Oh 26
K A B A N A T A 26:
"Okay ka lang, Mira?" tanong sa'kin ni Alex sa gitna ng pagkawala ko sandali sa sarili dahil sa malalim na pag-iisip ko. Nakapagpalit na ulit kami na parang walang nangyari. Siya naman ulit ngayon ang nakasuot ng black ball gown niya, habang ako ay ang peach dress na hiniram ko sa kanya. Pabalik na ulit kami sa party pero parang wala na akong gana. Wala akong ibang inaalala kundi ang nangyari sa'min kanina ni Brent na hindi ko naman makuwento kay Alex.
"Oo naman." sagot ko sa kanya. Hangga't maaari, mas gusto ko na lang sarilinin ang problema ko na ako mismo ang may gawa. Tama naman talaga kasi si Brent, kung umpisa palang sinabi ko na sa kanya na ako ang nasa ilalim ng maskara, sana di kami aabot sa ganito ngayon.
Pagkabalik namin ulit sa party, sinalubong kami ng malakas at masayang music na para sa lahat. Bumaling sa'kin si Alex at inabot ang kamay ko. "Let's enjoy the party!"
Hindi ko alam kong magagawa ko pa 'yon ngayon, pero nagpahila na rin lang ako kay Alex hanggang sa makalapit kami sa grupo kung saan nagsasayaw sina Kyle at ibang estudyante ng school namin. Wala na si Brent kahit saan dako ako tumingin na mas lalong nagpasama ng pakiramdam ko. Mukhang umalis na siya na walang pasabi ng dahil sa nangyari.
Tuluyan na akong nawalan ng gana na sumamang makipagsayaw sa mga kaibigan ko. Natagpuan ko na lang ang sarili ko na malalim ang iniisip habang nakaupo sa bakanteng table. Ni hindi ko napansin na naroon rin pala si Montellano na di ko pa malalaman kung di pa ito nagsalita.
"Nakakatawa ang itsura mo ngayon, alam mo ba yon?" puna nito sa'kin na laging walang magandang bagay na nasasabi tungkol sa'kin. Uminom ito mula sa baso na saka ko rin lang napansin na alak iyon. Hindi pa naman siya lasing dahil mukhang nagsisimula pa lang siya base sa kakaunting bawas pa lang ng bote na katabi ng baso niya. "Para kang iniwan ng isang lalakeng pinakamamahal mo…"
Alam kong wala siyang ibang intensyon kundi ang asarin na naman ako kaya hindi na lang ako sumagot. Nanatili akong tahimik habang pinagdarasal na matapos na ang gabing ito. Wala akong ibang gustong gawin ngayon kundi ang magmukmok sa kwarto ko at umiyak ng umiyak para mailabas ang sakit ng nararamdaman kong ito.
"You can join me…" muling sambit ni Montellano na inaalok lang naman akong uminom. Tumagay siya sa baso niya at nilapit 'yon sa'kin. "Pampawala ng sakit…"
Wala akong balak pansinin siya, pero nakuha niya ang atensyon ko sa huling sinabi niya. Di ko alam kung may alam siya sa nararamdaman ko o sadyang nagkataon lang na yon ang lumabas sa bibig niya, pero alinman sa dalawa, bigla't bigla na lang napunta ang tingin ko sa baso. Ayoko sana, pero parang nagsusumigaw iyon na 'yon ang kailangan ko sa mga oras na 'to.
Dumaan ang isang minuto nakita kong kukunin na ulit iyon ni Montellano para bawiin ang baso pero biglang kumilos na lang ang kamay ko para unahan siya. Sa isang iglap, nilagok ko ang alak ng dire-diretso. Ramdam ko ang init at pait na hatid niyon sa lalamunan ko na hindi ko ininda.
Binalik ko kay Montellano ang baso at sa unang beses, kinausap ko na siya. "Isa pa…" sambit ko habang tinitignan ang reaksyon niya na panandaliang nagulat sa inaasal ko.
"I must admit, nagulat mo ko doon. Akala ko talaga di ka iinom." sabi nito na agad sinalinan ng alak ang hawak-hawak ko pang baso. Agad ko rin iyon ininom na parang isang tubig lang.
Nilagpak kong muli ang baso sa mesa sa tabi ng bote at tumingin ulit ako kay Montellano. "Isa pa…"
Umangat ang kilay na 'to saka nagsalita. "Ako muna. Uubusan mo pa ako ng alak." sambit nito saka nilagok ang sarili niyang tagay. Matapos niyang iinom, sinalinan naman niya ulit saka binigay na niya sa'kin. "Now, it's your turn."
Tinanggap ko ulit iyon tulad noong una hanggang sa nasundan pa sa salit-salitan na pag-inom namin ni Montellano. Para kaming uhaw sa alak na walang tigil hanggang sa hindi iyon nauubos.
"Magaling ka rin pala at may ibubuga." rinig kong sambit ni Montellano na unang beses kong naringgan na pinuri ako. Hindi ko man siya matignan ng maayos dahil sa umiikot kong paningin gawa ng alak, rinig ko naman sa boses niya na lasing na rin siyang tulad ko.
"Magaling naman talaga ako." sagot ko na nangingiti. Minsan may kakayahan din talaga ang alak na gawing baliw ang tao. Sinong mag-aakala na sa ganitong bagay kami magkakasundo ni Montellano.
"Pero tanga ka din…" muling balik niya gamit ang linya na mukhang pinakapaborito niyang ibato sa'kin. Kung nasa katinuan lang ako siguradong sinigawan ko na siya, pero hindi sa pagkakataong ito. Sa halip na sumimangot, natawa pa ako.
"Tanga nga ako." pag-amin ko. Masarap maging madaldal at magpakatotoo kapag lasing. "Alam mo kung bakit? Kanina, panandaliang naging si Alex ako. Nauto pa nga kita. Di mo man lang ako nakilala na ako ang kasayaw mo… at gano'n din si Brent… Pero ang tanga ko lang na di ko sinabi sa kanya ang totoo. Ayun, nabuko rin ako."
"Di mo na kailangan ikwento ang detalye, narinig at napanood ko ang lahat." natatawang sabi ni Montellano. "That was really entertaining. Thanks to you, napasaya mo naman ako doon."
Natawa na rin ako tulad niya. Sabay kaming tumawa na di ko na rin alam kung bakit. Hanggang sa biglang nauwi sa iyak 'yong tawa ko. Masyado na akong lasing para di ko na maintindihan ang emosyon ko, tatawa't iiyak na parang tanga. Sunod ko na lang na nalaman, nakasubsob na ako sa dibdib ni Montellano habang humahagulgol ng iyak. Sa isang iglap, parang nangyari ulit 'yong unang beses na dinamayan niya ako noon sa gubat… Niyakap niya ako at pinatatahan ng marahang tapik niya sa'kin sa likod.
***
Nagising ako kinabukasan na kulang pa sa tulog. Matapos kong magmulat ng mata dahil sa sinag ng araw na natapat sa mata ko, muli ko iyon pinikit kasabay ng pagtakip ko ng kumot sa ulo ko. Wala pa akong balak bumangon dahil bukod sa gusto ko pang matulog, masakit ang ulo ko't masama ang pakiramdam ko. Di ko iyon mapaliwanag dahil ngayon ang unang beses na nagpakalasing ako ng sobra-sobra sa limitasyon ko.
Unti-unti na akong nakakabalik sa mahimbing kong pagtulog nang maistorbo ako ng maingay na hilik. Awtomatikong napamulat ulit ako para kumpirmahin kung nananaginip ba ako sa naririnig ko. Bumangon ako at saka ko lang napansin na hindi ako natulog sa kama kundi sa sahig. Kumot at unan lang ang meron ako kaya ngayon ko lang nakonekta kung bakit parang masakit ang ibang parte ng katawan ko.
Nang luminga ako sa tabi kong kama, naroon ang pinanggagalingan ng tunog ng hilik. Si Montellano?!
Di ako makapaniwalang magkasama kaming dalawang matulog sa iisang kwarto. Paano nangyari 'to?
Ang tanong na yon sa utak ko ang naging dahilan para kalkalin ko ang memorya ko sa nangyari kagabi. Natatandaan kong inalok niya ako ng alak, at tinanggap ko naman iyon. Matapos ang ilang basong nainom ko, nakakagulat na bigla na lang kaming magkaibigan ni Montellano na akala mo malapit sa isa't isa. Umiyak ako sa kanya, at dinamayan naman niya ako. Masyado akong naging komportable sa kanya kaya nagdesisyon akong sumama sa kanya pauwi. Ni hindi na ako nag-abalang magpahatid sa bahay namin dahil mas nagpilit akong makitulog sa bahay niya.
Natulala na lang ako matapos kong maalala ang mga nangyari. Lalo lang sumakit ang ulo ko dahil wala rin pala akong ibang dapat sisihin kundi ang sarili ko. Pero at least, panatag na rin naman ako kahit papaano na walang ginawang masama sa'kin si Montellano. Mahimbing pa rin ang tulog nito habang humihilik na parang baboy.
Pinilit kong tumayo kahit na nakikiusap pa ang katawan ko na bumalik sa pagtulog. Hangga't maaari, gusto ko na munang makaalis ng teritoryo ni Montellano bago pa man siya magising, pero bago ko pa man magawa iyon, kinailangan ko munang pumasok ng banyo na mas dapat kong unahin. Masama ang lagay ng sikmura ko sa dami ng nainom ko kagabi kaya di na nakapagtataka kung bakit halos di matapos-tapos ang pagsusuka ko. Di ko mabilang ang minutong inilagi ko sa loob ng banyo, sa sobrang tagal ko, inabutan na ako roon ni Montellano na kakagising rin lang. Gulat ang reaksyon niya nang makita ako.
"Anong ginagawa mo rito sa pamamahay--" di na natapos ni Montellano ang tanong niya dahil mukhang naalala na rin niya agad ang sagot sa sarili niyang katanungan. Napailing siya na para bang pinagsisisihan ang pakikipag-inuman niya sa'kin kagabi.
"Linisin mo 'yang mga duming ginawa mo." bilin niya sa'kin na diring-diri sa nagkalat na suka ko sa sahig matapos tumalikod. Umalis siya agad na di matagalan ang amoy ng banyo saka lumabas.
Natigil din sa wakas ang walang katapusang pagsuka ko na gusto kong ipagpaslamat pero gano'n pa man, hilo pa rin ako't nanghihina. Pinilit kong ayusin at linisin muna ang kalat ko bago tuluyang lumabas ng banyo. Naabutan ko si Montellano na balik na ulit sa pagtulog. Mukhang sa aming dalawa ako ang mas pinaparusahan ng alak.
Lumapit ako sa kanya at tinapik siya para gisingin. "Montellano…"
"Hmmm…" sagot niya matapos ang ilang minuto kong pagtatyaga na gisingin siya. "Ano ba?" singhal niya sa'kin sa pang-iistorbo ko sa kanya sa pagkakatulog.
"Ang sakit ng ulo ko, para akong mamamatay."
"Mamatay ka na lang." sagot niya ulit na muling pumikt para matulog pero di ko na siya binigyan pa ng pagkakataon. Muli ko siyang niyugyog at pinagtatapik kaya tuluyan na siyang nagising at napabangon. Naiinis na bumaling siya sa'kin pero sumagot din sa kailangan ko. "Sa drawer ko, may gamot diyan."
Pagkasabi niyang iyon, tumayo siya't pumasok ng banyo. Kumilos na rin ako palapit sa drawer na tinuro niya at binuksan iyon. Napanganga ako sa unang bagay na bumungad sa mata ko, isang box lang naman ng condom. Ano pa nga ba ang aasahan ko sa isang player na Montellano? Tiyak na kulang pa nga ito sa kanya base sa kung paano siya kabilis magpalit ng babae.
"Ngayon ka lang ba nakakita niyan?" Nagulat ako sa biglang pagsulpot ng boses ni Montellano na nahuli akong nakatitig sa mga sandatang tagaprotekta niya sa labanan. Sinara ko rin agad ang drawer matapos kong makuha ang gamot na kailangan ko.
"Uuwi na ako." sambit ko habang inaayos ko ang kumot at unan na ginamit ko. Matapos 'yon, bumalik ang tingin ko sa kanya. "Saan ba ako pwedeng dumaan paalis? Baka makita ako ng magulang mo…" Pinakaiiwasan kong mangyari ang may makakita sa'kin na kahit na sino habang lumalabas sa kwarto niya. Ayokong mapagbintangan na isa ako sa babaeng ginagamit lang niya.
"Mas maganda sana kung sa bintana ka dadaan, pero walang ibang tao ngayon dito sa bahay kaya walang makakakita sa'yo kung yon ang inaalala mo."
"Buti naman." sambit ko habang napapaisip ako kung nasaan ang mga magulang ngayon ni Montellano. Ganito ba siya parati dito sa bahay niya, mag-isa? Kaya pala okay lang sa kanya na magpaparty lagi sa sarili niyang bahay na walang sumusuway o naglilimita.
Akmang lalabas na sana ako ng pinto ng kwarto niya para umalis nang matigilan ako. May kung anong sumisigaw sa tiyan ko na nangangailangan kong pagbigyan. Lumingon ako kay Montellano sa biglang umamo kong mukha. "May pagkain ba dito sa bahay niyo?"
"Hindi ako pulubi kaya malamang meron." sagot niya na di pa rin nawawala ang pagkamayabang na tatak na niya. Pero gano'n pa man, wala akong narinig na pagtanggi kaya nangangahulugan lang na pumapayag siya. "Timplahan mo ako ng kape. Ayoko ng matamis."
"Okay." sagot ko. Hindi na rin ako nagreklamo pa sa mapang-utos niyang boses dahil inaasahan ko na rin naman sa kanya iyon. Bago ulit ako makalabas ng kwarto, muli niya akong tinawag. Pagkalingon na pagkalingon ko, biglang may binato siya sa'kin na swerteng nasalo ko naman.
"Kailangan mo 'yan. Ang baho ng hininga mo." sambit niya na di ko naintindihan kung di ko pa binaling ang tingin ko sa bagay na sinalo ko mula sa kanya. Isang toothbrush iyon na hindi pa gamit.
Kung si Brent ang nagbigay sa'kin nito ngayon, siguradong namula na ako sa hiya, pero dahil si Montellano lang naman ito, ni hindi ako nakaramdam ng pagkapahiya. "Thanks." sagot ko pa sa kanya bago ako tuluyang makalabas ng kwarto niya.
Hindi ito ang unang beses na nakapunta ako sa pamamahay ni Montellano kaya kabisado ko na rin kahit papaano ang pasikot-sikot ng bahay. Hindi ako naligaw papunta sa kusina. Malaya rin akong nakagalaw at nangialam sa kung anong pwedeng makain. Nag-uumapaw ang pagkain sa refrigerator niya 'yon nga lang wala akong masyadong alam sa pagluluto kaya nagkasya na lang ako sa cereal at prutas. Wala pa ako masyadong panlasa pero pinilit ko pa ring kumain para lang matigil ang kumakalam kong sikmura. Di ko rin nakalimutan ang inumin ang gamot na pinagdarasal ko na lang na umepekto agad-agad dahil gusto ko ng matapos ang pagdurusa ko sa pagtitiis sa sakit ng ulo ko.
"Nasaan ang kape ko?" bungad ni Montellano sa'kin na bagong ligo. Wala siyang suot kundi tuwalyang nakapulupot sa pambaba niya. Di ko alam kung bakit sandali akong napatitig sa kanya na para bang ito ang unang beses na nakakita ako ng hubad na lalake sa harapan ko. "Pinagnanasahan mo ba ako?" tanong nito nang mapansin ang mga mata ko na nakatutok sa katawan niya. Agad ko namang iniwas iyon.
"Hindi." maagap na pagkakaila ko. Hindi ko hahayaang lumobo na naman ang ulo niya. "Napansin ko lang na hindi naman pala gano'n kagandahan ang katawan mo." Di ko alam kung napaniwala ko toon si Montellano dahil mukhang pareho naming alam na maganda ang pangangatawan niya. At mukhang gawa 'yon ng dibdibang practice at training ng team niya sa football.
"Kung kinukumpara mo ang katawan ko sa katawan na nakita mo, siguradong malabo 'yang mata mo." balik niya na di na pinalalim pa ang pagdepensa't pagyayabang sa sarili dahil nilapitan na niya ang kapenv ginawa ko at ininom iyon. Naghintay ako ng reklamo niya sa lasa ng kape pero wala akong narinig na anuman, mukhang nagustuhan naman nito kahit papaano ang timpla ko.
Napansin ko na lang na naghahanap ang mata niya sa walang laman na mesa. "Wala ka man lang bang niluto?" usisa nito na pinagtaasan ko ng kilay.
"Wala ka namang sinabi. Kape lang ang hiningi mo." pagdadahilan ko kahit na ang totoo, kahit pa nagrequest siya na magluto ako ng makakain, wala akong maihahanda dahil wala akong kaalam-alam pagdating sa kusina.
"De bale, sa school na lang ako kakain." muling sambit niya na ikinakunot ng noo ko. Nanlaki bigla ang mga mata ko nang maalala kong may pasok nga pala ngayon.
"Teka! Sasabay ako sayo pagpasok!" bigla kong sambit sa kanya habang di ko malaman kung paano pa ako makakahabol sa klase ko ngayong wala akong malinis na damit na pwedeng suotin.
"Nang ganyan ang ayos mo? Di naliligo at di nagpapalit ng damit?" Kung tignan ako ni Montellano akala mo ako na ang pinakanakakadiring taong kilala niya.
"Pero may quiz kami ngayon. Di ako makakahabol kung dadaan pa ako sa'min para maligo at magpalit ng damit." problemadong sagot ko habang nagbabakasakali na matulungan niya ako. "Wala ka ba diyang damit na pwedeng magkasya sa'kin?"
Pinandilatan niya ako ng mga mata niya. "At sa tingin mo nagsusuot ako ng pambabaeng damit?"
"Kahit hindi pambabae. Baka may maliit kang shirt o polo na pwede na. Yong pang-unisex ang dating para--"
"Maghanap ka roon sa closet ko kung may mahahanap ka, hindi 'yong ako pa ang uutusan at aabalahin mo sa paghahanap." masungit na sagot ni Montellano na kahit papaano ay pinagpapasalamat ko na rin na hindi siya umayaw sa ideya ko na manghiram sa kanya ng damit.
"Thanks." sambit ko sa kanya saka patakbo na akong umakyat pabalik sa kwarto niya para maligo.
--------🙍🙍🙍--------
👕👖👠
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top