Oh 45
K A B A N A T A 45:
Kanina pa ako binibigyan ng makahulugang ngiti ni Alex na di ko maintindihan kung para saan. "Bakit?" tanong ko nang di pa rin siya tumigil na parang may gustong sabihin. Kami lang naman ngayon ang naiwan sa mesa dahil hinihintay namin si Art at Brent na nagbanyo muna, habang si Kyle ay kanina pang umalis.
"Naiisip ko lang kung gaano kayo kabagay sa isa't isa ni Brent." sagot niya na nagbigay linaw sa'kin kung bakit may halong panunukso ang klase ng mga ngiti niya. "Mukhang tadhana na ang gumagawa ng paraan para mas magkalapit pa kayo ni Brent. Biruin mo, bukod sa kanila ka na uuwi, magkagrupo pa kayo sa festival. Malapit ng mangyari ang pinakahihiling mo noon na magustuhan ka rin niya, konting kembot na lang…"
"Tumigil ka nga," hindi ko magawang magseryoso sa pagsuway sa kanya dahil nauuwi iyon sa tawa dahil sa kakaibang reaksyon ng mukha niya.
"Ba't di mo na lang kasi aminin sa kanya ang feelings mo. Sabihin mo na rin na ikaw talaga 'yong nagnakaw ng halik sa kanya noong countdown. Malay mo 'yon lang pala ang makakapagparealize sa kanya na--"
Di ko na hinayaang matapos ang sasabihin ni Alex, dahil tinakpan ko na ang bibig niya. Dinig ko ang malakas na tibok sa dibdib ko dahil nasa harapan na pala namin ang kararating lang na si Brent at Art. Di ko alam kung narinig ba niya ang eksaktong sinabi ni Alex. Nakaramdam din agad si Alex sa pagkatigil ko kaya lumingon siya't nagpatay malisya tulad ko. "O, ba't ang tagal niyo? Kanina pa kami naiinip dito."
Nakatitig ako kay Brent dahil inaalam ko sa sarili niyang ekspresyon kung may narinig ba siya, pero di ko masabi sa reaksyon niya. Kung ano mang pag-aalalang nararamdaman ko, dinagdagan pa iyon ni Art na biglang nagkomento.
"Ba't parang may sekreto kayong pinag-uusapan…?" makahulugan ang mga tingin niya na nagbalik sa pagdududa ko na narinig nga nila. But knowing Art, normal na sa kanya ang maging ganito. Parang mapupunit ang ngiti niya na may halong pagkapilyo. Lumapit siya kay Alex saka umakbay. Pinalipat-lipat niya ang tingin sa'ming dalawa ni Brent saka nagsalita. "Mauna na kami ni Alex sa inyo..."
Parang gusto kong humingi ng saklolo sa kanila, pero parang wala rin silang balak sagipin ang sitwasyon ko dahil sila pa nga itong unang-unang nanglalaglag na para bang kasiyahan pa nila na mabuko ako ni Brent.
Narinig nga kaya ni Brent? Alam na ba niya ngayon na ako ang nagnakaw ng halik sa kanya ng gabing 'yon? Hindi naman siguro.
Napatingin ulit ako kay Brent habang kumakabog ang dibdib ko sa kaba. Hindi ko alam kung anong iniisip niya ngayon. Kulang na lang tanungin ko sa kanya, kung may narinig ba siya kanina.
"Malelate na tayo sa meeting…" sambit ni Brent na bumasag sa pagkatahimik ko.
"T-tara na." nabubulol kong sagot. Pasimple akong huminga ng malalim para bumalik sa normal. Kailangan kong magpakanormal. "Rinig ko kagrupo natin ang president ng student council. Maganda na rin siguro 'yon para maging maayos ang team natin lalo na't kilala siyang istrikto." Ang magsalita ng magsalita ang tanging alam kong gawin para matakpan ang pagiging awkward ko sa sitwasyon. "Si Natsy nga pala, dapat iinvite mo nextweek sa festival. For sure mag-eenjoy 'yon…" Habang humahaba ang pagsasalita ko, lalo naman akong kinakabahan kay Brent na tuluyan ng natahimik. Kung ano-ano na rin tuloy ang negatibong sumasagi sa isip ko.
Galit kaya siya sa'kin? Kailangan ko ba siyang kausapin ng masinsinan tungkol roon? Pero anong sasabihin ko? Na baliw ako sa kanya noon kaya nagawa kong magnakaw ng halik sa kanya, at iaasure ko na lang sa kanya ngayon na wala na 'yon, na wala na akong nararamdaman sa kanya kaya di na niya kailangan pang magalit o mag-alala?
Pero paano kung di naman pala niya narinig ang sinabi ni Alex kanina? Baka magmukha lang ako nitong tanga….
Dapat siguro magpanggap na lang akong walang nangyari.
"Mira…" biglang tawag sa'kin ni Brent na ikanalundag ng kaluluwa ko. Pareho kaming natigil sa paglalakad, malapit na rin kami sa classroom kung saan magaganap ang meeting.
Kinabahan ako sa pagtawag niya ng pangalan ko dahil natatakot ako sa kung ano mang sasabihin niya, pero bago pa man siya muling magsalita, may lalaking biglang sumulpot sa'min. Si Noel iyon at si Brent ang pakay niya.
"Pinapatawag ka ni coach ngayon mismo." sambit nito na mukhang importante kaya di na rin nagdalawang isip pa si Brent.
"Mauna ka na sa meeting, hahabol na lang ako." sabi niya sa'kin na nagbigay panatag sa dibdib ko dahil naudlot lang naman nito ang dapat sasabihin niya kanina. Hindi kasi maganda ang pakiramdam ko sa kung ano mang sasabihin niyang iyon.
"Okay." pagkasabi ko no'n tumalikod na rin siya at kasamang umalis ang kateammate niya. Dumiretso na rin lang ako sa paglalakad hanggang sa marating ko ang huling classroom sa dulo. May mga estudyante na roon na mukhang alinman sa kanila ay di ko kaklase. Naghanap ako ng bakanteng mauupuan, hanggang sa matagpuan ng mata ko si Montellano. Mukhang mag-isa rin lang siya sa dulo kaya lumapit na ako papunta sa kanya.
Abala siya sa sarili niyang phone habang nakikinig ng music dahil sa nakasalpak na earphone sa magkabilang tainga niya. Sa halip na tawagin ang pangalan niya para kunin ang atensyon niya, kinalabit ko na lang siya matapos kong umupo sa tabi niya.
"Theater group ka din pala…?" sambit ko ng nilingon niya ako. Nagsalubong ang kilay niya na para bang naabala ko siya sa ginawa ko. Ni parang hindi siya nagulat na makita akong magkagrupo kami. O baka naman nakita na niya ang pangalan ko sa list kaya inaasahan na rin niya na makikita niya ako ngayon dito.
"Naistorbo ba kita?" muli kong sabi dahil sa reaksyon ng mukha niya na hindi pa rin maipinta. Sa puntong 'to parang biglang siya na naman ulit 'yong dating malamig na Montellano.
"Huwag mo akong kausapin." sagot niya saka lumingon sa paligid na para bang chinecheck kung may mga matang nagbibigay malisya sa pagkakatabi namin ngayon.
Sa halip na sundin siya, nagsalita lang ako para kausapin siya. "Tinext kita kanina at nakita kong nabasa mo 'yong message ko, ba't di ka lumabas?"
Wala akong narinig na sagot mula kay Montellano. Binalik na niya ang atensyon sa sarili niyang phone. Nagpatuloy pa rin ako, "Gusto ko lang naman paalalahanan ka kanina dahil nakita kong wala ka naman sa pagtitipid kaninang lunch. Iwasan mo ang pagbili ng mga mahal na pagkain dahil natitiyak ko wala pang isang araw, butas na naman yang bulsa mo--"
"Kailan mo ba balak kunin 'yong mga damit at gamit mo?" putol niya na may bahid ng iritasyon sa gitna ng pasasalita ko. Parang walang pinagkaiba sa pantataboy ang pinaparamdam niya sa'kin ngayon. Kinalimutan na ba niya ang maikling panahon na pinagsamahan namin? Bakit ganito siya sa'kin ngayon? Di'ba pwedeng ituring naman niya ako na kaibigan matapos ang lahat?
"Mamayang hapon na lang. Sasabay na lang ako sayo mamayang uwian." sagot ko sa tanong niya habang umaasa pa rin ako na pakikitunguhan naman niya ako ngayon ng maayos. Saan na ba kasi napunta Montellano na unti-unti ng tinutubuan ng pakpak? Tumutubo na naman ba ulit ang dating sungay niya?
"Hindi mo na kailangang sumabay. Dala ko na 'yong mga gamit mo, nasa kotse ko. Kunin mo na lang mamaya bago ko maisipang itapon yon sa basurahan." Malamig pa sa yelo sa kung paano siya magsalita. Pero di ako nagpadala dahil ilang beses ko na rin naman noon nakita ang ganitong ugali niya.
"Okay. Kukunin ko na lang mamaya bago mag-uwian." sagot ko sa maaya pa ring tono na hindi nagpapahawa sa pagiging bugnutin niya. Tinigil ko na lang ang pakikipag-usap sa kanya dahil mukhang wala talaga siyang balak na kibuin ako.
Napabuntong hininga na lang ako. Hindi man lang ba talaga niya ako tinuring na kaibigan? Ganito na lang ba talaga kami ngayon, parang di magkakilala?
Mula kay Montellano, natuon ang atensyon ko sa unahan kung saan nakatayo na roon ang president ng student council na si RM Kim. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at tinumpok na niya ang dapat pag-usapan ngayon sa magaganap na festival nextweek. Habang nagpapaliwanag siya sa magiging concept ng group namin, di ko magawang makinig ng maayos dahil panay ang bantay ko sa pintuan dahil baka pumasok na rin si Brent at di niya agad ako makita sa kung nasaan ako banda.
"…since one week ang festival, we have 3 days to perform..." tinuon ko na rin ang atensyon ko kay president na kasalukuyang nagsasalita. buti na lang pala talaga napunta siya sa theater group dahil alam na alam na niya kung anong gagawin bilang leader. "…We have to divide our team into three groups para iba ang magpeperform ng wednesday sa thursday at friday. Rehearsal and selling tickets naman ang pagkakaabalahan natin sa monday and tuesday..."
Detalyado ang pagkakapaliwanag ni president na halos wala na rin kaming masabi dahil mukhang masusing pinag-isipan niya talaga ang pagpaplano na walang kahit isang butas. Maging pagkakahati-hati ng grupo, siya na rin ang gumawa.
"Here's the list of your groupings. Kasama na rin diyan ang magiging role ng bawat isa sa inyo. Random ang pagpili ko ng mga pangalan kaya kung may problema man kayo, kayo na ang bahalang mag-ayos bilang grupo. Do your job. Wala akong pakialam kung wala kang talent sa acting or mahina ka sa pagmemorize ng mahabang script… Napag-aaralan naman 'yan basta't seseryosohin niyo..."
Ramdam ko ang pressure sa bawat binitiwang salita niya pero sa tingin ko dapat din iyon para mas pag-igihan pa namin ang performance. Kung sakaling sa'kin din naman mapupunta ang malaking role, sisiguraduhin kong magagampanan ko ng maayos ang papel ko para di mapahiya. Pagnagkataon, lulunukin ko ang lahat ng hiya at magpeperform ako ng maayos dahil minsan ko na rin namang pinangarap noon ang maging artista.
Sinimulang dinistribute ni president ang papel na naglalaman ng lista ng bawat grupo. Dahil nasa likod ako, isa ako sa huling nakatanggap. Ang pangalan ko ang una kong hinanap, pero unang nadaanan ng mata ko ang mga pangalan ni Montellano at Brent na kagrupo ko din. Maliit ang role na napunta kay Montellano habang malaki naman ang role ni Brent na siyang gaganap na prince Philip.
Classic Sleeping Beauty ang ipapalabas ng grupo namin, at di na rin ako umaasa pa na malaking role ang mapupunta sa'kin, pero sa minutong tumambad sa paningin ko ang nabasa ko sa tapat mismo ng pangalan ko, parang di ko alam kung paniniwalaan iyon. Ako ang bibida bilang princess Aurora?!
Kinakabahan man ako, di ko pa rin maikakaila sa sarili ko na malaking bahagi sa loob ko ay natutuwa sa balitang tumambad sa'kin. Pangarap ko 'to noong bata ako na umakyat sa enteblado, magperform at palakpakan ng mga tao. Parang gusto kong ilabas ang ngiti sa tuwa sa mga oras na 'to pero naudlot iyon nang biglang may mapang-insultong tawa ang nagmula mula sa likuran ko.
"Ikaw?! Ikaw pa talaga ang gaganap na sleeping beauty?" sambit ni Montellano na hindi maganda ang tabas ng dila. Kung kanina iwas na iwas siya na makipag-usap sa'kin, ngayon naman siya mismo ang lumalapit para lang sabihin ang ganitong bagay. Mapang-insulto ang tawa niya na parang nananadya pa talaga. "Sa totoo lang Mira, di bagay sa'yo ang bumida at maging prinsesa, kaya kung ako sa'yo, ibigay mo na lang 'yan na role mo sa mas deserving. Ba't di na lang si Tiffany…" mula sa'kin, bumaling siya ng tingin kay Tiffany para ulitin ang huling sinabi niya. "Ba't di na lang ikaw Tiffany? Mas maganda ka at bagay na bagay ka bilang Aurora."
Kung ano mang pang-iinis ang ginagawa niya sa'kin ngayon, umiekpekto naman iyon dahil di ko rin mapigilang maasar sa kanya. Wala man lang pagsuporta. Naging totoo ba ang sandaling pagkakaibigan namin nitong huli? O baka ako lang talaga ang nag-iisip na kahit papano may pinagsamahan naman kami.
"Kung sa tingin niyo makakabuti ang pakikipagpalit ko ng role kay Mira, payag naman ako." sambit ni Tiffany na lalo ko rin lang kinaasar na pabebe kung magsalita. Parang lumubo agad ang ulo niya sa isang iglap dahil lang sa simpleng pagpuri sa kanya ni Montellano.
"Just give it to Tiffany, Mira." baling ulit sa'kin ni Montellano na parand di rin talaga ako tatantanan. Ano bang problema niya at kailangan niyang gawin sa'kin 'to. Pinapahiya lang niya ako sa lahat.
"Ako din, tingin ko mas okay kung si Tiffany na lang ang Aurora." sambit rin ng isang kabilang sa grupo namin na naimpluwensiyahan na rin.
"Hindi ako makikipagpalit." sagot ko sa seryosong tono. Hindi ko gustong magtunog galit o madamot sa role pero parang gano'n na rin ang lumalabas. Kung nagmamatigas man ako 'yon ay dahil sa inis ko kay Montellano. "Ba't di na lang natin sundin at tanggapin 'yong kung ano ang nakalista at gawin ng maayos 'yong part natin…?"
"Ang yabang naman niyan…" rinig kong sambit ng nagbubulungang dalawa gilid kahit wala naman akong nakikitang kayabangan sa sinabi ko. Mukhang ako pa talaga ngayon ang napapasama sa tingin nila. "Ba't di na lang natin idaan sa boto?"
"Ba't kailangan pang pagbotohan, kung may nakalista na nga. Can you just give us the script para matapos na 'to agad ngayon at makaalis na rin ako." singit ni Henry Velasco na mukhang ang pagkainip niya ang dahilan kung bakit pumapanig siya sa'kin. Halatang hindi siya interesado at napipilitan rin lang kaya siya nandito. Binigyan na rin siya agad ng script ni Amy, at pagkatapos niyon ay umalis na nga rin talaga siya tulad ng gusto niyang mangyari. Sunod na ring binigyan ng script ang lahat maliban sa'kin. Kitang-kita ko na kinuha ni Tiffany ang script na dapat para sa'kin.
Nang akmang lalapit ako para kunin ko iyon kay Tiffany, may biglang humarang sa'kin, si Jackie na para bang asar na asar sa'kin. Umabante siya saka bahagyang tinulak ako. Mahina lang 'yon pero napapatras pa rin ako sa ginagawa niya. "Wala kang makukuhang script dahil di nga sayo bagay ang role na pinagdadamot mo."
Di ko inaasahan na makakakuha pala ako ng kaaway rito dahil lang sa isang role. Alam ko na sa oras na sumagot ako, mas lalaki lang 'to kaya mas pinili kong huwag na lang siyang pansinin, kaso kahit na gano'n ang ginawa ko, di pa rin siya tumigil. Mukhang nabastusan lang siya sa di ko pagpansin sa kanya kaya muli niya akong tinulak kaya muli na naman akong napaatras. Hindi naman 'yon malakas, pero nakakawala ng pagtimpi.
"Mayabang ka rin noh…" muli nitong sambit na tankang uulitin na naman niya ang panunulak, pero may pumigil na sa kanya ngayon. Pareho kaming napatingala kay Montellano na siyang humarang sa gitna namin.
"Tama na 'yan. Just give her the script." utos ni Montellano na pinagtatakahan ko ang biglaang pagbago ng mood. Pinagtatanggol na ba niya ako ngayon?
"Pero--"
"Just give it to her and stop the drama." putol niya kay Jackie na hindi hinahayaang marinig ang kung anong sasabihin nito. Nang walang kumilos, siya na mismo ang kumuha ng script kay Tiffany at binigay 'yon sa'kin.
Walang salitang nilagpasan ako ni Montellano matapos niyang abutin sa'kin iyon. Wala siyang ibang iniwang salita, kaya naguguluhan ako sa biglaang pagbago ng ihip ng hangin.
"Kahit nasa sayo na 'yang script, di pa rin sayo nababagay ang role." patuloy ni Jackie na di pa rin nagpapaawat. "If I were you--"
"Tantanan niyo na siya…" sulpot muli ng boses ni Montellano mula sa likuran ko. Hinablot na rin lang niya bigla ang pulsuhan ko saka hinila palayo. Napapasunod na rin lang ako sa kanya kahit di ko maintindihan kung bakit nangyayari 'to.
"Kung pumayag ka na lang kasi sa simula pa lang na ibigay ang role mo, di kailangang umabot 'yon sa ganon." sabi sa'kin ni Montellano nang tumigil rin kami sa paglalakad. Sa tono niya parang ako pa talaga itong may kasalanan kaya di ko na rin napaigilan ang mainis.
"Ako pa talaga? Ikaw itong dapat hindi na lang sana nagkomento at nagsalita ng kung ano-ano…" Hindi ako makapaniwala na pinagpapatuloy namin ngayon ang bagay na 'to. Ni hindi ko malaman kung bakit kailangang lumaki 'to ng ganito. "At ano bang problema mo kung ako ang gaganap na Aurora? Para namang maaapektuhan no'n ang buhay mo sa simpleng pagganap ko no'n sa play."
"Dahil nga di sa'yo bagay ang role." mababaw na sagot niya na mas lalong ikinasalubong ng kilay ko. Ito na ang pinaka-immature na Montellano na nakaharap ko. Mahirap na talagang intindihin ang takbo ng pag-iisip niya.
Bigla akong nawalan ng gana na makipag-usap sa kanya kaya sa halip na makipagtalo pa, tinalikuran ko na lang siya para umalis pero bago pa man ako makahakbang palayo, pinigilan niya ako. Napunta ang tingin ko sa nakahawak niyang kamay sa kamay ko. Sa pag-angat ko ng tingin sa kanya, di ko na maalis ang mga mata ko sa mukha niya na para bang napapatitig na lang ako ng matagal. Kung ano mang meron sa kakaibang nararamdaman ko, nawala din agad iyon sa minutong binitawan ako ni Montellano at nagsalita siya.
"Yung gamit mo sa kotse ko, kunin mo na ngayon mismo." pang-uutos niya sa iritableng boses.
"Sure." sarkastikong sagot ko. "Nasaan ba ang kotse mo nang makuha ko na rin ang nakakasikip na mga gamit ko…"
Dahil malapit na rin kami sa parking area, tinuro na lang ni Montellano ang eksaktong lokasyon. Binigay rin niya sa'kin ang susi ng kotse niya na walang balak na samahan ako. "Ikaw na lang ang kumuha, mahirap na baka may makakita pang ibang tao sa'tin at baka maintriga na naman ako sa 'yo. Iwan mo na lang roon ang susi."
Natigilan ako sandali sa sinabi niya. Nagpipigil akong palagpasin na lang iyon at huwag na lang magsalita pero di ko rin natiis ang sarili ko na may gustong sabihin, "Hindi ba pwedeng maging magkaibigan naman tayo? May pinagsamahan naman tayo di'ba?"
Kung alam lang niya na nasasaktan ako ng sobra sa kung paano niya ako tratuhin ng ganito. Kahit para kaming aso't pusa noon, alam kong may pinagsamahan namin kami at nagkasundo kahit sa maikling panahon. Naramdaman ko rin mula sa kanya ang pagprotekta at pag-aalaga kahit na hindi siya magaling sa pagpapakita no'n…
Hinintay ko ang sagot mula sa bibig ni Montellano. Sa minutong tinignan niya ako sa malamig na titig, di na ako umasa pang magandang salita ang lalabas mula sa kanya.
"We're not friends, Mira. Hindi kita tinuring na kaibigan. Oo, tinulungan mo ako sa maraming beses na nangailangan ako, pero tandaan mo ring tinulangan din kita kaya we're now equal." sandali siyang tumigil at bumunot ng pera mula sa bulsa niya't inabot sa'kin. "Kunin mo na rin 'to nang tuluyan na akong bayad sa utang ko sa'yo."
Parang may kung anong tumusok sa dibdib ko dahil hindi 'yon ang gusto kong marinig mula sa kanya. Parang sinasabi na rin kasi niya na putulin na namin ang kung ano mang koneksyon naming dalawa.
Nang hindi ko kinuha ang pera, siya na mismo ang naglagay no'n sa bulsa ko. "Sana naman ito na ang huling beses na pag-uusap natin dahil ayokong kinakausap mo ako, may ibang tao man o wala. At--"
"Kung 'yan ang gusto mo." putol na sagot ko sa kanya sa malamig na ring boses. Sa sobrang inis ko, tinalikuran ko ulit siya at walang sabing umalis sa malalaki at mabibigat na hakbang hanggang sa marating ko ang kotse niya. Kinuha ko ang mga gamit ko at iniwan ko roon ang susi tulad nang sabi niya. Ni hindi ko na siya nilingon pa hanggang sa makaalis ako.
***
Matapos sa school, nagyaya si Art na sumaglit muna kami sa kanila para tumambay dahil medyo matagal na rin naming di 'yon nagagawa. Kompleto kaming magbabarkadang pumunta sa kanila at ang panunood ng movie sa netflix ang laging bagay na naiisipan naming gawin habang pumapapak ng pagkaing tinake-out namin sa labas.
Tahimik lang ako sa buong oras na nanonood ng palabas habang sila ay maiingay na nagdidiskusyon sa nangyayaring eksena sa screen. Ang totoo, wala akong naintindihan sa pinanonood namin dahil wala roon ang atensyon ko kundi sa mga pangyayari sa'kin ngayong araw.
"Okay ka lang?" sita sa'kin ni Alex nang matapos na rin ang movie. "Hindi ko narinig ang opinyon mo sa simula hanggang matapos ang pinapanood natin. May iba kang iniisip noh?" Puno ng panunukso ang mga mata ni Alex na mukhang nahuhulaan ko na kung saan ang papupuntahan nito. Gusto ko man siyang patigilin
"At ano naman ang iniisip ni Mira?" gatong naman ni Art na awtomatikong binibigyang kulay ang narinig. Parang magkakadugtong ang mga utak nila, kasama na rin si Kyle na di nagpahuli sa pagkomento. "Si prince Philip ba?"
Nasa labas ng kwarto si Brent na nagbanyo kaya malalakas na naman ang loob ng tatlo na tuksuhin ako. Nagtawanan sila na tuwang-tuwa talagang inaasar ako kay Brent.
"Mira, makakanakaw halik ka na naman nito kay Brent dahil alam naman natin na may kissing scene si sleeping beauty at prince Philip sa dulo." hirit ulit ni Art na napapalakas ang boses.
"Hinaan mo nga ang boses mo Art…" paninita ko sa kanya dahil kulang na lang marinig ni Brent ang kung ano-anong pinagsasasabi niya.
Binalikan lang ako ng nakakalokong ngiti ni Art saka muling nagsalita. "Kung nag-aalala ka na marinig ni Brent, di na kailangan Mira. Don't you know na alam na niya ang pangnanakaw halik mo sa kanya…"
"Narinig ba niya?!" balik ko sa kanya sa nanlalaking mata. Tinutukoy ko ang pangyayari kaninang tanghali sa cafeteria. Si Art ang makakapagsabi dahil magkasama sila ni Brent na sumulpot no'n sa likod namin ni Alex.
"Rinig na rinig ko. At bingi na lang siguro si Brent kung di niya rin 'yon narinig." sagot ni Art na nakangiti pa na para bang isang malaking balita para sa'kin ang binabahagi niya.
Mula kay Art, napabaling ako kay Alex na ngiting-ngiti din. "Don't you blame me Mira, it's not my fault. Malay ko bang maririnig 'yon ni Brent."
"Nakakahiya!" sambit ko habang di ko malaman kung paano ko haharapin si Brent sa oras na bumalik na siya. "Anong gagawin ko?" Ngayon ko lang pinagsisisihan ang pinaggagagawa ko noon.
"Aminin mo na lang kung anong nararamdaman mo sa kanya. Nandito lang naman kami dadamay sayo kapag nireject ka niya." sagot ni Kyle na walang matinong masabi. Magsasalita pa sana si Art at Alex nang di na rin nila natuloy sa pagbukas ng pinto at pagpasok ni Brent.
Napuno ng katahimikan ang apat na sulok ng kwarto na napansin din agad ni Brent. "What's wrong? Ba't ang tahimik niyo?"
--------🐨-------
Preview for the next episode este next chapter of Nakaw Halik. Hahah. 🙊
#mrent moment💛
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top