Oh 40
K A B A N A T A 40:
"Sino ba 'yong Mira na bagong babae ni Montellano? Di ko siya kilala."
Natigil ako pansamantala sa akmang pagflush ko sa loob ng cubicle nang marinig ko na tungkol sa'kin ang nangyayaring tsismis sa mismong cr.
Isang tawa ang sunod kong narinig na siyang kausap nang naunang nagsalita. "Di naman kasi yon kilala kaya di kita masisisi. Lahat nga nagtataka kung bakit pinatulan 'yon ni Montellano. Pero sabi raw, matagal na daw 'yon umaaligid kay Montellano para magpapansin simula pa noong freshman siya."
"Baka naman nahulog na roon si Montellano." singit ng isa pa. "Biruin mo, handa siyang makipag-away kay Luke dahil sa babaeng yon. At balita ko rin, hindi na napapasama sa mga party at night-outs ng grupo si Montellano. Kontrolado ni Mira si Drew na siyang nagbabawal sa paglalalabas at pagsama sa grupo."
"Wala pang sineseryosong babae si Montellano lalo pa kung sa Mira na 'yon. Siguradong mali lang yang tsismis na nasagap mo. Ilang araw lang, bibitawan din niya yan si Mira at babaling sa iba dahil kilala naman natin si Montellano."
"I agree." kumbinsidong sabat nang pinakaunang nagsalita. "Di yan aabot ng weeks. Baka bukas na bukas din, may kapalit na siya."
Nanatili ako sa pwesto ko at hindi gumawa ng ano mang hakbang para paliwanagan sila. Siguradong mag-aaksaya lang ako ng enerhiya sa pagsasalita dahil tiyak na wala ring mangyayari. Gano'n pa man, wala naman akong pakialam sa iniisip nila kaya hindi ako masyadong nababahala.
Hinintay kong makaalis ang tatlong tsismosa bago ako tuluyang lumabas ng banyo. Paalis pa lang ako nang eksaktong makasalubong ko si Leslie na siyang papasok din ng banyo. Kasama niya ang mga minions niya.
Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa. "Sumisikat na ang pangalan mo Mira sa kadidikit mo kay Drew, congrats, ang galing mo." puno ng sarkasmo ang pagkakasabi niya. "Pero malas mo lang dahil bukas na bukas, siguradong ibang pangalan na naman ang matunog at hindi na sayo."
Tulad kanina, wala akong balak patulan siya. Kaya sa halip na sumagot, nilagpasan ko lang siya na naging dahilan para maimbyerna lang sa'kin lalo si Leslie. Hinatak niya ang braso ko bago pa man ako tuluyang makaalis.
Para sa ikatatahimik niya, nagsalita ako. "Leslie, ba't di mo na lang ako pabayaan tutal sabi mo naman, bukas na bukas mababaling na sa iba o sa'yo ang atensyon ni Montellano. Huwag kang masyadong padadala sa insecurities mo dahil ipapaalala ko sayo na di hamak na mas maganda, mas sexy, at mas sikat ka kaysa sa'kin."
Wala siyang naisagot agad pabalik kaya sinamantala ko na ulit iyon para umalis. Pero bago ko pa man siya malagpasan ulit, di ko nakita ang sunod niyang ginawa nang patirin niya ako ng sarili niyang paa. Sumubsob ako sa sahig dahil sa ginawa niya. "Huwag na huwag kang magmamagaling sa'kin Mira."
Tinignan ko siya ng masama habang nagtatawanan sila ng minions niya. Malaking pagtitimpi ang ginawa ko na huwag gumanti pabalik sa kanya. Nang magawa ko ring pakalmahin ang sarili ko, pinili ko na lang na lumabas ng banyo.
Iika-ika akong naglakad pababa hanggang sa marating ko ang parking lot kung saan kami magkikita ni Montellano. Parang sa kanya ko ngayon gustong ibuhos ang inis ko kay Leslie kaso hindi ko siya mahagilap. Ilang minuto rin akong naghintay sa kanya o sa kahit text message man lang niya kung nasaan na siya.
Matapos ang panibagong sampung minuto, nagreply na rin pabalik si Montellano. Nanlaki ang mata ko nang mabasa ko sa message niya na hinihintay niya ako sa gate III ng Circle High. Gusto kong magreklamo dahil malayo-layo din yon na bihira din daanan ng mga estudyante pero sumunod na rin lang ako dahil alam kong hindi rin naman ako mananalo sa kanya.
Lumala lang ang pananakit ng tuhod ko sa malayo-layong path way na nilakaran ko. Buti na lang maliwanag pa, dahil kung nagkataong madilim-dilim na, siguradong di ko kakayanin ang maglakad ng mag-isa lalo na't medyo nakakatakot din ang paligid na tahimik at napapalibutan ng magubat na puno. Kung may tanging naririnig man ako, yon ay ang mga huni ng maiingay na insekto't na masakit sa tainga.
Nang matanaw ko ang nakaparadang kotse ni Montellano, mas bumilis ang mga hakbang ko hanggang sa marating ko iyon. Binuksan at pumasok agad ako ng kotse para bungangaan siya pero inunahan niya ako.
"Ba't ang tagal mo?! Alam mo bang nakakainip na maghintay sa'yo. Pasalamat ka't may inabutan ka pa." bungad niya sa'kin na mukhang mas bad mood sa'kin kaya di ko siya sinalubong ng kaparehong emosyon.
"Ang layo naman kasi nito. Ba't ba dito pa kasi? Pwede naman doon sa parking lot…" bigla akong natiglan sandali nang may pumasok na sagot sa utak ko. "Natatakot ka ngang maissue tayo…"
"Hindi ako natatakot sa magiging-usap-usapan, nandidiri ako at naiinis." sagot ni Montellano na makikitaan ng pagkaasar na reaksyon. Mukhang may kinalaman ito sa narinig kong pinag-uusapan ng mga tsismosa sa loob ng banyo kanina.
Nakakainis din ang pagiging self-centered ni Montellano.
"Ba't ba kasi masyado kang apektado sa iisipin ng tao sa'yo?" singit ko dahil hindi ito ang unang beses na nagiging ganito kaseryoso si Montellano na mapagtakpan ang bagay na ayaw niyang maisapubliko.
Balak ko sana siyang pangaralan na matutong tanggapin ang sarili at balewalain ang komento ng ibang tao, pero di ko na nagawa nang parang binalik niya lang naman sa'kin ang katanungan ko.
"Bakit ikaw, gusto mo bang isipin at paniwalaan ng bawat estudyante ng Circle high that you're just my fuck buddy?"
Napauwang ang bibig ko saka nagsalubong ang kilay ko. "Siempre ayoko." Ngayon lang sumagi sa isip ko ang sinasabi ngayon ni Montellano. Gano'n nga kaya ang iniisip ng lahat sa'kin?
"Then same goes with me Mira." komento niya pabalik na may pinopoint-out. "Kung ikaw, ayaw mong madumihan ang pangalan mo, sa'kin naman ayokong masira ang reputasyon ko. Ayoko yong pinagtatawanan ako ng mga kasama ko at sinasabing nawawalan ako ng oras sa mga party at lakad namin dahil daw sa'yo Mira. Nakakatawa na iniisip nila na nagbago na raw ako dahil sayo, na sunudsunuran din ako na parang aso sa lahat ng gustuhin at sabihin mo… Nakakabawas ng pagkalalake."
Mukhang malala na nga talaga ang tsismis na nangyayari sa paligid namin. At ang masaklap, walang ano mang katotohanan sa lahat ng iyon. "Di naman siguro tatagal yan. Baka nga bukas makalawa, di na nila naaalala ang tungkol dito."
"Mangyayari lang yan kung di nila tayo makikita na laging magkasama. Magpapatuloy at di mamamatay ang mga haka-haka nila kung makikita nila tayong araw-araw na magkasabay papasok at magkasama sa uwian."
"Kaya dito tayo magkikita tuwing uwian?" Nasa tono ko na ang pagpayag dahil parang nakumbinsi na rin niya ako. May punto rin naman kasi si Montellano, maiiwasan namin ang tsismis sa ganitong paraan, yun nga lang, ang haba ng lalakarin ko.
"Hindi lang uwian, dahil maging papasok, dito na rin kita ibaba."
Napanganga ako. "Pero ang layo nito hanggang main building. Limang minuto rin ang lalakbayin ko nito. Wala pa naman masyadong dumaraan rito."
"Exactly, hindi matao rito, kaya walang matang makakakita tuwing binababa at sinasakay kita rito."
"Pero paano naman ako?" Parang ang unfair lang na maglalakad ako, samantalang siya de kotse papasok at papunta rito.
"Minsan talaga kailangang may magsakripisyo. At sa'ting dalawa, ikaw yon."
Wala akong sariling kotse at hindi rin ako marunong magmaneho, kaya sino pa nga ba naman ang mag-aadjust kundi ako. "O sige na. Ano pa nga ba ang magagawa ko kundi ang pumayag." Idagdag pa na lagi naman siyang nasusunod sa ganitong klaseng pagtatalo namin.
"Then we're good." sambit ni Montellano saka sinimulan pa lang na buhayin ang makina ng sasakyan. Ilang minuto lang narating din namin ang bookstore ni manang Rosie. Agad din kaming nagsimula sa hindi pa rin matapos-tapos na pagliligpit namin sa ayos ng mga libro. Ilang minuto lang ang nakararaan, napansin kong dumarami ang mga nagagawing estudyante sa bookstore na lahat ay mga babae. Panatag naman kami na walang sino man sa kanila ang schoolmate namin dahil kita sa uniform na suot nila na hindi sila taga-Circle High.
Tuloy lang ako sa ginagawa kong pagliligpit, pero naaabala ako bawat segundong lumilipas dahil may pagkamaingay ang mga babae na mukhang hindi naman talaga pumunta para sa libro kundi para magpacute kay Montellano. Sa mga kislap pa lang ng mga mata nila at bulong-bulungan na parang nga bubuyog, masasabi kong sila 'yong klase ng mga estudyante na mas inuuna ang paglalandi kaysa sa pag-aaral.
"Excuse me, mga miss…" sinadya kong lumapit at sumingit sa pagtsi-tsismisan nila. Gusto ko silang tarayan, pero naisip kong customer pa rin sila kaya kailangan kong magpakabait. "Nakapili na ba kayo ng bibilhin niyo?"
Sabay-sabay silang umiling na para bang wala naman talaga silang balak bumili. Lumapit sa'kin ang isa sa kanila, nang akala ko may kinalaman sa hawak niyang libro ang sasabihin niya, nagkamali ako.
"Pwede bang malaman kung anong pangalan ng cute guy na kasama mong magbantay dito?" tanong nito na kumumpirma lang sa hinala ko sa kanila na paglalandi nga talaga ang sinadya nila dito. Kung titignan nga sila mula ulo hanggang paa, daig pa nila ang pupunta sa mall para rumampa. Maiiksi ang uniform skirt nila, de hills ang sapatos, at makakapal din ang make-up na di nalalayo sa pangpageant na ayos.
"Sorry, pero bookstore po itong pinuntahan niyo at hindi bar." di ko na napigilang ilabas ang pagkaimbyerna ko sa malambing na boses na para bang pinupuri ko pa sila.Hindi naman nila ikinainsulto ang sinabi ko dahil mas lalo lang silang naging matanong.
"Bakit, boyfriend mo ba siya, kaya ganyan ka na lang kadamot na ibigay kahit pangalan lang niya?"
Ngumiwi ako at agad ba sumagot. "Hindi ah."
"Gano'n naman pala." rinig kong pasaring ng isa na ikinabuntong hininga ko para magpigil hindi dahil sa komento kundi sa mga asta nila na nakakairita. "Ano ngang pangalan niya, sabihin mo na."
"Roberto." sagot ko sa kanila sa seryosong mukha. Balak ko silang lokohin at paglaruan pero biglang may tumikhim sa likod ko. Hindi ko na kailangan pang tanungin kung sino iyon dahil sa reaksyon pa lang ng mga mahaharot na babae, masasabi kong si Montellano ang dahilan ng kilig na makikita sa kanila.
"Hi, Robert…" bati ng pinakamatangkad na babae sa anim. Gusto kong matawa sa tawag nito, habang di ako makalingon kay Montellano dahil nasisigurado kong masamang tingin lang ang matatanggap ko sa kanya, kaya nagulat na lang ako nang nagsalita siya.
"Roberto, at hindi Robert." pagtatama ni Montellano na ikinalingon ko sa kanya. Seryoso ang ekspresyon niya na mukhang balak sakyan ang binitawan kong kasinungalingan.
"Roberto kung gano'n." sambit nito ulit na hindi man lang naturn off sa pangalan ng gwapong lalake sa harapan niya. "May girlfriend ka ba?"
Iba din talaga ang mga babaeng 'to na pare-parehong prangka at makakapal ang mukha. Iniisip ko tuloy kung madalas nitong gawin sa kung sinong makakasalubong nilang gwapo.
"Wala." sagot ni Montellano na gustong-gusto rin talaga na napapaligiran at hinahangaan siya ng mga babae. Kinilig lang lalo at nagkapag-asa ang nga babae sa harapan namin kaya di ko napigilang sumingit.
"Wala siyang girlfriend. Pero mga babae, meron at marami. Kung iniisip niyong seseryosohin niya ang isa sa inyo, think again dahil malabo yon." Prangka ko sa kanila nang di na sila umasa pa, pero parang walang epekto sa kanila ang babala ko. Ni hindi nila pinansin ang sinabi ko na parang di nila ako naririnig at wala ako sa harap nila.
Hindi agad umalis ang mga babae tulad ng inaasahan ko. Di natapos ang pag-aaligid nila kay Montellano kaya ako ang di nakatagal at ako na mismo ang dumistansya sa kanila. Tuloy lang ako sa pagliligpit hanggang sa namalayan ko na lang na wala na akong mga kasama sa bookstore. Di ko na mahagilap si Montellano at kahit alin mang anino ng mga estudyante.
Ilang minuto na lang mag-aalas diyes na pero wala pa rin si Montellano. Ayos lang naman sana dahil wala na rin namang nagagawing customer at tumigil na rin ako sa pagliligpit ng libro, kaso inaalala ko lang na baka di siya bumalik sa oras. At yon nga ang nangyari nang pumatak na ang alas diyes at lagpas pa. Sa sobrang pagkainip ko, sinimulan ko ng magsara ng bookstore at naghintay na lang ako sa labas, sa tabi ng kotse ni Montellano, kahit na medyo malamig. Pinaulanan ko ng text messages at tawag si Montellano pero di naman sumagot kaya lalo lang akong nainip. Naiisip kong iwan na lang siya at magcommute pero di ko magawa dahil kahit papaano nag-aalala rin naman ako sa kanya. Baka kung anong ginawa sa kanya ng anim na babae. Malay ko ba kung baka may mga gang iyon at sadyang napagdiskitahan nila si Montellano.
Sa dami ng iniisip kong gagawin, nagdesisyon akong huwag munang umalis. Nagsimula akong maglakad sa kalye at luminga-linga sa paligid habang nagbabaka-sakali na makita ko si Montellano. Pasara na ang mga bahay, tindahan at stall na nadadaanan ko kaya mas lalo lang akong nababahala. Habang tumatagal, sumasama na ang kutob ko sa pagkawala ni Montellano. Baka napaaway na yon sa kung saan lalo na't matalas ang dila niya't hambog na di malayong maging dahilan para masali siya sa gulo.
Sa kakalakad ko, di ko namalayang napalayo na ako ng sobra sa pinanggalingan ko. Mahina rin ako pagdating sa direksyon kaya ako naman ang kinabahan para sa sarili ko nang di na ako sigurado sa kalyeng dinadaanan ko. Di ko maalala kung saan ako eksaktong lumiko, kaya di ko malaman kung paano makakabalik. Mas lumakas ang kabog ng dibdib ko nang mapansin ko ang patay-sinding ilaw ng poste na para bang nanadyang takutin ako. Idagdag pa na walang katao-tao sa paligid kaya mas lalo lang talaga akong natakot. Tuluyan na akong nagpanic at nagsitindigan ang balahibo ko nang may kaluskos akong narinig sa likod ko. Walang lingon akong ginawa dahil mas pinili ko ang tumakbo palayo. Pero bago pa man ako makadalawang hakbang, natisod ako sa isang malaking bato na naging dahilan ng pagkadapa ko. Sumubsob ako sa sahig na sobrang sakit. Tumama ang tuhod ko na pangalawang beses ng nadadapa dahil sa pagkatisod, ang pinagkaiba lang hindi ngayon sinadya at di hamak na mas masakit.
Narinig ko ulit ang kaluskos na tunog na ikinalingon ko na ngayon. Nabawasan ang takot ko nang marealize kong walang multo o kung ano man na dapat kong takbuhan. Isang maliit na puting pusa iyon na mukhang injured ang isang paa na parang pareho ko rin lang. Madumi siya na mukhang napabayaan at palaboy-laboy na lang sa kalye. Ang pusa na rin mismo ang lumapit sa'kin at malambing na dumikit sa'kin.
Hindi ako mahilig sa mga alagang hayop, pero bigla akong naawa kaya dinampot ko siya at kinarga kasabay ng pagtayo ko. Hindi ko na siya binitawan pa dahil mas napanatag lang ako na hindi na ako ngayon nag-iisa. Nagpatuloy ako sa paglalakad bitbit ang pusa kahit na iika-ika ako dahil sa tuhod ko. Yakap-yakap ko siya na nagpapabawas ng takot ko sa madilim na paligid. Mabagal ang kilos ko dahil bawat hakbang ko, napapatigil ako ng ilang sandali sa sobrang sakit ng nararamdaman ko pero sinikap ko pa ring umusad. Natigil ako bandang gitna nang mapansin kong may papalapit na bulto ng tao sa harapan ko, mga limang metrong layo mula sa'kin. Dahil may kadiliman, di ko makita ang mukha niya at kung may naglalaro man sa isip ko, yon ay panganib. Iniisip ko kung paano ako makakatakbo sa ganitong klaseng kalagayan ko sakali man na may gawing masama ang taong papalapit. Awtomatikong pagpikit ang ginawa ko saka nagdasal.
"Saan ka ba nagpupupunta?!" rinig kong sambit ng tao sa harapan ko na ikinadilat ko. Nakahinga ako nang makita kong si Montellano iyon at hindi kung sinong masamang tao na nasa isip ko. "Alam mo ba kung saan-saan ako naghanap sayo?!"
"Ako dapat ang nagsasabi niyan sayo." balik ko. Hindi ko magawang mainis sa kanya dahil na rin siguro sa natagpuan niya ako ngayon. Panigurado kasi na di ko na talaga makukuha ang daan pabalik ng mag-isa. "Mag-aalas onse na, pero wala ka pa. Saan ka ba pumunta kasama ng mga babaeng yon? Di ka man lang nagreply o sumagot sa tawag at text ko."
"Di ko napansin ang tawag mo, dahil nakasilent ang phone ko. Tungkol din sa text mo, di ako makapagreply nang mabasa ko yon dahil wala akong load." sagot niya na salubong ang kilay. Sa'ming dalawa, siya na naman itong mas galit ang tono. "Sana kasi nagcommute ka na lang."
Di maganda sa pandinig ko ang huling sinabi niya. May kung anong tampo akong naramdaman kaya nagbitaw ako ng sagot. "Muntik ko ng gawin yon pero di kaya ng konsensiya ko. Iniisip ko na baka may masamang nangyari sayo. Pero samantalang ikaw, ano? Di mo man lang ako inisip na kanina pa ako naghihintay sayo at parang tangang nag-aalala na baka kung napaano ka na…"
Parang gusto kong kabigin ang pinagsasasabi ko dahil saka ko lang napagtantong parang daig ko pa ang girlfriend kung makapagreklamo sa kanya, kaso wala na… nabitawan ko na. Sana pala, inaway ko na lang siya.
Ilang segundong nakatayo lang sa harap ko si Montellano na walang anumang naibalik na sagot o komento sa sinabi ko. Nakakapanibagong wala siyang pang-inis na bwelta na madalas niyang gawin. Di ko rin mabasa kung anong meron sa ekspresyon ng mukha niya na para bang naputulan ng dila sa maiksing oras.
Mula sa mukha ko, bumaba ang tingin niya sa bitbit kong pusa. "Anong gagawin mo diyan?"
"Kawawa naman. Mukhang wala namang nagmamay-ari sa kanya kaya aampunin ko na lang." sagot ko habang hinihimas-himas ko ang balahibo ng pusa. Parang di rin kaya ng konsensiya ko na iwan na lang ito lamo na't mukhang gutom at giniginaw pa.
Tinignan ako ni Montellano na para bang hindi siya natutuwa. "Iwan mo na lang yan diyan. May ibang tao naman sigurong pupulot niyan."
"Ayoko." pagmamatigas ko. Wala akong balak sundin ang sinabi niya. Kung kailangang makipagmatigasan ako sa kanya hanggang dulo, gagawin ko.
"Hindi ko yan isasakay sa kotse ko!" sambit niya na nakikipagmatigasan rin. "Paano na lang kung dumumi 'yan doon?!"
"Hindi ko naman 'yon hahayaang mangyari, promise." tinaas ko pa ang kanang kamay ko para mangako. Maliit ang tiyansang mapapayag ko siya pero ayoko naman na walang gawin. "Please naman, Montellano. Pumayag ka ng isama natin siya pauwi, ngayon lang naman ako hihiling sayo, pagbigyan mo na ako…"
"Alam mo bang pinakatanga yang gagawin mo. Ba't ba kailangan mo yang pulutin, pwede mo namang pabayaan na lang. Kukuha ka lang ng sakit sa ulo."
"Naaawa lang naman ako sa pusa--"
"Ba't ba kailangan mong maawa diyan? Di mo yan responsibilidad--"
"Bakit ikaw, responsibilidad ba kita? Kung sayo nga na masamang tao, hindi ako nagdalawang isip na tulungan ka, ito pa bang pusa na di hamak na mas anghel kaysa sayo." Wala akong intensyong sumbatan siya pero parang sa ganoong tono rin yon lumabas. Gusto ko mang bawiin ang sinabi ko pero wala na akong magagawa. Hinanda ko na lang ang sarili ko sa masamang balik niya pero sa halip na paninigaw o panunumbat rin ang sinagot niya, nagulat na lang ako nang isang kalmadong boses ang narinig ko mula sa kanya.
"Bahala ka na nga lang kung anong gusto mong gawin. Basta huwag mong sabihing hindi kita pinaalalahanan na isang pagkakamali ang pagpulot na ginawa mo sa pusang yan."
Sandali kong pinroseso ang sinabi niya dahil tiniyak ko muna kung tama ba ang naririnig ko, pero mukhang hindi nga ako nagkamali. Malinaw na pumapayag na siyang isama namin pauwi ang pusang hawak ko. Napangiti ako ng maluwang.
"Tara na nga nang makauwi na tayo." yaya ni Montellano na tinalikuran na ako at nagsimula ng maglakad. Sumunod ako sa kanya pero di ko siya mapantayan dahil sa tuhod ko na nagpapabagal sa mga hakbang ko.
"Hintay…" tawag ko sa kanya na lumingon naman at tumigil. Iika-ika akong naglakad papunta sa kanya na anim na metro din ang layo.
"Ano na namang arte yan?" sambit niya na akala mo naman umaarte lang ako.
"Nadapa ako kanina. Pangalawang beses na akong nadadapa kaya lumala ang lagay ng tuhod ko." paliwanag ko habang patuloy pa rin ang paghakbang ko palapit sa kanya na nakatayo lang at naghihintay sa'kin.
"Dalawang beses? Lampa ang tawag diyan. Tanga rin ang pangalawang katawagan." komento niya na balik na naman sa pagiging matalas ang dila niya.
"Hindi ako madadapa nung unang beses kung hindi dahil sa selosa mong babae. Sinadya ba naman akong tisurin ng Leslie mo dahil lang sa naiissue ako sayo."
Kumunot ang noo ni Montellano. "Si Leslie? Tinisod ka niya?"
"Oo." sagot ko agad na parang nagsusumbong. Di ko mapigilang kilatisin ang reaksyon ng mukha niya. Concern ba siya sa'kin? Pagsasabihan rin ba niya si Leslie tulad ng ginawa niya kay Luke?
"Dapat lang yan sayo." balik ni Montellano na ikinabasag ng kung ano mang pinag-iisip ko. Mukhang isang pagkakamali na isipin kong ipagtatanggol niya ako.
Biglang uminit ang ulo ko sa kanya. Kung kanina kahit anong sabihin niya di ko magawang magalit sa kanya, iba na yon ngayon. Madaling umakyat sa tuktok ang inis ko sa kanya dahil sa kasagutan niyang iyon.
"Anong sabi mo?!" sita ko sa kanya sa naiinis na tono. Isang maling sagot lang niya sa tanong ko, siguradong pauulanan ko siya ng sigaw. Pero hindi sumagot ng kung ano pang salita si Montellano. Sa halip na ibuka pa niya ang bibig niya, nalito na lang ako nang tinalikuran niya ako saka yumuko.
"Anong ginagawa mo?" tanong ko na may pagtataka.
"Sumakay ka na sa likod ko dahil walang ibang paraan para makauwi tayo sa dapat nating uwian!" sagot niya na ikinabigla ko.
"Paaangkasin mo ako sa likod mo?" pag-uulit ko na ikinalingon sa'kin ni Montellano.
"Tanga ka ba para di maintindihan ang sinabi ko? Kailangan ko pa ba talagang ulitin?"
Hindi ko na hinintay pang mapikon siya kaya umangkas na ako sa likod niya. Hindi talaga siya ang klase ng taong araw-araw na gumagawa ng kabutihan, kaya parang isang himala lang talaga para sa'kin na masaksihan 'to ngayon.
"Ilayo-layo mo nga ng konti ang pusang-gala na yan sa pagmumukha ko…" reklamo agad ni Montellano. Di ko kinalimutang bitbitin pa rin ang pusa kaya iilan lang ang agwat nito sa kanya. Tinatapik niya ang pusa sa tuwing aksidenteng napapalapit ang balahibo nito sa mukha niya.
"Huwag ka ngang malupit kay moonie. Nasasaktan din yan tulad nating tao." di ko mapigilang pagalitan siya na parang bata.
Isang pahapyaw na tawa ang narinig ko sa kanya. "Moonie?" Malinaw na pang-iinsulto ang pagkakatanong niya. "Pinangalanan mo talaga yan?"
"Oo. Kaysa naman sa pusang-gala lang ang lagi mong itatawag sa kanya." Nagpipigil rin ako ng tawa. Ang totoo sa kanya ko hinango ang pangalan ni moonie, pero di ko na siguro kailangan pang sabihin sa kanya dahil baka pagmulan pa namin ng away.
Ngayon ang isa pang patunay na may natatago talagang kabaitan si Montellano. Hindi lang talaga siya marunong magpakita no'n pero sa mga ganitong pagkakataon, lumalabas rin naman. Ito ang pangalawang beses na umangkas ako sa likod niya, at kung ikukumpara sa una, may mga nagbago na rin naman sa'ming dalawa. Hindi na kami madalas magtalo tulad noong una, ni hindi na rin nga kumukulo ang dugo ko sa kanya, at yon ay dahil sa medyo alam ko na rin naman kung paano siya pakikisamahan.
"Nagkaroon ka na ba ng kahit anong alagang hayop?" basag ko sa katahimikan namin habang di pa kami nakakarating sa kotse.
"Wala kahit isa." sagot niya.
"Ako din naman. Gusto ko magkaaso o pusa pero hindi pwede. Bawal sa bahay, kasi may allergy si mama sa mga mabalahibong hayop." Nakatitig ako sa magiging reaksyon niya dahil isa lang ang ibig sabihin ng sinabi ko.
Lumingon nga siya agad sa'kin na salubong ang mga kilay. "Kung gano'n saan mo balak patirahin ang pusang-galang yan? Huwag mong sabihing…"
"Please, Montellano..." maagap na dugtong ko sa nagmamakiusap na namang tono. "Wala talagang mapagpipilian kundi sayo. Pumayag ka na, please…"
Narating din namin ang kotse niya. Binaba niya ako kaya malinaw ko ng nakikita ang reaksyon niya na hindi na naman natutuwa. "Hindi ako mag-aalaga niyan. Magkakalat lang yan at magdudumi kung saan. At anong ipakakain ko diyan? Siguradong sakit sa ulo lang yan."
"Sinisuguro kong hindi." pag-aagap ko. "Ako ang bahala sa kanya. Ako ang magpapakain, at mag-aalaga. Di ka niyan guguluhin, promise."
Nakasimangot pa rin si Montellano na mukhang malabo kong mapapayag. Binuksan na niya ang kotse saka bumitaw ng salita. "Ayoko. Mabuti pang iwan mo na lang yan dito. Huwag na huwag mo yang isasakay sa kotse ko."
Tuluyan ng nabura ang pag-asa ko. Pinal ang tono ng boses ni Montellano na mukhang hindi na basta-basta magbabago. Pumasok siya ng kotse, saka binaba ang salamin ng bintana para magsalita. "Pumasok ka na at iwan yan."
"Pero--"
"Pasok na." hindi na niya ako hinayaan pang magsalita. "Wag na 'wag mong isasakay yan."
Sa mukha pa lang ni Montellano, alam kong sagad na ang pasensiya na kaya alam kong kahit anong pagpipilit ko, di ko na siya mapapapayag pa. Napunta kay moonie ang tingin ko, sinubukan kong bitiwan siya pero di talaga kaya ng konsensiya ko. Nadadala ako sa mga mata niya na para bang nakikiusap na huwag ko siyang abundanahin.
Mula sa pusa, inangat ko ang tingin ko kay Montellano. "Magcocommute na lang ako kung ayaw mo siyang isakay."
"Nababaliw ka na ba?" Di makapaniwalang sambit niya na parang ako na ang pinakatangang tao na inuuna ang isang palaboy na pusa kaysa sa sarili ko. "Sigurado ka na ba diyan? Aalis na ako…" Nananakot ang tono ng boses niya.
Malalim na ang gabi kaya alam ko kung gaano na ngayon kadelikado na magbiyahe mag-isa. Nilunok ko ang pagdadalawang-isip ko at nagsalita. "Sigurado ako dahil di talaga kaya ng konsensiya ko na iwanan 'to dito mag-isa."
Matagal kong tinitigan si Montellano, umaasa pa rin akong magbabago ang isip niya pero nawala rin agad nang sinimulan na niyang buhayin ang makina. "Kung 'yan ang desisyon mo, wala akong magagawa."
Bumagsak ang mukha ko sa huling sinabi niya saka tuluyan na talaga niyang pinaandar ang sasakyan paalis. Habang natatanaw ko ang papalayo niyang kotse, parang gusto kong maiyak. Naiinis ako sa sitwasyon ko ngayon na hindi makapaglakad ng maayos. Anong oras ako makakauwi nito sa bahay sa ganitong kondisyon?
"Hayaan mo, makakauwi rin tayo…" sambit ko kay moonie. Isa pang problema ko ay kung saan ko siya iuuwi. Siguradong di rin talaga siya papayagan ni mama sa bahay.
Nagsimula na akong maglakad sa mabagal na paraan. Nakikisabayan rin ang lumalamig na gabi para makaramdam ako ng panggiginaw. Malas ko rin lang kung maabutan ako ng ulan dahil rinig ko ang pagkulog na mukhang nagbabadya ng masamang panahon sa mga oras na 'to.
Sinubukan kong bilisan ang hakbang ko pero mas nararamdaman ko lang ang matinding pananakit ng tuhod ko. Napapatigil ako ng ilang beses para magpahinga dahil di ko rin talaga natitiis ang sakit.
Mahina ang loob ko sa mga ganitong sitwasyon kaya di na ako nagugulat pa sa sarili ko kung nakakaramdam na naman ako ng pag-iyak. Pero bago pa man magsibagsakan 'yon, isang busina ang nagpaangat sa'kin ng tingin at nakita ko ang parehong kotse kanina.
Gumuhit ang ngiti sa mukha ko pero agad ko ring binawi dahil hindi ako nakakasiguro kung bumalik siya para pasakayin ako. Baka tulad lang 'to noong dati na bumalik siya para ibigay ang naiwan kong bag sa kotse niya, kaya hindi ako gumalaw sa kinatatayuan ko hangga't wala siyang sinasabi. Hinintay ko ang sasabihin niya, pero mukhang pareho kaming naghihintayan dahil walang nagsalita sa'min sa dumaang segundo.
"Ano pa bang tinatayo-tayo mo diyan? Sumakay na nga bago pa magbago ang isip ko." sambit niya sa naiinis na paraan.
Di pa rin ako kumilos. "Pero di ko nga maiiwan si moonie--"
"Isakay mo na rin nga siya. Tanga ka ba na hindi makaintindi?!" Nang-iinsulto at naninigaw man ang pagkakasabi niya, lumuwang ang guhit na ngiti sa mukha ko.
Naglakad ako palapit sa sasakyan niya pero tumigil rin ako bago ko pa man mabuksan ang pinto. May isang katanungan pa kasing naiwan sa utak ko. "Payag ka na rin ba na sa'yo ko iuuwi si moonie?"
Napapalunok ako sa katanungan ko dahil matagal bago sumagot si Montellano. Narinig kong nagpakawala muna siya ng buntong hininga bago sunagot. "Oo na. Sakay na nga. Bilis!"
Para akong nabuhayan ng sobra sa narinig ko. Gusto ko ng maniwala na tinutubuan na ng pakpak ang isang Drew Montellano.
May kung anong supot ng plastic siyang binigay sa'kin pagkapasok na pagkapasok ko sa loob. "Ano 'to?" tanong ko habang binubuksan iyon. Pagkain ang bumungad sa mata ko nang maalis ko ang takip.
"Pagkain 'yan. Sobra-sobra ang inorder nung mga estudyante kanina kaya tinake-out ko na."
Nagtake-out siya para sa'kin? Iniisip at may pakialam rin pala sa'kin ang lalakeng 'to. Sa halip na magpasalamat, iba ang lumabas sa bibig ko. "Nagpalibre ka sa mga estudyanteng 'yon?"
"Sila ang nagpilit, bakit ba? Gutom na ako, tatanggi pa ba ako? Magpasalamat ka na nga lang dahil may libreng pagkain ka." balik sa kunot na noo at salubong na kilay ang mukha niya. Gusto ko tuloy pagsisihan ang komento ko.
"Salamat, Roberto." sambit ko pambawi.
--------😹--------
Say hi to moonie & montey...
Sila talaga ung love team. Hahah.
Team #moontellano
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top