Chapter 4

Author's Note: Dedicated to @Zy22believer. Salamat sa pagbabasa ng story na ito at pagsuporta sa mga kwentong sinusulat ko! Nakaka-motivate ang comment mo. 😊



"Niligtas namin siya ni Kahali habang papauwi kami dito," kalmadong sagot ni Akim ngunit mas hinarang pa nito ang katawan sa pagitan niya at ng nanggagalaiting si Anwar.

"Niligtas?! Bakit niyo naman ililigtas ang puting babaeng iyan?! Nahihibang ka na ba?! Mang-aagaw ng lupain ang lahi niya!" sigaw nito kay Akim.

Aaminin niya na nakakatakot ito ngunit hindi niya maatim na pakinggan lamang ang pang-iinsulta nito sa kaniya kaya pilit niyang pinatabi si Akim upang makalapit siya sa walang galang na lalake. Kahit na nakatingala siya dito dahil sa taas nito ay dinuro niya lamang ang daliri niya sa lalake.

"Mahiya ka naman, lalakeng walang galang! Hindi dahil may ginawang hindi kanais-nais ang ilan sa kalahi ko ay maaari mo na kaming lahatin! At may pangalan po ako! Catálina! Hindi puting babae!" inis na sigaw niya dito na mas nakapagpakunot sa noo ng higanteng lalake sa harapan niya. Siguro ay nagtataka kung bakit nakaya niyang sagut-sagutin ito.

Hinawakan ni Akim ang braso niya at pilit siyang pinapalayo kay Anwar. Para ata siyang kuting na nakikipag-away sa isang tigre dahil sa mga titig ng mga tao sa kaniyang paligid.

Kaysa sundin ang sinasabi ni Akim na tumahimik at lumayo na lamang siya ay mas lumapit pa siya kay Anwar at nakipagtitigan dito. Mas bumilis ang kabog ng puso niya habang diretsong tinitingnan ang mga mata nito.

Ang ganda ng mga mata niya.

Kulay itim ang mga iyon. Napaka-itim at tila nakatingin siya sa isang mundo na walang liwanag. Ang noo nitong nakakunot at ang matigas nitong baba ay mas nakapagdagdag sa karisma nito.

Naipilig niya ang ulo dahil sa naisip.

Pinagpapantasyahan ko ba ang lalakeng ito?

Magsasalita na sana si Anwar at mukhang hindi papatalo sa kaniya ngunit bigla nilang narinig ang boses ni Datu Dalapati. Mukhang kakalabas pa lamang sa bahay nito. Hinila siyang muli ni Akim papunta sa likod nito. Siguro para masalo nito ang galit ni Anwar sakaling lumingon itong muli sa kaniya.

"Anwar! Bisita natin siya kaya matuto kang gumalang!" galit na ani ng Datu.

"Ama! Pati ba naman ikaw?! Alam mo mismo ang problemang dala ng mga kalahi ng babaeng ito! Hindi sila dapat bigyan ni katiting na tulong!" balik na sigaw ni Anwar sa ama habang dinuduro pa ang direksyon kung nasaan siya.

"Alam ko na may alitan ang lahi natin sa mga kalahi niya ngunit hindi iyon sapat na dahilan para pabayaan natin siya," paliwanag ng Datu sa nanggagalaiting Anwar.

Nilingon muna nito ang kaniyang direksyon bago nagpatuloy sa pagsasalita, "At saka hindi na rin naman magtatagal si Catálina dito . . . Nagpadala ng mensahe si Rajah Humabon. Narinig siguro nito ang balita tungkol kay Catálina at kinumpirma nito na dapat nasa pangangalaga nito ang banyaga."

Rajah Humabon?

"Ama, paano naman nasabi ni Rajah Humabon na kaniya si Catálina?" nagtatakang tanong ni Akim sa Datu.

"Si Catálina ang pinangako ng mga Kastila na babaeng ipapakasal kay Rajah Humabon upang maipakita ang pagsasanib ng dalawang lahi," sagot ng Datu na nakapagpatahimik sa kanilang lahat.

Nakatingin ang lahat sa kaniya na parang hinihintay ang magiging reaksyon niya. Sa loob-loob niya ay may naramdaman siyang takot. Hindi niya alam kung bakit ngunit sinisigaw ng katawan niya na tumakbo at tumakas.

Iyon ba ang dahilan kung bakit naglalakbay ako kasama ng mga kalahi ng Datu? Tumatakas ba ako? At kung iyon nga ang nangyari . . . bakit ako gustong patayin ng mga kalahi ko?

Unti-unti ay tumingin siya kay Datu Dalapati. Pinilig niya ang kaniyang ulo habang mariing nagsabing, "Hindi maaari. Hindi ko nais na bumalik doon."

"Catálina . . . wala kaming magagawa. Nagbanta si Rajah Humabon na aatakihin niya ang tribo namin kung hindi ka namin maibabalik sa kaniya. Tinuring na kitang parang anak. Lalong-lalo na at wala akong anak na babae ngunit hindi ko kayang isakripisyo ang kaligtasan ng nasasakupan ko para lamang sa iyo," pagpapaliwanag sa kaniya ni Datu Dalapati. Makikitaan ng kalungkutan ang mga mata nito.

Naiintindihan niya ang sinasabi nito. Kahit pa man na naging malapit na rin sila sa isa't-isa habang nandito siya sa pangangalaga ng Datu ay mas mahalaga pa rin ang mga nasasakupan nito.

"May isang solusyon akong naiisip. Magagalit pa rin si Rajah Humabon ngunit mawawalan siya ng karapatan sa iyo," ani ng Datu na nakapagpalinga sa lahat dito. "Mawawalan lamang siya ng karapatan sa iyo kung may isang anak ng Datu na magpapakasal sa iyo," dagdag nito na mas nakapagpatahimik sa kanilang lahat.

Ibig bang sabihin nito na dapat akong magpakasal sa isa sa mga anak nito?

Napalingon silang lahat kay Mayan dahil tinaas agad nito ang kamay.

"Ako, Ama! Handa akong pakasalan si Ate Catálina upang hindi siya mapaalis dito!" matapang na ani ng bata.

"Mayan, hindi ka maaari. Masyado kang bata para kay Catálina," ani ng Ama nito na nakapagpalungkot sa bata. Hina nitong binaba ang nakataas na kamay at humawak na lamang sa kaniyang braso.

Lumingon siya kina Kahali at Salam ngunit alam niyang wala siyang maaasahan sa dalawa. Napansin niyang itataas na sana ni Akim ang kamay nito ngunit pinigilan niya ito.

Alam niyang may mahal na itong babae. Naikwento nito iyon sa kaniya noon at naghihintay lamang talaga daw ito ng tamang pagkakataon para umamin. Ayaw niyang maging marangal ang lalake at saluhin siya kahit na alam nitong mawawala ang babaeng mahal nito sa kaniya.

Mahina niyang pinilig ang ulo nang takang tumingin ito sa kaniya. Mukhang naintindihan naman nito ang ibig niyang ipahiwatig.

"Ikaw Anwar?" tanong ng Datu sa nakakatandang anak. Tumingin ang lahat sa lalake at hinihintay ang sagot nito.

"Wala akong planong tulungan ang babaeng puti na iyan. Hayaan mo siyang bumalik kay Rajah Humabon," sabi nito. Ramdam niya na wala talaga itong pakialam sa kaniya.

Malungkot na tumingin muli ang Datu sa kaniya.

"Ipagpaumanhin mo na Catálina ngunit wala talaga tayong magagawa. Kailangan mo ng bumalik kay Rajah Humabon. Bukas na bukas ay ipapahatid kita kasama ang ilan sa aking mga mandirigma," ani ng Datu sa kaniya. Mahinang tumango na lamang siya at tinanggap ang naging desisyon ng mga ito.

Tatakas na lamang ako habang naglalakbay kami . . .

"Ako na lang ang maghahatid sa kaniya, Ama," boluntaryong wika ni Anwar. Taka siyang tumingin dito dahil sa sinabi nito ngunit nagulat siya na nakatingin na pala ito ng diretso sa kaniya. Ang mga mata nito ay parang nag-aapoy at may damdaming hindi niya maipaliwanag habang nakatingin siya dito.

Anong plano ng lalakeng ito sa kaniya?

¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤

QUICK FACTS:

Rajah Humabon – King of Cebu who became an ally of Ferdinand Magellan and the Spaniards. Rival of Datu Lapu-Lapu. In 1521, he and his wife were baptized as Christians and given Christian names Carlos and Juana after the Spanish royalty, King Carlos and Queen Juana.

Sa story na ito ay walang asawa si Rajah Humabon at maraming bagay tungkol sa kaniya ang hindi ko ilalagay dito. Talagang nainspire lang akong gamitin ang name niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top