Oh 15
K A B A N A T A 15:
"Mira, patingin ako ng ebidensiya natin kay Montellano," hiling sa'kin ni Brent habang nagmamaneho siya. Kami na lang dalawa ang nasa loob ng sasakyan dahil kanina pa namin naibaba si Kyle sa kanila. Hindi ko pa nasasabi kay Brent ang tungkol sa maling taong nakunan namin ng picture at maging ang mumuntikang pagkakalagay ko sa alanganin kanina kay Luke.
"Wala na 'yong ebidensiya..." sagot ko kay Brent na ikinakunot niya ng noo.
"Bakit? Aksidente mo bang nabura? Pero ipapakita pa natin 'yon kay Alex. Icheck mo nga ulit, baka nandiyan lang naman."
"Maling Montellano ang nakunan natin. Si Luke pala 'yon at hindi si Drew." Muling sagot ko. Paliwanag ko kay Brent na hindi sinasabi ang lahat. Kinaligtaan kong sabihin sa kanya ang tungkol sa paghahanap sa'kin ni Luke at ang pagtakip sa'kin ni Drew.
"Sigurado ka ba?" Nanghihinayang na sabi niya. Nawala na rin bigla ang kislap ng mata niya dahil sa pumalpak naming plano.
"Oo. Binura ko na rin 'yong picture dahil ang sagwa. Ayoko namang itago pa sa gallery ko ang scandal photos nila." Pagdadahilan ko na lang. Ayoko ng ipaalam pa kay Brent ang gusot na napasok namin kanina dahil hindi na rin naman kailangan.
"Bago tayo umalis sa party, nakita kong inabot sayo ni Montellano ang cellphone niya. Binigay mo ba sa kanya ang phone number ni Alex?" tanong niya ulit na bumalik kay Alex ang concern niya.
"Hindi. Number ko ang kinuha niya." Sagot ko na totoo ng bagay na nangyari kanina.
"Kinuha niya ang number mo? Hindi kaya narealize niyang mas interesado na siya sayo at hindi na kay Alex?"
Napasimangot ako. "Imposible 'yon. Hindi mapapansin ng isang Montellano ang tulad ko." Parang ikaw, imposible na rin yatang mapansin mo ako.
Mukhang nakumbinsi ko rin si Brent sa sinabi ko dahil hindi na siya sumalungat pa. "Siguradong kukunin lang niya ang loob mo para mas madali siyang mapalapit kay Alex. Pero mas mabuti na ring ganyan. Mas magiging madali sa'tin na isabotahe siya sa pagporma niya kay Alex. Wag lang sanang malilipat 'yang loyalty mo sa kanya."
"Hindi yon mangyayari." Mahina kong sabi. Parang nakakakonsensiya din kasi na pinagkakatiwalaan ako ni Brent samantalang heto ako, nagsisinungaling at parang niloloko na rin siya.
Lagpas na ng hating-gabi nang marating namin ang bahay ko. Hindi pa man ako nakabababa ng sasakyan ni Brent nang magsalita siya. "Mukhang mapapalaban na naman ang balikat ko sa mabigat na timbang mo para lang makapasok ka sa loob..."
Malinaw na tinutukoy nito ang pagdaan ko sa bintana ng kwarto ko sa pamamagitan ng pagsampa ko sa balikat niya. Umiling ako sa kanya sabay turo sa bintanang 'yon na nakasarado. "Malabo 'yon mangyari. Nakalimutan kong buksan ang bintana kanina ng umalis ako. Si Emee lang ang tanging paraan."
Kinuha ko ang cellphone ko mula sa bag ko't tinawagan si Emee. Kuno't noo ang sinalubong ko kay Brent nang hindi man lang nagring ang numerong tinatawagan ko.
"Bakit?" tanong ni Brent na nabasa ang namomroblema kong mukha.
"Nakapatay ang cellphone niya. Paano na 'yan?"
Sa halip na sumagot, binuhay muli ni Brent ang makina ng kotse niya saka pinaandar. Bago man ako makapagtanong sa kanya, nagsalita na siyang muli. "Sa'min ka na lang matulog. Magbigay ka na lang ng palusot sa mama mo kinabukasan na kesyo natulog ka sa bahay ni Alex dahil tinapos niyo ang hinahabol na project."
Hindi ko alam kung bebenta kay mama ang dahilang iyon, pero sa halip na mamroblema pa, lihim akong nasiyahan dahil hindi ako makapaniwalang makikitulog ako kay Brent. Sa halip na kamalasan ang maramdaman ko, pakiramdam ko buhos ang swerte sa'kin ngayon. Bukas ko na lang iisipin ang pagpapalusot kong sasabihin kay mama.
Sa buong biyahe namin ni Brent, wala kaming ibang ginawa kundi ang sumabay sa kantang pinatugtog niya na halos lahat ay rock. Sa sandaling oras nna 'yon, nag-enjoy ako kahit na puro tawanan lang ang palitan namin ng salita ni Brent.
Pagdating namin sa kanila, tahimik na ang buong bahay. "Wala dito magulang namin. Madalas sabay silang duty sa ospital, at ito ang araw na 'yon."
Napapatingin ako sa mukha ni Brent habang sinasabi niya iyon dahil sa biglang pag-iba ng tono ng boses niya na para bang hindi siya proud sa bagay na 'yon. "Lagi silang wala. At nasanay na rin kami sa sitwasyon namin dito sa bahay."
"Ang swerte mo nga e." sagot ko na pilit pinapagaan ang ihip ng hangin sa paligid namin. "Tignan mo, hindi mo kailangang umakyat at dumaan sa bintana ng kwarto mo para lang makapasok ng bahay na 'to sa ganitong oras na hindi nila nalalaman at hindi ka napapagalitan."
Biglang natawa na rin lang si Brent sa sinabi ko na nagpaalis sa pagiging seryoso niya. "May punto ka nga naman diyan. Dahil kung hindi, nasa labas ka ng bahay niyo ngayon natutulog."
Napahikab ako habang nararamdaman ko na rin ang antok. Mukhang napansin rin iyon ni Brent kaya iginiya na niya ako paakyat sa taas.
"Sa kwarto ko na lang ikaw matulog. Doon na ako sa kwarto ng kapatid ko." Sabi niya ikinapanting ng tenga ko. Lihim na naman akong natuwa. Isipin ko pa lang na mahihiga ako sa mismong kama ni Brent, sobra-sobrang swerte na ang nararamdaman ko. "Kung gusto mong magpalit ng damit, makialam kana lang sa gamit ko. Pwede mo namang gamitin ang t-shirt ko na kakasya sa'yo."
"Salamat, Brent." sabi ko sa kanya bago ako tuluyang pumasok ng kwarto niya. Daig ko pa ang mukha ng nakajackpot sa lotto nang mapag-isa na ako sa kwarto ni Brent. Napasalampa ako sa malambot niyang kama habang nagpipigil ng tili dala ng kilig.
Amoy ko ang mabangong unan niya na kapareho ng amoy niya. Bumalik tuloy sa alaala ko ang eksaktong nangyari noong gabing nagnakaw ako ng halik kay Brent.
Muli akong napatili na may pagpigil. Ilang beses din akong nagpabaling-baling ng kama habang hindi makapaniwala na nandito ako ngayon sa kwarto niya para matulog. Makalipas ang ilang sandali, nahimasmasan na rin ako... nawala na 'yong pagtitili ko pero di pa rin nawawala 'yong saya na parang nasa ulap lang ako.
Ginalugad kong muli ang mga mata ko sa kabuoan ng kwarto ni Brent hanggang sa tumigil ang tingin ko sa closet niya. Nagmamadali akong lumapit roon at nangialam ng damit niya. May permiso naman niya ang pangingialam ko kaya't wala ng pag-iisip pang dumukot ako ng grey shirt niya saka pinalit ko sa suot kong damit.
Muli akong bumalik sa kama't nahiga. Buong akala ko di na ako makakatulog pa dahil sa nag-uumapaw na enerhiya ko sa loob-loob ko, pero sa segundong nasamyo ko na naman ang amoy ni Brent sa unan at bedcover niya, parang awtomatikong hinila ako niyon sa mahimbing na pagkakatulog.
***
Masarap ang gising ko kinabukasan. Kahit na ala una na ako nakatulog kagabi, nagawa ko pa ring magising ng maaga. Natuwa naman ako nang mamulatan ko ng mata ang nakahandang tuwalya at bagong toothbrush na nakalagay sa gilid ng kama pagkagising ko. Napangiti agad ako dahil sa pag-aasikasong ginagawa ni Brent. Ganito pala siya mag-alaga, paano pa kung higit pa sa kaibigan ang relasyon naming dalawa?
Napabuntong-hininga na lang ako sa mga iniisip ko. Tama bang homohopia pa ako kay Brent kkahit na ganitong alam ko sa sarili kong mahirap mabaling sa'kin ang nararamdaman niya?
Napabuntong-hininga ulit ako sa mga katanungang hirap ako sagutin. Sa halip na tumanga sa kaiisip o kaiimagine, minabuti ko na lang na pumasok ng banyo't inasikaso ang sarili ko. Ilang sandali lang, lumabas na rin ako ng kwarto at bumaba para hanapin si Brent. Narinig ko na lang ang ingay mula sa kusina na siyang sinundan ko.
Bago pa man ako tuluyang makaapak sa kusina, natanaw ko na si Brent kasama ang tatlo niyang kapatid. Hindi nila napansin ang presensiya ko dahil mas nakatuon ang atensyon nila ginagawa nila. Abala sila sa paggawa ng agahan.
"Sino ba 'yong babaeng inuwi mo dito sa bahay, Brent?" Rinig kong tanong ng panganay niyang kapatid na si kuya Alden. Ilang beses ko pa lang siyang nakita at sa ilang beses na 'yon, hindi ko pa siya nakapalitan ng salita. Simpleng hi at hello lang iyon nang minsang sinundo niya si Brent at nakisabay kaming magbabarkada sa kotse.
"Nag-uwi ng babae dito sa mismong bahay natin si kuya Brent?!" Gulat na sambit ni Erwan na hindi makapaniwala. Nangingiti siya sa impormasyong iyon. "Si ate Alex ba 'yon? Girlfriend mo na ba?"
"Kung girlfriend niya 'yon, e di sana doon si Brent natulog sa kwarto niya kasama ang chicks na 'yon at hindi siya nakipagsiksikan sa kama ko." Sabat ni kuya Alden bago muling bumaling kay Brent. "Pero si Alex nga ba 'yon, ang tanging babaeng kinatotorpehan mo?"
Dama ko ang excitement sa mukha ng mga kapatid ni Brent na naghihintay ng sagot niya. Nakyutan ako kung paano sila kaswal na mag-usap sa lovelife ni Brent na para bang wala silang nililihim sa isa't isa. Yun nga lang, parang nagdulot rin sa'kin ng kirot kung paano sila kaexcited lahat sa pagbanggit lang ng pangalan ni Alex.
"Hindi si Alex 'yon. At huwag niyo ngang gamitin 'yong term na inuwi ko siya dito sa bahay dahil hindi ko naman siya tinanan. Pinatulog ko lang si Mira dito dahil hating-gabi na nang umalis kami galing sa party ni Montellano." Paliwanag ni Brent na parang nagbigay disappointment sa mukha ng lahat.
"Akala ko pa naman..." sambit ni Chris na hindi tinapos ang sinabi niya. Mukhang lahat talaga sila ay umaasang hindi ako kundi si Alex na lang sana ang nakitulog sa pamamahay nila.
"Mukhang mas close na kayo ngayon ni ate Mira. Huwag mong sabihing may namamagitan sa inyo? Nabaling na ba sa kanya ang feelings mo? Sinukuan mo na ba si ate Alex dahil lang sa natorpe ka?" pag-uusisa ng bunsong si Erwan na thirteen years old lang pero mukhang matinik na rin sa usapang pag-ibig.
"Kung ano mang nararamdamang meron ako, para lang 'yon kay Alex at 'yon 'yong bagay na hindi basta mababago. At si Mira na siyang pinakamalapit kay Alex ang tulay ko sa babaeng nagugustuhan ko. Tinutulungan niya lang ako."
Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Hindi na sa'kin shock news ang mga narinig ko ngayon kay Brent, pero bakit parang hirap akong makabawi sa mga salitang binitawan niya.
"O, Mira nandiyan ka na pala..." tawag sa'kin ni Brent nang mapansin din niya ako mula sa di kalayuan pero mukhang wala silang ideya na kanina pa ako nakatayo at nakikinig sa kanilang usapan. Nagpanggap na rin lang ako na bagong dating at pilit na naging masaya sa harapan nila.
"So, ate Mira, kumusta naman ang pagiging match maker mo sa torpe naming kapatid?" biglang sabi ni Chris habang magkakaharap na kaming kumakain ng agahan sa isang mesa. Katabi ko si Brent, habang si Brent naman ay katabi si Chris. Katapat ko naman si Kuya Alden at katabi niya si Erwan.
Natawa na lang ako sa kung paano nila paulit-ulit na inaasar si Brent gamit ang salitang torpe. Sa pagkakakilala ko kay Brent, hindi siya torpe, nagkagirlfriend na rin siya't nakipagdate sa ilang mga babae. Pero kung si Alex nga naman talaga ang babaeng pag-uusapan, lahat naman yata natotorpe pagdating sa kanya. Iba kasi ang trato ni Alex pagdating sa mga nagabablak manligaw sa kanyang lalake, 'yong tipong magtatapat pa lang sa kanya, basted na agad.
"Sa tingin mo, may pag-asa ba naman?" singit na pahabol ni Erwan. Lahat sila naghintay sa magiging sagot ko.
Di ko tuloy mapigilang mapalunok dahil alam na alam ko ang sagot na wala ng pag-asa. Di ko lang masabi kay Brent na nauna na sa kanya si Art at dahil doon, mahirap na ngayong paibigin si Alex.
"O-o naman. Habang may buhay, may pag-asa." Sagot ko na may halong gasgas na linya dahil sa kawalan ko ng masabi. "Mukhang botong-boto kayong lahat kay Alex para sa kapatid niyo?"
"E pa'no naman kasi, siya 'yong kauna-unahang babaeng nagpatiklop kay Brent. Kaya naaaliw lang kami sa patutunguhan nitong pagpapantasya niya." Sagot ni kuya Alden. "Pero kahit sino namang magustuhan niya, wala naman kaming magagawa kundi ang sumoporta. Pwede rin ngang ikaw na lang sana, maganda ka naman."
Para akong nabulunan sa sinabi nito. Ni hindi ko alam kung anong reaksyon ang dapat ipakita dahil baka makahalata sila, buti na lang sumingit si Brent.
"Ano ba naman, kuya... Hanggang magkaibigan lang kami nito Mira. Tulay ko nga siya kay Alex. Tulay." Sabi ni Brent na nakuha pang umakbay sa'kin na siyang naging dahilan ng tuluyang pagkasamid ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top