Oh 37
K A B A N A T A 37:
Napahaba at napasarap ang tulog ko kahit sabihing sa sahig ako natulog at hindi sa kama. Ayoko pa sanang dumilat kung hindi pa ako kinatok sa kwarto.
Awtomatiko akong napabangon nang marinig ko ang pagtawag ni mama mula sa labas ng kwarto ko. Bagaman alam kong nakalock iyon at wala namang makakapasok ng basta, napaalerto pa rin ako at napatingin kay Montellano na tulog pa rin. Gusto ko na siyang gisingin at pagtulakan palabas ng bintana, pero inuna ko muna ang sumagot kay mama.
"Bakit ma?" pasigaw na tanong ko na hindi lumalabas ng kwarto o binubuksan ang pinto.
"Nandito si Brent. Sinusundo ka na." balik ni mama na ikinagulat ko. Rinig kong umalis palayo ang yabag ni mama pero napalitan ng kung sino.
"Mira…" Boses 'yon ni Brent habang kumakatok sa pinto ko. Lalo lang akong nagulantang. Saka ko rin lang naalala na may text message nga pala siya kagabi na di ko pa nababasa.
"Teka lang." sagot ko saka nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga bago ko binuksan ang pinto na hindi ko masyadong niluwangan. Lumabas ako at hinarap si Brent. "Bakit napadaan ka?"
Nakashorts, shirt at jersey jacket siya. "Di mo ba nabasa 'yong text ko sayo kagabi? Samahan mo ako ngayon dahil di mo ako nasamahan kahapon. May mga bibilhin ako para sa birthday ng kapatid ko."
Nasa gitna ako ng pag-iisip kung tatanggi o papayag. "Pero kagigising ko lang."
"Makapaghihintay naman ako." sagot niya na mukhang hindi rin basta papayag na hindi ako sumama. "Sige na, mag-ayos ka na. Hihintayin kita." dagdag niya saka tinalikuran ako para bumaba at pumwesto sa sala para doon maghintay habang nanonood ng palabas.
Wala akong nagawa kundi ang bumalik sa loob ng kwarto ko para mag-asikaso ng sarili. Natigilan ako nang mapunta ang tingin ko sa natutulog na si Montellano. Lumapit ako sa kama para gisingin sana siya pero naawa na naman ako na istorbohin ang tulog niya dahil kitang-kita ko ang kapayapaan sa mukha niya habang himbing na himbing. Naisip ko na lang na mamaya ko na siya gigisingin kapag aalis na ako. Kaya naligo na lang muna ako at nag-ayos bago ko siya binalikan.
"Montellano…" panggigising ko sa kanya makalipas ang trenta minutos. Nakailang tapik rin ako sa kanya bago siya nagising.
"Bakit ba?" mahinang sambit niya na dahil na rin sa halatang inaantok pa. Ni hindi niya pa maidilat ang sarili niyang mga mata na ayaw pang magmulat.
"Kailangan mo ng umuwi. Aalis ako ng bahay."
"Okay." sagot niya na hindi ko alam kung naintindihan ba niya ang sinabi ko dahil wala naman siyang pagkilos na ginagawa. Nananatili pa rin siyang nakapikit na mukhang bumalik naman sa pagtulog kaya muli ko siyang tinapik.
"Montellano. Ngayon mismo, kailangan mo ng umuwi. Dahil ngayon mismo, aalis na rin ako."
"Iwan mo na lang ako. Aalis rin ako pagkagising ko. Ilock mo na lang ang kwarto mo para walang makakita sa'kin." sagot niya sa tinatamad pa ring boses. Nag-alinlangan ako noong una sa sinabi niya, pero nakumbinsi rin ako.
"Basta siguraduhin mo lang na walang makakakita sa'yo pag-alis mo dito. Dumaan ka sa bintana." pagpapaalala ko bago ako tuluyang umalis sa harapan niya. Nilock ko ang pinto ng kwarto ko tulad ng sabi niya.
"Ba't di ka natuloy kahapon? Kailangan mo pa talaga ako bilang assistant sa pamimili?" pagbibiro ko kay Brent nang pareho kaming makapasok sa loob ng kotse niya. Hindi sa'kin abala ang pagyaya niya sa'kin sa mga ganitong bagay dahil mas natutuwa nga ako na ako ang sinasadya niya sa mga pagkakataon na tulad nito. Napapaisip ako na siguro nga mas lumalalim na ang pagkakaibigan namin.
"Biglang pumayag si Natsy na lumabas kami kahapon. Napasarap ang kwentuhan namin kaya nakalimutan ko na rin na may dapat pala akong bilhin."
Biglang nawala yong espesyal na pakiramdam ko nang marinig ko mula kay Brent ang mga iyon. Mukhang mas doble ang dapat na pagpapaalala ang gawin ko sa sarili ko na huwag ng umasa pa. "Ba't di ka magpasama sa kanya ngayon?"
"May lakad daw sila ngayon ng kambal niya."
"Ah." tanging sagot ko saka nanahimik.
"Bakit gabing-gabi ka na nakauwi kagabi?" biglang tanong ni Brent na bumabalik na naman sa interogasyon. Nang tignan ko siya, nakita kong mukhang hindi niya palalagpasin na hindi ako sumagot kaya napilitan na rin akong magsalita.
"Marami lang talaga kaming pinag-aralan." sagot ko na mukhang hindi bumenta sa kanya. Tinignan niya ako sa nagdududang tingin. "Totoo nga."
"Wala kayong ibang ginawa bukod roon?"
"Wala nga!" balik ko sa kanya sa naiinis na tono para bitiwan na rin niya ang pangungulit sa 'kin na para bang may ginawa akong milagro o kasalanan sa kanya.
"Sorry." sambit niya agad matapos ang napataas kong boses. "Nag-aalala lang naman ako sa'yo. Wala lang talaga akong tiwala kay Montellano. At please lang Mira, huwag na huwag kang magkakagusto sa lalaking iyon."
"Harmless siya. At mabait rin naman kung kikilalanin." bigla na lang 'yon lumabas sa bibig ko na may pagdepensa. Pakiramdam ko kasi kailangan kong iklaro ang bagay na iyon. "Kung may pagkahambog at pagkamasama ang pag-uugali niya, 'yon ay dahil sa may mga pinagdaanan rin siya naging dahilan kung bakit siya naging gano'n. Kaya minsan, kailangan lang talaga siyang intindihin at pagpasensiyahan."
"Kung magsalita ka parang kilalang-kilala mo na siya. Binola ka ba niya? Nagpaawa siya sa'yo? Sinasabi ko sayo Mira, kinukuha lang niya ang loob mo. At kapag nangyari 'yon, sasaktan ka rin lang niya."
"Kinukuha ang loob?" natawa ako ng bahagya saka umiling. "Brent, narinig mo naman siya di'ba, wala siyang interes sa'kin, ni hindi ako ang tipo niya. Wala ako sa level ng mga babae niya."
"Kung gano'n, bakit bigla naman yatang dumidikit-dikit siya sa'yo ngayon? Hindi ako naniniwala na dahil lang 'to sa pag-aaral niya dahil kahit hindi ko kilala ang taong 'yon, alam ko pa rin naman na hindi siya ang tipo ng estudyante na nag-aalala sa grades niya. Napagsasabay at nababalanse niya ang football, social life at pag-aaral na walang problema. Kaya bakit bigla na lang siyang lalapit sayo para hingin ang tulong mo, bagay na alam kong hinding-hindi gagawin ng isang Montellano? Unless, may pakay siya sayo?"
"At ano naman ang pakay niya, aber?"
"Ano nga ba ang habol ng isang Montellano sa bawat babaeng nilalapitan niya?" balik sa'kin ni Brent na sumasagot sa tanong ko. "Paglalaruan ka lang niya. Kapag nakuha na niya ang gusto niya sa'yo, wala pang isang linggo, maghahanap na siya ulit ng ibang babae para maiwan ka."
Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng pag-aalala ni Brent, pero natatawa na lang talaga ako sa mga sinasabi niya na para bang ako ang sunod na bibiktimahin ni Montellano. "Hindi mangyayari 'yon."
"Pero nangyayari na nga. Sinisimulan na niya ang galawan niya sa'yo pero di mo pa napapansin. Nauuto ka niya, naiintindihan mo ba 'yon?" sagot ni Brent na mukhang hindi basta basta titigil sa pagpapaintindi sa'kin ng pinaglalaban niya. Pinipigilan ko na lang matawa sa maling hinala niya.
"Tapusin mo na ang pagtutor mo sa kanya." dagdag ni Brent na hindi isang pakiusap, kundi isang utos. "Kukunin kita para maging tutor ng kapatid ko."
Buong akala ko biro lang ang binitawang salita ni Brent, kaya nagulat na lang ako nanag makita ko kung gaano kaseryoso ang mukha niya. "Pwede ka ng magstart sa monday after class. Sumabay ka na lang sa'kin, at ako na rin ang bahalang maghatid sayo pagkatapos."
"Teka. Hindi naman siguro kailangan--"
"I insist. Ipagpipilitan ko ang gusto ko, Mira kaya di mo na kailangan pang magtiyaga kay Montellano."
Napauwang na lang ang bibig ko. "Teka naman. Di ako pwede ng monday o alinman sa weekdays. Weekend lang ako pwede. Yun rin lang nga ang schedule ko kay Montellano." Nakatali pa rin ang weekdays ko sa pagsama ko kay Montellano sa trabaho.
"Okay. Then, weekend na lang. Sabado at linggo ng hapon. You'll start nextweek. Ihahatid-sundo kita kaya wala ka na rin namang dapat ipag-alala."
Nasa mukha ko pa rin ang pag-aalinlangan dahil sa bilis ng pangyayari. Sa isang iglap, nagkaroon ako ng totoong sideline na di ko naman talaga hinangad. Pero mukhang sayang din nga ang kikitain ko lalo na't paubos na ang ipon ko dahil kay Montellano.
"Nandito na tayo." sambit ni Brent kasabay ng pagparada ng sasakyan sa tabi ng supermarket na nahintuan namin. "Tara na."
Nakasunod lang ako kay Brent hanggang mkapasok kami. Medyo nahuhuli ako ng hakbang sa kanya dahil kinailangan kong icheck ang phone ko na kanina pang tunog ng tunog.
"Bakit ba?" sagot ko sa kabilang linya. Si Montellano iyon na mukhang nagising at bumangon na rin ng tuluyan mula sa pagkakatulog. Sana lang nakaalis na siya sa kwarto ko na hindi nadadakip ng sino mang tao sa bahay namin.
"Gutom na ako. Anong oras ka ba babalik? Di pa ako nag-agahan." sabi nito na ikinailing ko. Daig ko pa ang isang ina ngayon na kailangang alalahanin ang naiwan kong anak sa bahay.
"Nandiyan ka pa rin ba sa kwarto ko? Umalis ka na diyan."
"Pero gutom na ako. Kaunti na lang, mapipilitan ako lumabas sa lungga mo at kumuha ng pagkain sa kusina niyo."
Ponandilatan ko siya ng mga mata kahit na wala siya sa harapan ko at di naman niya ako nakikita. "Huwag na huwag mpng gagawin 'yan! Kapag nakita ka nila, pareho tayong dalawa na malalagot. Baka mapalayas pa ako ng nanay ko sa bahay na magiging dahilan para pareho tayong dalawang mamulubi sa kalsada." pananakot ko sa kanya na sana naman pumasok sa kokote niya ang resulta ng gagawin niya sakali man.
"Pero paano ako kakain? Kumakalam na ang sikmura ko?" angal niya na alam kong magpapatuloy pa kung di ko sosolusyonan.
"May pera ako diya sa ikalawang drawer. Hanapin mo na lang. Bumili ka na lang ng makakain mo." pagkasabing-pagkasabi ko ng instruction sa kanya, bigla niya akong binabaan ng tawag na hindi man lang nagpapasalamat.
"Bastos na bata." tanging nasambit ko pabalik sa kawalan ng pag-uugali ni Montellano kahit di na niya ako naririnig pa dahil sa naputol na linya.
"Sinong bata ang kausap mo?" Bahagya akong nagulat sa sumulpot na tanong na yon mula sa likod ko. Hindi ko alam kung kanina pa nakatayo sa tabi ko si Brent na mukhang narinig ang ilan sa sinabi ko.
"Wala, si Emee lang naman." tanging sagot ko sa kanya saka pinuna ko na lang ang laman ng cart na hawak niya. "Nabili mo na ba lahat na kailangan mo?"
"Oo. Babayaran ko na 'to sa counter." sagot niya saka sinundan ko na lang ulit siya hanggang sa makarating kami sa pila. Sabado ngayon kaya medyo madami ang mga namimili.
"Saan mo gustong maglunch after this?" sambit niya habang nasa pila pa rin kami. Alam kong hindi ito date kundi treatblang naman niya sa'kin dahil sa pagsama ko sa kanya ngayon. Sa ganitong paraan siya lagi bumabawi.
"Kahit saan naman. Ikaw na ang bahala." sagot ko na nakangiti dahil may naiisip akong idagdag. "Pagakatapos nating kumain, magsaya naman tayo. Parang gusto kong kumanta sa KTV. Pwede ba?"
Hindi mahirap pakiusapan si Brent na mabilis pumayag sa gusto ko. Namalayan ko na lang na maluwang na ang ngiti ko hanggang sa makarating kami sa isang korean restaurant.
"Bakit dito tayo pumunta?" tanong ko kay Brent pagkapasok na pagkapasok namin sa loob. Nakangiti ako dahil pakiramdam ko nasa k-drama ako. "Dahil ba mahilig ako sa kpop kaya naisip mong dito ako idala?"
"Mahilig ka pala sa kpop?" balik sa'kin ni Brent na nagpawala ng ngiti ko lalo na ang sumunod niyang sinabi. "Ano bang meron sa kpop idol na yan dahil gano'n din si Natsy... Actually siya ang nagrequest na dito tayo kumain. Makakasunod siya sa'tin. Papunta na raw siya, malapit na."
"Ganon ba?" bumaba ang enerhiya ko kumpara kanina pero pinilit ko pa ring ngumiti. Gusto kong sitahin ang sarili ko sa pagbago ng mood ko na hindi naman dapat. Mas kailangan kong suportahan si Brent tulad ng parati kong ginagawa. "Ba't di mo sinabi na may usapan pala kayo na magkikita kayo? O, di sana, wala ako ngayon dito. Mas maganda kung kayong dalawa lang, para mas may moment kayong dalawa."
"Di ko naman kasi alam na magbabago bigla ang isip niya." sagot ni Brent na para na rin niyang sinabi na hindi niya ako isasama kung una palang pumayag na si Natsy.
"Pwede naman akong umalis ngayon. Sa susunod mo na lang ako itreat, at maging 'yong ktv, sa susunod ko na rin sayo sisingilin." sambit ko sa kanya dahil ang pag-atras ang naiiisip kong dapat gawing hakbang.
"Talaga? Okay lang sayo?" maaliwalas ang reaksyon ni Brent sa suhestiyon ko. Alam kong ako mismo ang naghain sa kanya no'n, pero bakit masakit sa'kin na tinatanggap niya 'yon.
"Oo naman. Okay lang ako." nakangiting sabi ko. Kahit parang labag sa loob ko, kailangan kong ngumiti lang ng ngumiti na hindi niya mapapansin ang totoo.
"Kumain ka na lang muna--"
"Huwag na." tanggi ko agad sabay tayo dahil parang di ko na rin matatagalan pa ang katangahang ginagawa ko sa sarili ko. Buong akala ko kaya kong makontento sa pwesto bilang pagiging kaibigan lang, pero sa nararamdaman kong sakit ngayon na mahirap isantabi, mukhang ang umatras at lumayo na lang naman ulit ang kaya kong gawin.
Sa paglabas ko ng pinto, masasabi kong nakahinga ako ng maluwag. Paulit-ulit kong sinabi sa sarili ko na tama lang ang ginawa ko. Mas magiging mahirap lang sa'kin kung mananatili ako roon at hihintaying masaksihan ang bagay na alam kong makakasakit sa'kin. Sa halip na umiyak o maluha o magmukmok, ngumiti akong nag-isa dahil nakumbinsi ko ang sarili kong tama ng ang ginawa ko.
Dumating ako ng bahay na walang tao sa amin. May naiwan lang na note si mama na may pinuntahan sila ni tito habang si Emee naman ay pumunta sa kaklase niya. Gusto kong kumain, pero parang inaantok ako kaya sa dumiretso na lnag ako sa kwarto ko. Sa pagbukas ko ng pinto, di ko inaasahang madadtnan ko pa roon si Montellano na natutulog ulit sa kama ko. Napansin ko rin na may nakakalat na pagkain sa tabi niya. Isang kahon ng pizza iyon na nangangalahati ang bawas. May softdfinks din, chicken at rice na mukhang inorder at pinadeliver niya lang dito sa bahay.
Di ako nagdalawang usip na gisingin siya. Gusto ko siyang komprontahin agad sa kung ilan ang winaldas niya sa pera ko.
"Montellano!" pasigaw kong pangigising sa kanya dahil wala akong dapat ikapangamba na may makakarinig sa'king ibang tao.
"Mmmm?" tanging sagot niya na ikinainis ko lang lalo. Nagdilat na siya ng mata pero nang makita niya ako, natulog siya ulit na para bang walang pakialam.
"Nasaan na 'yong pera ko? Ilan ba ang ginastos mo? Ba't ang daming mong biniling pagkain?!" sunud-sunod kong tanong sa kanya na di man lang nag-abalang sumagot na lalo ko lang ikinainis. Napasigaw na ako sa tainga niya. "Montellano!!!"
"Ano ba?!" sambit niya matapos ang ginawa ko. Dinilat na siya pero di pa rin bumabangon. "Masakit ang balikat ko. Wala ka bang pain reliver diyan?"
Tumaas pa lalo ang sama ko ng tingin sa kanya. Kung meron mang taong nuknukan ng kapal ng mukha, si Montellano na 'yon. Dumadagdag pa sa init ng ulo ko ang hindi niya pagbangon kaya balak kong ako na mismo ang gagawa niyon para sa kanya. Plano kong sa marahas na paraan ko siya patatayuin kaso sa paglpat pa lang ng palad ko sa balat niya, nagulat ako na mainit iyon. Biglang bumaba ang galit ko sa kanya at napalitan ng pag-aalala. "Nilalagnat ka pala, ba't di mo sinabi?!"
"Sabi ko naman sa'yo di'ba, masakit ang balikat ko." sagot niya na ngayon ko lang natitigan ang matamlay niyang mata at namumutlang mukha.
"Iba ang masakit ang balikat, sa nilalagnat." balik ko sa kanya saka muling kinapa ang noo niya. Ngayon ko rin lang narealize kung bakit tamad siyang bumangon kaninang umaga.
"Yong pananakit ng balikat ko ang dahilan ng lagnat ko." sagot niya sa mahinang boses. Kumilos na rin alng ako para kumuha ng gamot. Bumalik ako para painumin siya. "Kumain ka na rin naman di'ba? Inumin mo 'to…"
Bumangon naman si Montellano na hindi nagpapaalalay. Malakas pa rin siyang tignan kahit sabihing may nararamdaman siya, kaya di ko rin masisisi ang sarili ko kung di ko agad napansin na may sakit siya.
Humiga siya sa mas maayos na posisyon matapos uminom ng gamot. Dala-dalawang unan ang hinihigaan niya kaya elevated ang ulo niya. "Kumain kana, may tira pa diyang pagkain." sambit niya na ikinagulat ko ang pang-aalok niya. Ngayon rin lang pumasok sa isip ko kung bakit masyadong marami ang pagkain, at iyon ay dahil kahati niya ako sa kakain. Hindi man niya direktang sinabi iyon, naappreciate ko naman kahit sabihing pera ko lang naman ang ginamit pangbili no'n.
"Aminin mo nga, inubos mo ba ang pera ko?" sita ko sa kanya. Gusto ko pa rin siya tadtarin ng sermon sa kabila ng lahat.
"Babayaran naman kita." sagot niya.
"Kahit na. Mali pa rin ang pagwawaldas mo ng pera na parang nagtatapon lang. Iilan lang naman kikitain mo sa pinagtatrabahuhan mo. Di pa nga 'yon sapat lalo na kapag lumabas na ang mga bayarin mo sa tinutuluyan mo, kuryente at tubig, naiintindihan mo ba?"
"Alam ko. Kaya nga naghanap ako kanina ng isa pang mapapasukan. Swerte rin naman na may tumanggap sa'kin."
Nawala ang kunot sa noo ko. "Talaga? Saan? Kailan ang simula mo?"
"Bukas ng gabi. Sa isang bar malapit lang dito."
Natigilan sandali ang tuwa ko. Tama ba ang narinig ko? Isang bar? Nababahala ako isipin ko pa lang kung anong trabaho ang tinanggap niya roon. Ayos lang kung waiter, pero paano kung pinatos na ni Montellano ang pagsasayaw at pagbibigay aliw? Pipigilan ko ba siya kung sakali man na gano'n nga?
--------💜--------
Narinig mo na ba yong kay RM na mono? Omo. Fave ko ung Forever Rain, Moonchild, at Everything Goes. Playlist ko sila habang nagsusulat ng update nito. Ang sarap mag-emote. 😍
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top