng magkaisip ako, ramdam ko na ang malayong loob sa'kin ni mama, at nabigyang linaw lang 'yon nang malaman ko ang totoo.
Yung kagustuhan kong makilala't makita ang totoo kong ina, biglang naglaho 'yon ngayon matapos ang mga sinabi ni mama. Bigla akong natakot na baka di rin niya ako tanggapin... na baka isuka rin lang niya ako dahil sa simula pa lang, malinaw na hindi na niya ako ginusto.
"Kung gano'n, wala na akong katanungan pa." Mahinang sambit ko habang pinipigilan kong huwag umiyak sa harapan niya. Gusto kong yakapin si mama at magsumiksik sa kanya para umiyak pero pinigilan ko ang sarili ko. Baka hindi siya maging komportable kapag ginawa ko iyon. Kahit sa kanya ako lumaki, di magbabago ang tingin niya sa'kin bilang bunga ng pagtataksil sa kanya ng asawa niya, pero gano'n pa man, gusto kong magpasalamat pa rin sa pagpapalaking ginawa niya sa'kin. Naging ina pa rin ang tingin ko sa kanya, kahit ngayon na kaharap ko siya sa ganitong sitwasyon. "A-alis na ako ma. Alam kong hindi naging madali sayo nang biglang dumating na lang ako sa buhay mo pero pinili mo pa rin na palakihin ako kaysa ang idala ako sa ampunan. Napalaki mo akong matino ma, kaya salamat sayo. Tatanawin ko 'yon ng isang malaking utang na loob. Salamat sa lahat." Tumalikod din ako agad nang di ko na nakayanan pa ang paninikip ng dibdib ko dahil sa matinding emosyon. Malalaki ang hakbang na ginawa ng mga binti ko hanggang sa namalayan ko na lang na tumatakbo na ako habang bumubuhos ng iyak. Hindi iyon tumigil agad kasabay ng hindi rin nawawalang sakit sa dibdib ko. Gusto ko ng taong masasandalan, maiiyakan, at malalabasan ng sama ng loob hanggang sa dinala na lang ako ng mga paa ko sa apartment ni Montellano. Bukod sa siha ang pinakamalapit na matatakbuhan ko, alam kong maiintindihan niya ang nararamdaman ko dahil halos pareho lang naman kami.
Madilim ang kwartong naabutan ko sa taas. Nakalock iyon at walang Montellano sa loob. Sumilip ako sa bintana pero wala ng kahit anong laman ang loob na mukhang wala ng umuukupa. Lalo lang akong naiyak at tumagal pa 'yon ng ilang oras habang nasa tapat ako ng mismong saradong pinto. Umiyak ako ng umiyak hanggang maubos 'yon at mamaos ang boses ko. Nang mahimasmasan din ako, naisipan ko na ring umuwi. Pagod ako sa kakaiyak at kakaisip ng mga dinaramdam ko na para bang wala ako sa sarili pauwi, kaya himala na lang talaga na nakauwi pa ako.
"Mira!" tawag sa'kin ng boses sa may pinto habang nasa gate pa lang ako. Hindi ko agad iyon napansin na si Brent pala iyon, nakaupo sa hagdan na mukhang kanina pa roon naghihintay. "Saan ka ba galing?!"
Galit ang boses ni Brent na hindi ko masisisi dahil mag-aalas onse na ng gabi't di ko man lang pinaalam na aalis ako at kung saan ako pupunta. Siguradong nagiging pabigat na ako sa kanya.
"Sorry." tanging sambit ko dahil wala na akong ibang masabi pa. Pahina na ang boses ko dahil paos na sa kakaiyak. Nagbago ang ang ekspresyon ng mukha ni Brent nang matama ang mga mata namin at nakita niya ang itsura ng mukha ko.
"Mira, okay ka lang ba? Umiyak ka ba? Napa'no ka?" sunod-sunod ang mga tanong na iyon ni Brent na nauwi na sa pag-aalala. Malaki ang pagpipigil ko sa sarili na huwag ng maiyak pa.
"W-wala 'to... okay lang ako." sagot ko kahit na iba ang sinasabi ng mga mata ko. Habang kaharap ko si Brent at kinakausap niya na ako, ayokong aksayahin ang pagkakataon na ayusin ang kung ano mang gusot sa pagitan namin kaya sinabi ko na lang ang kung ano mang bagay na sa tingin ko makapagbabalik ng dati naming nornal na samahan. "Brent, naisip ko nga pala na sa bahay na muna ako nina Alex tutuloy simula bukas... Naisip kong mas makakabuti iyon kaysa sa iwasan mo ako dito sa bahay."
"No, Mira. Hindi naman kailangan--"
"Brent, okay lang naman sa'kin 'yon. Naiintindihan kong kailangan nating gawin 'to para na rin sa ikasasalba ng pagkakaibigan natin..." malinis ang pagkakasabi ko na walang hinanakit o kung ano pa mang negatibong emosyon para kay Brent.
Wala akong narinig na salita mula kay Brent kaya inakala kong sang-ayon na rin siya. Pero nang magpaalam na ako sa kanya para pumasok sa loob, bigla niya akong pinigilan. "Hindi kita pinapaalis dito sa bahay..."
"Alam ko--"
"Ayokong umalis ka." muling sambit ni Brent sa mas malinaw na salita. Natigilan ako sandali habang nakikita ko ang sinseridad sa mga mata niya. "I'm sorry, Mira. Mali ang inakto ko. Dapat mas pinili kong pag-usapan ang problema natin at hindi 'yong umiwas at lumayo sa'yo. Kung nasaktan man kita, I'm sorry."
Nang yakapin ako ni Brent, pakiramdam ko nabawasan no'n ang isa sa nagpapabigat sa dibdib ko na buong araw ko ng dinadala. Nakahinga-hinga na rin ako ng maluwag kahit papaano. Pero gano'n pa man, napabuhos na lang ang iyak ko. Kanina pa kasi ako naghahanap ng balikat na masasandayan...
Napansin din agad ni Brent ang biglang paglala ng iyak ko. Kumalas siya sa pagkakayakap sa'kin para tignan ako. "Mukhang masyado kitang nasaktan para umiyak ka ng ganyan... Sorry na..."
Umiling ako sa kanya. "Hindi lang naman 'yon ang iniiyak ko ngayon..." humahangos na sambit ko. Sa pagitan ng mga iyak, kinuwento ko sa kanya ang nangyari sa pagpunta ko sa bahay para kausapin si mama. Kahit papaano, gumian ang pakiramdam ko sa pagdamay at pagcomfort sa'kin ni Brent.
-------😇-------
(Time check: 1:00am)
Sa kung sino mang di nalalayo sa kung anong nararamdaman o nararanasan ni Mira, stay strong po. Wag mong hayaang mawalan ka ng tiwala o ng pag-asa sa sarili mo. Don't be too hard on urself. Wag mong hayaang ikaw ang unang taong magdo-down sa sarili mo, lulubog ka lang niyan lalo. Keep looking up. Godbless u. 💜
#loveyourself #expectMIRAcles
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top