My Two Seatmates
Abnormal ako.
Ayokong nagkakagusto sa akin ang taong nagugustuhan ko. At mas lalong nagi-guilty ako ‘pag nagugustuhan din ako ng taong nagugustuhan ko. Hindi ko alam kung bakit. Siguro’y mababa lang ang tingin ko sa sarili ko o may mas malalim pang dahilan.
Naalala ko pa noong high school ako, may crush ako noon na transferee. Nalaman niyang gusto ko siya at sinabi niyang gusto niya rin ako. Hindi ako natuwa, sa totoo’y nainis ako. Pakiramdam ko kasi, sinabi niya lang na gusto niya ako kasi nalaman niyang gusto ko siya. At ayoko no’n. Oo, abnormal talaga ako pero ganoon ako at hindi ko alam kung bakit. Gusto niya akong ligawan pero hindi ako pumayag. Nagbibigay siya ng sulat pero hindi ko ‘yon binabasa. Ginawan niya pa nga ako ng video at ang background music ay ‘Ba’t di ko pa nasabi.’ Pero sa halip na kiligin ay mas lalo akong nainis sa kaniya kasi para bang kalaban ko siya pati na ang mga kaklase ko. Parang ako pa ‘yung masama na hindi ako pumapayag na manligaw siya. Sinesendan niya rin ako ng message na ‘I love you.’ At pati ang mga kaibigan niya ay nakikiusap sa akin na bigyan ko siya ng chance pero dahil nga abnormal ako, hindi pa rin nagbago ang isip ko. Hanggang sa isang araw, nagpaparinig na siya at kumakanta ng ‘She’s just a girl and she is liar...’ na may tono ng Girl on fire. Na-turn off ako, lalo na nang may niligawan siyang iba. Alam ko, wala akong laban do’n pero parang kailan lang sinasabi niyang ako ang mahal niya pero mamukat-mukat mo may iba nang nilalandi. Nakaka... mapapailing ka na lang talaga.
“Larizza, sa mga kaklase mong lalaki, sino ‘yung sa tingin mo ay responsable? ‘Yung pwede nang maging ama?” Tanong sa akin ng prof ko habang nasa faculty office ako at tinutulungan siya sa pagtutuos ng grades. “P-po?”
“Yung pwede nang maging ama ng mga anak mo.” Sabat naman ng isa ko pang prof na nasa kabilang table at tumatawa. Nagkukwentuhan kasi sila at sakto namang ang topic nila ay tungkol sa responsabilidad kaya napunta sa ganoong usapan.
Hindi ko sila sinagot imbes ay nakingiti na lang ako at ipinagpatuloy ang pag-eenter ko ng grade sa MS Excel. Hindi ko alam kung bakit may isang taong nasa isip ko. Paulit-ulit kong nakikita sa isip ko ang buong pangalan niya. Cyd Jay Aurellano.
Hindi ko siya crush pero nababaitan ako sa kaniya at sa tingin ko kasi sa madalas naming pag-uusap nakikita kong mabait siya; Napapatunayan kong responsable siya kahit na minsan ay palaging gusto niya nang umuwi para mag-dota.
“Huy tingnan niyo ‘yung dalawa ni Larizza at Anthony, ang sweet! Agang-aga naglalandian porke’t wala pa si Prof. eh!”
“Hoy Jackson! Huwag mo nga kaming picturan!” Sigaw ko nang mapansin kong kinukuhanan niya kami ni Anthony ng litrato at binibigyan ng malisya ang simpleng pag-uusap namin.
“Hayaan mo na, sakyan mo na lang ang mga kaklase natin at saka ayaw mo no’n may kaunting thrill ang college life natin?” Wika ng katabi ko. Ano naman kaya ang thrill do’n? “Teka, bakit kaya wala pa si Cyd? May report kami ngayon eh, baka ‘pag hindi kami nakapagreport bumagsak ako. Delikado na kasi mga grades ko eh.”
Napatingin ako sa kaliwa ko. Oo nga no, wala pa si Cyd. Absent kaya siya o male-late lang?
“Tawagan mo, baka na-traffic lang.” May halong pag-aalala kong sabi. Totoong pinagsasabihan na ng mga teachers si Anthony dahil nung midterm marami siyang absent kaya madalas hindi siya nakakakuha ng quiz. Mababa rin ang recitation niya dahil nga absent siya, tapos nahuhuli siya sa submission ng mga projects. Kaya ngayong finals, bumabawi siya.
“Wala akong number, eh.” Sagot niya.
“Ako din, wala atsaka wala rin akong load. Chat na lang, naka-connect naman ako sa internet ng Supply Office.” Kinuha ko sa bag ko ang cellphone ko at saka ko siya ni-chat. Madalas rin kaming nagkaka-chat ni Cyd ng mga nakalipas na araw kasi nagtatanong siya sa mga homework na hindi niya maintindihan. Natatawa na nga lang ako kasi nag-chachat lang siya ‘pag may kailangan.
LARIZZA: Cyd, nasaan ka na raw sabi ni Anthony. May report daw kayo ngayon.
Wala pang isang segundo nang makita ko ang tatlong tuldok na gumagalaw sa tabi ng mukha niya. Aba, online.
CYD: Kagigising ko lang.
Napailing ako, siguro’y napuyat na naman ‘to sa kakalaro ng Dota 2 o kaya naman sa kakapanood niya ng mga song cover ni Ysabelle Cuevas. Sabi ko naman sa kaniya, pakinggan niya si Ruth Anna eh pero ang giit niya mas gusto niya raw ‘yon at ‘yon ang gf niya.
CYD: Kami na ba magrereport? Baka hindi kami abutin. ‘Yung ILO8 pa yata, ILO9 kami eh. Atsaka basa pa pantalon ko.
Natawa ako sa sinabi niya.
LARIZZA: Dapat pinasabay mo na nung Sabado ‘yung pantalon mo, naglaba ako eh. Eh di sana tuyo na ‘yan. Oo raw, kayo na mag-rereport.
CYD: Sige papasok na ako, hindi na lang ako maliligo. Late na!
LARIZZA: Yak! Huwag ka na lang daw pumasok kung kinakabahan ka sa report mo sabi ni Anthony. Send mo na lang daw sa kaniya ‘yung file.
CYD: Na-send ko na sa kaniya kamo. Huy Larizza, nangayayat na ‘ko.
Hindi ko alam kung bakit napangiti ako. Hindi ko na nga rin namalayan na dumating na pala si Prof at nag-uumpisa nang mag-discuss ‘yung ILO8. Paano ba naman nag-oopen ng topic nang bigla-bigla. Pati ba naman ‘yon sasabihin sa akin?
LARIZZA: Ows?
CYD: Oo nga, hindi na ako nag-sosoftdrinks tapos puro tubig na ako. Bawas na rin ang pagkain nang marami.
LARIZZA: Pustahan, isang araw lang ‘yan. ‘Di mo ‘yan matutuloy.
CYD: ‘Di ah, tatlong araw ko na ngang ginagawa eh. Nag-eexcercise din ako.
LARIZZA: Di nga? Kasing-payat ni Anthony, gano’n?
CYD: Hindi naman haha. Nand’yan na si Prof?
LARIZZA: Oo, nag-uumpisa na ngang mag-discuss ‘yung ILO8 eh.
CYD: Abot kaya kami? Sana hindi. Sige na, makinig ka na muna d’yan. Thank you, Larizza.
LARIZZA: Para saan?
CYD: God is good.
LARIZZA: All the time.
Hindi ko man alam kung bakit siya nagpapasalamat, ayun na lang ang sinabi ko. Ni-lock ko na ang cellphone ko at nakinig sa reporter. Buong morning class ko siyang hinihintay pumasok upang makita ang ipinaparanya niyang nangangayayat na siya pero hindi naman siya dumating. Napakatamad talaga no’n pumasok.
Kinabukasan, nakasabay ko si Anthony sa jeep. Pagkababa namin sakto namang nakita ko si Cyd na bumaba sa jeep na nauna sa amin. Ewan ko ba kung bakit bigla akong natuwa. Hinayaan kong tawagin siya ni Anthony at nauna akong maglakad sa kanila. Nag-uusap sila pero hindi ko maintindihan dahil kung ano-anong ideya ang pumapasok sa isip ko.
Napatingin ako sa kanan ko nang makita kong may sumasabay sa paglakad ko. Dahil nakita niya na akong nakatingin sa kaniya, wala na akong nagawa kundi batiin siya.
“Oh? Akala ko ba nangayayat ka na? Hindi naman eh.” Tumawa lang siya. Sabi na, dapat hindi na lang ako nagsalita. Naglakad na lang ako nang mabilis papunta sa classroom.
“Hoy oh! Magkasabay na naman sila ni Anthony! Kayo Larizza ha? May hindi kami nalalaman sa inyo?” Pang-aasar na naman ni Jackson. Muli ay umiling na lang ako at nilampasan sila.
“Lagot ka, Jackson galit si Larizza! Kitang hindi si Anthony ang crush niyan, eh. ‘Di ba?” Tumingin sa akin si Cyd. Hindi ko alam sa mga mata ko kung bakit hindi sila kaagad nakaiwas.
“Oo nga, alam ko ang crush niyan may letter ‘A’ sa pangalan.” Wika pa ni Jackson. So alam nila kung sino ang talagang nagugustuhan ko? Bakit palagi nila akong inaasar kay...
“Ah si Anthony!” Malakas na bigkas ni Cyd na ikinakulo ng dugo ko. Lalo na ‘yung pagtawa niya. Manhid ba siya? Pa-fall? Hindi niya ba nahahalatang siya ang gusto ko?
Natahimik ang lahat nang tinitigan ko nang mabigat si Cyd. Hindi ko alam kung bakit may nangingilid na luha sa mga mata ko. Dala na rin siguro ng pinaghalo-halong emosyon, nasigawan ko siya. “Hindi naman nakakainis ‘pag inaasar ako ng iba, Cyd, ang nakakainis ‘yung inaasar mo ako sa kaniya! Mali ka kasi Cyd Jay Aurellano! Hindi si Anthony ang gusto ko!”
Sandaling tumigil ang mundo ko nang mapagtanto ko ang mga sinabi ko. Pero nabalik ako sa reyalidad nang marinig ko ang natatawang tanong niya, “Weh? Maniwala?” Animo’y malaking insulto ang sinabi niya. Hindi ako makapaniwalang nagkagusto ako sa kaniya.
Nababaliw na nga yata talaga ako!
Sinamaan ko siya nang tingin tsaka ako pumunta sa upuan ko. Kung hindi ko lang siguro inaalagaan ang mga grades ko baka nag-walk out na ako. Sumunod naman ang dalawa at umupo sa magkabilang tabi ko.
“Okay ka lang?” Tanong ni Anthony.
“Bakit naman hindi? Makita ka palang niyan, okay na siya.” Ipinikit ko ang mga mata ko at nagkunwari akong walang narinig mula kay Cyd.
“O-oo, okay lang ako. Salamat.”
Mabuti na lang at dumating na si Prof, nakalimutan ko ang kahihiyang ginawa ko kanina.
“Oh class, sinong excited na sa inyo sa tour?” Nagsi-hindi-an naman ang mga kaklase ko na pakuwari’y hindi talaga pero sa loob-loob excited na excited na sa Cebu-Bohol tour namin sa makalawa.
“Nakapili na ba kayo ng makakasama niyo sa kwarto?”
“Sabi ko naman sa ‘yo si Anthony na lang ang kasama mo sa kwarto tutal gusto mo naman ‘yon ‘di ba?” Pang-aasar ni Cyd sa akin dito sa hallway. Pauwi na’t lahat binibwisit niya pa rin ako.
“Pero kung hindi lang bawal ang babae at lalaking magsama sa kwarto, pusta kayo magkasama. Lagi kayong magkasama, eh.” Dugtong niya pa. Ayoko nang patulan pa ang mga pang-aasar niya sa ‘kin dahil baka madulas na ako’t masabi ko sa kaniya ang totoong nararamdaman ko pero talaga yatang magaling siyang mang-asar na hanggang sa mismong araw ng tour, inaasar niya ako. Hindi ko alam kung bakit nagkagusto ako sa malakas mang-asar.
“Kita mo na, hanggang dito sa eroplano kayo ang magkatabi.” Puna niya. “Hay kung may pisonet lang dito, magdodota ako.”
Hindi ko na lang siya pinansin at tumingin ako sa lalaking katabi ko na ang mga mata’y nakapikit maging ang mga kamay niya’y nakakuyom.
“Anthony, okay ka lang?” “O-oo naman.”
Napansin ko ang mga pawis na pumapatak sa leeg niya. “May sakit ka ba?”
Umiling siya. “W-wala, ano lang... kasi...”
Mas lalo siyang napapikit nang umangat na ang eroplanong sinasakyan namin. Doon ako natawa.
“Acrophobia?” “Huwag mo muna akong kausapin, nagko-concentrate ako.”
“Okay, pero ‘pag kailangan mo ng plastic sabihin mo lang. Manghihingi ako sa cabin crew.”
“What?” Natawa na lang ako pero napatingin ako sa kaniya nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Nakapikit pa rin siya. Mukhang hindi ko pala dapat pinagtatawanan ang seryosong phobia niya. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ang katabi ko sa takot at hindi ko alam kung paano ko tatanggalin ‘yung kamay niya sa kamay ko.
Napatingin ako sa bagay na gumulong sa may paanan ko. “Larizza, pakiabot naman.” Utos ni Cyd. Wala naman akong nagawa kundi tingnan kung ano ba ‘yung pinapaabot niya. Sumilip ako sa ilalim tsaka ko nakita ang walanghiyang piso. Akala ko naman kung ano! “Oh ayan na! Ikakahirap mo yata ‘yang piso na ‘yan!” Bato ko sa kaniya ng piso na tumama sa noo niya. Buti nga.
“Oo kaya! Hindi mabubuo ang isang milyon kung kulang ng piso.”
“Bakit? May isang milyon ka?”
“Wala.”
“Wala naman pala, e!”
“Eh bakit parang galit ka? Nakikisuyo lang naman ako.” Sandali akong natahimik nang ma-realize ko ang sinabi niya. Bakit nga ba ako nagagalit? “Galit ka ba sa ‘kin? May nagawa ba ako?”
Napa-buntong hininga ako. “H-hindi. W-wala.”
“Cyd, may plastic ka ba d’yan? Nasusuka ako.” Napatingin ako sa katabi niya. Si Patricia, siya pala ang katabi niya. “Wala e, samahan nalang kita sa c.r.” Inalalayan nito si Pat tsaka sila madaling naglakad papunta sa likod.
Lumipas ang dalawang oras at nakababa na kami sa eroplano, mga alas-singko siguro ‘yon ng madaling araw. Nag-breakfast kami sa Sugbahan Restaurant tsaka dumeretso sa pier para sa dalawang oras na byahe bago kami nakarating sa destinasyon namin.
“Okay class, paalala lang huwag kayong hihiwalay sa inyong mga kasama. Hangga’t maaari kahit dalawa o isa ang kasama basta hindi mag-isa, nagkakaintindihan ba tayo?” Paalala ng tour guide na kasama namin pagkasampa namin sa bus. Hindi ko na namalayan ang oras nang makarating kami sa destinasyon namin. Habang bumababa kami sa bus, paulit-ulit kaming pinapaalalahanan ng aming tour guide na mag-ingat kami at huwag na huwag hihiwalay sa mga kasama namin.
Isa-isa nang naglakad ang mga kaklase ko at sinusundan ang tour guide namin. Ako nama’y abala sa phone ko at hindi ko namalayang wala na pala ako sa pila.
Napatigil ako sa paglalakad at nagpalinga-linga. Hala, nasaan na sila? Saan sila pumunta? Bakit ang bilis nilang mawala sa paningin ko?
Tatawagan ko na sana ang bukod tanging kaklase na mayroon akong contact nang may tumawag sa pangalan ko. “Larizza! Kanina ka pa namin hinihintay, saan ka ba nagpunta?” Lumapit sa akin si Anthony na kababakasan ng pag-aalala sa kaniyang mukha. “Okay ka lang ba?” Tanong pa niya.
“O-oo naman. Salamat at binalikan mo ‘ko.”
“Napansin ko kasing nawawala ka sa pila kaya binalikan ko ‘yung daan at ayun nandito ka nga. Naiwan.” Napangiti ako. “Tara na, sumunod na tayo sa kanila.” Tumango ako tsaka sumabay sa paglakad niya.Maya-maya lang nakaabot na kami sa mga kaklase namin. Salamat talaga rito kay Anthony, kung hindi niya ako binalikan baka nagkanda-ligaw-ligaw na ‘ko. Siya ang kasama ko sa pagpunta namin sa Loboc River Cruise, Tarsier Sanctuary, Man Made Forest, Chocolate Hills at One Stop Shop. Masaya rin ‘tong kasama kasi makwento tapos okay lang sa kaniyang maging official photographer ko sa bawat destination spot namin pero syempre kinukuhanan ko rin siya ng litrato para pareho kaming may remembrance.
Nang makarating kami sa Panda Tea House upang maghapunan, napansin ko ang mga matang ‘yon na nakatingin sa akin, nang makita ko ‘yon bigla niya iyong iniwas. Problema nun? Hanggang sa makabalik kami sa hotel na tinutuluyan namin, napapansin ko siyang tumitingin sa akin pero ‘pag tumitingin na ako sa kaniya, iiwas siya.
“Saan ka pupunta, Larizza?” Tanong sa ‘kin ni Patricia na siyang ka-share ko sa kwarto.
“Mag-iikot-ikot lang ako.”
“Sige, huwag kang masyadong gumala baka maligaw ka. Tsaka malipat na mag-lights out. Bumalik ka kaagad, maagad pa tayo bukas.” Tumango ako tsaka ngumiti.
Lumabas na ako ng kwarto namin. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan ako pupunta. I just want to be all by myself... gusto kong mag-isip. Pasakay na ako ng elevator nang magbukas ito dahil may papalabas na lalaki. Hindi ko alam kung bakit sa pagkakataong ‘yon hindi siya nakaiwas ng tingin kaagad. Siguro’y dahil sa gulat. Kahit naman ako, nagulat din. “Akala ko lalabas ka?” Tanong ko nang makapasok ako sa elevator.
“Hindi na, sira na ang gabi ko. Babalik na ako sa taas.” Pinindot niya ang upper floor kung nasaan ang room nila.
“Problema mo? Sino ang pupuntahan mo sa floor namin ha? Si Pat no?” Pang-aasar ko.
“Bakit, ikaw? Bakit ka pupunta sa floor namin? Pupuntahan mo si Anthony no?” Napansin kong hindi pa nga pala ako pumipindot ng floor.
“Hindi no, sa lobby ako pupunta.” Pinindot ko ang ground floor button.
“Guilty.” Nakarating na kami sa floor niya ngunit wala yata siyang balak lumabas.
“Akala ko babalik ka na sa floor mo.” Wika ko nang makarating na kami sa lobby. Nakasunod lang siya sa ‘kin palabas ng hotel.
“Hoy Larizza, sa’n mo balak pumunta?”
“Wala ka na do’n.”
“Mamaya, maligaw ka na naman. Hindi kita hahanapin.”
“Eh di ‘wag. Hindi ko naman ni-rerequest na hanapin mo ako kapag nawala ako e.” Sagot ko.
“Eh bakit ka ba kasi nandito? Anong gagawin mo rito?”
Umupo ako sa isang mahabang putol na kahoy. Mukhang napag-iwanan na ito ng mga nag-bonfire rito kanina.
“Wala. Mag-iisip.”
“Bakit? Anong iisipin mo? Sino pala rather. Si Anthony?” Hindi ko alam kung maiinis ba ako sa kaniya na palagi niyang isinasangat ang pangalan ni Anthony sa usapan.
“Ibang tao...” “Gano’n? Kilala ko ba ‘yan?”
“Wala ka na do’n, Cyd. Oo nga pala, bakit ka umiiwas ng tingin kanina sa akin?”
“Talaga ba? Paano ka nakakasigurong sa ‘yo nga ako nakatingin?”
“Eh kasi ‘pag tumitingin na ako sa ‘yo, umiiwas ka.”
“Asa ka naman. Ngayon ba umiiwas ako sa ‘yo ng tingin ha?” Tumingin siya sa mga mata ko as in titig na titig kaya hindi ko na naman napigilan ang puso kong makaramdam ng kakaiba. Ewan ko ba, aminado akong may kaunti akong nararamdaman para sa kaniya pero... ewan, parang may nagsasabi sa loob ko na huwag ko siyang magugustuhan kasi masasaktan lang ako dahil hindi niya
ako gusto.
“Sabi ko nga, hindi.” Sandaling katahimikan ang pumuno sa aming dalawa. Tanging mga kuliglig lang at ingay ng gabi ang siyang naririnig ko.
Umihip nang malakas ang hangin dahilan upang mas lalong maramdaman ko ang nakakailang na pakiramdam, napayapos pa ako sa sarili ko dahil sa lamig na hindi ko inaasahan.
Biglang kumabog ang dibdib ko sa isang isipin. Masyadong tahimik ang gabi. Okay lang kayang linawin ko na sa kaniya ang lahat? Wala naman sigurong masama kung aminin kong may gusto ako sa kaniya. Isa pa, crush lang naman. Nasasaktan kasi ako ‘pag inaasar niya ako kay Anthony. Maganda na sigurong malinaw.
“Cyd...”
“Hmmm?” Napalingon siya sa akin. Nagtagpo ang mga mata namin kaya napaiwas agad ako ng tingin. Tama ba talagang sabihin ko na sa kaniya ngayon? Tutal kami lang namang dalawa. Nasa tamang pag-iisip pa ba ako?
“May itatanong sana ako sa ‘yo...”
“Ano ‘yon?”
Mas lalo akong kinabahan. Pilit kong pinipigilan ang sarili ko pero gusto ng puso ko na sabihin na ang lahat. Pakiramdam ko kasi mawawalan na ako ng pagkakataon ‘pag pinalampas ko pa.
“Ahh ano kasi... Pagkauwi natin ‘di ba final exam na natin, nakapag-review ka na ba?” Gustong magwala ng dibdib ko dahil sa ibang sinabi ko. Naman! Naiintindihan ko na ang mga lalaki—kung bakit hirap silang aminin sa isang babae na may gusto sila rito.
“Hindi pa nga e. Ikaw ba?”
Umiling ako. “Hindi pa rin.”
“Ahhh ‘yan na ba ‘yung sasabihin mo?”
“Ahh ano, hindi. May sasabihin pa ako.” Nalintikan na! Ano ba’t--? Sana hinayaan ko na lang!
“Talaga? Ano ba ‘yon?” Halata sa kaniya na na-cucurious na siya sa sasabihin ko.
“Ano kasi... Gagawa ka ba ng reviewer? Manghihingi sana ako e.”
“Oo, gagawa ako. Bibigyan kita pati na rin ‘yung mga kaklase natin. ‘Yun na ba talaga ‘yung sasabihin mo sa ‘kin?”
Umiling ako at napayuko. “Hindi... May iba pa...”
“Ano ba ‘yon? Na may gusto ka kay Anthony? Halata naman e. Alam na 'yon ng lahat hahaha”
Napaangat ako ng ulo sa narinig ko. Hindi ko alam kung sinasadya ba niya talaga ang pagsisingit ng pangalan ni Anthony sa usapan. Hindi ko alam kung manhid ba talaga ang isang ‘to o ano.
“G-ganun na ba kahalata?” Tumango siya. Ang bobo ko. Bakit ba kasi ako namumula sa tuwing inaasar nila ako kay Anthony? Eh hindi naman talaga siya ang gusto ko, kundi itong lalaking nasa harap ko.
“Oo hahaha.”
“Magpapatulong ka ba sa ‘kin sa kaniya? Ikaw na kasi ang manligaw do’n para hindi ka na nahihirapan.” Alam niyo ‘yung parang hinihiwa na ‘yung puso ko sa mga sinasabi niya?
“Tara na, bumalik na tayo. Marami ring lamok o, kanina ko pa tinitiis ‘yung mga kagat nila. Tsaka hindi ka pa ba inaantok? Maaga pa tayo bukas, matulog na tayo.” Tumayo na siya at naglakad pauna sa akin.
“Cyd!” Sigaw ko na nagpatigil sa kaniya. “Tatanungin kita ulit...”
Lumingon siya sa ‘kin kasabay no’n ay ang pagdedesisyon ko kung sasabihin ko ba o hindi.
“Ano ‘yon?”
“May nagkagusto na ba sa ‘yo noon?”
Kumunot ang noo niya. “Siguro oo, bakit?”
“Wala, akala ko kasi ako ‘yung una.”
Napapikit ako. Ayokong malaman ang isasagot niya. Paniguradong nabigla rin siya sa sinabi ko. Kung anong lamig kanina ay gayong lumala ngayon. Ramdam na ramdam kong kaunti na lang ay magyeyelo na ang kamay ko. Nasabi ko ba talaga ‘yon?
“Larizza ha? Bumabanat ka na. Tara na sa loob.” Inakbayan niya ako tsaka niya ako sinabayan sa paglalakad.
Kinabukasan, hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap ko sa kaniya. Ni hindi ko siya kayang tingnan dahil nanliliit ako sa pinaggagagawa ko kagabi. Bakit kasi sinabi ko pa? Hayan tuloy!
“Larizza, okay ka lang?” Napatingin ako sa lalaking nasa harapan ko. “O-oo naman, Anthony.”
“Kumain ka na ba?”
“Ha? H-hindi pa. Tinanghali kasi ako ng gising, hindi ako nakaabot sa buffet kanina.”
“Gano’n? Hindi ka ginising ng roommate mo?” Umupo siya sa tabi ko at sinimulan akong intrigahin. Hindi ko na pinansin ang nagsasalita sa seminar kundi itinuon ko na lang ang atensyon ko sa katabi ko. “Hindi eh. Hindi kasi kami masyadong close ni Pat kaya hindi niya ako ginising. Nahiya siguro siya.”
“Gutom ka na ba?”
“Ha? H-hindi naman, okay lang ako.”
“Hindi, baka kasi gutom ka na. Okay lang ba sa ‘yo ‘to?” Nagulat ako nang may nilabas siyang burger na mukhang binili niya pa sa isang restaurant rito sa hotel. Iniabot niya iyon sa akin, ako naman si tanga medyo nawindang sa gulat.
“Uy ‘di nga? Ibibigay mo sa ‘kin? Hindi ba nakakahiya naman. Magkano ba ‘to? Bayaran ko na lang.”
“No no no, para sa ‘yo talaga ‘yan. Hindi kasi kita nakita kanina kaya naisip ko baka hindi ka pa kumakain. Pasensya ka na kung ‘yan lang, mahirap nang mahuling kumakain habang nasa seminar.” Natawa ako. Wala naman akong nagawa kundi tanggapin ang binigay niya at pasimpleng kinain ‘yon.
“Salamat, Anthony.” “Wala ‘yon.”
“Oo nga pala, may sasabihin ako sa ‘yo...” Mahina niyang sabi sa akin.
“Ano ‘yon?” Ngumiti siya. “Tsaka na, pag-uwi na natin.” Kumunot ang noo ko kasi na-curious ako sa sasabihin niya.
“Ano ba ‘yan? Bakit hindi pa ngayon?”
“Basta, ‘pag nakabalik na tayo sa Manila. Okay?” Tumango na lang ako at inubos ko na ang kinakain ko. Natapos ang seminar nang hindi ko namamalayan dahil kausap ko si Anthony. Isa-isa na kaming nagsilabasan sa hall dahil pupunta kami sa next destination namin sa itinerary. Hindi ko inaasahan na magiging grabe ang siksikan dahil excited na ang iba sa paglabas so ayun, nabangga ako sa pader.
“O-okay ka lang, Larizza?” Hindi ko kaagad naimulat ang mga mata ko nang marinig ko ang boses niya. Nag-aalinlangan kong tiningnan ang mukha niya. “O-oo naman, Cyd.” Naitulak ko siya sa bigla. Hindi ko kasi kinaya ang mga tingin niya. Anong gagawin ko?
“May problema ba?” Tanong pa niya.
“Ha? W-wala.” Ngumiti ako atsaka ko inayos ang sarili ko. Hindi ko napansing wala na palang ibang tao kundi kami na lang dalawa.
“Tara na sa labas baka tayo na lang ang hinihintay.”
Nang makasakay kami sa bus ay agad kaming inasar ng mga kaklase ko.
“Hoy Larizza ha? Bakit kayo magkasama ni Cyd? Baka magselos niyan si Anthony!”
“Oo nga, iba pa naman magselos si Anthony! Lagot ka d’yan mamayang gabi!”
Napatingin ako sa lalaking nasa likod, nakangiti lang siya na para bang sinasabing ‘sakyan mo na lang ang mga kaklase natin’. Hindi ko na lang pinansin ang mga kaklase ko at naglakad na ako papunta sa bakanteng upuan, hindi ko naman inaasahang uupo sa tabi ko si Cyd kaya napatingin ako sa kaniya.
“Wala nang bakante, eh.” Sinilip ko ang upuan sa bandang likod.
“Anong wala? Meron ah.”
“Masyadong malayo at saka baka mamaya masuka ka, sinong mang-aasar sa ‘yo?”
Inirapan ko siya. “Excuse me, hindi ako sumusuka sa byahe baka ikaw d’yan.”
At tama ako, kalalaking tao sumusuka sa byahe. Akala mo kung sinong matapang kanina sa pang-aasar eh siya naman pala. Bakit ba ang malas ko palagi sa mga katabi ko? Noong kahapon si Anthony, may phobia ngayon naman si Cyd hindi sanay sa biyahe. Napailing na lang ako habang hinahagod ko ang likod niya.
“Ayan, asar asar ka pang nalalaman eh no? Ikaw pala ‘tong weak.” Imbes na sagutin niya ako ay sumuka pa siya.
“Kinikilig ka naman.” Pang-aasar niya tsaka ambang binibigay sa akin ‘yung plastic na pinagsukahan niya.
“Bastos ka talaga! Kadiri ka, Cyd! Umayos ka nga!” Napasigaw na ako.
“Heto naman, binibiro lang. Akala mo naman ibibigay ko talaga sa ‘yo. Hindi ako ganun no.”
“Ahhhhhhhh!” Mas lalo akong napasigaw nang biglang pumreno ang bus at dahil do’n natapon sa ‘kin ‘yung... Napapikit ako. “Walanghiya ka, Cyd Jay Aurellano!”
So ayun, walang choice ‘yung bus kundi huminto sa isang malapit na gas station. Hinayaan nila akong makapagpalit ng damit. Hep! Hep! Hep! Syempre nagbanlaw ako saglit. At sinigurado kong walang matitirang bahid ng mabaho at nakakadiring suka ni Cyd. Hanep ha! Kahit may gusto ako sa kaniya, ibang usapan na ‘yung suka niya. Kadiri talaga!
“Sorry, okay ka na ba?” Salubong niya sa akin pagkalabas ko sa c.r.
“Aber, paano ako magiging okay eh dinaig ko pa ‘yung plastic parang ako rin ‘yung sinukahan mo eh! Gumamit ka pa ng plastic no?"
“Sorry na nga kasi.” Napatingin ako sa braso ko na hinawakan niya.
“Hindi naman kasi nakakatawa ‘yung biro mo.” Naglakad na ako pabalik sa bus.
“Hindi rin naman nakakatawa ‘yung biro mo kagabi.”
Natigilan ako sa narinig ko. Gusto kong sagutin ang sinabi niya pero narinig ko na ang malakas na pagtawag ng tour guide sa ‘min kaya umakyat na ako sa bus. Ganoon din siya. Bumalik kami sa pwesto namin kanina. Sinusubukan kong tumingin na lang sa bintana habang bumibyahe ngunit paulit-ulit sa tenga ko ang huli niyang sinabi. Akala niya ba biro lang? Akala niya ba ganoon kadaling aminin sa kaniya ang tunay kong nararamdaman? Tapos sasabihin niyang biro lang ‘yon? Sobrang durog na ‘yung kalooban ko dahil sa pagiging manhid niya.
“Cyd...” Tawag ko sa kaniya bago kami tuluyang bumaba ng bus.
“Hmmm?”
“Tungkol sa sinabi ko sa ‘yo kagabi... kalimutan mo na ‘yon. Okay? Masyado lang siguro akong nadala nitong mga nakaraang araw dahil sa pangungulit at pang-aasar mo sa 'kin kaya na misunderstood ko 'yung nararamdaman ko, baka nga joke lang 'yung sinabi ko sa 'yo kagabi kaya kalimutan na natin 'yon ha?”
Nilampasan ko na siya at sumunod na ako sa mga kaklase namin. Tanga na kung tanga pero hindi naman niya sineryoso ‘yung sinabi ko kagabi e, mabuti pa bawiin ko na lang. Ewan, akala ko matapang ako dahil nasabi ko sa kaniya ang totoong nararamdaman ko pero isa pala akong malaking duwag kasi imbes na linawin ko sa kaniya, binawi ko. At wala na akong magagawa kasi nagawa ko na.
Natapos ang tatlong araw na tour namin sa Cebu-Bohol, pagod na pagod kaming nakauwi sa sari-sarili naming bahay. Dala ang walang katumbas na mga alaala at experience. Sobrang worth it ng perang nagastos namin sa tour namin. Hay, matutulog na ako madaling araw na rin kasi.
Ilang beses pa akong nagpapalit-palit ng pwesto sa kama ko pero hindi pa rin ako makakuha ng tulog. Alam ko sa sarili ko na gusto ko nang makatulog dahil inaantok at pagod na ako pero hindi ko magawa dahil iniisip ko ang mga ginawa ko doon sa tour. Iniisip ko si Cyd.
Paano ko siya haharapin bukas? Paano ko siya kakausapin? Ngingitian ko ba siya ‘pag nakita ko? Babatiin ko ba siya kapag nakasalubong ko? Paano kung hindi niya ako pansinin? Paano kung iwasan niya ako?
Napabaliktad ako sa kama nang marinig ang malakas na tunog ng ringtone ko. Agad kong kinuha ang aking cellphone sa malaki kong bag na hindi pa naiaalis ang mga laman nitong damit. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang pangalan ni Cyd sa screen ng phone ko. OMG! Anong gagawin ko? Sasagutin ko ba? Anong sasabihin ko? Hala! Bakit ba ako naaaligaga?
Huminga ako nang malalim tsaka ko sinagot ang tawag.
“H-hello?”
(Hala, sorry Larizza. Naabala ba kita?)
“Hindi naman. B-bakit ka napatawag?”
Bakit ba nauutal ako? Nakakaloka naman! Bakit ba kasi may patawag-tawag pa siya? Hindi man lang ba siya magagalit o kaya naman maiilang? O kaya hindi man lang ba magbabago ‘yung pakikitungo niya sa ‘kin?
(Itatanong ko lang sana kung hihingi ka ng reviewer sa ‘kin? Gumagawa na kasi ako ngayon.)
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Gumagawa siya ng reviewer? As in ngayon? Kauuwi lang namin ah?
“Hindi ka ba nakakaramdam ng pagod? Magpahinga ka naman...” Kanina ka pa kasi tumatakbo sa isip ko.
“Kadarating lang natin galing sa tour ah, bukas pa naman ang exam. Pahinga ka na.”
(Ah sige.) Ibinaba niya na ang tawag. At dahil sa ginawa niya, nawala ang antok ko. Ang galing talaga.
Muling tumunog ang cellphone ko. Buong akala ko ay tumawag muli si Cyd ngunit ibang number na ang nakabalandra sa screen ng phone ko.
“H-hello? Sino ‘to?”
(Hello Larizza? Si Anthony ‘to. Nagising ba kita?)
“Ha? Hindi naman, bakit ka nga pala napatawag?”
(Naalala mo ba ‘yung sinabi ko sa ‘yo? ‘Yung sabi ko may sasabihin ako pero sasabihin ko ‘pag nakauwi na tayo.)
Napaisip ako. Ano kaya ‘yung sasabihin niya? Bakit bigla akong kinabahan?
“A-ano... Tungkol saan?”
(Tungkol sa... ‘kin... sa ‘yo...)
Natigilan ako. Anong tungkol sa kaniya? Anong tungkol sa ‘kin? Wala akong ibang marinig maliban sa kabog ng dibdib ko. Anong ibig niyang sabihin?
(Alam ko, dapat sa personal ko ‘to sinasabi pero hindi na kasi ako makatulog dahil sa ‘yo. Hindi ko alam kung dapat ko bang sisihin ang mga kaklase natin sa pang-aasar nila sa ‘tin kasi naapektuhan na ako. Nagising na lang akong isang araw na gusto na talaga kita na natutuwa ako ‘pag inaasar nila tayo.)
“Anthony...”
(Larizza, gusto kita.)
Sandali akong natahimik at hindi nakasagot. Ewan ko, marahil hindi ko alam kung may nararamdaman ba ako para sa kaniya.
(Okay lang ba sa ‘yong ligawan kita?)
“H-ha?”
(Kapag mataas ang grade na nakuha ko ngayong finals, okay lang ba sa ‘yong ligawan na kita?)
“H-ha? A-ano...”
(Okay lang kahit hindi ka sumagot ngayon. Hindi naman kita minamadali. Handa akong maghintay. See you tomorrow, Larizza.)
Ibinaba niya na ang tawag. Nagkaroon na naman ako ng dahilan kung bakit hindi ako makakatulog ngayon. Napabuntong-hininga ako. Pinikit ko ang mga mata ko at pinilit ang sariling matulog. Nagising na lang ako sa malakas na tunog ng cellphone ko.
Napapikit ako nang makita ko ang pangalan ng tumatawag. Bakit ba ang hilig-hilig nilang tumawag? Nato-trauma na tuloy akong sagutin.
“Hello?”
(Hello, Larizza? Nasa harap ako ng bahay mo.)
Nanlaki ang mga mata ko at agad akong napatayo sa kama. Dahil sa windang na nasa harap ng bahay si Cyd, walang anu-ano’y nakalabas ako. Hindi ko na alintana ang magulo kong buhok at damit na hindi ko pa napapalitan simula nang makauwi kami.
Kitang-kita sa mukha ni Cyd na gulat siya sa nakita niya. At doon ko lang napagtanto ang itsura ko sa harap niya.
“Sorry, mukhang kagigising mo lang.” Bati niya sabay kamot sa batok.Napaiwas ako ng tingin dahil sa hiya.
“Ah, a-ano... b-bakit ka ba kasi bigla-biglang pupunta rito? Teka, pumasok ka nga muna.”
“H-hindi na, ibibigay ko lang naman ‘to.” Napatingin ako sa bagay na inaabot niya. Isang folder.
“Reviewer ‘yan sa lahat ng subjects natin. Aralin mo na lang ha? Good luck sa exam. Sige, una na ‘ko.”
Pagkatapos niyang ibigay sa akin ang folder ng reviewer ay nagsimula na siyang maglakad palayo. Why do I always have to see his back—walking away from me?
“S-salamat, Cyd.”
Lumingon siya tsaka ngumiti sa ‘kin. That smile is the brightest... the warmest that keeps my heart melts. Sa tuwing ngumingiti siya pakiramdam ko nawawala ako sa sarili ko. Hindi ko alam ang gagawin. Para bang napupunta ako sa ibang mundo... sa mundo kung saan siya lang at ako ang nandoon.
Kumaway siya sa ‘kin at muling binanggit ang pangalan ko.
“Kita na lang tayo bukas!”
Cyd, why do you have to be this kind? I know most of the time you annoyed the hell out of me but why are you being like this? Why are you putting such effort? Why are you making me hope for you? Why are you making me deeply inlove with you?
Tears came out. Sabi ko na, hindi ko rin mapipigilan ang mga ito. Bago pa may makakita sa akin ay pumasok na ako sa loob bitbit ang folder na ibinigay sa ‘kin ni Cyd. Napatigil ako at napayakap sa folder na hawak ko.
“Mabanggit ko palang ang pangalan mo, nababaliw na ‘ko. Naaalala ko ang mga ngiti at tawa mo pati ang paraan kung paano ka magsalita... Sumasakit ang puso ko ‘pag naaalala kita, parang gusto kong umiyak... Anong gagawin ko? Anong gagawin ko sa nararamdaman ko para sa ‘yo?”
“Next is Statistics. Your professor said that you can use a scratch paper to solve the answer. Remember, erasure means wrong.” Paalala muli ng proctor namin which is our adviser.
Kinuha ko na ang inaabot na test papers ng nasa harapan ko—si Anthony.
“Dalian mo Larizza, ipasa mo na sa ‘kin. Start na kaya.” Rinig kong sabi ni Cyd na nasa likuran ko.
“Oo, eto na.” Nagulat ako nang paglingon ko mukha niya kaagad ang nakita ko. Bakit naman ang lapit niya sa ‘kin? Dahil sa pagkabigla naisapo ko sa mukha niya ang mga test papers. “S-sorry...”
Inayos ko na ang pagkakaupo ko tsaka sinimulang sagutan ang exam. Makalipas ang isang oras at natapos na kami sa exam. Dumeretso ako sa canteen upang bumili ng pagkain. Laking pagtataka ko nang may dalawang magkaibang bottled juice at sandwiches ang lumitaw sa harap ko kapit ng dalawang magkaibang tao. Napatingin sila sa isa’t isa at ang kanilang mga ngiti ay nawala.
“Ibibigay mo ba ‘yan sa kaniya?” tanong ni Cyd kay Anthony.
“Oo bakit? ‘Yung iyo?”
“Ipapa-inggit ko lang. Sige, mukhang hindi naman siya maiinggit kasi nandyan ka. Alis na ‘ko.” Sinundan ko lamang ng tingin ang lalaking ‘yon. Balak niya akong inggitin? Haler? May pera kaya ako. Kaya kong bilhan ang sarili ko ng pagkain no!
Napansin kong umupo sa tabi ko si Anthony. Inabot niya sa ‘kin ang kanina niya pa hawak na bottled juice at sandwich.
“Kumusta ang exam? Nasagutan mo ba lahat?”
Tumango ako. “Oo, binasa ko kasi ‘yung reviewer na binigay sa ‘kin ni Cyd kaya ayon lahat naman nasagutan ko.”
“Ahhh... Ganun ba? Mabuti naman kung gano’n.”
Idinapo niya rin ang tingin kay Cyd na sa kasalukuya’y papalabas na ng canteen. “Anong masasabi mo kay Cyd?”
Napalunok ako sa biglaang tanong niya. “H-ha? Wala naman. Bakit?”
“Wala ka bang napapansin sa kaniya? Sa mga ikinikilos niya?”
“Bakit? Mukhang wala naman siyang pinagbago. Malakas pa ring mang-asar, insensitive.”
“Ganun ba? Sa tingin ko kasi may kakaiba sa kaniya. Sa mga ikinikilos niya, sa tingin ko may nagugustuhan siyang isang tao.”
Napatingin ako sa kaniya. “Paano mo naman nasabi?”
“Tingin ko nga kilala ko rin kung sino ‘yung nagugustuhan niya, e.”
Lumingon siya sa ‘kin na tila ba kilalang-kilala niya kung sino ang tinutukoy niya pero maliban do’n may nakikita pa ako sa mga mata niya... lungkot.
“Paano kung mangyaring magkagusto sa ‘yo si Cyd? Anong gagawin mo?”
Tila ba nawalan ako ng hininga sa sinabi niya. Hindi ko alam kung bakit nanatiling nakabukas lamang ang bibig ko na imbes na siya’y sagutin, isang malakas na tawa ang nabulalas ko.
“Imposible naman yata ‘yan! Nako! Nagkakamali ka, Anthony! Walang gusto sa ‘kin ang taong ‘yon!” At isa pa, ako ‘yung taong may gusto sa kaniya. Mali ang akala mo, Anthony hindi si Cyd ang may gusto sa ‘kin kundi ako ang may gusto sa kaniya.
“Paano kung totoo? Paano kung mangyaring maliban sa ‘kin pati siya magkagusto sa ‘yo? Paano kung ang dalawa mong katabi iisa ang gusto? Sinong pipiliin mo sa ‘ming dalawa?”
Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang mga tanong na ‘yon. Kahit imposible, paano kung mangyari nga ‘yon? Anong gagawin ko? Sinong pipiliin ko?
“Pero alam mo, tama ka, kahit naman may gusto siya sa ‘yo ang masusunod pa rin ay ikaw. Imposible naman kasing magkagusto ka do’n dahil sabi mo nga malakas mang-asar ang taong ‘yon, insensitive. Mas mataas ang chance ko sa ‘yo, hindi ba?”
“Anthony...”
“Larizza, kahit hindi ako kasing talino ni Cyd, ako, hindi kita sasaktan. Hindi kita paiiyakin.” Hinawakan niya ang kamay ko.
“Sana mabawi ko ‘yung grades ko para payagan mo ‘kong...”
“Teka, Anthony—” Napatayo ako. “Thank you f-for making me as your inspiration pero kasi... I’m sorry...”
Iniwan ko siya at nagsimula na akong maglakad palayo. I never saw it coming. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Hindi ko alam kung anong tamang sasabihin ko. Hindi ko alam kung anong dapat gawin. Basta ang alam ko lang, ‘pag may nagkakagusto sa ‘kin at umaamin, ganito na agad ang reaksyon ko. Bigla ko silang iiwan sa ere...sasaktan.
Nakaramdam ako ng takot—takot na baka masaktan ko ang taong mahalaga sa ‘kin. Paano nga kung isang araw mangyari ang sinabi ni Anthony? Paano kung umamin sa ‘kin si Cyd ng nararamdaman niya, kung meron man, anong gagawin ko? Baka masaktan ko lang siya.
“Larizza!” Napalingon ako sa tumawag sa ‘kin. Tumakbo siya papalapit habang may bitbit-bitbit na paper bag. “Para sa ‘yo nga pala. Hindi ko sa ‘yo naibigay sa bus. Pasensya ka na, ngayon lang.”
Laking pagtataka man ay inabot ko ang binibigay ng roommate ko noon sa tour—si Patricia.
Hindi ko inaasahan na bibigyan niya ako ng regalo lalo’t magkakasama naman kami sa tour kaya hindi na kailangan pang mag-abala. Isang magandang sumbrero ang nakita ko sa loob.
“Salamat ha? Pero nakakahiya man, pasensya ka na wala akong naihanda para sa ‘yo. Next time, bibigyan din kita ng regalo.”
“Nako, hindi na kailangan. Maliit na bagay lang ‘yan kung ikukumpara mo kay Cyd.” Ngumiti siya. Kumunot ang noo ko. “Ha? A-anong ibig mong sabihin?”
“Balita ko kasi umamin na sa ‘yo si Anthony so it means, sa kaniya ka na. So ibig sabihin din no’n, sa ‘kin na si Cyd.” Lumabas ang kakaibang ngiti niya. Kung kanina mala-anghel ang aura niya ngayon kaunti na lang susulyap na ang mga pangil niya.
“Gano’n ba ‘yon? ‘Pag umamin ba sa ‘yo ang tao sa kaniya ka na? Paano ba ‘yan mukhang naunahan kita kay Cyd.”
“Anong ibig mong sabihin?” Tanong niya.
“Alam na niya ang nararamdaman ko, wala na siyang ibang dapat gawin pa sa nararamdaman mo kundi ibasura.” Hindi ko alam na makakapagsalita ako nang ganito sa kaniya. Akala ko naman kasi kung sinong mabait, nasa loob din pala ang kulo. Ang lakas ng loob niyang gawing kapalit si Cyd para sa isang regalo.
“A-anong sabi mo?” Napatingin ako sa nagsalita. Si Cyd. Kitang-kita ko sa mukha niya na hindi siya makapaniwala sa narinig ko. Teka--! “Wala na siyang ibang dapat gawin pa sa nararamdaman mo kundi ibasura? Talaga ba? Ha? Larizza?” Pag-uulit niya sa sinabi ko.
“T-teka Cyd, mali ang iniisip mo!”
“Anong mali? Rinig na rinig ko! Kahit papa’no naman no naglinis ako ng tenga! Anong akala mo sa ‘kin? Basta ko na lang binabalewala ang mga taong may nararamdaman para sa ‘kin? Gano’n ba ang pagkakakilala mo sa ‘kin? Na porke’t mas maganda ka kay Patricia, hindi ko siya pwedeng piliin? Sa tingin mo ba talaga ibabasura ko na lang nang basta-basta ang nararamdaman ng isang tao para sa ‘kin?”
Iniwas ko ang tingin ko. Alam ko, dapat hindi ako nasasaktan kasi alam ko naman sa sarili kong malaking hindi pagkakaintindihan lang ‘to pero hindi ko maiwasan. Ganoon naman din ang ginawa niya sa nararamdaman ko, hindi ba? Binalewala niya. Ginawa niyang isang biro. Binasura niya. Kaya hindi niya ako masisisi kung ganito ang isipin ko.
Bakas sa mukha ni Cyd ang galit na tipong pinipigilan niya lang ang kaniyang sarili na duru-duruin ako. Alam ko naman e, nakikita ko sa mga mata niya na sobrang disappointed siya sa 'kin. Pero tama ba 'yon?
“Nagkakamali ka sa tinutukoy mong mahilig magbasura ng nararamdaman ng tao, baka ‘yung sarili mo ‘yung tinutukoy mo, hindi ako! Kaya hindi agad ako naniwala nang sinabi mong gusto mo ako kasi kilala kita, hilig mong paglaruan ang mga damdamin nila! Pagkatapos mong malaman na may gusto sa ‘yo ang taong gusto mo, babalewalain mo na. Hindi ka dapat minamahal, Larizza. Hindi kita dapat minamahal.”
Nadurog ang puso ko sa narinig ko mula sa mga labi niya. Ayoko sa lahat ng maririnig ko ay ang pagsisisi... Pagsisising minahal ako ng isang tao lalo na't nanggaling sa kaniya... Ang unang taong minahal ko. Ang sakit pala no? Ito na siguro 'yung sinasabi nilang karma ko.
Walang naglakas ng loob tumulo ni isang patak ng luha sa mga mata ko. Hiniyaan ko na lang silang dalawa na mawala sa paningin ko samantalang ako, naiwang mag-isa... miserable.
Naalala ko na naman siya. Bukod tanging lalaking malapit sa ‘kin noon. Siya lang naman ang may alam ng nangyayari sa buhay ko dahil siya lang ang nasasabihan ko. Kilala niya ako... buong pagkatao ko. Lahat ng mga lalaking dumaan sa buhay ko, na umaamin sa akin tapos pinaglalaruan ko. Dapat lang naman kasi sa kanila ‘yon, dapat makaranas sila ng sakit para malaman nila na hindi lahat ng babaeng gusto nila nakukuha nila. At sa mga ginagawa ko, makikilala ko ang totoong magmamahal sa ‘kin. Makikilala ko kung may totoong kayang makatiis sa ‘kin. Kaibigan ko siya noon, ngunit nagkahiwalay din kami dahil sa naging issue between our parents kaya wala kaming nagawa kundi piliing layuan ang isa't isa. Alam ko lalong tumindi 'yung pagmamahal ko sa kaniya dahil sa sobrang pagka-miss ko sa kaniya. 'Yung tipong gusto ko siyang yakapin nang mahigpit. Gusto kong guluhin ang buhok niya. Gusto kong pisilin ang pisngi niya hanggang sa mamula. Gusto kong hawakan at paglaruan ang kamay niya. Pero ngayon, malabo ko nang magawa pa ang mga 'yon dahil galit siya. Hindi ko alam kung magkakaayos pa kami. Naalala ko pa 'yung pang-aasar niya sa akin noon na ang hirap kong abutin dahil mataas ang standards ko sa mga lalaki.
Oo, ang hirap ko talagang abutin. Kung meron nga lang maglalakas-loob na abutin ako kahit hindi niya ako abot, handa ko namang iabot ang mga kamay ko sa kaniya. Handa akong bumaba para sa kaniya. Kasi kapag mahal mo ang isang tao at alam mo sa sarili mong totoo ang nararamdaman mo, lahat magagawa mo para sa kaniya. Kahit na hindi ka sigurado kung panandalian lang o magtatagal, basta mahal mo siya ‘yon ang mahalaga.
Oo, abnormal ako. Ayokong nagkakagusto sa ‘kin ang taong nagugustuhan ko pero sana kahit sinabi ko sa ‘yo ‘to, magkaraoon ka pa rin ng lakas ng loob na sabihin ‘yung totoong nararamdaman mo. Na kahit alam mong sasaktan kita, handa ka pa ring sumugal at masaktan para sa 'kin. Kasi kahit abnormal ako, maiintindihan kita. Natuto na ako. Hindi ko na gagawin pa ang parehong pagkakamali ko noon.
Cyd, kung bibigyan ako ng pagkakataong pumili... Kahit masaktan ako... Kahit maghintay ako nang mahabang panahon... Kahit mawalan na ako ng pag-asa... Kahit hindi na sumang-ayon sa akin ang tadhana... Pipiliin kita. Cyd, totoo 'yung nararamdaman ko para sa 'yo... Mahal kita.
THE END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top