Oh 25
K A B A N A T A 25:
Nakakailang tingin na ako sa mga damit na inabot sa'kin ni Alex pero wala pa rin akong mapili. Hindi dahil sa wala akong magustuhan kundi dahil sa nahihirapan ako sa sobrang ganda ng bawat isa. Di ko tuloy mapigilang mainggit kay Alex…
"Ang ganda mo talaga ngayon, Alex. Nakita ko kung gaano namangha ang lahat ng lumabas ka sa ganyang ayos, ibang-iba sa Alexandria na kilala namin." Kwento ko sa kanya habang hindi ko maalis ang mga mata ko sa kabuuan niya.
Sa halip na matuwa, napailing na lang si Alex at napahiga sa kama niya na para bang pagod na pagod na. "Pero ayoko nito. Nangangati ako sa make-up ko, di ako komportable sa damit ko, sumasakit na ang paa ko sa heels ko. At nakakapagod makipag-usap sa bawat bisita ko, ni hindi ko kilala 'yong iba."
"Kung pwede lang palitan kita sa pwesto mo ginawa ko na." biro ko na lang dahil wala rin naman akong magagawa para sa kanya. Muli kong binalik ang tingin ko sa mga damit na pinagpipilian ko. Kinuha ko na lang 'yong burgundy dress na off-shoulder, pero bago pa man ako makapagbihis, pinigilan ako ni Alex na hinawakan ang kamay ko.
"Kumusta nga pala si Art ng daanan niyo siya? May sakit ba talaga siya?" biglang tanong nito na nakita ko ang pag-aalala.
"Oo. Medyo parang malala nga. Di niya magawang tumayo ng matagal dahil nahihilo siya agad. Gustuhin man namin siyang hilahin papunta rito pero mukhang imposible dahil di talaga niya kaya ang sarili niya." kwento ko saka ko naalala ang bilin ni Art. Dinukot ko mula sa bag ko ang maliit na kahon na siyang regalo niya para kay Alex. "Pinabibigay nga pala ni Art. Happy Birthday na lang daw."
Maagap na kinuha sa'kin iyon ni Alex at binuksan agad sa harapan ko. Sa loob ng kahon ay isang card at customized mug na kulay itim na tanging disenyo ay napakasimpleng dalawang cartoon stick na tao na may ukit sa baba nito ng dadalawang letra 'A & A'.
Hindi ko alam kung anong espesyal sa regalong iyon ni Art dahil nakita kong napangiti si Alex habang parang may namumuong luha sa mga mata niya. Parang gusto ko tuloy malaman ang laman ng sulat sa card kaso di man lang ako pinayagang sumilip ni Alex na akala mo napakapribado no'n.
Matapos niyang basahin ang card, tumingin sa'kin si Alex suot ang klase ng tingin na para bang may pinaplano siyang hindi maganda.
"Bakit?" tanong ko dahil di ko mahulaan kung anong eksaktong iniisip niya ngayon.
"Palitan mo muna ako sa pwesto ko." sabi niya na di ko makuha kaya kinailangan pa niyang ulitin sa mas malinaw na detalye. "Magpanggap ka munang ako, in one hour."
"Ano?!" balik ko sa blangko pa ring ekspresyon. Wala akong ideya sa kung anong sumuot na kalokohan sa utak ngayon ni Alex.
"Babalik lang naman ako agad. Kailangan ko lang ng one-hour break." Isa-isang hinubad ni Alex ang damit, sapatos at alahas sa katawan niya na para bang buo na ang desisyon niya at hindi siya magpapapigil sa plano niyang pag-alis.
"Teka, saan ka naman pupunta? At bakit kailangang pumalit ako sa pwesto mo? Pwede naman sigurong--"
"Mira kailangan kita para makaalis ako. Sandali lang 'to. Di ka rin nila mabubuko. Susuotin mo 'tong gown ko, mag-aayos na parang ako."
"Pero hindi tayo magkamuha kaya siguradong isang pagkakamali ang magpanggap ako bilang ikaw..."
"Suot mo naman ang maskara. Nakadim na rin ang mga ilaw ngayon para sa slow dance. Wala kang ibang gagawin kundi ang tanggapin ang kamay ng kung sino mang gustong sumayaw sa'yo. Di nila malalaman ang totoo kung hindi mo tatanggalin ang maskara. In less than one hour, nandito na ulit ako para pumalit sa pwesto mo."
Di ko alam kung bakit ganito na lang kadesidido si Alex na umalis. Kitang-kita ko sa mata niya ang desperasyon na mukhang di ko makakayang pigilan. Halos siya na ring ang bumibihis sa'kin ngayon.
Gusto ko man siyang tulungan, pero di ko mapigilang magdalawang-isip. "Pero paano kung…"
"Magagawa natin 'to Mira. Pwede mo ring hingin ang tulong ni Kyle at Brent para di mo kailangan magpanggap sa ibang tao. Silang dalawa lang ang isayaw mo sa loob ng isang oras."
"Pero, Alex…"
"Mira, please. Ngayon lang ako hihingi ng tulong mo, pagbigyan mo sana ako please…"
Hangga't maaari, ayokong bumigay sa pagmamakiusap ni Alex, pero tuluyan na rin niya akong nakumbinsi nang makita ko kung gaano siya magmakaawa na hindi pa niya ginawa noon.
"Dahil birthday mo ngayon, papayag na ako, kahit labag 'to sa kalooban ko." sambit ko sa kanya na sobra-sobra niyang ikinatuwa at ikinapagpasalamat. Wala siyang oras na sinayang sa minutong napapayag niya ako. Pinagpatuloy niya ang pagbihis sa'kin at madali niya akong inayusan na tulad lang sa ayos niya kanina.
Di pa rin maalis ang pagdududa ko na isang pagkakamali ang pagpayag kong 'to. "Paano na lang kung mahuli akong nagpapanggap habang wala ka pa? Alex, ako ang mapapahiya. Siguradong papagalitan din ako ng magulang mo."
"That won't happen." pagsisiguro niya na parang siguradong-sigurado na malulusutan namin 'to. Sinuot niya sa'kin ang huling detalye na makakatulong ng malaki sa pagpapanggap kong 'to. "Huwag mo lang tatanggalin ang maskarang 'to para di tayo mabuko."
Pagkasabi niyang 'yon, hinarap niya ako sa salamin kasunod ng pagpatay niya ng ilaw sa kwarto at pagsindi ng maliit na lampshade niya. Dahil sa ginawa niyang iyon, nakita ko ang epekto no'n sa repleksyon ko sa salamin. Parang bahagyang nawala ang matinding pagtanggi at pag-aalinlangan ko kanina. Walang makakapagsabi na ako pa rin 'to... Kahit sino ay parang madadaya namin at aakalaing si Alex ako.
Masyado akong namangha sa sarili ko sa salamin kaya di ko napansin na nakabihis na rin si Alex na nakajeans at hoodie. "Tayo na…"
Hindi maganda ang pakiramdam ko sa mga susunod na pangyayari pero bahala na. Sa oras na naging handa na ako, iniwan na rin ako ni Alex sa sarili niyang party. Tulad ng sabi niya, nakadim na ang mga ilaw na siyang bumabagay sa mood ng gabi. May mga pares na nagsasayaw sa gitna habang sumasabay lang sa mabagal at malamyos na daloy ng musika.
Habang nagmamasid sa paligid, nahanap na rin ng pares ng mga mata ko sina Brent at Kyle na siyang makakatulong sa'kin tulad ng naisip na ideya ni Alex. Kailangan ko lang sabihin sa kanila ang totoo, at sila na ang bahalang gumawa ng paraan para maiwas akong mabuko ng ibang bisita.
Mga pitong metro ang layo sa'kin nina Brent kaya kailangan kong kumilos ng mabilis kung ayokong biglang may maunang humingi ng kamay ko para maisayaw. Pero nakakailang-hakbang pa lang ako, nangyari na nga ang pinangangambahan ko. Biglang may humarang na bulto ng katawan sa harapan ko kasabay nang pagpwesto ng kamay nito na nakalahad ang palad.
"Can I dance with you?" sambit ng lalake sa harapan ko na saka ko lang nakilala na si Montellano lang pala 'yon.
Hindi na niya hinintay pa ang sagot ko dahil maagap na niyang inabot ang kamay ko saka dinala sa gitna para isayaw.
Ramdam ko ang pagkabog ng dibdib ko hindi dahil sa epekto niya kundi dahil sa pangambang mabuko niya ako mismo. Siguradong kapag malaman niyang ako ito at hindi si Alex, malaki ang tyansang ipahiya niya ako on the spot, lalo na't alam kong sumasaya siya kapag napaglalaruan niya ako.
"You look so beautiful, alam mo ba 'yon?" sambit nito habang ito na mismo ang pumwesto ng dalawang kamag ko sa balikat niya. Medyo napapitlag din ako nang dinala niya ang magkabilang kamay niya sa bewang ko. Gusto kong magreklamo, pero kailangan kong magtiis na matapos ang sayaw namin para lang hindi mahuli.
"Kung ganito ka lagi mag-ayos na parang babae araw-araw, siguradong di na kita tinigilan maging akin ka lang…" muling sabi ni Montellano na gustong-gusto kong tadyakan. Yan ba ang mga linyahan niya sa mga babae niya? Nakakatawa.
Gusto ko siyang sagutin pero nag-aalala akong makilala niya ang boses ko kaya bilang reaksyon sa sinabi niya, sinadya kong tapakan ang paa niya gamit ang matulis na takong ng sapatos na suot ko.
Hindi ko alam kung nasaktan ko siya o hindi sa ginawa ko dahil wala siyang ibang ginawa kundi ang ngumiti. "Binibiro lang kita, alam ko namang di uubra ang charm ko sa'yo." sagot niya na himalang aminado siya sa bagay na 'yon. "Anyway, marami namang ibang babae diyan na nagkakandarapa sa'kin. Mas gugustuhin kong ibaling ang atensyon ko sa kanila kaysa ang matigang sa kakahabol sa'yo. At isa pa, kawalan mo ako, not the other way around…"
Ako naman ang natawa. Ibang klase rin talaga ang Montellanong ito, ang sarap batukan. Kung magiging ganito lang siya kahambog dahil sa itsura niya, sana di na lang siya pinanganak na gwapo.
Naramdaman ko na lang na lumuwang na ang hawak niya sa'kin na para bang hudyat na tapos na ang pagsasayaw namin. "Paano ba 'yan, alam kong gusto mo pang isayaw pa kita pero ayoko na. Ni wala ka sa ritmo sa pagsayaw."
"Hambog!" sambit ko sa kanya na medyo napalakas na umabot sa pandinig niya. Huli na ng marealize ko ang pagkakamaling nagawa ko. Kita ko ang pagsalubong ng kilay ni Montellano na para bang pinoproseso ang sinabi ko at ang mismong boses ko.
Matagal niya akong mataman na tinitigan kaya bago pa man siya umabot sa tamang konklusyon, umiwas na ako't humakbang palayo sa kanya. Eksakto rin lang na nasa harapan ko na si Brent na hiningi ang permiso ko na isayaw ako. Pumayag ako agad, para makaligtas sa naghihinala pa rin na si Montellano.
"Pagod ka na ba?" tanong ni Brent na umagaw ng atensyon ko mula sa pag-aalala ko kung nahalata ba ako ni Montellano. Balak ko sanang sabihin kay Brent ang totoo na ako talaga ito at hindi si Alex pero biglang di ko na natuloy. Isang realisasyon kasi ang kumatok sa utak ko at yon ay, kasayaw ko lang naman ang lalakeng matagal ko ng pinagpapantasyahan na makasayaw ng ganito.
"Siguradong pagod ka na. Sumasakit na siguro ang paa mo dahil sa suot mong klase ng sapatos. Mas sanay ka kasing nakasneakers…"
Kung ako lang talaga si Alex at para sa'kin ang sinasabing ito ni Brent, siguradong nakuha na niya ako. Kaso, hindi ako si Alex, kaya kahit gaano pa kagandang pakinggan iyon mula sa kanya, kasalungat pa rin no'n ang epekto sa'kin.
"Pwede bang ihiram muna kita sandali? Doon lang muna tayo sa walang masyadong tao." Hindi na ako tumanggi pa at sumama ako kay Brent lalo na't makakatulong din ito para patayin ang oras hanggang sa makabalik na rin si Alex na siyang tanging hinihiling ko.
Sa isang malawak na hardin kami nakaabot ni Brent na hindi ganoon kalayo sa pinanggalingan namin. Natatanaw pa rin naman namin ang lahat mula sa kung saan kami nakatayo na napapalibutan ng mga nakatanim na rosas sa paligid. Madilim ang lugar kaya kitang-kita namin ang maliwanag na bituin na masarap pagmasdan. Malamig rin ang simoy ng hangin na siyang pinakagusto ko sa lahat.
Nakangiting bumaling ako kay Brent pero nalusaw din ang ngiti ko ng makita ko ang bahagyang pagkatensyonado niya. Mukhang isang pagkakamali ang pagsama ko sa kanya dahil parang nahuhulaan ko na kung anong mangyayari. Mukhang ngayon mismo magtatapat si Brent ng nararamdaman niya…
Nakailang lunok ako dahil sa kaba. Di ko alam kung anong gagawin ko para pigilan ang dapat mangyari. Hindi dapat ito matuloy dahil unang-una, hindi ako ang babae na akala niya.
"Alex, I like you…" biglang sambit ni Brent na diretsahan ang ginawang pag-amin. Natigalgal tuloy ako ng ilang sandali dahil alam kong wala na akong magagawa para mapigilan pa ang nangyayari. Nasabi na ni Brent ang gusto niyang sabihin, at wala akong magagawa kundi ang makinig pa sa kanya.
"Siguro nagulat kita, pero ito ang totoo… Gusto kita."
Di ko alam kung anong reaksyon ba dapat ang ipapakita ko. Ni hindi ko magawang makapagsalita dahil kapag ginawa ko 'yon, malalaman niyang ako ito. At anong sasabihin ko? Surprise? Sorry, pero ako 'to at hindi talaga si Alex. Ulitin mo na lang ang pagtatapat mo kapag siya na ang nasa harapan mo.
Nakita kong may dinukot si Brent mula sa bulsa niya. Alam kong iyon 'yong regalo dapat niya kay Alex, pero mukhang sa maling tao na naman niya 'yon ibibigay tulad nang kung paanong sa maling tao siya nagtapat.
"Happy Birthday…" sambit niya matapos niyang ilabas ang hikaw na ako mismo ang kasama niyang pumili at bumili no'n. Sinong mag-aakala na ako rin pala ang tatanggap.
Tinanggap ko ang regalo mula sa kanya. Hindi ako makapagsalita ng simpleng 'thank you' dahil sa boses ko, kaya niyakap ko na lang siya at bumulong ng pagpapasalamat. Matapos kong masabi 'yon, kumalas din ako sa kanya pero hindi pa man ako tuluyang nakakahakbang ng paatras, natigil ako sa kung paano niya ako titigan sa mata. At huli na nang marealize ko kung ano ang sunod niyang gagawin, dahil bago pa man mapansin ang papalapit niyang mukha, lumapat na ang labi niya sa labi ko.
Nabigla ako sa nakaw-halik na 'yon na awtomatikong bumuhay sa pulso ko na di na ngayon nagpapaawat sa pagtakbo. Buong akala ko di na masusundan pa ang unang halik namin… Nakakatawa lang na tulad noong una, si Alex ang akala niyang ako.
Gusto kong kumawala sa nangyayaring halik dahil alam kong mali. Pero di ko magawa dahil parang magnet 'yon na hindi ko magawang umiwas at lumayo. Nawawala ako sa tamang pag-iisip dahil sa malambot niyang labi at nakakalunod niyang halik.
"Alex," sambit ni Brent matapos ang halik na ayoko pa sanang matapos. "Alam kong ikaw 'yon… Alam kong ikaw 'yong nagnakaw ng halik sa'kin noong valentine's countdown. Hindi ko man nakita ang mukha mo, pero alam kong ikaw 'yon. Huwag mo na ring subukang itanggi dahil nakumpirma ko lang ngayon… walang pinagkaiba 'yong halik natin noon sa ngayon."
Napaatras ako ng isang hakbang palayo sa kanya. Mas tumindi ang tibok ng puso ko ngayon kaysa kanina, at dahil na 'yon sa kaba. Di ko na alam kung anong gagawin ko. Magsasalita ba ako at sasabihin ko sa kanya ang totoo o mananahimik na lang ako at hahayaan siyang isipin at paniwalain sa bagay na hindi totoo.
Napansin ni Brent ang kakaibang pananahimik ko. "Alex?"
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mananahimik. Gusto ko ng makaalis sa sitwasyon kong ito pero di ko alam kung papaano. Ni hindi ako makapagdahilan ng kung anong excuses na pwede dahil natatakot akong mabuko sa sarili kong boses.
Muling humakbang palapit sa'kin si Brent kaya nabalik ang kaninang magkalapit na distansya namin sa isa't isa. Umangat ang mga kamay niya't dinala sa mukha ko para sapuhin ng magkabilang palad niya. Gusto ko ang pakiramdam ng mainit na palad niya sa pisngi ko na naging dahilan para mapapikit ako.
“Psst…” Muli akong napadilat nang marinig ko ang pagtawag na ‘yon mula sa di kalayuan. Maging si Brent ay napalingon din sa direksyon na pinanggalingan. Nang makita kong si Alex ‘yon na palapit sa kinatatayuan namin, awtomatikong nalipat ang tingin ko kay Brent na gulat na gulat.
“Alex?” sambit ni Brent na hinagod ng tingin si Alex mula ulo hanggang paa na para bang sinisiguro niyang tama ang nakikita niya. Matapos niyon, tumingin siya sa’kin.
“Ako nga. Bakit, di pa ba sinabi sa’yo ni Mira?” sagot ni Alex na hindi na hinintay pang sumagot si Brent dahil bumaling na siya sa’kin. “Mira, magpalit na tayo. Magkita na lang tayo sa kwarto ko. Sa bintana ako dadaan para walang makakita.”
Pagtango lang ang nasagot ko kay Alex dahil parang di ko pa kayang magsalita. Kay Alex ako nakatingin, pero ramdam ko ang tagos na titig sa’kin ni Brent. Walang nagsalita sa aming dalawa hanggang sa makaalis si Alex na hindi man lang napansin ang tensyon sa pagitan namin ni Brent.
“Mira?” patanong na sambit ni Brent kahit na malinaw na niyang narinig na ako nga ito. Nang hindi ako umimik, siya na mismo ang kumilos para alisin ang maskara ko. Medyo may kadiliman sa paligid, pero sapat na ang liwanag mula sa malayong poste, para makita niya ang mukha ko.
Bumagsak ang mukha niya nang makumpirma nga niyang ako ng taong kanina pa niyang kasama. “Kung isang malaking biro sa’yo ‘to Mira, sa’kin hindi. Hindi ito nakakatawa at lalong hindi nakakatuwa.” Seryosong sambit niya na ngayon ko lang ulit nakita na ganitong galit.
Habang tinatanggap ko ang mga tingin ni Brent, di ko mapigilang pagpawisan. “H-hindi ko intensyon. Di ko ‘to plinano o binalak. M-maniwala ka, di ko alam na ganito ang kahihinatnan nito…” Nanginginig ang boses ko sa pagpapaliwanag. Ni hindi ako makabuo ng matinong pangungusap pero sinubukan ko pa rin. “Biglang naisip ni Alex na palitan ko muna siya sa loob ng isang oras. Tumanggi ako pero napapayag din niya ako sa pangungulit niya…”
“Kung gano’n bakit di mo sa’kin sinabi agad na ikaw ‘yan at hindi si Alex?” putol sa’kin ni Brent na hindi ko masagot. “Bakit mo pa kailangan ipaabot sa puntong nagmukha akong tanga sa pagtapat ng nararamdaman ko at halikan ang akala kong si Alex?! Umpisa pa lang may pagkakataon kanang sabihin sa’kin na ikaw yan. Kung hindi pa dumating si Alex, di ko pa malalaman… Ano ‘to? Balak mo akong gawing tanga?”
Gusto kong magmatapang at sabihin sa kanya ang pinakadahilan… na may nararamdaman ako sa kanya… na ginusto kong maging si Alex ng mga panandaliang ‘yon… na masarap pakinggan kung paano siya nagtapat, at kung paano humalik… Pero hindi ito ang lumabas na sagot mula sa bibig ko.
“N-nakita ko ‘yong kislap sa mga mata mo noong nagtapat ka. Alam kong matagal mong hinangad ‘yon, kaya ang hirap para sa’kin na sirain ‘yon. Ayoko lang na madisappoint ka—”
“At sapat ng dahilan ‘yon para pagpaniwalain mo ako? Ang lokohin ako? Na para bang kailangan ko pang magpasalamat sa’yo dahil iniisip mo rin ang mararamdaman ko?” Balik niya sa’kin na di ko na masagot. Ni hindi ko na magawang salubungin ang mga mata niyang puno ng galit. “Mira, nagsinungaling ka sa’kin… Pinaniwala mo ako… Di ko inakalang may magagawa mo sa’kin ‘to…”
Alam kong sa puntong ito, tuluyan ng nawala ang tiwala sa’kin ni Brent. Mahirap man tanggapin, pero may lamat na ang pagkakaibigan namin na di ko alam kung mababalik pa ba sa dati.
Nakita ko na lang na tinatalikuran na ako ni Brent. Habang humahakbang siya palayo, bigla siyang tumigil at humarap muli. Di ko alam kung bakit parang kinakabahan ako sa kung ano mang balak niyang sabihin, pero pinakinggan ko pa rin. Hinanda ko na ang sarili ko sakaling tapusin na niya ang pagkakaibigan namin ngayon, pero hindi ‘yon ang lumabas sa bibig niya, kundi isang tanong na siyang pinakaiiwasan ko.
“Mira, may iba pa bang rason kung bakit mo nagawa ‘yon?”
Sinikap kong salubungin ang mga mata niya na hindi iyon iniiwasan. Alam kong sasagi at sasagi sa isip niya na may mas malalim na dahilan kung bakit ko ‘yon nagawa… na may gusto ako sa kanya. Pero sa halip na sabihin sa kanya ang totoo na makakapagpagulo lang lalo sa sitwasyon namin, mas mabuti na lang ang magsinungaling.
“Wala na.” Matapos kong sagutin ‘yon, tuluyan na niya akong tinalikuran. Naiwan akong walang magawa kundi ang ibuhos ang mga luhang pinipigilan ko pa kanina.
-------😢😨😥------
Dancing in the dark, with u between my arms..
💔
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top