Oh 24

K A B A N A T A  24:

Nakailang tingin na ako sa salamin, pero parang di pa rin ako mapakali. Hindi ako masyadong kontentado sa suot ko. Simpleng plain white dress na hanggang tuhod na hiniram ko lang kay Emee dahil wala akong ibang masuot para sa ngayong debut party ni Alex. May kasikipan lang talaga ito dahil kung ikukumpara ang katawan ko sa kapatid ko, medyo malaki ang deperensiya.

Muli kong sinipat ang sarili ko sa salamin para kumbinsihin ang sarili ko na maayos na rin naman ako at hindi na kailangan pang mag-alala. Hindi na rin naman siguro mahahalata na medyo masikip ang damit para sa'kin. Kung nabantayan ko lang kasi ang timbang ko, sana naagapan ko ang mas pagdiet.

Nang marinig ko ang busina ng kotse sa tapat ng bahay namin, saka ko lang tinigilan ang pananalamin. Nagmamadaling bumaba ako at nagdahan-dahan lang nung nasa may pinto na ako. Sinubukan kong kumalma nang mabungaran ko si Brent na ubod ng gwapo sa porma't suot niya. Sumabay pa ang ngiti niya na pinagsisikapan kong walang maging epekto sa'kin.

"Ready ka na?" tanong ni Brent sa'kin na sinagot ko lang ng pagtango. Matapos iyon, wala na akong narinig sa kanya kahit isang salitang pagpuri man lang. Alam kong hindi ko dapat 'yon asahan sa kanya, pero 'yon naman ang hinihingi ng kahit na sinong babae, ang makatanggap ng appreciation mula sa kahit na kanino. Hindi ko rin kasi narinig 'yon sa kahit na sino sa pamilya ko… kahit man lang kay mama.

Inalalayan naman ako kahit papaano ni Brent hanggang sa makasakay ako ng kotse niya. Hindi niya 'yon agad pinaandar na para bang may inaalala siya sa kung anong bagay. Bago ko pa man siya mausisa tungkol sa gumugulo sa kanya, nakita ko na lang na nilabas niya ang isang maliit na kahon. Iyon 'yong binili naming regalo niya para kay Alex, isang pares ng hikaw na ako mismo ang pumili.

Walang salitang lumabas mula kay Brent. Matapos ang pagtitig na ginawa niya sa hikaw, nagulat na lang ako ng inabot niya ang isang kamay ko. Bumilis agad ang tibok ng puso ko dahil sa ginawa niya. Ramdam ko ang malaki niyang kamay na sinakop ang palad ko papunta sa kanya. Halos di ako makahinga nang tinapat niya 'yon sa dibdib niya, eksakto kung saan banda tumitibok ang puso niya.

Matapang na sinalubong ko ang mga mata ni Brent dahil gusto kong maintindihan kung para saan ang mga kinikilos niya. Ayoko sanang mag-isip ng kung ano hanggat wala akong naririnig mula sa kanya pero di ko mapigilang umasa. Habang nananatiling hawak niya ang kamay ko't nakalapat pa rin ito sa dibdib niya, maraming tumatakbo sa utak ko. May nararamdaman na ba siya sa'kin? Magtatapat ba siya? Bakit bigla na lang niyang kinuha ang kamay ko?

"Kinakabahan ako ngayon," sambit ni Brent na naging dahilan para matigil ako sa pag-iilusyon. Walang ibang intensyon si Brent kundi ang ipadama sa'kin ang bilis ng tibok ng puso niya dahil sa kaba. "Di ko mapigilang kabahan para mamaya... Magtatapat na ako kay Alex."

Gusto kong pagtawanan ang sarili ko't kaawaan. Hindi na kasi ako nadala sa paulit-ulit na pag-asa na pwedeng mabaling din sa'kin ang pagtingin ni Brent.

"Tingin mo magiging maganda ang kalalabasan ng gabing 'to?" muling sambit ni Brent na inaantay ang opinyon o anumang sasabihin ko.

Pinwersa ko ang sarili kong ngumiti sa harap niya dahil 'yon ang kailangan at hinihinging reaksyon sa ganitong sitwasyon. "Kaya mo yan. Naniniwala ako sayo at sa nararamdaman mo para kay Alex."

Sinalubong ni Brent ang mga mata ko. Sinikap ko ulit na huwag umiwas. Umakto lang dapat ako na naaayon bilang kaibigan dahil ito lang naman talaga ang lugar ko sa kanya sa pinaka-umpisa pa lang. Mahirap magpanggap ng normal at natural, pero mukhang kinakaya ko naman. Darating naman siguro 'yong araw na mawawala rin 'tong pagtingin ko sa kanya. Sa ngayon, kailangan ko lang muna talagang tanggapin at yakapin yong sakit.

Binitawan din ni Brent ang kamay ko saka kinabitan ako ng seatbelt. Excited na binuhay niya ang makina ng sasakyan para makaalis na rin. Dinaanan muna namin si Art dahil napag-usapan naming magkakasabay kaming pupunta sa party. Si Kyle lang ang hindi dahil susunduin pa niya si Annie.

Pagdating namin sa bahay ni Art, hindi siya lumabas matapos ang pagbusina namin kaya bumaba na lang kami ng kotse para katukin siya sa kanila.

Pagpasok pa lang namin, walang ayos at nakapambahay pa rin na Arthuro ang bumungad sa'min. Sesermonan ko sana siya pero natigil ako nang mapansin kong namumutla siya na parang may sakit. Nanghihina rin siya na parang hindi makatayo ng matagal. Sinalubong ko na siya agad ng pag-alalay at ganoon din si Brent. Sa oras na mahawakan ko ang balat ni Art, nakumpirma kong nilalagnat ito.

"Sorry guys, gustuhin ko mang pumunta sa party, pero di kaya ng sarili ko. Pakiabot na lang kay Alex ang pagbati ko sa kanya." sabi niya habang tinutulungan namin siyang makaupo dahil parang anumang oras ay matutumba siya.

"Bakit kasi, ngayon ka pa nagkasakit?" sambit ko na hindi ko mapigilang mag-alala. "Uminom ka na ba ng gamot?"

"Oo. Pero mas magiging maayos ang pakiramdam ko kung itutulog ko na lang to, kaya pumunta na kayo sa party dahil malelate na kayo." pananaboy nito sa'min na mukhang nananabik na sa paghiga sa kama. Sinunod na rin namin si Art dahil alam naming may pagkamasungit talaga siya tuwing hindi maganda ang pakiramdam. Hindi na namin siya kinulit pa kaya nagpaalam na kami agad at dumiretso sa party na di siya kasama.

Nahuli kami ng ilang minuto nang dumating kami sa bahay ni Alex. Magarbo ang ayos ng lugar na halatang ginawang espesyal para sa kaarawan ni Alex. White and black ang tema ng ayos na mas naghatid ng formal vibe at pagkaelegante. Di na ako nagulat pa dahil sadyang mayaman ang pamilya ni Alex na kayang-kaya maglabas ng malaking halaga para sa ganitong espesyal na celebrasyon.

Bungad pa lang, kitang-kita ko na ang mga bisitang imbitado. Iilan lang ang mga estudyante mula sa school namin dahil karamihan yata ay mga politiko at negosyanteng tao na may koneksyon sa pamilya ni Alex. Saka ko rin lang naintindihan si Alex kung bakit ayaw niya ng ganitong klaseng celebrasyon sa kaarawan niya.

"Mira, pasok na tayo..." bulong sa'kin ni Brent dahil sa sandali akong natigilan sa kakamasid sa paligid. Nang lumingon ako kay Brent para tumango, napansin kong suot na niya ang mask niya kaya sinuot ko na rin ang akin. Masquerade ang tema ng party kaya nakamaskara ang lahat na nakakasalubong namin.

Kinailangan pa naming tawagan sa cellphone si Kyle para matunton namin sila. Nang matagpuan rin namin ang dalawa, di ko agad nakilala ang mga taong kasama nila dahil sa maskara. Kung hindi pa sila nagsalita, di ko malalaman na si Kirk at Montellano iyon.

Makita ko lang ang hambog na si Montellano, nabalot na ako ng inis. Di ko pa nakakalimutan ang ginawang pag-iwan niya sa'kin sa gitna ng kalsada noong nakaraang araw. Buti na lang talaga dumating si Brent para sunduin ako dahil kung hindi, siguradong hindi ako nakauwi. Tandang-tanda ko pa ang itsura ko na basa ng luha nang abutan ako ni Brent. Inakala niya minolestiya na ako dahil di ako matigil sa kakaiyak. Ilang beses siyang nagtanong sa totoong nangyari, pero hindi ko binunyag ang kalokohan sa'kin ni Montellano dahil ayokong lumala pa iyon. Minabuti ko na lang na kalimutan iyon at magpanggap na parang walang nangyari tulad ng ginagawa ngayon ni Montellano. Di man lang nagawi sa direksyon ko ang mata niya na mas abala sa kausap niyang babae.
Ilang sandali lang, nagsimula na rin ang program. Matapos ang maikling speech ng emcee, tinawag na rin niya ang hinihintay ng lahat na grand enrrance ng debutante. Namuhay ang palakpakan at paghanga ng mga tao kay Alex na ibang-iba ang itsura sa normal nito. Lumabas ang ganda niya sa ayos ma ulo hanggang paa. Nakalugay ang mahaba niyang buhok na bumagay sa ayos at suot niya. Black dress ang suot niya na agaw pansin dahil pinagawa pa iyon sa sikat na designer. Maging ang maskara niya ay sinadyang tinerno sa damit niya na detalyado ang disenyo.

Sa gitna ng pagmasid at paghanga ko kay Alex, naramdaman ko na lang na umakbay sa balikat ko si Brent na sinundan ng isang bulong. "Ang ganda niya. Pinakamaganda…" sinabi niya sa'kin 'yon na hindi man lang inaalis ang tingin niya kay Alex.

Yon 'yong mga salitang kanina ko pang hinihintay na sabihin rin niya sa'kin kahit sa pangkaibigan lang na tono. Narinig ko nga ang papuring salita pero hindi naman para sa'kin.

"Sang-ayon ako." sagot ko kay Brent na hindi ko na kailangan pang pumeke ng maluwang na ngiti dahil hindi naman niya nakikita ang reaksyon ko. Masyado siyang abala sa paghanga niya sa kagandahan ni Alex.

Hindi ko alam kung paano ko nagagawang tagalan na panoorin si Brent na paulit-ulit na humanga kay Alex na para bang siya lang ang babae sa gabing ito. Hindi ko alam kung bakit gusto ko pa rin siya kahit na paulit-ulit akong nasasaktan sa ganiting sitwasyon. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magiging ganito…

Nagpatuloy ang program hanggang sa magsimula ang eighteenth roses, kung saan pinakauna si Kyle na susundan dapat ni Art pero dahil wala siya, si Montellano ang sumalo't pumalit sa pwesto. Ilang minuto lang, si Brent na ang sumunod na kasayaw ni Alex. Parang slow-motion na nangyayari sa mata ko ang pagsayaw nila na nakakadurog ng kung ano mang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung kailan ang eksaktong planong pagtatapat ngayon ni Brent kay Alex, ang alam ko lang, mukhang mas magiging mahirap sa'kin ang lahat sa oras na maging silang dalawa na. Kung ngayon pa nga lang, parang ang hirap na nilang panoorin habang sumasayaw, paano pa sa mga susunod na pagkakataon na mapapadalas na ang ganito? Kakayanin ba ng puso ko na masaksihan iyon ng paulit-ulit?

Napabuntong hininga ako't iniwas ko na rin ang tingin ko sa kanila. Hindi ko man kinayang panoorin sila ng matagal, at least masasabi kong di na ganoon kahina ang puso ko para umiyak o maluha. Hinanda ko na ulit ang masaya kong mukha sa oras na makabalik na sina Brent sa table namin.

Nakita ko ang saya sa mga mata ni Brent sa minutong makaharap ko siya. "Nagtapat ka na ba sa kanya kanina?" Di ko napigilang mag-usisa. Gusto kong malaman kahit na may kakayahan no'n palungkutin ang nararamdaman ko.

"Hindi pa. Masyadong mabilis ang oras nung nagsasayaw kami. I'll find a perfect time mamaya." Bulong niya pabalik sa'kin na tanging kami lang ang nagkakarinigan sa pinag-usapan namin. Busy rin kasi ang mga kasama namin sa table sa pakikipag-usap sa kani-kanilang pares, si Kyle kay Annie, si Kirk kay Vanessa at si Montellano sa di ko kilalang babae.

"Wala kang balak kumain?" tanong sa'kin ni Brent. Di ko pa kasi ginagalaw ang pagkain sa harapan ko. Halos tubig lang ang iniinom ko dahil nababahala akong sumikip pa lalo ang damit na suot ko ngayon.

"Kumain ka nga…" utos ni Brent na nilagyan ako ng pagkain sa pinggan ko. Alam kong nagpapakakapatid lang siya sa'kin pero di ko mapigilang matuwa. Masarap pakinggan kapag may taong nag-aalala sa'kin.

"Alam niyo, ang kyut niyong couple. Matagal na ba kayo?" biglang komento ng babaeng kasama namin sa table na siyang katabi lang ni Montellano. Napunta tuloy ang atensyon ng mga kasama namin sa sinabi niya.

"Sino? Si Brent at Mira?" tanong ni Kyle na siyang unang nagsalita, nang tumango ang babae, si Brent na ang sunod  na sumagot.

"We're not in a relationship. Magkaibigan lang at hanggang doon lang talaga kami." natatawang sagot niya na ginaya ko na rin para lang hindi maging awkward sa part ko.

"Ganoon ba? Akala ko talaga kayo." nanghihinayang sambit ulit ng babae na siyang kauna-unahang shipper namin. "Pero malay niyo, kayo din pala ang magkatuluyan sa huli. May nakikita lang kasi akong chemistry."

Di ko magawang maging komportable sa sitwasyon ko ngayon ng muling tumawa si Brent na sinamahan pa ni Kyle. Para sa kanila, isang malabong ideya ang maging kami.

"Ako din, may nakikita din akong chemistry." sabat ni Montellano na di ko inakalang makikisawsaw din sa usapan. Di ko alam kung ang komento niyang iyon ay para lang suportahan ang babae na kanina pa niya nilalandi o para lang asarin ako. "Pero mukhang imposibleng magkatuluyan ang dalawang tao na iisa lang ang may nararamdaman para sa isa."

Isang rebelasyon ang sinabi ni Montellano na mukhang may intensyon talagang ipahamak ako. Sa kanya naman napunta ang atensyon ng lahat.

Maagap na akong nagsalita para pomrotesta. "Magkaibigan lang kami ni Brent kaya imposibleng may one sided love na nagaganap. Saan mo ba napupulot yan na pinagsasasabi mo?"

"Gusto mo bang malaman kung saan ko nakuha ang tsismis na 'to…?" walang prenong sagot ni Montellano na nakatanggap ng sipa sa'kin sa ilalim ng mesa. Buti na lang wala na ring nakinig pa sa kanya nang mapunta ang atensyon ng lahat sa biglang pagbago ng musika na isang hudyat na pwede ng sumayaw ang sino mang gusto.

Tumayo ako para sana magbanyo pero bago pa man ako makahakbang paalis, humarang si Montellano sa mapanuksong mata. "O, aalis ka? Sayang naman, baka sakaling isayaw ka ni Brent…" sambit niya na tanging ako lang ang nakakarinig.

"Tigil-tigilan mo ako sa panunukso mo sa'kin, Montellano. May atraso ka pa sa'kin baka nakakalimutan mo…" balik ko sa kanya sa salubong na kilay. Lalagpasan ko na sana siya nang muli siyang nagsalita.

"By the way, nice dress. Style ba 'yan?" Nakanguso siya sa kanang bewang ko  na agad ko sinundan ng tingin. Nagulat na lang ako nang mapansin kong punit ang tagiliran niyon na mukhang nasira nang gumalaw ako kanina para sipain siya.

Mas lalo lang akong nainis sa taong nasa harap ko. Di na ako nagtagal pa sa kinatatayuan ko bago pa man may makapansin sa punit kong damit. Si Alex ang una kong hinanap para hingan ng tulong. Siya lang ang pwedeng makapagpahiram sa'kin ng masusuot sa ngayon.


----------😊😊😊----------

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top