Oh 3
K A B A N A T A 3:
"Si Camille nga pala nasaan na? Nakakapanibago lang kasing walang babaeng nakadikit ngayon kay Art." tanong ni Alexa sa'kin nang dalawa na lang kaming magkatabi malayu-layo sa mga kaibigan namin na kasalukuyan pang kumakain.
"Sa kasamaang palad o mas dapat sabihing isang magandang balita na burado na rin si Camille. Hindi na rin natin makakasama pa ang maarteng babaeng yon."
Isang magkakasunod na tawa kasabay ng palakpak ang ginawa ni Alexa. "Buti naman kung ganoon! Hindi talaga natin siya makakasundo dahil mapagkunwaring mabait at gusto tayo, pero yun pala maldita ang kaloob-looban."
"Saan ka nga pala galing kanina? Ba't ang tagal mo? At napansin ko rin na hindi ka agad nakasagot nang tinanong ka kanina.. At tama nga si Brent na imposible mong makalimutan ang eksaktong spot natin kanina sa Valentines Countdown."
"Pwede bang huwag niyo na lang akong usisain tungkol diyan. Napansin ko na parang masyadong issue naman ang pagkahuli ko kanina.. Bakit ba? Para kasing iba ang tingin sa'kin ni Brent... May nangyari ba? O may nagawa ba akong kasalanan na hindi ko alam?"
"Wala. Siyempre wala." agad na sagot ko sa kana. "Kung may nangyari man kanina during Lights Off Kiss, walang kinalaman yun sayo."
"Bakit ano nga bang nangyari?"
Tumikhim ako para linisin ang bumara sa lalamunan ko. "May biglang humalik lang kay... kay Brent kanina sa Lights Off Kiss. At hindi niya alam kung sino. Mysterious ang kisser. Yun lang naman."
Limitado ang pagkukwento ko. Masyado akong masikreto pagdating sa pagtatago ng nararamdaman ko para kay Brent. Kaya kahit na malapit na malapit ako kay Alexa, hindi ko magawang magkwento rito tungkol sa usapang puso. Ganun rin kasi siya pagdating sa'kin. Malihim din sa emosyonal na bagay.
"Mysterious Kisser?!" Gulat at matawa-tawang reaksyon ni Alexa. "Nakakadiri naman yun. Bigla na lang siyang hinalikan ng hindi kilalang kung sino. At bakit hindi nagpakilala? Baka panget!"
"Ano naman ang nakakadiri roon? At hindi lang nagpakilala, pangit na agad? Hindi ba pwedeng dahil lang sa—"
Biglang akong natigilan sa ere dahil sa dire-diretso kong pagsasalita na masyadong nagiging defensive. "Ang ibig kong sabihin..." pagpapatuloy ko sa maayos na tono. "Kawawa naman yung tao, hinuhusgahan mo na hindi pa naman natin kilala."
Kunot-noong natatawa ulit si Alexa. "Ba't parang ang OA mo naman Mira. Baka naman kilala mo yung mysterious kisser? Sabihin mo nga, nakita mo ba kung sino?"
"Alex, hindi. Paano ko naman malalaman? Madilim nga ang paligid.. Kung si Brent nga, hindi niya nakita, ako pa?"
Bigla akong nag-iwas ng tingin saka tumayo. "Banyo muna ako..."
♥ ♥ ♥
"Hindi pa ba tayo uuwi?" pagyaya ko ng uwian. "Kailangan ko ng makabalik sa bahay bago pa malaman ng magulang ko na tumakas ako para maglakwatsa."
Matapos mabusog ng kakakain, sa labas ng bahay kami pumwesto para sa ilang oras na kwentuhan at katuwaan. Dahil inabala rin namin si Manang Inday na hindi mariringgan ng anumang pag-angal, tinulungan na namin siya ni Alexa sa pagliligpit ng mga pinagkainan sa kusina. Ito lang kasi ang tanging kasama ni Art sa bahay.
"Kung ganoon yayain mo na si Brent sa labas. Sa kanya tayo sasabay pauwi." Utos ni Alexa sa'kin habang patapos na ang ginagawa naming pagliligpit.
Kay Brent kami sasabay na dalawa pauwi, habang si Annie ay sa boyfriend nitong si Kyle.
Hindi na ako sumagot at sumunod na lang sa sinabi ni Alex. Tinungo ko ang bakuran ng bahay kung saan sila nakapwesto. Pero papalapit palang ako, natigilan ako sa paghakbang na dahil sa naririnig kong eksaktong pinag-uusapan nila. Ang mysterious kisser.
"..Kung kilala ka nga ng humalik sayo Brent.. nangangahulugan lang na sinadya ka talagang halikan ng taong yun." Nasa gitna ng pagbibigay ng sariling opinyon si Kyle.
"At kung hindi siya nagpakita o nagpakilala, ibig sabihin lang niyon: A. Trip lang niya at naisipan niyang paglaruan ka, B. Malaki ang pagkagusto niya sayo, pero nahihiya o natatakot siyang malaman mo, kaya nakontento na lang siyang mahalikan ka. C. Yun siguro ang naisipan niyang trick para akitin ka, and by the next day, magpaparamdam na lang siya ulit sayo. Ano sa tingin mo?"
Umiling-iling si Brent. "Hindi siya nakikipaglaro o gumagamit ng trick. Nanlalamig ang mga kamay niya ng mga oras na iyon... Nanlalamig at nanginginig na sigurado ako dahil sa kaba... Like it was her first time."
"Kung ganun malinaw lang na may gusto sayo ang mysterious kisser na yan, Brent." komento naman ni Art na nakangiti at tinapunan ng nanunudyong tingin si Brent. "Malaki ang posibilidad na si Alex ang babaeng yun.. At kung siya nga.. nangangahulugan lang na hindi ka na mahihirapan sa oras na magtapat ka na ng nararamdaman mo sa kanya. Makakasigurado ka na rin kasi na hindi ka susupalpalin ni Alex."
Mula sa hindi kalayuan, para akong 'di makapaniwala sa bagay na umabot sa pandinig ko. Parang bahagyang kumurot ang dibdib ko sa sinabi ni Art. Kahit walang tahasang pag-amin mula kay Brent, makikita at mahahalata naman sa reaksyon niya ang kumpirmasyon. Idagdag pa na hindi na rin kaila kina Kyle at Art ang tungkol sa bagay na 'yon.
Hindi ko mapigilan ang makaramdam ng selos. Sa tinagal-tagal na naming magkaibigan ni Alexa, parang ngayon lang ako nakaramdam ng selos at inggit mula sa kanya.
"At paano naman kayo nakakasiguro na si Alex nga ang mysterious kisser?" singit naman ni Kyle na may punto. "Paano kung hindi? At anong proweba?"
"Si Brent na mismo ang nagsabi, familiar ang scent ng kisser na parang si Alex lang. At idagdag pa na wala tayong nakitang anino ni Alex nang magsimula ang countdown... dahil pwedeng sa mga oras na yun, nakatago lang siya sa isang tabi at hinihintay ang tiempo. Pangatlo, nagpakita lang siya pagkatapos ng Light Off Kiss. At nang sumulpot siya at tinanong kung saan nanggaling, hindi siya agad nakasagot na parang nag-iisip pa kung anong idadahilan."
"Kung ganun... Kailangan mo na lang makasigurado Brent. Pwede mo siya tanungin ng harap-harapan.."
"Huwag." pagtutol ni Annie na nakisali na rin sa usapan ng tatlong lalake. "Dapat hindi kino-corner ang babae tungkol sa ganyang bagay dahil kung si Alexa nga 'yon.. for sure magkakaila siya.. Sa personalidad ni Alexa, siguradong magkakaila siya."
Biglang nakuha ng tatlo ang punto ni Annie. "Kaya kung gusto mo talagang malaman..." dumako ang tingin ni Annie kay Brent. "Alamin mo kay Mira. Siguradong may alam 'yon sa sinisekreto ni Alexa dahil sila ang close."
Mula sa isang tabi habang nakatago, parang mas lalong nanlumo na lang ako. Wala nga akong dapat ikabahala na hindi ako pinagdududahan ni Brent bilang mysterious kisser, pero parang ayoko naman na si Alexa ang iniisip nilang nasa likod nito.
"Mira.."
Biglang halos mapatalon ako sa gulat nang may tumawag sa'kin mula sa likuran.
"Bakit parang gulat na gulat ka?" tanong ni Alexa na nangingiti sa gulat na reaksyon ko. "At anong ginagawa mo? Ba't ka nakatago diyan?"
"Huh?! Wala... Nag-nagbabalak lang akong gulatin sila... pero ako ang nagulat mo." Pagpapalusot ko na lang saka bumaling sa mga kaibigan namin at sumigaw. "Oras na para umuwi! Brent, sayo kami sasabay ni Alex."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top