Chapter 5

"Catálina . . . pasyensya na talaga- " ani ni Akim ngunit pinutol niya ang sasabihin nito.

"Akim, hindi ako galit at hindi ko rin sinisisi ang sinuman sa inyo. Alam ko na ang ikabubuti lamang ng lahat ang nais ng iyong Ama," wika niya dito habang binibigyan ito ng matamis na ngiti.

Kasalukuyan siyang namamaalam sa mga taong naging malapit sa kaniya sa ilang linggo ng pagtira niya dito. Nakatayo si Anwar malapit sa isang itim na kabayo at inip na nakatingin sa kanila.

Nagulat siya bigla ng lumapit si Kahali sa kaniya at nilahad ang isang maliit na kutsilyo. Nahihiya pa ito at iniiwasan ang kaniyang mga mata.

"Para saan ito?" tawang tanong niya dito.

"Pa-Para proteksyon mo," nahihiya nitong ani. "May pagka-tanga ka rin kasi at baka kung ano-anong mga problema ang mangyari sa iyo," malakas nitong sabi na para bang pinapakita sa kaniya na wala talaga itong pakialam.

Tago siyang ngumiti at tinanggap ang kutsilyong binigay nito. Mukhang nag-aalala rin pala ito sa kaniya. Masyado lamang talaga itong mapagmalaki kaya nahihiyang ipakita ang totoong damdamin nito.

Lumapit naman si Salam sa kaniya at may binigay na kabayo. Puti ito at halatang alagang-alaga.

"Gamitin mo," ani nito sa mababang boses. Nagulat siya sapagkat unang beses niyang narinig ang boses nito. Sinuklian na lamang niya ito ng ngiti at nagpasalamat.

Maya't-maya ay may maliit na pigurang mahigpit na yumakap sa kaniya. Ibinaba niya ang tingin dito at nakita ang maluha-luhang si Mayan. Sa katunayan ay kagabi pa ito yakap ng yakap sa kaniya. Sa silid na niya ito natulog kagabi dahil tila ayaw siyang bitawan nito.

Lumuhod siya para mapantayan ito at nilukob ang mukha ng bata gamit ang kaniyang dalawang kamay. Pinunasan niya ang tumutulong luha sa mga mata nito at nginitian ng pagkatamis-tamis.

"Huwag kang umiyak, Mayan. Nalulungkot ako kapag malungkot ka," lambing niyang sabi dito.

Napamahal na siya kay Mayan. Hindi niya maintindihan ngunit parang hinahanap-hanap ng sistema niya ang pag-aalaga ng bata. Na para ba siyang ina na pinagkaitan ng pagkakataong magka-anak.

"Bilisan niyo diyan! Kailangan nating magmadali!" sigaw ng inip na inip na si Anwar.

Tiningnan niya ito ng masama ngunit tinitigan lamang siya nito pabalik. Napairap na lamang siya ugali ng lalake.

Matapos mapatahan si Mayan ay tumayo na siya at lumakad papunta sa puting kabayo na binigay sa kaniya ni Salam. Tinulungan siya ni Akim para makasakay dito. May binigay rin ang mga ito na isang tela na tinali upang maging sisidlan. May mga laman itong pagkain at ilang damit para pamalit niya sa mahabang paglalakbay.

Habang papalayo sa tribo ay kumaway siya sa mga ito. Mga malulungkot na mukha ng Datu at ng mga anak nito ang pinakahuli niyang naaninag. Nang puro puno na lamang ang nakikita niya ay tinutok niya ang atensyon sa daan. Nag-iisip siya ng plano kung paano makatakas.

Mainam sana kung si Anwar lamang ang kasama niya ngunit may mga kasama rin silang mga tao galing sa tribo ni Datu Dalapati. Nalaman niya kagabi na binigyan ng lupain ni Datu Lapu Lapu si Anwar upang pamunuan. May mga nakatira na doon ngunit kakaunti lamang kaya naman nagtanong siya sa tribo ng ama kung sino ang nais manirahan sa lupain nito.

Sa totoo nga lamang ay hindi niya maintindihan kung bakit pa kailangang pahirapan ni Anwar ang sarili. Panganay ito at tiyak na ito ang magmamana at mamumuno kasunod ni Datu Dalapati ngunit mas gugustuhin nitong gumawa ng sariling tribo at magsimula hanggang sa pinakauna.

Hinanap niya ang pamilyar na pigura ng lalake at nakita na nasa unahan ito. Nakasunod dito ang mga pamilya na nagdesisyong sumama sa paglalakbay nila at lumipat sa lupain ni Anwar. Nakasunod siya sa mga ito at nasa likod niya ang iilang mandirigma na sumama kay Anwar.

Hindi ako madaling makakatakas . . . masyadong maraming tao.

Pinag-aralan niya ang paligid at gumawa ng plano upang makatakas.

¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤
Nakakunot lamang ang noo ni Anwar habang mariing nakatingin sa daan.

Hindi ganito ang inaasahan niya.

Ang plano niya ay manatili sa tribo ng ama ng ilang linggo bago bumalik sa lupain na pinagkatiwala ni Datu Lapu Lapu sa kaniya. Kung hindi lamang dahil sa dalang problema ng babaeng puti na iyon ay sana nakapagpahinga pa siya ng ilang araw ngunit narito na naman siya at naglalakbay.

Lumingon siya sa likod at hinanap ang pigura nito. Hindi naman siya nahirapan dahil sa kulay ng balat ng babae. Napakaputi nito at aakalain mong multo kung saglit mong makita ito sa gabi.

Seryoso lamang niya itong tinitigan at nang lumingon ito sa direksyon niya ay hindi siya kumawala sa pagkakatingin dito. Mukhang nagulat naman ito dahil sa kaniyang ginawa ngunit nais niyang malaman ng babae na matindi niya itong binabantayan at hindi ito makakatakas sa kaniya. Hindi mapakali itong lumihis ng tingin sa kaniya. Siguro ay dahil hindi nakayanan ang kaniyang mga titig.

Dahil sa ibang direksyon na ito nakatingin ay malaya niyang napag-aralan ang mukha ng babae.

Maganda ito. May mukha itong aakalain mong pang-anghel ngunit hindi niya tipo ang pagiging masyado nitong maputi. Para itong patay dahil sa kulay nito at aakalain mong walang buhay, ngunit aaminin niya na bagay dito ang sarong na suot nito. Ito ang unang beses na nakakita siya ng Kastila na nakasuot ng damit ng kanilang lahi.

"Lapitan mo kaya. Hindi iyang nakatutok ka lamang magdamag sa kaniya," biglang ani ni Hadil sa gilid niya. Mukhang napansin nito ang patuloy niyang pagtingin sa puting babae.

Matalik niyang kaibigan si Hadil at naging kanang kamay niya sa lahat ng mga bagay. Simula pa pagkabata ang kanilang pagiging kaibigan at kilalang-kilala na siya nito.

Ipinilig niya ang kaniyang ulo at tumingin ng diretso sa unahan. Tumawa lamang si Hadil sa gilid niya at mukhang tuwang-tuwa dahil sa naging reaksyon niya.

Buong durasyon ng paglalakbay nila ay pinilit niyang huwag lumingon muli sa likod dahil ayaw niyang pagtawanan muli ni Hadil ngunit hindi niya talaga mapigilan ang sarili kaya naman nilingon niya ang pwesto kung saan huli niyang nakita ang babaeng puti na may kausap na dalaga.

Bumilis ang tibok ng puso niya ng makitang wala na ang babae doon.

Agad-agad niyang inutusan ang lahat na tumigil at iginiya ang kabayo niyang pumunta sa pinakalikod. Sinuyod ng mata niya ang iba pa nilang mga kasama sa paglalakbay at nakitang hindi kasama ng mga ito ang banyaga.

"Tang-ina! Catálina!" galit niyang sigaw na nakapagpabigla sa lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top