Oh 42

K A B A N A T A  42:

Simula nang matapos kaming mag-agahan hanggang sa makasakay ng kotse papasok ng school, hindi ko na maintindihan ang sarili ko na parang hindi ako. Namamalayan ko na lang lagi na napapatitig ako kay Montellano ng matagal kasabay nang kung anong bagay na pumapasok sa utak ko.

Bigla't bigla parang nagkaroon ako ng malisya sa ideyang magkasama na kami ngayon sa iisang tinutuluyan. Sa ginagawa naming pagbubudget sa gastos, pagtatrabaho at maging pagdadamayan sa problema, parang wala na kami ngayong pinagkaiba sa namamamilyang mag-asawa… Paano na lang kung masanay kami sa isa't isa? Paano kung mauwi ito lahat sa pagkakalagayan ng loob--

"Mira…" biglang naputol ang pag-iisip ko sa boses ni Montellano.

"Mmm? Bakit?" tugon ko. Bigla ko ring napansin na tumigil na pala ang kotse sa back gate ng Circle High. Mukhang kailangan ko ng bumaba at magsimulang maglakad. Akmang bubuksan ko na ang pinto ng sasakyan nang muling magsalita si Montellano.

"Okay na ba yang tuhod mo?" tanong niya na ikinabingi ko ng ilang sandali. Bago ko pa man maproseso ang sinabi niya, muli siyang nagsalita kasabay ng pagbuhay muli ng makina. "Huwag ka ng bumaba."

Ramdam ko ang pagkabog ng dibdib ko sa minutong pinaandar niya ang kotse na hindi ako pinabababa. Isa lang naman kasi ang ibig sabihin no'n, ayaw niya akong palakarin. Inaalala niya talaga ako…? Dapat ko na bang bigyan ng kulay 'to? Posible bang…

Napatingin muli ako kay Montellano na nasa pagmamaneho ulit ang pokus. Ba't parang sobrang bait na niya? Ba't parang espesyal na ang trato niya sa'kin?… At ba't ganito na lang ang nararamdam ko na parang may iba sa tuwing tinitignan ko siya? Ba't ba ang dami kong iniisip? Ba't ba nagkakaganito ako?

Makalipas ang isang minuto, nasa parking area na rin kami. Sa pagtigil muli ng sasakyan, bumaling siya ulit sa'kin. "Mauna ka na. Siguraduhin mo lang na walang makakakita sayo sa pagbaba mo ng kotse ko."

Malaking pagpipigil ko sarili na tignan siya ng matagal, kaya agad din akong bumawi ng tingin bago pa ulit ako mahipnotismo sa kung ano mang epekto niya sa'kin ngayon. Walang salita na bumaling ako sa pinto at akmang bababa sana nang biglang naramdaman ko ang paghatak sa'kin ni Montellano. Para akong nakuryente sa minutong hawak-hawak niya ang braso ko na may pagpigil. Nagtagpo ang mga mata namin at parang may naramdaman na naman akong kakaiba dahil roon na di ko mapaliwanag. Ang alam ko lang, ganitong-ganito rin ang naramdaman ko noon kay Brent. Ako lang ba ang nakakaramdam nito o maging siya ganito rin ba?

"Tumingin ka naman. May dumaraan pang estudyante..." sabi niya sa'kin na bumasag sa napapalalim na namang pag-iisip ko. Binitiwan din niya agad ang braso ko sa minutong wala ng dumaraan sa labas. "Sige na, baba na. Bilisan mo habang walang tao."

Kung kanina nag-aalala siya sa'kin, ngayon naman mas nag-aalala siya sa sarili niya. Napabuntong hininga na lang ako matapos akong makalabas at makalayo sa kotse ni Montellano. Mukhang mali ang iniisip kong nagugustuhan na niya ako… Teka, baki't ganito? Ba't parang disappointed ako? Nangangahulugan ba 'to na ako talaga itong nagkakagusto sa kanya na di ko namamalayan?

Napailing ako. Hindi. Praning lang ako.

Nabulabog ang walang kwentang pinag-iiisip ko nang maramdaman ko na lang na bumangga at naumpog ako sa taong nakasalubong ko.

"Ba't parang wala ka sa sarili mo?" tanong sa'kin ng nakabangga ko. Saka ko lang nakilala na si Brent pala 'yon. Kunot ang noo niya na para bang binabasa niya ang mukha ko. "Ba't namumugto 'yang mga mata mo? Umiyak ka ba? May nangyari ba?"

Dahil sa tanong na iyon ni Brent, saka lang ulit pumasok sa isip ko ang problema ko sa bahay. Masyado akong distracted kay Montellano na nagawa kong makalimutan pansamantala ang tungkol roon.

"May ginawa ba sayong masama si Montellano?" muling tanong ni Brent nang hindi ako nakasagot agad sa nauna niyang mga tanong.

"Wala. Paano mo naman yan nasabi?"

Mas kumunot lalo ang noo niya na para bang nagsisinungaling ako. "Nakita kitang bumaba kani-kanina lang sa kotse niya... You were spacing out habang naglalakad. Tapos ganyan pa ang itsura mo na parang umiyak ng magdamag." Sinalubong niya ang tingin ko sa seryosong mukha. "Sabihin mo sa'kin kung ginago ka niya't susugurin ko siya ngayon-ngayon din!"

Bigla ko siyang hinawakan sa magkabilang braso dahil baka totohanin nga niya ang binitiwan niyang salita. "Mali ka ng iniisip. Di niya ako sinaktan. Huminahon ka nga…"

"Sabihin mo muna sa'kin kung bakit mo na naman siya kasama? May hindi ka ba sinasabi? Ano na ngayon ang relasyon mo sa kanya?"

Sasagot sana ulit ng wala nang bigla niya akong unahan. "Mag-usap tayo ng masinsinan. Follow me." utos niya saka bigla akong tinalikuran, at dire-diretsong naglakad papasok. Di ko alam kung saan kami mag-uusap kaya plano kong sumunod na lang sa kanya. Pero hahakbang pa lang ako pasunod nang biglang may humapit ng pulsuhan ko.

"Anong nangyari?" tanong sa'kin ni Montellano na hindi agad pinakawalan ang kamay ko. Tuloy rin lang si Brent sa paglalakad palayo na di napapansing di ako nakasunod sa kanya.

"Nakita ako ni Brent na bumaba sa kotse mo. Marami siyang katanungan kaya marami rin akong dapat ipagpaliwanag." sagot ko sa kanya. Di ko magawang makaalis dahil di niya pa rin binibitawan ang pagkakahawak niya sa'kin. Pero nang biglang may paparating na estudyabteng daraan, mabilis niya akong pinakawalan at nagpanggap na parang di niya ako kilala. Nilagpasan niya ako't tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng building.

Ilang segundo rin akong natigalgal sa pagkakatayo ko habang inaalisa ang mga nangyari. Nang wala akong mahitang eksplanasyon mula sa pag-iisip ko, binale wala ko na lang 'yon at mabilis na pinuntahan ang dinaanang pasilyo ni Brent. Natagpuan ko rin siya agad sa tahimik na lugar na mangilan-ngilan lang na estudyante ang nakikita ko.

"Magsalita ka na. Nakikinig ako." sambit ni Brent pagkaupong-pagkaupo ko sa harapan niya. "Tell me everything na dapat kong malaman. And please, 'wag kang magsinungaling…"

Sa kung paano kaseryoso ngayon ang mukha ng kaharap ko, alam kong mahihirapan nga akong magsinungaling sa kanya. Kaibigan ko siya, kaya di ko na rin naman kailangan pang ilihim ang problema ko. "Nagkasagutan kami ni mama kagabi. At naglayas ako."

"Ano?" Gulat ang mukha ni Brent na mukhang di inaasahan ang hinihintay niyang kasagutan ko. Biglang gunuhit ang linya sa noo niya at nabalot ng concern ang mukha niya. "Bakit? Anong nangyari?"

"Alam ko na ngayon kung bakit iba ang trato niya sa'kin. Di pala talaga niya ako tunay na anak..." Muling nagsilabasan ang mga luha ko dahil sa pagkukwento kay Brent. Sinabi ko sa kanya ang detalye ng buong istorya ng pangyayari kagabi sa bahay kaya natapos akong basa ng luha, barado ang ilong at namamaos ang boses. "Nakakahiya naman kung titira pa ako sa bahay ngayong alam kong anak pala ako ng asawa niya sa ibang babae…" pagtatapos ko na humahangos ng iyak. Di na ako natiis ni Brent at niyakap ako. Ramdam ko ang paghagod niya sa likod ko ng kamay niya na nakatulong naman para gumaan ang loob ko. Unti-unti rin akong tumahan sa pag-iyak.

"Saan ka tumutuloy ngayon?" tanong ni Brent na sadyang bumitaw sa pagkakayakap para salubungin ang tingin ko.

Hindi ako makasagot. Paano ko naman sasabihin sa kanya na sa maliit na tinutuluyan ni Montellano ako nakisiksik? Siguradong mauungkat lang nito si Montellano't baka maging dahilan pa para mabunyag ang pinakaiingatan niyang sikreto na ayaw niyang ipaalam kanino man.

"May nagmalasakit sa'king kapitbahay. Doon ako nakituloy kagabi." sagot ko. Kahit papaano, di naman nalalayo sa katotohanan ang mga pinagsasasabi ko. Hindi ko lang naman masabi sa kanya na si Montellano ang kapitbahay na tinutukoy ko.

"Sa bahay ka muna tumira." biglang alok ni Brent na hindi man lang nagdalawang isip na tumulong. "Siguradong papayag naman ang magulang ko lalo na't kilala ka naman nila. I'm sure maiintindihan nila ang sitwasyon mo."

Bigla akong nag-alinlangan. "Parang nakakahiya naman kung gano'n."

"Hindi mo kailangang mahiya. Wala kang aalalahanin kung sa bahay ka tutuloy. Mas magiging komportable ka sa'min kaysa kay Megan, Art o Kyle." pangungumbinsi pa niya.

Hindi ko magawang makapagdesisyon agad dahil may kung anong parang pumipigil sa'kin.

"Huwag ka ng tumanggi pa." pinal niyang sabi na hindi na ako hinayaan pang mag-isip ng matagal. Bigla na lang rin niya hinablot ang kamay ko saka  hinila sa kung saan.

"Saan tayo pupunta?" tanong ko habang naglalakad kami. Ilang minuto na lang bago magsimula ang klase ko.

Hindi ako sinagot ni Brent. Sunod ko na lang nalaman, nasa loob na kami ng kotse niya. "Anong ginagawa natin dito?" Muling tanong ko habang binubuhay niya ang makina ng sasakyan. "Di ba tayo papasok? Magsisimula na ang klase…"

"Let's skip our class, ngayon lang naman. Siguradong di ka nakapag-agahan ng maayos dahil sa sitwasyon mo, kaya kainin mo ang gusto mong kainin, my treat."

"Pero busog ako. Nakapag-agahan ako kanina. Naparami nga e." maagap kong sagot dahil totoo namang marami akong nakain kanina. Masyado akong binusog ni Montellano kaya mukhang di ko rin kakayanin na kumain pa ulit.

"Buti mabait 'yong kapitbahay niyo…" komento niya na ikinatango ko na lang.  "Sigurado kang ayaw mong itreat kita kahit sa paborito mong cafe?"

"Hindi na. Wala na talagang space ang panibagong pagkain sa loob ng tiyan ko."

Sa kabila ng pagtanggi ko, pinagpatuloy pa rin ni Brent ang pagmamaneho hanggang sa makalabas na kami ng main gate ng Circle High. "Ililibang na lang kita."

Napatingin ako sa kanya. Gusto kong matawa. "Ililibang? Para naman ako nyan bata…"

Ngumiti lang siya na sadyang di ako nililingon. Nasa daan lang ang atensyon niya hanggang sa marating namin ang Kiddie Town. Matawa-tawa ako nang makita ko ang pilyong ngiti niya.

"Huwag mong sabihing, sa ganitong bagay mo talaga ako ililibang?" Masayang sabi ko na parang bata habang natatanaw ang mga rides at mga pambatang atraksyon. Ito ang unang beses ko rito dahil wala akong natatandaan na pinagbigyan ako ni mama na ipasyal sa mga ganitong lugar noong bata pa ako.

"Hindi pa nga tayo nagsisimula, ang laki na ng ngiti mo. Mukhang di ako nagkamali sa pagdala ko sa'yo rito." Hinablot na naman niya ang kamay ko tulad lang kanina at hinila sa kung saan. Hindi ako pamilyar sa pasikot-sikot kaya napasunod na rin lang ako sa kanya. Binitawan lang niya ako nang matapat kami sa candy store. Binilhan niya ako ng cotton candy at biglang nawala sa tabi ko ng walang pasabi. Bumalik din naman siya agad nang maubos ko na ang kinakain ko. Bago pa man ako makapagtanong kung saan siya galing, sinuot niya sa pulsuhan ko ang isang band na may access sa lahat ng rides.

"Subukan natin ang lahat na mga rides dito." sambit niya at sinuot din ang sa kanya. "Tara…"

Napailing agad ako dahil baga man gusto kong subukan, parang naduduwag ako. May pagkamatatakutin ako sa heights at may pagkamahihiluhin din. Tangkang tatanggi sana ako sa kanya at pakikiusapan na iba na lang muna ang unahin namin, kaso bigla na naman niya akong hinatak. Mas mahigpit kaysa kanina ang pagkakahawak niya sa pulsuhan ko. Sinubukan ko pa ring kumuwala sa kanya nang mapatili na lang ako nang binuhat niya ako na hindi ko inaasahang gagawin niya. Sunod ko na lang na nalaman naiupo na niya ako sa isang train ride at nilalagyan ng seatbelt.

Tili na lang ang napakawalan ko nang maramdaman ko ang nagsisimulang paggalaw ng sinasakyan namin. Awtomatikong napapikit na ako na parang wala na akong balak dumilat pa.

"Open your eyes…" sabi sa'kin ni Brent na hindi ko sinunod. Pabilis ng pabilis ang sinasakyan namin at papataas na pabaliktad. Tumili lang ako lalo hanggang sa naramdaman ko ang palad ni Brent na hinawakan ang kamay ko. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na dumilat nang dahil roon, at di ako nagsisi sa ginawa ko dahil namalayan ko na lang na nag-eenjoy na ako habang sumisigaw. Di ko na rin siya binitawan pa hanggang sa matapos at makababa kami.

Matapos ang isang ride, nasundan pa iyon ng nasundan hanggang sa halos maubos na nga namin ang lahat na naroon. Pinakahuli sa listahan namin ay ang ferris wheel.

"Okay ka lang ba?" pangungumusta niya sa'kin nang matapos ang buong ikot dahil medyo nahihilo pa ako sa dami namin na sinakyan. Tiningala ko siya para sagutin pero camera ng phone niya ang sumalubong sa mukha ko. Nakailang click siya saka nagsalita. "Isesend ko 'to ngayon mismo sa group chat ng barkada." sambit niya habang nagtatype. "Siguradong susunod sila dito agad kapag nakita nila 'to."

Gusto kong pasalamatan ng paulit-ulit si Brent. Naappreciate ko ang ginagawa niyang ito para gumaan ang loob ko. Ramdam ko ang concern niya para sa'kin at gusto kong makontento na lang roon. Narealize ko na mas magaan ang lahat kung ganitong tatapusin ko na ang pag-asang magugustuhan din niya ako.

"Bakit gano'n? Seen lang ang ginagawa nila sa chat? Wala ba silang balak magreact o magreply?" nagtatakang tanong ni Brent na gusto kong pagtawanan pero di ko ginawa. Wala talaga siyang ideya kung bakit…

Sigurado ako na walang sino man sa kanila ang susunod sa kung nasaan kami, yon ay dahil alam ko ang pag-iisip ng tatlong 'yon. Siguradong iniisip nila na hayaan na lang kami ni Brent na mapag-isa.

"Hayaan mo na sila, baka nasa gitna ng klase." sambit ko na lang saka bumaling sa labas. Masarap ang pakiramdam na umaangat ng dahan-dahan kumpara sa kaninang rides na mabilisan. Mas ramdam ko ang magandang view at nakakapagpayapa ng pag-iisip.

Habang tahimik lang akong nagmamasid sa mga ulap, naramdaman ko na lang ang pag-akbay ni Brent na naging pagyakap. "You'll be fine, Mira. Huwag mo ng masyadong isipin 'yon."

May assurance ang pagkakasabi ni Brent na naging dahilan para biglang maging emosyonal ako. Parang kagabi lang kasi, iyak ako ng iyak dahil sa pag-aalala sa kung saan na ako nito pupulutin ngayong mag-isa na lang ako sa buhay, pero dahil sa mga taong tulad ni Montellano, Brent at ng barkada, narealize ko na kakayanin ko 'to dahil na rin alam kong maasahan ko sila.

"Salamat Brent." sambit ko sa mahinang boses saka napayakap na rin ako sa kanya.

***

Buong maghapon kaming hindi pumasok ni Brent dahil sa maghapon din kaming naglakwatsa. Di kami nakontento sa Kiddie Town dahil kung saan-saan pa kami nagpunta hanggang sa abutan na kami ng dilim.

Ramdam ko ang pagod habang pauwi sakay ng kotse ni Brent na hindi ko na namalayang nakaidlip na pala ako. Nagising na lang ako dahil sa makailang tapik sa'kin ni Brent. "Nandito na tayo… Tulad ng sabi ko, welcome ka dito sa bahay. Ipagpapaalam kita ngayon din at sigurado naman akong papayag ang magulang mo. At tungkol naman sa mga gamit mo, bukas na lang natin kunin roon sa kapitbahay mo."

Dahil sa bagong gising, matagal bago naproseso ng utak ko ang mga pinagsasasabi ni Brent, kaya natagalan din ang reaksyon ko.

"Wala dito ngayon ang magulang namin, dahil nagkataong pareho na namang duty sa ospital…" patuloy niya na nauna pa sa'king bumaba ng sasakyan saka pinagbuksan ako ng pinto. "Alam na ng mga kapatid ko na dito ka tutuloy, tinawagan ko sila kanina nang pauwi pa lang tayo. Siguradong naghihintay na ang mga 'yon."

Di ko magawang sumingit kay Brent dahil tuloy-tuloy lang siya sa pagsasalita. Ang totoo, di pa ako nakakapagdesisyon tungkol sa alok niyang sa bahay nila ako manirahan pansamantala. Siguro nga makakaluwag ako kung sa kanila ako tutuloy, pero parang nakakahiya pa rin lalo na sa mga magulang niya.

"Pero di pa alam ng magulang mo. Parang nakakahiya naman--"

"Mira, sabi ko naman sayo 'wag mong isipin 'yon." putol niya sa'kin na hindi ako binigyan ng pagkakataong umalma. Kinuha na naman niya ulit ang kamay ko para di na ako makatanggi pa. Namalayan ko na lang na papasok na kami sa pinto ng bahay nila.

-------🤔-------

Nakakauhaw naman...😆

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top