Oh 38
K A B A N A T A 38:
Tulad kahapon sa kwarto ko na naman nakitulog si Montellano. Wala akong lakas na ipagtulakan at sipain siya palabas dahil umiral na naman ang awa ko lalo na't may sakit siya. Medyo sumasakit na ang katawan ko sa sahig pero tiniis ko na lang dahil huling beses na rin lang naman na mangyayari to.
"Sigurado ka ba na tutuloy ka pa roon sa bar na sinasabi mo?" tanong ko kay Montellano na mukhang hindi magpapapigil. Di ko tuloy maiwasang mag-alala dahil sa kondisyon niya na halatang nananamlay pa rin.
Humakbang siya palapit sa bintana at tumigil para sagutin ako. "Tutuloy ako ano man ang mangyari. Uuwi na muna ako para makapagbihis." Pagkasabi niyang iyon, walang hirap na tumalon siya palabas ng bintana. Agad akong sumilip para tignan siya at sundan ng tingin, nakahinga naman ako ng maluwag nang malaman kong ayos naman siyang lumanding sa kabila ng ng kondisyon ng katawan niya.
Hanggang ngayon, di ko pa rin alam kung anong napasukan niyang trabaho sa bar dahil di pa rin niya sinasabi sa'kin. Kaya kung di man ako mapakali, yon ay dahil sa mga kung ano-anong pumapasok sa isip kong gagawin niya roon. Sana lang talaga disente ang lugar na 'yon.
Ilang beses akong nagpabalik-balik sa kwarto ko dahil sa pag-iisip kung anong dapat gawin. Sa huli, nagbihis na rin ako at pumunta kay Montellano. "Sasama ako sa'yo…" sambit ko sa pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto niya.
Nangunot ang noo niya. "Huwag na. Ano naman ang gagawin mo roon?"
Mas lalo lang akong naghihinala sa pagpipigil niya sa'kin na sumama. "Titignan ko lang kung disenteng trabaho ang napasukan mo."
Tinignan niya ako ng masama. "Pwede ba, hindi kita magulang para bantayan pa ako. Alam ko kung anong ginagawa ko at di ko ipapahamak ang sarili ko."
"Hindi ipapahamak ang sarili? E, tignan mo ngayon ang itsura mo, nananamlay at nanghihina ka pa. Uminom ka na ba ng gamot?"
Sa halip na sumagot, nilagpasan niya ako palabas ng pinto. Ako naman ang nangunot ang noo. "Aalis ka na ba? Di'ba alas sais pa ang pasok mo?"
Tumigil siya at lumingon sa'kin para sumagot. "Mas mabuti ng maaga nang makarami ako ng customer."
Napauwang ang bibig ko sa huling binitawan niyang salita bago siya tuluyang umalis. Naiwan akong di makapaniwala sa parang kompirmasyon lang na narinig ko. Kaya sa halip na magpaiwan at walang gawin, sinundan ko siya ng palihim. Hindi niya ginamit ang kotse niya na nakakapagtaka lang, pero naisip ko rin na mukhang dahil iyon sa hindi siya makapagmaneho ng maayos dahil sa masakit niyang braso. Sumakay siya ng bus kaya mas naging madali sa'kin ang pagsunod sa kanya. Parang gusto ko siyang ipagmalaki sa mga oras na iyon dahil sa'kin lang naman niya natutunan kung paano magcommute. Matapos ang maikling minutong biyahe, tumigil din ang bus, at bumaba roon si Montellano na sinundan ko rin agad mula sa paglalakad hanggang sa huminto siya sa tapat ng isang bar.
Hindi agad ako nakasunod dahil hindi pa open ang bar para sa mga customer. Kaya hinintay ko pang magdilim bago iyon bumukas at magpapasok ng mga tao.
Sa oras na pumasok ako, wala akong ibang ginawa kundi ang luminga-linga. Inoobserbahan ko kung anong klaseng bar ang pinasukan ko. Malaki at matao ang una kong napansin. Napapalunok ako habang natatanaw ko ang isang malaking enteblado sa harapan na di ko mapigilang pag-isipan ng masama. Doon kaya gigiling si Montellano? Marunong ba siyang sumayaw? Anong gagawin ko sa oras na makita ko siya roon na halos walang saplot, hihilahin ko ba siya palabas? Napapalunok na lang ako. Sumasakit ang ulo ko sa pinag-iisip ko. Baka naman, isang waiter lang naman si Montellano, o dishwasher, o bouncer o kung ano mang disenteng posisyon kaya wala naman siguro akong dapat ipag-alala.
Umupo ako ng maayos at luminga ulit sa paligid. Hindi nakakatulong ang background music para kumalma ako, dahil may pagkasexy ang bawat beat na iyon na nababagayan ng paggiling na sayaw. Tinignan ko ang mga dumarating na tao. May ilang mga grupo, at may mangilan-ngilan na lalake, pero mas marami ang mga babae na mukhang pinakamag-eenjoy sa palabas kung sakali mang tama nga ang hinala ko.
Magandang lalake si Montellano, idagdag pa na pasado din ang katawan niya sa mga mga mata ng mga manonood. Siguradong makakarami siya ng kita sa unang gabi niya, pero 'yon ay kung di ko siya pipigilan. Pipigilan ko pa ba siya? Hahayaan ko ba siyang gawin niya 'to sa sarili niya dahil lang sa pangangailangan sa pera?
Nasa kalagitnaan ako ng pagtatalo sa sarili nang biglang may magsalita na sa harapan na parang host nitong gabi. Muntik ko pa iyon mapagkamalang babae dahil sa sobrang sexy na hindi naman talaga aakalaing isang bakla. Marami siyang pagpapatawang sinabi bilang pagbati sa mga taong pumunta ngayong gabi, pero hindi ako masyadong nakinig dahil abalang ginalugad ng mga mata ko ang paligid baka sakaling makita ko si Montellano na nagseserve ng pagkain, pero wala talaga. Nang may isang waiter na lumapit sa'kin para kunin ang order ko, sinamantala ko na ang pagkakataon para tanungin siya.
"Kuya, may kilala ka bang Monte-- Drew na nagtatrabaho rito?" Iling ang sinagot sa'kin ni kuya waiter kaya sinubukan ko pang magtanong. "Kakaumpisa lang niya ngayong araw mismo. May itsura siya, maputi, kasing tangkad mo kuya."
"Ah, yong lalakeng tinanggap agad ni Boss kahapon." sagot ni kuya na nakunan ko rin ng matinong sagot. Umaliwalas agad ang mukha ko para magtanong ulit.
"Siya nga. Nasaan siya? At ano bang trabaho niya dito?" diretsahan ko ng tanong habang sa likod ng utak ko nagdarasal na sana mali ang kutob ko.
"Sorry Miss pero magseserve pa ako." Sagot niya sa'kin na mukhang naaabala ko na rin pala. Pero mukhang napansin naman niya ang paglukot ng mukha ko kaya nag-iwan siya ng huling salita bago tuluyang umalis. "Ang alam ko, siya ang unang magpeperform ngayon."
Natigalgal ako sa sinabi ni kuya na mukhang kumumpirma lang naman sa hinala ko.
Di ko alam kung gaano katagal na nawala ang atensyon ko sa unahan dahil di ko namalayang nagpapakilala na pala ang host sa unang magpeperform. Hindi ko malinaw na narinig ang sinabi niya, sunod ko na lang na napansin ay ang unti-unting pagbukas ng entablado na may pagkadramatic. Kinabahan tuloy ako sa taong lalabas roon lalo na't alam ko ng si Montellano ang unang sasalang. Napapikit ako dahil di ko alam kung anong dapat asahan. May saplot ba siya? Gaano ba 'yon kaiksi? Gigiling-giling ba siya?
Natigil ang imahinasyon ko nang marinig ko ang umpisa ng music. Nakapikit pa rin ako habang bakikiramdam. Hindi 'yon sexy music o kung ano man na laman ng isip ko kundi tunog ng gitara. Unti-unti akong napamulat ng mata dahil roon, at di ko inaasahang disenteng Montellano ang makikita ko sa entablado. Parang tumigil ang mundo ko habang nakikita ko ang ibang version niya na malayong-malayo sa kilala kong siya. Nasa kanya ang spotlight habang nakaupo siya sa sentro ng stage na may hawak na gitara. Ni hindi ko alam na marunong siyang tumugtog no'n. Ang swabe ng intro niya na masasabi kong sanay na sanay sa paglaro ng string ng gitara. Mas lalo lang akong natulala na hindi makapaniwala nang magsimula na siyang kumanta. May kung anong lalim sa boses niya na may kakayahang komonekta sa mga nakikinig. Tumataas ang balahibo ko sa galing niya, at alam kong hindi lang ako ang nakakaramdam no'n dahil maging mga nanonood sa paligid ay parehong-pareho ko na napapanganga na lang.
Matapos ang buong kanta, ramdam ko ang pagkabitin na parang gusto kong sumigaw para humiling ng isa pa, pero ibang tao ang gumawa no'n para sa'kin dahil narinig ko na lang na may mga nakikiusap ng manonood na kumanta pa si Montellano at pinagbigyan nga niya ang lahat. Habang kumakanta ulit siya, di ko mapaliwanag ang saya na para bang gusto ko siyang ipagmalaki sa lahat na kaibigan ko siya.
Nang tuluyan ng matapos ang pagkanta ni Montellano, sinubukan ko siyang sundan sa backstage pero di ako makapasok dahil bawal ang ibang tao roon. Gustuhin ko mang tawagan si Montellano para ipaalam na hinihintay ko siya, pero di ko magawa dahil nalaman ko rin lang na hindi ko nadala ang phone ko.
Dahil walang ibang paraan para makita ko si Montellano, nagtiyaga na lang akong hintayin siya sa labas. Nasa tapat ako ng mismong pinto habang iniisa-isa ang mukha ng bawat lalabas roon. Mag-aalas nuwebe na nang makita ko ang mukha na siyang inaabangan ko simula pa kanina. Nawala ang pagkabagot ko at agad akong lumapit sa kanya.
"Monteee…" sigaw ko na lumabas na lang sa bibig ko. Parang bigla akong nagtransform sa pagiging fangirl. Di ko mapigilan ang excitement. Gulat na napatingin siya sa'kin.
"Anong ginagawa mo dito? Paano mo nalaman na nandito ako?"
Ngumiti ako sa nakakalokong ngiti. "Sinundan kita, akala ko kasi talaga, dancer ka dito."
Umiling siya at nilagpasan lang ako para magpatuloy sa paglalakad. Nakasunod rin lang ako sa kanya habang di pa rin mawala ang mga ngiti sa pisngi ko. Ni hindi ko mapigilang dumaldal. "Alam mo bang napanood kitang kumanta. Ang galing mo! Ba't di ko alam 'yon?! Ibang level ang boses mo. Parang gusto ko ngang tumambling do'n sa sobrang galing mo. At nang tignan ko ang reaksyon ng mga tao ro'n, sobrang mangha rin sila tulad ko…"
"Yong boses mo kasi sobrang soulful. Para kang nagbubuga ng hiniwang sibuyas na may kakayahang paiyakin ang mga nakikinig. Pwede ka bang kumanta ngayon? Gusto kong marinig ka ulit kumanta!" Paakyat na kami sa bus pero tuloy pa rin ang pangungukit ko sa kanya, saka rin lang ako natigilan nang mapansin kong hindi na diretso ang lakad ni Montellano na parang matutumba ano mang oras. Agad akong umalalay sa kanya.
"Okay ka lang?" tanong ko kahit halata naman na hindi. Ramdam ng kamay ko na nakahawak sa balat niya kung gaano na naman siya kainit. Mukhang bumalik ulit ang lagnat niya na tiniis rin lang niya mairaos lang niya ang unang performance. Kaya pala kanina pa siya walang imik.
Inakalayan ko siyang umupo. Buti na lang talaga nakasakay na kami sa bus, dahil di ko alam kung paan siya bubuhatin kung kaninang sa daan 'to nangyari. Namumutla siya't nanghihina. "Ano bang nararamdaman mo? Masakit pa ba ang likod mo? Dadalhin na ba kita sa ospital?"
"Huwag na. Nahihilo lang naman ako." sagot niya saka sumanday sa balikat ko. Di na ako umalma pa dahil alam kong kailangan niya ng masasandalan.
"Itulog at ipahinga mo na lang muna 'yan. Gigisingin na lang kita mamaya." sambit ko. Di ko alam kung paano ako makakatulong para maging komportable siya hanggang sa naisip kong marahang haplusin ng paulit-ulit ang buhok niya, pero di pa man humahaba ng isang minuto, hinablot niya ang kamay ko para pigilan iyon.
"Stop it." sita niya na ikinatigil ko na rin. Nanahimik na rin lang ako buong biyahe hanggang sa makarating kami nang apartment niya.
Inasikaso ko siya, pinainom ng gamot, pinahiga at nilagyan ng basang bimpo para bumaba ang lagnat niya. Hindi ako nakauwi dahil nakakakonsensiya namang iwan siya mag-isa. Namalayan ko na lang na nakatulog na ako sa pagbabantay, at nag-uumaga na nang magising ako. Napanatag naman ako nang makapa kong bumaba na ang lagnat niya, yun nga lang, mukhang di siya makakapasok ngayon sa school dahil siguradong mabibinat na naman siya. Kailangan niya ang mahabang pahinga.
Maliwanag na nang iniwan ko si Montellano para makauwi rin ako sa bahay. Gising na si mama na siyang naghahanda ng agahan araw-araw kaya eksakto rin lang na bukas na ang bahay at di ko na kailangan pang magpakahirap na dumaan sa bintana ng kwarto ko. Maingat ang bawat galaw ko papasok na matagumpay naman na hindi nahuhuli.
Naligo, nagbihis at nag-asikaso ng sarili para sa pagpasok. Sa pagbaba ko sa kusina, hindi ako kumain dahil minabuti ko na lang na ilagay 'yon sa lunchbox saka dumaan ako ulit kay Montellano. Gisung na siya nang maabutan ko, pero nakahilata pa rin.
"Huwag ka na munang pumasok ngayon. Ako na ang bahala magsabi sa mga teachers mo na may sakit ka." sabi ko habang nilalabas ko ang lunchbox at nilapag iyon sa mesa. "Ito na ang agahan mo, at hapunan mo na rin dahil dinamihan ko na ang kanin at ulam na kinupit ko sa bahay. Huwag mong kalimutang uminom ng gamot pagkatapos mong kumain."
Wala akong narinig na anumang salita mula kay Montellano kaya di na rin ako nagtagal pa. Nagpaalam na rin ako agad at pumasok sa school. Habang papasok, saka ko lang nagawang masilip ang cellphone ko na buong maghapon at magdamag kong hindi nahawakan. Puno iyon ng miscalls mula sa barkada, pinakamarami ay kay Brent. Napaisip ako kung bakit o kung anong meron kahapon, at napatapik na lang ako sa sarili kong noo nang maalala ko na birthday nga pala ng kapatid ni Brent.
"Nasaan ka kahapon? Ba't di mo sinasagot ang tawag namin?" Usisa sa'kin ni Alex nang sumapit ang lunchbreak. Akala ko di na 'to mauungkat pa, pero mukhang mali ako. Napapalibutan ako ng tingin ng apat na naghihintay ng sagot ko.
"Nawala sa isip ko." sagot ko na dumulas na lang sa bibig ko. Huli na nang maisip kong sana nagbigay na lang ako ng ibang matinong rason.
Disappointed ang nakikita kong ekspresyon mula kay Brent na sunod na nagsalita. "Paanong di mo makakalimutan, di mo nga sinagot ang tawag naming lahat na parang sinadya mo talaga."
Di ko inaasahan na manggagaling 'yon mula kay Brent. "Hindi. Di ko sinadya. Nakalimutan ko lang talaga ang cellphone ko sa bahay."
"Bakit, saan ka ba pumunta?" balik ni Brent na siyang tanging nag-uusisa sa'kin. Para akong nililitis sa kung paraan niya ng pagtanong sa'kin. Nang hindi ako nakasagot agad, muli siyang nagsalita. "Sabihin mo nga, kasama mo ba si Montellano?"
Tuluyan na akong natigilan sa kung paanong bigla na lang yatang nag-iba ang ihip ng hangin sa paligid namin. Gano'n ba kalaki ang kasalanan ko? Tinitimbang ba niya ang pagiging kaibigan ko? At paano siya nagkaideya na kasama ko si Montellano?
Di ko alam kung nababasa ni Brent ang nasa isip ko dahil sinagot lang naman niya ang huling katanungan sa utak ko.
"Narinig ko kanina kay Leslie na sumadya ka sa ilang klase ni Montellano para ipagpaalam na hindi siya makakapasok dahil may sakit siya simula pa kahapon... Nangangahulugan lang iyon na kasama mo siya kahapon, right?"
Wala akong nagawa kundi ang tumango. Pero wala akong pagpapaliwanag na ginawa kaya si Kyle na mismo ang nagtanong. "Wala ka bang ikukwento sa pangyayari sayo kahapon?" pang-iintriga ni Kyle sa magian na paraan na na hindi tulad ni Brent na masyadong seryoso.
"Inuuna mo na ngayon si Montellano kaysa sa mga kaibigan mo huh." komento ni Art na alam kong biro lang dahil sa kung paano niya bitiwan ang mga salitang 'yon na nakangisi at sa nanlolokong tingin. "Close na kayo?"
"Gaano kaclose?" singit ni Kyle na mukhang pareho lang ni Art na di ako tatantanan ng panunukso.
"Hindi siya makakabuti kay Mira." singit ni Brent sa seryosong tono. Sinamaan niya ng tingin ang dalawa. "Huwag niyo rin siyang konsentihin na para bang aprobado sa inyo si Montellano. Alam niyo naman kung anong klaseng lalake 'yon."
Sa halip na sumang-ayon, tumawa lang ang dalawa na hindi sineryoso ang anumang sinabi ni Brent.
"At kailan ka pa naging striktong tatay ng barkadang 'to, Brent? Parang kulang na lang itago mo si Mira nang hindi matagpuan ni Montellano." komento ni Kyle na lalo lang nagpalala ng pagiging bugnutin ni Brent. Namalayan na lang namin na tumayo siya't iniwan kami na walang pasabi.
"Ngayon ko lang nakita na ganyan kaikli ang pasensiya ni Brent, may problema ba siya?" tanong ko dahil wala akong ideya lalo na't hindi rin nila ako kasama kahapon. "May nangyari ba sa party? Sumipot ba si Natsy?"
Sabay-sabay silang umiling na walang ideya kung sino ang tinutukoy ko. "Sinong Natsy?" Nakatutok ang mga mata nila sa'kin sa nagtatanong na mukha. Sa reaksyon nila, mukhang wala pa sa kanilang nakukwento si Brent.
Wala na rin akong nagawa kundi ang magkuwento tungkol sa kung paano, saan at kailan sila nagkakilala. "…Sa tingin ko, nagugustuhan na rin siya ni Brent. Ang kaso lang, may mas ibang priority si Natsy, at iyon ay ang pag-aaral. Pero nagagawa pa naman nilang lumabas…"
"At paano naman ikaw? Siguradong nasasaktan ka naman?" biglang bitaw ni Art na direkta sa'kin ang tingin. Nabigla ako dahil hindi lang 'yon basta bato ng pang-aalaska.
"Huwag mo ng itanggi." gatong din ni Kyle na sumusuporta lang sa sinabi ni Art. "We all know na may gusto ka kay Brent. Siya lang talaga ang manhid para di makahalata ng obvious. At yong panunukso namin sayo kay Montellano, sinasakyan ka lang namin, dahil tinitignan namin kung umeepekto ang pagpapaselos na ginagawa mo."
"Teka. Anong ginagamit ko si Montellano? Hindi 'yan totoo."
"Tinatanggi mo ang tungkol kay Montellano, pero hindi mo tinatanggi ang tungkol kay Brent..." nangingiting komento ni Alex na nakikisali din. Parang nagkasundo talaga silang icorner ako. Gustuhin ko mang ikaila, pero mukhang di na rin uubra.
"Nasa proseso na ako ng pagbaon sa nararamdaman ko kay Brent." pag-amin ko dahil 'yon naman talaga ang plano ko. "Alam ko namang hanggang kaibigan lang ang tingin niya sa'kin. At wala rin akong problema kay Natsy para sa kanya."
"Huwag ka na munang sumuko, Mira. Nasa sayo ang boto namin. Tignan muna natin kung may chance ka nga kay Brent. Mukhang nagbubulag-bulagan pa ang taong yon sa ngayon."
Napapailing ako ng makailang ulit. Di ako makapaniwala na pinag-uusapan namin 'to ngayon. "Tanggap ko na kaya please lang huwag niyo na akong paasahin ulit. Mas gugustuhin kong burahin na lang tong nararamdaman ko sa kanya."
"Pero nakita mo naman kung paano siya magreact sainyo ni Montellano kanina di'ba? That's a good sign." pangungumbinsi rin ni Alex na hindi umubra sa'kin. "Baka di lang niya ngayon alam na may gusto na pala siya sayo."
Gusto kong matawa sa klase ng rason ni Alex. Pwede ba 'yon? "Sadyang nagkataon lang talaga na wala siya kanina sa mood kaya 'wag niyong lagyan ng kulay. Tigilan niyo na nga yan, dahil wala 'yang papupuntahan, masasaktan lang ulit ako." Ang huling sinabi ko ang nagpatigil sa tatlo sa ipinipilit nila.
-----------👻-----------
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top