Oh 31
K A B A N A TA 31:
Natapos ang maghapong orientation sa auditorium pero wala akong nasilayan na mukha ni Montellano. Mukhang hindi na talaga siya bumalik pa, kaya di ko maiwasang isipin kung nasaan siya sa mga oras na 'to o kung anong ginagawa niya. Kaya nang uwian na, hindi sa bahay kundi sa apartment nito ako dumiretso para icheck kung naroon siya.
Kakatok sana ako sa pinto ng kwarto niya nang hindi ko na nagawa dahil bukas iyon na mukhang napabayaan na naman niyang bukas na hindi man lang marunong maglock.
Pagkapasok ko sa loob, ang natutulog na mukha ni Montellano ang naabutan ko. Nang lumapit ako, amoy ko ang simisingaw na alak mula sa kanya na ikinalungkot ko ng husto. Sa halip na kaibigan o kapamilya, tanging alak ang natakbuhan niya sa panahon ng problema. Nawala sa paningin ko ang isang hambog na Montellano at napalitan ng isang naliligaw na tupa. At wala akong ibang gustong gawin kundi ang alagaan siya.
Alam kong hindi na niya ako ngayon hawak sa leeg matapos ang mga natuklasan ko dahil pareho na kami ngayon na hawak ang sekreto ng isa't isa, pero kahit sabihing malaya na ako sa kanya, parang di ko siya kayang talikuran at iwan sa panahong ito na kailangan niya ng makakapitan. Ako na lang ang taong natitirang nagmamalasakit sa kanya, kaya di ko kayang umalis na lang. Isa pa, siya pa rin ang taong nagligtas ng buhay ko, at ito na rin siguro ang pagkakataon ko para tuparin ang pinangako ko sa sarili ko noon na suklian at bayaran ang pagkakautang ng buhay ko sa kanya.
Mula kay Montellano, nabaling ang tingin ko sa mga nagkalat na bote ng alak. Pinulot ko 'yon isa-isa at nilagay sa isang sulok, saka sinunod ang ibang kalat. Nang matapos iyon, tumingin ako sa pepwedeng maluto pero halos wala na siyang pagkain sa lagayan niya. Dadalawang itlog, at isang malaking noodles at iilang gatas ng bigas ang laman niyon na nangangahulugan lang na naghihirap na nga talaga siya.
Napapaisip ako kung ano ng mangyayari kay Montellano ngayong walang-wala na siya. Walang bahay, walang kayamanan, walang pera… Tinalikuran na niya ang lahat ng iyon base sa eksaktong narinig ko mula sa bibig niya nang lisanin namin ang mansion niya. Napabuntong-hininga na lang ako at lalong naawa… Kaya dapat lang na tulungan ko siya kahit sa maliit na paraan na may magagawa ako.
Nagdesisyon akong umuwi muna ng bahay para papuslit na kumuha ng panghapunang pagkain. Swerte ko na lang na meron ng nakahanda sa mesa kaya naging madali sa'kin ang kumupit saka muling patakbong bumalik sa apartment. Nagsaing na lang ako ng bigas na madali ko ring nagawa dahil may rice cooker si Montellano na siyang binili namin noong bagong lipat siya. Huling inasikaso ko ay ang marurumi niyang damit na kailangan kong labhan tulad ng pinangako ko sa kanya. Hindi ko inakalang napakarami ng damit niya ang lalabhan ko. Sa haba ng araw simula ng lumipat siya sa apartment, gano'n din ang rami ng naipon niyang damit na dapat di ko na pinagtatakahan pa lalo na't walang alam sa paglalaba si Montellano. May tagalaba siya at tagalinis ng bahay tuwing weekend kaya malamang di pa niya nasusubukan kahit ang humawak ng sabong panglaba.
Mano-mano ang paglalabang ginagawa ko kaya hirap na hirap ako. Ako mismo, hindi ko 'to ginagawa sa sarili kong bahay dahil may naasahan din kaming tagalaba, kaya parang di ako aabante ngayon sa dami ng kukusutin ko. Ni hindi ko alam kung anong oras ako matatapos.
Pananakit ng batok at likod ang ininda kong sakit mula sa simula hanggang sa papatapos kong paglalaba. Nakapaghunat din ako nang nasa huling bahagi na ako na siyang pagsasampay na lang at tapos na ako. Sakto ring nagising na si Montellano…
"Anong ginagawa mo rito?" tanong nito nang makita ang pagmumukha ko. Masama ang timpla niya na inaasahan ko na rin naman.
"Tinutupad ko lang ang kasunduan natin. Pinaglalaba ka kapalit nang pagkakabalik sa'kin ng hikaw." sagot ko. Sinigurado kong walang makikitang awa sa kung ano mang ekspresyon na suot ng mukha ko. Nilagpasan ko siya para magsampay sa labas.
"Umuwi ka na sa sandaling matapos mo 'yan." tanging sabi niya sa masungit na paraan. Tinalikuran niya ako pero muli rin akong tinawag malipas ang isang minuto. "Ikaw ang nagsaing ng kanin? Saan galing ang ulam?"
"Sino pa nga ba? May katulong ka ba rito?" sagot ko sa pagmamataray din. Ayokong isipin niya na kinaaawaan ko na naman siya dahil siguradong pagtutulakan lang niya ako. Kahit papaano, alam ko na rin talaga kung paano pakikisamahan ang komplikadong lalakeng 'to. "Alam ko kasing aabutin ako rito ng gabi at gugutumin sa paglalaba ng gabundok mong damit, kaya pumuslit na ako ng makakain sa bahay namin."
Patuloy lang akong nagsampay habang hinintay ang sagot niya.
"Huwag ka ng kumain dito. Uuwi ka agad kapag natapos mo ang trabaho mo diyan." sagot niya saka narinig ko na lang ang paglaganting ng kutsara at tinidor na senyales lang na gingalaw na niya ang pagkain para maghapunan.
Napangiti na lang ako kahit sabihing hindi man lang siya nag-aksayang yayain akong kumain. Ni hindi rin siya nagpasalamat, pero ayos lang dahil 'yon ang pinakahuling bagay na aasahan kong gagawin ni Montellano. Wala sa bokabolaryo niya ang salitang salamat o sorry.
Nagpatuloy ako sa pagsampay na ikinangalay naman ng braso ko. Mahirap pumuga ng damit lalo na ng maong na pantalon ni Montellano. Halos inabot ako ng isang oras sa pagsampay.
"Ano?! Di ka pa ba tapos diyan?" Muling tanong niya na di ko na mabilang kung pang-ilang beses.
"Tapos na." sambit ko matapos kong maisampay ang huling damit. Napangiti ako sa kabila ng pagmamando-mando ni Montellano. Sadyang di ko na magawang magalit sa kanya ng sobra-sobra tulad ng dati.
Nang maipasok ko ang balde at planggana sa loob, sandali akong umupo para magpahinga ng kaunti dahil nakakapagod din ang maglaba.
"Umuwi ka na at doon ka sa bahay mo magpahinga." muling rinig ko kay Montellano na hanggang pagsimangot lang ang nagawa ko. Bago pa niya ako kaladkarin sa labas, tumayo na ako para sundin na lang ang gusto niya, pero bago pa man ako makaapak palabas ng pinto, nagulat na lang ako nang hinatak ako ni Montellano. Sumuksok siya sa likod ko na para bang humihingi ng protekta. Saka ko na lang naintindihan ang nangyayari nang makita ko ang mga nagtatakbuhang mga daga sa sulok na siyang kinatakutan ng malaking lalake sa likod ko.
"Akala ko ba pinauuwi mo na ako?" sambit ko sa kanya habang pinipigilan kong matawa. Sinubukan kong alisin ang pagkakakapit niya sa'kin pero humigpit lang 'yon.
"Huwag na huwag kang aalis hanggang di mo nadidispatsa ang mga dagang 'yan. Di'ba nangako ka rin na didispatsahin mo ang mga pesteng yan?!"
"Oo na, pero paano ako makakaalis kung di mo ako bibitawan. Kailangan kong lumabas para bumili ng pangdispatsa sa kanila." sagot ko na siyang naging dahilan para lumuwag at bumitaw rin sa'kin si Montellano. "Babalik lang ako--"
"Sasama ako sa'yo." putol niya sa sinasabi ko at nauna pang lumabas ng pinto kaysa sa'kin. Di ko na napigilan ang matawa sa pagsunod ko sa kanya.
"Daga pala ang kinatatakutan ng isang dakilang Montellano." di ko na napigilan ang asarin siya nang makapasok kami ng kotse niya. "Nakakatawa lang na mas takot ka sa daga kaysa sa ahas."
"Di hamak na mas madumi ang daga kaysa sa ahas." sagot nito na mas lalo ko lang ikinatawa. May ilalakas pa sana ang tawa ko nang takpan na niya ang bibig ko nang isang palad niya habang ang isang kamay niya ay ginagamit niga para buhayin ang makina ng kotse. Inalis rin niya agad ang kabilang kamay niya sa bibig ko nang mapansin niyang di umaandar ang kotse.
"Shit. Wala ng gasolina." Napapalo siya sa manibela. "Nakalimutan ko magpakarga."
"May natatabi ka pa bang pera?" di ko maiwasang magtanong.
"Oo naman, marami pa." agad niyang sagot na pinagdududahan ko. Masyado siyang magastos noong mga nakaraang araw. Panay ang labas niya tuwing gabi kasama ang grupo niya, panay rin ang kain niya sa mamahaling lugar, at gumagastos din para sa babaeng kadate niya. Tapos kanina, bibili na lang ng inuming alak, yong mamahalin pa.
"Maglakad na lang tayo…" sabi ko sabay baba ng kotse dahil alam kong di rin naman siya aamin. "May malapit na mabibilihan sa labasan."
Sumunod na rin sa'kin si Montellano na himalang hindi nagreklamo na maglalakad lang kami, kaya mukhang tama nga ang hinala kong wala na siyang pera.
Nang makalayo-layo na kami sa pinanggalingan namin, saka siya muling nagsalita. "Wala akong dalang anumang pera sa bulsa ko ngayon, kaya ikaw ang magbabayad ng kung anumang bibilhin natin pangdispatya sa daga. Isa pa, ikaw ang nagboluntaryo sa ideyang naisip mo."
Napailing na lang ako dahil nakumpirma ko lang sa sarili ko na tama ang hinala ko. "Oo na. May dala naman akong pera."
"Malayo pa ba 'yon? Sumasakit na ang binti ko sa paglalakad. E, kung hintayin na lang kita rito? Ikaw naman ang bibili, at siguradong hindi naman 'yon mabigat para buhatin nating dalawa…" Pag-uumpisa na ng reklamo niya na may pagkamautak din.
Nang tumigil siya sa paglalakad na hindi na nga sumusunod sa'kin, tumigil din ako at binalikan siya. "Montellano, makisama ka naman. Ako na nga itong tumutulong, ako pa ang nauutakan."
"Hiniling ko ba ang tulong mo? Ikaw kaya ang nagboluntaryo." sagot niya na hindi ko na naman makausap ng matino.
"Hindi." mariing sagot ko sa kababawan niya. "Ang sinasabi ko lang, tratuhin mo naman akong tao at hindi utusan. Nagmamalasakit na nga ako bilang kaibigan, pero ikaw pa 'tong mang-iiwan. Alam mo bang takot ako sa madilim na kalsada?"
"Kaibigan?" pag-uulit niya sa salitang ginamit ko na para bang hindi niya inaasahang maririnig niya 'yon mula sa bibig ko.
"Sorry, naalala kong di mo nga pala ako matatanggap bilang kaibigan. Schoolmate? Nagmamalaskit na schoolmate, pwede na?" dugtong ko agad dahil parang pati paggamit ko ng salitang kaibigan ay pagtatalunan pa namin.
Buong akala ko hahaba pa ang usapin namin kaya kinagulat ko nang bigla niya akong nilagpasan at dumiretso sa paglalakad sa dapat pupuntahan namin. "Tara na, ang kupad mo."
Kanina lang malapit na akong mainis sa kanya, kaya di ko maintindihan kung paanong napapangiti na lang ako ngayon ng bigla. Sumunod ako sa kanya at pumantay sa paglalakad niya. Kung ganito sana siya lagi kamasunurin at hindi tinotopak, siguradong lagi kaming magkakasundo.
Narating rin namin ang bilihan at nahanap ang panglason sa daga na siyang kailangan ko. Matapos magbayad, muli kaming naglakad pabalik. Nasa kalagitnaan kami ng daan nang tumunog ang phone ko. Pangalan ni Alex ang tumatawag na sinagot ko ron agad.
"Nasaan ka?" bungad ni Alex sa kabilang linya.
"Nandito sa bahay. Bakit?" sagot ko na narinig kong ikinabuntong-hininga niya.
"Wala ka sa bahay mo, dahil nandito ako ngayon sa inyo." Naiinis na balik ni Alex na hindi ko masisisi kung bakit. Nahuli lang naman niya akong nagsisinungaling.
"Lumabas lang ako para may bilhin." palusot ko na lang kahit na huli na para magdahilan pa. "Ano nga palang sadya mo? Ba't mo ako pinuntahan? Magkikita rin naman tayo bukas sa school…"
"May ikukwento sana ako sayo, pero kalimutan mo na lang. Uuwi na lang ako." Huling sabi niya saka binaba ang tawag na parang galit. Sa halip na tawagan siya ulit, binulsa ko na lang ang phone ko. Bukas ko na lang siya kakausapin para suyuin at makipag-ayos sa kanya.
Nang bumalik ako sa paglalakad, napansin kong malayo na ang agwat sa'kin ni Montellano na patuloy lang sa paglalakad at hindi man lang nanghintay. Ako na naman ang nag-adjust para maabutan siya. Lakad-takbo ang ginawa ko para lang mahabol siya.
"Ba't ka ba nang-iiwan?" sumbat ko sa kanya nang magkapantay na lang kami ng distansiya. Medyo hinihingal pa ako sa layo ng tinakbo ko.
"Kasalanan ko ba kung babagal-bagal ka?" sagot nito na tinotopak na naman. Ako lang ba ang nakakatiyaga sa pag-uugali ng lalaking 'to?
"Hindi mo naman siguro kawalan kung hinintay mo ako ng ilang minuto. Minsan, maganda rin na iniisip natin ang ibang tao bago ang sarili natin." pangangaral ko sa kanya dahil parang di niya pinagdaanan ang pagsabihan siya ng tama at mali. Sa kung paano ko nasaksihan ang alitan niya at ng magulang na kinalakihan niya, mukhang hindi nga talaga siya dumaan sa tamang disiplina.
"Hindi na ako bata para pangaralan mo ng ganyan. Huli na rin para mabago mo pa ang pag-uugali at pagkatao ko dahil heto na ako. Napalaki na ako ng ganito, kaya wala ka ng magagawa."
Malapit na kami sa apartment pero bumagal naman ang mga hakbang namin. "Mali ang pagpapalaki sa'yo ng magulang mo, kaya sinusubukan ko lang kong may pag-asa ka pa, pero tama ka nga, dahil mukhang wala na akong aasahang pagbabago sa'yo."
"Wala akong nakikitang mali sa sarili ko. Iba rin ako sa sinasabi mong magulang ko. Hindi ako tulad nila." sagot niya dahilan para humaba lang lalo ang pag-uusap namin. Mukhang ito na ang pinakamahabang palitan namin ng salita, at masasabi kong nag-eenjoy ako sa kabila ng binabato naming insulto sa isa't isa.
"Kung pakikinggan mo ang sarili mo sa kung paano ka magsalita, paano ka kumilos, puro lang naman 'yon pagyayabang. Yon ba ang tama sa paningin mo? Ni hindi ka marunong makipagkapwa tao. Ang alam mo lang, nadadala ang lahat sa popularidad, lakas, at pera. Paano na ngayon na naghihirap ka na? Paano ka haharap sa mga tao sa paligid mo? Lalo na sa mga kaibigan mong hindi mo naman tunay na mga kaibigan… dumidikit lang sila sa'yo dahil sa kung anong meron ka."
"Tama na." rinig kong sambit niya na ikinatigil ko. Nalaman kong sumobra ang talas ng dila ko nang bumilis ang hakbang ni Montellano na hindi na ako pinapansin.
Alam kong kailangan ko ng tumahimik, pero hindi iyon ang ginawa ng bibig ko. Muli akong nagsalita kasabay nang paghabol ko sa kanya.
"Montellano, makinig ka…" pagpapatuloy ko kahit na mukhang hindi rin niya ako pinakikinggan. "Minsan kailangan din natin magpakatotoo. Walang masama sa pagpapakatotoo. Kailangan mong tanggapin ang realidad na nagbabago na ang buhay mo na ibang-iba sa dati. Bukas, makalawa o sa mga susunod pang araw, mapipilitan kang isuko ang ang mga luho, party at iba pang nakasanayan mo dahil di na no'n kayang suportahan ng bulsa mo. Mawawalan at mawawalan ka na ng pera, hanggang sa kailangan mo ng kumilos para sa sarili mo. Kailangan mong maging praktikal at isipin ang--"
Natigilan ulit ako nang bigla akong hinarap ni Montellano. Nakabantay ako sa susunod na gagawin niya dahil aaminin kong nakakatakot siyang magalit, pero di naman niya ako sinaktan. Hinablot lang niya ang hawak kong plastic na naglalaman ng binili naming pang-lason sa daga.
"Kaya ko na 'tong mag-isa. Di ko na kailangan pa ang tulong mo." huling sabi niya saka iniwan ako't umakyat na ng apartment.
Di na rin ako sumunod sa kanya at mas pinili ko na lang na umuwi. Patakbo na naman akong umuwi ng bahay dahil sa may kadiliman ang kalsada na siyang kinaaayawan ko.
--------😵------
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top