Oh 23
K A B A N A T A 23:
Isa-isa kong nilagay ang hawak na libro at notes sa locker ko na hindi na rin naman kakailanganin dahil bakante ang first period ko matapos lang ianunsyo na wala kaming teacher. Balik eskwela ulit kami ngayon matapos ang isang linggong bakasyon pero heto, parang hindi pa gusto ng lahat na pumasok kaya kakaunti lang ngayon ang populasyon ng estudyante.
“Kumusta ang bakasyon niyo? Sa’kin kasi ang daming nangyari…” tanong ni Lesley na siyang kaklase ko sa unang period. Kabilang si Alex sa estudyanteng lumiban ngayon sa klase kaya wala akong ibang choice kundi ang sumama sa grupo ni Leslie na hindi ko gaanong gusto.
“Nagstay kami ng boyfriend ko sa Luxury hotel…” pagsisimula ng pagsasalaysay ni Leslie na hindi ko magawang pakinggan ang bawat pagdedetalye niya dahil tungkol lang naman ulit iyon sa kung gaano kayaman ang boyfriend niya.
“Ikaw Mira?” Tanong din niya sa’kin matapos ang halos trenta minutos niyang pagkukwento sa naging bakasyon niya. “Siguro nagstay ka lang sa bahay niyo? Ang boring naman…”
Hindi man lang niya ako binigyan ng pagkakataong sumagot dahil agad na niya dinugtungan iyon na akala mo’y alam ang pangyayari sa buhay ko.
“Oo. Gano’n nga.” Sagot ko na lang kahit hindi naman talaga. Hindi rin ang salitang ‘boring’ ang makakapaglarawan sa kung paano naging roller coaster ang ilang araw na bakasyon ko. Bagaman alam kong magiging interesante para kay Leslie at tatlong minions niya ang kwentong-bakasyon ko dahil kasama lang naman ang kinababaliwan nilang si Montellano sa pangyayari, pero di ko na sinabi.
Natigil ang pagkagat ko sa sarili kong burger nang maalala ko si Montellano. Hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanya matapos siyang ilipat ng ospital. Sapat na rin naman sa’kin na malamang maayos na siya, pero di ko pa rin maiwasang isipin kung kumusta na siya o kung nakalabas na ba siya…
“Nabalitaan niyo ba ‘yong nangyari kay Montellano? Naospital pala siya…” Pag-iiba ng usapan ni Leslie na siyang nagpabalik ng atensyon ko sa sinasabi niya. “Ang sabi daw, sinagip niya ‘yong batang babae na muntik ng makagat ng ahas, ‘yun nga lang si Montellano ang napahamak.”
“Batang babae?” Gusto kong matawa sa kung paanong mali-mali ang detalye ng kwento niya. “Saan mo ba napulot ang balitang yan?” Gusto kong sabihin sa kanya ang buo at malinaw na detalye dahil ako lang naman ang kasama at witness sa buong pangyayari.
“Kung magsalita ka naman parang nagsisinungaling ako.” Sambit niya na minasama ang sinabi ko. Pinanasan pa ako ng kilay ng bruha saka muling nagsalita. “Para sa kaalaman mo, mula sa bibig mismo ni Montellano ko narinig ang balitang ‘yon. Alam niyo naman na malapit kami sa isa’t isa, he’s my ex. Marami nga kaming napag-usapan kanina…”
Sa dinami-dami niyang sinabi, iisa lang ang rumehistro sa utak ko. “Kanina? Pumasok na siya ngayon?”
“Mukha ba akong nagbibiro nang sinabi ko ‘yon?” balik sa’kin ni Leslie na nainis lang lalo sa’kin. Mula sa’kin, tumingin siya sa mga minions niya. “Let’s go girls, gusto kong magretouch, samahan niyo ako.”
Malinaw na hindi ako kasama sa imbitasyong iyon kaya di na rin ako sumama nang sabay-sabay silang umalis. Naiwan akong mag-isa na hindi ko alam kung sa paanong paraan ko palilipasin ang oras, hanggang si Montellano ang unang pumasok sa isip ko. Mabuti pa ang hanapin na lang siguro siya para makamusta siya ng personal. Hindi ko nakakalimutan na utang ko pa rin sa kanya ang buhay ko.
Hindi ko alam kung saan ko unang hahagilapin ang bulto ni Montellano. Wala akong ideya sa schedule ng klase niya lalo na’t hindi ko rin siya kaklase sa lahat ng subjects ko. Hanggang sa naalala kong may phone number niya nga pala ako.
Kinuha ko ang phone ko at tinext siya kung nasaan siya. Ilang segundo lang, isang reply mula sa kanya ang dumating.
*Bakit?* Tanging sagot niya sa tanong ko na nakakaasar. Sa halip na sumagot na lang, isang tanong na bakit ang binalik niya sa’kin? Gusto kong mainis pero ano nga ba ang aasahan ko sa hambog na ‘yon, normal na sa kanya ang mang-inis.
*Pupuntahan kita.* maikling reply ko na sinundan ko pa ng isang text. *Nasaan ka nga?*
*Library* reply niya na ikinakunot ko ng noo. Sinong mag-aakala na napapadpad rin pala ang isang Montellano sa library. Duda ako na nag-aaral siya ngayon, it’s either na tumatambay lang siya, o nagpapacute sa susunod na babaeng bibiktimahin niya.
Hindi na ako nagsayang pa ng oras at nagsimula na akong maglakad papuntang library. Tinext ko siya ulit para ipaalam na nasa library na ako. Matagal siyang di nagreply kaya kumilos na lang ako at sinimulan siyang hagilapin sa paligid. Iisa-isahin ko na sana ang bawat sections ng library nang makatanggap na ako ng text mula kay Montellano.
*Ang tagal mong dumating, kakaalis ko lang ng library. Papunta kami ng cafeteria.*
*Okay. Punta na lang ako diyan* sagot ko na iniwasan kong lagyan ng angry face na emoticon. Sana hinintay na lang niya ako kahit saglit. Medyo may kalayuan din ang distansiya ng library at cafeteria.
Muli akong kumilos papunta sa sinabi niyang lokasyon. Nilakad-takbo ko na lang para makarating agad sa kinaroroonan niya, kaya nang marating ko ang cafeteria, humihingal na ako at pinagpapawisan pa.
Awtomatikong hinanap ko si Montellano sa bawat table pero wala na naman siya. Galit na nagtype ako ng message sa kanya. *Wala ka naman dito. Nasaan ka?*
*Nandito sa Gym, di na kami dumaan ng cafeteria.* Naningkit ang mata ko nang mabasa ang reply niya. Mabilis din akong sumagot.
*Niloloko mo ba ako?!* Sinamahan ko na rin ng angry face na emoticon dahil totoong galit na ako.
Happy face at LOL gif ang una kong natanggap na reply niya na sinundan ng text. *Ngayon mo lang narealize? Kawawa ka naman…*
Kung di ko lang mahal ang cellphone ko, tinapon ko na ‘to sa sobrang inis. Bakit ba kasi ako nagpauto? Dapat narealize ko na ‘yon nung sandaling sinabi niyang nasa library siya dahil hindi ang tipo ni Montellano ang nagbabasa ng libro.
“Mira!” tawag sa’kin ng boses mula sa di kalayuan. Napansin ko lang na si Brent pala iyon nang makalapit na siya sa’kin. “O, mag-isa ka yata…”
“Alam mo naman, absent si Alex kaya ako lang ngayon.” sagot ko. Hindi ko na kinuwento sa kanya na kasama ko kanina si Leslie at ang minions nito dahil alam kong pagtatawanan lang niya ako. Alam kasi niya kung gaano ako naaalibadbaran sa mga babaeng ‘yon. “Bakante ka din ngayon? May mga kasama ka?”
“Oo.” Turo niya sa isang grupo sa kabilang table. Buong akala ko babalik na siya roon sa mga kasama niya pero hindi, nanatili siya sa harap ko. “Sasamahan na lang kita kung wala kang kasama.”
“Ikaw ang bahala.” Sagot ko na parang biglang nakalimutan ko ang inis na nararamdaman ko kanina. “Lilibrehin mo ba ako?”
“You don’t have to ask.” Sagot niya saka tumayo para bumili at pumila sa counter. Bumalik siya makalipas ang ilang minuto na may dala na ng tray na puno ng pagkain.
Lihim akong natuwa sa kanya. Ito ang isa sa bagay na nagustuhan ko kay Brent, alam na alam niya kung paano tratuhin ang babae.
“Dig in.” sambit niya na nauna pa sa’kin sa pag-atake sa pagkain. “Hindi ako nagbreakfast dahil sa mga kapatid ko. Magulong umaga na naman ang nangyari sa bahay kanina.” Pagkukwento niya.
Nabuhay muli ang paghanga ko kay Brent. Mukhang wala sino man ang makakagawa ng papel na ginagampanan niya sa bahay. Ni hindi no’n nababawasan ang pagkalalake niya.
“Kung alam lang ni Alex kung gaano ka karesponsableng magulang sa mga kapatid mo, siguradong pinakasalan kana no’n.” komento ko para pangitiin siya na umubra naman.
“Tingin mo?” paninigurado niya sa’kin na tinanguan ko naman. Nagulat na lang ako nang kumuha siya ng isang fries, dinikdik sa sauce at nilapit sa bibig ko para subuan ako. “Say ah…”
Para akong naestatwa na hindi ko alam kung anong magiging reaksyon. “B-ba’t mo ko sinusubuan?” Tanong ko para lang talaga may masabi, dahil di ko pa rin talaga alam kung tatanggapin ko iyon o tatanggihan.
“Nagpapakamagulang din ako sa’yo. Say ah, baby…” sagot niya na napakakomportable lang na gawin ang ganitong bagay sa’kin na walang kamali-malisya. Hindi niya ako tinigilan hanggat di ko ‘yon sinusubo.
“Itigil mo nga yan, baka isipin ng mga tao sa paligid na may relasyon tayo’t makarating pa kay Alex na maging dahilan pa para mawala ang pag-asa mo sa kanya.” Sabi ko para lang matigil siya na nangyari naman pero kumuwala ang isang halakhak mula sa bibig niya.
“Tayo? Tayong dalawa?” sambit niya sa pagitan ng tawa. “Kung hindi kaibigan, kapatid lang ang tingin ko sa’yo, kaya imposible yan…”
“Pero hindi ‘yong tingin mo, kundi tingin ng iba ang inaalala ko.” Depensa ko agad. Kahit papaano, masakit pa rin namang marinig na isang nakakatawang bagay lang sa kanya ang ideyang iyon. “At higit sa lahat, iniisip ko lang naman ang sarili kong imahe kapag nagkataon…” dagdag ko na pareho naming ikinatawa.
“Kung gano’n, hindi na kita susubuan…” pagsuko niya sa natatawa pa ring paraan. Nilapit na lang niya sa’kin ang mga pagkain. “Kumain ka na lang, tigilan mo rin ako ng diet mo, kaya samahan mo akong ubusin ang lahat ng binili ko.”
Wala na rin akong nagawa kundi ang sundin siya. Kahit na masyado akong pihikan sa pagkain dahil ayokong tumaba, kumain pa rin ako hanggang sa maubos nga namin ‘yon ni Brent.
“Samahan mo nga pala ako mamaya after class.” Biglang sabi ni Brent habang pareho kaming di pa malatayo sa kinauupuan namin. Pareho kaming nabusog ng sobra kaya kailangan muna naming magpatunaw ng kinain ng ilang sandali.
“Saan?” tanong ko habang pinanonood niya akong simutin ang cup ng ice cream. Masyado akong nasarapan samantalang kanina lang malaki ang pagpipigil kong tumikim nito.
“Bibili ng ireregalo ko kay Alex.” Sagot niya na nagpaalala sa’kin sa nalalapit ng kaarawan ni Alex. “Mas alam mo ang mga hilig niya kaya kailangan ko ang tulong mo.”
Ito ang isa sa mga bagay na mahirap gawin pero kailangan lalo na’t dapat ang nararamdaman ko ang pinakahuli ko munang isipin. Pinasok ko ang pagiging kupido nila kaya kailangan kong panindigan. “Okay.”
Naputol ang maluwang na ngiti ni Brent na para bang may biglang pumasok sa isip niya. Tumingin siya sa table ng mga kasama niya kanina saka bumalik sa’kin. “Gusto mong i-set up kita sa isa sa mga kasama ko? Sinong gusto mo sa kanila?”
Natawa na lang ako sa sinabi niya at sinubukan kong sumakay. “Sino ba ang available?”
Natigilan siya sandali na mukhang di inaasahan ang naging sagot ko. Bigla siyang napailing, “Actually alin man sa kanila, di bagay sa’yo. Baka paiyakin ka lang ng mga ‘yan, kaya ‘wag na lang.”
“Bakit naman? Cute ‘yong isa, si Denver Collantes…” pagbibiro ko ulit kahit di naman talaga ako interesado. Di ko akalaing, papaniwalaan ako ni Brent na tinignan ako ng nanunuway niyang mata.
“Sinasabi ko sa’yo, di sa’kin papasa ‘yan.” Bigla’t bigla, lumabas ang pagiging striktong kuya ni Brent na katulad sa kung paano niya sermonan ang sariling mga kapatid. Nagulat na rin lang ako nang tumayo na siya’t hinila ako palabas ng cafeteria.
Hinatid ako ni Brent sa sunod kong klase na medyo napaaga lang naman ng sampung minuto. Ako lang ang tanging tao sa classroom kaya lumabas muna ako’t tumambay sa hallway. Sunud-sunod na text messages ang narinig ko mula sa phone ko kaya nilabas ko ‘yon mula sa bulsa. Walang ibang laman iyon kundi mga text ni Montellano.
Pinapapunta niya naman ako ngayon sa rooftop? Kung akala niya magpapauto ulit ako, hindi na. Wala na akong pakialam kahit pa totoong nandoon nga siya. Sa halip na magreply, sinuksok ko na lang ulit ang cellphone ko sa bulsa. Akmang babalik na rin sana ako sa classroom nang matigilan ako. Eksakto kasing nahagip nang mata ko ang kabilang classroom kung saan prenteng nakaupo si Montellano habang tutok ang atensyon sa sarili nitong cellphone.
Nandito lang pala ang kumag na ‘to at wala pala talaga sa rooftop. Di ko alam kung maiinis pa ba ako sa malinaw na panloloko niya sa’kin o matatawa dahil huling-huli ko lang naman siya sa akto.
Sa halip na lapitan siya nang mapagtawanan ko ng harap-harapan, mas naisip kong paglaruan din siya.
Binunot ko ulit ang cellphone ko at nagsimulang ipagpatuloy ang text conversation namin.
*Nandito na ako sa rooftop. Nasaan ka?* reply ko kay Montellano. Pagkadeliver ng message, nilingon ko agad si Montellano para abangan ang reaksyon niya. Di ako nagkamali nang humalagpak siya ng tawa na parang mauubusan ng hininga. Mukhang nag-eenjoy siya ng sobra. Kung alam lang niya na ako rin naman.
Nakita kong nagtype siya ulit at ilang segundo lang, may natanggap na akong reply. *Umalis lang ako sandali. Babalik lang ako. Diyan ka lang.* reply niya saka muling nakita kong tawang-tawa.
Napansin kong nagsisidatingan na ang mga estudyante sa classroom niya at gano’n din sa’kin, kaya nagdesisyon na akong tapusin ang kasiyahan ni Montellano. Muli akong nagreply.
*Kahit wag na, nagsidatingan na ang classmates mo. Nasa pintuan na rin ang teacher niyo.* Sa segundong nabasa ni Montellano ang message ko, lumingon siya sa paligid tulad ngbinaasahan ko. At sa oras na nagtagpo ang mga mata namin, wala akong ginawa kundi ang kumaway suot ang mapang-asar kong mukha. Tawang-tawa ako habang pinagmamasdan ang sumalubong niyang kilay. Nawala na ang kasiyahan niya sa minutong narealize niyang siya naman ang pinaglalaruan ko ngayon.
“BYE” sambit ko na walang boses bago ako tumalikod at pumasok ng classroom ko.
***
Four-thirty palang, tapos na ang huling klase ko. Pwedeng-pwede na sana akong umuwi pero naalala ko na sasamahan ko pa nga pala si Brent ngayon. Sa parking lot ko napiling maghintay sa kanya dahil na siyang bilin ko sa kanya. Alas singko pa matatapos ang huling klase niya kaya wala rin akong magagawa kundi ang maghintay.
Nakasalpak ang earphone sa tenga ko habang pinapakinggan ang mga kanta ng Lany. Napapasabay rin sa beat ang ulo ko habang nakasanday sa labas ng pinto ng kotse ni Brent, pero natigilan ako sandali sa minutong aksidenteng napako ang tingin ko sa katabing kotse. Hindi tinted ang salamin ng kotse kaya kitang-kita ko ang kamilagrohang nangyayari. Walang iba kundi si Montellano at isang maharot na babae na nakalimutan ko na ang pangalan… naglalampungan na para bang walang pakialam kung nasaan sila o kung may nakakakita man sa kanila.
Mas lalo akong nandiri ngayon kay Montellano. Matagal ko ng alam na ganito siyang klase ng lalake, pero ngayon lang mismo nasaksihan ng dalawang mata ko kung gaano siya kabastos na hindi man lang marunong mamili ng disenteng lugar kung saan niya ipaparada ang kalandian niya.
Di rin tuloy ako makapaniwala na parang kanina at nitong nakaraang araw lang, nag-aalala ako sa kalagayan ni Montellano… Sino naman kasi ang mag-aakala na balik na siya sa dati niyang gawi matapos lang na mag-agaw buhay sa ospital.
Matapos ang mga sampung minuto, nakita ko na lang na lumabas na ang maharot na babae sa kotse ni Montellano. Di man lang ito nag-abalang ayusin ang magulong buhok at nagusot na damit nang maglakad ito paalis.
Nanatili lang akong nakatayo sa pwesto ko na patay malisya at kunwaring walang nasaksihan na karumaldumal na kahalayan kanina lang. Mukhang di rin naman niya ako napansin kaya mabuti na rin. Pero mukhang akala ko lang ‘yon. Nagulo ang pananahimik ko nang bumaba ang salamin ng bintana ng kotse sa tapat ko. Lumuwa roon ang mukha ni Montellano. “Nag-enjoy ka sa nakita mo? How about the climax?”
Makapal talaga ang pagmumukha ni Montellano para tanungin talaga niya sa’kin iyon na wala man lang natitirang kahihiyan sa katawan. Sa halip na sagutin siya, nanahimik ako na parang walang narinig. Iniwas ko na rin ang tingin ko sa kanya at binaling sa ibang direksyon.
“Si Luke ba ‘yon?”rinig kong sambit ni Montellano na ikinabaling ko sa tinuturo niyang tao. Di ako manhid para di mahalata ang kakaibang tono niya na alam kong sinasadya niya dahil pareho naming alam na may atraso pa ako kay Luke Montellano. “Luke…” tawag niya dito na hindi pa ganoon kalakas na makakaabot sa pandinig nito, para asarin lang muna ako.
Nataranta ako sa ginagawa niya kaya’t pumasok ako ng kotse niya. “Pwede ba, tigilan mo ang pagtawag sa kanya…”
“Bakit hindi? May gusto lang naman akong sabihin sa kanya tungkol sa taong kumuha sa kanya ng picture habang nasa kalagitnaan ng—”
“Shut Up! Montellano…”pagpapatigil ko sa kanya dahil nakikita kong papalapit sa direksyon namin si Luke. Kung mayabang si Drew, mas mayabang si Luke. Ito rin ang klase ng taong walang sinasanto. Siya ang pinakadepinisyon ng badboy… basagulero, lasinggero, maangas, maraming tattoo, at nakakatakot kung tumitig. Di ko alam kung anong gagawin niya sa’kin sa oras na malaman niyang, ako lang naman ‘yong taong pumutol sa kamilagrohang ginagawa niya ng gabing ‘yon.
Muling narinig ko na naman ang halagapak ng tawa ni Montellano na kabisadong-kabisado ko na yata ngayong araw. May kung anong tuwa siyang nararamdaman habang nakikita ang natataranta’t natatakot kong mukha na para bang isang entertainment show ‘yon para sa kanya.
Mula kay Montellano, nabaling ang tingin ko sa isa pang Montellano na nasa harapan na namin ngayon. Parang gusto ko ng tumakbo palabas ng kotse at lumayo kay Luke, pero may kung anong nagsasabi sa’kin na manatili lang sa lugar ko at magdasal na iligtas ako ni Drew.
“Drew, nakalabas ka na pala sa ospital…” sambit ni Luke matapos ang bumpfist nila na di ko maintindihan kung bakit usong-uso ‘yan sa mga lalake. “Di rin kita masisisi kung napaaga ang labas mo, siguradong nabagot ka na agad roon. Ni walang magagandang nurse na pwedeng mapagtiyagaan sa oras ng alam mo na…”
Di ko sinasadyang maubo sa narinig ko. Ngayon ko lang nalaman na nasa dugo na pala talaga ng mga Montellano ang maduming utak.
“O, may kasama ka pala…” baling sa’kin ni Luke na gusto kong pagsisihan ang nagawa kong pag-ubo. Hindi man ako nakikipag eye contact sa kanya, pero ramdam ko na hinahagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. “Mukhang iba siya sa mga tipo mo, Drew… First time yata ‘to na ordinaryong babaeng tulad niya ang pinapatos mo… Pero anyway, okay na rin naman, hindi na masama.”
Nanigas ako sa pwesto ko matapos kong marinig ang komentong iyon ni Luke. Saksakan din talaga ang kahambogan nito na tumriple pa kay Drew. Kung hindi lang talaga ako natatakot sa pwedeng gawin niya sa’kin, siguradong pinagtatalakan ko na siya ngayon.
Kung gaano ako kainis ngayon kay Luke, biglang napasa ‘yon kay Drew nang mapansin ko ang pigil-tawa nito. Nang hindi na nito kinaya, humalagpak na naman ito ng tawa. Alam ko kung para saan ang mga tawa niyang iyon, pero ang di ko maintindihan ay kung bakit di niya ikinaila kay Luke ang maling akala nito.
“Walang namamagitan sa’min.” sabi ko nang di ko na mapiglan pa ang sumabat. Mabuti pang ako na lang ang luminaw ng maling pagkakaintindi ni Luke sa’ming dalawa ng pinsan niya.
Awtomatikong sumama ang tingin sa’kin ni Luke na para bang hindi nagustuhan ang sinabi ko. Mabilis ring nagbago ang ekspresyon ng mukha niya na ngumiti sa pagbaling nito kay Drew. “Mukhang mayabang ang babae mo. Akala mo kung sinong maganda. Palitan mo na ‘yan.”
Parang gusto ko ulit maubo pero pinigilan ko na lang. Ako pa ngayon ang mayabang? Mula kanina, isang beses ko palang binuka ang bibig ko, at sa sinabi ko, tatatlong salita lang iyon, kaya di ko maintindihan kung nasaan ang pagyayabang roon.
“Ayokong palitan, magaling ‘to.” Sagot naman ni Drew na malinaw na isang inuendo ang binitiwan niyang pahayag. Biglang umusok ang ilong ko sa sinabi niya dahil pakiramdam ko nadudumihan ang inaalagaan kong imahe. Balak ko na namang sumabat nang hindi niya ako binigyan ng pagkakataon dahil inunahan niya ako. “Napakilala ko na ba siya sa’yo? Siya si Mi…”
“Anda.” Singit ko habang kinakabahan. Kailangan ko pa talagang gumawa ng bagong pangalan para lang hindi mahuli. “Miranda, pero Anda ang tawag nila sa’kin.”
Bumaling ako kay Drew sa nakikiusap kong tingin. Ngayon ko kailangan ang pagsalba niya at hindi ang panlalaglag niya. Sandaling hindi nagsalita si Drew na para bang pinag-iisipan kung ibubuko na ba niya ako sa pinsan niya, o ipagpapatuloy ang palabas na kinaaaliwan niya.
Nang hindi pa rin siya kumibo, lumapit ako sa kanya at nagkunwari na parang isa sa mga babae nito. Napipilitang nilingkis ko ang braso ko sa braso niya saka umakto. “Babe, naiinip na ako. Umalis na tayo dito. Di’ba paliligayahin pa kita?” bulong ko sa kanya na aabot rin sa pandinig ni Luke para naman makaramdam rin ito na kailangan na rin niyang umalis.
Nakita ko ang amuse na mukha ni Montellano na para bang di inaasahan kung paano ako sumakay sa sitwasyon makaligtas lang. Unti-unti akong nakahinga ng maluwag nang buhayin na rin ni Drew ang makina ng sasakyan niya na nangangahulugan lang na makakawala na rin ako kay Luke at sa pwedeng sapitin ko sa kanya sa oras na magkabukuhan na.
"Ito ang pangalawang bese na sinalba ko ang buhay mo, Anda." sabi ni Montellano gamit ang inembento kong pangalan kani-kanina lang. "Pasalamat ka, natutuwa pa ako sayo dahil kung hindi, siguradong nilaglag na kita kanina kay Luke."
Hindi ko magawang sambitin ang salitang salamat dahil pakiramdam ko ilalaglag at ilalaglag pa rin niya ako kay Luke sa mga darating na araw.
"Magaling ka na ba talaga? Ba't lumabas ka na ng ospital kahit di pa naman dapat?" Di ko mapigilang itanong sa kanya matapos kong narinig kay Luke ang tungkol sa bagay na 'yon.
"To get laid." awtomatikong sagot niya na ikinailing ko. Bakit ko pa kasi tinanong sa kanya iyon. Siya ang taong dapat hindi inaalala.
Malayo-layo na ang narating namin nang bigla akong matauhan. "Teka, nasaan na ba tayo? Ba't ako sumama sayo hanggang dito? Kailangan kong bumalik sa school."
Mabilis kong kinuha ang cellphone ko sa bag, at ang mga text ni Brent ang nabungaran ko. Nagtatanong siya kung nasaan na ako...
Bumaling ako ulit kay Montellano para makiusap. "Pwede bang bumalik tayo sa school?"
Sa halip na sagutin niya ako ng maayos, bigla niyang tinigil ang kotse sa gitna ng daan. Tumingin siya sa'kin sa blangkong ekspresyon. "Hindi mo ako driver. Bumaba ka na lang dito."
Sandali akong natigilan dahil gusto kong isipin na nagbibiro lang siya, pero hindi. Seryoso siya sa sinabi't inutos niya. "Baba na Miranda... Inaaksaya mo lang ang oras ko."
Uminit ang ulo ko sa kagaspangan ng ugali niya. Alam kong hindi kami magkaibigan para pagbigyan ako sa kahilingan kong ibalik ako ng school, pero ang tratuhin ako ng ganito na parang hindi babae, nakakainis.
Matapos ang malalim na buntong hininga sa pagpipigil kong huwag magbuga ng apoy, binuksan ko rin ang pinto at lumabas ng sasakyan niya. Sa inis ko, padabog kong isinara ang pinto ng kotse niya.
"Masiraan ka sana..." mahinang bulong ko na sana magkatotoo.
Mas tumindi lang ang inis ko nang mapansin kong nasa kalagitnaan ako ng kalsada kung saan walang masyadong sasakyang dumadaan, kung meron man, panay truck na mukhang di ko rin maaasahang hihinto at isasakay ako.
Gustuhin ko mang itext si Brent, wala na rin akong load dahil kauubos lang kanina. Anong gagawin ko? Mukhang wala akong mapagpipilian kundi ang mag-abang ng sasakyan kahit na parang walang kasiguraduhan na may hihinto para isakay ako.
Habang naiiyak ako sa pag-abang, bigla akong nabuhayan nang matanaw ko ang bumabalik na sasakyan ni Montellano. Napangiti ako nang tumigil yon sa harapan ko. Di na rin ako nagdalawang-isip pa na lumapit sa pinto para pumasok, pero natigilan ako nang hindi yon bumukas dahil nakalock.
Kumatok ako sa salamin, umaasang ititigil na rin ni Montellano ang walang katapusang pagbibiro niya sa'kin, pero di nangyari. Tanging salamin ng bintana lang ang bumukas, kasabay niyon ay ang pagtapon sa'kin ni Montellano ng naiwan ko palang bag. Matapos 'yon, sumara ulit ang salamin at agad humarurot paalis.
Naiwan akong nakatayo na parang estatwa. Buong akala ko tinubuan na ng konsensiya si Montellano pero demonyo pa rin pala. Ramdam ko ang pag-init ng mukha ko sa inis kasabay ng pagbara ng lalamunan ko dahil sa pagpipigil kong bumulahaw ng iyak. Ilang sandali pa, di ko na napigilan ang magpakawala ng iyak. Di ko alam kung ilang minuto akong nagpabaha ng luha, natigil lang iyon nang biglang narinig ko ang tumutunog kong cellphone. Tumatawag ang tagapagligtas ko. Si Brent.
----------🙏😇🙏---------
#Mrent or #Mrew?
O ano? Montellano pa ba tayo?😂😂😂
Pwede ng lumipat kay Brent 🤔😆😆
✌
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top