Chapter 19

Kinakabahan siya.

Hindi niya alam kung bakit pero talagang kinakabahan siya.

Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na pangalawang beses na niya itong ikakasal kaya dapat hindi na siya kabahan pero hindi pa rin mapawi-pawi ang pakiramdam na iyon sa loob-loob niya.

Sa katunayan ay wala siyang matandaan sa kasal nila ni Isagani.

Hindi niya iyon pinansin noon dahil akala niya ay dahil lang sa takot na naramdaman niya kaya niya hindi matandaan ang nangyari. Ngunit ngayon, imposible mang isipin pero parang may ibang tao sa katawan niya nang mga oras na iyon.

Pinilig niya ang kaniyang ulo para mawala ang isipin na iyon.

Itinuon niya na lang ang pansin sa nangyayari ngayon.

Kasalukuyang nakaupo siya sa mga kawayan na nakapatong sa mga balikat ng mandirigma ni Anwar. Nasa likuran niya ang lalake at nakaupo rin sa pinagdikit na kawayan. Papunta daw sila sa bahay ng babaylan at doon daw magaganap ang seremonyas.

Gusto niyang tingnan ang mapapangasawa pero nahihiya siya kaya naman itinuon na lang niya ang atensyon sa suot.

Napakaganda nito. Punong-puno ng mga ginto at kada natatamaan siya ng sikat ng araw ay kumikinang iyon. Ganoon rin ang suot ni Anwar.

Kani-kanina habang tinutulungan siyang magbihis ni Lola Anada ay niyakap siya ng matanda at hinabilinan ng mga payo.

Isang linggo pa lamang silang nagkakilala ngunit parang totoong anak na ang turing nito sa kaniya kaya naman naiyak siya sa tuwa habang kausap si Lola Anada kanina.

Naiparamdam ng matanda sa kaniya ang pakiramdam ng magkaroon ng pamilyang totoong nagmamahal sa kaniya sa loob ng isang linggo lamang.

Isang bagay na hindi nakayang gawin ng mga magulang niya sa dalawangput' dalawang taon niya bilang si Analyn.

Napukaw siya mula sa malalim na pag-iisip nang makarating na sila sa bahay ng babaylan. Inilapag siya ng mga mandirigma ni Anwar at tinulungang makatapak ng maayos sa lupa.

Naipaliwanag na ni Lola Anada sa kaniya kung ano ang babaylan.

Ika ng matanda ay ang mga ito ay dalubhasa sa pakikipag-usap, pag-tatawag, o paggamit ng mga espiritu ng patay at mga espiritu ng kalikasan. Sila rin minsan ang nagsisilbing tulay para makausap ang mga diyos o diyosa na pinaniniwalaan ng mga tao sa panahong ito. Para bang mga pari sa panahon niya pero ika ni Lola Anada ay may mga kapangyarihan ang mga babaylan.

Bigla niyang naramdaman ang kamay ni Anwar sa kaniyang kanang braso kaya naman napatingin siya sa lalake.

Nagtama ang mga mata nila at may hindi maipaliwanag na damdamin na nakita niya sa mga mata nito.

Mahina siyang iginiya ng lalake na pumasok sa loob ng bahay ng babaylan.

Nakaupo ang babaylan sa may gitnang bahagi ng bahay na iyon. Kitang-kita pa rin niya ang mga taong nagkukumpulan sa labas at pinapanood ang pag-iisang dibdib nila ni Anwar dahil hindi napapalibutan ng mga dingding ang bahay ng babaylan. Nakabukas lamang iyon.

Kinakabahan man ay sinunod niya si Anwar nang sinabi nitong kailangan nilang paupong lumuhod sa harapan ng babaylan.

Matinding katahimikan ang maririnig sa paligid.

Nakapikit lamang ang babaylan kaya napaisip siya kung natutulog ba ito. Kung hindi lang ito nakaupo ay pagkakamalan niya talagang tulog ang babae sa harapan.

Pinagmasdan niyang mabuti ang mga puting marka sa mukha nito. Para itong ginuhit gamit ang abo o kung ano mang puting bagay.

Mahina siyang napatalon mula sa kinauupuan nang biglang bumukas ang mata ng babaylan at diretsong nakatingin sa kaniya.

Nakakatakot ito at parang gusto niyang tumakbo dahil sa mga titig nito sa kaniya.

"Hindi ka tagarito.", mababang ani nito na bumasag sa katahimikan.

Sasagutin na sana niya ito na Kastila siya kaya naman may kaputian siya kumpara sa iba ngunit mabagal itong lumapit sa kaniya habang pinagmamasdan ng mabuti at bumulong sa kaliwang tenga niya.

"Anong taon ka nanggaling, Analyn.", tanong nito sa kaniya pero hindi patanong ang tono ng boses nito.

Para bang alam na nito ang sagot at gusto lamang siyang pagkatuwaan dahil sa sinabi nito.

Agad-agad siyang napalingon kay Anwar at nakitang nakakunot ang noo nito. Mukhang narinig rin nito ang binulong ng babaylan dahil agad itong nagtanong.

"Bakit mo alam iyon?", madiin nitong ani.

Lumingon ang babaylan sa direksyon ni Anwar at nanlolokong ngumiti.

"Nakikipaglaro ka sa apoy, Datu Anwar. ", mapanuya nitong wika. "Alam mo namang malaki ang tiyansa na iwan ka ng babaeng ito. Hindi niya panahon ito at dadating ang araw na babalik siya sa totoo niyang katawan."

Nagpapasalamat siya dahil hindi kalakasan ang tinig ng babaylan dahil hindi iyon rinig ng mga nanonood ng kasal nila ni Anwar. Mukhang nagtataka ang mga iyon kung bakit hindi pa sila nagsisimula.

"Wala akong pakialam kahit si Sidapa pa ang kalaro ko.", saad ni Anwar sa mababang boses. Mukhang nagpipigil ng galit.

(Sidapa - God of Death)

Hindi pinansin ng babaylan ang sinabi ni Anwar, bagkus ay lumingon itong muli sa kaniya na nagpataas ng balahibo niya.

"Kaya kitang pabalikin sa panahon mo, Analyn. Makakabalik ka na sa asawa mong si Isagani. Gusto mo pa bang matuloy ang kasal?", wika nito sa kaniya.

Kaya niya akong pabalikin?

Agad niyang naisip ang mga plano niya sakaling makabalik sa totoong katawan.

Pinangako niyang magiging mabuti na siyang asawa kay Isagani.

Pinangako niyang aaminin na niya sa asawa ang lahat-lahat ng tinatagong sekreto.

Pinangako niyang susubukan na niyang mahalin si Isagani.

Ang rami niyang plano at pangako sa sarili ngunit nabura lahat ng iyon nang mapalingon siyang muli kay Anwar at nakitang nakakuyom ang mga kamao nito.

Hindi ito nakatingin sa kaniya ngunit alam niyang ang atensyon nito ay nasa sagot na sasabihin niya.

Sumasakit ang ulo niya sa pag-iisip nang sasabihin.

Nasa harapan na niya ang sagot sa mga problema niya.

Pwede na siyang makabalik.

Pwede na niyang balikan at ayusin ang buhay niya kasama si Isagani.

Pwede na niyang itama ang lahat ng pagkakamali niya.

Pwede na niyang mahalin ng buong-buo si Isagani...

Ngunit habang pinagmamasdan niya ang nanggagalaiting porma ni Anwar ay tila sinasabi ng kaniyang sarili na ayaw na niyang bumalik.

Gusto na niya dito.

Mahal na niya ang lalake at ayaw niyang iwan ito.

Matapang siyang lumingon sa babaylan at nagwika, "Itutuloy po natin ang kasal."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top