Chapter 17

"Nahihibang ka na ba?!", hindi makapaniwalang sigaw niya kay Anwar. "Gusto kong makatakas mula kay Rajah Humabon dahil ayaw kong magpakasal sa kaniya. Ngayon naman ay pagpapakasal sa iyo ang nais mong gawin ko?!"

"Bakit hindi?", nagtataka nitong tanong pabalik sa kaniya na parang walang katuturan ang tanong niya. "Iyon rin naman ang minungkahi ni Ama noon. Gawin natin ngayon.", dagdag nitong wika.

Napanganga siya dahil sa sinabi nito.

Akala ko ba ay ayaw na ayaw nitong magpakasal sa akin?

"Noong minungkahi ni Datu Dalapati ang pagpapakasal ko sa isa sa inyo at tanungin ka nito kung gusto mong magpakasal sa akin ay halos sumuka ka sa harapan ko dahil sa kaisipan na iyon. Anong nakain mo at nag-iba ang isip mo?", tanong niya dito.

Tiningnan muna siya nito mula ulo hanggang paa bago nagsalita.

"Mapagtitiisan ka na bilang asawa.", parang walang pakialam nitong sabi.

Napakawalang-hiya nitong lalake na ito!

"Aba't nahiya naman po ako sa inyo! Anong akala mo? Ipagpapasalamat ko sa Diyos na gusto mo akong pakasalan?!", sarkastikong sagot niya dito.

"Bakit ba ayaw na ayaw mong sumang-ayon sa pagpapakasal na mungkahi ko?", inis nitong tanong. "Dahil ba sa asawa mo?! Dahil ba kay Isagani?!", galit nitong dagdag.

Napatigil siya bigla dahil sa sinabi nito.

Binuka niya ang kaniyang bibig para sumagot ngunit nagsalitang muli si Anwar.

"Mahal mo pa ba siya?", halos pabulong na nitong tanong.

Ang kaninang sasabihin niya sana ay nilunok na lamang niya.

Wala siyang masagot dito dahil alam niya sa sarili niya na kung bibigyan siya ng pagkakataon na bumalik sa katawan niya ay gagawin niya talaga iyon.

Napagtanto na niya na ang rami niyang dapat ipagpasalamat sa Diyos lalong-lalo na dahil binigay nito si Isagani sa kaniya.

Kung makakabalik man siya ay ibibigay na niya ng buong-buo ang puso niya sa lalake.

Hanggang ngayon ay nag-aalala pa rin siya kung ano na ba ang nangyari dito. Pinagdadasal niya sa Diyos na hindi siya namatay sa orihinal niyang panahon at baka natutulog lamang siya.

"Mahal mo pa siya.", ani ni Anwar na parang sinasagot ang sariling tanong nito kanina.

Napatingin siya dito at parang nakita niya ang galit sa mata nito ngunit agad nito iyong tinago at pinalitan ng malamig na ekspresyon nito na palagi niyang nakikita sa mukha nito.

Katahimikan ang bumalot sa pagitan nilang dalawa.

Hindi niya alam ang sasabihin kaya naman napili na lang niyang tumahimik.

Maya-maya ay inutusan na siya ni Anwar na sumakay sa kabayo at kailangan daw nilang makalayo mula sa lupain ni Rajah Humabon.

Tiyak na maaalarma ang mga ito kapag nalaman nilang nakatakas siyang muli.

Nang nakasakay na siya sa kabayo ay sumunod na si Anwar sa pagsakay.

Hindi niya maintindihan ngunit nanlulumo siya dahil sinigurado ni Anwar na malayo sila sa isa't-isa. Tila ba ayaw nitong magkadikit ang balat nilang dalawa.

Mga ilang oras na rin ang lumipas habang naglalakbay sila at sa tantiya niya ay hatinggabi na. Malayo-layo na rin sila sa lupain ni Rajah Humabon.

Hindi pa rin siya kinikibo ni Anwar at tanging ang tunog mula sa mga yapak ng kabayo ang maririnig kaya nagulat siya nang bigla itong nagsalita.

"Ano bang klaseng lalake si Isagani?", mahina nitong tanong sa kaniya.

Hindi siya kaagad nakasagot dahil hindi siya sigurado kung talagang tinanong siya ng lalake o baka imahinasyon niya lamang iyon.

Tumikhim muna siya bago nagsalita.

"Mabait.", mahina rin niyang sagot. "Siya yung tipo ng lalake na kapag mapasaiyo ay hinding-hindi mo na gustong pakawalan.", dagdag niya.

Hindi umimik si Anwar kaya naman nagpatuloy siya.

"Siya yung tipo ng lalake na kayang itapon ang lahat kahit pa ang pangarap niya para lamang sa babaeng mahal nito.
Siya yung tipo ng lalake na maalaga. Maaga siyang gumigising para makakuha ng sariwang gatas ng baka para sa akin. Nagagalit kapag nagbubuhat ako ng mabigat. Hindi nakakatulog kapag may sakit ako. Tinitiis ang mga luto kong monggos na araw-araw kong pinapakain sa kaniya.
Siya rin yung tipo ng lalake na simple lang ang kasiyahan... Ipagluto mo lang ng agahan ay masayang-masaya na... Kapag ngumingiti nga lamang ako ay sinasabihan na akong pinakamagandang babae sa mundo...", ngiting saad niya habang tinatanaw balik ang mga alaala niya kasama si Isagani.

"Siya yung tipo ng lalake na kapag pinakawalan mo ay pagsisisihan mo ng habang-buhay.", mahina niyang dagdag dahil natandaan niya rin kung gaano siya katanga upang hindi man lang bigyan ng atensyon noon si Isagani.

Pinapangako niya sa sarili niya na babawi siya sa asawa kapag nakakita na siya ng paraan para makabalik sa panahon niya.

Bumalot na naman ang katahimikan sa pagitan nila ni Anwar kaya naman akala niya ay hindi na ito muling magsasalita.

"Gusto mo bang maging ganoon rin ako?", mahinang saad ni Anwar na nagpabiglang muli sa kaniya. "Papayag ka na bang maging asawa ko kung maging si Isagani rin ako?", dagdag nitong tanong sa kaniya.

A-anong ibig sabihin ni Anwar?

Hindi pa man siya nakakabawi sa pagkagulat mula sa tinanong nito ay nabigla na naman siya dahil hinila siya nito papalapit at niyakap. Inihilig nito ang kaniyang ulo sa dibdib nito gaya ng nakagawian niyang gawin noong naglalakbay pa silang magkasama.

"Matulog ka na. Kapag nakauwi na tayo sa lupain ko ay magpapakasal na tayo.", ani nito habang mas hinihigpitan pa ang pagkakayakap sa kaniya. Maingat nitong hinalikan ang gilid ng kaniyang ulo at hindi na muling nagsalita.

Naiwan siyang nagtataka at hindi pa rin makapaniwala.

Anong nangyari?

Nagtapat ba ito sa kaniya?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top