Oh 4
K A B A N A T A 4:
Dahil ako ang may pinakamalayong bahay, ako ang huling maihahatid ni Brent habang nauna ng binaba si Alexa sa bahay nito.
"Sige... Salamat Brent. Bye Mira." Pagpapaalam ni Alexa na isang beses lang kumaway saka tumalikod para pumasok ng bahay.
Kahit hindi ganoon kaliwanag ang paligid, kitang kita ko kung paano titigan ni Brent ang kaibigan namin. At sa mga oras ring 'yon, muling nakaramdam ako ng selos. Ngayong alam ko ng may gusto si Brent kay Alexa, hindi ko mapigilang mainggit.
Boyish si Alexa at hindi mapag-ayos sa sarili 'di tulad ko. Pero kahit na gaano siya kasimple o walang kaayos-ayos sa katawan, hindi naman talaga makakaila ang kagandahan nito na may dugong german na nakuha nito sa di pa nakikilalang dayuhang ama.
"Hindi pa ba tayo aalis?" tanong ko kay Brent na parang wala pang balak kumilos.
Mula sa kawalan, nalipat ang malalim na pagkakatitig niya sa'kin. Sa ginawa niyang iyon, parang gusto kong matunaw na lang sa epekto niya.
"Ba-bakit?" nauutal na tanong ko habang ramdam ko ang malakas na tibok ng puso ko. Sa tinagal-tagal naming magkaibigan, hindi man lang nawawala o pumapalya ang ganitong klaseng epekto niya sa'kin.
"Mira.." hindi pa rin inaalis ni Brent ang tingin sa'kin. "May.. may tatanungin sana ako sayo.. May alam kaba sa kung sino ang mysterious kisser kaninang Lights off Kiss?"
Mula sa malakas na kabog ng puso ko kanina, bigla't biglang nauwi sa halos parang pagtigil nito. Hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong na 'yon na parang magbibigay sa'kin ano mang oras ng heart attack.
"W-wala. At la-long hi-hindi ko a-lam." Nagkabuhul-buhol na ang salita ko na animo'y nagsisimula palang matutong magsalita.
Biglang parang mas may namuong pag-asa kay Brent dahil sa nakikita niyang reaksyon ko. Sa pagkaka-utal ko, mukhang nahuhulaan niyang nagsisinungaling ako.
"Mira.." pagpapatuloy ni Brent sa nakikiusap na tono. "Kung.. kung si Alexa 'yon, pwede bang aminin mo na lang sa'kin... Si Alex ba?"
"Hindi! Hindi siya." Agarang sagot ko. Ayaw kong isipin niyang si Alex 'yon, dahil hindi naman talaga. Dahil ako 'yon.. Pero mas lalong hindi ko naman ibubuko ang sarili ko. Hinding-hindi.
"Come'on Miranda..." Kahit anong tigas ng pagtanggi ko, parang nabuo na sa isip ni Brent na tama ang sarili niyang hinala. "Hindi mo na kailangan pang magsinungaling o pagtakpan siya. I knew it. Siya talaga yon... 'Diba?"
Isang ngiti ang gumuhit sa mukha ni Brent kahit wala naman akong sagot na binigay sa kanya.
"Naiintindihan ko kung pinagtatakpan mo man si Alex. Pero kung ang inaalala mo na pwedeng magalit siya sayo, don't worry Mira, hindi ko sasabihing alam ko na. Magpapanggap ako na walang alam."
Isang napakaseryosong mukha ang ipinakita ko kasabay ng pag-iling. Babawiin ko ang maling akalang lumason sa paniniwala nito.
"Makinig ka Brent," sinalubong ko ang tingin niya saka nagpatuloy sa kalmadong tinig. "..nagkakamali ka. Ako na mismo ang nagsasabi sayo na hindi yun si Alex dahil napaka-imposible. Wala siyang gusto sayo.. dahil may ibang nagugustuhang lalake si Alex.. at yun rin ang dahilan kung bakit wala siya kanina sa countdown.. kasama niya ang lalakeng 'yon.. Ayaw nga lang ipaalam ni Alex ang tungkol sa kanila."
Walang katotohanan ang mga pinagsasabi ko, pero sa mukha ni Brent mukhang napaniwala ko din siya kahit papaano. Halatang bumagsak ang panga nito na parang ayaw tanggapin ang narinig.
"Totoo ba ang sinabi mo?"
Napalunok muna ako bago tumango. "Oo.. Pero sana huwag mo na lang sabihin kay Alex na sinabi ko sayo ang mga bagay na 'to. Alam mo namang masyado siyang malihim at siguradong magagalit siya sa'kin kapag nalaman niyang pinangunahan ko siya."
"Nagsasabi ka ba talaga ng totoo, Miranda?"
"Oo. Pero kung ayaw mong maniwala, nasa sayo na 'yan." Walang kakurap-kurap na saad ko para mas maging kapani-paniwala.
"Brent, pwede bang ihatid mo na ako sa bahay.. Malapit ng sumikat ang araw, at ako ang mapapahamak sa'min kapag nalaman ng magulang ko na wala pa ako sa bahay sa ganitong oras."
Ang sinabing kong 'yon ang nagpakilos kay Brent para buhayin na nito ang makina ng sasakyan at ihatid ako sa bahay.
Nakahinga ako ng maluwag nang abutan kong sarado ang ilaw ng bahay namin nang maihatid din ako ni Brent. Kung nagkataong bukas kasi ito sa ganitong klaseng oras, nangangahulugan lang na nabuko na nila ako sa pagtakas sa bahay.
Bago pa man ako makababa ng sasakyan, tinawagan ko muna ang kapatid kong si Emee na siyang inaasahan kong magbubukas sa'kin ng pinto para makapasok ako sa bahay. Pero sa ilang beses kong pagcontact sa kanya, hindi man lang ito sumagot sa bawat ring.
"Bakit? Hindi ba sumasagot si Emee?" tanong ni Brent na nababasa sa mukha ko ang kasagutan.
"Mukhang mahimbing ang tulog." Naiinis na sambit ko. Ilang beses ko kasing pinaalalahanan si Emee sa kasunduan naming pagbubuksan niya ako ngayong madaling araw. "Paano na ako makakapasok nito?"
"Doon ka na lang kaya dumaan sa bintana ng kwarto mo..." suhestiyon ni Brent na parang hindi magandang ideya.
Nasa ikalawang palapag ang kwarto ko, kaya hindi ko alam kung posible bang magawa kong makaakyat na walang super power tulad ng kay Spider man.
"Wala akong pakpak, Brent. Hindi ko malilipad ang bintana ng kwarto ko." Pabiro kong sabi. Hindi naman ganoon kataas ang bintanang papasukan ko, pero parang imposible pa rin lalo na't wala akong talento sa akyatan.
"Sinong nagsabing kailangan ng pakpak para makalipad? Si Superman ba may pakpak?" balik sa'kin ni Brent.
"Pero may super power naman siya. Meron ba ako n'yon?"
"Wala. Pero meron ka namang Brent na kamukha si Superman."
Ngiti ang naging sukli ko sa sinabi niyang iyon. Sana nga akin ka na lang Brent.
"So, ano ngang plano mo Brent?"
Sa halip na sumagot, bumaba siya ng sasakyan. Napasunod na rin lang ako sa kanya.
"Anong ginagawa mo?" tanong ko sa kanya na binuhat ang malapad na mesang kahoy at sumampa roon. "Huwag mong sabihing?"
"Gaya ng sabi ko kanina, dito ka dadaan." Sagot niya na nakaturo ang mga mata sa bintana. Nilahad niya ang mga kamay niya sa'kin.
Mag-aalinlangan pa sana ako pero mukhang wala na rin namang ibang paraan. Kailangan ko ng makapasok sa loob ng bahay. Dalawang oras na lang ang natitira bago magising ang mga magulang ko. Kaya bago pa man mangyari 'yon, lumapit na ako kay Brent at tinanggap ang tulong niya.
Sa minutong nagtagpo ang kamay ko at kamay ni Brent, naramdaman ko ulit ang pamilyar na pintig ng puso ko na sadyang bumibilis lang para sa kanya.
"Ba't ang lamig ng kamay mo?"
"Siyempre, malamig dito sa labas." Palusot ko kahit na ang totoong dahilan ng panlalamig ko ay ang kabang sumusulpot sa tuwing napakalapit ko sa kanya. "Ano ng gagawin natin?"
Parehas na kaming nakasampa sa mesa, pero wala pa rin akong ideya sa kung paano ako makakapasok ng bahay. Hanggang sa paupong yumuko si Brent saka nagsalita.
"Sumakay ka sa batok ko." Utos niya na ikinangiti ko ng palihim.
Kung alam lang niya kung gaano ako lihim na kinikilig. Natutuwa ako sa effort na ginagawa niya na matulungan akong makapasok ng bahay na hindi nabubuko ng magulang ko.
Walang salitang sinunod ko ang utos ni Brent. Hinawakan ko ulit ang kamay niya bilang suporta sa pagsakay ko sa batok niya.
Mas lalo akong kinabahan, hindi dahil sa takot na mahulog kundi dahil sa muling contact naming dalawa.
"Tatayo na ako." Pagpapaalam sa'kin ni Brent para ihanda ako sa dahan-dahan niyang pagtayo habang sakay pa rin ako. "Sumunod ka lang sa sasabihin ko."
"Okay." Tugon ko na nakahanda sa susunod niyang sasabihin.
"Ngayon," muling saad ni Brent sa putol na boses na para bang nahihirapan sa kabigatan ko. "..dahan-dahan kang tumayo sa balikat ko, Mira."
"Ano? Paano ko 'yon gagawin?" reklamo ko. Nakaupo nga lang ako sa batok niya para na akong madadala ng hangin, paano pa kapag tumayo ako.
"Hahawak ka lang sa mga kamay ko sa pagtayo mo, at kapag nagawa mo na, aabutin mo lang ang bintana. Napakadali lang nito, Mira..."
"At paano naman 'yon naging madali para sa'kin—"
"Mira trust me, okay? Di kita pababayaang mahulog. Kung mangyari man, I'll catch you."
Para akong hindi makapaniwala sa narinig ko. Alam kong normal lang na lumabas 'yon sa bibig ng isang kaibigan na tulad niya, pero parang ang sarap lang na pakinggan at magpantasyang ibang pakahulugan iyon.
Kaya kahit na nagdududa ako sa sarili kong kakayahan, nagkaroon ako ng lakas ng loob na sundin si Brent sa inuutos niya.
Dahan-dahan kong pinuwesto ang kanang talampakan ko sa balikat ni Brent saka sinunod ang kaliwa habang mahigpit na humahawak sa magkabilang kamay niya.
Sa ilang segundo lang, nagawa ko ring tumayo ng paunti-unti sa kabila ng pangangatog ng tuhod ko.
"Bitawan mo na ng isang kamay ko, Mira..." utos muli ni Brent na halatang bigat na bigat na sa'kin. "At kumapit ka sa kaharap mong bintana."
Mahirap man dahil sa takot na mawala ako sa balanse, pero ginawa ko pa rin. Sunod ko na lang na naramdaman, papasok na ako ng bintana na nauna ang ulo.
Sa minutong nasa loob na ako ng kwarto ko na buhay, sumilip ulit ako sa bintana para magpasalamat kay Brent.
"Thank you, Brent!" pasigaw na bulong ko. Napansin ko ang makailang ulit niyang paghawak sa batok at balikat niya na parang chinecheck kung buo pa. "Sorry din sa kabigatan ko. Okay ka lang?"
Ngumiti siya at tumango. "Kahit parang nalasug-lasog ang buto ko sa balikat, ayos lang ako, dahil alam ko namang susuklian mo ang kabutihang ginawa ko sa'yo."
Natawa na lang ako. "At anong gusto mong kapalit?"
"Simple lang naman." Muling sagot niya. "Tutulungan mo ako kay Alex..."
Nawala bigla ang hagikhik ko ng tawa. Magsasalita sana ako para tumutol pero hindi niya ako binigyan ng pagkakataon.
"Tutulungan mo Mira, sa ayaw at sa gusto mo. Sige, goodnight." At tinalikuran na niya ako.
Naiwan akong nakatanga sa bintana habang pinagmamasdan siyang umalis palayo.
Parang gusto kong pagsisihan ang ginawa kong paghalik kay Brent. Sa halip kasing maging masaya at makontento ako, parang mas nalungkot lang ako sa nalaman kong may pagtingin si Brent kay Alex. Para kasing mas matatanggap ko pa kung ibang babae 'yon.
At ang masaklap pa, ako ngayon ang magiging tulay?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top