Ngprya 07
Ngprya 07 // Textmates
Walang sinabi si Eddard na kailangan kong magsalita kapag tinawagan ko siya kaya pagka-'hello' niya, agad kong binaba ang tawag. Gumayak ako para sa school at hindi pinansin ang pag-vibrate ng phone ko nang walang tigil.
Pagkababa ko para makaalis na, nakakarinding boses ni Auntie ang bumungad sa akin.
"Oh Mari Solei, umuwi ka agad mamaya at tulungan mo si Cheche sa homeworks niya."
Wala akong ibang nasabi kung hindi, "Sige po Auntie."
Tiningnan ko ang phone ko habang naglalakad papuntang school. May ilang messages at GM na dinelete ko agad. Natigil ako sa text message ni Eddard.
Eddard Vane
Bakit hindi ko narinig boses mo? :(
Napangiti agad ako pero ang text ni Chino ng 'good morning' ang nireplyan ko. Tiningnan ko ulit ang message ni Eddard sa akin bago binalik ang phone sa bulsa ko.
Pagkarating sa classroom, natigil ako sa unang nakita ko na nasa may devan. Normal na sa akin na makita si Marie kasama ang mga lalaki habang naglalaro ng chess pero ang makita si Eddard? Na kalaban ni Marie?
"Ang tagal mo ha, tinutubuan na ako ng ugat dito," sabi ni Marie. Tumingin siya sa akin at tinaas ang kamay para kumaway. Dumiretso ako sa pwesto ko habang nakatingin pa rin sa likuran.
Sobrang seryoso ng mukha ni Eddard na nakatingin sa mga chess pieces. Pagkagalaw niya ng isang piece, biglang sumigaw si Marie.
"Sa wakas gumalaw ka na rin akala ko maghihintay pa tayo ng graduation!"
Hindi ko maiwasang mapangiti nang makitang nakangiti si Eddard Vane at nakikipagtawanan kay Marie. Parang pakiramdam ko, hindi siya alien sa klase namin. Umiwas ako ng tingin nang mapansin kong lumingon siya.
At napaatras ako dahil ang lapit ng mukha ni Maureen sa akin.
"Crush mo?"
"H-ha?" pagtataka ko. Nag-iwas ako ng tingin. Kinuha ko ang notebook ko para sa first subject at nagbuklat. "Anong sinasabi mo?"
"Crush mo 'no?"
Mukhang nagkabaliktad kami ni Maureen dahil ako ang hindi makatitig sa mata niya. Pinipilit niyang makakuha ng sagot kaya pinipilit ko ring umiwas. Wala si Mao kaya nahihirapan akong mag-iba ng topic.
"Maureen, tama na please!"
"Hindi! Umamin ka muna!" natatawa niyang sabi.
Natigil kaming lahat sa klase nang marinig namin ang sigaw ni Marie at pagbagsak ng chess board pati chess pieces. Pagkalingon, nasa lapag na ang board habang tumatawa si Eddard Vane pati ang ilang lalaki.
"Mandurugas!" sigaw ni Marie sabay sampal kay Eddard. Nagulat ako pero tumawa lang ulit si Vane. "Mukha kang pwet ko!"
"Chill. May next time pa para manalo."
"Mukha mo chill."
Inaasar ng mga lalaki si Marie habang nagtatawanan sila doon. Hindi ko na sila pinansin dahil dumating na rin si Ma'am Socorro. Nagligpit sila nang hawakan ni Marie ang balikat ko.
"Bakit?"
Akala ko sasampalin niya ako pero mas nagulat ako sa sunod niyang sinabi.
"Magde-date kayo mamaya."
Hinila ko siya bago pa siya makalayo. Napatingin ako kay Eddard na nakangisi habang nagliligpit. "A-Anong mamaya?"
Nagkibit balikat si Marie. "Natalo ako, eh. Ikaw pinagpustahan namin."
"H-ha?!"
"Lacsamana, may kwento ka bang dapat ibahagi sa klase?"
Nanahimik ako pagkatapos at nagpaulit-ulit sa utak ko ang sinabi ni Marie. Nanatili ang mata ko sa harap habang nagsasalita si Ma'am Socorro na hindi ko naiintindihan dahil sa nasa isip ko.
Imposible.
Imposible talaga.
Ngunit nang mauwian, nagbago ang lahat ng pagde-deny ko nang hatakin ako ni Marie patayo at dinala sa kinauupuan ni Eddard. Mabilis akong tumalikod kay Eddard at tiningnan si Marie. Kinakabahan ako. Sobrang sobra.
"O ayan na premyo mo."
"Marie?!" pagprotesta ko.
Nagkibit balikat si Marie. "Okay lang 'yan, konting aliw lang kailangan n'yan."
"Marie?!"
Kumunot ang noo ni Marie. Bigla niya akong sinampal. "Marie one nga!" Nilingon ni Marie si Maureen. "Tara uwi! Aliwin mo 'yan Mari two para kapag naglaro ulit kami, distracted na siya sa'yo."
Naglakad si Marie at palapit sana ako sa kanya pero tinulak niya ako dahilan para matamaan ko ang nasa likuran. Paglingon ko, umiwas agad ako ng tingin at tumayo nang maayos dahil si Eddard ang nakasalo sa akin. Tiningnan ako nang mapanuri ni Maureen bago sila lumabas ng room.
Nilingon ko ulit si Eddard na nakikipag-apir sa mga lalaki naming kaklase. Hindi ko na siya hinintay. Naglakad na rin ako paalis habang pinupunas ang kamay ko sa palda ko. Napatingin ako nang makasalubong ko si Miller nang nakangiti at tumango pa sa akin. O sa taong nasa likuran ko.
"Nice one," natatawang sabi ni Miller at nakipag-apir sa taong nasa likod ko. "Kaya pala hindi sasabay umuwi."
"Tumahimik ka nga!"
Napapikit at napalunok ako dahil ang boses ni Eddard Vane ang narinig ko sa likuran. Malapit na boses – na siguro ay hindi aabot ng tatlong dangkal ang layo namin sa isa't isa. Hindi ako tumingin sa kanya o hinintay siya. Dumiretso ako sa paglalakad pababa. At talagang nahihiya ako dahil panay ang tingin sa akin – o sa taong nasa likuran ko – ng mga nakakasalubong ko.
Marami rin akong napansin na kahit mga nasa ibang year ay napapatingin sa kanya.
Siya na gwapo. Siya na talaga.
Kahit paglabas, narinig kong nakipag-apir pa siya sa guard na para bang isa siyang pulitika na nakikipag-plastic sa mga tao para iboto siya. Nanatili akong nakatayo sa may sakayan habang hinihintay siyang makipag-usap sa lahat ng taong nakakasalubong.
Tumigil siya sa kaliwa ko habang nakatingin sa akin. Diretso ang tingin ko sa mga jeep – kahit naiilang na ako nang sobra sa pagtitig niya.
"Anong sinasakyan mong jeep?" tanong ko nang diretso pa rin ang tingin sa kawalan. "O tatawid ka pa?"
Napatingin ako sa kanya nang makita siyang nakangiti. Nakahawak ang isa niyang kamay sa isang strap ng bag niyang nakasukbit sa balikat niya. Kung titingnan ang bag niya, baka walang laman 'yon. Baka salamin ang dala niya para makita kung may strand ba ng buhok niyang nagalaw sa pagpapapogi niya sa mga tao.
Kung tutuusin, bagay sa kanya ang pangalan niya.
Vane.
Vain.
GGSS.
Gwapong-gwapo sa sarili.
"Hindi pa ako uuwi," sabi niya habang nakatitig pa rin sa akin. Nakakailang! "We're going on a date."
Tinitigan ko siya nang mataman. Naghihintay ako nang pagtawa niya o pagsigaw niya ng 'yari ka!' pero hindi niya ginawa. Naghintay ako ng 'wow mali!' pero wala pa rin. Tumingin ako sa paligid na normal ang lahat. Nilingon ko rin ang likuran ko para makita kung nandito rin ba sila Marie at Maureen. O kahit si Mao na absent.
Pero wala sila.
"Ha?"
Ngumiti siya. "Date, pustahan namin ng kaibigan mo. Ni Marie one?" pagtataka pa niya.
Gusto kong mag-face palm. Pati ba naman si Vane, pinipilit niyang tawagin siyang Marie one?
"Pero. . ."
"Will you say no?" tanong niya nang nakataas-kilay. Na-stress ako bigla sa tinanong niya. Kino-corner ba niya ako?
"Paano si. . . Queen."
Kumunot ang noo niya. "Queen?"
Please, Mari Solei. Bakit ang bobo mo? Bakit pinapaalam mo kay Eddard na alam mo ang nangyayari sa kanya o kahit sa love life niya? Lord. Bakit.
"Oo."
Huminga ako nang malalim. Gusto kong tumakbo pauwi agad. Dahil kailangan ko rin tulungan si Cheche sabi ni Auntie.
Nagulat ako nang matawa si Eddard Vane sa tabi ko. Tiningnan ko lang siya nang nagtataka.
"Hindi naman naging kami no'n," sabi niya habang nakatingin sa harap. "Pinagkakalat lang niya, pero hindi talaga."
"Ah?" na lang ang nasabi ko.
Pakiramdam ko gumaan saglit ang puso ko. . . wait, ano? Ugh, Mari Solei. Tumigil ka.
Nakangiti siyang binalik ang tingin sa akin. Nilapit pa niya ang mukha niya dahilan para mapaatras ako. "Selos ka?"
Nanlaki ang mata ko sabay nag-init ang pisngi ko sa tanong niya. Marahan din ang pagpunas ko ng kamay sa palda ko dahil sa kaba na nararamdaman. Sobrang pinapasmado na talaga ako!
"A-Ano bang. . . bakit. . ."
Mari Solei, please naman! Bakit pahalata ka?!
Nag-angat ang labi niya. "So, will you say no? Wala akong girlfriend. Wala akong nililigawan. Wala akong ka-fling. I'm clean. All yours."
Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya pero mas pinili kong huwag pansinin. Kunwari hindi ko narinig. Kunwari wala siyang sinabi.
Masyado siyang nakatitig sa akin na para bang nalulusaw na ako. Nahawa ako sa mabilis na pagkailang ni Maureen sa pakikipagtitigan. Ganito siguro ang nararamdaman niya. Sobrang kaba. Bilis ng tibok ng puso. Init ng paligid. Sobrang pawis.
"May. . . may pinsan kasi ako na tutulungan ko sa assignments niya."
"Agad?" Tumaas ang kilay niya. Tumango ako at nagbuntonghininga siya bago tumayo nang maayos. "Sige, weekend?"
"Weekend?"
Kinagat niya ang labi niya na parang pinipigilan ang pagngiti. "Weekend."
Hindi ako mapakali. Kahit tinutulungan ko na ang pinsan ko sa assignments niya, hindi pa rin mawala sa isip ko ang itsura ni Eddard Vane. Nakangisi siya na para bang natutuwa siya sa mga nangyayari. O baka natutuwa siya sa pang-aasar sa akin. Malamang sa malamang, pinagtitripan ako ni Eddard. Isama pa ang Miller na 'yan.
Sinubukan kong maging passive sa kanya sa mga sumunod na araw para makalimutan niya ang 'weekend' na sinasabi niya. Hindi ko siya tinawagan, hindi rin naman siya nangulit. May pagkakataon pang akala ko siya na ang nag-text dahil hindi ako tumawag pero si Chino lang pala ang nagtext.
Naging normal ang lahat sa klase pwera na lang sa idea na kinakabahan ako sa tuwing napapalapit si Eddard Vane sa akin. Kahit hindi ako tumitingin sa kanya o siya sa akin. Kahit simpleng dinig ko lang sa pangalan niya, iba na ang epekto.
At pagkarating ng Friday, isang text message na dapat ay hindi ko papansinin ang nagpatalon sa puso ko.
Eddard Vane
Hi.
Sinampal ko ang sarili ko sa sobrang OA ng reaksyon ko sa isang text. Dalawang letter lang 'yan, Mari. Anong problema mo? Baka nga na-wrong send lang ang lalaking 'yan dahil hindi ka naman niya pinansin nang hindi mo siya pinansin.
Eddard Vane
Snob? :(
Sigurado ba talaga 'tong lalaking 'to? Nag-iba ako ng posisyon sa kama habang nakatitig sa text niya. Sige. . . isa pang text. Kapag nag-text siya ulit, magre-reply na ako. kaya nagmadali ako sa pagbukas ng new message nang mag-vibrate ang phone ko.
Pero ibang pangalan ang lumabas.
Chino sakristan
Good night, Mari. :D Kakatapos lang ng klase ko. Kain ka nang maigi. Ingat lagi. Gising ka pa? Sorry sa istorbo.
Bago pa ako makapagreply, hindi ko mapigilang mapatili nang makita ang pangalan ni Eddard Vane sa new message!
Eddard Vane
MARIS REPLY NAMAN DYAN OH
Wait lang! Tumawa ako sa hindi ko malamang dahilan at nagpaikot sa kama. Nag-isip. Anong ire-reply ko?
Bakit? Masyadong cold.
Sorry, may ginawa lang ako. Masyadong. . . mahaba.
EDDARD VANE BAKIT ANO 'YON. :)))) Masyadong feeling close! Ang daming smiley baka sabihin niya sabik ako sa kanya! Ugh. Grabe, reply lang, Mari. Isang reply lang, hindi ka pa makapag-isip?!
Nabitawan ko ang cellphone ko sa pagkagulat. Nakahawak ako sa ilong ko habang nakatingin sa screen. Nanlaki ang mata ko dahil nakita ko ang pangalan ni Eddard Vane na tumatawag! Nag-panic ako habang nararamdaman ang sakit ng ilong ko bago ko sinagot.
"H-Hello?"
"Asleep?"
Napapikit ako sa narinig na boses niya. Huminga ako nang malalim bago sumagot. "H-hindi."
"Bakit hindi ka nagre-reply?"
Hindi ko mapigilan ang ngiti ko kahit ang sakit ng ilong ko. "Ano, may ginawa lang."
"Anong ginawa mo?"
Bakit sobrang interesado siya?
"Hindi importante. Nag-urong, nagwalis, naggayak patulog," dire-diretso kong sabi. Nagulat ako sa biglang pagtawa niya sa kabilang linya. "B-Bakit?"
"Nosebleed terms."
Nakitawa rin ako nang mahina. Nahiya ako bigla. Pagkatapos tumawa, naging tahimik ang linya kaya kinabahan ako. Gusto kong magsalita pero hindi ko alam ang sasabihin ko kaya nagpasalamat ako sa kanya sa utak ko nang siya na ang nagsalita ulit.
"Anong ginagawa mo ngayon?"
"Nakahiga lang," sabi ko.
"Ano?"
Huminga ako nang malalim. "Nakahiga lang," sabi ko nang medyo malakas ang boses.
"Ang hina ng boses mo," rinig kong nakangiti siya sa kabilang linya. Napakagat ako ng labi. "Can't sleep?"
"Uh, medyo."
"Me too. I can't sleep. I'm excited."
Lumunok pa ako bago gumawa ng tunog na parang gusto kong iuntog ang ulo ko sa pader. "Hm?"
"Hm?" natatawa niyang paggaya sa akin.
Napakagat ako ng labi. "A-ano. Bakit?"
Tuluyan siyang tumawa. "It's Saturday tomorrow. Date natin."
Hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pag-hyperventilate. Pagulong-gulong ako sa kama ko habang nakakagat sa unan na yakap ko. Nanaginip pa ako nang matulog ako sa 'date' na 'yon.
Hindi ako excited pero nagising ako nang maaga kinabukasan. Gusto kong matulog ulit pero pinipilit ako ng utak ko na magising at pati na rin ang mga alaga ko sa tiyan na para bang papatayin ako.
Gumayak ako nang tahimik para hindi magising si Auntie at Cheche. Hinanap ko ang pinakamagara kong bistida at sandals. At habang nakatingin ako sa salamin, napatitig ako sa itsura ko at tinapik-tapik pa ang pisngi habang paulit-ulit ang tanong sa utak ko na hindi ko masagot.
"May crush na ba ako kay Eddard Vane?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top