BOOK 1: Hindi Close

Ako'y nakahiga at nag-iisa sa aking malambot na kama nang ikaw ay aking biglang naisip. Pero hindi ko alam kung bakit?!? Gayung wala naman meron sa ating dalawa.

Ilang taon na rin ang nagdaan mula ng tayo ay magkakilala. Nang ako at dalawa sa aking mga kaklase ang ipinadala ng aking eskwelahan sa inyong kompanya para mag-OJT.

Aminado akong hindi kita agad napansin kahit na isa ka sa pinakamalaking tao sa lugar na iyon. Pero malamang ganon ka rin naman; hindi naman kasi talaga ako pansinin.

Nauna ka at mga kaklase mo sa'kin ng dalawang buwan, kaya kayo ang naging tanungan ko sa mga responsibilidad natin sa kompanya.

Kuya! Yan ang naging tingin ko sayo. Bukod kasi sa ang tangkad mo, pakiramdam ko ang seryoso mong tao. Hindi ka kasi palasalita, hindi tulad kong madaldal. Siguro sadyang mahiyain ka lang talaga o pwede rin namang hindi ka lang talaga makwento sa mga taong hindi mo ka-close.

Isang school year o sampung buwan ang training natin sa kompanya. Ngunit dahil nauna kayo ng dalawang buwan sa amin, meron na lamang tayong walong buwan para maging magkakilala, maging magkatrabaho, matuto sa isa't isa, at higit sa lahat maging magkaibigan. Walong buwan patungo sa panghabang buhay na pagkakaibigan, o walong buwan na parang expiration date ng ating samahan.

Ilang linggo lang ang nagdaan at nagkapalagayan na ng loob ang mga kaklase natin. Sama-sama na tayo nagbibreak at kumakain, ngunit tayong dalawa ay hindi pa rin close. Kung kailan nga ba tayo magiging malapit sa isa't isa? Ewan ko, yan ang totoo kong sagot. Baka rin naman kasi hindi lang natin magets ang isa't isa kaya hindi tayo nagsasamang dalawa kung wala ang iba.

Uso na ang camera phone noon pero Nokia 3310 pa rin aking cellphone. Alam ko meron akong number niyong lahat kasi nagsesend ako ng mga quotes; romantic, funny, inspirational-sayang kasi unli ko-pero wala akong natatandaang nag-sendback ka.

At tulad ng sabi ko, hindi tayo close kaya noong minsang tayong dalawa ang na-assign sa isang department, naisip ko "Goodluck sa amin!". At mukhang may nakarinig naman sa aking dasal dahil naging maayos ang pagsasama natin. Nakapagkwentuhan pa nga tayo.

Madami akong nalaman tungkol sayo. Nalaman ko na bunso ka; na mahilig ka mag-gym at hindi ka sanay mag-commute. Sa dami na nga ng ating napagkwentuhan nakarating na tayo sa iyong love life.

May lahing banyaga ka, kaya tinanong kita kung may nakareto na sayo-dahil ang alam ko sa kultura ninyo ganoon.

"Wala!" maigsi mong sagot sabay iling.

"Pero dapat kalahi mo?" tanong ko ulit.

"Hindi naman!" sagot mo.

Tatanungin sana ulit kita nang bigla mong sinabing may nagugustuhan ka na kasi. Nang marinig ko ang iyong sinabi, umiiral agad ang pagiging marites ko. "Parang kilala ko kung sino yon!" siguradong sigurado kong wika. Kinikilig pa nga ako para sa inyong dalawa-sa lahat kasi nang tao doon siya ung lagi mong kausap.

Mabilis mong sinabing mali ang aking iniisip na tila bang alam mo kung sino ang aking tinutukoy.

Syempre, hindi ako nagpatalo sayo subalit mariin mo itong tinatanggi. Sabi mo pa nga para mo lang siyang kapatid dahil wala kang babaeng kapatid.

Ngunit hindi basta-basta susuko ang pagiging marites ko!

"Kung hindi si one. Edi si two? o baka naman si three? si four?" sambit ko. Pero aaminin kong sa puntong iyon wala na talaga akong ideya kung sino ang iyong tinutukoy.

Natawa ka lang at sinabing wala sa kanila.

Ayaw ko man aminin pero mukhang kailangan ko nang maggive-up. Malamang hindi ko rin naman un kilala lalo na kung kaklase mo siya, "Kilala ko ba? Wala na kasi akong maisip ," sabi ko.

Ngumiti ka lang subalit hindi mo ako sinagot. Hindi narin naman kita pinilit, baka kasi sobrang personal na iyon para sabihin mo sa akin. Lalo na at hindi pa naman tayo close.

Nag-focus na lang ulit muna tayo sa trabaho natin. Sulat dito, sulat doon. Bilang dito, bilang doon.

Napatingin ako sayo at ang laki ng ngiti mo habang nakatingin ka sa cellphone mo. Nagbablush ka pa yata. Kinikilig, un ung tamang description sa'yo. Kausap mo siguro ung crush mo. Masaya ako para sayo kahit hindi ko kilala kung sino siya.

Maya-maya pa'y bigla kang lumapit sa akin, "Sasabihin ko sayo mamaya kung sino siya," bulong mo sa akin habang ako'y nagsusulat. Tiningnan kita na may halong patataka kung ano ang nagpabago ng iyong isip. Nginitian lang kita at sinabing," sigurado ka?"

Tumango ka lang. Natuwa ako, siguro naisip mo na hindi ko sa sabihin sa iba ang sekreto mo.

Umalis ako at iniwan muna kita sa assigned area natin. Sa hindi inaasahang pagkakataon dumating naman ang crush ko galing kabilang department.

Hindi ko matandaan kung saan ako pumunta noon, basta ang alam wala ako ng dumating si crush, kaya ikaw muna umasekaso sa kanya. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman mo at ng mga kasamahan natin na crush ko itong taong ito. Ang cute niya kasi, lalo na kapag ngumingiti. Parang hindi siya natotoxic at ang fresh nya laging tingnan.

Alam kong ginawan mo ng paraan para maabutan ko siya, alam mo kasi na ang masilayan siya ay sapat na sa akin. Natapos ang usapan namin, ngumiti siya sa akin. At kahit alam ko na parte ng kayang trabaho ang maging mabait sa atin, ang saya sa dibdib ko hindi ko maitago at nakikita mo iyon.

Lumipas ang dalawang linggo hindi mo pa rin sa akin sinabi ko sino ang iyong tinutukoy. Naisip ko na baka nalimutan mo na. "Ipapaalala ko ba o hindi?" tanong ng utak ko. Magandang pagkakataon kasi ito para ipaalala sa iyo ang ating napag-usapan dahil wala pa ang iba nating mga kasama. Subalit ako ay nadadalawang isip din dahil ayaw ko naman na iyong isipin na masyado akong chismosa lalo na kung tanungin kita ulit.

Nagkatinginan tayo, parang parehas yata tayo ng iniisip. Lumapit at umupo ka sa tabi ko, "Di ba gusto mong malaman kung sino siya?" wika mo. Kinabahan ako bigla sa iyong seryosong tono. At bago ko pa sabihin sayo na "ayos lang kahit huwag mo ng sabihin" ay nasalita ka na. Huminga ka ng malalim, "Ikaw! Ikaw ung gusto ko!" sinabi mo na tila nabunot ang tinik sa iyong lalamunan.

Tumingin ako sayo, hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko, un lamang kasi ang unang pagkakataong may nagsabi sa akin na ako'y gusto nya.

"Ayos lang naman kung ayaw mong sabihin, 'wag mo lang akong niloloko!" sinabi ko ng pabiro, pero ang totoo ako ay kinakabahan.

"Seryoso ako!" diin mo.

Hindi ko na alam ang aking itutugon o magiging reaksyon. Buti na lang at isa-isa ng dumadating na ating mga kasamahan, nabawasan ung awkwardness ng sitwasyon.

Unang dumating si One. Tiningnan ka nya muna, bago ako ay kanyang binati, "Hi!" sambit nyang tila may kahulugan.

"Hello!" tugon ko.

Ilang minuto lang ang nakalipas ay dumating na rin si Three. Nagtinginan kayong tatlo nila One. Pakiramdam ko tuloy ako'y isang estranghero sapagkat kayong tatlo ay nagkakaintidihan sa tinginan pa lamang. Ang inyong mga ngitian ay tila ba'y kayo ay nag-uusap.

"Alam ba nila o napaparanoid lang ako?" tanong ko sa aking sarili habang kayo'y aking pinagmamasdan.

Illang sandali pa't ikaw at si One naman ay nagpaalam na samin upang pumunta na sa inyong assigned area.

Pag-alis nyong dalawa, umupo sa aking tabi si Three, "Kamusta?" magiliw na tanong niya sa akin. Sa tono ng boses ni Three, alam kong hindi lang pangangamusta ang ibig nyang sabihin. Subalit nagpanggap ako na hindi ko alam ang kanyang sinasabi.

"Kamusta saan? Ayos lang naman ako. Lagi naman tayong magkasama kaya sigurado naman akong alam mo 'yon." sabi ko.

Mukhang nagulumihanan si Three sa aking sagot. Siguro kanyang iniisip kung alam ko na ba ang alam niya.

Hindi rin nag-tagal, nalaman na rin ng iba nating mga kaibigan ang tungkol sa sitwasyong nating dalawa. Lalo tayong naging malayo sa isa't isa, ayaw ko kasi ng kinakantsawan ako tungkol don.

Pero sa isang kisap ang walong buwan ay natapos agad, at nangangahulugang ito ng inyong pag-lisan. Malamang iyon na rin ang huling araw na makikita kita.

Kaya gayun na lang ang aking gulat ng minsan nakita kita sa aking eskwelehan makalipas lamang ang tatlong linggo.

Subalit hindi tulad ng ibang pagkikita ng mga magkakaibigan, nagtanguan lang tayo hudyat na kilala natin ang isa't isa.

Awkward!

Un ang tamang salitang mag-lalarawan sa atin. Hindi ko kasi alam paano ka harapin, siguro ganoon ka din naman. Para tuloy tayong nagiiwasan.

Masaya ka na siguro ngayon at masaya ako para sayo. Mabuti kang tao, deserve mong maging maligaya sa piling ng isang taong kaya kang paligayahin.

Kaya naman ang mga "Bakit ako? Kailan? Paano?" ay mananatili na lamang tanong sa utak ko.

******THE END******

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top