Oh 35

K A B A N A T A  35:

Late man ako kagabi nakatulog, di naman 'yon naging dahilan para mahuli ako ng gising kinabukasan. Nasa tamang oras lang ang pag-aasikaso ko sa sarili. Nang ayos na ang lahat, dinaanan ko si Montellano sa tinutuluyan niya.

"Buti gising ka na…" sambit ko siyang nag-uunat ng katawan pero 'yon nga lang di pa nakaligo o nakabihis. Bumalik siya sa kama at nahiga na para bang tamad na tamad. "Teka, 'wag mong sabihing wala kang planong pumasok ngayon?"

"Bakit pa? Walang gasolina ang kotse ko. Paano ako papasok? Maglalakad?" sagot niya na di na bago sa pandinig ko dahil inaasahan ko na rin naman sa kanya ito ngayong walang-wala na talaga siya.

"Sumabay ka na sa'kin. Magcommute tayo." sabi ko na mas lalong ikinawalan niya ng interes.

"Wala nga akong pera pamasahe. Iisang sentimo na lang ang meron ako, at di rin niyon kayang bilbin kahit piraso ng kendi sa tindahan."

"Ako ng bahala sa pamasahe mo."

Muli siyang bumaling sa'kin pero hindi pa rin nagbabago ang anyo niya. "Akala ko ba sabi mo wala akong aasahang tulong pinansyal mula sa'yo?"

Ngumiti ako. "Yon ay dahil babayaran mo rin lang naman ako kapag may trabaho ka na. May naipon naman ako, at 'yon ang mapapahiram ko sa'yo sa ngayon..."

"Pero wala akong trabaho." sabat niya na hindi ako pinatatapos.

"Meron na, dahil may pupuntahan tayo mamaya after school." Masyado na akong inaantok kagabi kaya di ko na nasabi sa kanya na may nahanap na akong trabaho para sa kanya. Ang totoo kasi niyan, nakikinita ko na noong pawala na ang pera ni Montellano na darating siya sa puntong ganito. Sa nakalipas na araw, sinadya kong magtanong-tanong sa mga kapitbahay o sa kung saan mang madadaanan ko kung may alam silang pwedeng part-time na trabaho, at masuwerte namang meron akong nakuhang mga impormasyon.

"Talaga?" walang masyadong excitement sa boses ni Montellano pero habang binabantayan ko ang reaksyon niya, di nakaligtas sa mata ko ang unti-unting pag-aliwalas niyon. Wala man siyang sabihin, alam kong nabunutan siya ng tinik.

"Kaya mag-asikaso ka na. Hihintayin na lang kita sa labas." sabi ko saka lumabas na ako para makaasikaso na rin siya.

Ilang minuto rin ang hinintay ko sa baba bago ko ulit si Montellano sa harapan ko. Sabay kaming umalis ag naglakad hanggang sa bus stop. Tama rin lang kami sa oras nang dumating kami dahil eksaktong kararating rin lang ng bus na sasakyan namin kaya di na namin kailangan pang maghintay ng matagal.

"Teka," biglang hablot niya sa braso ko para pahintuin ako sa akmang pag-akyat ko ng bus. "Ba't di mo na lang pagasolinahan ang kotse ko? Para di na natin kailangan magsumiksik pa diyan. Isa pa, paano na lang kung may nakakakilala sa'kin, malalaman nila ang estado ng isang Drew Montellano."

Umagang-umaga, mukhang mauuwi naman kami nito sa sagutan. Sinikap kong huminahon ng sumagot ako sa kanya. "Bukas na lang natin gawin 'yon. Sa ngayon, kailangan na nating sumakay dahil pareho tayong malelate kung bibili pa tayo ng gasolina sa malayong gas station at babalik ng apartment para lang makargahan ang kotse mo. Huwag mo na ring isipin pa ang iisipin sago ng makakakilala sa'yo dito dahil maraming pwedeng idahilan tulad ng natirikan ka ng kotse sa gitna ng daan kaya kinailangan mong sumakay ng bus." Matapos ang nahabang eksplanasyon ko, ako naman ang humablot ng braso niya at hinatak ko na siya paakyat na di siya pinapakawalan. Binitawan ko lang siya nang makaupo rin kami sa pandalawahang upuan.

"First time mo?" tanong ko sa kanya dahil panay ang linga niya sa paligid.

"Ano sa tingin mo?" masungit na balik niya na para bang may nagawa akong kasalanan sa kanya kahit na ang totoo, ako na nga itong tumutulong sa kanya.

"Wala pang masyadong laman ang bus kaya pwede ka ng huminga. Hindi lahat na sumasakay na estudyante rito taga Circle High. Maniwala ka dahil ilang beses na akong pasahero nito." Sa sinabi kong iyon, mukhang napanatag rin siya dahil di na siya masyadong naglilinga pa para icheck ang bawat sumasakay. Nakita kong natuon ang atensyon niya sa bintana saka tahimik na nagmasid sa nadadaanan namin.

Natutok naman ang paningin ko sa kanya ng ilang sandali. Di lang ako makapaniwala na may kasa-kasama na ako ngayon na sumakay sa bus. Pakiramdam ko para niya akong nanay dahil mula pa kanina mukhang wala akong ginawa kundi ang asikasuhin siya. Kahit na matigas ang ulo niya, nagsusungit at nagmamatapang lagi, pwedeng sa loob-loob niya, mahina siya at nawawalan na ng pag-asa. Mahirap mabuhay ng mag-isa lalo na sa kondisyon niya na walang-wala na siya, di lang pera kundi pati pamilya na siyang tanging makakapitan man lang sana niya, pero wala.

"Haggang kailan mo ba ako titigigan?" biglang tanong ni Montellano na nakatuon pa rin sa bintana ang tingin. Ni hindi man lang siya lumingon kaya di ko mahulaan kung paano niya nalaman na nakatitig ako sa kanya.

Magdedeny sana ako nang mapansin ko ang repleksyon niya sa salamin ng bintana na siyang sumagot sa tanong ko kung paano niya ako nakikita.

"Kung naaawa ka sa'kin, huwag na dahil di naman kailangan. Trust me, masyado na akong manhid para dibdibin pa 'tong nangyayari sa buhay ko." sambit niya na hindi pa rin lumilingon sa'kin. Wala na rin akong naisagot pa kaya iniwas ko na ang tingin ko sa iba.

Maya-maya lang, narating na rin namin ang Circle High. Dahil wala kaming sasakyan, nilagad namin ang mahabang entrance mula gate.

"I can't believe that I'm doing this right now." reklamo na naman niya na akala mo'y isang parusa ang maglakad ng iilang distansya.

"Para namang ikamamatay mo 'to." di ko mapigilan ang magkomento. "Dapat nasasanay ka ng nagtatiyaga, nagpapasensiya at nagtitiis. Ngayong di mo na mabibili ang lahat na gustuhin mo, mararanasan mo ng paghirapan muna ang isang bagay bago makuha."

Hindi siya nagkomento pabalik. Mas binilisan niya ang mga hakbang niya na sinabayan ko na lang.

"Tandaan mo mamayang uwian, may pupuntahan tayo." pagpapaalala ko sa kanya nang marating namin ang main building. Bago pa man ako makalayo sa kanya dahil magkaibang direksyon ang rooms namin, hinablot at hinila niya ang dulo ng manggas ng damit ko kaya di rin ako nakahakbang paalis. "Bakit?" kunot noong baling ko sa kanya dahil nag-aalala akong mapunit o magusot ang damit ko.

Binitawan din niya iyon saka sumagot. "Di pa ako nagbreakfast." Nilahad niya ang bukas na palad niya sa harapan ko. "Kailangan ko ng pera. Sa cafeteria ako mag-aalmusal."

Pakiramdam ko parang nanay na nga niya talaga ako. Yun nga lang, nagdalawang-isip akong ibigay ang hinihingi niya. Para sa isang nanay, ako na 'yong sigurista, dahil wala akong balak na maging konsintidor.

"Sumunod ka sa'kin." mando ko sa kanya na sumunod din. Mukhang ibang nagagawa ng taong gutom, madaling kausap. Pero nang mapansin din niya na sa cafeteria kami lumagpak, nagsimula na siyang magreklamo.

"Ibigay mo na lang sa'kin 'yong pera't ako na ang bahala. Di mo na kailangan pang sumama." Sa mahinang boses niya sinabi iyon dahil may ilang mga dumaraan na estudyante na pupwedeng makarinig.

"Buong isang dalawang daan na pera ang hawak ko, baka kapag binigay ko sa'yo gastusin mo lahat. Kailangan mong matutong magtipid kaya ako ang pipili ng bibilhin mo." balik ko na ikinasalubong ng dalawang kilay niya.

"Babayaran ko naman kung ilan man ang magastos ko."

King di lang ako nagpipigil ng boses, siguradong sinigawan ko na siya. "Di mo ba ako narinig? Kailangan mong magtipid... Pero kung ayaw mo talagang makinig sa'kin--"

"Oo na. Magtitipid na." putol niya sa'kin na ikinagulat ko ang pagbalik ng pagiging masunurin niya na di ko na naman inasahan. Mukhang nakukuha ko na talaga kung paano maniobrahin ang matigas na Montellano.

"Kung gano'n, Let's go…" Nakangiting saad ko na parang nanalo lang sa pustahan. Mahirap pakisamahan si Montellano, kaya natutuwa lang talaga ako tuwing ganitong napapasunod ko siya sa gusto ko.

Pumili ako ng pinakamurang agahan ni Montellano at yon ang binayaran ko sa counter. Buti na lang talaga kumain na ako sa bahay, dahil ako naman ang mamumulubi nito kung nagkataon, lalo na't may susunod pang lunch na paggagastosan ko na para naman sa dalawang tao.

Nang maipatong ko sa mesa ang binayaran kong pagkain kung saan nakapwesto at naghihintay si Montellano, napansin ko na agad ang pag-ismid ng mukha niya na hindi nagustuhan ang sopas na bumungad sa paningin niya. "Yan lang? Mabubusog ba ako niyan?"

"Oo naman. Mabubusog ka kung kakainin mo 'yan. Samahan mo na rin lang ng maraming tubig at maraming dasal ng pasasalamat na may isang anghel sa harapan mo ngayon na nagpapakain sa'yo."

"Bakit ako magpapasalamat? E di mo naman 'to libre. Babayaran ko pa sa'yo 'to kapag nagkapera na ako, di'ba?"

Kung di lang talaga ako nagpipigil sa kanya. "Kumain ka na nga lang." Kahit yata pumuti ang uwak, imposibleng makatanggap akp ng pasasalamat mula sa kanya.

Humigop na rin ng sopas si Montellano. Nawala ang linya sa noo niya sa segundong natikman niya ang lagkain niya. Base sa reaksyon niya, mukhang nasarapan din naman siya. Sunod-sunod ang pagsubong ginawa niya na natigil lang nang lumingon siya sa'kin saka nagsalita. "Pwede ka ng umalis. Di mo ako kailangang bantayan na para bang sinisigurado mong may pinuntahan ang pera mo."

"Aalis din ako." Kung monday ngayon, siguradong wala na ako ngayon sa harapan niya dahil sa takot ko lang kay Mr. Castro, pero dahil ibang araw ngayon at ibang teacher, okay lang naman na mahuli ako ng ilang minuto sa klase. "Gusto ko lang sabihin sa'yo na mamayang lunch, mas maganda kung sa table ka namin makiupo. Alalahanin mo na kailangan mong magtipid, at di makakatulong kung magpapatukso ka sa mga kagrupo mo. Siguradong magyayaya na naman 'yon ng paglabas mamayang gabi o kung ano man."

"Sinasabi mo bang iwasan ko sila?" balik niya na kunot na naman ang noo.

"Sinasabi ko lang na magtipid ka." sagot ko saka tuluyan na akong tumayo para umalis. Nakakailang hakbang pa lang ako nang mapansin ko ang makakasalubong kong si Brent. Tumigil kami sa gitna nang magkaharap kami. Mukhang nakita niya na kagagaling ko lang sa harap ni Montellano dahil may panunukso akong nakikita sa mukha niya.

"Di ka pa rin ba niya sinasagot?" unang salitang lumabas sa bibig niya na ikinatirik ng mata ko. "Kailangan mo na ba ang tulong ko sa kanya? Sabihin mo lang…"

"Pwede ba, Brent. Wala nga akong gusto sa hambog na 'yan." agad na paglilinaw ko kahit na alam kong binibiro lang naman niya ako. Bago pa humaba ang pang-aasar niya sa'kin, pinuna ko na lang siya. "Kakain ka ba? Di ka na naman nagbreakfast sa bahay niyo?"

Tumango siya saka hinablot ang kamay ko. "Tara, samahan mo akong kumain."

"Di ako pwede. May klase pa ako." tanggi ko sabay nang pagpigil ko sa kanya na hilahin ako. Pinakawalan din niya ako saka pinatong na naman ang kamay niya sa ulo ko para guluhin lang 'yon.

***

Nakakailang beses na akong lingon sa orasan ko, dahil magsasampung minuto ng lumilipas pero di pa rin dinidismissed ni Ms. Teope ang klase. Tuloy pa rin siya na parang akala mo di kami tao na nakakaramdam ng gutom. Mag-aalas dose na pero wala ring makaangal na kahit na sino sa kanya dahil siya lang naman ang sumusunod sa yapak ni Mr. Castro pagdating sa pagiging strikto.

Bukod sa orasan, napapabaling rin ako ng ilang beses sa cellphone ko na pinupuno ni Montellano ng text messages kung gaano na siya kainip at kagutom sa kahihintay sa'kin.

Nang sa wakas umanunsyo si Ms. Teope na tapos na ang klase, lahat na nagsitayuan na pare-parehong kanina pa nag-aabang sa paglaya namin. Palabas na ako sa pintuan nang makita ko si Montellano sa tapat ng classroom namin. Kunot ang noo niya na alam kong nagbabalak ng magreklamo kaya inunahan ko na. "Di ko kasalanan kung natagalan ang pagpapalabas sa'min sa klase. Sisihin mo si Ms. Teope."

"Sana pumuslit ka na lang palabas kanina pa. Madalas ko 'yang gawin sa klase niya na hindi niya nahahalata." sambit niya habang naglalakad na kami papunta sa cafeteria. Di pa kami nakakalayo nang eksaktong madaanan namin si Brent na kalalabas rin lang sa huling klase niya. Una niya akong napansin pero nabaling siya sa katabi kong si Montellano.

"Sinagot ka n2a?" tanong sa'kin ni Brent na nasa boses na naman niya ang pang-aasar tulad lang kaninang umaga. Nang ako natawa o nangiti, umayos na siya ng pakikipag-usap sa'kin. "Katatapos rin lang ang klase mo?"

"Oo. Kay Ms. Teope na klase. Ikaw?"

"Kay Mr. Castro." sagot ni Brent na agad ko rin naintindihan kung bakit pareho kami ng kapalaran. Pero bumaling din si Brent kay Montellano para tanungin ito. "Ikaw Montellano? Kanino kang klase?"

"Kanina pa tapos ang klase ko." sagot niya na naging dahilan para maging mapagduda ang tingin sa'kin ni Brent. Dumikit siya sa'kin saka bumulong.

"Sinundo ka ba niya sa klase mo? Tumatalab na ba ang charm mo sa kanya?" Bago ko pa man masagot ang tanong na iyon, sumingit si Montellano sa usapan na nakikinig rin pala.

"Hindi ko siya sinundo. Nagkataon lang na nagkita kami. At kung charm lang naman ang pag-uusapan, wala si Mira niyon."

"Ano?! Pakiulit ang huling sinabi mo," sabat ko kay Montellano na balak kong paulanan ng salita pero biglang sumingit si Brent.

"Kung kikilalanin mo lang si Mira, you'll definitely fall for her charm. Bulag at tanga lang ang di makakakita no'n." pagtatanggol niya sa'kin na ikinatawa ng malakas ni Montellano. Alam ko kung para saan ang tawang yon na kami lang dalawa ang nakakaintindi. Kung may kailangan man patamaan ng binitiwang salita ni Brent, siya lang naman dapat 'yon dahil sa pagiging bulag niya sa nararamdaman ko para sa kanya.

Nakita ko na lang ang sarili ko na natatawa na rin tulad ni Montellano. Parehong napabaling sa'min si Brent na hindi malaman kung alin sa sinabi niya ang ikinatawa naming dalawa.

"Alin ba ang tinatawanan niyo?" seryoso niyang sabi sa nagtatanong na mga mata. Wala siyang ideya sa kung anong eksaktong nasa isip namin at wala akong balak na ipaalam na may kinalaman sa kanya iyon. Kaya sa halip na sagutin, hinila ko na lang siya papasok ng cafeteria. Nakasunod rin lang sa'min si Montellano hanggang sa maupo kami sa pwesto ng barkada.

"Kumusta?" bati ni Montellano kay Kyle, Art at Alex na bahagyang nagulat sa pakikiupo niya sa mesa namin. Huling beses na nagawi siya sa mesa namin ay noong nakaraang buwan pa nang mangimbita siya sa'min na dumalo sa party niya. "Okay lang naman siguro sainyo if I sit here, right?"

"Oo naman." sagot ni Art na sinadyang umakbay kay Alex para markahan ang teritoryo niya. Nakuha naman ni Montellano ang ibig sabihin nito at agad na nagbigay reaksyon.

"Don't worry Art, I won't steal your girl. I'm no longer interested with Alex." sabi ni Montellano na may paniniguro kay Art.

"E si Mira? You think there's a chance na magustuhan mo siya?" singit ni Kyle na binaling sa'kin ang usapan. Nadawit ang pangalan ko dahil nitong nakaraang linggo lang, ako ang nagsusumiksik sa mesa nina Montellano, habang ngayon, siya naman itong nakikiupo sa pwesto namin.

"No. Not a chance." walang paligoy-ligoy na sagot ni Montellano na may halong pang-iinsultong tawa na hindi naman tumalab sa'kin. Hindi ako nasaktan o naoffend sa sagot niya dahil inaasahan ko na rin naman iyon mula sa kanya. Kung meron mang apektado, 'yon ay ang mga kaibigan ko na natural lang na na mag-alala sa mararamdaman ko. Kaya bago pa man nila patulan si Montellano, sumingit na ako.

"At wala na rin akong gusto sa kanya kaya patas lang." sabi ko sabay akbay kay Montellano. Ang awkward sa pakiramdam dahil ang weird lang na nagkakadikit ang mga balat namin na para bang close kami kahit hindi naman talaga. "But we're friends now. Siya pa rin 'yong nagligtas sa buhay ko kaya nga," tumingin ako kay Montellano habang pinananatili ang pag-arte  ko. "Ako na ang bahalang sumagot ng lunch mo ngayon nang makabawi man lang ako sa'yo."

"You don't have to, pero kung mapilit ka, sige bahala ka." sagot ni Montellano na sumasakay na rin lang sa'kin para lang walang magtaka na ako mismo ang magbabayad ng pagkain niya ngayong lunch.

Tumayo na ako para bumili ng pagkain. Nakasunod sa likod ko si Brent. "Are you sure na wala ka talagang feelings para kay Montellano?" pamumuna nito sa binitiwan kong salita kanina.

"Bakit? Ipagpipilitan mo na naman ang ideya na bagay kami?" balik ko sa kanya na inaasahan kong susunod na lalabas sa bibig niya pero mukhang hindi dahil lumabas ang linya sa noo niya.

"Hindi na. Dahil narealize ko lang ngayon na hindi siya bagay para sayo. Kaya sana nga lang talaga wala ka ng nararamdaman sa taong 'yon. He doesn't deserve you."

Natahimik ako sa sinabi niya dahil habang pinapakinggan ko siya pakiramdam ko napakahalaga kong tao. He really cares for me kahit na hanggang kaibigan lang 'yon. Kaya sa puntong 'to kahit alam kong di niya ako magugustuhan, parang nakokontento na rin ako. Masaya na ako sa ganitong klaseng pagkakaibigan namin na nasa tabi ko lang siya.

Matapos kaming pumila at makakuha ng pagkain ni Brent, bumalik din kami sa mesa. Unang kita pa lang ni Montellano sa dala kong pagkain para sa kanya, nasa mukha na niya ang pagrereklamo.

"Allergic ako sa seafood." sabi ni Montellano nang mapuna niyang pareho lang ang binili ko sa'ming dalawa. Gusto ko siyang pagalitan at sermonan pero naisip kong di naman niya kasalanan na allergic siya sa nabili ko.

Nakakatamad na bumalik para palitan ang pagkain dahil sa dumami pa lalo ang pila kumpara kanina pero mukhang wala rin akong choice. Tatayo na sana ako para bumalik nang pigilan ako ni Brent.

"Huwag ka na roon bumalik, mahaba na ang pila." sambit niya na agad naman sinolusyonan ang problema ko dahil pinagpalit niya ang pagkain niya sa pagkain ni Montellano. "Di ko pa naman 'to nagagalaw na akin."

Walang pagpapasalamat akong narinig mula kay Montellano kaya ako na rin lang nagsabi no'n kay Brent. Nagpatuloy na kaming lahat sa pananghalian na may kasamang pag-uusap.

"Punta kayo sa sunday sa bahay. Birthday ng kapatid ko nang may katulong naman ako sa pagligpit ng kalat pagkatapos." pangingimbita ni Brent sa iba na ngayon lang niya nasabihan.

"Oo naman, basta't wag lang ako maghuhugas ng pinagkainan." sagot ni Kyle na ikinatawa namin. Noong huling nagboluntaryo kasi siya, halos wala ng natirang pinggan dahil nabasag niya ng paulit-ulit.

"Wala naman talaga akong balak na paghugasin ka. Di mo pa nga napapalitan lahat na nabasag mo." sambit ni Brent na mas ikinatawa pa ng lahat. "At dahil hanggang ngayon, kulang pa ang nga pinggan sa'min, kakailanganin kong bumili mamaya." Bumaling sa'kin si Brent, "Mira, samahan mo ako mamaya bumili. Ihahatid na lang kita pagkatapos."

Tatango sana ako nang biglang sumingit si Montellano. "Hindi pwede, may pupuntahan rin kami mamaya."

Biglang tumahimik ang mesa namin matapos ang sinabi ni Montellano. Puno ng kuryosidad ang mukha nila, at si Alex ang unang nagtanong. "Saan naman kayo pupunta? Kayong dalawa lang ba?"

Hindi ko agad masagot ang tanong na 'yon dahil wala akong maisip na idadahilan. Di ko naman pwedeng sabihin ang totoo na sasamahan ko si Montellano sa bagong trabaho niya.

"Tutor." sagot ko rin matapos ang ilang segundong pag-iisip ko ng palusot. "Bumabagsak na ang grades ni Montellano, kaya tinutulungan ko siya. At hindi 'yon free dahil binabayaran niya naman ako. Kailangan ko rin kasi na mag-ipon ng pera."

"Hindi bumabagsak ang grades ko." agad na habol ni Montellano na mariin ang pagtanggi. Mabilis ko siyang sinenyasan sa mata kaya binawi rin niya ng maayos ang nauna niyang sinabi. "Hindi bumabagsak, bumaba lang ng kaunti. At iisang subject lang naman." pagpapaliwanag niya na ang daming sinabi 'wag lang bumaba ang tingin sa kanya ng tao.

"Kailan pa?" tanong ni Brent. Base sa tono niya, alam kong iniisip niya na wala akong nakuwento o nabanggit man lang sa kanya kaya inayos ko na rin ang sagot ko.

"Ngayong araw lang kami magsisimula actually. Kaninang-kanina rin lang namin 'yon napag-usapan kaya wala akong nabanggit sainyo."

Weird ang mga ekspresyon ng mukha ng mga taong kaharap ko pero binalewala ko na lang dahil kahit din naman ako mawiweirduhan kung ako ang nasa pwesto nila. Pero gano'n pa man, ang mahalaga, di na sila masyadong nag-usisa pa, maliban kay Alex na hindi ako tinigilan ng iterogasyon nang kaming dalawa na lang ang magkasama.

----------🤑----------


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top