Oh 20


K A B A N A T A  20:

“Pwede bang sa beach na lang tayo?” Suhestiyon ko kahit na alam kong di rin naman nila pakikinggan iyon. Masyadong adventurous ang mga kasama ko na mas pipiliin ang magubat at nakakatakot na lugar kaysa sa payapa at nakakarelax na beach.

“Nandito na tayo Mira. Isa pa, mas may challenge dito. Mag-eenjoy tayo ng sobra.” Sagot ni Alex na siyang pinakamay ideya sa lugar na nasuotan namin ngayon.

Sa paglabas namin ng sasakyan, mga huni ng ibon ang naririnig ko mula sa paligid. Wala rin akong ibang matanaw kundi mga puno’t halaman. “Sana lang, walang mga ahas at insekto dito…” mahinang sambit ko na umabot sa pandinig ni Art.

“Imposibleng wala. Nakatira ang mga ahas sa magubat na lugar tulad nito.” Pananakot ni Art na nagpatingkad lang naman sa balahibo ko. Hindi ako takot sa mga multo, pero sa mga ahas at insekto, sobra. Yong tipong makakita lang ako ng isa, siguradong mamumutla na ako at manginginog sa takot.

Sumiksik ako kay Alex sa pananakot na iyon nin Art. “Sa beach na lang tayo, Alex… please…” sinubukan kong makiusap pero wala sa mukha ni Alex ang magpapakumbinsi sa gusto ko.

“Walang beach dito Mira.” Singit ni Brent. “Maganda rin sa babae ang maging adventorous na kinakaya anumang hamon na tulad nito. Kung kaya ni Alex, siguradong kaya mo rin.”

Hindi ko alam kung nakatulong ba ang motivation na iyon ni Brent dahil mukhang para lang iyon kay Alex. Para tuloy gusto kong sumagot na hindi lahat ng babae tulad ni Alex na matapang at magaling sa mga ganitong bagay. Kung sabagay, ano pa nga ba ang aasahan ko kay Brent na laging walang maipipintas kay Alex.

Mula kay Brent, nabaling ang tingin ko kay Montellano na walang ibang ginagawa kundi ang kumuha ng picture sa paligid. Kita kung gaano siya kainteresado sa lugar na para bang unang beses niyang makatuntong sa magubat na lugar.

Natigil si Montellano sa ginagawa niya nang mapansin niyang tinititigan ko siya. “What?!” sita nito sa’kin na parang hindi gustong pinapansin siya sa ginagawa niya.

“Wala naman, gusto lang kitang titigan. Ang kyut mo e.” sagot ko na sinadya kong lakasan para marinig ng iba. Sumunod ang tuksuhan sa paligid namin, natigil lang ‘yon nang marating namin ang bungad ng A-Maze na kahapon pa pinagmamalaki sa’min ni Alex at Kirk.

Napauwang ang bibig ko na iba sa reaksyon ng iba. Kung excited ang mga mukha nila, lasalungat niyon ang nararamdaman ko. Isang maze ang papasukan namin na hindi ko alam kung kakayanin ko bang di magtitili sa takot. Hindi pa man ako nakakapasok, malakas ang pakiramdam ko na iba’t ibang klaseng uri ng hayop ang makakasalubong ko sa loob.

“Ito ang A-Maze na kahapon ko pa kinukwento sa inyo. Hindi pa ‘to kilala, dahil hanggang ngayon, sarado pa ‘to sa publiko. Pinapaganda pa ‘to at dinedevelop pa bago tuluyang ibukas. Balak pa ‘tong lagyan ng camera sa bawat anggulo at sulok para sa securidad na rin.”

“Kung gano’n, hindi pa pala safe na pumasok tayo diyan…” singit ko kay Alex. “Baka mahuli at pagalitan tayo dahil sa biglaang pagsulpot natin dito… Baka mapahamak lang tayo… Paano kung—"

“Relax, Mira. We’ll be fine.” Singit sa’kin ni Brent. “Kung ayaw mo talaga, pwede ka namang magpa-iwan dito. Hintayin mo na lang kaming bumalik.”

Tuluyan na akong natahimik sa sinabi niyang ‘yon. Napansin ko rin kasi na parang unti-unti na akong nagiging annoying para sa kanila na walang ibang ginawa kundi ang tumutol at magreklamo.

“S-sasama ako.” Mahina kong sagot. Mas hindi ko kakayaning magpaiwan dahil mas lalo lang akong matatakot na baka may biglang umatake na lang sa’kin na kung anong hayop.

“Kung gano’n, simulan na natin.” Anunsyo ni Kirk na nakaakbay sa girlfiend niya na di ko maalala ang pangalan. “Let’s divide ourselves into pairs, para kanya-kanyang entrance tayo.”

Mas lalo akong natakot dahil sa hiwa-hiwalay din pala kami. Pinagmamasdan ko palang ang limang butas na entrance ng maze parang di na ko makahinga, paano pa sa loob. “Teka, sino ang magiging partner ko?” di ko mapigilang mabahala.

“Sino ba ang gusto mong makapartner?” Balik sa’kin ni Kirk na sinegundahan naman ni Art. “Oo nga Mira… Sino ba ang gusto mo?”

Hindi agad ako makasagot.

“Ako, si Alex ang gusto kong partner.” Usal ni Montellano na agad tinanggap ni Kirk. Wala akong narinig na pagtutol mula kay Brent na may binalikan sa sasakyan para kunin ang naiwan niyang bag.

“Okay. Si Drew at Alex na ang magkapares..” Sambit ni Kirk na halatang may pagpabor sa kaibigan niya. “Ako naman at si Vanessa.” Tukoy niya sa sarili at girlfriend niya. “How about you guys?”

“I’ll go with Kyle.” Sabi naman ni Art saka nakipag-high five kay Kyle.

“Okay.” Sabi ulit ni Kirk na malinaw na siyang lider namin ngayon. Siya at si Alex lang naman kasi ang marunong sa lugar na ‘to. Napunta ulit ang tingin ni Kirk sa’kin at sa kararating lang na si Brent. “So, that only means, kayong dalawa ang magkapartner. Let’s go?”

“Ano?” mahinang sambit sa’kin ni Brent habang napapatingin siya kay Montellano at Alex na nakatapat na sa pinakaunang tunnel entrance. “Bakit sila ang magkapartner? Sino ang nagdesisyon nito?”

“Paunahan. Nauna si Montellano na piliin si Alex.” Sagot ko na lang habang nakikita ang disappointment sa mukha ni Brent. “Sorry… Di ko yata nagampanan ang tungkulin ko bilang kupido. Babawi na lang ako sa’yo.”

Tipid na ngiti lang ang sinagot sa’kin ni Brent saka tinuon na lang niya ang atensyon sa instruction ni Kirk a kanina pa nagsasalita. “Wala naman sigurong mawawala sa’tin sa maze na ‘to. May mga cellphone naman tayong magagamit kung sakaling naliligaw na talaga ang isa sa inyo. Pero ipapaalala ko ulit na paunahan tayo. Ang sinumang pares ang mauna sa finish line, magkakaroon ng immunity. At ang pinakakulelat, well… goodluck to them, dahil magiging alalay lang naman sila na mapapawalang bisa lang sa oras na matapos ang bakasyon nating ito. So, lahat ba ready na?”

Nachallenge ang lahat at naexcite, maliban sa’kin na kinabahan sa kung anong pwedeng masamang mangyari sa’min sa loob. Bago pa man ako makapagreklamo ulit, nakapaghudyat na ng ‘Go’ si Kirk na naging dahilan sa pabilisang pagpasok ng lahat.

Nataranta na lang ako nang mapansin kong ako na lang ang naiiwan sa labas kaya patakbo akong dumikit kay Brent.

“Hindi kaya may mga ahas na nakatago sa mga dahon o nakalingkis sa kahoy?” takot na sambit ko kay Brent. Mahigpit ang hawak ko sa laylayan ng hoodie niya.

“Mira, tinatakot ka ng sarili mong imahinasyon. Enjoy the game, hindi ‘yong nagpapatalo ka sa takot.” Sa kabila ng sinabi ni Brent, hindi ko pa rin maiwasan ang mag-isip ng kung ano-ano. Hindi rin naman niya ako masisisi dahil kahinaan ko ang magubat na lugar. Minsan na akong naligaw noon sa gubat noong bata pa ako, at muntikan na rin akong mamatay ng makagat ako ng ahas. Kung hindi lang naagapan ang pagfirst aid sa’kin, siguradong namatay na ako noon.

“Teka, ba’t pa tayo liliko diyan? Di’ba pwedeng idire-diretso na lang natin ang tunnel na ‘to?” bigla kong tanong kay Brent.

“Dahil malaki ang tyansang makatagpo natin sina Alex. Wala pa rin akong tiwala na si Montellano ang kasa-kasama niya ngayon.”

Hindi na ako umimik o tumutol pa sa kanya. Sumunod na lang ako kay Brent hanggang sa maaninag nga namin ang dalawang tao na hindi kalayuan ang distansya samin. Kahit medyo malayo at madilim, alam naming si Alex at Montellano ‘yon. Mas bumilis ang mga hakbang ni Brent na pilit kong pinapantayan. Nakabitaw nga lang ako sa kanya nang matalisod ako sa isang bato na naging dahilan para madapa ako. Ramdam ko ang sakit sa bandang tuhod ko na tumama sa matulis na bato, at mahapding siko’t palad ko na siyang naging suporta’t pangtukod sa pagbagsak ko.

“Shit, Mira…” rinig kong sambit ni Brent na agad lumapit sa’kin at pilit akong pinatatayo. “Okay ka lang?”

“Oo.” Sagot ko kahit parang hindi pa. Hinila ulit ako ni Brent para magpatuloy sa ginagawa naming paghabol kina Alex na hindi na namin ngayon makita.

Bawat hakbang, ramdam ko ang pagkirot ng tuhod ko na may malaking sugat. Hindi iyon alam ni Brent dahil hindi man lang niya ako tinignan kahit saglit. Mas importante sa kanya ngayon ang mahabol at maabutan si Alex.

“Bilis pa Mira. Nawala na natin sila.” Sabi ni Brent. Sa halip na bumilis ako, naging mabagal ang mga hakbang ko dahil di ko na rin talaga kinakaya.

“Mira naman…”

“M-may sugat ako…” pagpapaalam ko sa kanya na naging dahilan para tignan niya ang tinuturo kong binti.

Kumunot ang noo ni Brent. “Ba’t ka kasi nagsuot ng palda, alam mo namang gubat ang pupuntahan natin?!... Ayan tuloy, tuluyan na nating nawala sina Alex.”

Alam kong may punto ang pagsermon ni Brent dahil totoo naman talaga na mali ako. Pero para akong tinutusok sa huling sinabi niya. Hindi ko rin matanggap ‘yong frustration sa mukha niya ng dahil sa’kin.

“Sorry…” sambit ko na lumabas na lang sa bibig ko kahit wala naman akong dapat ipaghingi ng sorry. Hindi ko kasalanan na hindi si Alex ang partner niya. Hindi ko kasalanan na nadapa ako. Hindi ko kasalanan na hindi namin maabutan si Alex.

“Kaya mo pang maihakbang ang binti mo?” tanong niya.

“Kaya ko pang maglakad pero hindi ang tumakbo.”  Pag-amin ko. “Hindi ko alam kung paano pa tayo mananalo sa larong ‘to.”

“Ayos lang na hindi manalo basta’t hindi lang ang mangulelat.” Sambit niya na lumapit sa’kin saka pumwesto sa harapan ko ng nakatalikod at nakayuko. “Umangkas ka sa likod ko, papasanin kita.”

Kumabog ‘yong dibib ko sa oras na pumasan ako sa likod ni Brent. Kahit na may tampo akong nararamdaman sa kanya, parang naglaho agad ‘yon ng gano’n kadali. Kahit na anong pagpipigil ko sa nararamdaman ko para sa kanya, kusang pumipintig iyon.

Bumalik ulit ang atensyon ni Brent sa tinatahak naming daan. Patakbo siyang kumilos kahit na may kabigatan din ako. Bumagal lang siya ng malapit na kami sa dulo ng tunnel kung saan rinig na namin ang bagsak at agos ng tubig na siyang finish line… waterfalls.

Bukod sa tunog ng tubig, rinig rin namin ang mga ingay ng kasamahan namin na nauna na roon. Naroon na si Kirk at Vanessa, at Drew at Alex, habang wala pa si Kyle at Art.

“Tayo na, bilisan na natin…” pagmamando ko kay Brent na hindi pa rin kumikilos. Nagulat na lang ako ng dahan dhan siyang yumuko para ibaba ako. Wala na rin akong nagawa kundi ang umalis mula sa pagkaka-angkas sa kanya. “Bakit?”

“Aalalayan na lang kita palabas sa tunnel na ‘to.” Sagot niya na hinawakan ang braso ko para umalalay. Ramdam ko ang sakit sa binti ko na hirap makalakad nang tumapak iyon sa lupa, pero tiniis ko. “Bakit?” Lumabas pa rin ang tanong na ‘yon mula sa bibig ko dahil sa kuryusidad.

“Remember last night na naiwan kami ni Alex sa tinutuluyan nating bahay ngayon…” pagsisimula niya alam kong may kinalaman nga talaga kay Alex. “Madalas ikaw ang pinag-uusapan naming dalawa. Laging ikaw ang bukambibig niya na parang nahahalata ko na nilalakad ka niya sa’kin… Na parang nagpapakamatch maker siya sa’ting dalawa…”

Napalunok ako sa narinig kong ‘yon mula sa kanya. Ni hindi ko alam kung paano magbibigay ng reaksyon. “Ano? B-bakit naman niya gagawin ‘yon?” pagmamaang-maangan ko na lang.

“Siguro dahil sa napansin niyang naging malapit tayo sa isa’t isa kaya iniisip niya na…” Di na niya tinapos ang sasabihin dahil pareho naman namin naiintindihan iyon. “Kaya nga… sa tingin ko hindi makakatulong sa plano natin na maging malapit kami ni Alex sa isa’t isa kung ganitong pinagtatambal niya tayo.”

Agad ko naman naintindihan ang buong punto ni Brent. “I get it. Kailangan natin ng konting distansya mula sa isa’t isa bago pa magpatuloy sa pagiging matchmaker natin si Alex.”

“Gano’n nga.” Sang-ayon ni Brent.

Pilit akong ngumiti kay Brent saka bumitaw sa kanya. “Kung gano’n, hindi mo na ako kailangan pang alalayan. Kaya ko naman ang sarili ko.”

“No. Aalalayan pa rin naman kita, baka—”

“Kaya ko na Brent. Di na rin naman masakit e. Trust me, I’m fine.” Pagpipilit ko kahit na sobrang sakit ng binti ko sa tuwing humahakbang ako. “Let’s go Brent, baka matalo pa tayo sa kabagalan mo…”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top