Oh 43

K A B A N A T A  43:

Pagpasok pa lang namin ni Brent ng bahay, naabutan namin ang mga kapatid niya sa sala na nanonood ng tv habang kumakain ng snacks. Sabay-sabay silang bumati sa'kin nang makita ako na inaasahan na rin ang pagdating ko tulad ng sabi ni Brent.

"Welcome ate Mira…" sambit ni Erwan at Chris, na sinundan ni kuya Alden. "Mabuti may babae na rin kami dito sa bahay. Parang nadagdagan lang naman kami ng kapatid dito."

Wala akong ibang masagot kundi ngiti dahil di ko rin alam kung anong sasabihin. Parang di pa kasi sumisink-in sa utak ko na dito na sa bahay na talaga nila ako titira.

"May papizza nga pala kami para sayo." alok ni Chris, na siningitan agad ni Erwan na siyang pinakasutil singit sa magkakapatid. "Ba't dito siya titira? Syota mo na ba siya kuya?"

Binatukan siya agad ni Chris. "Tanga ka ba? Alam naman natin na may nililigawan ngayon si kuya."

"Aba, malay ba natin na two timer na pala si kuya Brent. Sabi ni kuya Alden, normal lang daw 'yon sa'ting mga lalake...kaya ako, balak kong tumatlo o umapat pa."

"Erwan, ang bibig mo!" paninita ni Brent sa kapatid niya na tumigil naman. Ngayon pa lang, parang ramdam ko na ang kakulitan nila, paano pa sa mga susunod na araw? Pero gano'n pa man, natatawa na lang ako. Hindi ako lumaki sa ganitong maingay at makulit na pamilya. Masakit man sa ulo, pero alam kong masaya naman silang kasama.

"Pumunta nga pala rito kanina si Natsy, Brent." sambit ni kuya Alden na pumwesto sa sahig para maglaro ng videogame. Tumabi rin sa kanya si Chris. "Mukhang may nakaligtaan kang date…"

Mula sa dalawa, nabaling ang tingin ko kay Brent na napahawak sa ulo na mukhang may biglang naalala. "May lakad kayo ni Natsy?" tanong ko sa kanya.

"Nawala sa isip ko na ngayon nga pala yon. Dapat sasamahan ko siya sa importanteng lakad niya." sagot niya na halatang nasa gitna ng pag-aalala. Saka rin lang niya naalalang tignan ang phone niya at lalo lang siyang napakunot. "Nakailang tawag na rin pala siya."

"Okay lang ba kung iiwan na muna kita rito?" tanong sa'kin ni Brent sa apologetic na mukha. Ganitong-ganito rin ang sitwasyon namin noong huli dahil kay Natsy.

"Oo naman." sagot ko dahil wala rin naman akong mapagpipilian. Para namang may karapatan akong umangal at pigilan siya. Pero kung ikukumpara naman itong ngayon sa noong huli, masasabi kong hindi na ako ngayon nasasaktan tulad ng dati, at siguro dahil na rin yon sa tanggap ko na na pagdating saming dalawa ni Natsy, siya lagi ang uunahin. Maluwag sa dibdib ko ang binitawan kong sagot.

Mula sa'kin, bumaling siya sa mga kapatid niya, "Tratuhin niyo ng maayos si Mira. 'Wag niyong pasasakitin ang ulo niya. Lalo kana Erwan." bilin niya na parang magulang sa tatlo niyang kapatid.

"Siya ba ang magluluto ng hapunan namin ngayong wala ka?" sabat ni Erwan na nakatanggap ng masamang tingin mula kay Brent. Awtomatikong yumuko siya dahil roon. "Wala na akong sinabi. Pagtatyagaan ko na lang ang luto ni kuya Alden."

"Pero aalis ako maya-maya lang. May date din ako." singit din ni kuya Alden na dumagdag sa naglilinyang noo ni Brent. Mukhang ramdam ko na ngayon ang bigat ng responsibilidad na nakasampa sa balikat niya.

"Ako na lang ang bahala." Nagdesisyon akong sumingit na rin para makatulong pero tinignan din ako ni Brent na naninigurado. Tinanguan ko siya, "May alam naman ako kahit papaano…"

Dahil wala na rin siyang mapagpipilian, napatango na rin lang siya. "Sige. Ikaw na ang bahala, mangialam ka na lang diyan sa kusina. Pero kung di mo mapangatawanan, may mga can goods naman diyan."

"Pangangatawanan ko." natatawa kong sabi dahil naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng pagdududa niya. "At huwag kang mag-alala, susubukan kong hindi masunog ang buong bahay niyo."

Napangiti siya't nawala ang kaninang lumilinyang guhit sa noo niya. Napatingin siya sa'kin ng matagal na gusto kong tanungin kung bakit o kung may sasabihin pa siya, pero bago ko pa man mabuka ang bibig ko, naantala iyon nang biglang panggugulo ng kamay niya sa buhok ko tulad ng parati nitong ginagawa.

Sa halip na umiwas at alisin ang kamay niya na parati ko ring sagot noon, mas pinili kong hayaan na lang siya. Mas ginulo pa nito ang buhok ko dahil sa pagpayag ko. Napangiti na rin lang ako. "Tama na yan kuya, kailangan mo ng puntahan si Natsy…" sambit ko sa kanya na ikinatigil niya.

"Kuya?" reaksyon nito sa tinawag ko sa kanya. "Magkasing edad lang tayo kaya 'wag mo akong matawag-tawag na kuya. Parang hindi maganda sa pandinig ko."

"Pero kapatid rin naman ang tingin mo sa'kin di'ba? Parang parte na rin ako ng pamilyang 'to ngayon. Hindi ba?" Nakangiti pa ring sabi ko. Hindi rin naman pala masama na tanggapin ko na sa sarili ko ang ganitong bagay. Parang mas maluwag sa pakiramdam kung tatratuhin ko na lang si Brent bilang kaibigan o kapatid.

Nakitaan ko na naman ng linya sa noo si Brent bago sumagot na para bang nag-alangan sa isasagot. "Just don't call me kuya. Hindi talaga maganda sa pandinig ko."

Sumuko na rin ako. "Oo na."

"Doon ka nga pala matutulog sa extra room katabi ng kwarto ko." sambit muli ni Brent na tangkang dadalhin ako sa tinutukoy niya pero ako na mismo ang pumigil.

"Okay na ako, Brent. Di mo na ako kailangan pang samahan. Mahuhuli ka lang lalo sa lakad mo kay Natsy."

"Sigurado ka?"

"Oo naman. Nandito naman ang mga kapatid mo. At di rin naman ito ang first time ko sa bahay niyo." Sa sinabi kong 'yon, nakumbinsi ko na rin si Brent. Umalis na din siya agad tulad ng dapat mangyari.

Ilang minuto pagkaalis ni Brent, sumunod na rin si kuya Alden paalis ng bahay. Si Erwan at Chris ang tanging kasama ko sa bahay na nagpatuloy lang sa paglalaro ng video games. Naisipan ko na ring simulan ang pagluluto ng hapunan kaya pumunta na ako sa kusina para mangialam. Ang refrigerator ang una kong tinignan para magkaideya na rin ako kung ano ang pwede kong lutuin. Wala talaga akong talent sa pagluluto, kaya duda rin ako na makakagawa ako ng milagro ngayon na mapasarap ang anumang pagkaing ihahain ko sa mga kapatid ni Brent.

Sa kalagitnaan ng pag-iisip ko ng pwedeng iluto, naisipan kong humingi ng tulong kay Mr. Google kaya kinuha ko ang phone sa bag ko. Pagkabukas na pagkabukas ko pa lang ng cellphone, 99 misscalls ang tumambad sa mata ko na walang ibang galing kundi kay Montellano. Ni hindi pa ako nakakabawi sa pagkabigla nang mag-ring ulit ang phone ko galing sa iisang caller.

Sinagot ko agad iyon at ang boses niya ang nauna sa'ming dalawa. "Nasaan ka?!" maikli ang bungad niya sa'kin pero naroon 'yong tigas na para bang nagpipigil ng galit. "Alam mo bang hanggang ngayon, hinihintay pa rin kita dito sa back gate ng Circle High. Nasaan ka na?"

Sandali akong natigalgal sa narinig ko. Hinihintay niya pa rin ako roon hanggang sa mga oras na 'to? Pero mag-aalas siyete na, kanina pa ang uwian. Bigla tuloy akong nakonsensiya dahil di ko man lang naisip na pagpaalaman siya. Pero malay ko ba naman kasi na hihintayin niya pala ako ng gano'n katagal…

"Mira, nasaan ka?!" muling tanong niya matapos ang mahabang pananahimik ko.

"N-nandito ako ngayon sa bahay ni Brent." tanging sagot ko. Di ko alam kung bakit di ko sa kanya masabi na kay Brent muna ako tutuloy ngayon.

"Matagal ka pa ba diyan?" tanong niya ulit na di ko na naman masagot ng agaran. Rinig ko mula sa kabilang linya ang pagkainip niya. Muli siyang nagsalita sa pautos na boses. "Ibababa ko na ang tawag na 'to. Itext mo sa'kin ang address after I end this call. Susunduin kita diyan."

Matapos niyang sabihin iyon, wala na nga akong ibang narinig pa sa kanya dahil binaba na niya ang tawag na hindi ako binibigyan ng pagkakataong pomrotesta. Muli na naman akong natigalgal habang kakaiba naman ang rinig kong kabog ng dibdib ko. Sa sitwasyon ko ngayon pakiramdam ko naiipit ako sa gitna.

Hindi ko alam kung ano bang dapat kong gawin pero natagpuan ko na lang ang sarili ko na sinesend ang address kay Montellano. Matapos iyon, di na ako mapakali at nawala na ang atensyon ko sa dapat gagawin kong pagluluto. Bumalik ako sa sala kung saan naroon pa rin naglalaro ang dalawa. Si Erwan ang unang nakapansin ng presensiya ko kahit na tutok ang mga mata niya sa video screen.

"Anong pakakainin mo sa'min ate Mira? Sana naman 'yong masarap. Steak nga pala ang paborito ko--" di na natapos ni Erwan ang sinasabi niya nang makatanggap siya ng batok mula kay Chris.

"Mahiya ka naman. Bisita natin siya dito at hindi katulong. Gusto mo bang isumbong kita kay kuya Brent?" paninita ni Chris na naging dahilan para mabuhay ang di na bagong alitan nila.

Sumama ang tingin ni Erwan sa kapatid hindi dahil sa sinabi nito kundi dahil sa nasira ang nilalaro niya't natalo siya. Konting-konti na rin lang kasi matatapos na sana niya ang mataas na level na nilalaro niya pero natapon 'yon dahil sa ginawang pambabatok ni Chris.

Walang sali-salitang ginantihan agad ni Erwan ang kapatid niya ng mas malakas na pambabatok hanggang sa nauwi 'yon sa walang katapusang gantihan sa isa't isa. Ang kaninang simpleng pambabatok ay naging tulakan, sipaan, hanggang sa batuhan ng kung ano-anumang bagay na makikita nila sa paligid nila.

"Tigilan niyo nga 'yan!" pag-aawat ko habang di ko magawang makalapit sa kanila dahil siguradong masasaktan lang ako sa batuhang nagaganap. Walang pang ilang oras ang pamamalagi ko sa bahay nila, pero nasasaksihan ko na kapilyuhan ng dalawa na sobra nga namang sakit sa ulo.  Palala na ng palala ang kalat sa sahig gawa ng pagbabatuhan nila.

Walang ni isa sa kanila ang nakikinig sa pag-awat ko hanggang sa tuluyan na akong napagod. Di ko alam kung paano sila patitigilin kaya naupo na lang ako at kalmadong pinanood ang pagbabatuhan ng dalawang bata. Hihintayin ko na lang siguro silang matapos. Kahit papaano nag-eenjoy naman ako sa pagmasid sa kanila dahil di ko naranasan ang ganitong bagay sa bahay. Kahit halos nagsasakitan na sila, kitang-kita ko pa rin ang pagiging magkapatid at pagiging pamilya nila. Naisip ko tuloy na paano na lang kaya kung lumaki ako sa tunay kong ina, mararanasan ko rin kaya ang magkaroon ng isang tunay na pamilya? Napailing ako sa sarili kong katanungan... Kung sino man siya, mukhang di ko rin naman siya makikilala. Walang ibang paraan para matunton ko siya dahil patay na rin ang ama ko na tanging makapagsasabi kung sino o saan ko pwedeng mahanap ang tunay kong ina.

Sa kalagitnaan ng lahat, biglang tumunog ang doorbell na siyang naging dahilan ng pagtigil sa wakas ng dalawa.

"Baka si kuya Brent na yan…" sambit ni Chris na naunang nagligpit ng mga kalat na gawa nila. Sumunod na rin si Erwan na nagpulot ng kalat mula sa sahig. Natatawa na lang ako sa kung paano sila matakot sa kuya nila.

Ako na ang kumaripas sa pinto para buksan iyon lalo na't may kutob ako na hindi iyon si Brent kundi ang taong katatawag lang sa'kin fifteen minutes ago.

"Montellano," sambit ko nang siya nga ang mapagbuksan ko. Siya ang taong inaasahan ko sa pagbukas ko pero di ko maintindihan kung bakit parang nagulat pa rin ako nang makita ko siya sa mismong harapan ko.

Naglilinyahang guhit sa noo ang sumalubong na Montellano sa'kin. "Bakit di ka man lang nagpaalam na wala ka na pala sa school? Alam mo bang naghintay ako ng naghintay… Ni hindi mo rin sinasagot ang mga tawag ko! Saan ka ba nanggaling?"

Di ko magawang maialis ang mga mata ko kay Brent. Napapatitig ako sa nag-aalala't naiinis niyang mukha na parang nakakamanghang titigan. May kung anong espesyal roon na di ko mapaliwanag. Parang napakaimportante kong tao sa kung paano siya mag-alala kaya sa isang iglap naguilty ako na hindi ko man lang siya naisip na pagpaalaman kung nasaan ako.

"I skipped all my classes today." sagot ko. "At pumunta sa amusement park para maglibang at makalimot sandali. Sorry kung nakalimutan kong sabihan ka na wala ako sa school. Sorry kung naghintay ka ng matagal. Di ko naman kasi alam na hihintayin mo ako hanggang sa gumabi…" May kung anong weird sa kung paano ko sambitin ang huling mga salitang sinabi ko. Dinugtungan agad iyon ni Montellano.

"Hindi sa hinintay kita. Nagkataon lang na nahuli rin ako ng labas dahil sa practice. H-hindi ka espesyal na tao. Kaya 'wag kang paespesyal." Namumuo ng depensa ang tono ng boses niya na naging dahilan para magpigil ako ng ngiti.

"Nandito ba ang mga kaibigan mo? Nasaan sila?" Pag-iiba ni Montellano. Napapasilip rin siya sa loob na para bang nag-iiwas na magpakita sa kung sino mang mga kasama ko. Mukhang iniisip niya na kasama ko rin ngayon sina Alex, Kyle, at Art bukod kay Brent. Hinablot na niya ang pulsuhan ko bago pa man ako makapagsagot. "Mabuti pang sumama ka na sa'kin habang di pa nila ako nakikita ngayon. Tawagan mo na lang sila mamaya na umalis ka na."

"Wala sila rito. Ang dalawang kapatid lang ni Brent ang kasama ko ngayon dito sa bahay." sagot ko bago pa man niya ako mahila.

"Nasaan ang mga barkada mo kung gano'n? Akala ko ba sinasamahan ka nila para libangin o damayan ka?"

"Si Brent lang naman ang kasama ko buong araw. Pero kinailangan niya munang umalis kani-kanina lang--"

"Siya lang ang kasama mo? Hindi niyo kasama ang sina Alex, Art at Kyle?" pag-uulit niya na para bang walang naintindihan sa kakasabi ko lang.

Tumango ako bilang sagot. Magsasalita sana siya ulit nang may taong sumigaw mula sa loob. "Si kuya Brent na ba 'yan, ate?" tanong ni Erwan na kumaripas ng takbo papunta sa likod ko saka dumungaw. "Sino siya?"

Sasagot sana ako pero naunahan ako ni Montellano. "Sundo niya. Sinusundo ko na siya."

"Aalis ka ate Mira? Akala ko dito ka na titira sa bahay?" tanong ni Chris na nasa likuran ko na rin pala.

"Paano 'yong dinner ko? Sinong magluluto? Gutom na pa naman ako." singit ni Erwan.

Sa halip na sagutin si Chris o si Erwan, nakatutok ang mata ko kay Montellano na naghihintay ng paliwanag mula sa'kin kaya nagsalita na rin ako. "Inalok ako ni Brent na tumuloy muna rito sa bahay nila..."

Hinihintay ko ang pagtutol mula sa bibig ni Montellano pero hindi 'yon ang narinig kong sunod na sinabi niya.

"Sana pala sinabi mo na sa'kin kanina nang tumawag ako. Hindi na sana ako pumunta pa rito. Nagsayang lang ako ng gas at oras, may lakad pa naman ako."

Kung kanina, may kung anong saya akong nararamdaman nang dumating siya, parang biglang bumaba na lang 'yon na di ko magawa kahit ang ngumiti. Ang totoo hanggang ngayon, di pa rin ako makapagdesisyon ng maayos kung titira nga ba ako dito sa bahay nina Brent. May parte ng utak ko na parang gustong tumutol pero di ko maisatinig iyon.

"Sino ba siya, ate Mira?" tanong ulit ni Chris. "Boyfriend mo ba siya?"

"Boyfriend? Sa panaginip lang ni Mira mangyayari 'yon." natatawang sambit ni Montellano. "Actually, she's my personal assistant. Yon lang 'yon."

"Pero ba't ikaw pa ang sumusundo kay ate Mira kung P.A. mo lang siya?" singit ni Erwan na walang kapreno-preno kung magsalita. Mukhang naamoy niya ang pang-iinsulto sa boses ni Montellano kaya di na rin niya napigil ang pumatol. Parang nakatatandang kapatid ko ngayon si Erwan sa kung paano niya ako ipagtanggol.

Sa halip na patulan ni Montellano ang katanungang iyon, bumaling siya sa'kin. Blangko ang ekspresyon ng mukha niya. "Aalis na ako. Dapat di na ako pumunta pa dito." maikling sabi niya saka tumalikod para umalis.

Napapanganga ako para magsalita pero walang lumabas na kataga sa bibig ko dahil di ko pa rin makuha kung ano ba dapat ang sabihin. Ang alam ko lang, parang gusto ko siyang pigilang umalis, pero di ko 'yon nagawa. Natagpuan ko na lang sarili kong nagsisisi sa oras na nakita ko ang papalayong sasakyan ni Montellano.

------🎆------
Happy New Year, guys! Buhay na ulit ako.
Sana tuloy-tuloy na ang update ko ngayong 2019. Hahah. #fingerscrossed

Sino na ngayon ang mas demonyo sa dalawa? Mrent or Mrew? Hahah.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top